Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Heaven In Your Kiss


CHAPTER SEVEN

EXCITED na ibinalita ng Tita Lucie ni Mariz na na-rescue na si Yanie. Napatalon siya sa tuwa at sumambit ng pasasalamat. Ligtas na ang kaibigan niya na limang taon ding nawala mula nang ma-shipwreck sila.
Ayon kay Kitch noon ay napadpad ang mga ito sa isang malayong isla na hindi nito alam kung parte pa ng Pilipinas o hindi na. Pinalad nga lang na maanod ito at masagip ng isang fishing vessel. Ngunit naiwan sa isla si Yanie at ang dalawa pang kasama nito. Salamat na lang at nabalik na sa kabihasnan ang mga ito sa tulong ng mga rescuer. Kasamang sumalubong sa mga ito ang daddy ni Yanie na si Tito Jaime. 
Kompleto na naman ang best friends niya. At ngayon nga ay patungo sila ni Kitch sa hotel na pinagdalhan kay Yanie ng mga nag-rescue.
“Yanie!” magkasabay na sigaw nila ni Kitch nang bumukas ang pinto ng hotel suite at iluwa niyon ang best friend nila. Sinugod nila ito ng yakap.
“I can’t believe na magkikita-kita pa rin tayo,” naluluhang sabi ni Yanie nang magkalas silang tatlo pagkatapos ng matagal na pagyayakapan at pagkukumustahan. Maraming nagbago rito sa nakalipas na limang taong wala ito sa sibilisasyon. Mas matangkad na ito ngayon kaysa noon. Sunog sa araw ang balat nito. Humaba rin nang husto ang buhok nitong umabot na sa mga hita. Nasilip niya sa tsinelas na suot nito ang makapal na kalyo ng mga paa nito. Ngunit sa kabila ng sinapit nito, nananatili pa ring maganda ito. Sa paningin nga niya ay lalo pang gumanda ito.
“Kami nga rin, eh. Ipinagtirik ka na nga namin ng kandila,” sabi ni Mariz. “Akala namin ay hindi kayo nakaligtas sa mga sharks. Hindi nga ako makapaniwala sa mga kuwento nitong si Kitch. Para daw kayong bumalik sa Stone Age era.”
“Mismo,” salo ni Kitch. “Alam mo ba, walang staple food sa islang iyon kundi uraro at gabi. Sosyal nga lang kami kasi laging buko juice ang inumin namin.”
“Totoo 'yon,” pagkumpirma sa kanya ni Yanie. “Oo nga pala, Kitch, ano ang nangyari noong maanod kayo ni Hazel? Paano ka nakaligtas? Nakaligtas din ba siya?”
“Hay, ayoko na sanang balikan 'yon. Bangungot iyon, sister,” maarteng sabi ni Kitch.
“Ikuwento mo na,” untag ni Mariz. “Kunwari ka pa, gustong-gusto mo namang i-relive ang mga nangyari sa inyo ni Hazel noon.”
Si Hazel ay isa sa mga survivor ng isla kung saan napadpad ang mga ito, ayon na rin sa kuwento sa kanya noon ni Kitch. Ayon pa rito, tatlong araw daw na inanod ang mga ito sa laot. Mabuti na lang daw at may dalang pagkain ang mga ito—mga papaya, saging, bayabas, gabi, at uraro—na napitas daw ng mga ito sa isla. Masakit na raw ang mga kamay nito pero hindi man lang daw nito nagawang ilapit ang lifeboat pabalik sa isla. Sa halip, lalo pa raw lumayo iyon.
“Paano kayo na-rescue?” naiinip na tanong ni Yanie. 
Ikinuwento ni Kitch kay Yanie ang mga nangyari. Hindi pa rin napigilan ni Mariz na humanga sa determinasyon ni Kitch kahit narinig na niya ang kuwentong iyon.
“Alam mo ba, binatukan pa ako ng papa ko nang ikuwento ko sa kanila ang masaklap na mga nangyari sa akin? 'Kaloka talaga!” pagtatapos ni Kitch.
Tawa sila nang tawa ni Yanie sa paraan ng pagkukuwento ni Kitch. Buhay na buhay ang mga eksena rito at nakakaaliw. Mayamaya ay napansin nila ni Kitch ang isang batang lalaki na marahil ay apat na taong gulang pa lang.
“Who is he?” nakataas ang isang kilay na tanong ni Kitch kay Yanie.
“Anak ko, si King,” pakilala ni Yanie.
Kung may napansin man si Mariz na pagkahiya rito ay mas lamang doon ang pagmamalaki. Napakabata pa ni Yanie para magkaroon ng apat na taong gulang na anak. Guwapo ang bata at mukhang bibo.
“King, halika,” tawag ni Kitch. “Mag-kiss ka sa Tita Kitch at Tita Mariz mo.”
Hindi lumapit sa kanila ang bata. Sa halip, pumasok ito sa isa pang silid ng hotel suite na ayon kay Yanie ay kinaroroonan din ni Brennan, ang kasama nitong na-rescue sa isla. Natutulog daw roon ang lalaki.
“Ayaw sa 'yo n’ong bata,” tudyo ni Mariz kay Kitch. “Nase-sense siguro niya na berde ang dugo mo.”
Inirapan siya nito.  “Ikaw naman ang magkuwento sa amin,” sabi nito kay Yanie. Paano nangyaring nagkaroon ng isang King, eh, aayaw-ayaw ka kay Brennan noon?”
“Ikaw talaga…” Sinalo niya si Yanie mula sa taklesa nilang kaibigan. “Siyempre, sila na lang dalawa ang natira sa island. Logical lang na ma-in love sila sa isa’t isa dahil wala nang iistorbo sa kanila.”
Nagtawanan sila. Marahil ay narinig iyon ni Brennan kaya nagising ito. Lumabas ito at nagkumustahan at nagkuwentuhan pa sila. Mahahalata rito at kay Yanie ang pagmamahal sa isa’t isa. Nakadama siya ng inggit sa dalawa. “Ano-ano pa ang mga sinabi sa iyo ng daddy mo bukod sa pagkamatay ng mommy mo?” tanong niya kay Yanie bago sila umalis ni Kitch.
“Wala na,” sagot ni Yanie. “Basta ine-expect niyang doon kami titira sa bahay namin. Pero hindi pa namin 'yon napag-uusapan ni Brennan. Gusto rin kasi niyang doon kami tumira sa kanila.”
“Hindi pa ba niya nabanggit ang tungkol kay Tita Lucie?”
“Hindi pa. Wala siyang ibang sinabi sa akin. Bakit, ano ba ang tungkol kay Tita Lucie?”
Ano kaya ang magiging reaksiyon nito kapag nalaman nitong kasal na ang tita niya sa ama nito? “Hahayaan ko na lang na ang daddy mo ang magsabi sa iyo,” sagot niya.
   
“TAMA lang pala na maging magkaibigan na lang tayo,” nakahalukipkip na sabi ni Mariz kay Stanley nang makasakay sila sa kotse nito. Gaya noong isang araw ay sinundo na naman siya nito sa tindahan nila. Tumawag pa ito kanina para sabihin sa kanya na huwag siyang magsasara habang wala pa ito. Binanggit uli nito ang tungkol sa napag-usapan nila noong isang araw. “Oo, mabait ka, thoughtful—”
“Cute, hunk,” pabirong singit nito, dahilan para itirik niya ang kanyang mga mata.
“Pero kahit kailan, hindi kita magiging ideal man. Nasa opposite directions ang isip at paniniwala natin pagdating sa boy-girl relationship.”
“Paano magiging iba?” kontra nitong tila na-offend sa sinabi niya. Hindi pa nito binubuhay ang makina ng sasakyan. “Eh, kapag nagkaroon tayo ng relasyon, kung nagmamahalan tayo, pareho lang naman nating gustong makasama ang isa’t isa.”
“Oo nga. Pero magkaiba tayo ng perception about being together.”
Umayos ito ng upo upang mapaharap sa kanya. “Paanong naging iba?”
Paano nga ba niya sasagutin ito? Naalala niya ang sinabi ng mama niya. Sabihin daw niya kay Stanley ang ikinaaayaw at expectations niya. “Sabihin mo nga sa akin, Stanley. Niligawan mo lang ako dahil nagagandahan ka sa akin, dahil maganda ang katawan ko, at gusto mong… gusto mong maging intimate tayo, hindi ba?”
“Oo, siyempre. As I’ve said, I’m crazy about you. Lahat ng tungkol sa iyo gusto ko. Alam mo naman 'yon. At dapat ma-disappoint ako na hindi ka nagbo-volunteer na sabihin sa aking attracted ka rin sa akin kahit ganoon ang pakiramdam ko sa iyo.”
Dismayadong napailing siya. “Kapag ba dumating 'yong time na nahanap mo na ang babaeng para sa iyo, pakakasalan mo ba siya?”
Napatuwid ito sa pagkakaupo. “Gusto mong pakasalan muna kita bago kita ligawan?”
“Aw, Stanley! You’re impossible. Hindi 'yan ang point ng pagtatanong ko.”
“Eh, ano pala?” clueless na sabi nito.
“Sagutin mo na lang ang tanong ko.”
“Mariz, unang-una, hindi ko na kailangang maghanap ng babaeng para sa akin dahil nahanap ko na siya. Secondly, ang kasal, pinag-iisipan lang 'yan kung siguradong-sigurado na kayo ng partner mo sa isa’t isa na gusto n’yong habang-buhay na magsama. At malalaman n’yo lang iyon kung magkakaroon kayo ng boyfriend-girlfriend relationship. 'Yong lagi kayong magkasama, laging nag-uusap, may intimacy, naghahalikan, nag—”
“Okay na, okay na,” putol niya sa sinasabi nito. “Naiintindihan ko na ngayon ang opinyon mo.”    
“At...?”
Tiningnan niya ito sa mga mata. Noon lang niya napagtantong hindi niya maaaring baguhin ang paniniwala nito. It was what made him up. Kailangan niyang tanggapin iyon. “Magkaiba nga tayo ng paniniwala, Stanley. At dapat irespeto ko ang pinaniniwalaan mo. Halika na, umalis na tayo rito. Gumagabi na.”
Dumukwang ito bago pa niya mahawakan ang seat belt. Gaya kanina ay ito na naman ang nagkabit niyon sa kanya. Hindi nga lang ito huminto sa tapat ng mukha niya. Binuhay na nito ang makina ng Montero Sport. Tila napapaisip ito habang nagmamaneho. May limang minuto nang walang imikang nagaganap sa pagitan nila nang magsalita uli ito.
“Ano ba ang ideal man para sa iyo, Mariz?”
“Ideal man?” Nasa isip pa rin pala nito ang sinabi niya kanina. Naging malupit yata siya nang sabihin niyang hindi ito kailanman magiging ideal para sa kanya. “'Yong lalaking maalalahanin at iingatan ako, mapagmahal in the sense na gusto niyang lagi akong mapabuti, tulungan akong magkaroon ng self-confidence na abutin ang mga pangarap ko. 'Yong magpapatawa sa akin kapag nalulungkot ako, magpupunas ng mga luha ko kapag umiiyak ako. 'Yong lalaking kapag nasasaktan ako o nasa gitna ng problema ay magsasabi sa akin na: ‘Okay lang 'yan. Maaayos din ang lahat. May bukas pa naman. Nandito lang ako para sa iyo.’”
Tumawa ito nang pagak.  “Hindi naman pala ideal man ang hanap mo kundi ideal father.”
Inirapan niya ito. Akala pa naman niya ay sasabihin nitong sisikapin nitong maging ganoon para sa kanya. Naging tahimik na sila hanggang sa ihinto nito sa tapat ng bahay nila ang sasakyan nito.
Bago siya bumaba ay nagtanong na naman ito.
“Kahit kailan ba talaga, hindi mo ako magiging ideal man?”
Hindi agad siya nakasagot. Iniisip pa rin pala nito ang sinabi niya. Nasaktan ba niya ito? Nasa mga mata nito ang uncertainty. May nabasa rin siyang takot at lungkot sa mga iyon. Naawa siya rito. Gusto niyang aluin ito at sabihing taglay nito ang lahat ng katangiang magugustuhan ng isang babae sa isang lalaki. Na nagkataon lang na siya ang tipo ng babaeng may iba pang hinahanap bukod sa mga katangian nito. Kung maibabalik lang sana niyon ang sigla at kumpiyansa nito sa sarili.
“Stanley, you’re an ideal man in your own right. Maraming babaeng gagawin ang lahat para lang mahalin mo rin. Iyon sana ang isipin mo.”
Isa rin sana siya sa mga babaeng iyon. Pero paano kung pagtagal ng panahon ay bumabaw na ang damdamin niya sa lalaking ito at mangibabaw uli ang mga expectation niya? Paano kung hindi na makasapat ang mga katangiang mayroon ito ngayon? Baka hindi niya mapangatawanan ang commitment. Baka kalasan din niya ito. Kapag nangyari iyon ay tiyak na pareho lang silang masasaktan.
Sa pagkakataong iyon, nang dumukwang ito para tanggalin ang seat belt niya ay huminto ang mukha nito sa tapat ng mukha niya. Lumapit pa ito nang husto hanggang sa gabuhok na lang ang layo ng mga labi nito sa mga labi niya.
Napigil niya ang paghinga.

NASA langit na ba siya? Pakiramdam niya ay lumulutang siya. Marahan lang ang halik na iginagawad nito sa kanya, nagbibigay kaysa kumakamkam. Sumasamo kaysa nag-uutos na tugunin niya. Ni hindi siya nito hawak. Walang magkalapat sa kanila kundi ang mga labi nila. Ngunit biglang nayanig ang mundo niya.
Hindi niya maikokompara ang halik nito sa pinakamasarap mang bagay na natikman na niya. And it brought tears to her eyes.
Napahiya siya sa sarili. Wala pang limang segundong tumagal ang halik. At kulang na kulang iyon sa kanya. Ang bagay na ikinadidismaya niya kay Stanley, ang bagay na gusto lang niyang gawin sana nito sa kanya kapag nakatitiyak na siyang mahal na nga siya nito sa tunay na katuturan niyon. Ang bagay na iyon ngayon ang umaakit sa kanya. Sa iilang saglit lang ay parang nagumon siya. Parang hindi na siya makokompleto pa kapag hindi naulit iyon.  Mamamatay siguro siya at muling mabubuhay ngunit hindi na mawawala sa alaala niya ang halik na iyon.
Hindi siya makakilos sa kinauupuan. Para siyang tuod na nakamata lang kay Stanley, namamangha pa rin sa nangyari.
“Nirerespeto ko rin ang paniniwala mo pagdating sa ideal man mo, Mariz,” malungkot na sabi nito pagkaraang sumagap at bumuga ng hangin. “I’m sorry na tinawanan kita kanina. Ang totoo, hinahangaan kita na ganoon kalalim ang expectations mo sa isang lalaking mamahalin. Wala nga pala akong karapatang kulit-kulitin ka. Wala pa ako sa kalingkingan ng lalaking gusto mo. I’m sorry na hindi mo nakikita sa akin ang qualities na iyon. K-kaya siguro mas mabuting tigilan ko na lang ang pangungulit sa iyo para makalapit naman siya.
“I’m sorry about the kiss. I got carried away, I have to admit. Hindi ako dapat nangahas na gawin iyon.” Sumagap uli ito at nagbuga ng hangin bago tumingin sa unahan. “I guess I just wanted a part of you for myself. Something to remember you by…”
Masakit sa kanya na marinig na nagso-sorry ito sa paghalik sa kanya. Hindi ba nito alam kung ano ang naging epekto sa kanya ng halik nito?
Dinukot nito ang panyo sa bulsa ng pantalon at dinampian nito ang bakas ng mga luhang naglandas sa mga pisngi niya. “Masarap sanang isipin na ako ang nandito para punasan ang mga luha sa mga mata mo. It’s just that… it pains me to have caused those tears in your eyes.” Muli nitong itinutok ang tingin sa unahan nila. “I wish with all my heart na matagpuan mo ang tamang lalaki sa tamang panahon… I’m letting you go, Mariz. I don’t want to do this but for once… for once I have to be a man and accept that I’m not the man for you.”

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro