Soon-to-be Mistress?
CHAPTER THREE
“AKALA ko ba, crush mo si Singkit? 'Di ba, dati para kang tutang sumisinta na laging nakasunod ang tingin sa kanya? Bakit ngayon, parang iniiwasan mo na siya?”
Sinulyapan lang ni Mariz ang repleksiyon ni Kitch sa salamin. Naroon sila sa boutique ng Tita Lucie niya. Sinamahan siya nito roon. Ngayon ang final fitting ng gown na isusuot niya bilang maid of honor sa kasal ng Tita Lucie niya.
“Kung kailan aprub sa papa mo ang admirer mo, saka ka nagkakaganyan,” dagdag pa nito. “Ano ba’ng drama mo?”
Napasimangot siya. “Naiinis lang kasi ako. Ilang taon kaming hindi nagkita ni Papa pero ngayong magkasama na kami, parang mas gusto pa niyang kasama at kausap si Stanley,” napapadyak pa na sagot niya, dahilan para matanggal sa kamay ni Guia ang bahagi ng bodice niya na nilalapatan nito.
Napatingin ito sa kanya. Ito ang nagprisintang gumawa ng final fitting sa kanya para daw matiyak na magiging maganda ang lapat ng gown niya.
“Sorry.” Nahihiyang nagbaba siya ng tingin.
“Ano ka ba naman, girl?” sabi ni Kitch. “Mga bata pa tayo, insecure ka na at hindi ka naging lalaki. Hanggang ngayon ba naman, iyan pa rin ang drama mo sa fudra mo?”
Hindi siya umimik.
Biglang sumulpot doon si Stanley. “Ang ganda mo talaga, Mariz,” sabi nito sa kanya. Ngunit inirapan lang niya ito. Napatingin na lang ang pobre kay Kitch.
“Ahm, Stanley, para kay Mariz ba 'yang cheesecakes na hawak mo?” maagap na tanong ni Kitch.
Tumango si Stanley at ibinigay ang supot ng cheesecake kay Mariz. “May nagawa ba akong mali na hindi ko alam?”
“Wala,” sagot ni Kitch. “Blame it on PMS. At mukhang mga ilang buwang magkaka-PMS si Mariz kaya kung puwede, disappear muna ang fez mo kapag nakita mo siya sa paligid, okay?”
Mula sa salamin ay nakita niyang napakamot sa ulo si Stanley habang nalilitong nagpalipat-lipat ang tingin sa kanila ni Kitch. “Mariz, totoo ba ang sinasabi ni Kitch? May nagawa ba ako na hindi mo nagustuhan?” nagdaramdam na tanong nito.
“Hindi ito ang tamang lugar para pag-usapan 'yan.” Naiinis siya rito dahil wala na namang bukambibig ang papa niya kundi ang mga input ni Stanley tungkol sa negosyong gusto nitong itayo. Hindi man lang ito nagkomento nang ibigay niya rito ang USB na naglalaman ng file ng ni-research niya tungkol sa mga security camera at iba pang gadget. Para sa kanya, hayagang pambabale-wala na iyon ng papa niya sa kanya. At wala siyang ibang pinagbubuntunan ng inis kundi si Stanley.
“Okay, hihintayin kita sa labas. Ihahatid kita sa inyo para makapag-usap tayo.”
“Ayoko pang kausapin ka.”
Napamaang ito sa kanya.
Tumayo si Kitch at hinawakan sa braso si Stanley. “Sundin mo na lang muna ang friend ko kung gusto mo pang kausapin ka niya in the future. Sige na. Doon muna tayo sa labas. Pagtiyagaan mo muna ang byuti ko.”
Nakalabas na ang dalawa nang mapansin ni Mariz na pinagmamasdan siya ni Guia. “Bakit?” tanong niya.
“Naisip ko lang, may katwiran ka namang magmalaki sa isang super cute guy na gaya n’on.” Itinuro nito ang hinlalaki sa labas. “Maganda ka naman talaga.”
Kumunot ang noo niya. “At...?”
“'Yon lang. Wala naman akong karapatang makialam sa trip mo.”
Bumuntong-hininga siya. Alam niya kung ano ang mga hindi nito masabi. Na walang kasalanan si Stanley kung mas gusto itong kasama at kausap ng papa niya kaysa sa kanya. At nagiging unfair siya sa binata sa pakikitungong ipinakikita niya ngayon dito.
“TAMA sila, 'di ba, Kuya Stan?”
Nagulat si Stanley sa tanong ni Bettina. Naroon sila sa courtyard ng mansiyon ng mga ito. “Umaayon ka sa gusto ng dad at mom mo?”
“Oo naman. I mean, our clan needs strong ties to compete and survive. Ayaw rin naman ni Dad na mawala sa iyo ang legacy ng late dad mo kahit related lang siya sa mommy mo. Lalo pa nga’t wala kang kapatid. Kaya logical lang ang suggestion niya na… You know it. We’re still Chinese.”
Napailing siya. “Alam ko. Pero paano mo naisip 'yan?” The only tie that he wanted to make was with Mariz.
“Kuya Stan, kalakaran ito sa culture natin. Hindi nga ginawa ni Daddy sa mga kapatid ko ang ganito, pero hindi ibig sabihin na hindi niya gagawin sa akin. My siblings married well. Mayaman ang mga napangasawa nila at hindi na iisipin pa ni Daddy ang future nila. Besides, ang totoo, kayo ng mommy mo ang ginagawan ng pabor ni Dad sa suggestion niyang magpakasal tayo. Gusto niyang umangat pa ang buhay ninyo.”
“Pero bakit ka nga papayag? We’re not romantically involved or anything like that.”
“Yet. We’re not romantically involved yet but given the time and the opportunity, we can be,” sabi nitong ikinawit sa braso niya ang isang kamay nito at nakangising tumingala sa kanya.
“O, WACKY pose naman. Wacky!” maingay na sabi ni Kitch. Nagpi-feeling director ito sa nagaganap na picture taking. Malamang ay naiinis na rito ang mga videographer at photographer na nagko-cover ng kasal. Katatapos lang ng wedding ceremony nina Tito Jaime at ng Tita Lucie ni Mariz isang linggo pagkatapos ng graduation niya. Makikita ang kaligayahan sa mukha ng dalawa. Napaluha pa ang mama ni Mariz nang ianunsiyo ng pastor na kasal na sina Mr. at Mrs. Jaime Medina.
Kagabi ay inubos na ni Mariz ang mga luha niya. Tiyak na mami-miss niya nang husto ang tita niya ngayong sa ibang bahay na uuwi ito at hindi na sa kanila. Kaya tumabi siya rito sa pagtulog, bagay na umani ng kantiyaw mula sa papa niya. Para daw siyang bata na hindi pa maawat sa pagsuso sa ina.
Masaya siya para sa tita niya. Kahit nagpakatandang dalaga ito ay napunta naman ito sa lalaking tunay na mahal nito. Nagkatotoo rito ang kasabihang, “The best things come to those who wait.”
“You look stunning.”
Napakagat-labi si Mariz pagkarinig sa sinabi ni Stanley. Hindi niya inaasahang dadalo ito sa kasal ng tita niya. Hindi niya ito inimbita. Napipilitang pumihit siya para makaharap ito. Nakatingin ito sa kanya na parang namamangha at humahanga. Ano mang maanghang na salitang balak niyang sabihin ay hindi nakalabas ng bibig niya.
“In-invite ako ng parents mo,” sabi nito na tila nabasa ang tanong sa isip niya. “Puwede bang sa akin ka na sumabay?”
“Ahm… kasi…”
“Mariz, I don’t know why you’ve been mad at me for quite a while now. Can’t we make a truce even just for today?”
“Mariz, Stanley, mauna na kayo sa reception,” tawag ng papa niya. “Kayo na ang magsabay at doon na lang kami sasakay sa kotse n’ong isang ninong.”
Nakangiting inilahad ni Stanley ang mga kamay nito at nagkibit-balikat na parang nagsasabing, “Papa mo na ang nagsabi niyan.”
Kaya tahimik lang na umagapay siya sa paglalakad ni Stanley patungo sa parking lot, ngunit nang makita niya si Guia ay lumapit siya rito. “May kasabay ka ba sa pagpunta sa reception?” tanong niya.
“Oo, iyong dalawang tauhan ng shop,” sagot nito. “Bakit?”
“Sa inyo na lang ako sasabay.” Binalingan niya si Stanley. “Susunod na lang kami roon.” Pumihit na siya patungo sa kotse ni Guia.
Nakasakay na siya sa kotse nang makita niya sa side mirror na nakatayo pa rin sa gilid ng kalsada si Stanley at nakatanaw sa sinasakyan nila.
“Hindi pa rin ba kayo peace ng cute na singkit na 'yon?” tanong ni Guia na nanunukso ang hitsura.
Hindi niya sinagot ang tanong nito. “Kailan ka aakyat sa Baguio?” sa halip ay tanong niya rito.
NAGTUNGO si Mariz sa dulo ng reception hall, sa likod ng isang malapad na poste para i-adjust ang strap ng high-heeled sandals na suot niya. Niluwagan niya ang strap niyon dahil masikip kapag inilalakad niya. Nang makaderetso na siya ng tayo ay narinig niya ang malakas na tinig ni Kitch.
“Mariz! Mariz! Look!”
Nilingon niya ito. Hawak nito ang bouquet ng Tita Lucie niya. “Bakit nasa iyo 'yan?”
“Inagaw ko para sa 'yo,” sagot nito.
“Ikaw naman pala ang nang-agaw, eh, di ikaw ang p-um-artner sa makakasalo ng garter.” Walang interes na iginalaw-galaw niya ang mga paa at sinubukang ilakad iyon.
“Kuya, i-edit mo 'yon, ha?”
Napalingon na naman siya kay Kitch. Noon lang niya napansing may videographer palang kasunod ito.
“Smile, girl,” excited pa ring sabi sa kanya ni Kitch bago nito ipasa sa kanya ang bouquet.
Napamaang lang siya at awtomatikong hinawakan ang bouquet. Hindi niya alam kung ano ang gagawin dahil nakatutok na sa kanya ang camera ng videographer.
“Come on, Mariz, gora ka na sa harap,” untag sa kanya ni Kitch.
Napipilitan lang na sumunod siya rito. Hindi siya makapagreklamo at lalong hindi niya mapagalitan ito dahil nakasunod pa rin sa kanila ang videographer at inire-record ang lahat ng ikinikilos at sinasabi nila.
Hindi maganda ang pakiramdam ko rito, aniya sa isip.
At gaya ng kinatatakutan niya, pagdating niya sa harap ay nakita niyang iwinawagayway na ni Stanley ang garter. Ganoon na lang ang pagsisikap niyang hindi mapasimangot.
“Girl, ayusin mo ang fez mo. Mukha kang ibibitin sa gallows,” pabulong na sabi sa kanya ni Kitch bago ito lumayo.
Wala nang nagawa si Mariz. She had to go through the motions. Nasa mga mata na naman ni Stanley ang magkahalong pagkamangha at paghanga habang nakatingin sa kanya. Pinilit niyang ngumiti nang makitang nakangiti at nanonood din sa kanila ang papa niya.
“Kiss! Kiss!” sabay-sabay na sabi ng mga miron sa paligid kahit nasa kalagitnaan pa lang ng binti niya ang garter.
Maingat ang pagsusuot ni Stanley ng garter sa binti niya. Mabuti na lang, dahil isang maling kilos lang nito ay hindi siya mangingiming mag-walk out. Kahit pa nga nararamdaman na naman niya ang awareness dito. Napakaguwapo nito sa suot na dinner jacket. Parang batang executive ito sa ayos nito na naka-gel pa ang buhok. Nasasamyo niya ang banayad na bango ng Hugo Boss na gamit nito. Aaminin niya, kahit sa kanyang sarili lang, na haplos sa puso niya ang tila pagsambang nasa mga mata nito habang nakatitig sa kanya.
Paglagpas lang ng garter sa mga tuhod niya ay huminto na ito.
“Kiss! Kiss!” sabi na naman ng mga nakapaligid sa kanila.
Lumuwang ang pagkakangiti ni Stanley. Natulos naman si Mariz sa kinatatayuan. Nanginginig siya nang hawakan nito ang magkabilang braso niya at ilapit nito ang sarili sa kanya. Pipikit na sana siya ngunit sa halip na halikan siya ay niyakap lang siya nito. Mahigpit ang pagkakayakap nito at parang hindi na siya pakakawalan. Ngayon lang siya nakaranas ng napakasarap na pakiramdam mula lang sa isang simpleng yakap. Lahat ng himaymay ng laman niya ay nag-uudyok na gantihan niya ang yakap nito. Ngunit napigil siya ng ibinulong nito.
“I love you, Mariz.”
“I LOVE you, Mariz.”
Pumihit siya sa pagkakahiga at tinakpan ng unan ang mga tainga niya. Kagigising lang niya ngunit parang katulad lang ng kagabi ang lagay niya ngayon. Umaalingawngaw pa rin sa pandinig niya ang tinig ni Stanley. Ilang araw na ang nakararaan mula nang ikasal ang Tita Lucie niya. Ngunit parang kanina lang nangyari ang yakap at rebelasyon ni Stanley sa kanya.
Ibinalibag niya ang unan na itinakip niya sa kanyang mga tainga at bumangon na lang siya. Nababaliw na yata siya. Naiinis siya kay Stanley dahil malapit dito ang papa niya. Dahil parang mas mahalaga sa papa niya ang mga sinasabi ni Stanley kaysa sa mga effort niya para makatulong sa itatayo nilang negosyo. Ngunit naiinis din siya sa sarili niya dahil hindi niya mapigilang kiligin sa ipinagtapat nito sa kanya. Kahit pa nga taliwas doon ang isinagot niya rito.
Hindi na rin yata mawawala sa isip niya ang sakit na humalili sa ngiti noon ni Stanley. Parang nilatigo ito ng kamandag ng jellyfish nang sabihin niyang: “I’m sorry, I don’t.”
Hindi iyon tahasang totoo. Naiinis lang siya rito kaya iyon ang isinagot niya. Ngunit ang totoo, ang mababaw na crush na naramdaman niya rito noong una ay unti-unti nang lumalalim. Nililito lang siya ng selos at inis dito dahil sa pakikitungo rito ng papa niya.
Hindi na niya nakita si Stanley nang umalis ito ng wedding reception. Hindi pa natatapos ang programa sa reception ay nawala na ito. At ngayon nga, ilang araw nang hindi ito nagpupunta sa kanila. Mula noong kasal ng tita niya ay hindi na ito nagpakita sa kanya. And she missed him.
Hindi niya alam kung tsini-chika lang siya ni Kitch. Nakita raw nito kahapon si Stanley na may kasamang chick na mukha ring Intsik. Mukhang masayang-masaya raw ang dalawa habang mabagal na naglalakad malapit sa cell phone shop nina Stanley. Oo nga at nasaktan siya roon, pero parang mas makirot pa rin ang isiping nasaktan niya nang husto si Stanley nang tanggihan niya ang pag-ibig nito.
Lumabas siya ng kanyang silid pagkatapos maligo at makapag-ayos ng sarili. Nadatnan niya sa hapag ang mga magulang niya.
“O, anak, halika, sumabay ka nang mag-almusal sa amin ng mama mo,” masayang sabi ng papa niya pagkatapos niyang batiin ng magandang umaga ang mga ito.
“Tumawag na po ba si Tita Lucie, 'Ma?” tanong niya habang nagsasalin ng kape sa tasa.
“Hindi pa. Pero nag-e-mail siya sa akin noong isang araw pagdating nila ni Jaime sa Bali.”
“Bakit sa akin, hindi siya nag-e-mail o nag-text man lang?”
“Anak, may asawa na ngayon ang tita mo. Hindi na niya maibibigay sa iyo ang pansin at panahon na ibinibigay niya sa iyo noon. Narito naman kami ng papa mo. Anytime puwede mo kaming kausapin, tanungin, at hingan ng payo. Medyo nagseselos na nga kami dahil mas attached ka pa sa tita mo kaysa sa amin.”
Nakangiti ito habang sinasabi iyon kaya hindi niya gaanong pinansin ang pagtatampo nito.
“Anak,” anang papa niya, “naka-set up na ang puwesto para sa itatayo nating tindahan ng mga security gadget. Pati iyong unang delivery ng supplier, padating na bukas. Mabuti na lang talaga at naibigay mo sa akin ang research na ginawa mo. Nalaman ko tuloy kung ano ang mga unang dapat gawin at kung saan dapat tumingin ng mga security camera. Malaking tulong sa akin 'yon, anak, lalo na ang step by step processing ng mga requirement sa pagkuha ng permit. Salamat. Anak nga kita. Naiisip ko pa lang ang negosyong ito, nakapag-research ka na pala.”
Hindi makapagsalita si Mariz. Nakatingin lang siya sa nakangiting ama niya. Totoo bang galing dito ang mga sinabi nito? Na pinahahalagahan nito ang research na pinaghirapan niya? Hindi ba siya nananaginip lang? Pasimpleng tinusok niya ng kuko ng hinlalaki niya ang balat sa hintuturo niya. Nasaktan naman siya.
“O, Mariz, anak, bakit parang naiiyak ka? Hindi ka ba natutuwa sa ibinalita ko?”
“N-natutuwa po, Papa.”
“Kapag nakapag-set up na tayo, ang mama mo na lang ang maiiwan dito. I expect na sasamahan mo ako sa magiging tindahan natin. Gusto kong ngayon pa lang, pareho na tayong ma-train sa pagpapatakbo ng negosyong sisimulan natin.”
Sumagap siya ng hangin dahil pakiramdam niya ay nakakabikig ang tuwa na sumapuso niya. Pinahahalagahan pala ng papa niya ang research na naiambag niya. Malinaw na sa kanya ngayon na pinahahalagahan din pala siya nito.
“ANAK, ano ba ang nangyayari sa iyo at natitigilan ka pa rin diyan?” puna kay Mariz ng kanyang mama. Wala na noon sa mesa ang papa niya. Nagpaalam itong maagang pupunta sa stall nila.
“Hindi lang po ako makapaniwala na ginamit ni Papa ang research na ginawa ko. Akala ko, mas mahalaga pa sa kanya ang mga input ni Stanley kaysa sa mga pinaghirapan kong research.”
“Ano ka ba namang bata ka? Bakit ganyan ang iniisip mo? Siyempre, mahalaga sa kanya ang mga pinaghirapan mo dahil anak ka niya.”
“Kasi noon… dati…”
“Ano?”
Tumingin siya sa mga mata ng mama niya. “'Di ba, 'Ma, mas gusto ni Papa ng anak na lalaki?”
“Anak, hanggang ngayon ba, iyan pa rin ang nasa isip mo?” hindi makapaniwalang sabi nito.
“Hindi lang naman po isang beses na narinig kong sinabi niya noong bata pa ako na gusto pa niyang magkaanak. At gusto niya ng anak na lalaki.”
“Oo nga, pero nang lumaki ka na at hindi na nasundan pa, natanggap na niyang ikaw lang ang magiging anak namin.”
“Pero mas gusto pa rin niya ng anak na lalaki.”
“Hindi totoo 'yan, Mariz. Mahal na mahal ka ng papa mo. Hindi mo lang alam na noong pareho pa kaming nasa Italy, araw-araw ka naming pinag-uusapan. Mas gusto niyang kasama ka namin. Kaya nga itinaon namin sa graduation mo ang pag-uwi namin kahit hindi pa ganoon kalaki ang ipon namin. Mas gusto niyang magkakasama tayo. Natatakot siyang tuluyan nang lumayo ang loob mo sa amin na mga magulang mo.”
“Malapit kasi agad ang loob niya kay Stanley. Ang akala ko, dahil pa rin iyon sa mas gusto niya ng anak na lalaki.”
“Halika nga rito, anak.” Pinaupo siya nito sa tabi ng upuan nito at niyakap siya. “Siguro nga totoo na naghangad ng anak na lalaki ang papa mo. Pero ikaw ang ibinigay sa amin ng Diyos. At lagi namin iyong ipinagpapasalamat. Para sa amin ng papa mo, ikaw ang pinakamahalagang tao sa buhay namin. Mahal na mahal ka namin, anak.”
Napaluha si Mariz sa mga sinabi ng mama niya. Alam niya, sa kailaliman ng puso niya, may sugat na matagal nang hindi gumagaling ngunit ngayon, sa loob lang ng ilang sandali ay naghilom na.
Pagkatapos kumain ng almusal ay nagtungo siya sa hardin para magdilig ng mga halaman. Siya na ang umako ng gawaing iyon ng Ate Nona niya mula nang dumating ang mga magulang niya at madagdagan na ang mga nilalabhan at pinaplantsang damit nito.
Nagsisimula pa lang siyang patamaan ng sprinkler ang mga halaman nang sumulpot sa hardin nila si Kitch. Mukhang malungkot ito. Hindi ito nag-iingay nang pumasok sa gate nila.
“May sakit ka?” pabirong tanong niya.
“Wala. Pero ikaw ang baka magkasakit sa ibabalita ko sa iyo,” sagot nitong ngumiti nang pilit.
“Bakit?” nakakunot-noong tanong niya. “Ano bang bad news ang dala mo?”
“Umalis na ng 'Pinas ang almost soon-to-be-bf mo. Umuwi na siya sa Taiwan at doon na raw mag-i-stay.”
Natigilan siya. “Si Stanley?”
“The one and only. Ang balita sa akin ng maid nila, may isang babae raw na bumigo kay Stanley. At nang malaman daw iyon ng mommy ni Stanley, sinabihan daw ito na doon muna tumira sa Taiwan para makalimot. 'Galing talaga ng mayayaman, 'no? Nagka-heartbreak lang, sa ibang bansa pa magpapagaling. Samantalang ako, hindi lang heartbreak kundi face break at back break ang inaabot, pero kahit sa kabilang barangay lang, hindi pa makapagbakasyon…”
Hindi na niya inintindi ang iba pang sinasabi ni Kitch. Parang tinarakan ng sibat ang dibdib niya. Umalis si Stanley nang hindi nagpapaalam sa kanya. Walang katiyakan kung kailan ito babalik. Parang mawawasak ang puso niya ngayong hindi na niya ito makikita.
“Heartbreak nga lang kaya ang dahilan ng ora-oradang pag-alis ni Stanley? O baka pakakasalan na niya sa Taiwan 'yong Chinese mestiza na kasama niya noong isang araw? Baka arranged marriage ang mangyayari kasi uso pa 'yon sa kanila. Naku, girl, hindi ka na pala soon-to-be gf ni Tsekwa, soon-to-be mistress na lang. Aray, naku!” angal ni Kitch nang batukan niya ito.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro