Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Apply Kang GF Ko

CHAPTER 3

PATINGIN-TINGIN si Rowie sa mga naggagandahang aquarium sa pet shop. May kalahating oras na siya roon ngunit wala pa siyang nabibili. Kanina pa umiikot ang mga mata niya. Kahit anino ni Butch ay hindi niya makita.
Bago mag-isang oras ay napilitan na siyang bumili ng isang katamtaman ang laki na aquarium. Hindi pa rin niya nakikita roon si Butch.
“Ito lang po ba, Ma’am?” tanong sa kanya ni James. “Hindi na po kayo bibili ng ilalagay rito?”
“Sa susunod na lang,” sabi niya sa nagtatakang assistant. “Ahm, James. Ikaw si James, ‘di ba?”
Ngumiti ito. “Ako nga po, Ma’am.”
“Hindi ko yata nakita rito si Butch ngayon?” sabi niya, hindi na nakatiis.
“Ah, kasi po nasa clinic siya.”
Natigilan siya. “Clinic? May sakit ba siya?”
“Wala po, Ma’am. Nando’n siya kasi ginagamot niya ‘yong mga hayop na maysakit.”
“Veterinary doctor siya?”
“Opo, Ma’am. Kanya din po ang vet clinic na katabi nitong pet shop”
Napangiti siya. ‘Pag nga naman susuwertehin ka, oo. Akalain mo ‘yon? Ng mga oras na iyon pa lang ay marami nang posibilidad ang tumatakbo sa isip niya. “May aso rin bang tinitinda rito sa pet shop n’yo?”
“Wala po, Ma’am. Pero doon sa pinsan ni Kuya Butch d’yan sa katabi ng clinic niya, meron. Dog breeder po kasi si Kuya Izack.”
Napalunok siya. Naglalakihan ang mga asong nakikita niya sa lugar na sinasabi nito. “Ahm, sige, James, salamat. Babalik na lang ako ulit dito.”
“Salamat din po, Ma’am.”
Lumabas na siya ng pet shop. Mabagal siyang naglakad habang bitbit ang aquarium na dala niya. Nakapaling ang ulo at tingin niya sa katabing vet clinic na sinasabi ni James, ngunit duda siya na makikita niya mula sa labas si Butch, o makikita siya nito.
Pagtapat niya sa katabing property ng vet clinic ay nagkahulan na naman ang mga aso. Pero dead-ma na siya sa ingay noon sa pagkakataong iyon. Napapangiti pa nga siya habang naglalakad.
“O, Rowie, mabuti’t narito ka na. Hindi ka maniniwala sa ibinalita sa akin ng presidente ng home owners association dito,” salubong ng mama niya pag-uwi niya sa kanila, bahagya na lang napansin ang bitbit niyang aquarium.
“Bakit po, ‘Ma? Ano na ba’ng latest dito?”
“May namaril daw noong isang araw d’yan sa kabilang street. Hindi naman pala tagarito ‘yong gunman. Walang nakakaalam kung paanong nakapasok ‘yon. Diyos ko, nakakanerbiyos talaga. Nagiging maluwag na yata ang security dito sa village. Hindi dapat ganito.”
Hindi pa nga pala niya nasasabi sa mama niya na naroroon siya sa pinangyarihan ng pamamaril. Baka lalong nerbiyusin ito kapag ikinuwento niya ang tungkol doon. Tinalikuran niya ito at inilagay sa ibabaw ng isang end table ang aquarium.
“Wala pa naman tayong kasamang lalaki rito. Paano kung mga Akyat-Bahay na ang makapasok dito at dito sa ‘tin manloob? Diyos ko, dapat ko na yatang pauwiin si Edmond dito. Parang hindi na ako makakatulog ng maayos kapag ganito.”
Nilingon niya ito mula sa ginagawa niya. “’Ma, huwag n’yo ngang takutin ang sarili n’yo. Hindi naman gano’n ka-laxe ang security dito sa village natin. Lalo ngayon na may ganyang balita, siguradong lalo silang maghihigpit.”
“Sana nga tama ka, paano kung hindi?”
Napaisip siya. Hindi dahil sa sinabi nito kungdi dahil parang may kulang. Parang may na-miss siya. Ano nga ba ‘yon? Nanlaki ang mga mata niya nang maalala kung ano. “’Ma, bakit wala si Butch?”
Kumunot ang noo nito. “Butch? Sinong Butch?”
“Nakalimutan n’yo na ba? ‘Butch’ ang ipinangalan ko do’n sa pusa natin. Nasaan na siya? Ngayon lang siya hindi sumalubong sa akin.”
Ngumiti na ang mama niya, dagling nakalimutan ang ipinag-aalala. “Naku, anak, mukhang nag-i-improve ka na. Dati hate mo ang pusang ‘yon, ngayon nami-miss mo na.”
“Nasaan nga po si Butch, ‘Ma?”
“Malamang nasa ‘taas. Masipag manghuli ng mga butiki ang isang ‘yon. ‘Yon nga lang, ikinakalat niya kapag nakakahuli siya. Medyo pasaway rin talaga.”
Bigla niyang naisip ang kapangalan ng pusa, si Butch, the hunky vet. “’Ma, anong araw po ba nagbo-volunteer si Ninang Stella sa PAWS?”
“Bukas, nando’n ‘yon. Every other day siya nagpupunta roon. Teka, bakit mo ba tinatanong?” Pinagmasdan siya nito. “Gusto mo bang mag-ampon ng isa pang pusa?”
“Hindi po, ‘Ma. Parang gusto kong kumuha naman ng aso. Pero gusto ko ‘yong aso na kadadala pa lang doon, ‘yong hindi pa natuturukan ng anti-rabies.”
Kumunot na naman ang noo nito. “Aba’y bakit? Gusto mo bang makagat ka ng rabid na aso?”
“Gusto ko ‘yong puwede kong dalhin sa vet para paturukan.”
“Ano?”

HINDI maaaring maging alibi ni Rowie ang pagpapaturok ng anti-rabies ng aso na magmumula sa PAWS para lang makita at makausap niya si Butch. Dahil kaagad na tinuturukan ng anti-rabies ang asong dinadala roon.
Isa pa ay muntik na siyang mabatukan ng mama niya nang malaman nito ang dahilan ng itinatanong niya. Akala nito noong una ay nagbibiro lang siya. Nang malaman nitong hindi ay pinagalitan siya nito. Maganda raw siya at deserving na maligawan ng isang lalaki, not the other way around. Kaya ibinasura na niya ang ideya - pero hindi ang ideya na gumawa ng ibang paraan para makipaglapit kay Butch. Kaya naman maagang-maaga nang sumunod na Sabado ay lumabas uli siya para mag-jogging. Doon uli siya tumakbo sa daang patungo sa kalye nina Butch.
Ilang bahay pa bago ang vet clinic ay nakita na ni Rowie na lumalabas ng pedestrian gate si Butch. Binilisan niya ang pagtakbo, ngunit nakatakbo na ito ay papalapit pa lang siya sa tapat ng property na maraming aso.
Hindi siya papayag na makalampas ito nang hindi man lang siya nakikita o nakakausap. “Butch!” sigaw niya habang binibilisan niya ang pagtakbo.
Lumingon ito sa eksaktong sandali na naapakan niya ang sintas ng running shoes niya. Gosh! Hit the concrete pavement ang naging drama niya.
She was on her fours. Napangiwi siya nang maramdaman ang hiwa ng matalas na sementadong daan sa mga palad niya. Mabuti na lang at nagawa niyang itukod ang mga paa at kamay niya para hindi kumayod ang mga tuhod niya sa pavement.
“Rowie?”
Naramdaman niyang hinawakan ni Butch ang mga braso niya at kaagad siyang iniupo.
“You’re hurt,” sabi nitong tiningnan kaagad ang mga palad niya. Maliliit lang naman ang mga galos doon ngunit nagsisimula nang magdugo. Hinawakan nito ang mga binti niya. “May masakit ba rito?”
Umiling siya, hiyang-hiya rito. Mabuti na lang at kahit papaano ay napagsikapan pa rin niyang likumin ang kanyang poise sa pagbagsak niya.
“Halika, gagamutin kita.” Napansin nito ang nakalag niyang sintas ng sapatos. Itinali muna nito iyon bago siya tulungang makatayo. “May masakit ba sa mga paa mo o sa braso?”
“Wala, mga kamay ko lang.”
Dinala siya nito sa loob ng townhouse. Sandaling iniwan siya nito sa sala para kuhanin daw ang gamit nito. Narinig niyang may kumikilos sa loob ng kusina. Ngunit kahit bukas ang pinto ng kusina ay hindi niya makita kung sino ang naroroon mula sa sala na pinagdalhan sa kanya ni Butch.
Sino kaya ang kasama nito? Ngayon lang niya naisip na baka may-asawa na ito. Hindi iyon imposible. Bihirang lalaki na may taglay na goodlooks gaya ni Butch ang nakakaligtas sa matalas na paningin ng mga babaeng gaya niya. Bukod doon ay may edad na rin ito. Kung hindi siya nagkakamali ay nasa mahigit tatlumpong taon na ang edad nito kahit bata pa itong tingnan.
Pero ayaw niyang isipin na may-asawa na ito. Dahil kung magkakaasawa man ito, picture niya ang gusto niyang kasama nito sa  wedding picture.
Napatingin siya sa itaas. Lord, hindi naman po siguro masamang mangarap na ito ang maging son-in-law ng papa at mama ko. Libre naman po iyon, di po ba?
Pagbalik nito ay dala na ang isang medical kit na ibinaba nito sa isang mesita. “Rowie, halika muna sa kusina, hugasan natin ang mga kamay mo bago natin gamutin.”
Tumayo siya at umagapay sa paglalakad nito. “Sorry, ha?” sabi niya. “Makakaabala na naman ako sa iyo.”
“Okay lang. Kailangan mo ng tulong at narito naman ako para tulungan ka.”
Nang makapasok sila sa kusina ay nakita niyang nakaharap sa isang malaking heat-induction stove ang isang babaeng maiksi ang buhok na may mga uban na sa magkabilang sentido. Nagsasangag ito ng kanin. Sa granite counter na katabi nito ay may mga mangkok na natatakpan. Nakakagutom ang amoy ng mga pagkain doon.
“’Mom, friend ko,” pakilala sa kanya ni Butch sa ginang. “Rowie, mommy ko, si Mommy Helen.”
Tumingin ito sa kanila at ngumiti.
Ngumiti siya rito at bumati. “Good morning po. Pasensiya na po kung maaga akong mang-aabala sa inyo.”
“Good morning din sa iyo.” Bumaling ito kay Butch. “Ano ba ang nangyari?”
“Natapakan po niya ang shoelace niya kaya siya nadapa. Gagamutin ko po ang mga sugat sa kamay niya.”
Ngumiti ito at tumango bago hinarap muli ang pagluluto.
Mukhang hindi gaanong masalita ang ina ni Butch. Ayos lang iyon sa kanya. Palangiti naman ito.
Napakagaan ng mga kamay ni Butch habang ginagamot siya nito. Nakabalik na sila noon sa sala. Hindi man lang lang siya nakaramdam ng kaunting sakit.
“May masakit pa ba sa iyo? Kaya mo pa bang mag-jogging?” tanong nito sa kanya nang magamot na nito ang mga sugat niya sa kamay.
“Wala na. Oo, kayang-kaya ko pang tumakbo,” sabi niyang may kalangkap pang sigla. Nag-aalala siya na baka pauwiin siya nito kapag sinabi niyang may masakit pa sa kanya.
“Sumabay ka na lang pala sa pagdya-jogging ko.”
Hallelujah!

“NASABI sa akin ni James na vet ka pala… at clinic mo pala ‘yong katabi ng… petshop mo,” humihingal na sabi ni Rowie kay Butch nang pabalik na sila mula sa pagtakbo. Kanina, habang tumatakbo sila ay wala siyang pagkakataon para kausapin ito. Mabilis ang takbo nito at halos hindi siya makaagapay. Mabuti na lang at nang maabot na nila ang dulo ng Topaz Street ay binagalan na nito ang takbo.
“Oo, Rowie. Kaya kung magkakasakit ang pets ninyo, puwede mong dalhin doon sa vet clinic.”
Nagtataka siya kung bakit parang hindi man lang napagod ito sa haba ng tinakbo nila. “Oo naman, siyempre… Lalo ngayon na alam ko na.”
“Anu-ano ba ang pets ninyo?”
Muntik na siyang napangiwi. “Pusa.”
“Marami kayong pusa?”
Umiling siya at nahihiyang isinenyas ang isang daliri niya.
“Ah… maybe you should try dogs. Alam mo na, man’s best friend sila.”
Tumango lang siya rito, hinintay na iendorso ang mga aso ng dog breeder na pinsan nitong ayon kay James ay Izack ang pangalan. Ngunit mahaba-haba na rin ang natatakbo nila ay wala naman itong sinabi.
May isang tanong na noon pa niya gustong itanong dito, medyo nahihiya pa siyang itanong. Kaya lang ay alam niyang hindi siya mapapakali kung hanggang sa mga sandaling iyon - hanggang sa maghiwalay sila nito kapag tumapat na sila sa pet shop - ay hindi pa rin masasagot. “Ahm, Butch, may… girlfriend ka na ba?” lakas-loob niyang tanong.
Napangiti ito at nilinga siya. “Marami,” sagot nito kabuntot ng tawa.
Alanganing ngiti ang naiganti niya kahit sumisirko ang puso niya. Napaka-cute talaga nito. Parang nagiging times ten ang kaguwapuhan nito kapag ngumingiti ng ganoon. Hindi na dapat ipagtaka kung totoo nga ang isinagot nito, at tiyak na malulungkot siya kung totoo nga. Pero sana ay nagbibiro lang ito.
“Pero open pa naman ako doon sa mga gustong mag-apply na girlfriend ko.”
“Talaga lang, ha?” Naging ngiwi na yata ang ngiti niya sa puntong iyon.
“Bakit, Rowie, gusto mo bang mag-apply?”
Nasa dulo na ng dila niya ang sagot na: ‘Puwede?’ nang marinig nila ang isang malakas na tawag.
“Butch! Butch, hey! Wait up!”
Paglingon nila sa kanilang likuran ay nakita niya ang Ninang Stella niya. Naka-white short shorts ito at spandex sando, naka-kulay puti na running shoes, knee cap, wrist band at head band na lahat ay kulay fuschia. Hindi sasabihin ng makakakita rito na nasa early thirties na ito. Sa pagkakaalam niya ay maaga itong nabiyuda at maaga ring naulila ng nag-iisang anak.
“O, hi, good morning, Stella,” bati rito ni Butch.
Magkakilala pala ang mga ito.
“Mabuti na lang natiyempuhan kita ngayon. ‘Punta ka naman sa bahay mamayang gabi. I’m cooking dinner,” sabi nitong ang ngiti ay mas malawak pa kaysa sa pinsala ng bagyong Yolanda. Hindi siya pinapansin nito. Hindi pa yata siya nakikita dahil all eyes lang ito kay Butch.
Kinabahan siya. Isa ba ang Ninang Stella niya sa sinasabi nito na girlfriends nito? Ngayon pa lang ay gusto na niyang manlumo. Wala siyang panama sa ganda ng ninang niya.
“I’ll check with my sked first,” sagot dito ni Butch. “Tatawagan kita agad pag libre ako mamaya.”
“Oh, good!” obvious ang excitement na sagot ng ninang niya. “Aasahan ko ‘yan.”
“Ahm, Stella, I’d like you to meet-”
Noon biglang bumaling sa kanya ang ninang niya. Nanlaki ang mga mata nito. “Rowie? Anong ginagawa mo rito?”
“Hi, Ninang,” bati niya sabay kaway.
“Oh, magkakilala pala kayong dalawa?” gulat na sabi ni Butch.
“Oo, inaanak ko si Rowie. Pero paano kayong-” Biglang pumailanlang ang ring tone ang tugtog ng Zumba at naudlot ang iba pang sasabihin nito. “Excuse me,” sabi nito sa kanila ni Butch. Siya naman ang pinanlakihan ng mga mata nang makitang dinukot nito ang isang maliit na cell phone mula sa dibdib nito. “Hello?”
Pareho sila ni Butch na hindi malaman kung hihintayin ito o mauuna na sila rito. Mabuti na lang at sinenyasan sila ng ninang niya na mauna na rito.
“Huhulaan ko,” sabi niya kay Butch nang makaagwat na sila sa Ninang Stella niya. Hindi pa man niya nasasabi ang salita ay may mapait na siyang nalalasahan sa bibig niya. “She’s one of your girlfriends, right?”
Tumawa ito. “Magaling kang manghula.”
Aray!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro