10. Discovery
“Mamimiesta kami sa bayan,” balita ni Gideon kay Evangeline isang araw na abutan siya nito na naglilikom ng mga binilad na daing sa likod-bahay. Tinulungan siya nito sa ginagawa niya. “’Sama ka sa ‘min. Ipagpaaalam kita sa mama at papa mo.”
“Kung maaabutan mo sa bahay namin ang papa ko, sige.”
Napatitig si Gideon sa kanya. “Merong problema na hindi mo sinasabi sa ‘kin.” Pahayag iyon at hindi tanong.
“Matagal mo nang alam ang tungkol do’n. Ang pagkakaiba lang ngayon, mas matagal na ang inilalagi ni Papa sa babae niya kesa sa ‘min.”
Hinawakan nito ang kamay niya. Pinisil. “Paano nakakaya ‘to ng mama mo?”
“Martir kasi si Mama. Hindi niya kino-confront si Papa kahit hirap na hirap na kami. Hindi man lang nga niya tinatanong. ‘Buti pa nga si Lolo Jose, madalas sermunan si Papa. Pero ‘yong sermon ni Lolo, ‘pasok sa isang tenga ni Papa, labas din sa kabila.”
“Sa tono mo, tingin ko pati sa financial aspect, napapabayaan na din kayo ni Tiyo Valentin?”
“Ano pa nga ba? ‘Yong pensiyon nga ni Lolo Jose ang madalas pang-abono sa mga gastusin ko sa school. Isipin na lang na sa public school lang naman ako pumapasok.”
“Wala sigurong puwedeng gawin kundi ipagdasal na lang natin ang papa mo. Mahirap solusyonan ang problema sa kanya. Not unless na sa kanya mismo magmumula ang pagbabago. Shock-in siguro ang dapat sa kanya.”
Alam ni Evangeline na nagbibiro lang si Gideon para pagaanin ang pakiramdam niya. Alam niya na ramdam nito kung gaano kabigat para sa kanya ang sitwasyon sa kanilang pamilya. Binili niya ang pagpapatawa nito. “Hmm… binigyan mo ‘ko ng idea sa sinabi mo, ah.”
Si Gideon na ang nagbitbit ng plastic basket na pinaglaglagyan ng mga nalikom na daing. “Ano, ipagpapaalam na kita ngayon sa mama mo?” ungkat nito nang muli silang umakyat sa kanila.
“Sige.”
Ang Lolo Jose niya ang naabutan nila sa itaas ng bahay. Ipinagpaalam siya rito ni Gideon. Pumayag naman agad ang matanda. Si Gideon lang ang tanging lalaki na pinagtitiwalaan ni Lolo Jose na samahan niya.
“Alam mo ba no’ng peace time, ang pista sa bayan eh, engrandeng-engrande?” pabibida ng lolo ni Evangeline.
Nagkatinginan sila ni Gideon. Hudyat iyon ng walang katapusang kuwento ng kanyang lolo.
“Umaarkila pa ang hermana mayor ng musiko sa Bulacan at Cavite. ‘Kow, kagagaling naman—”
“’Lo, saan po ba nagpunta si Mama?” singit niya.
“Aba, hindi ko naman narinig na bumaba, ah.”
“Sandali po, Lolo. Hahanapin lang namin siya.” Hatak niya sa kamay si Gideon, muli silang pumanaog.
Nakalabas na sila ng tarangkahan nang makita nito ang mama niya. “Nasa amin pala siya, Gellie. ‘Ayon, o, kausap ni Nanay sa sala,” turo nito sa salaming bintana ng bahay sa kabila.
Nang tingnan ni Evangeline ang itinuturo nito, nakita pa niya ang pagpapahid ng luha ng kanyang ina.
Napakagat-labi siya. Marahil, naghihinga ng sama ng loob ang mama niya kay Tiya Romana. Mula nang mabunyag ang pambabae ng kanyang ama, hinangaan na niya ang katatagan na ipinapakita ng mama niya. Pero mukhang para lang iyon sa kanila ang kanyang Kuya Junior. Ayaw lang marahil nito na mag-alala silang magkapatid.
Muli silang pumasok ni Gideon sa bakuran nila at naupo na lang sa terrace. “Alam mo, ‘pag nakikita ko na umiiyak si Mama, nadadagdagan lang ang galit ko kay Papa,” sabi ni Evangeline dito.
“Naiintindihan kita. Kahit ako nagagalit kay Tiyo Valentin sa fact na nagkaroon siya ng ibang babae. Na hindi ka niya mapag-aral sa gusto mong school kahit kaya niya naman kung tutuusin. Pero Gellie, kahit gano’n siya, sana huwag mawawala ang respeto mo sa kanya.”
“Dahil ba sa ama ko pa rin siya kahit anong mangyari?” sahod niya. “Shit na katwiran ‘yan!” sabog ang luha na bulalas niya. “Paano ko igagalang ang tao na unang-una hindi nagbigay ng respeto sa binuo niyang pamilya?” Biglang naalis ang harang ng mga kimkim na hinanakit ni Evangeline. Malaya nang lumalabas ngayon ang mga iyon sa bibig niya. “Sinaktan niya nang todo ang kalooban ni Mama. Inalis at ibinasura ni Papa ang paggalang sa asawa nang mambabae siya. Tinalikuran niya ang sinumpaan nila no’ng ikasal sila sa harap ng tao at sa harap ng Diyos.
“Alam mo ba na sa ginawa ni Papa, mas gugustuhin ko pa na naging bastardo’t bastarda na lang kami ni Kuya Junior? Hindi pa siguro sasama nang ganito ang loob ko.”
Maang na nakamata lang si Gideon sa kay Evangeline habang nagsasalita siya. “Ganyan na pala kalalim ang galit mo kay Tiyo Valentin.”
“Six years na, Gideon. Six years na mula nang malaman ko ang pagloloko niya. Iniisip mo ba na basta na lang mawawala nang gano’n-gano’n lang ang galit ko sa kanya?” Parang dito niya gustong ibunton ang galit na umaalpas sa dibdib niya.
Tumayo si Gideon para yakapin siya. Isinubsob niya sa baywang nito ang hilam sa luha na mga mata. “Shh, tahan na.” Nang-aalo ang tinig nito at nagpaalo siya. “Maaayos din ang lahat, Gellie. Maaayos din ang lahat.”
Bakit ba kapag si Gideon ang nagsasalita, kahit yata imposible ang sinasabi nito ay paniniwalaan niya?
NATULOY ang pamimista sa bayan ng mag-anak na Del Pilar kasama si Evangeline. Kasama rin ang Lolo Jose niya na napilit sumama ni Lolo Andres. Katwiran nito, nakakarayuma man daw ang mga inihahandang pagkain sa pista, nakakalakas naman daw ng tuhod ang mga makikitang makikinis na binti ng mga majorettes ng banda.
Pinsang-buo ng ama ni Gideon ang tinuluyan nila. Napakaraming handa at napakarami rin ng mga tao. Pagkakain nila ni Gideon, nagpaalam sila sa mga magulang nito na papasyal sa bahay ng kanyang Tita Violeta.
Sarado sa traffic ang mga pangunahing kalye kaya naglakad na lang sila papunta roon. Nakiusyoso na rin sila sa mga nadaraanan na parada at palabas. Tatlong bloke pa ang lalakarin nila nang matanaw niya na papalabas mula sa isang bahay ang kanyang ama. Biglang kinutuban si Evangeline.
“Huminto muna tayo,” sabi niya kay Gideon. Nagpauna na siyang magtago sa likod ng isang steelpost ng kuryente.
“Bakit?” tanong nito pero gumaya na rin sa pagkukubli niya.
“Si Papa, ‘ayun.” Inginuso niya rito ang kanyang ama na noon ay nasa gate na bakal. Nakita rin niya ang kotse ng papa niya sa garahe.
Hinintay muna nila na makaalis ang papa niya bago sila lumabas ni Gideon sa pinagkukublihan. Isang idea ang naisip niya. Maganda ang bahay. Hindi iyon bago pero halatang kailan lang ginawa; lima o apat na taon pa lang marahil base sa natatandaan niya na istilo ng mga bahay na itinayo sa ganoong panahon. Bungalow type ang bahay na hindi kalakihan.
“Dito muna tayo,” sabi ni Evangeline kay Gideon sabay hatak sa braso nito patawid sa kabilang kalsada.
“Akala ko ba pupunta tayo sa Tita Violeta mo?”
“Mamaya na. Magtatanong lang ako do’n sa tindahan,” turo niya sa sari-sari store na katapat ng bahay na kinakitaan niya sa kanyang ama.
Isang matandang babae na hindi nalalayo sa animnapung taon ang nakatao sa tindahan.
“Magandang hapon po,” nakangiti na pagbibigay-galang ni Evangeline sa matanda. “Puwede po bang magtanong, Lola?”
“Ano ba ‘yon?” sagot ng may edad na babae.
“Itatanong ko lang po kung ‘yan ang bahay na ‘pinagbibili.” Itinuro niya ang katapat na bungalow. “Naku, hindi siguro, anak. Saan mo naman nabalitaan ‘yon?”
“Sa kaibigan ko po. Ang sabi po bungalow na katapat ng tindahan,” pag-iimbento niya ng kuwento para maging kapani-paniwala rito.
“Baka naman ibang bahay ang sinasabi ng kaibigan mo. Madalas kong kakuwentuhan si Merla, ‘yong asawa ni Valentin. Pero wala naman siyang nababanggit sa akin. Isa pa, saan naman sila titira kung sakali? Narito sa bayan ang trabaho ni Valentin at dito rin nag-aaral ang anak nila.”
“M-may anak po sila?” Pakiramdam ni Evangeline, sasaklob ang langit sa kanya ano mang oras. Naramdaman marahil ni Gideon ang pagbabago sa kanyang timpla kaya agad na umalalay sa baywang niya.
“Aba’y oo naman. Kinder na nga si Valerie. ‘Ayan siya, o. Lumabas na ng bahay.” Itinuro nito ang isang batang babae na nasa front steps at ibinababa sa bahay ang isang pambatang bike.
Nagsisikip ang dibdib na tumingin siya kay Gideon. Ito na ang sumalo sa sitwasyon. “Baka nga po hindi ito ‘yong bahay na sinabi ng kaibigan namin. Wala pong anak ang mag-asawa na nakatira doon. Sige po, aalis na kami. Maraming salamat po.”
Sinikap ni Evangeline na tatagan ang sarili at nagpaakay na lang kay Gideon.
……………….
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro