Kami Na!
CHAPTER 6
HATAW sa puwit ang inabot ni Rowie nang mapatapat siya sa mama niya. “’Ma naman, eh. Bakit ba kayo namamalo d’yan?” reklamo niya kahit hindi masakit ang palo nito.
“Akala ko ba hindi pa nanliligaw sa iyo si Butch? Bakit kung umasta parang kayo na?”
Ngumisi siya rito. “Sinagot na niya ako, ‘Ma, kahit hindi ko pa siya natatanong.”
“May isa ka pang kasalanan, babae ka. May naikuwento sa akin si Butch na doon pala sa harapan ng pet shop nagkaputukan at naroon ka raw noon. Eh wala ka namang sinasabi sa akin.”
“Ayoko lang pong mag-alala kayo, ‘Ma. Wala namang nangyari sa akin. Nadala agad ako ni Butch sa ligtas na lugar noon.”
Pinagmasdan siya nito. “Kulang na lang na umabot d’yan sa batok mo ang luwang niyang ngiti mo.”
“Sobrang saya ko lang po, ‘Ma. Ganito pala kasarap ma-in love.” Nag-pirouette pa siya sa harapan nito.
“Nagpapaalala lang ako, anak. Huwag mo naman sanang ibubuhos lahat kay Butch ang pagmamahal mo. Magtira ka rin para sa sarili mo. Ayokong masaktan ka ng todo balang-araw.”
“Don’t worry, ‘Ma, hawak ko pa rin naman ang sarili ko. Hindi po mangyayari ang kinatatakutan n’yo sa akin.” Ngunit nang nag-iisa na siya sa kuwarto niya ay parang hindi na siya sigurado sa mga sinabi niya sa mama niya.
Habang binabalikan niya ang mga nangyari mula nang unang magkakilala sila ni Butch, naging malinaw sa kanya na kung tutuusin, siya na ang nagbigay rito ng motibo. Naipaalam niya agad na gusto niya ito.
Pero iba ang feelings niya kay Butch. Para sa kanya, unang silay niya pa lang sa mukha nito ay ito na ang Mr. Right niya. Parang pinaghalu-halong crush, infatuatuon, puppy love, true love at unconditional love ang nararamdaman niya para dito.
Wala siyang pakialam kung maganda o pangit ang ugali nito, kung compatible sila o taliwas ang kanilang mga pag-uugali at pananaw, kung siya ang mas higit na nagmamahal kaysa sa lawak ng pagmamahal nito sa kanya. In fact, wala na rin siyang pakialam kung hindi siya nito mahal. Ang alam lang niya, sapat ang pagmamahal na nararamdaman niya para sa kanilang dalawa.
Ngayon lang niya naisip na nakakatakot palang magmahal. At hindi yata niya mapangangatawanan ang sinabi niya sa mama niya, na hawak niya ang sarili niya. Dahil sa estado ng puso niya ngayon, hindi na niya yata hawak ang sarili niya. Si Butch ang may hawak sa puso niya, at kung gugustuhin lang nito, magagawa siyang pasunurin nito sa gusto.
“I’M HAPPY that you’ve progressed a lot. I mean, we’ve moved forward a little bit fast…”
Matamis na ngiti ang iginanti ni Rowie kay Butch habang hawak nito ang isang kamay niya at nagtititigan silang dalawa. Natutuhan na niyang salubungin ang pinakanakakakilig mang sulyap o titig nito. Kahit minsan ay hindi siya tumanggi kapag nagpapakita ito ng intimacy at lambing sa kanya.
Linggo ng gabi noon. Naroon sila sa isang fine dining restaurant sa Rockwell Mall. Ikatlong dinner date na nila ni Butch. He gave her her first real kiss on their second date. Umaasa siya na mauulit muli iyon ngayong gabi. Ngayon pa lang ay nanginginig na ang talampakan niya sa pananabik.
“But I like it. Hindi ka na nahihiyang tumingin ng malagkit sa mga mata ko ngayon. Sinasabi mo sa akin kung ano ang nararamdaman mo. Ipinapakita mo kung gaano ako kaimportante sa iyo. At hindi ka na rin nahihiyang maglambing sa akin.”
“Bakit mo ba ‘to sinasabi sa akin?” tanong niya.
“Dahil ayokong mawala ang ganito sa ‘yo. I want this honesty, this innocence.” Hinigit nito ang kamay niyang hawak nito at pinatakan ng halik ang likod ng palad niya. “This promise of passion,” sabi nitong pabulong habang walang puknat na nakatitig sa mga mata niya.
Magkahalong kilig, excitement at nerbiyos ang naramdaman niya sa sinabi nito. Hindi naman niya magawang iiwas ang tingin sa mga mata nito. Parang humihipnotismo ang mga iyon, hindi bumibitiw dahil ayaw rin niyang bumitiw. “Ayoko ring mawala ang ganito sa ‘yo, ‘yong ganito na pinasasaya mo ako.”
“Happiness, pure unadulterated happiness, that I can promise to give you, babe.”
Tumindi pa ang excitement na nararamdaman niya dahil sa mga sinabi nito. Para siyang mabibikig sa labis na kaligayahan. Unang pagkikita pa lang nila noon ay napasaya na siya nito. Ngiti lang nito at pakikipag-usap sa kanya ay sumasaya na siya. Kaya hindi na nito kailangan pang mangako sa kanya. Alam niyang kahit hindi na ito mag-effort ay magiging masaya siya sa piling nito. “’Alis na tayo rito.”
Parang nadismaya ito sa sinabi niya. “But why?”
“Tapos na tayong kumain, di ba?”
Parang nalungkot ito ngunit tumango lang. Tinawag nito ang waiter at iniabot ang gold card nito. “Gusto mo na bang umuwi?” tanong nito habang hinihintay nila ang resibo at card.
Umiling siya. Gusto niyang ipaliwanag dito ang dahilan kung bakit gusto na niyang umalis doon ngunit nahihiya siyang sabihin. Kaya kumapit na lang siya sa braso nito nang lumabas na sila ng restaurant.
“Babe, may problema ba?” tanong nito sa kanya habang patungo sila sa parking lot.
Umiling lang uli siya. Isinadal niya ang ulo niya sa punong-braso nito habang naglalakad sila. Pagdating nila sa kinapaparadahan ng kotse nito ay yumapos siya rito at ibinuro niya ang mukha niya sa dibdib nito.
Bibihira lang ang tao roon at alam niyang walang pakialam ang mga ito mag-PDA man sila. Gusto lang niyang iparamdam kay Butch kung gaano ito kahalaga sa kanya. Gusto niyang iparating dito sa tahimik na paraan kung ano ang eksaktong nararamdaman niya ng mga sandaling iyon.
“Hey, hey, what’s this?” tumatawa nang tanong nito habang ipinupulupot ang mga braso sa katawan niya.
Nag-angat siya ng mukha para lang bumulong sa tainga nito. “It’s just my way of saying ‘I-I love you.’”
NARAMDAMAN ni Rowie na kinakalas ni Butch sa ohales ang butones ng blusa niya. Naroon na sila sa loob ng kotse nito. Kapwa naka-recline ang passenger seat at ang driver seat at lango na siya sa tamis ng mga halik nito. Kung paano sila nakapasok doon nang hindi niya namamalayan ay hindi niya alam. Ang alam lang niya, nang likumin ni Butch ang mga labi niya sa isang mainit at makatunaw-kaluluwang halik ay nawalan na siya ng kamalayan sa lahat liban lang dito at sa masarap na halik.
Parang mali na payagan niya si Butch sa ginagawa nito. Parang mali na gantihan niya ang mga halik nito. Ngunit paano magiging mali ang isang bagay na nakapasarap sa pakiramdam, isang bagay na nagbibigay ng libu-libong kilabot sa katawan niya at nagpapalipad ng puso niya sa labis na kaligayahan?
Nabuksan na nito ang blusa niya at gumagapang na sa dibdib niya ang palad nito nang magulantang sila ng magkakasunod na busina ng sasakyan. Nagising siya sa pangangarap at bigla niyang natabig ang kamay nito.
Natigil ito sa paghalik sa kanya, nag-angat ng mukha at isinuklay nito ang mga daliri sa buhok nito.
Nanlalaki ang mga matang napatingin siya rito. Gulat na gulat siya na ganoon na kalayong intimacy ang naabot nila.
“Babe, are you alright?”
“Ahm, o-oo. Okay lang ako.” Mabilis na pinagsalikop niya ang harapan ng blusa niya at muling ibinutones iyon. “M-medyo gabi na yata. Umuwi na tayo.”
Pinagmasdan muna siya ni Butch, parang inaarok kung ano ang iniisip niya ng mga sandaling iyon, bago ito kumilos para buhayin ang makina ng kotse.
Ayaw niyang magalit ito sa kanya, kaya niyakap niya ang isang braso nito at humilig sa balikat nito. Napalagay na ang loob niya nang dampian nito ng halik ang tungki ng ilong niya.
Tumingin siya rito at ngumiti. “I love you, Butch.”
Lumapad ang pagkakangiti nito. “And I’m so honored.”
Hindi iyon ang sagot na gusto niyang marinig mula rito. Ngunit nakuntento na siya roon. Baka plano nitong sabihin sa kanya na mahal din siya nito sa isang magandang lugar at pagkakataon.
“OKAY lang ba talaga kay Ate Ria ang pagdo-donate mo ng kidney kay Tito Ramon?” tanong ni Rowie sa Kuya Monty niya. Dinalaw niya ito at ang Tito Ramon niya sa ospital. Nagpapagaling na lang ito matapos kuhanin ang isa sa mga bato nito. Nailipat na ang batong iyon sa ama nito ilang araw na ang nakakaraan. Nakaalis na sa ICU si Tito Ramon at nasa private room na lang ito. Nagpapagaling na rin lang ang tito niya matapos ang ginawang kidney transplant dito.
Halatang inip na ang pinsan niya sa loob ng ospital kaya ipinagpaalam niya ito sa doktor na kung maaari itong payagan na mag-wheelchair at sumagap ng sariwang hangin sa labas. Pinayagan naman ito kaya siya na ang nagtulak ng wheelchair nito palabas. Humantong sila sa stonepath sa katamtamang laki ng lawn na nasa ibaba ng terrace ng ospital sa kaliwa ng gusali.
“Ang totoo ayaw niya talaga,” sagot ni Kuya Monty. “Maliliit pa raw ang mga anak namin. Natatakot siya na baka kung ano ang mangyari sa akin, na baka ako naman ang magkaproblema sa kidney at baka raw iyon ang ikamatay ko. Pero bandang huli pumayag din siya. Pumayag lang siya kasi alam niyang gusto ko talagang i-donate ang isang kidney ko kay Tatay.”
“Kung gano’n napilitan lang pala siyang pumayag?”
“Gano’n na nga.”
“Napansin ko kasi na hindi siya nakakadalaw rito. Mabuti pa nga ang biyenan mo, araw-araw pumupunta rito.”
“Naiintindihan ko na mahirap sa asawa kong tanggapin na maging organ donor ako. Siyempre kahit papaano, may risk sa health ko ang ginawa ko. Pero Rowie, hindi ko kayang pabayaan na lang na mamatay ang ama ko nang hindi nagagawa ang lahat ng paraan para mabigyan siya ng chance na gumaling at humaba pa ang buhay.”
“Hayaan mo, na si Ate Ria. Siguro kapag nagtagal-tagal, at kapag nakita niya na walang nagbago sa dating lakas mo, baka matanggap din niya.”
“Sana nga. Ayokong dumating ‘yong punto na lagi naming pagtatalunan ang tungkol dito. Mahal na mahal ko ang Ate Ria mo. Ayokong napapasama ang loob niya.”
Naniniwala siya rito. Sa pagkakaalam niya, may ibang boyfriend noon si Ate Ria. Inagaw lang nito si Ate Ria sa lalaking iyon. Hindi niya alam kung matinik lang sa babae si Kuya Monty o dinaan nito sa santong paspasan si Ate Ria, dahil naging mabilisan ang pagpapakasal ng mga ito dahil buntis na noon si Ate Ria sa panganay ng mga ito.
May isang oras din siyang nanatili sa ospital bago siya nagpaalam sa mag-ama. Nang makalabas ang dala niyang sasakyan sa driveway ng ospital ay parang napansin niyang lumabas din doon ang Chevrolet Avalanche ni Butch. Pero baka nagkataon lang na kakulay at kamodelo at kagaya ng sasakyan ni Butch na may sticker din iyon ng mukha ng puppy. Dahil tinawagan pa siya nito bago siya magtungo sa ospital. Marami daw itong pasyente ng araw na iyon kaya hindi ito makakapunta sa kanila. Nagbiro pa nga siya rito na siya na lang ang pupunta sa clinic nito. Ngunit nang maibaba na niya ang telepono ay pinapunta siya ng mama niya sa ospital para dumalaw sa tito niya at pinsan at para magdala rin ng pera. Nag-aalala ang mama niya na baka wala nang panggastos ang Tita Medie niya.
Nakauwi na siya sa kanila ay hindi pa rin siya mapakali. Para siyang ang pusang si Butch na hindi rin mapakali. Panay ang ngiyaw nito habang paikut-ikot sa paa niya. Mabuti na lang at nasanay na siya sa galaw nito. Alam na niya ngayon kung paano iiwas sa paghahara-hara nito sa dinaraanan.
Nag-aalala siya na baka kung napaano na si Butch. Tinawagan niya ito. Si James ang sumagot ng tawag niya. Kasalukuyan daw may ginagamot na Dalmatian si Butch.
Napanatag siya kahit papaano. Hindi nga siguro pickup truck ni Butch ang nakita niya kanina.
“Rowie,” tawag ng mama niya nang maibaba niya ang telepono. “Pakainin mo si Butch. Konti lang ang ipinakain ko sa kanya kanina. Nasa ref ang pagkain niya.”
Naitirik niya ang mga mata. Kaya naman pala hindi ito mapakali.
Hindi na siya nagreklamo. Alam niyang paraan pa rin iyon ng mama niya para mapalapit siya sa alaga.
“BAKIT ka nagsinungaling kay Rowie?”
Napapihit si Butch mula sa pag-aayos ng kanyang medical kit nang marinig niya ang boses ng kanyang ina. Marahil narinig nito ang iniutos niya kanina kay James na ito ang sumagot ng telepono kapag tumawag si Rowie. “Mom, bakit bumangon na kayo? Di ba sabi ng doktor magpapahinga lang kayo ngayong araw? Pero ‘eto at bumangon na naman kayo. Baka mamaya mahilo na naman kayo niyan.” Dinala niya ito sa ospital kanina dahil bigla itong nahilo at tumaas ang presyon ng dugo nito. Natakot siya na baka ma-stroke ito kaya pinakansela niya muna ang appointments ng mga pasyente niya para sa araw na iyon. Isinugod niya agad ito sa ospital.”
“Kanina pa ako nakahiga. Naiinip na ako sa kuwarto,” sagot nito.
“Eh di sana doon na lang kayo mahiga sa den. Makinig kayo ng music. Kahit paano malilibang kayo.”
“Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Bakit nagsinungaling ka kay Rowie at ipinasabi mong may ginagamot kang pasyente gayong wala naman?”
“Mom, may pinag-aaralan lang akong research ngayon. Ayoko lang maistorbo. Bukas ko na lang tatawagan si Rowie.”
Nagdududang tiningnan siya nito. “Hindi kaya may kinalaman dito ‘yong nakita mong may kausap siyang lalaking naka-wheelchair doon sa labas ng ospital kanina?”
“Kilala ko ang lalaking iyon, Mom. Pinsan siya ni Rowie. Kaya huwag na kayong mag-isip ng iba pang dahilan. Magpahinga na lang kayo, please?”
Hindi na ito umimik. Wala siyang ibang sasabihin dito. Tama na ang mga bagay na nalalaman nito. Hindi na dapat pang madagdagan iyon.
Napasandal siya sa sofa nang umalis na ito roon. Hinagod niya ng mga daliri ang kanyang sentido.
Walang dapat makasira sa mga plano niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro