9. On The Brink
NASA ICU na ang biyenan ni Elle nang makarating sila ni James sa ospital. Nag-cardiac arrest ito. Nanlumo siya nang makita ang maputlang mukha nito habang naka-hook up sa cardiac monitor. Nanginig ang kanyang katawan at parang hindi siya makahinga sa bigat ng pakiramdam. Kahit hindi siya ang tumanggi kundi ang kanyang ama, damang-dama niya ang guilt nang mga oras na iyon. Tahimik niyang sinisisi ito sa kanyang isip.
Nadagdagan pa ang bigat ng guilt ni Elle. Dahil pagkatapos nilang lumabas ni James sa ICU ay parang hinang-hina na sumalampak ito ng upo sa dingding sa harap ng ICU, tahimik na lumuluha. Kung puwede lang na akuin niya ang ibang bigat na dinadala nito ng mga sandaling iyon, ginawa na niya sana.
Nilapitan niya ang asawa at hinawakan ito sa balikat. "James, I'm sorry..."
Ipinalag nito ang balikat kaya agad na tinanggal niya ang kamay roon.
She flinced. Hindi na niya kailangang tanungin ito. Ramdam niya na sinisisi nito ang dad niya sa nangyari sa kanyang biyenan. At dahil anak siya ng ama, damay na rin siya sa galit ni James. Nang mga oras na iyon, napakaliit ng pakiramdam niya sa sarili.
"KUMAIN ka muna. Sabi ni Kuya Jaron maghapon nang walang laman ang tiyan mo," sabi ni Elle kay James nang dumating ito nang gabing iyon. Lumala ang kalagayan ni Papa Rosano at inilipat nila sa Makati Medical Center. Pagdating naman doon ay na-comatose ito. Isang linggo nang walang kasiguruhan kung magigising pa ito o hindi na.
Hindi umimik si James. Hindi rin nito ginalaw ang pagkaing inihain niya.
Mula nang ma-comatose ang ama nito ay hindi na siya inimikan ng asawa. Nasasaktan siya na idinamay na rin siya nito sa kasalanan ng kanyang ama. Hirap na hirap na ang kalooban niya sa nangyayari.
"Talaga bang idadagan mo na sa akin lahat ng galit mo sa dad ko?" kompronta niya kay James nang hindi na siya makatiis.
"I have no time for this," madilim ang mukhang sabi ni James. Humakbang na ito para siya iwan pero sumunod pa rin siya.
"P'wes, kailangang harapin mo 'tong problema! Hindi puwedeng ganito na lang lagi. Sabihin mo sa akin kung ano ang gusto mo. Kung ano ang ayaw mo. Hindi ganito na para lang akong tau-tauhan dito. Kausapin mo ako! Sabihin mo sa 'kin kung galit ka!"
"Oo, galit ako! Galit ako dahil sinisisi ko ang sarili ko sa nangyari kay Papa! Galit ako dahil kung hindi dahil sa akin, sa mga nangyari sa akin, hindi sana siya napahamak! Hindi sana siya nabingit sa kamatayan. At wala sana siya sa kalagayan ngayon na walang assurance kung magigising pa siya o hindi na!"
Napaiyak siya. Kahit sa panaginip, hindi niya naisip na hahantong sila ni James sa ganito. Nagsisigawan. Nagsasakitan ng kalooban. "A-at galit ka sa dad ko dahil ayaw niyang ibigay sa papa mo ng nag-iisang wish niya na makita at makausap ang Mel na 'yon," mas mababa na ang tono na dugtong niya. "Galit ka sa kanya kaya galit ka na din sa 'kin. Kaya ayaw mo 'kong kausapin."
"This talk will get us to nowhere," tiim-bagang na sagot ni James bago siya talikuran.
Hindi na kailangan pa ni Elle ang kompirmasyon ni James. Hindi man nito sinabi, mas malakas pa kaysa sa salita ang pananahimik nito. Mas lalo siyang nasaktan nang hindi matulog sa kanilang silid si James. Sa guest room ito nagpalipas ng magdamag.
Halos magdamag siyang walang tulog dahil sa pag-iisip. Hindi na siya tatagal pa nang ganito. Kinaumagahan, pagkapaligo ay nagbihis siya at hinanap ang asawa. Kailangan na nilang mag-usap kung dapat pa ba silang magsama o baka mas gusto nitong maghiwalay muna sila.
Ayon sa isang maid ay kalalabas lang daw ng pinto ni James. Kaya sinundan niya agad sa front door. Laking gulat niya nang pagbukas ng pinto ay makitang nasa tabi ito ng isang kotseng hindi niya kilala, may kayakap na umiiyak na babae.
"I'm sorry for Papa Rosano. I'm sorry that I've left you, hon... Pero nandito na ako ngayon. Aalagaan natin siya."
Hon? Umakyat yatang lahat ng dugo sa kanyang ulo nang makilala ang ex ng kanyang asawa. "Anong nangyayari dito?!"
Biglang nagkalas ang dalawa. Gulat na gulat ang babae. Pero si James ay umaastang parang walang nangyari.
"W-who is she?"
Hindi sinagot ni James ang tanong ng babae. Hindi rin siya nito pinansin. "Get in the car," sabi nito kay Chastity.
"Ihahatid na kita."
Daig pa ni Elle ang sinampal sa inaktong iyon ng kanyang asawa.
Nang araw ding iyon ay inempake niya ang lahat ng kanyang gamit sa mansiyon ng mga Yulo. Wala nang dahilan para manatili siya roon. Buo na ang loob niya na hiwalayan ang kanyang asawa.
.....................
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro