Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Can I Be Your Girlfriend?

CHAPTER NINE

SINIKAP ni Mariz na makawala sa panic na nararamdaman niya. Pabalagbag na nakaharang sa daraanan niya ang mga motorsiklo. Bumaba na ang isa sa dalawang angkas ng mga iyon at lumakad palapit sa pickup niya.
Hinawakan niya ang gear. Dalawa lang ang maaari niyang gawin: ang sagasaan ang mga nakahambalang na motor o mabilis na umatras. Kahit lawless elements ang mga sakay ng dalawang motorsiklo ay hindi pa rin niya kayang saktan ang mga ito. Kaya kumilos ang kamay niya para dalhin sa reverse ang gear ng sasakyan niya.
Hindi pa niya naigagalaw ang kamay niya nang biglang umalingawngaw ang sirena ng police car sa likuran niya. Base sa lakas ng tunog niyon ay malapit lang ang police car.
Biglang nagulantang ang mga sakay ng dalawang motorsiklo. Halos hindi siya humihinga hangga’t hindi nagpupulasan ang mga ito pabalik sa dalawang motorsiklo. Humarurot palayo ang mga iyon. Saka lang siya nakahinga.
Niyakap niya ang sarili. Nanginginig sa takot ang buong katawan niya. Napalingon siya nang mapansing tumapat sa tagiliran niya ang police car. Iyon nga lang, hindi pala police car iyon kundi isang SUV. Huminto ang ingay ng sirena. Bumaba ang sakay niyon at lumapit sa kanya.
“Mariz?”
Nananaginip ba siya? Ang bulto ng lalaki, ang imbay sa paglalakad, at ang boses ay parang si... “Stanley?” pabulong na sambit niya.
Kinatok nito ang salamin ng bintana niya. “Mariz, are you okay?” Lumigid ito sa kabila. “Open your door, please.”
Saka pa lang siya nakahinga nang maluwag. Binuksan nga niya ang pinto.  Mabilis na sumakay ito roon. Walang sabi-sabing nilikom nito ang nanginginig pa niyang katawan. Mahigpit ang kapit niya rito.
“It’s okay now,” mahinang sabi nito habang hinahagod ang ulo at likod niya. “Everything will be all right. Wala ka nang dapat ikatakot.”
May ilang minuto rin silang nanatili sa ganoong posisyon. Sa kabila ng nangyari, masarap sa pakiramdam na hindi siya nag-iisa. Na biglang may tumulong at may masasandalan siya sa ganoong nakakatakot na sitwasyon. Kumalas na siya rito at tiningnan ito.
“Paano mo…?”
“Napansin ko sa trafflic light ang sasakyan mo. Napansin ko rin ang dalawang motor na may kaangkas. Ewan ko pero kinabahan ako. Kaya imbes na tumuloy ako sa pupuntahan ko, lumiko ako at sinundan ko ang sasakyan mo. Hindi nga ako nagkamali, dahil pagdating dito, nakita ko ang ginawa ng mga naka-motor para mapahinto ka. Mabuti na lang at hindi ka bumaba ng sasakyan mo.”
“Ang akala ko police car ang nakasunod sa akin. Sirena ng police car ang narinig ko.”
“I keep one in my car. It’s not legal but…” nagkibit-balikat ito, “sometimes it comes in handy.”
“Salamat, Stanley. Maraming salamat. Kung hindi dahil sa iyo, hindi ko alam kung ano na ang nangyari sa akin.”
Nagkibit-balikat uli ito. “Look, hindi ko nakuha ang plate numbers ng riders in tandem na 'yon para mai-report sana natin sa pulis. Nakuha mo ba?” Nagpatuloy ito nang umiling siya. “Okay, useless din pala kahit magsumbong tayo sa mga pulis. Mag-convoy na lang tayo. Susundan ko ang sasakyan mo hanggang sa inyo. Kaya mo na bang mag-drive?”
Tumango siya. Noon lang niya napansing naka-dinner jacket ito at parang may formal dinner na dadaluhan. “Pero may pupuntahan ka pa yata. Naabala na kita. Huwag mo na lang akong sundan. Nakalayo naman na siguro ang mga naka-motor na 'yon.”
“All right.”
Daig pa niya ang naulila nang bumaba na ito ng pickup truck. Gusto niyang habulin ito at bawiin ang sinabi niya. Gusto niyang magpahatid dito, sabihin dito na kung maaari lang ay samahan siya nito sa magdamag hanggang sa mawala ang natitirang takot sa isip niya. Ngunit wala na siyang nasabi hanggang sa makabalik na ito sa sasakyan.
Umaandap pa rin ang kalooban niya habang pinatatakbo  ang pickup truck. Nagtaka siya dahil nanatiling nakasunod sa kanya ang sasakyan ni Stanley. Hindi ito humiwalay sa likuran niya hangga’t hindi siya nakakarating sa kanila.
Nang bumaba na siya ng pickup truck para sana lapitan ito at muling magpasalamat dito ay nagtuloy-tuloy na ito sa pag-alis. Nanghihinayang na pumasok na lang siya sa kanilang bahay.
Nang gabing iyon, hanggang sa makatulog siya ay isang bagay lang ang laman ng isip niya. Stanley still cared for her.

DIYOS ko, tama po ba ang gagawin kong ito?
Hindi makababa si Mariz ng pickup truck niya. Kinakabahan siya. Sa halip na magtungo sa kanilang tindahan ay sa bahay ni Stanley siya pumunta. Gusto na niyang bawiin ang mga nasabi niya noon dito, kahit mangahulugan iyon ng paglunok ng kanyang pride.
Napigil niya ang paghinga nang bumukas ang gate ng malaking bahay. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya kung ang ina ni Stanley ang makakakita sa kanya roon at tatanungin kung ano ang pakay niya roon.
Pero ang Montero Sport ni Stanley ang lumabas ng gate. Napakalakas ng kabog ng dibdib niya nang mapansin siya ni Stanley at bumaba ito ng sasakyan para lapitan siya.
Ibinaba niya ang bintana ng sasakyan niya.
“Mariz? What are you doing here?” tanong nito nang makalapit.
Nag-ipon muna siya ng lakas ng loob bago bumaba ng sasakyan niya. “Stanley, alam ko, minsan mo nang pinunasan ang mga luha ko. Minsan mo na rin akong iniligtas, pinayapa ang takot ko at sinabi sa akin na magiging maayos din ang lahat. Sapat na siguro ang mga dahilang iyon para hindi na rin ako matakot na aminin sa iyo na… na mahal din kita. Iyon ang totoo kahit itinaboy kita dati. At wala na akong pakialam kahit magkaiba tayo ng pagkaunawa sa salitang iyon. Gusto ko lang maging totoo sa sarili ko…”
Namilog ang mga mata nito habang nakamata sa kanya. Hindi ito makaimik.
“Kaya bago mo ako tuluyang makalimutan at mapalitan ng ibang babae, pinili ko na lang na aminin sa iyo ang totoo. Mahal kita, Stanley Liu. C-can I be your girlfriend?”
Nakahinga lang siya nang ngumiti ito nang bahagya. “Umuwi ka na sa inyo, Mariz. Nao-overwhelm ka lang sa ginawa kong pagliligtas sa iyo kaya mo sinasabi 'yan.”
“Wait!” sabi niya nang humakbang na ito paatras. “Hindi mo ba narinig ang sinabi ko? Mahal na kita kahit itinataboy kita.”
Tumigil ito at tinitigan siya. Gusto lang marahil nitong makatiyak. Bumuntong-hininga ito at muling lumapit sa kanya. Inabot nito ang mga kamay niya at pinisil. “Papayag lang ako sa proposal mo kung tatanggapin mo ang mga kondisyon ko,” sabi nito.
Hindi niya maarok kung ano ang tumatakbo sa isip nito nang mga sandaling iyon. “Anong mga kondisyon?”
“Una, gusto kong araw-araw na tayong magkita mula ngayon.”
“At...?”
Sa halip na sumagot ito ay hinila siya nito hanggang sa mapayakap siya sa katawan nito. Mabilis na pumalibot ang mga bisig nito sa katawan niya. Kay higpit ng yakap nito. Wala itong pakialam kahit nasa gitna man sila ng kalsada at may mga taong maaaring makakita sa kanila.
Wala na rin siyang pakialam. Mas masarap na i-enjoy lang ang mahigpit at maingat na yakap ng taong mahal niya. Labis-labis na saya ang nararamdaman niya sa pagkakataong iyon. Para siyang matagal na ikinulong at ngayon lang uli lumaya. Naglahong bigla ang bigat ng dibdib niya.
“Saka ko na sasabihin ang ibang mga kondisyon ko,” bulong nito malapit sa tainga niya. “For now this is enough… That I can hold you like this… like we can’t let each other go even for just one second.”

HINIHINTAY kita rito sa Rack’s. Iti-treat kita ng lunch.
Napangiti si Mariz sa nabasang text message sa kanya ni Kitch. Bihirang magyaya ng lunch ang kaibigan niya dahil kadalasang tulog ito ng lunchtime dahil pirming nasa graveyard shift ito sa call center na pinapasukan nito.
Sure, reply niya. Pupunta na ako diyan.
Huwag ka nang sumakay. Maaga pa. Two blocks away lang naman sa Rack’s ang tindahan ninyo, reply naman nito.
Naglakad na nga lang siya. Kalalampas lang niya sa tindahan nila nang may umagapay sa paglalakad niya at pagsalikupin nito ang kanilang mga kamay.  Saglit lang siyang nagulat dahil naramdaman agad niyang si Stanley iyon. Huminto siya kaya huminto rin ito.
“Hi,” masayang bati niya rito. “Ano’ng ginagawa mo rito?”
“Magpapasama lang akong mag-lunch sa iyo,” ngiting-ngiting sabi nito. Hindi ito ganoon nang huli silang magkita. Parang hindi ito makapaniwala noon sa nangyari maging hanggang noong maghiwalay na sila. Nakikita niya ngayon na bumalik na ang dating cute na ngiti nito na puno ng kumpiyansa.
“Ha? Pero nauna na si Kitch na magyaya sa akin. Papunta na nga ako sa kanya ngayon.”
“Mas gusto mo ba siyang kasabay mag-lunch kaysa sa akin?” sabi nitong tila nangongonsiyensiya.
“Siyempre mas gusto kong kasabay ka pa—”
“'Yon naman pala,” agaw nito. “Di sa akin ka sumabay. Besides, isa iyon sa mga kondisyon ko. Na kapag niyaya kitang lumabas, papayag ka agad.”
Kumunot ang noo niya. “Demanding ka na ngayon?”
“Doon lang sa bagay na alam kong gusto mo rin,” sabi nitong kinindatan pa siya.
“Hay, paano na si Kitch? Baka mamuti ang mga mata n’on sa paghihintay sa akin.”
“Relax, honey. Kung gusto mo, puntahan na lang muna natin siya.” Hinigit nito ang kamay niya at ipinatong sa dibdib nito. “Trust me. Matutuwa pa 'yon na ako ang sasamahan mo.”
“Bahala ka na nga.”
Pinagmasdan nito ang magkasalikop nilang mga kamay, marahang idinikit iyon sa pisngi nito na para bang isang hiyas iyon na napakahalaga. He smiled at her, then sighed contentedly as they ambled along.
Sana ay hindi na matapos ang sayang nararamdaman niya. Hindi siya nagsisisi na nilabag niya ang tradisyonal na paraan ng pagliligawan at siya na ang nagyaya kay Stanley na maging magnobyo sila.
Nagpatuloy sila sa paglalakad. Paminsan-minsan ay kumikiskis ang braso nito sa braso niya, kontentong magkahawak lang ng mga kamay habang mabagal na lumalakad na parang walang kahit gatuldok na problema sa buhay.
“Bakit nga pala naglalakad ka lang?” naisip niyang itanong. “Nasaan ang sasakyan mo?”
“Nasa parking space n’yo, katabi ng pickup truck mo,” nakangising sagot nito. “I wanted to surprise you kaya hindi kita tinawagan para sabihing pupunta ako ngayon.”
Natawa siya. “Bakit pala naglalakad lang tayo ngayon?”
Napawi ang ngiti nito. “Hindi mo ba gusto ang ganito? Isn’t this more romantic?”
“Siyempre, mas romantic ito para sa akin. Hindi ko lang inaasahang gagawin mo.”
“Bakit, ano ba’ng akala mo sa boyfriend mo, kulang sa imagination? Hindi romantic na tao?”
“Hindi naman sa gano’n. Sa pagkakaalam ko kasi, agresibo ka at mas gusto mong maging intimate agad at… at…”
Kay lakas ng tawa nito habang nag-iinit naman ang mga pisngi niya. “Honey, gusto ko ring gawin natin 'yong ‘at’ na hindi mo masabi-sabi. Pero mahalaga ka sa akin. I’ll do whatever it takes to make you happy. Besides, I also love this,” sabi nitong marahang iwinasiwas ang magkahugpong nilang mga kamay bago kumiling sa kanya, tumitig sa mga mata niya, at bumulong ng, “I love you…”

MALAPIT nang matapos magtanghalian si Kitch nang dumating sila ni Stanley sa Rack’s.
“O, bakit nauna ka nang kumain?” sita ni Mariz sa kaibigan. “Akala ko ba sabi mo—” Hindi na niya naituloy ang sinasabi nang sumenyas ito at itinuro si Stanley habang ngumunguya. Naupo sila sa tabi nito.
Por favor, wala pa akong tulog at kasalanan nitong dyowa mo,” sabi ni Kitch pagkatapos nitong lumunok. “Next time nga na magde-date kayo, huwag n’yo na akong gawing props.”
Napatingin siya kay Stanley. Napapahagod ito sa batok. “Bakit naman kailangan mo pang gawin 'to?”
“Gusto ko lang maiba. Gusto kong matiyempuhan kang naglalakad para masabayan kita at maranasan 'yong paglalakad natin kanina na magkahawak ng kamay.”
“Ooh,” sabad ni Kitch na kunwari ay hihimatayin sa kilig. “Kahit siguradong mahihirapan akong bumalik sa pagtulog mamaya, sulit naman.”
Sinundot niya ito sa tagiliran. “Doon ka na lang matulog sa bahay ng Milkmaid sisters. I’m sure more than willing silang ipaghele ka.”
“Tse!” Tinapos na nito ang pagkain at agad na nagpaalam sa kanila.
“Mahal ko na ang best friend mo,” nakangising sabi sa kanya ni Stanley nang wala na si Kitch. Doon na rin sila kumain. “Kahit hindi niya gusto ang mga chinky-eyed na katulad ko, supportive siya sa relasyon natin.”
“Supportive lang siya kasi alam niyang mahal kita.”
Ngumiti ito at tumitig sa kanya. Naramdaman niyang hawak na nito ang kamay niya at dinadampian iyon ng masuyong halik.
“At siguro kaya rin supportive siya kasi alam niyang mahal na mahal ko ang kaibigan niya,” puno ng emosyong sabi nito.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro