Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Rowie's Hero

CHAPTER 2

"DITO KA lang muna," paanas sabi kay Rowie ng lalaking nagdala sa kanya palayo sa naghuhuramentadong gunman sa labas ng pet shop. Huminto na ang mga putok, ngunit hindi nila alam kung ano na ang kasalukuyang sitwasyon doon ngayon. "Titingnan ko kung safe na sa labas."
Hindi magawang sumagot ni Rowie. Nagpabikig sa kanya ang magkahalong nerbiyos at pagkagulat na makitang ang hinahanap niyang lalaki ay siya pa palang magliligtas sa kanya sa nakabibigla at nakagigimbal na insidente.
Bumangon ang lalaki at pauklo na naglakad patungo sa gilid ng pet shop.
Sinundan niya ito ng tingin. Hindi siya halos humihinga. Alam niyang nanganganib ang buhay nito kung susubukan nitong komprontahin o labanan ang gunman. Wala itong hawak kahit isang armas.
Dumikit ito sa dingding at maingat na lumakad patungo sa loob ng rollup door sa tagiliran.
Lalo na siyang hindi makahinga nang mawala na ito sa paningin niya.
May dalawang minuto yata itong nasa loob bago niya ito muling nakitang lumabas. Kasama na nito ang payat na lalaking tinawag nitong James kanina. Ngunit hindi pa nakakalayo roon ang dalawa ay may umalingawngaw na namang mga putok ng baril. Mabilis na dumapa ang mga ito. Naihawak naman niya ang mga palad niya sa kanyang ulo sabay pikit.
Ano ba itong nasuotan ko? Bibili lang ako ng tulugan ng pusa pero mukhang ako ang panghabangbuhay nang makakatulog sa pagkaka- Ni piyok ay hindi niya magawa nang muli na namang may pumutok. Diyos ko po!
Kasunod noon ay malakas na tinig na nagmumula sa megaphone. "Ito po ang inyong barangay tanod. Maaari na po kayong magsilabas. Nabaril na po ng kasama naming pulis ang gunman kaya ligtas na po kayo. Hawak na po namin siya ng mga kasama ko."
Huh! Tama ba ang dinig niya?
Nang bumangon na ang lalaking nagligtas sa kanya at ang payat na lalaki ay bumangon na rin siya sabay pagpag ng suot niyang damit. Sumilip muna ang lalaking nagligtas sa kanya sa harapan ng pet shop bago siya nito binalikan.
"Okay la lang ba?" tanong nito sa kanya.
"Ahm, m-medyo," piyok niya. Gosh! Bakit ba hindi ko ma-gather ang poise ko kung kailan ko kailangan iyon?
Lumapit ito at hinawakan siya sa braso. "You're shaking. Ang mabuti pa siguro pumasok ka muna sa loob." Inakay siya nito papasok sa loob ng townhouse.
Maluwang ang hall na pinasukan nila. Dinala siya nito hanggang sa kusina, sa mesang katapat ng malaking double-door refrigerator. Ipinagsalin siya nito ng tubig sa baso. "Here, drink this."
Uminom nga siya ng tubig. Napangalahati niya ang baso ngunit nanginginig pa rin siya.
"Wala ka nang dapat ikatakot, okay? Everything is under control now."
"S-sorry, nakaabala pa ako sa iyo."
"Shh... hindi ka dapat mag-sorry. Kahit nga ako natakot din kanina."
Hindi naman ito mukhang takot. Pino ang kilos nito at hindi naman mukhang mayabang. Sakto lang ang nakikita niyang self-confidence nito. Pero lethal ang ngiti nitong pang-toothpaste endorsement, parang may magnet kaya hindi niya mabawi ang tingin dito.
"Ako nga pala si Butch, Butch Lepanto. Dito ako nakatira."
At medyas naman ako. O shoelace. Ah, basta! Ako ang Miss Right para sa gaya mong Mr. Right. Ngumiti siya rito. "Ako naman si Rowie." Sana lang ay hindi na halata ang pagka-shock niya. Hinihintay niyang iabot nito ang palad sa kanya ngunit hindi nito ginawa. Nanghinayang siya ngunit ayos na rin, at least magkausap pa sila at nakangiti pa rin ito sa kanya. "Salamat nga pala sa pagtulong mo sa akin."
"Don't mention it. So, bago ka pa lang ba rito? Ngayon lang kasi kita nakita. Ikaw 'yong nakita kong nagdya-jogging kanina lang, di ba?"
"Ako nga. D'yan ako nakatira sa likurang kalye nitong sa inyo, sa Garnet Street. Ngayon lang ako nakarating dito kasi dito ako itinuro ng mama ko. May pet shop daw dito. Hahanapan ko sana ng pet cradle yong pusa namin." Ang guwapo talaga nito. Ngayong nawawala na ang pagka-shock niya ay nangingibabaw na naman ang kagarutayan niyang taglay.
"Ah, meron ngang cradle sa pet shop. Sure ka ba talaga na okay ka na?"
"Oo. Okay na ako."
"Ngayon ka pa lang napaligaw dito sa 'min tapos, ganito pa ka-traumatic ang naging experience mo."
"Gano'n talaga, eh. It happens. Kahit saan siguro ako nando'n kung mangyayari ang gano'n, mangyayari talaga."
"Normally naman hindi gano'n dito sa lugar namin."
Gusto pa niyang magpatuloy ang pag-uusap nila ngunit iba ang lumabas sa bibig niya. "Magpapaalam na ako," sabi niya kahit ayaw pa sana siya. Kinunsola na lang niya ang sarili niya na magkikita pa silang dalawa. Titiyakin niya iyon. "Maraming salamat uli."
Paglakad niya ay sumunod ito. "Tutulungan na kitang maghanap ng cradle na kailangan mo."
Oh, great! She flashed him her sweetest smile. Hindi na siya nagsalita. Baka mamaya ay bawiin pa nito ang sinabi.
Ang sarap ng feeling habang magkaagapay silang naglalakad sa lawn. Naiisip na niya ngayon pa lang ang maraming hapon na namamasyal sila nito in the near future. Tinakpan niya ng kamay ang bibig niya. Nagiging obvious ang excitement niya gayong dapat ay shocked pa siya dahil sa nangyaring pamamaril doon.
Pagdating sa loob ng pet shop ay iniwan siya nito at nagtungo ito sa harapan. Bumalik din naman ito agad sa kanya. "Thank God walang lumusot na bala sa loob. Pulos warning shots lang siguro ang putok na ginawa ng gunman na 'yon."
"Mabuti naman, walang na-damage dito. Pero talagang nakakanerbiyos siya."
Ngumiti na naman ito dahilan para maitago niya sa likuran ang mga kamay niya. Baka sa katuwaan niya ay mayapos niya ito.
Kahit may napili na si Rowie kanina ay inisa-isa pa rin nila ang mga pet cradle doon. Gusto lang talaga niyang magtagal pang magkasama sila ni Butch. Pero wala pa silang limang minuto roon nang lapitan ito ni James.
"Kuya Butch," sabi rito ng payat na lalaki, "hinahanap tayo ng mga pulis. Kailangan daw ang statement natin para masampahan ng kaso 'yong lalaking namaril dito kanina."
Laglag ang panga niya. Ibig sabihin noon ay maghihiwalay na sila ni Butch.
"Buhay pa ba ang gunman?"
"Oo, kuya. 'Yong kamay lang naman ang pinatamaan ng pulis.
Tumingin ito sa kanya. "Ahm, Rowie, maiiwan na kita. Pupunta pa ako sa police station." Sinasabi iyon ay umaatras na ito.
"Sige, Butch. Thank you talaga."
Kumaway lang ito at tumalikod na.
Hey! Hindi mo pa nakukuha ang number ko!
"Ma'am, babayaran n'yo na po ba 'yan?" tanong sa kanya ng lalaking payat. "Isasara ko muna po kasi itong pet shop pag-alis ninyo. Kailangan ko po kasing sumunod sa police station."
"Ah, o-oo, sige. Magkano ba 'to?" Habang binabayaran niya ang carrier basket, iniisip na niya kung ano pa ang kailangan niyang bilhin sa susunod para lang magkaroon siya ng dahilan na magtungo uli roon.

NAG-IISANG anak lang si Rowie. Nurse ang papa niya na nagtatrabaho sa isang ospital sa Scotland mula noong nasa preschool siya hanggang sa ngayon.
Kung tutuusin, matagal na sanang tumigil ang papa niya sa pagiging isang OFW. Napagtapos na siya nito sa kolehiyo at may trabaho na siya, nakapagpatayo na sila ng sariling bahay, at may sasakyan na rin sila. Maayos naman ang takbo ng water refilling station nila na may dalawang branches na sa kanilang lugar at sa isang residential area sa Loyola Heights. Ang mama niya na isang Business Management graduate ay hindi na namasukan sa kumpanya kundi nag-manage na lang ng kanilang water refilling stations.
Apat na taon na ang nakakaraan nang ma-diagnose na may renal failure ang panganay na kapatid ng papa niya na si Tito Ramon. Malaki ang utang ng loob dito ng papa niya at ng iba pa nitong mga kapatid. Ito raw ang tumulong sa lola nilang maagang nabalo ng kanilang lolo, para itaguyod sa pag-aaral ang apat na mga kapatid nito kasama na ang papa niya.
Dahil hindi na makapagtrabaho ang Tito Ramon niya at hindi rin kaya ng dalawang anak nito na tustusan ang lahat ng pangangailangan nito para sa dialysis at iba pang mga gamot at gastusin, minabuti ng papa niya na regular na tulungan sa gastusin ang tito niya. Sinuportahan iyon ng mama niya, na nasanay na ring tulad niya na laging malayo sa piling ng papa niya. Nakakauwi lang ito ng minsan sa isang taon at dalawampu't limang araw lamang nilang nakakapiling ito bago muling bumalik sa Scotland.
Marahil kaya nag-iisang anak lang siya at hindi na nasundan pa ay dahil sa ganoong setup ng mga magulang niya.
Pag-uwi niya sa kanila ay nasalubong niya sa sala ang pusa. Ngumiyaw ito sa kanya ngunit nagbaling agad ng tingin at tumanaw sa labas. Pumitik ang tainga nito na para bang may pinakikinggan itong kung ano sa labas.
Siya na ang kusang lumapit sa pusa. Hinaplos niya ang ulo nito. "Alam mo ba, hulog ka talaga ng langit sa akin. Kung hindi dahil sa iyo, hindi ako mapapadpad sa Topaz Street, at hindi ko rin makikilala si Butch. Haay, sana siya na talaga ang Mr. Right na hinihintay ko."
Pumikit-pikit ang pusa na para bang nasasaktan ito o natatakot na baka saktan niya kahit napakarahan ng paghaplos niya sa ulo nito.
"Alam mo, hindi kita masisisi kung bakit ganyan ka sa akin. Sorry, inunahan mo kasi akong asarin no'ng gawin mong carpet ang damit ko at kama ang running shoes ko."
"Sino ba'ng kausap mo d'yan, ha, Rowie?" tanong ng mama niyang kapapasok doon.
Tanong din ang isinagot niya rito. "'Ma, ano po ba 'tong pusa na 'to, babae o lalaki?"
"Lalaki. Bakit mo tinatanong?" Pinagmasdan siya nito na para bang may matutuklasan itong krimen. "At ano nga palang nakain mo't parang nakikipaglapit ka na ngayon d'yan sa hate mong pet?"
Muli, hindi na naman niya sinagot ang tanong ng mama niya. Ngunit natuwa siya na lalaki ang pusa. "I think I know what exactly I would name you," sabi niya sa pusa.
"Ano naman?" tanong uli ng mama niya.
"Butch."

BITBIT ang pinamili ni Rowie na nakalagay sa grocery bags ay umibis siya sa taxi na sinakyan niya pagtapat noon sa bahay ng Tito Ramon at Tita Medie niya. Tuwing sumusuweldo siya ay ipinamimili niya ang mga ito ng mga pangangailangan sa bahay, at kapag natataon na dumating na ang padala ng papa niya, isinasabay na rin niya ang pagbibigay sa mga ito ng pera para sa dialysis treatment nito.
"O, Rowie, mabuti at maaga ka ngayon," salubong sa kanya ni Tita Medie hindi pa man siya nakakasapit sa gate ng mga ito. "Tamang-tama ang dating mo, nagluto ako ng pichi-pichi, paborito n'yo ng mama mo."
Napangiti siya. "Wow, nice!" Iniyuko na lang niya ang kanyang ulo at idinikit sa likod ng palad nito. "Mano po, Tita."
"Kaawaan ka ng Diyos." Kinuha nito ang dalawa sa mga bitbit niyang shopping bags. "Ano na naman ba 'tong mga pinamili mo, ang dami-dami?
"Konting groceries lang po, Tita. Si Tito Ramon po?"
"Nasa kusina, naghuhugas ng mga tray."
"Ho?"
"Matigas talaga ang ulo ng tito mo. Ayaw akong paghugasin at baka raw mapasma ako sa maghapong pagluluto ng pichi-pichi."
Nakapasok na sila noon sa kabahayan. Medyo maluwang ang bahay kahit may kalumaan na. Iyon ang ancestral home ng mga tito niya na minana nito sa namayapa niyang lola. "Nagtitinda na naman po ba kayo, Tita?"
"Eh, may order lang kaya ako nagluto. Sayang din kasi ang kikitain. Nakakatulong din kahit pambili lang ng mga gamit sa kusina. Hindi naman laging may nag-o-order ng maramihan. Kumusta naman kayo ng mama mo?"
"Okay lang po. Nakapag-dialysis na po ba si Tito Ramon?"
Hindi na siya nito nasagot dahil lumabas na roon ang tito niya.
"Aba, nandito pala ang pinakamaganda kong pamangkin."
Napanguso siya kahit napapangiti habang nagmamano rito. "Si Tito talaga, siyempre ako ang pinakamaganda dahil ako lang naman ang pamangkin ninyong babae," sagot niya matapos magmano rito. Puro lalaki ang mga anak nito at anak ng iba pang mga kapatid nito. Ang papa lang niya ang nagkaanak ng babae.
Tumawa ito. "Talagang kapit na kapit sa idea."
Nilukutan niya ito ng ilong nang maunawaan niya ang ibig nitong sabihin. Sinakyan niya ang biro nito. "Aba, tumitingin din yata ako sa salamin araw-araw kaya alam kong maganda ako kahit kumapit ako sa idea na 'yon."
Napahalakhak na ito. Kung titingnan ito ay parang wala itong iniindang sakit. Laging maganda ang disposisyon nito. Ngunit kapansin-pansin na ang pangingitim at pagiging tuyot ng balat nito, isang sintomas ng isang may matagal nang sakit sa bato.
"Tito, willing naman po pala si Kuya Monty na maging organ donor sa inyo para sa kidney transplant." Kumakain na sila ng pichi-pichi nang sabihin niya iyon. "Sana Tito, pumayag na kayo."
"Rowie, ayokong isapalaran ang buhay ng anak ko. May mga anak din siya na nangangailangan ng suporta, nangangailangan na manatiling malakas siya hanggang sa makatapos ng pag-aaral ang mga apo ko. Lalo na nga at maliliit pa ang mga bata."
Inisip niya ang mga sinabi nito. Tinantiya niya kung tama ang palagay niya, na hindi lang ang mga sinabi nito ang lahat ng dahilang inaalala nito. "Kung ang gastos sa operasyon ang isa pang inaalala ninyo, Tito, huwag n'yo na pong alalahanin. Naipag-ipon na po namin kayo nina Papa ng pampaopera. At alam ko, kapag nalaman din nina Tito Raymond na payag na kayong magpa-kidney transplant, siguradong tutulong din sila."
Hindi ito umimik. Nakita niyang biglang nangilid ang luha nito ngunit pinipigilan lang nitong bumagsak iyon. Pag-angat niya ng tingin ay nagpupunas na ng luha si Tita Medie.
"Tito, please, pumayag na kayo. Ang dami n'yo nang naisakripisyo. Panahon na siguro para kayo naman ang makatanggap ng pabor mula sa mga taong natulungan ninyo."
"Kung papayag akong magpa-transplant, wala ring kasiguruhan na magiging compatible sa akin ang kidney ni Monty kahit na magka-match kami. Paano kung magkaganoon? Sayang naman ang kalahati ng buhay ng anak ko. Masasayang din ang mga perang pinaghirapan ninyo. Kaya ayos na sa akin ang ganito. Kung hanggang saan na lang ako... abutin. Tutal naman may kanya-kanya nang pamilya ang mga anak ko. Hindi na siguro masakit sa akin kahit i-iwan ko na sila."
Napasigok na sa puntong iyon si Tita Medie.
"No, Tito, hindi kami papayag. Ayaw naming mawala kayo nang maaga. Bata pa kayo. Hindi pa nga kayo senior citizen."
"Pumayag ka na, Ramon," susog ni Tita Medie sa sinabi niya. "Hindi pa kami handang mawala ka. Gaya nga ng sinabi ni Rowie, bata ka pa para mamatay. At sa palagay mo ba kapag hinayaan ka na lang namin nang hindi namin nagagawa ang lahat ng puwedeng gawin mabuhay ka lang, sa tingin mo matatahimik pa kami? Maawa ka naman sa aming mga nagmamahal sa iyo. Habangbuhay naming dadalhin sa konsensiya namin na wala kaming ginawa para maisalba ang buhay mo."
"Talo na kayo, Tito. Nag-iisa ka lang, marami kami, kaya mag-give-in ka na," pagbibiro niya upang pagaanin ang sitwasyon.
Pag-uwi niya sa bahay, nag-usap sila ng mama at papa niya sa Skype. Sinabi niya sa kanyang mga magulang ang naging pag-uusap nila nina Tito Ramon at Tita Medie kanina.
"Kahit kami ng papa mo, hindi makakapayag na hayaan na lang si Kuya Ramon nang hindi nabibigyan ng best medical treatment na puwede niyang matanggap."
"Tama ang mama mo," kalwa naman ng papa niya. "Hindi kami papayag na hindi matuloy ang kidney transplant sa Tito Ramon mo. Ang pera puwede pang hanapin kapag nawala o naubos, pero hindi ang buhay."
Napangiti siya nang tapos na silang mag-usap ng mga magulang niya. Proud siya na kabilang siya sa pamilyang gagawin ang lahat ng posibleng paraan para lang maisalba ang bawat kapamilya.
Ngunit napawi ang ngiti niya nang maalala niyang nanganib ang buhay niya sa gunman na naghuramentado kanina sa pet shop. Hindi pa nga pala niya nasasabi sa kanyang ina.
Pero tapos na iyon, nangyari na, ligtas naman siya. Hindi na niya kailangan pang bigyan ito ng ipag-aalala.
Nanaginip siya ng gabing iyon. Inililigtas na naman daw siya ni Butch sa gunman. Inagaw raw nito ang baril, ngunit matapos daw nitong mabaril ang lalaki ay pinaalis na siya nito at ipinagtabuyan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro