Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Meeting Chinito

CHAPTER ONE

NASA terrace si Mariz at kasalukuyan siyang gumugupit ng kartolina. Gumagawa siya ng cutouts na korteng-puso at idinidikit iyon sa mga dilaw na malaking kartulina.
“Mariz! Mariz! Marii—z!”
Napatayo siya sa urgency at sa eskandalosong pagtawag sa kanya ng kaibigan niyang si Kitch. Binuksan niya ang pedestrian gate at sumugod na ito papasok doon. “O, napa’no ka? May sunog ba?”
“Sabihin mo nga sa akin, kapag ba namatay ako, pupunta ka sa burol ko?” tensiyonadong tanong nito at medyo humihingal pa.
Inirapan niya ito at bumalik na siya sa upuan at sa paggugupit. “Akala ko pa naman, may seryoso nang nangyayari. Kung makatawag ka, parang matter of life and death na ang dahilan.”
Umupo ito sa silyang katapat ng inuupuan niya. “Matter of life and death naman talaga.”
Pinatirik niya ang mga mata. “Sinabi mo, eh.”
“Ano na’ng sagot mo sa tanong ko?”
Muli niyang ibinaba ang hawak na gunting. “Seryoso ka?”
“Oo nga.”
“Bakit?” nakakunot na ang noong tanong niya.
“Basta sagutin mo muna.”
“Susme naman, Kitch, kulang na lang iisang matris ang panggalingan natin, 'tapos, itatanong mo sa akin kung pupunta ako sa burol mo kapag namatay ka? Natural, pupunta ako. Bakit mo nga ba naisip na itanong 'yan?”
“Wait lang. Ibig din bang sabihin n’on, mag-aabuloy ka kapag namatay ako?”
Ikiniskis niya ang mga palad sa magkabilang braso niya habang napapailing. “Kinikilabutan naman ako sa tanong mo. Oo, siyempre.”
“Magkano naman?”
“Kitch! I swear, kapag kalokohan lang ang dahilan ng mga tanong mong ito, sasakalin talaga kita para mapaglamayan ka na mamaya.”
“Hindi stir ito, promise. Magkano nga?”
“Limang libo. Para bonggang flowers ang makikita ng mga tao sa burol at puntod mo.”
“Puwede ko bang makuha na ngayon ang abuloy mo, please?”
Napatayo na naman siya at pinamaywangan ito. “'Oy, Enriquito, lubayan mo na nga ako. Huwag mo akong isali diyan sa kahibangan mo. Ang mabuti pa, tulungan mo akong maggupit ng mga ito para matapos na.”
“Pero, Mariz, hindi ako nagbibiro. Puwede ko na bang makuha ngayon ang iaabuloy mo sa akin? Sige na naman, o.”
“Bakit nga?”
“Eh, kasi… kasi—” Hindi na nito naituloy ang sinasabi dahil may nag-doorbell sa labas.
Iniwan niya ito at sinilip niya sa siwang sa itaas ng bakal na gate kung sino ang nasa labas. Isang lalaking tsinito ang nakita niya. Guwapo ang lalaki at ang balingusan ng matangos na ilong ay nagsisimula sa pagitan ng mga mata nito. May-kapayatan ito at sa tantiya niya ay nasa early twenties pa lang ito. Makinis ang pinkish na kutis nito at katamtaman lang ang taas. Binuksan niya ang pedestrian gate at isinungaw roon ang mukha niya.
“Yes?” tanong niya.
“Magandang hapon,” bati sa kanya ng lalaki. “I’m looking for Kitch Manlangit. This is the address he gave me. He’s here, right?”
Napatingin siya sa likuran, sa kinaroroonan ni Kitch. Panay ang iling nito habang magkasalikop ang mga kamay sa tahimik na pakiusap na huwag niyang sasabihin ang kinaroroonan nito. Unti-unti na rin itong umaatras papasok sa loob ng bahay.
“Why are you looking for him?” tanong niya nang ibalik ang tingin sa lalaki. Ang sarap pagmasdan ng mukha nito. Hindi ito guwapo sa biglang tingin ngunit habang tumatagal na tinititigan niya ito ay nagmumukhang matinee idol ito ng mga Korean soap. May dinukot itong nakatuping papel sa bulsa nito. “Because of this.”
Kinuha niya at binuklat ang papel na iniabot nito. Sulat- kamay iyon ni Kitch at pirmado pa nito. Ayon sa sulat, nangangako si Kitch na babayaran ang isang nagngangalang “Stanley Liu” ng halagang sampung libo dahil sa naiwala nitong cell phone mula sa cell phone shop ng lalaki.
“You know the guy, right? This Kitch Manlangit?”
“Y-yeah, I-I know him,” sagot ni Mariz dahil iyon naman ang totoo kahit dapat sana niyang ikaila ang kaibigan. “Please come in.”
Wala na sa terrace si Kitch nang makapasok na sila ng lalaki sa bakuran nila. Isinenyas niyang maupo ito sa upuang inupuan kanina ni Kitch at bumalik na siya sa upuan niya.
“What happened? How did he lose this—”
“Ewan ko sa kanya,” putol ng lalaki sa pagsasalita niya.
Anak ng pitong baka! Marunong naman palang mag-Tagalog ang Tsekwa na ito, nagtiis pa akong mag-nosebleed sa pag-i-Ingles.
“Ganito kasi 'yon. Iniabot sa kanya ng sales assistant 'yong unit na gusto niyang makita. May dumating na kakilala niya at nakipag-usap siya rito. Pero bigla na lang nawala ang kakilala niya pati 'yong cell phone. Nagsumbong sa akin 'yong sales assistant kaya sinita ko si Mr. Manlangit. Hindi na niya maipaliwanag kung paano nangyari na nawala ang hawak niyang unit. Kaya sinabi ko sa kanya na dadalhin ko siya sa presinto kung hindi niya babayaran 'yong nawalang unit. Nakiusap naman siya sa akin na kung puwede raw huwag ko na siyang ipapulis. Magbabayad na lang daw siya. Ginawa nga niya ang promissory note na 'yan at iniwan niya sa amin ang cell phone niya. Ang kaso, hindi siya bumalik doon kahapon gaya ng pangako niya. Kaya ako nagpunta rito ngayon.”
Nasagot na ang dahilan kung bakit hinihingi ng baklang kaibigan niya ang iaabuloy niya rito gayong buhay na buhay pa ito.

“TALAGA bang kailangang tapusin? Puro kalyo na ang kamay ko, o,” reklamo ni Kitch kay Mariz. Ito na ang gumugupit ng mga cutout sa kartolina.
Inirapan ito ni Mariz. “'Pasalamat ka, iyan lang ang ipinagawa ko sa iyo. Nagsinungaling ka na nga tungkol sa totoong address mo sa Tsekwang 'yon, itong address pa namin ang ibinigay mo sa kanya. On top of that, napilitan akong mag-good-bye sa limang libong matagal kong inipon dahil lang sa kagagawan mo.” Napilitan siyang ibigay kanina kay Stanley Liu ang limang libong piso bilang paunang bayad sa naiwalang cell phone ni Kitch. “Paano ba talaga naagaw sa iyo ang cell phone? Sino ba ang lalaking nang-agaw sa iyo? I-describe mo nga. Baka sakali, mahanap pa ng mga pulis at mabawi natin 'yong tinangay niya.”
“Eh, kasi...” Napakamot sa ulo si Kitch.
“Kasi...?”
“Hindi talaga ako naghinala na kukunin niya sa akin 'yong cell phone. Akala ko, gusto lang niya akong maging friend. Hayon, chika-chika. 'Tapos nang mahingi ko na sa sales assistant 'yong cell phone, kinuha niya sa akin at pinindot-pindot niya. 'Tapos ngumiti siya sa akin at nag-thank you. Hinawakan pa niya ako rito at pinisil dito.” Itinuro nito ang baywang nito at likod. “Nagulat na lang ako nang bigla siyang lumayas tangay 'yong cell phone.”
Naguguluhan man noong una ay nasundan din ni Mariz ang takbo ng kuwento ni Kitch. “Ang ibig mong sabihin, may isang lalaki, I mean isang cute na lalaki,” pagdiriin niya sa salitang “cute,” “na sumama sa iyo roon sa cell phone shop, gano’n ba?”
Tumango ito, hindi makatingin sa mga mata niya.
“'Ayun, binola-bola ka para matangayan ng cell phone. At dahil cute siya, nagpabola ka naman. In fairness, may taste siya sa cell phone. Mamahalin pa ang tinangay niya. Kakilala mo ba ang lalaking ito o namumukhaan mo man lang?”
Umiling si Kitch, sa sahig pa rin nakatingin.            
Bumuntong-hininga si Mariz. “Sana lang, Kitch, matuto ka nang mag-ingat sa style ng mga mapagsamantalang lalaki. Maging lesson na sa iyo ang nangyaring ito.”
Tumingin ito sa kanya. “Mariz, puwede ba, huwag mo na itong iparating sa papa ko? Baka jombagin ako n’on 'pag nalaman niya, eh.”
“Okay. Alam mo namang hindi ko magagawang ipahamak ka. Pero kapag naulit pa ito, ako na mismo ang dyo-jombag sa iyo.”
“Ang cute niya, 'di ba?” pag-iiba nito sa usapan.
“Huh?”
Ngumisi ito, nanunukso ang hilatsa ng mukha. “Si Tsekwa. Nakita kong nag-twinkle ang mga mata mo kaninang nag-uusap kayo.”
Inirapan niya ito bilang sagot. Cute nga si Stanley. At mabait din ito. Dahil kung sa iba lang nangyari ang ginawa ni Kitch, tiyak na sa presinto niya dadamputin ang kaibigan niya. Bukod doon, pinong kumilos si Stanley—may breeding. Nang ngitian siya nito bago ito magpaalam, nabasa niya sa mga mata nito na parang nahihiya ito, isang ekspresyon na madalas lang niyang nakikita sa mga lalaking nagkaka-crush o attracted sa kausap na babae. Lihim na natuwa siya dahil doon.
“Malapit lang dito ang cell phone shop niya. Hindi imposibleng magkita uli kayo.”
“Talagang magkikita uli kami dahil ako pa rin ang magbabayad ng balance mo sa kanya,” pambabara niya kay Kitch.
Nagmukha uli itong maamong kordero. “Babayaran ko naman sa 'yo ang mga inabono mo, ah. 'Pasalamat ka, wiz ko type ang mga chinky-eyed. Kaya ibabalato ko na lang sa iyo si Stanley.”
Pinagmasdan ni Mariz si Kitch. Kung tutuusin, mas guwapo pa ito kaysa kay Stanley. Mala-Piolo Pascual ang mga mata nito, at mas cute pa sa mga labi ni Xian Lim ang mga labi nito. Sayang ang lahi nito kung hindi magpaparami.
“Bakit mo 'ko tinitingnan nang ganyan?” may pagdududang tanong nito.
“Kasi, kahit saang anggulo kita tingnan, guwapo ka talaga. Hindi na ako magtataka kung bakit crush ka ng Milkmaid Sisters,” aniyang ang tinutukoy ay ang matatandang dalagang magkakapatid na kapitbahay nito na may kakaibang mga pangalan. “Kahit minsan ba, hindi mo naisip na puwede kang maging straight?” Inabot niya ang mukha nito at pinaraan ang likod ng hintuturo niya sa gilid ng mukha nito.
Parang napasong lumayo agad si Kitch. Nagtikwasan ang mga kilay at daliri nito. “'Kadiri ka, Maristela. Pinagnanasaan mo ba ako?”
Tawa siya nang tawa sa naging reaksiyon nito.

NANGINGINIG ang buong katawan ni Mariz nang makatalon siya sa isa sa mga lifeboat na ibinagsak ng mga tao at crew ng barko. Takot na takot siya. Malaki na ang apoy na lumalamon sa barko at unti-unti na iyong lumulubog.
Napakalayo ng kinalululanang lifeboat ni Kitch mula sa kinaroroonan niya. Ang akala niya ay kasama nito si Yanie at nauna nang tumalon ngunit si Kitch lang ang nakita niya sa mga kasama niyang sumakay sa barko. Diyos ko! Diyos ko! Iyon lang ang nagawa niyang sambitin dahil sa labis na takot.
“Talon, Yanie! Talon!”
Napatingala siya sa itaas ng barko pagkatapos marinig ang boses ni Kitch. Nakita niyang nag-aalangan pa si Yanie sa pagtalon. Naiwan pa pala ito sa barko. Ang akala niya kanina ay nauna pang tumalon ito kaysa sa kanya. Mabuti na lang at may isang taong humawak sa braso nito at isinabay ito sa pagtalon. Bumagsak ang mga ito sa loob ng lifeboat.
Napapikit siya. Ligtas na ang dalawang kaibigan niya ngunit hindi na niya makita ang mga magulang ni Yanie.
“Yanie! Kitch!” sigaw niya sa dalawa nang makita niyang biglang umusad palayo ang sinasakyang lifeboat ng mga ito. Parang may malakas na puwersang nagtutulak doon. Napasigaw na naman siya. Ngunit saglit lang at hindi na niya makita ang lifeboat ng mga ito.
At bigla, isa-isang inilayo ng di-nakikitang puwersa ang mga lifeboat na nagkalat sa paligid niya. Naubos ang mga iyon. Nakakapagtakang pati ang mga kasama niya sa lifeboat ay isa-isa na ring naglaho na parang bula. Hanggang sa ang matira na lamang na sakay ng lifeboat ay siya at ang isang batang lalaki. Noon biglang lumitaw ang papa niya sa ibabaw ng tubig. Mas malaking lantsa ang sinasakyan nito. Napasigaw siya at inilahad niya ang mga braso niya rito. Ngunit hindi siya ang kinuha nito. Iniabot nito ang kamay sa batang lalaki at iyon ang isinakay nito sa lantsa.
“Papa! Papa, kunin mo 'ko! Papa! Papaa—!” paulit-ulit na sigaw niya ngunit parang hindi siya nakikita nito. Lumayo na ang lantsang sinasakyan nito at iniwan na siya.

“MARIZ! Mariz! Gising! Gumising ka! Nananaginip ka.”  
Gulat na nagmulat ng mga mata si Mariz dahil sa malakas na tinig ng Tita Lucie niya. Nang maramdaman niya ang kamay nitong yumuyugyog sa braso niya at makita ang mukha nito ay pumikit uli siya.
Panaginip lang pala. Akala ko, totoo na. Salamat po, Diyos ko. Nagising pa ako.
“Okay ka lang ba?” tanong ng tita niya.
“Yes, Tita.” Dumilat uli siya at bumangon na. Mag-aalas-singko pa lang ng umaga ayon sa alarm clock sa ibabaw ng bedside table. Hinagilap niya ang makapal na jacket niya at ipinatong iyon sa suot niyang sweater. Napakalamig pa rin sa Baguio kahit papalapit na ang tag-araw. Doon siya nag-weekend. Gusto kasi niyang makasama ang tita niya kahit dalawang araw lang. Linggo ng gabi ay luluwas na naman siya sa Maynila.
“Ano ba’ng napanaginipan mo?”
“'Yon pa ring shipwreck, Tita.”
“Pero matagal mo nang hindi napapanaginipan 'yon, ah.”
Hindi siya umimik. Pero hindi na siya nagtaka kung bakit napanaginipan uli niya ang tungkol doon. Natitiyak niyang may kaugnayan doon ang tawag na natanggap niya kahapon mula sa mama niya. Uuwi na ito at ang papa niya. Pagkaraan ng ilang taong pagtatrabaho ng mga ito sa ibang bansa ay nagpasya raw ang papa niya na bumalik na sa Pilipinas at dito na magtayo ng negosyo.
Dapat sana ay maging masaya siya sa balitang iyon. Pero wala siyang nakakapang tuwa sa puso niya. Sa halip, antisipasyon at lungkot ang nangungunang emosyon sa kanya. Ikakasal na ang Tita Lucie niya, ang tita niya na bata pa siya ay kadikit na niya. Ito ang nag-alaga sa kanya at naging guardian niya nang sabay na magtrabaho sa ibang bansa ang mga magulang niya.
Tuluyan na siyang mapapahiwalay sa tita niya. Hindi na magiging tulad ng dati na kahit nasa Baguio ito at nasa Maynila siya ay hindi napapatid ang ugnayan nila araw-araw. Nadarama niya ang pag-aalaga nito kahit magkalayo sila. At hindi lumalampas ang isang buwan na hindi sila nagkikita. Kung hindi siya ang umaakyat sa Baguio ay ito ang lumuluwas sa Maynila para lang tingnan ang lagay nila ng kasambahay na si Ate Nona.
Masaya siya na kay Tito Jaime rin mapapakasal ang Tita Lucie niya. Matalik na magkaibigan ang dalawa noong binata pa si Tito Jaime. Secret love pala ng tita niya ang biyudong ama ng best friend naman niya na si Yanie.
Napabuntong-hininga si Mariz nang maisip si Yanie. Kasama niya ito at ang kaibigan nilang si Kitch sa shipwreck na mahigit apat na taon nang nangyari. Pero hindi pa rin natatagpuan ang islang kinapadparan ni Yanie at ng iba pang mga survivor.
“Mariz, talaga bang okay ka lang?” sabi ng tita niya na bumasag sa pananahimik niya.
Tumango siya at ngumiti nang bahagya. “Bakit gano’n, Tita? Dapat maging masaya ako dahil uuwi na sina Mama at Papa at makakasama ko na sila. Pero mas lamang ang lungkot na nararamdaman ko ngayon. Kasi, ikakasal ka na. I mean, masaya ako na finally, magpapakasal ka na sa lalaking mahal mo. Pero nalulungkot ako kasi maghihiwalay na tayo. Hindi lang kita tita, kaibigan din kita at confidante. Ikaw ang tumayong magulang ko sa loob ng ilang taon. At ngayon, biglang magbabago 'yon. Siyempre, doon ka na titira sa bahay ni Tito Jaime. Mawawala na 'yong mga kuwentuhan natin tungkol sa boys hanggang hatinggabi.”
Tumawa ito.
“'Yong pamamasyal natin, 'yong kulitan, pati na ang mga out-of-town trips natin, 'yong sabay na pagsha-shopping, 'yong sabihan ng mga secret. But more than that, tiyak na mami-miss ko 'yong sobrang attachment ko sa iyo. Maiiba na 'yon ngayon. Hindi na puwede 'yong katulad ng dati na kung minsan, magkasama tayong matulog sa iisang kuwarto. Iisang bahay ang tinitirhan natin. Siguradong mahihirapan akong mag-adjust, Tita. Kasi… kasi hindi ko naman dati iniisip na may magbabago sa takbo ng mga buhay natin.” Pumiyok na siya sa puntong iyon.
“Mariz...”
Pinahid niya ng mga daliri ang luhang sumungaw sa mga mata niya. “Sorry, Tita. Ang aga-aga kong mag-emo. Pero ganito talaga ang nararamdaman ko ngayon.” Yumuko siya at pinahid uli ang mga luha niya. Naramdaman na lang niyang lumapit ito at niyakap siya.
Yumapos din siya rito. Hindi niya alam kung bakit para siyang mauulila kapag dumating na ang araw na ikinasal na ito kay Tito Jaime. Napakarami na ng hirap sa kanya ng tita niya. Para na niyang ikalawang ina ito. 
“Ako rin naman, siguradong maninibago,” sabi nito nang magkalas na sila. “Pero hindi naman ako lalayo sa iyo. Napag-usapan na namin ni Jaime na sa Maynila kami titira.”
“Totoo, Tita?”
“Oo, kasi nga nasa Maynila ang mga negosyo niya. Kaya kailangan talagang doon kami tumira.”
Napangiti na siya. “May time pa pala tayo sa mga all-girls’ gimik?”
Tumawa ito. “Siyempre naman, hindi pa rin mawawala ang mga 'yon. Kailangan pa ring maging balanse ng lahat kahit may asawa na ako. Kaya itong boutique na itinayo ko rito sa Baguio, kay Guia ko na lang ipapa-manage.”
“Okay lang kaya sa assistant mo? Siyempre, mas sanay siya sa branch n’yo sa Manila.”
“Hindi lang okay, excited pa 'kamo siya. Gusto raw niyang maranasang tumira dito sa Baguio. Kung pumayag ka nga lang sana sa gusto ko, di sana ikaw na lang dito.”
“Tita, hindi talaga para sa akin ang negosyo sa fashion. Besides, ngayong ga-graduate na ako, siguradong aasahan ako ni Papa na tutulong sa itatayo niyang business.”
Sinuklay ng daliri nito ang nagusot na buhok niya. “Kung minsan, gusto kong sisihin ang sarili ko dahil sobra yata kitang na-baby.”
“Tita, kung hindi mo ako b-in-aby, baka naging mababa lalo ang tingin ko sa sarili ko.”
“Mariz, walang dahilan para tingnan mo nang mababa ang sarili mo. Tandaan mo sana itong sasabihin ko sa iyo. Hindi ang opinyon o ang kahit anong sasabihin ng ibang tao ang magpapababa sa pagkatao mo. Bawat tao ay nilikha ng Diyos na pantay-pantay sa paningin Niya. Kaya ganoon din natin dapat titingnan ang mga sarili natin.”
Huminga siya nang malalim bago ngumiti at tumango. Sana, kahit narito na ang papa niya, mapanghawakan pa rin niya ang mga sinabi ng Tita Lucie niya.  

http://www.phr.com.ph/

http://www.booklat.com.ph/

https://www.preciousshop.com.ph/home/

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro