Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Danger

CHAPTER EIGHT

“NASAAN na po sina Yanie at King, Tita?” tanong ni Mariz sa Tita Lucie niya. Sabado noon. Lumipat siya sa bahay ng mga ito at nakita niyang ito lang at ang mag-asawang katiwala ang naroon.
“Maagang sinundo ni Brennan,” sagot nitong hinihimas ang maumbok na tiyan. “Doon talaga sila kina Brennan kapag weekends. Iyon ang napagkasunduan.”
Hindi pa niya nakakausap si Yanie tungkol sa plano rito at kay Brennan ng mga magulang ng mga ito. Ang tiyak lang niya ay titira sina Yanie at King sa poder ng ama nito at ng tita niya.
Naupo siya sa armrest ng silyang inuupuan nito at hinimas din ang tiyan nito. “Sumasakit ba, Tita?”
Ngumiti ito. Ngayong buntis ito, nakikita niya sa mukha nito ang kakaibang ningning na hindi niya nakita kahit noong ikasal ito kay Tito Jaime. Totoo rito ang kasabihan ng iba na lalong gumaganda ang isang babae kapag nagdadalang-tao ito.
“Hindi. Naglilikot lang ang baby ko,” sagot nito.
“Kumusta na kayo ni Yanie, Tita?” Naikuwento na nito sa kanya na masama ang loob ng kaibigan niya nang malamang nagpakasal ang ama nito sa kanyang tita. “Galit pa ba siya sa iyo?”
“Hindi na. Nag-usap na kami. Ipinaliwanag ko sa kanya ang lahat ng mga nangyari pagkatapos ng shipwreck n’yo. Naliwanagan na siya sa mga maling akala niya. Akala kasi niya, basta na lang pinalitan kaagad ni Jaime ang mommy niya. Pero naliwanagan na siya ngayon. Mabait ang kaibigan mo, Mariz. Nauunawaan na niya kami ngayon ng daddy niya. At nakakaaliw talaga si King.”
“I’m happy for you, Tita.”
Tiningala siya nito. “Pero ikaw naman ang malungkot. Bakit ba?”
Nagkibit-balikat siya. “Sinukuan na ako ni Stanley, Tita.”
“Sinukuan?”
Tumango siya. “Hahayaan na raw niya ako para matagpuan ko na ang tamang lalaki para sa akin.”
“Bakit niya sinabi 'yon?”
Nagbuga siya ng hangin. “Kasalanan ko rin, Tita. Nasaktan ko yata siya nang sabihin kong hindi ko siya magiging ideal man kahit kailan.”
“Ano? Mariz naman... Hindi mo ba naisip na makakasakit ka ng damdamin kahit kaninong lalaki mo sabihin iyon?”
“Pero, Tita, gusto ko lang na maging malinaw sa kanya ang stand ko. Nagpakatotoo lang ako. Besides, disappointed din ako na hindi muna niya sinubukang abutin ang standard ko bago siya sumuko. Kasalanan ko nga siguro na mag-expect nang mataas sa kanya. I guess, ito talaga ang consequence ng pagsasabi ko ng totoong nasa loob ko.”
“Pero hindi mo nasabi sa kanya ang lahat ng nasa loob mo.”
“Tita—”
“Mahal mo siya, Mariz. Sa kabila ng mga disappointment mo sa kanya at kahit hindi niya na-meet ang expectations mo, mahal mo siya.”
Tama nga ito. At iyon ang nagpapahirap sa kanya ngayon. Nami-miss niya si Stanley dahil mahal niya ito. Nangungulila siya rito kahit wala rito ang karamihan sa mga hinahanap niyang katangian ng isang lalaking mamahalin.
Tumingin siya kay Tita Lucie. “Tita, lahat po ba ng expectations n’yo noon, na-meet ni Tito Jaime?”
Ngumiti ito at umiling. “Hindi rin, Mariz. Pero mahal ko siya. Ang pagmamahal na iyon ang pumupuno sa mga kakulangan niya. At ganoon din siya sa akin dahil pareho lang kaming hindi perpekto.”
“Ilang araw na siyang hindi nagpapakita sa akin.”
“Bakit hindi ikaw ang magpakita sa kanya?”
“Tita...?”
“Mariz, may mga pagkakataon na kahit ikaw ang babae, ikaw ang kailangang sumuko at magpakumbaba. Timbangin mo ang sarili mo. Ano ang mas hindi mo makakaya, ang hindi na kayo magkita, o ang paglunok sa pride mo at ikaw na ang makipag-ayos sa kanya?”
Napapabuntong-hiningang sumandig siya sa braso nito. Either of the two would be a tall order for her.

KAHIT nakita ni Mariz sa mga mata ni Stanley ang pagtatanong ay hindi ito nagtanong nang harapin siya. Pinuntahan niya ito sa cell phone shop nito. Dinala siya ng sales assistant nito sa sitting room na una niyang nakita noong bayaran niya ang balanse ng utang ni Kitch dito magdadalawang taon na ang nakararaan. May limang minuto muna siyang naghintay roon bago lumitaw si Stanley.
“Hi,” bati niya rito. Nakatayo lang ito sa harap niya, hindi ngumingiti at nakahalukipkip pa. “M-may gusto lang sana akong sabihin sa iyo.”
Tumango lang ito.
“Ahm, gusto ko lang sanang mag-sorry sa iyo… kasi…” Pinagsalikop niya ang mga kamay niya at halinhinang pinisil ang mga iyon. Hindi nito pinadadali ang sitwasyon para sa kanya. “Stanley, alam kong nasaktan kita nang huli tayong mag-usap. Hindi ko dapat sinabi ang mga nasabi ko. I expected too much from you. And I’m sorry.”
“Okay,” sabi lang nito bago sulyapan ang suot nitong relo na parang naiinip na.
“Stanley, sana ay maging maayos tayo. Friends pa rin naman tayo, 'di ba? Puwede pa rin namang magkita ang magkaibigan.”
“Hindi mo alam ang sinasabi mo, Mariz. Hindi na natin kailangang gawin 'yon. Pahihirapan ko lang ang sarili ko kapag sinunod kita. Alam mong hindi pakikipagkaibigan lang ang gusto ko sa iyo. Kaya mas mabuti nang hindi tayo magkita. Huwag na rin tayong maging magkaibigan. Umiwas ka na lang kapag masasalubong mo ako. Ganoon din ang gagawin ko. At kung nagkataong hindi natin maiwasang magkita, huwag mo na lang akong titingnan. Isipin na lang natin na hindi tayo magkakilala.”
Hindi siya makapagsalita sa mga narinig niya rito. Ganoon ba kalalim ang sakit ng loob na ibinigay niya rito?
“May sasabihin ka pa ba? Kasi kung wala na, marami pa akong gagawin.”
Nanlumo siya. Hindi niya inaasahang magiging ganito na ito ngayon. Itinataboy na siya nito.
“If you’ll excuse me,” sabi nito nang hindi pa rin siya makapagsalita. Tinalikuran na siya nito.
Naiiyak siya habang naglalakad siya palayo sa lugar na iyon. Nasaktan siya sa pagtataboy ni Stanley. Pero sa tingin niya, mas matindi pa roon ang sakit ng loob na iniinda nito dahil sa mga nasabi niya.

MAY DRIVER’S license na si Mariz. Kinabukasan lang pagkatapos ma-release iyon ay dinala niya sa pagpasok sa tindahan ang itim na Ford F150 ng papa niya.
“Ang gara ng wheels mo, ah,” sabi sa kanya ni Japs pagdating niya sa tindahan. “Pasakay naman ako.”
“Oo, bah. Hindi mo ba dala ang motor mo?”
“Hindi, eh. Hiniram ng brod ko.” Inikutan nito ang pickup truck. “Bagong-bago pa ito, ah.”
“Two months lang yatang nagamit 'to ni Papa bago uli siya nag-abroad.”
“Hindi ba mahirap i-drive? Malaki kasi ang F150. Dapat sa iyo maliliit na kotse lang.”
“Kaya ko naman. Madali lang i-drive. Four-wheel pa 'to.”
Natigil ang pag-uusap nila ni Japs nang may nag-park sa tabi ng pickup truck. Napaharap siya roon nang mapansin niyang pamilyar ang plate number ng Montero Sport. Hindi nga siya nagkamali. Bumaba mula sa driver’s side si Stanley.
Babatiin sana niya ito nang magtama ang mga mata nila. Ngunit parang wala itong nakita. At ang mas masakit, nang umikot ito para buksan ang pinto ng passenger’s seat, isang magandang babae ang bumaba mula roon. Humawak agad ang babae sa braso ni Stanley. Dumaan pa sa harap nila ang mga ito.
“Mariz, 'di ba, pumoporma sa 'yo ang lalaking 'yon?” tanong ni Japs sa kanya.
Hindi na niya ito sinagot. Mabibigat ang hakbang na pumasok na siya sa tindahan nila.
“O, Mariz, magiging customer pa yata natin 'yong ex-suitor mo.”
Nilingon niya si Japs. Nakatingin ito kina Stanley at sa babae na noon ay patingin-tingin na sa display ng tindahan. Parang nilalapirot ang puso niya, lalo pa at nakaagapay pa rin si Stanley sa babaeng hindi humihiwalay sa pagkakakapit sa braso nito. Hindi niya magawang tumalikod at magtago na lang sa likuran ng mesa niya. Kahit nasasaktan siya, gusto niyang sundan ang kilos ng dalawa.
Ang babae ang nagtanong tungkol sa security camera. Tiningnan din nito sa monitor ang bawat unit na itinatanong nito. Hinayaan niyang si Japs ang umasiste rito. Nakamasid lang siya sa mga ito.
Tinitingnan niya si Stanley ngunit hindi ito tumitingin sa kanya. Masakit isipin na parang hindi na siya nag-e-exist para dito. At mas masakit isipin na nakahanap agad ito ng ipapalit sa kanya.
“I guess it’s about time I courted someone else,” sabi nga nito sa kanya.
At hindi nga ito nahirapang makakita ng bagong liligawan.
“Kayo na rin ba ang magkakabit nito?” tanong ng babae kay Japs. Nakaka-insecure ang ganda at pang-beauty queen na katawan nito. Parang may lahing Intsik din ito dahil medyo singkit at walang bahid ng pekas ang kaputian nito, pantay-pantay pa ang mapuputing ngipin. Wala siyang makitang kapintasan sa pisikal na anyo nito.   
“Hindi po, Ma’am. Pero kung ire-request ng customer, nagkakabit din po kami. May extra charge nga lang po.”
“Ah, magkano naman ang charge?”
Sinagot ito ni Japs.
“Bettina, mas maganda 'yong unang model na napili mo,” sabi ni Stanley sa babae.
“Sige. Iyon na lang pala.” Tumingin kay Stanley ang babaeng tinawag nitong “Bettina.” “Kuya Stan, kaya mo bang ikabit ito sa office?”
Kuya Stan?

“NAGKA-AMNESIA ba ang ex-suitor mo?” tudyo ni Japs kay Mariz nang makaalis na ang dalawa. “Bakit hindi ka niya pinapansin? Parang hindi ka niya kilala.” Tatlong unit ang binili ni Bettina. Bumili rin ito ng CCTV monitor.
Inirapan ni Mariz si Japs.
“Huwag ka nang magsungit. Tutal naman, kapatid o pinsan lang yata ng ex-suitor mo 'yong chick na kasama niya.”
Pinsan nga ba ni Stanley ang babae? Wala itong kapatid, sa pagkakaalam niya. Iyon ang naglalaro sa isip niya nang pumasok siya sa restroom para doon palayain ang bigat ng dibdib niya. Kahit hindi pa siya sigurado, kung ano ang kaugnayan ng magandang babaeng iyon kay Stanley ay napakasakit na sa kanya. Hindi pala niya kayang makita na magkaroon ito ng iba.
Hinilamusan niya ang mukha niya bago siya bumalik sa table.  Ang dense na si Japs ay walang ideya sa nangyayari sa kanya. Nang umalis na ang isang customer na nagtatanong ay lumapit ito sa kanya at prenteng umupo paharap sa kanya.
“Binasted mo ba si Stanley Liu?” usisa nito.
“Tigilan mo na ako, Japs,” awat niya rito. “Ayokong pag-usapan ang tungkol sa personal na buhay ko.”
Tumayo na ito. “Sige na nga. Baka mamaya, bawiin mo pa ang paghahatid mo sa akin mamayang uwian.”
Maghapong laman ng isip niya si Stanley at Bettina. Doon pa talaga sa kanila dinala nito ang babaeng iyon. Hindi niya alam kung nananadya ba ito o gusto lang magdala ng customer sa tindahan nila para makatulong.
Mula nang huli silang mag-usap, araw-araw na tinitiis niya ang pangungulila rito, ang sakit ng loob dahil ayaw na nitong magkaroon pa ng ugnayan sa kanya. Kahit ang pagkakaibigan nila ay pinutol nito.
At kung kailan ayaw na siyang makita ni Stanley, doon niya lalong naramdaman na mahal na niya ito. Pakiramdam niya, handa na niyang bawiin ang lahat ng pagtataboy at pagtangging sinabi niya rito noon, magkaayos lang uli sila. Pero sa sitwasyon nila ngayon, hindi niya alam kung paano pa niya maibabalik sa dati ang lahat.
Kailangan ba niyang babaan ang standards niya dahil lang mahal na niya ito?
Pagsapit ng uwian ay idinaan na niya si Japs sa bahay nito. Nang paalis na siya roon, napansin niyang tila may sumusunod sa kanyang dalawang motorsiklo. Parehong may tig-isang angkas ang mga ito. Nang lumiko siya ay lumiko rin ang mga ito.
“Napapraning ka lang, Mariz,” pagkausap niya sa sarili. Ngayon pa lang siya nakapagmaneho nang solo. Noon, tuwing magmamaneho siya ay ang Tita Lucie niya ang nakakasama niya.
Nawala ang kaba niya paglampas niya ng traffic light. Nauna na sa kanya ang dalawang motorsiklo. Ngunit pagdating niya sa madilim na bahagi ng kalsada ay umagapay na naman sa kanya ang mga ito. Nagkataon pang walang ibang motoristang nakasunod sa likuran nila.
Noon na siya talagang kinabahan. Hindi niya alam kung pabibilisan pa ang takbo niya o magmemenor siya at hahanap ng ligtas na kalyeng malilikuan.
Diyos ko po! Tulungan po Ninyo ako!
Nanginig na siya sa takot nang i-cut siya ng motorsiklo sa kaliwa niya dahilan para mapilitan siyang magpreno. Sinenyasan siya ng isa sa dalawang sakay ng motorsiklong nasa kanan na ipara niya sa tabi ang pickup. At kahit madilim ay hindi siya maaaring magkamali sa nakita niyang hawak nito na baril.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro