Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Blush

CHAPTER TWO

SINADYA ni Mariz na tanghali magtungo sa Aqua Zone Cell Phone shop para kaunti ang makasabay niya. Gaya ng sabi ni Kitch, siya ang uutusan nitong magbayad ng balanse sa bayad ng naiwalang cell phone nito. Nang nagdaang gabi ay nagtungo ito sa kanila dala ang perang dinilihensiya raw nito sa mga ninong at ninang nito na hindi niya alam kung totoo.
Nakita agad niya si Stanley pagbukas niya ng entrance door ng shop. May ginagawa ito sa counter ngunit nang makita siya ay kinawayan nito ang sales assistant at lumabas ito ng booth para lapitan siya.
“Hi, Mariz,” nakangiting bati nito. Nagmukhang maninipis na slits na lang ang singkit na mga mata nito.
Kung humanga na siya dati sa kaguwapuhan nito, ngayong nakangiti ito ay parang gustong magwala ng lahat ng lamang-loob niya sa katawan. Dumoble yata ang bilis ng pintig ng puso niya.
“H-hi,” pa-demure na bati niya at bahagya pa siyang kumaway rito.
“Halika, dito tayo.” Itinuro nito ang pasilyo na patungo sa isang sitting room. Nakikita mula sa isang panig ng one-way mirror wall niyon ang mga nangyayari sa tindahan.
“Ibibigay ko na ang balance ng utang ni Kitch.” Iniabot niya ang sobreng pinaglalagyan ng pera at ng kopya ng promissory note ni Kitch.
Hindi na binilang ni Stanley ang laman ng sobre na ibinulsa lang nito. “Mabuti naman at ikaw ang nagpunta rito.”
“Bakit naman?” pa-demure pa ring tanong niya. Kung makikita lang siya ng mga kaibigan niya ay malamang na kantiyaw ang abutin niya. Daig pa niya ang mahinhing prinsesa sa ayos niya.
Hindi na nakasagot si Stanley nang pumasok sa sitting room ang isang maganda at eleganteng ginang na marahil ay nasa forties pa lang ang edad.
“O, may bisita ka pala, Stanley,” sabi nitong sa kanya nakatutok ang mga mata.
“Oo, Mom. Mariz, mom ko, si Laarni Liu. Mom, si Mariz Santiago, bagong kaibigan.”
“Kumusta po kayo, Ma’am?” Tumayo si Mariz. Makikipagkamay sana siya rito ngunit hinila na siya nito at nakipagbeso sa kanya.
“I’m good. And call me ‘Tita Laarni,’ will you? You know what, Mariz? Parang kahawig mo 'yong owner ng Lucie’s Trend diyan sa Pasong Tamo.”
“Tita ko po siya,” proud na sabi niya.
Natuwa siya sa naging reaksiyon nito. “Talaga? Doon ako madalas magpagawa ng gown kapag may dinadaluhan akong mga formal event. Magagaling ang designer niya roon. That’s nice, ha?”
“Hayaan n’yo po, babanggitin ko po kayo sa kanya.”
“Thank you, Mariz. O, Stanley, bakit hindi mo man lang bigyan ng refreshment ang bisita mo?”
“Naku, huwag na po,” maagap na sabi ni Mariz. “Hindi naman po ako magtatagal.”
“Hmm, but I think my son here would like to talk with you a little bit longer,” nanunuksong sabi nito.
“Mom!”
Nag-init ang mga pisngi ni Mariz. Nang sulyapan niya si Stanley, namumula rin ang mga pisngi nito.
“O, sige, hindi ko na kayo iistorbuhin. See you around, Mariz.”
“Nice meeting you po, Tita.”
“Pasensiya ka na sa mom ko, ha?” sabi sa kanya ni Stanley nang wala na roon ang mommy nito. “Ganoon kasi talaga siya. Gusto niyang kinikilatis ang mga bagong kaibigan ko.”
Magkaibigan na sila. Wala nang tanong at paalam ay ganoon na ang turing nito sa kanya. Ngayong nakilala na niya ang ina nito at mukhang magaan ang loob sa kanya ng ginang, nararamdaman niyang hihigit pa roon ang magiging relasyon nila.
“Ahm, Mariz, puwede ba akong mamasyal sa bahay ninyo?”
Lalong bumilis ang tibok ng puso niya.

“SA  ARAW pong ito, nais po naming mapahalagahan ang mga taong nagmamahal sa atin nang tapat at buong pagtitiyagang gumagabay sa atin. Sila ang mga nag-aruga at naging unang tagapagturo ng ating mga magulang, maging sa karamihan sa atin na naririto. Pasalubungan po natin ng malakas na palakpakan ang ating mga lolo at lola!”
Napuno ng malalakas na palakpak ang bulwagang kinaroroonan ni Mariz at ng mga mag-aaral, ng event committee, at ng mga lolo at lola. Proyekto ng mga kabataan sa lugar nila ang natatanging araw na iyon para sa mga senior citizen. Kasama siya sa committee na nag-organisa ng proyekto. Una roon ay nag-solicit muna sila ng pera mula sa mga tao sa kanilang community. Nang makalikom na sila ng sapat na halaga, itinakda nila ang parangal isang linggo bago ang Araw ng Mga Puso.
Sa tulong ng mga piling mag-aaral sa high school, may inihanda silang programa para sa araw na iyon. Naghanda sila ng merienda para sa mga nakatatanda. May ibibigay rin silang regalo sa mga ito. 
Nasa kalagitnaan na ang programa nang tawagin siya ni Kitch. “Bakit?” tanong niya rito. Napansin agad niya ang panunukso sa mga mata nito.
“Nandiyan ang bf-to-be mo,” sabi nito.
Kumunot ang noo niya. “Ano ba’ng sinasabi mo diyan?”
“Nandito si Stanley. Manonood din pala siya. In-invite mo ba siya?”
“Hindi.”
“Hi, Mariz… Kitch.”
Nagulat si Mariz nang makitang nasa kanan pala niya si Stanley at napakalapit na nito sa kanila ni Kitch. Kumabog-kabog na naman ang dibdib niya. Narinig yata nito ang sinabi ng best friend niya.
“H-hi. Invited ka rin pala rito?” tanong niya.
“Oo. Personal friend ko ang SK chairman. I got the invitation from him.”
“Ah, gano’n pala.”
“Oo. Kasi hindi mo ako inimbita,” pabirong sumbat nito sa kanya. Tinitigan siya nito na lalong nagpakabog sa dibdib niya.
“Nakita ko 'yon,” sabad ng taklesang si Kitch.
“Eh, kasi… Hindi ko naisip na magiging interesado ka sa mga ganitong activity,” nahihiyang sabi niya kay Stanley habang pasimpleng kinukurot niya ang baklang kaibigan.
“Basta kasama ka sa kahit anong activity, interesado ako.”
“Oooh!”
Binatukan na niya si Kitch sa puntong iyon. Pero ang totoo, gusto rin niyang gayahin ang pabirong pagsu-swoon nito. Iyon nga lang, hindi magiging biro ang sa kanya. Para talagang hihimatayin siya sa kilig lalo na at nakatutok sa kanya ang mga mata ni Stanley na palaging nakangiti.
Hinintay siya nito hanggang sa matapos ang programa. Hinayaan ng kunsintidor na si Kitch na maihatid siya ni Stanley sa kanilang bahay. Nag-alibi pa ang kaibigan niya na may iba pang pupuntahan ito.
“Bakit mo ako tinititigan nang ganyan?” tanong ni Mariz kay Stanley. Naroon na sila sa tapat ng kanilang bahay.
Ngumiti ito nang maluwang. “Basta, gusto ko lang. I love staring at you, Mariz. You’re beautiful and—” Hindi na nito naituloy ang sinasabi nang mag-ring ang cell phone nito. “Hello, Mom? Ngayon na po ba? Yes, Mom. Okay, Mom.” Panghihinayang na ang nakapaskil sa mukha nito pagkatapos makipag-usap sa cell phone. “Pinapauwi na ako ng mommy ko. Uutusan daw ako,” sabi nito sa kanya.
Nanghinayang siya sa moment nila. Naroon na sila. Sigurado siyang nagsisimula nang manligaw ito. Tumango na lang siya at umakmang bubuksan ang pinto ng kotse ngunit pinigilan siya nito. Ito ang bumaba ng sasakyan at umikot sa gawi ng passenger’s seat bago siya pinagbuksan ng pinto.
“Siguro lagi mo na akong makikita mula ngayon,” sabi nito na bumalik na ang cute na ngiti sa mga labi. “Okay lang ba iyon sa iyo?”
Ngumiti rin siya. “Okay lang.”
“Kahit araw-araw?”
“Ahm, oo.”
Hinawakan nito nang marahan ang baba niya. “'Bye, Mariz. See you tomorrow.”
Kinawayan niya ito. Pumasok na siya sa loob ng bahay nang makaalis na ang kotse nito. Tumuloy agad siya sa silid niya at pinakawalan ang impit ngunit may-kalakasan pa ring tili habang sapo-sapo ng kamay ang baba niya at pabagsak na humiga sa kama.
“Ano ba, Mariz? In love ka na yata,” pagkausap niya sa sarili.
Kumatok sa pinto ang kawaksi nilang si Ate Nona. “Mariz? Napapaano ka diyan?”
Hindi na lang siya kumibo pero hindi mawala ang ngiti niya. Nang gabing iyon, si Stanley lang ang napanaginipan niya.

“PARA saan 'to?” mahinhing tanong ni Mariz kay Stanley nang ibigay nito sa kanya ang naka-ribbon pang Lindt Chocolates. Naglalakad siya noon patungo sa sari-sari store sa kanto nang sabayan siya nito. Inutusan siya ni Ate Nona na bumili ng pamintang durog. Talaga raw papunta ang binata sa kanila. Nag-ayos muna sana siya bago siya lumabas ng bahay nila kung alam lang niyang makikita niya ito roon.
Hinaplos ni Stanley ang batok nito at ngumiti. “Wala naman. I just wanted to give you something that might make you smile. Do you like it?”
Nag-init ang mga pisngi niya. Tumango siya rito, lumuwang ang ngiti. “Thank you.”
“Ang cute ng cheeks mo.”
Lalong nag-init ang mga pisngi niya. Napansin nito ang pagba-blush niya! 'Kahiya!
“I love looking at your face.” Bumuntong-hininga pa ito. “You’re really beautiful, Mariz.”
Nagpasalamat uli siya rito. Hindi niya alam kung ano pa ang sasabihin niya bukod doon. Inipit niya ang ilang hibla ng buhok niya sa likod ng kanyang tainga nang sulyapan niya  ito. Hindi pa rin nawawala ang ngiti niya.
“Saan ka nga pala pupunta?” tanong nito.
“Sa tindahan ni…” Natigilan siya. Lumampas na pala siya sa tindahan sa kanto. Napahiya na naman siya. Ngunit hindi na niya pinansin iyon. Hawak niya ang chocolates na nagpapatunay na nasa courtship stage na sila ni Stanley.

SINUNDO ni Mariz sa airport ang mga magulang niya. Kasama niya ang Tita Lucie niya. Delayed ang flight ng mga magulang niya kaya dalawang oras silang naghintay sa airport. Inagahan ng mga ito ang pagbalik sa Pilipinas para saksihan ang kasal ng Tita Lucie niya at ang pagtatapos niya sa kolehiyo.
“Dalagang-dalaga ka na, anak,” sabi ng papa ni Mariz pagkatapos ng mga kumustahan.
“Siyempre naman, 'Pa. Ilang taon tayong hindi nagkita.”
“Tanungin mo kung may boyfriend na,” sabad ng mama niya.
“Wala namang problema kahit mag-boyfriend na itong anak mo. Ga-graduate na siya ng college. Talagang ganoon kayong mga babae. Eventually, mag-aasawa at magkakaanak. Iyon ang role ninyo sa buhay,” sabi ng papa niya.
Napatingin si Mariz sa Tita Lucie niya. Ngumiti lang ito nang bahagya ngunit alam niyang nakuha agad nito ang ibig sabihin ng tingin niya. Sa biglang tingin ay parang bunsod lang ng pagiging “cool dad” ng papa niya ang sinabi nito. Ngunit iba ang dating niyon sa kanya. Parang sa simpleng mga salita lang ay naipamukha agad nito na walang silbi ang mga babae bukod sa procreation.
Para bang nakalimutan na ng papa niya na isang matagumpay na designer at negosyante ang Tita Lucie niya. Na kaya sabay na nakapag-abroad ito at ang mama niya ay dahil tinustusan ng tita niya ang mga gastusin ng mga ito noon.
“Wala pa po akong boyfriend, Papa. Gusto ko munang tumulong sa itatayo ninyong negosyo bago ko pag-isipan ang tungkol sa pagbo-boyfriend,” sabi ni Mariz.
“Huu, hindi ka pa lang siguro nai-in love,” sabi ng mama niya.
“Ikuwento mo nga sa amin ang nangyari noong ma-shipwreck ka,” pag-iiba ng papa niya sa usapan.
Napatingin uli siya sa Tita Lucie niya. Ang akala niya ay hindi nito ipinagtapat sa mga magulang niya ang nangyari. “Galit ka po ba, 'Pa?”
“Of course not. Kahit saan at kahit kanino, dumarating ang disgrasya ng hindi natin alam. Magpasalamat na lang tayo na ligtas ka at walang masamang nangyari sa iyo.”
Nakahinga siya nang maluwag. At least hindi nito sinisisi ang Tita Lucie niya sa nangyari sa kanya.
“Balak namin ng papa mo na magbakasyon tayong lahat sa Baguio kasama ng lolo’t lola mo,” sabi ng mama niya.
“Baguio lang?” Nagalugad na niya ang kasulok-sulukan ng Baguio mula nang magtayo roon ang Tita Lucie niya ng branch ng boutique nito. “Hindi sa Bohol o kahit sa Palawan?”
“Mahal ang airfare,” sabi ng papa niya.
Hindi na siya humirit pa. Hindi iyon ang panahon para gumastos. Magtatayo pa lang ng negosyo ang mga ito. At kailangan ang lahat ng maiipong puhunan para doon. Pero sa huli ay napilit din niya ang mga ito na magbakasyon sila sa Puerto Galera. Pag-uwi nila sa bahay ay nadatnan nilang nagdo-doorbell si Stanley sa gate nila.
“Sino 'yan?” tanong ng mama niya.
“Kaibigan ni Mariz,” sagot ng Tita Lucie niya.
Nakakunot ang noong tiningnan siya ng papa niya. “Akala ko ba wala kang boyfriend?”
Pinatirik niya ang mga mata. “'Pa, kaibigan ko lang siya.” Hindi niya alam na ngayon pupunta sa kanila si Stanley. Kahapon lang ito nanggaling doon. Halos limang oras itong namalagi sa kanila para makipagkuwentuhan sa kanya. Marami-rami na rin siyang nalalaman tungkol dito. Gaya ng sa Taiwan pala ito ipinanganak. Patay na ang ama nito kaya sa Pilipinas na ito nanirahan pati ang ina nito.
“Sana, nag-text ka muna sa akin bago ka magpunta rito,” sabi niya kay Stanley. Tumatalon na naman ang puso niya ngayong nakatutok ang mga mata nito sa kanya at nakangiti.
“Sorry, ha? Hindi ko alam na aalis ka pala.”
“Dumating ang parents ko. Sinundo namin sila sa airport.”
“Kung gano’n ay magpapaalam na pala ako. Babalik na lang ako sa ibang araw.”
“Bakit hindi mo muna ipakilala sa amin ang kaibigan mo, anak?” tanong ng papa niya.
Napipilitan lang na ipinakilala niya si Stanley sa mga ito.
Hindi na nakaalis si Stanley. Niyaya ito ng papa niya na pumasok sa bahay nila. Mukhang nagkasundo agad ang mga ito. Humaba ang kuwentuhan at inabot si Stanley nang dalawang oras sa kanila bago ito nagpaalam. Hindi man lang niya nakakuwentuhan ito. Nagkasya na lang sila sa pagsulyap-sulyap sa isa’t isa. Pero nang ihatid niya ito sa gate nila ay pinisil nito ang isang kamay niya at nginitian uli siya bago ito nagpaalam. Magsu-swoon sana siya ngunit nakatingin ang papa niya kaya pinigilan na lang niya. Pasimple siyang sumagap at nagbuga ng hangin.
“Gusto ko ang batang 'yon,” sabi ng papa niya nang wala na si Stanley. “Mukhang magaling siyang negosyante.”  
“May cell phone and gadgets shop sila. Apat na yata ang branch n’on dito sa Metro Manila. Siya ang nagma-manage ng main branch,” sabi ni Mariz.
“Talaga? Mayaman pala sila.”
“May-kaya lang.”
“Pero magaling talaga siya. Dahil sa sinabi niya sa akin kanina, may idea na ako ngayon kung anong negosyo ang itatayo ko.”
Napatitig siya rito. Kitang-kita sa mga mata ng papa niya ang interes. Parang isang malaking kompanya ang pag-aari ng pamilya ni Stanley. Ngayon lang nakita at nakausap ng papa niya si Stanley pero ganoon na kahalaga para dito ang sinabi ng binata para sundin iyon ng papa niya?
“Ano naman pong negosyo?” usisa ni Mariz.
“Tindahan ng security camera at iba pang gadget para sa indoor at outdoor security.”
Kumunot ang noo niya. Matagal na niyang naisip ang negosyong iyon pagkatapos siyang makapanood ng expo ng mga bagong technology at gadget sa isang mall sa Makati. Nakagawa na nga siya ng research tungkol doon at balak sana niyang ipakita iyon sa papa niya. Pero mukhang naunahan na siya ni Stanley.
“Mariz, 'di ba, tungkol sa security camera ang nire-research mo noong nakaraang buwan?” tanong ng Tita Lucie niya.
“Oo, Tita. Natapos ko na nga—”
“Magpapahinga na muna ako,” sabad ng papa niya. “Ngayon ko pa lang nararamdaman ang pagod ng biyahe namin ng mama mo.”
Malungkot na tumingin na lang siya sa Tita Lucie niya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro