Ano Ba Talaga?
CHAPTER FIVE
NAGSASAYAW ng samba ang magkapareha sa sumunod na eksena sa video nang mapagmasdang mabuti ni Mariz ang babae. Medyo nakahinga na siya nang maluwag.
“Saan mo nakunan ito?” tanong niya kay Kitch.
“Sa isang bar sa Timog. Niyaya lang ako kagabi ng mga pinsan ko kaya ako nakapunta diyan. Hindi talaga ako makapaniwala na makikita ko roon si Stanley.” Tiningnan siya nito. “Wala ka bang sasabihin? Hindi ka man lang magre-react?”
“Ano naman ang dapat kong i-react?”
“Mariz naman. Huwag ka ngang dense. Bato ka ba o ano? Hindi ka man lang nagselos na may ibang babae na ang soon-to-be-boyfriend mo? At take note, ang mas nakakagulat doon, matrona pa ang girlalu niya.”
“Actually, medyo nagulat nga ako. Pero, Kitch, hindi niya chick ang kasayaw niya rito. Si Tita Laarni ito, mommy niya.” Kaya siguro hindi na siya kinulit ni Stanley kahapon ay dahil nakahanap na ito ng ibang maide-date—ang ina nito.
“Ah, kaya pala.”
“Kaya pala ano?”
“Kasi kanina, no’ng una mong mapanood ang video, para kang na-shock. I mean, para kang na-hurt, girl. Pero mabilis lang nawala at wala ka nang nai-react.”
“Grabe ka naman.”
“Hmm, may ayaw kang ipaalam sa akin. Anyway, hindi naman ako iba. Best friend mo ako. So, magkumpisal ka na sa akin.”
“Heh! Bakit, pari ka ba para pagkumpisalan?”
Pinatay na nito ang video at niyaya siyang magtungo sa bahay ng mga ito. “Pero nagulat ako, ha,” sabi nito habang naglalakad sila sa gilid ng kalsada. “Solicitous palang anak si Stanley. Hindi siya nahihiyang makasayaw ang mommy niya kahit maraming nakakakitang tao.”
Mapagkalingang anak nga ba si Stanley? Siguro nga ay ganoon ito, batay sa pagkakakilala niya noon dito. Naisip pa nga niya noon na baka mama’s boy ito. May ilang pagkakataon din kasi noon na kapag tinatawagan ito ng ina nito ay kaagad na umaalis ito upang sundin ang ipinagagawa ng ginang.
Nagkibit-balikat na lang siya. Nang tingnan niya si Kitch ay pinagmamasdan siyang mabuti nito na parang may kung anong natuklasan ito. “May tama ka pa rin kay Tsekwa. I can see it in your eyes. Kaya nagtataka ako sa iyo kung bakit parang umiiwas ka sa kanya.”
Umiling-iling si Mariz. “Nag-iba na siya, Kitch. I was looking for love. Dahil iyon naman talaga ang pinakamahalagang element sa relasyon ng isang lalaki at isang babae. Pero hindi na yata ganoon ang hanap niya ngayon.”
“Baka naman sobra ka lang nagpapa-hard-to-get kaya naiinis na sa iyo si Tsekwa.”
“Kalimutan na nga lang natin siya.” Ilang bahay pa ang dinaanan nila bago sila nakarating sa bahay nina Kitch. Nadaanan pa nila ang dalawa sa Milkmaid sisters.
“Hi, Kitch!” Abot-tainga ang ngiti ng mas maiksi ang buhok na babae. “Daan ka rito mamaya, ha? May ibibigay kami sa iyo.”
“Ah, eh, s-sige po, Ate Goldina.”
“Huwag mong kalilimutan,” pahabol ng isa na sa pagkakatanda niya ay “Silveria” ang pangalan.
“O-opo, hindi po,” sabi ni Kitch.
“Mukhang chummy-chummy na kayo ng Milkmaid sisters, ah,” sabi niya kay Kitch nang makalampas na sila sa mga ito. “Pumupunta ka na sa kanila ngayon.”
“Umoo lang ako pero hindi ako papanhik sa kanila. Minsan lang ako pumunta roon. Ayoko nang ulitin. Hindi ko alam kung bakit tumandang dalaga ang tatlong 'yon. May-pagkamanyakis naman. Sukat ba namang paghahaplusin ang pisngi ko at dibdib. Yuck! Hindi ba sila maka-sense na girl din akong tulad nila? Natalon ko tuloy 'yong second floor pababa sa first floor makaalis lang agad doon.”
Tawa siya nang tawa sa nakakatawang hitsura nito habang nagkukuwento. Sandaling napawi ang lungkot niya at kalituhan na may kinalaman kay Stanley.
KINUHA ni Mariz kay Japs ang iniaabot nitong helmet. Pauwi na sila nito. Maaga silang nagsara ng tindahan. Alas-otso ang karaniwang closing time nila. Ngunit nang tawagan siya kanina ni Stanley at sabihin nitong susunduin siya para makapag-dinner sila, alas-siyete y medya pa lang ay nagsara na sila ni Japs. Aangkas na lang siya rito dahil hindi pa rin niya naaasikasong kumuha ng driver’s license para sana magamit niya ang Ford F150 ng papa niya. Hindi tuloy siya makapagmaneho ng sasakyan.
Kahapon ay nagtungo sa tindahan si Stanley bago mag-alas-dose at niyayaya siyang magtanghalian sa labas. Hindi siya sumama at ikinatwiran niyang tapos na siyang mag-brunch at may hinihintay siyang supplier kaya hindi siya puwedeng umalis ng tindahan.
“Ready ka na?” tanong ni Japs nang makasakay na sila sa motorsiklo nito.
“Wait lang,” sabi ni Mariz. Pakiramdam niya ay nasasakal siya kaya niluwagan niya nang kaunti ang strap ng helmet sa ilalim ng baba niya. “Okay, ready na ako.”
Pinaharurot na ni Japs ang motorsiklo. Nagbaling si Mariz ng mukha nang makasalubong nila ang Montero Sport ni Stanley. Sana lang ay hindi sila nakilala nito.
Ngunit wala pang kalahating oras na naihahatid siya sa kanila ni Japs ay nagdo-doorbell na sa kanila si Stanley. Hindi siya nakaangal nang tawagin siya ng mama niya. Ito ang nagbukas ng pinto at nagpatuloy kay Stanley. Kaya napilitan siyang harapin ang binata. Hindi ito nakangiti nang babain niya sa sala. Nakatingin lang ito sa kanya. At ipinagtaka niya ang sinabi nito.
“May girlfriend na siya.”
“Sinong—”
“'Yong salesclerk n’yo. May girlfriend na siya.”
“Hindi ko naman—”
“You’re courting danger, Mariz. Kung ako ang girlfriend niya at nakita ko kayo kanina, iba ang iisipin ko.”
Ang talas naman ng mata ng isang 'to.
Hindi niya alam na may girlfriend na si Japs. At wala namang malisya ang pagpapahatid niya rito. At paanong nalaman ni Stanley na may girlfriend na si Japs?
“Inihatid lang ako ni Japs. Wala kaming relasyon. Saka wala kang karapatang sitahin ako.” Naupo siya sa mahabang sofa na katapat ng single-seater sofa na kinauupuan nito.
“Well, I think you’re wrong. Kung ikaw ang girlfriend ni Japs, wala nga siguro akong karapatan. Pero dahil muntik na tayong magkaroon ng relasyon dati, at dahil wala ka pang commitment sa iba, binibigyan ako n’on ng karapatan sa iyo ngayon.”
Kumunot ang noo niya. “Ano naman ang logic ng sinasabi mong 'yan? Wala tayong relasyon. Period.”
“But sooner or later, magkakaroon tayo. I’m sure of that.” Tumayo ito at lumipat sa sofa na kinauupuan niya. Napaurong tuloy siya palayo rito. “Kung sana lang ititigil mo na ang pagpapakipot mo.”
“Hah!” Napatayo siya. “Talaga lang, ha? Ang lakas din naman ng loob mong sabihin 'yan.”
Hinatak nito ang kamay niya kaya napaupo uli siya. Kahit naiinis siya rito, parang kinoryente pa rin siya nang lumapat ang palad nito sa balat niya. Lagi na lang puno ng tensiyon ang bawat paghaharap nila ng lalaking ito.
“Nakakatatlong pagyayaya na ako sa iyo pero lahat na lang tinanggihan mo,” sabi nito.
“'Yon na nga, eh. Naka-three strikes ka na kaya dapat out ka na. Pero heto ka ngayon at kinukulit-kulit mo pa rin ako.”
“Talagang hindi ako titigil sa pangungulit sa iyo hangga’t hindi mo sinasabi sa akin ang dahilan ng pagpapakipot mo.”
Tiningnan niya ito nang masama. “Hindi sabi ako nagpapakipot!”
“Pero gusto mo rin ako. Kunwari lang na umaayaw ka. Hindi ba pagpapakipot ang tawag doon?” Gumuhit na naman sa mga labi nito ang ngiti nito na nagsasabing malaki ang tiwala nito sa sarili at parang nang-aakit.
Halos magdikit ang mga kilay niya nang sagutin ito. “Sa palagay mo, sinong matinong babae ang mapapasagot mo kung ganyan ang paraan mo ng panliligaw?”
Ngumisi ito. “Baka masorpresa ka lang kapag nalaman mo.”
Inirapan niya ito. Nagitla siya nang maramdaman niyang hinawakan nito ang baba niya para muling magkaharap sila.
“Besides, hindi pa ako nagsisimulang manligaw sa iyo, Mariz. At least, hindi pa uli. Nakikipagkaibigan pa lang ako.”
Hindi na niya nasagot ito dahil pumasok sa sala ang mama niya. “Mariz,” sabi nito, “nakahain na ako. Stanley, dito ka na kakain, ha? Nagluto ako ng Peking duck na paborito mo.”
Nagtaka si Mariz. Nagluluto lang ng ganoon ang mama niya kapag espesyal ang okasyon.
“Thank you po, Tita Marisol. Pero hindi yata gusto ni Mariz na dito ako mag-dinner.”
Pinandilatan niya ito.
“Mariz, ano ba’ng sinasabi ni Stanley?”
“Eh, kasi, 'Ma, hindi naman po tayo handa sa bisita ngayon at—”
Ang mama naman niya ang kumunot ang noo. “Alam kong dito magdi-dinner si Stanley. Kaya nga nagluto ako. Ano ka ba namang bata ka? Nasaan ang manners mo?”
Nagkibit-balikat siya. “Dito ka na mag-dinner,” napipilitan lang na sabi niya kay Stanley.
Isang pinaghalong pilyo at cute na ngiti ang ibinigay nito sa kanya bago ito tumayo sa upuan. “And I’m so honored.”
ISANG pupungas-pungas na Kitch ang nagbukas ng pinto kay Mariz. Niluwangan nito ang pagkakabukas niyon para makapasok siya, isinara iyon pagkatapos at pahinamad na humilata sa sofa bago pa siya makaupo.
“Alas-kuwatro na, ganyan pa rin ang ayos mo. Talo mo pa ang isang linggong puyat niyan, ah,” puna niya rito bago ito tabihan sa sofa.
“Isang linggo na talaga akong puyat. 'Daming may sakit sa amin kaya napilitan akong mag-OT.” Pitong buwan na mula nang mapasok itong call center agent sa isang call center sa Ortigas. “Bakit nga pala napasugod ka rito?”
“Gusto ko lang magpasamang bumili ng shirt at pantalon para kay Papa. May kasamahan siyang nagbakasyon dito at pabalik na sa Italy next week. Magpapadala kami sa kanya.”
“Girl, wala ako sa kondisyong lumabas ngayon. Isa pa, mayamaya lang ay papasok na naman ako. Wala talaga akong time para lumaboy ngayon. Pero may kilala akong isang tao na laging may time para samahan ka. In fact, baka magtatalon pa 'yon sa tuwa kapag niyaya mo siya.”
Napasimangot si Mariz. “Sino? Si Stanley na naman?”
“Ano naman ang masama kung si Stanley nga? Alam mo, girl, tigilan mo na ang pag-iwas-iwas mo do’n sa tao. OA ka na. Mabuti sana kung hindi mo rin siya crush.”
“Hindi ko na siya crush.”
Nanlalaki ang mga matang tumayo ito at pinamaywangan siya. “Bakit, love mo na?”
“Tse!” pairap na sabi niya rito.
“Hay, denial queen talaga ang isang 'to. Lumayas ka na nga para makapag-ready na ako. Ma-traffic sa Ortigas 'pag hapon.”
Nagpaalam na nga siya rito, ngunit bago siya makalabas ng pinto ay tinawag siya nito. “Bakit?”
“Naalala ko nga pala, may sale ngayon ng men’s wear sa Onésimus sa Trinoma. Doon ka na lang tumuloy para hindi ka na maghanap pa kung saan.”
“Okay, sige. Thanks.”
NATUKLASAN ni Mariz na ipinagkanulo siya ni Kitch nang pagdating niya sa sinabi nitong men’s boutique sa Trinoma ay makita niya roon si Stanley na nakatayo at tila sadyang hinihintay siya.
“Anong bribe ang ibinigay mo kay Kitch para sabihin niya sa iyo na papunta ako rito?” naiinis na sita niya kay Stanley. Iniwas niya ang tingin sa mukha nito dahil naramdaman na naman niya ang pagbilis ng pintig ng puso niya nang makita ito.
Kung minsan, naiisip niyang tama nga yata si Kitch. Ka-OA-an na ang inis at pag-iwas niya kay Stanley. Pero para sa kanya, may mahalagang dahilan kaya inaayawan niya ito.
“Napanood mo na ba 'yong DVD na ibinigay ko sa 'yo?” tanong nito sa halip na sagutin siya. Noong huling magtungo ito sa kanilang bahay ay may dala itong isang basket ng mga prutas at isang bala ng DVD na may nakasulat sa label na, “For Mariz.”
“Hindi pa,” sagot niya. Wala siyang balak na panoorin iyon kahit naku-curious siya kung ano ang laman niyon.
“Panoorin mo kasi para ma-in love ka na sa akin,” nakangisi nang sabi ni Stanley.
“Saka na lang kapag pareho kaming hindi busy ni Mama. Para sabay naming mapanood kung ano man ang laman n’on.”
Nanlaki ang mga mata ni Stanley sa pagkaalarma. “Naku, huwag mo nang isama ang mama mo sa panonood. For your eyes only ang DVD na 'yon.”
She huffed. “Sinasabi ko na nga ba, siguradong may bastos sa DVD na 'yon.” Pumalatak siya. “Makauwi na nga lang. Nawalan na ako ng ganang mamili.”
Naglaho ang ngiti ni Stanley. “Look, Mariz. Hindi ba puwedeng maghanap na lang tayo ng babagay na T-shirt para sa papa mo at huwag na nating pag-usapan ang tungkol diyan?”
“Ano ngang bribe ang ibinigay mo kay Kitch? Gusto kong malaman,” sabi niyang nakatayo lang sa harap nito.
“Wala, okay? Humingi lang ako ng tulong sa kanya. Kasi naman, lagi mo na lang akong tinatanggihan tuwing niyayaya kitang lumabas.”
Humalukipkip siya. “Ganyan ka ba talaga? Kahit ayaw ng isang tao sa iyo, ipinipilit mo pa ring isiksik ang sarili mo?”
Humalukipkip din ito at hinarap siya. “Usually, hindi. Sumisiksik lang ako kung alam kong nagkukunwari lang na ayaw ako ng isang tao. Klaro?” sabi nitong pinagalaw-galaw pa ang noo.
Asar na asar na napapihit siya papasok sa loob ng men’s boutique. “Haay!” Basta na lang siya kumuha sa rack ng shirt at pantalon na ayon sa sukat ng papa niya at nagtuloy na siya sa counter.
“O, o, teka,” pigil sa kanya ni Stanley. “Gano’n na 'yon? Hindi ka muna pumili ng design at kulay?”
“Okay na 'yan para matapos na at makaalis na ako rito.”
Ipinamulsa nito ang mga kamay at lumapit nang husto sa kanya. Halos pabulong ito nang magsalita. “Kung magkukunwari ba ako ngayon na hindi kita gusto, na narito lang ako para ibigay ang opinyon ko kung anong kulay at klase ng damit ang magugustuhan ng isang lalaking tulad ng papa mo, ibababa mo ba muna kahit kaunti ang pride mo?”
“Pride ko?”
“Oo. 'Di ba, pride lang naman ang dahilan kaya naiinis ka sa akin? Gusto mong isipin ko na hindi mo ako gusto. Na ako lang ang nagpapakabaliw sa iyo. If that’s what you want, fine. I can act that way.”
Nanggigigil na isinalaksak niya sa dibdib nito ang mga damit na hawak niya. “Napakaimposible mo talaga!”
“I know,” pag-amin nitong parang maamong kordero. Tinalikuran na siya nito at ibinalik sa rack ang mga damit. Nang mga sumunod na sandali ay tahimik lang itong pumili ng damit sa mga rack. Kapag may nagugustuhan ito ay inilaladlad nito ang damit bago ipakita sa kanya para hingin ang approval niya.
Hindi niya alam kung hanggang kailan tatagal ang pagiging maamo at masunurin nito. Tahimik pa rin ito hanggang sa makapagbayad na sila sa counter. Nakaagapay pa rin ito sa kanya paglabas nila ng mall. Kapag napapadikit ang braso nito sa braso niya ay lumalayo agad siya.
Nasa ground floor na sila nang magsalita uli ito. “Don’t you think it’s about time to talk about us?”
“About us?”
“Oo. 'Yong present status nating dalawa. Kung ano nang relasyon mayro’n tayo. Alam mo namang kung ako lang ang masusunod, gusto ko nang maipagmalaki sa lahat na tayo na. Of course, kailangang pumayag ka muna.”
“I’m sorry, Stanley. Pero sa palagay ko, hindi na kailangang pag-usapan pa. I think we’re better off being friends.”
Ngumiti ito, ngiting misteryoso. Kung nadismaya man ito o nalungkot ay hindi niya mabasa sa ekspresyon nito. “Right. Friends. I’d like us to be friends, too. I guess it’s about time I courted someone else.”
Hindi niya inaasahang aayon agad ito sa sinabi niya nang ganoon kabilis. At lalong hindi niya inaasahang makakaramdam siya ng panghihinayang.
“Siguro naman, puwede mo akong tulungang humanap ng babaeng puwede kong ligawan?”
“Ha? Ahm, alam kong hindi mo na kakailanganin ang tulong ko pagdating sa panliligaw ng babae. Baka nga hindi mo na kailangang manligaw. D-um-isplay ka lang, ikaw na ang liligawan ng mga babae.”
“Mahirap yatang paniwalaan 'yang sinasabi mo. Matagal na akong dumi-display sa iyo pero hindi ako makapasa sa iyo.”
Baliw nga siguro siya. Ayaw niyang ligawan siya ni Stanley sa paraang gusto nito, pero ayaw rin niyang manligaw ito sa iba.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro