Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Still Attracted To You

CHAPTER FOUR

One year later

TUMATAGAKTAK na ang pawis ni Mariz habang nakayuko siya sa rack ng mga Indian mango at pumipili roon ng firm at magugulang. Karamihan doon ay nakaalsa pa ang puno ng tuktok na pinag-alisan ng tangkay kaya nahihirapan siyang pumili. Ayon sa mama niya, magulang daw ang Indian mango kapag nakalubog ang tuktok niyon. Kundangan kasi na sa dinami-rami ng prutas, Indian mango pa ang napiling paglihihan ng Tita Lucie niya. Pero ayos lang iyon. Ang mahalaga ay nabuntis na ito sa wakas.
“Pink doesn’t suit you, I should say.”
Natigilan siya pagkarinig sa pamilyar na boses ng isang lalaki. Tumingala siya. Napigil niya ang paghinga nang makita ang isang napakaguwapong singkit na lalaki. Nakatayo ito patagilid sa kanan niya, nakahalukipkip at pilyo ang pagkakangisi habang nakatungo sa kanya.
Stanley?
“I think lacy black would be nice. Or silky nude in sheer fabric.”
Ilang segundo muna siyang nakamaang bago niya naintindihan ang sinasabi nito. Nanlalaki ang mga matang nabitiwan niya ang mga hawak na mangga at natutop niya ang kanyang dibdib. Kay bilis ng pintig ng puso niya. Nasilipan siya nito mula sa maluwang na neckline ng blouse niya. The man was talking about her bra!
Tumayo na siya. Wala siyang pakialam kahit humalo uli sa karamihan ang mga manggang napili niya.
“Kumusta ka na, Mariz? It’s been a while.”
Hindi niya alam kung gaganti siya ng ngiti o sisikmatan ito. Oo nga at mas nakakapagpaturete ng puso ang kaguwapuhan nito ngayon. Pero wala na ang sinsero at purong ngiti nito noon. Parang nang-aakit na ngayon ang ngiti nito. Parang ibang tao na ito ngayon.
“Matagal tayong hindi nagkita. Wala ka man lang bang sasabihin?” tanong nito.
The look he was giving her was disconcerting. Hinamig niya ang sarili. “Kumusta ka na, Stanley?”
“I’m good. Ganyan lang ba ang isasalubong mo sa isang dating kaibigan na matagal mong hindi nakita?”
“Anong—” Nagulat siya nang bigla siyang kabigin nito at idikit ang pisngi nito sa pisngi niya.
“Maganda ka pa rin, Mariz,” pabulong na sabi nito. “I’ve got to admit, I’m a bit overwhelmed to see you.”
Mabilis siyang kumawala rito at binitiwan naman siya nito. Wala siyang makapang sabihin. Ngayon lang nangyari na sabay niyang naramdaman ang malakas na atraksiyon at matinding disappointment.
“Kung wala ka nang pupuntahan, ihahatid na kita.”
“No!” pabiglang sabi niya. “Ahm, may pupuntahan pa ako.”
Hindi man lang ito naapektuhan ng pagtanggi niya. “Magkita na lang pala tayo sa inyo mamaya. Pupuntahan kita roon. Hindi ko pa nakokolekta ang welcome kiss ko sa iyo.” Kumindat ito at lumayo na.
Nakaawang ang mga labi na napasunod na lang ang tingin niya rito. Ano’ng nangyari sa kanya sa ibang bansa?

“MAY TAMPUHAN ba kayo ng mama mo, Mariz?”
Mula sa pakikipag-chat kay Kitch sa laptop niya ay nag-angat ng tingin si Mariz sa Tita Lucie niya. Naroon sila sa dining table sa bahay nito at ni Tito Jaime. Kinakain na nito ang Indian mango na binili niya kanina. Binilinan ito ng Tito Jaime  niya na magpahinga lang sa bahay dahil madalas itong sumpungin ng morning sickness.
“Wala, Tita. Bakit mo naman naitanong?”
“Eh, kasi, kanina ka pa nandito. Napansin ko pa na panay ang silip mo sa bintana sa bahay ninyo. May problema ba kayo ni Ate Marisol?”
“Wala, Tita,” sagot uli ni Mariz.
“Kayo na nga lang ang magkasamang mag-ina, lagi mo pa siyang iniiwan.”
Bumalik sa abroad ang papa niya pagkatapos mai-set up ang tindahan nila. Siya ang kadalasang nakatao roon. Nag-day off lang siya ngayong araw dahil matumal ang benta kapag weekdays.
Sa unang apat na buwan na nagsimulang mag-operate ang tindahan nila—ang Santiago Security Gadgets and Accessories—ay napansin ng papa niya na hindi ganoon kalaki ang return of investment ng negosyo nila. Kaya nagpasya ito na mag-apply uli sa dating pinapasukan nito sa Italy at kumalap uli ng puhunan para sa ibang negosyo.
“Ngayon lang naman, Tita.”
“Bakit nga?”
“Eh, kasi… Ayoko munang makaharap uli si Stanley.”
Mukhang magtatanong pa ang tita niya ngunit nang mapatingin siya rito ay iba ang lumabas mula sa bibig nito. “Darating dito sina Mommy bukas.”
“Talaga, Tita? Tatawagan ko pala siya mamaya. Magbibilin ako ng haleyáng ube.” Masarap magluto ng haleyá ang Lola Lumen niya. Bata pa siya noon ay sa Cavite na nanirahan ang lolo at lola niya. Nagretiro ang mga ito at nakabili ng farmland doon na ngayon ay sinisinop ng mga ito.
“Kinausap sila ni Jaime. Pinakiusapan sila ni Jaime na kung puwedeng dito muna sila habang may morning sickness pa ako.”
“Mabuti pumayag si Lolo Ramiro.”
“Ihahatid lang niya si Mommy. Babalik din siya roon kinabukasan.”
Nangalumbaba siya sa mesa. “Hanggang ngayon, idol ko pa rin sina Lolo at Lola pagdating sa pagsasama nila. Sweet si Lolo kay Lola, at si Lola, super-maasikaso kay Lolo.”
Ngumiti ang Tita Lucie niya, parang walang kaasim-asim ang hilaw na manggang kinakain nito. “Kaya ba hanggang ngayon, ayaw mo pang mag-boyfriend kasi humahanap ka ng kasing-sweet ni Daddy?”
Ngumiti siya at nagkibit-balikat. “Hindi 'yon. Kasi, hindi ko pa nagagaya ang pagiging maasikaso ni Lola Lumen.”
Tumingin ito sa labas ng bintana. “Mariz, may tumatawag yata sa inyo. Puntahan mo muna.”
Sumilip din siya sa bintana at napangiwi siya pagkakita kay  Stanley na nakatayo sa labas ng gate nila. Bumalik siya sa harap ng laptop niya. “Hayaan mo siya, Tita. Sasabihin ni Mama na wala ako sa amin.”
“Kaya pala nagbababad ka rito, ha? Hmm, bakit mo iniiwasan si Stanley, eh, muntik na ngang maging kayo dati? Don’t tell me hindi ka na niya naaapektuhan ngayon tulad noon?”
Napanguso siya bago malungkot na ngumiti. “Nagbago na siya, Tita.”

“GOOD morning. Nandito ba si Mariz?”
Napakagat-labi si Mariz at saka tumingin sa monitor ng CCTV na nakaharap sa desk niya. Si Stanley ang nagtatanong na iyon sa salesclerk nila.
“Good morning po. Puwede ko po bang malaman ang pangalan n’yo, Sir?” matalinong sagot dito ni Japs.
“Stanley Liu. I’m an old friend. Is she in?”
Naku, huwag mong sasabihin na nandito ako. Kung bakit naman kasi hindi siya nakapagbilin dito kanina. Kunsabagay, hindi rin niya alam na hanggang doon ay pupuntahan siya ni Stanley.
“Opo, Sir.” Sumilip si Japs sa table niya. “Mariz, may naghahanap sa iyo.”
Napipilitan lang na tumayo siya at hinarap si Stanley.
“Hi,” bati nito sa kanya, humahanga ang tingin habang nakangiti.
Bahagyang ngiti lang ang iginanti niya rito. “Hi.”
“Pumunta ako sa inyo kahapon pero wala ka raw sabi ng mama mo. Sinadya mo bang umalis sa inyo? Pinagtaguan mo ba ako, Mariz?”
Umawang ang bibig niya sa prangkang tanong nito. Nakita niyang palipat-lipat ang tingin ni Japs sa kanilang dalawa. “Ahm, Japs, ikaw muna rito, ha? Aalis lang ako sandali.”
“Sige.” Mukhang napilitan lang na sabi nito.
Pairap na sinulyapan niya si Stanley nang lumabas siya ng tindahan at nagpatiuna na siya sa kalsada.
“Galit ka ba sa akin?” tanong ni Stanley. Nakangisi na naman ito gaya ng ngisi nito kahapon. “Galit ka pa rin ba sa akin hanggang ngayon dahil hindi ako nagpaalam sa iyo noon bago ako umalis?”
Medyo totoo ang paratang nito. Ngunit hindi iyon ang talagang dahilan kaya iniiwasan niya ito. “Bakit ka nga ba biglang umalis noon?”
“Gusto ko lang malaman kung mami-miss mo ako kapag matagal tayong hindi nagkita.” Hinawakan siya nito sa braso at nahinto siya sa paglalakad. Nakatitig ito sa kanya, nang-aarok ang pilyong mga mata.
Hindi siya naniniwala sa sinabi nito. “Wala akong pasensiya sa mga ganyang biro ngayon,” ganti niya.
“Well, siguro naman, may panahon ka para samahan akong mag-snack?”
Sa palagay niya, tanggihan man niya ito ay hindi rin uubra ang gusto niya. Kunsabagay, curious din siya na malaman kung ano ang ginawa nito sa Taiwan sa loob ng isang taon. Siguro naman kung may asawa na ito o girlfriend, hindi na siya sasadyain pa nito.
Sumama nga siya rito nang isakay siya nito sa dala nitong Montero sport.
“Ano kaya kung dumeretso na lang tayo sa sinehan?” sabi nito habang binabaybay ang kahabaan ng kalsada.
Naalarma siya. “Snack lang ang sinabi mo.”
Ngumisi ito. “Bakit parang natatakot ka na ngayon sa akin, Mariz?”
Kumunot ang noo niya. “Hindi ako natatakot sa iyo. Naninibago lang ako. Hindi ka naman ganito noon.”
“Ganitong ano?”
“'Yong ganitong agresibo, presko.”
“Nagpapakatotoo lang ako.”
Nadidismayang tiningnan niya ito. “You mean, rude ka talaga?”
“I mean, prangka lang ako.”
“Hah!” Inirapan niya ito. Hindi siya makapaniwala na ito ang lalaking napaka-gentleman noon sa kanya. Sa ipinakikita nito ngayon, para itong sinapian ng ibang espiritu. “Bakit gusto mong tumuloy tayo sa sinehan?”
“Makakatabi kasi kita roon. Puwede kitang akbayan kung papayagan mo lang ako. Mas masarap kaya ang gano’n. Kahit paano naman, na-miss kita sa loob ng isang taon. Minsan, nai-imagine ko pa rin ang pakiramdam ng huling yakap ko sa iyo. It felt like heaven…”
Nanlalaki ang mga matang napanganga siya rito sa labis na pagkadismaya. Ito ba talaga si Stanley o na-clone lang ito sa Taiwan? Napakalayo nito sa sweet at magalang na Stanley na nakilala niya noon.
“And it felt like hell afterwards… At iyon ang pinakaayaw kong maalala, iyong isinagot mo noon sa akin. Kasi, naïve pa ako noon.” Tumawa ito. “Hindi na bagay na description sa akin ang pagiging naïve ngayon. Now I am everything but that.”
Nabaghan siya. Nasaktan nga niya ito noon. Ngunit lamang pa rin ang inis niya rito. “Kasalanan mo rin kung nasaktan ka man. Wala ka sa timing.”
“Bakit, kung nasa timing ba ako, favorable ang isasagot mo?”
Bakit ba lahat na lang yata ng itanong nito ngayon ay nakakatensiyon na sagutin? “Siguro.”
“Siguro nga, naging mabilis ako noon. Pero sana hindi ka na lang sumagot. I got hit so hard. Para akong lobong tinusok ng karayom. Parang malaking batong minaso kaya nagkadurog-durog.”  
“I’m sorry.”
Nagkibit-balikat ito. “I don’t think your sorry matters anymore. Okay na ako. Anyway, kalimutan na natin ang tungkol doon. Ngayon, iisipin ko na lang na bagong magkakilala tayo. Isa lang ang gusto kong huwag mong makalimutan. Na hanggang ngayon, attracted pa rin ako sa iyo,” sabi nito, saka siya kinindatan.

PABALIK na sa Cavite sa susunod na araw ang Lola Lumen ni Mariz. May sampung araw na ito sa bahay ng Tita Lucie niya. Bumuti-buti na ang kondisyon ng tita niya at hindi na pinahihirapan ng morning sickness nito.
“Naglalambing ka lang ba niyan o may gusto kang sabihin sa akin, Mariz?” tanong nito.
Idinikit ni Mariz ang pisngi niya sa pisngi ng Lola Lumen niya bago uli niya niyapos ito mula sa likuran. “Mami-miss ko na naman po kayo, Lola,” sabi niya. “Lalo na kapag naubos na 'yong haleyá sa refrigerator at 'yong fruit empanada na b-in-ake n’yo. Hindi ko talaga magaya 'yong sarap ng luto n’yo kahit inilista ko pa ang ingredients at procedure ng pagluluto.”
“Mapeperpekto mo rin ang lasa kapag lagi mong pa-practice-in na lutuin.” Nilingon siya nito. “Teka nga, bakit ba ngayon ka lang nagkaroon ng interes sa pagluluto? Sabihin mo nga sa akin, may gusto ka na bang ipagluto ngayon?”
Tinawanan lang niya ang sinabi ng lola niya.
“'Sabi sa akin ng Tita Lucie mo, may isang binata raw na nagkakagusto sa iyo at mukhang gusto mo rin.”
“Si Tita talaga, nang-iintriga. Hindi po, Lola. Nangungulit lang 'yon sa akin. Hindi nga pasado sa akin ang isang 'yon.”
Pinagmasdan siyang mabuti ng lola niya na sukat niyang ikailang. “Ganyang-ganyan din ako noon sa lolo mo, aayaw-ayaw kunwari. Pero lagi naman akong kinikilig nang palihim.”
“Hay, Lola, wala namang ganyanan.”
“Ewan ko sa iyong bata ka. Nasa edad ka na para magkanobyo. Bakit nga ba hindi ka yata nagpapaligaw?”
“Nagpapaligaw naman po, Lola. 'Di ba nga po, nagka-boyfriend na ako dati? Kaya lang, wala pa uling dumarating na boyfriend material para sa akin.” Hindi talaga malalim ang naging relasyon nila ng naging boyfriend niya noong huling semestre niya sa kolehiyo. Hindi pa sila seryoso noon kaya sa katagalan ay nagkalabuan na lang sila. At si Stanley, hindi niya alam kung pinagti-trip-an lang siya nito o seryoso ito sa kanya. Natatakot siyang ma-in love dito at baka sa bandang huli, malaman niyang isang hamon lang pala siya para dito kaya siya sinusundan-sundan nito ngayon.
Ang sabi nito sa kanya, kaya raw namalagi ito sa Taiwan sa loob ng isang taon ay para alamin nito ang lagay ng ilang investment ng pamilya nito roon. At muli, nagparinig na naman ito sa kanya. Kinailangan din daw nitong umalis para makatulong ang pangingibang-lugar nito sa pagpapagaling ng heartbreak nito.
Kahapon ay nag-text ito. Niyayaya siya nitong mag-skate sa bagong skating rink sa loob ng isang mall sa Makati. Hindi nga lang siya nag-reply sa text nito. Nag-text uli ito. Nang tumawag ito ay pinatay niya ang cell phone niya. Pagkaraan ng sampung minuto, binuhay uli niya ang cell phone. Mabuti na lang at hindi na siya kinulit nito.
Hindi niya alam kung kay Kitch nito nakuha ang cell phone number niya o sa kung sinong napagtanungan nito. Hindi naman niya ibinigay rito ang number niya. At matagal na niyang hindi ginagamit ang lumang number niya na mayroon ito.
“Kunsabagay, maganda ka naman. Kahit anong edad pa ang abutin mo at pagpasyahan na panahon ng pakikipagnobyo, puwede. Hindi ka mauubusan ng mga lalaking magkakagusto sa iyo.”
“Si Lola talaga, nambola pa. Pa-kiss nga po uli.”    
“Sana, ganyan ka pa rin kahit magkaasawa ka at magkaroon ng mga anak.”
Kapag nangyari iyon, sisiguruhin niyang magiging kagaya rin niya ito na mapag-alaga, maasikaso, mapagmahal, at cool. Muli, niyakap niya ito nang mahigpit.
Nang lumipat siya sa kanila sa kabilang bahay ay nakita niyang naghihintay sa kanya si Kitch. Hawak ng best friend niya ang cell phone nito at mukhang naiinip na sa paghihintay.
“Saan ka ba nagpunta? 'Sabi ni Tita Marisol, bumaba ka raw nang hindi ka nagpapaalam kung saan ka pupunta. Tine-text kita pero hindi ka nagre-reply.”
Naiwan niya sa kuwarto ang cell phone niya. “Nandiyan lang ako sa kabila. Bakit ba?”
“May ipapakita lang kasi ako sa iyo.”
Naupo siya sa tabi nito. Nag-play ang video sa cell phone nito.  Inilapit nito sa kanya ang cell phone at ipinapanood sa kanya. “Si Stanley ito, ah.”
“Oo nga. Sige, panoorin mo pa. Pero sana, huwag kang mabibigla.”
“Bakit naman?”
“Basta.”
Nakita niyang nasa isang parang bar si Stanley. Mayamaya ay tumayo ito. Isang babae ang nakita niyang hinawakan nito sa galanggalangan. Pakiramdam niya ay sinikaran siya sa nakita. Sinakmal agad siya ng selos ngunit hindi niya maialis ang tingin sa maliit na screen.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro