Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Seduced


CHAPTER SIX

“MARIZ! Ano’ng ginagawa mo?”
“Huh!” Gulat na natigil ang kamay niya sa ere sa malakas na pagtawag sa kanya ng mama niya. Umaga noon, naroon siya sa kusina.
Lumapit sa kanya ang mama niya. “Bakit mo sasalinan ng suka ang itlog na piniprito mo?”
“Nagkamali lang, 'Ma.” Mabilis niyang ibinaba ang bote ng suka at binudburan ng asin ang sunny-side up na niluluto niya.
“Ano ba’ng nangyayari sa iyong bata ka?” tanong nito nang mailagay na niya sa pinggan ang niluto niyang itlog. “Kahapon ko pa napapansin na parang wala ka sa sarili at matamlay. May problema ka ba?”
“W-wala, 'Ma. Okay lang ako.” Naupo na siya sa silya. Sila lang mag-ina ang mag-aalmusal dahil maagang umalis ang Ate Nona niya para mag-day off. Pag-angat niya ng tingin ay nakita niyang pinagmamasdan siya ng mama niya.
“Anak, kilala kita. Kahit may kagalit ka o may problema kayo ni Kitch sa school noon, hindi ka nagkakaganyan.”
“'Ma, mag-almusal na lang tayo. Baka lumamig na ang kape n’yo.”
“Tungkol ba ito sa binatang lagi mong pinagtataguan?” hindi nagpapigil na tanong nito nang tapos na silang mag-almusal.
“'Ma, please...”
“Ano? Mariz, hindi por que dalaga ka na at naka-graduate ng college, wala na akong karapatang alamin ang mga nangyayari sa iyo lalo na kung ganyan na halatang may dinaramdam ka. Anak, ina mo pa rin ako. Kahit mas malapit ka kay Lucie, ako pa rin ang magulang mo.”
Napatingin siya rito. “Nagseselos ba kayo sa pagiging close ko kay Tita Lucie?”
Hindi agad ito nakasagot. “Kaunti siguro. Pero hindi masama ang loob ko sa iyo o sa Tita Lucie mo. Ang sa akin lang, gusto kong malaman mo na puwede kang magsabi sa akin ng mga problema kahit ano pa 'yon. Nandito lang ako, anak. Handa akong makinig.”
Bumuntong-hininga siya.
“Tama ba ang palagay ko? Tungkol nga ito kay Stanley?”   
Bumuntong-hininga uli siya. “'Ma, sinabi ko sa kanya na maging magkaibigan na lang kami.”
Hindi nagbago ang ekspresyon nito. Tila pinag-aaralan pa rin siya nito. “Nagalit ba siya? Nagtampo?”
“Hindi, 'Ma. Tinanggap lang niya na parang walang anuman. Manliligaw na lang daw siya ng iba.”
Tumango-tango ito. “Kaya ka ba nasaktan?”
Napayuko na lang siya.
“May gusto ka rin sa kanya, hindi ba?”
Ilang sandali muna bago niya nagawang tumango. “Pero ayoko rin sa kanya.”
“Dahil...?”
“Nag-iba na siya, 'Ma. Hindi na siya romantic gaya noon. Parang ibang tao na siya pagkaraan ng isang taong pagtira niya sa Taiwan.”
Saglit na ngumiti ito. “'Yon lang ang dahilan kaya pinahinto mo siya sa panliligaw sa iyo?”
“'Ma, importante sa akin iyon. Nakaka-disappoint na kaya ka lang liligawan ng isang lalaki kasi maganda ka, maganda ang katawan mo, at gusto ka nilang halikan o higit pa roon.”
Nanlaki ang mga mata nito. “Sinabi niya 'yon?”
“Hindi nga pero… parang gano’n na ang ibig sabihin ng mga tingin niya ngayon. At ayoko ng gano’n. Kung mag-asawa na siguro kami, ikatutuwa ko iyon. Pero nasa courtship period pa lang kami. Hindi ba niya naiisip 'yon?”
“Alam ba niyang ganoon ang dahilan mo?”
Umiling siya.
Hinawakan nito ang isang kamay niya at hinaplos ang likod niyon. Ngumiti uli ito. “Dalaga ka na nga at nagma-mature. Ganyan na ang takbo ng isip mo. Pero, anak, hindi sign ng isang tunay na matured person ang ginawa mo kay Stanley. Bakit hindi mo sabihin sa kanya ang ikinaaayaw mo sa kanya pati na ang expectations mo?”
“Nakakahiya naman 'yon, 'Ma.”
“Aba, eh, bakit ka mahihiya kung iyon ang totoo? Alam mo, anak, kadalasan magkaiba ang takbo ng isip ng mga lalaki sa mga babae. Pero sa amin ng papa mo, pagdating sa usaping emotional, madali kaming magkaunawaan. Ngayon, kung gusto mo ring maging ganoon kayo ni Stanley, dapat siguro ikaw na ang maunang mag-open up sa kanya.”
“Parang hindi ko kayang gawin 'yon.”
“Dahil ba sa pride?”
Nagbuga siya ng hangin. “Tinanggap na niyang maging magkaibigan na lang kami.”
“Maraming paraan para ipaalam mo sa kanya ang totoong nararamdaman mo.”
Tumango lang siya. Easier said than done.

SUMULYAP si Mariz sa suot niyang relo. May kinse minutos na siyang nag-aabang ng taxi sa waiting shed ay hindi pa rin siya nakakasakay. Kung kailan pa day off ni Japs, doon pa mahirap sumakay. Puwede sana siyang magpasundo rito kung papasok lang ito ngayon.
Kailangan na talaga niyang kumuha ng driver’s license. Walang silbi na naturuan nga siya ng Tita Lucie niya na mag-drive pero wala siyang lisensiya. Para sana puwede niyang dalhin na lang ang pickup truck ng papa niya.
Nagulat siya nang biglang may pumaradang sasakyan sa tapat niya. Bumaba ang tinted glass ng bintana niyon at sumungaw ang nakangiting mukha ni Stanley. “Sakay na, Mariz. Idadaan na kita sa shop n’yo,” alok nito.
Napahinga siya nang malalim. “Thank, God.” Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Lumigid siya at sumakay sa passenger’s seat. Muntik na siyang mapaigtad nang dumukwang sa kanya si Stanley at hugutin nito ang strap ng seat belt para ikabit sa kanya. Saglit na nalunod siya ng kaaya-ayang amoy ng men’s soap na ginamit nito at ng aftershave lotion.
“Puwede ka nang huminga.”
“Huh!” Pigil-pigil pala niya ang hininga niya. Ngingiti-ngiti ito nang tingnan niya.
“Magkaibigan na lang tayo ngayon, 'di ba? Pero bakit parang tensed ka agad? Nakatabi mo lang naman ako.”
“Tumigil ka nga. Nang-aasar ka na naman.”
Pumalatak ito. “Sa sungit mong 'yan, hindi ako magtataka kung makagaya mo ng fate si Queen Elizabeth.”
Nakakunot-noong nilingon niya ito. “Ano na naman 'yan?”
“Bakit, hindi mo ba alam kung ano ang sinapit ni Queen Elizabeth?”
Napahalukipkip siya. “Bakit ba nakasakay-sakay pa ako rito sa kotse mo? Hindi na ako nadala. Hindi ka na magbabago sa akin. Aasarin mo pa rin ako in every opportunity.”
“Ano ba’ng sinasabi mo diyan? I was just stating a fact. Wala namang masama sa sinasabi ko. Ayoko lang matulad ka kay Queen Elizabeth.” Huminto sila sa traffic light nang mga sandaling iyon.
“Ano nga ang tungkol kay Queen Elizabeth?”
Hindi agad ito sumagot. Hinintay muna nitong magkulay-berde ang ilaw-trapiko at humarurot ito bago siya bulungan. “Virgin 'til she died.”
“Antipatiko!” umuusok ang bumbunan na sikmat niya rito.
Hindi na ito umimik. Mukhang napansin na nitong totoong naiinis na siya rito. Nanatili rin siyang tahimik. Napakalapit ng bibig nito sa pisngi niya nang bulungan siya nito kanina. Nalanghap niya ang mabangong hininga nito. Bukod doon, naramdaman niya ang singaw ng katawan nito sa maiksing distansiya nilang dalawa. Nakakatensiyon pa rin ang presensiya nito.
Tahimik siyang umusal ng pasasalamat nang tumapat na ang kotse nito sa Santiago Security Gadgets And Accessories. Kinapa ng kamay niya ang lock ng seat belt ngunit naunahan siya nito. Kaya sa likod ng palad nito nag-landing ang kamay niya.
Parang napapasong binawi agad niya ang kamay niya rito. At hindi niya inaasahang ibabalik nito sa gilid ang seat belt dahilan para muling dumukwang ito sa kanya.        
Napasinghap siya nang tumigil ito pagtapat ng mukha nito sa mukha niya.
“You know what?” paanas na sabi nito, malapit na malapit sa bibig niya. “Tama ka nga sa sinabi mo kanina. Hindi na ako magbabago sa iyo. Dahil kahit anong pagtataboy ang gawin mo sa akin, kahit anong discouragement, it will not change the fact that I’m still crazy about you…”
And to her horror, he surprised her with an almost-there kiss, just a mere inch away from her lips.

“DELIVERY po, Ma’am.”
Napakunot-noo si Mariz sa delivery boy ng paborito niyang pizza parlor. “Baka nagkakamali ka. Wala akong ino-order na kahit ano sa inyo,” sabi niya rito.
“Kayo po ba si Mariz Santiago?” tanong nito.
“Ako nga. Pero hindi ako tumawag sa take out counter n’yo.”
“Ah, opo, Ma’am. Kasi may bumili po ng snack para sa inyo. Bayad na po ito. Pakipirmahan na lang po ito.” Itinuro nito ang hawak na papel.
“Ha? Sino?”
“Eh, Ma’am, talaga pong hindi po niya ipinalagay ang pangalan niya. ‘Loving friend’ lang po ang nakalagay rito.”
Napahinga siya. Hindi na niya kailangan pang mag-isip nang malalim. Alam na niyang galing iyon kay Stanley. Tiningnan niya ang oras sa relo niya. Eksaktong alas-tres ng hapon. Pinirmahan na lang niya ang order slip.
Napapangiti siya nang kinakain na niya ang pizza. Bale-wala ang pagbigo niya kay Stanley at ang pagsasabi niya rito na maging magkaibigan na lang sila. Lalo pang naging masigasig itong ilapit ang sarili sa kanya. Hindi niya alam pero gusto niya iyon. Kung sana lang ay hindi siya bibiglain nito ng mga hirit na gaya ng ginawa nito kaninang umaga. Hindi dahil sa hindi rin niya gusto iyon. Gusto niya, iyon ang totoo. Ayaw lang niya ng dahilan nito, kung ang dahilan nga nito ay bunsod ng pagnanasa.
Hindi na siya nagtaka nang bago mag-alas-otso ay tumapat ang Montero Sport nito sa tindahan nila.
Nakasuot lang ito ng itim na crew neck shirt na hapit sa katawan at black denim jeans. Mababakas ang mauumbok na kalamnan nito sa dibdib ng kamiseta. Mukhang rarampa ito sa catwalk. Kung alam lang nitong hindi na nito kailangan pang magpaguwapo sa ganang kanya. Ano man ang isuot nito, ano man ang ayos, sumisikdo pa rin ang dibdib niya tuwing nasa malapit lang ito.
“Hi,” nakangiting bati nito, sabay abot sa kanya ng Slurpee. “Baka nauuhaw ka na kaya dinalhan kita. Tutulungan na kitang magsara dito.”
“Thanks.” Nauuhaw na nga siya. Maalinsangan ang panahon nang araw na iyon. Iniabot niya rito ang bracelet na ginawa niya. Gawa iyon sa dark fiber glass beads na parang teak wood. “O, 'bigay ko sa iyo. Walang gaanong customer kaninang tanghali kaya nagawan kita.”
Namilog ang mga mata nito. “Engagement bracelet na ba ito? Are you proposing to me?”
Natawa siya. “Sira. Gumagawa talaga ako ng mga ganyan kapag may free time. Sampu na yatang ganyan ang nagawa ko para kay Kitch. Si Papa mayroon din. 'Yong sumosobra, inilalagay ko sa shop ni Tita Lucie para ibenta.”
Tinitigan siya nito. “Naisip mo talaga ako habang ginagawa mo ito?”
Iwinasiwas niya ang kanang kamay sa harap nito at sinimangutan ito. “Hay, huwag ka ngang OA diyan. Friend lang kita kaya ginawan kita niyan. Huwag kang mag-isip ng kung ano.”
Ginaya nito ang pagsimangot niya sabay dutdot ng daliri nito sa pisngi niya. “'Sungit.”
“May nagagawa ka pa ba sa shop ninyo?” tanong niya rito nang mangalahati na ang iniinom niya. “Lagi ka na lang wala roon.”
Ngumiti uli ito. “Mayro’n naman. Umaga at gabi lang ako wala roon. Saka 'pag sobrang nami-miss kita, umaalis ako roon para puntahan ka,” sabi nitong dumukwang para makisipsip sa straw ng Slurpee niya.
“Ikaw yata ang nauuhaw, ubusin mo na,” sabi niyang ibinigay na rito ang cup.
“'Sus, ayaw mo lang sipsipan 'yong straw na sinipsipan ko, eh. Ang selan nito. Kapag naging lovers na tayo, hindi lang ang straw ko ang sisipsipin mo.”
Nanghilakbot siya sa sinabi nito. “Yuck! Bastos! 'Kadiri ka. Ano’ng pinagsasasabi mo diyan?”
Tumawa ito at dinutdot na naman ang pisngi niya. “Malisyosa ka pala. Ang sinasabi ko lang…” Dumukwang uli ito at inilapit sa tainga niya ang bibig nito bago bumulong. “Kapag naging lovers na tayo, normal na lang ang pagshe-share sa iisang straw. At kapag natikman mo na ang halik ko—”
Hindi na niya ito pinatapos sa sinasabi. Naaasar na itinulak niya palayo ang mukha nito.
“There, Stanley,” sabi nito sa sarili habang itinataas ang mga kamay at tumitingin sa langit, “you’ve ruined it again.”
“'Buti alam mo,” aniyang nagsimula nang magsara ng mga roll-up door.
“Kung sisipulan ba kita ngayon, mao-offend ka?” tanong nito habang tinutulungan siyang ibaba ang roll-up door sa kaliwa.
“Bakit mo naman ako sisipulan?” nakakunot-noong tanong niya.
“Because your sexy curves are showing,” sagot nitong nakatingin na sa baywang niyang nakalitaw pala nang abutin niya ang roll-up door.
Bigla niyang naibaba ang mga kamay niya. Humalukipkip siya at sumimangot. “Nakaka-disappoint ka talaga, Stanley Liu.”
“Bakit? Masama na bang humanga ngayon? Ako ba ang naglislis ng damit mo? Puwede ko pa ngang isiping pino-provoke mo ako para maakit ako sa iyo.”
Nakaawang ang mga labi at dismayadong napamata siya rito.
“Pero hindi mo na ako kailangang akitin, Mariz Santiago. Kahit wala kang gawin, kahit simangutan mo ako o ngitian, iisa lang ang epekto n’on sa akin—naaakit ako sa iyo.” Isinara nito ang nakaawang na mga labi niya sa pamamagitan ng hinlalaki at hintuturo nito.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro