Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Faith In Your Love


CHAPTER TEN

BIYERNES ng gabi, nang sunduin si Mariz ni Stanley sa Santiago Security Gadgets And Accessories, ay niyaya siya nitong pumasyal kinabukasan sa Tagaytay. Pumayag siya. Ipinagpaalam siya nito sa mama niya.
Wala pang alas-sais ng umaga kinabukasan ay sinundo siya ni Stanley sa kanila. Excited siya dahil iyon ang unang pag-a-out of town nila mula nang maging magkasintahan sila. Halata rin ang excitement nito at sa palagay niya, hindi iyon dahil lang sa makapigil-hiningang view ng Taal Lake at sa magagandang tanawin na nilibot nila.
“Mali ba itong nararamdaman ko?” tanong nito habang nakaupo sila sa loob ng Lakeview Restaurant. Matatanaw mula sa glass wall niyon ang view ng lawa. Pumasok sila roon para magtanghalian. “Gusto kong ingatan ka ng habang-panahon. Gusto rin kitang ipagdamot sa iba. I want you only for myself.”
Natawa siya. “Ano ba’ng sinasabi mo diyan?”
“Kaya kita niyaya rito ngayon. Iyon ang nararamdaman ko. Kapag kasi nasa Makati tayo, busy ka sa business n’yo, sa family mo, kay Kitch, kay Yanie.”
“Lagi naman tayong may time sa isa’t isa, ah.” Siya man, gusto rin niyang masolo nila ang isa’t isa. Hindi siya magsasawang tingnan ang ngiti nito, damhin ang yakap at akbay nito, at ang maya’t mayang paghawak nito sa kamay niya.
“Pero isa o dalawang oras lang.”
“Stanley, hindi puwedeng lagi na lang tayong magkasama sa lahat ng oras.”
“Alam ko. Pero ngayong tayo lang ang nandito, naisip kong maganda pala ang ganito. Maghapon tayong magkasama at babaunin ko 'yon, uunti-untiin sa loob ng isang linggo. I’ll always look forward to the coming weekend para gawin uli ang ganito.”
“Baka magsawa rin tayo kapag maraming beses na nating ginagawa ang ganito.”
“Never. Kahit kailan, hindi ko pagsasawaang makasama ka sa lahat ng sitwasyon, sa lahat ng pagkakataon.”
Napapailing siya habang napapangiti. “'Yang mga ganyang banat mo ang dahilan kaya kahit sinasabi ko dati sa sarili ko na hindi ikaw ang ideal man ko, lagi lang akong natatalo sa argumento. Hanggang sa magsawa na akong labanan ang gusto ko at magpakatotoo na lang.”
“I may not be your ideal man but I am the one and only Mr. Right for you.”
“Hanep sa self-confidence.”
Kay lakas ng naging tawa nito. “Paano kung ma-disappoint ka sa akin? Paano kung may magawa ako o nagawa dati na disappointing para sa iyo? Bibitiwan mo ba ako?”
“Stanley, habang mahal natin ang isa’t isa, hindi ako bibitiw. Pangako 'yan.”
“Thank you, honey. I’ll be counting on that.” Niyakap siya nito at idinikit ang mga labi nito sa kanyang sentido. “Hindi pa kita naki-kiss nang ganito.” Pinaulanan nga nito ng halik ang sentido niya at noo. “Marami pang kiss ang hindi natin nagagawa. I’ll take my time. I want you to enjoy every single kiss.”
Napangiti siya. Nasa kanila ang lahat ng panahon para gawin ang mga halik na sinasabi nito. Lalo siyang nasabik.

ISANG cute at charming na chalet ang pinagdalhan sa kanya ni Stanley pagkatapos nilang magtanghalian. Matatanaw rin mula sa hardin niyon ang Taal Lake. Lumang rest house na raw iyon ng pamilya nito na huling ipinatayo ng ama nito bago iyon namatay. Kaya nang ipa-renovate daw iyon ay pinanatili ang lumang estilo ayon na rin sa kagustuhan ng ina nito.
“Magpapahinga muna tayo rito, Mariz,” sabi sa kanya ni Stanley nang buksan nito ang pinto ng bahay. “Alam kong pagod ka na. Mamaya na uli tayo mamasyal.”
“Okay,” sabi niya.
Inilibot siya nito sa buong kabahayan. Huling dinala siya nito sa master’s bedroom kung saan humilata ito roon sabay tapik sa tabi nito.
Lumapit siya roon. Kumakabog ang dibdib niya at puno siya ng magkahalong antisipasyon at aprehensiyon.
“There is no fear in real love,” bulong nito sa kanya nang ihiga siya nito at ilagay ang ulo niya sa dulo ng isang malapad na unan. Nababasa ba nito ang pag-aalala niya? Ngunit habang nakatingin sa kanya ang maitim at singkit na mga mata nito, unti-unting napawi ang takot sa dibdib niya. Mas lamang na ngayon ang pananabik na nararamdaman niya.
Pinaraan nito ang hintuturo sa gilid ng lower lip niya. “I want you to promise me forever…” bulong nito. “At this point, all I can think of is a lifetime with you, honey. Marry me, please…?” Itinaas nito ang kanang kamay at iniumang sa kanya ang hawak nitong singsing. Isang platinum ring iyon na may malaking square-cut diamond na bato.
“A-are you serious?” hindi makapaniwalang tanong niya. Nasorpresa siya. Ni sa hinagap ay hindi niya inaasahang magpo-propose ito ngayon.
“Dead serious. So, will you marry me?”
Makikipagkompitensiya sa kinang ng diyamante ang kinang ng mga mata niya nang sagutin niya ito. “Yes, I’ll marry you.” Naramdaman na lang niyang naisuot na nito sa daliri niya ang singsing.
His head went down slowly, until his lips brushed against hers ever so very softly. “Love me…?”
“Yes…” came her reply, and then his kiss deepened.
Wala pang limang segundo ang nakararaan nang biglang bumukas ang pinto. Nagulantang sila ni Stanley at mabilis silang naghiwalay sabay tingin sa pinto. Naroon at namamanghang nakatayo ang babaeng kasama noon ni Stanley na bumili sa tindahan nila.
“Don’t you know how to knock?” masungit na tanong ni Stanley. “At ano nga pala’ng ginagawa mo rito?”
“I’m sorry. Hindi ko alam na bawal na palang pumasok dito ang fiancée mo.”
Daig pa ni Mariz ang binuhusan ng isang baldeng napakalamig na tubig pagkarinig sa mga sinabi ng babae.

“KAUSAPIN mo naman ako, o.”
“Ano pa ba ang kailangan nating pag-usapan, Stanley?” galit na tanong ni Mariz. Pauwi na sila noon. Kung hindi lang siya nahabol nito ay nakasakay na sana siya sa isang bus na biyaheng Maynila. Galit na galit siya. Hindi niya matagalang manatili sa iisang lugar na kasama nito. Pero naabutan nga siya nito nang walang paalam na bumaba siya kanina ng rest house. “Malinaw naman ang lahat. Niloko mo lang ako.”
“Nang-iinis lang si Bettina. 'Di ba, sinabi naman niyang inayawan ko siya kaya iyong-iyo na ako?”
“Stanley, hindi iyon ang isyu dito. Niloko mo ako. Nagkaila ka sa akin na may naging fiancée ka at magkasama kayong tumira sa Taiwan sa loob ng isang taon. Iyon ang talagang isyu.” At kanina lang din niya nalaman iyon. Si Bettina pa ang nagsiwalat sa kanya.
“Honey, hindi kita niloko. Tapos na kami ni Bettina bago naging tayo. Isa pa, hindi talaga naging kami in the real sense of the word. Ang mga magulang lang namin ang may gusto sa idea. Pero noong nasa Taiwan na kami, pareho naming na-realize na hindi kami puwedeng magkatuluyan. Para lang talaga kaming magkapatid ni Bettina. Third cousin ko siya. Kaya sinabi namin sa mga magulang namin na hindi puwedeng ituloy ang gusto nilang mangyari.”
“Hindi gano’n lang ang tingin sa iyo ng babaeng 'yon,” giit ni Mariz.
“Gano’n lang talaga 'yon, okay? Mapang-asar lang talaga si Bettina.”
Hindi na siya umimik. Masama talaga ang loob niya. Pinagmukha siyang tanga nito.
“Okay pa rin tayo, 'di ba?” tanong ni Stanley.
“Ewan ko, Stanley. Pakiramdam ko ngayon, hindi na kita kayang pagkatiwalaan.”
Nagbaling ito ng tingin na tila nasaktan. “I’m sorry kung kasalanan ko ngang hindi nasabi sa iyo ang isang bagay na matagal nang nangyari bago pa maging tayo,” mariing sabi nito. “Well, hindi lang ikaw ang disappointed dito dahil ako rin. Kanina lang, nangako ka sa akin na walang bibitiw sa kahit sino sa ating dalawa. Iilang oras pa lang ang lumilipas, pero heto at hindi ka nagdalawang-isip man lang na bitiwan ako.”
“Hah! Ikaw pa talaga ang nagtatampo sa akin?” Halos umusok ang bumbunan niya.  
Hindi na ito umimik. Wala na silang nasabi sa isa’t isa hanggang sa makababa na siya ng sasakyan nito. Nakapasok na siya sa kanilang bahay nang mapansin niyang suot pa rin niya ang engagement ring na ibinigay sa kanya ni Stanley. Dapat na niyang ibalik iyon dito. Lumabas uli siya ngunit malayo na ang sasakyan nito.
Kinabukasan, namumugto ang mga mata niya dahil sa magdamag na pag-iyak. Mabuti na lang at hindi na siya inusisa ng mama niya. Hindi pa siguro sa ngayon, ngunit nasisiguro niyang magtatanong din ito.
Napag-isip-isip niyang mali nga yatang magalit siya kay Stanley. Nagselos lang siya. At sana nga ay bunsod lang ng kapilyahan ang dahilan ng sinabi ni Bettina. Ngunit hindi pa rin lubos na napapawi ang pagdududa niya. Inayos niya ang mga bagay na ibinigay sa kanya ni Stanley kasama na ang engagement ring. Kailangan nilang mag-usap. Kung ano man ang kahihinatnan ng gagawin nilang pag-uusap, mabuti nang handa siya.
Nagbuntong-hininga siya. Paano ba niya ihahanda ang sarili sa posibilidad na kalasan nila ni Stanley ang isa’t isa. Ngayong napawi na ang galit niya, parang hindi na niya kayang gawin iyon.
Dinampot niya ang case ng DVD na ibinigay sa kanya noon ni Stanley. Hindi pa nga pala niya naisalang iyon kahit minsan. Binuksan niya ang case at isinalang ang DVD sa laptop niya. Nagulat siya. Parang AV journal lang pala iyon ng lahat ng mga araw na nagkikita sila ni Stanley. May mga litrato rin sila roon. Napansin niyang karamihan sa mga kuha niya ay stolen shots. Ikinukuwento nito roon ang mga nangyari sa unang araw na nagkita sila, ang pakiramdam nito, at mga palagay. At natawa siya sa eksenang kinikilig ito.
Malaki raw ang utang-na-loob nito kay Kitch. Dahil daw sa kapalpakang nagawa ng gay friend niya ay nakilala siya nito. Ikinuwento rin nito ang pangyayari na nagkasabay sila nito sa kalsada habang papunta siya sa tindahan. Sadya palang inabangan nito ang paglabas niya para lang maibigay ang tsokolate.
Binanggit din nito ang pagtatampo nito sa kanya nang prangkahin niya ito sa pagtatapat nito. Sobra-sobra daw ang sakit ng heartbreak na ibinigay niya rito. Ngunit hindi raw nito magawang kalimutan siya kahit matagal itong namalagi sa Taiwan. Kaya binalikan siya nito. Dinugtungan lang nito ang journal nang makabalik na ito mula sa Taiwan.   
Puno ito ng pangarap at pag-asa sa pagtatapos ng journal. Nabasa ng mga luha ang mga pisngi niya. Ngayon niya higit na napatunayang mahal nga siya ni Stanley. Pero may agam-agam pa rin sa puso niya. Hindi naging maayos ang paghihiwalay nila nang nagdaang gabi. 
Matamlay na kumilos siya para lumabas ng kabahayan. Doon muna siya sa hardin. Baka sakaling makapag-isip siya nang tama habang nakatingin sa berdeng kapaligiran.
“Mariz! Mariz, buksan mo 'to!”
Nagulantang siya pagkarinig sa tinig ni Kitch na sinabayan pa ng pagdo-doorbell nito. “Bakit ba kung makatawag ka, parang hinahabol ka ng sunog?” tanong niya nang pagbuksan niya ito ng pedestrian gate.
“Hindi ka pala nanood ng news sa TV. Mukhang wala ka pang kaalam-alam,” sabi nitong humihingal pa.
“Alam saan?”
“Huwag kang mabibigla, ha? Si Stanley Liu, nasa news, pinagbabaril ng mga carnapper matapos kunin ang sasakyan niya kagabi.”
Nanginig ang buong katawan niya. Daig pa niya ang pinagbagsakan ng langit sa ibinalita nito.

SINAMAHAN ni Kitch si Mariz sa ospital na pinagdalhan kay Stanley. Naroon din ang ina ng binata. Gaya niya ay iyak din ito nang iyak habang nasa operating room ang nobyo niya at kritikal ang kondisyon. Dalawang bala ang dumaplis sa balat ni Stanley. Tatlong bala naman ang pumasok sa katawan nito. Ilang oras ding inaalis ang mga iyon ng mga surgeon sa katawan nito.
Bandang hapon ay dumating sa ospital si Bettina. Humingi ito ng paumanhin sa kanya. Hindi ito nagbigay ng paliwanag kung bakit ginulo sila nito sa Tagaytay. Hindi na rin mahalaga iyon. Hindi siya gaanong nagkomento. Tinanggap lang niya ang pagso-sorry nito.
“Friend, kumain ka muna. Maghapon ka nang hindi kumakain,” sabi sa kanya ni Kitch.
“Paano kung mawala siya, Kitch? Paano kung hindi na siya magising?” Naiiyak na naman siya. Parang habang-panahon nang naghihirap ang loob niya gayong maghapon pa lang ang nakalilipas mula nang malaman niya ang kalagayan ni Stanley.
“Ano ka ba? Hindi dapat ganyan ang iniisip mo. Nagdasal ka na kanina. Hiningi mo na sa Diyos na pagalingin Niya si Stanley. Nasaan na ang faith mo?”
Oo nga naman. Pero hindi pa rin mawala sa isip at puso niya ang pag-aalala. Ayon kay Kitch, nabawi raw ng mga pulis ang Montero Sport ni Stanley pagkatapos makipaglaban ng mga ito sa mga carnapper. Patay raw ang apat na lalaking sakay ng dalawang motorsiklo na riding in tandem. Nalaman daw nito sa news na matagal nang under surveillance ng pulisya ang mga iyon na pawang miyembro ng isang kilalang robbery, holdup, at carnapping group.
Naalala tuloy niya ang mga lalaking riding in tandem na humarang sa kanya dati. Na salamat na lang sa pagsunod sa kanila ni Stanley kaya siya tinakbuhan. Ayaw na niyang isipin ang kung anong maaaring ginawa sa kanya ng mga lalaking iyon.

LIGTAS na si Stanley sa peligro. Ngunit hindi pa rin umalis ng ospital si Mariz. Magkasama sila ng ina nito na nagbantay roon sa magdamag.
Kanina ay pinag-almusal niya ang ginang pagkatapos nilang malaman na nananatiling stable ang kalagayan ni Stanley. Nang makakain ito ay siya naman ang pinilit nitong mag-almusal.
Wala pa rin siyang ganang kumain. Pinilit lang niyang lamnan ng soup ang tiyan niya. Patapos na siyang kumain nang marinig niya ang pangalan niya sa PA system. Kinabahan siyang bigla at halos takbuhin niya ang pabalik sa private room ni Stanley. Napaluha siya sa tuwa nang makitang gising na ito at kausap ng ina nito.
“Mariz, halika rito. Gusto kang makausap ni Stanley,” tawag sa kanya ng ginang.
Lumapit siya sa mga ito. “Mariz, honey,” nakangiting sabi ni Stanley na bahagyang itinaas ang kamay na walang suwero. Medyo paos pa ang tinig nito. Hindi na niya namalayang umalis ang ina nito.
Yumuko siya at maingat na niyakap ito. “Thank God you look okay now. Kumusta na ang pakiramdam mo?”
“Okay lang ako. Tahan na. Hindi kita maaabot ngayon para punasan ang luha mo.”
Napangiti na siya at pinahiran ng palad ang basang pisngi niya. “Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya na makita uli sa iyo ang ngiting iyan.” Hinaplos niya ang noo nito, marahang pinagala ang mga daliri niya sa mukha nito. “Akala ko kukunin ka na sa akin nang hindi man lang tayo nagkakaayos.”
“Hindi ako puwedeng mamatay. Alam ng Diyos na malulungkot ako sa langit kapag nangyari iyon kasi hindi kita kasama.” Inabot nito ang kamay niya at hinalikan iyon.
“Puro ka biro. Muntik ka na ro’n, akala mo.”
“Talagang nag-alala ka sa akin?”
“Hindi lang pag-aalala ang naramdaman ko. Sobra-sobrang takot pa.”
“Bati na ba tayo niyan?”
Napaluha uli siya. “I’m sorry… Na-realize kong hindi mahalaga kahit naging fiancée mo dati si Bettina.”
“Right. Dahil ikaw na ang fiancée ko ngayon. At bukod sa iyo, si Mommy lang ang babae sa buhay ko. Sana, hindi ka magselos sa kanya.”
“Hinding-hindi.”
“Kahit aminin kong mama’s boy ako?”
“Mahal mo lang ang mommy mo. Hindi ka mama’s boy. Dahil kung totoo 'yon, hindi mo sana tinanggihang pakasalan si Bettina.”
Pinagmasdan siya nito. “Salamat, nauunawaan mo. Buong buhay ko, ang mommy ko lang ang mayro’n ako. Napakahalaga niya sa akin.”
“Alam ko. Ikinatutuwa ko iyon.”
Itinuro nito ang pisngi nito.
Natatawang hinagkan niya ito sa magkabilang pisngi. Nang ngumuso ito ay hinalikan din niya ang mga labi nito.
“Magpakasal na tayo kapag gumaling ako.”
“Stanley, I’d love to. Pero gusto ko muna sanang maghintay pa tayo nang ilang taon. Gusto kong makauwi pa si Papa at makasama ko pa sila ni Mama na single pa ako. Mga bata pa naman tayo. Gawin muna natin ang dapat nating gawin. Paunlarin muna natin ang mga sarili natin.”
“Pero gusto mo talaga akong pakasalan?”
Ngumiti siya. “Oo, at hinding-hindi ko na babawiin ang pagpayag ko.”
He gazed at her with tender, loving eyes. “Basta kahit hindi pa tayo ikakasal, gusto kong lagi pa rin ako sa tabi mo. Gagawin pa rin natin ang mga dati nating ginagawa. Pangako, iingatan kita, pagpapasensiyahan kapag nagsusungit ka at nagseselos.”
Natawa siya.
“Lagi kitang kukuwentuhan ng mga bagay na gusto mong malaman. Pag-aaralan ko ring tumahimik lang kapag gusto mo ng katahimikan. Pero sana huwag mo akong babawalan tuwing nanakawan kita ng halik.” Naging pilyo na ang ngiti nito. “Kapag gusto ko ng sobra pa roon, pangako, hindi ako magpipilit kung ayaw mo pa.”
“Pagaling ka na nga. Nagiging madaldal ka na, eh.” Dinukwang niya ito para manahimik ito. Siya na ang humalik dito kasabay ng tahimik na pasasalamat sa Diyos na ligtas na ito. “I love you, Stanley.”
“I love you more, honey.”         

•••WAKAS•••

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro