8. Affected
“You’re amazing…” anas ni James habang pinaglalaro ang mga daliri sa mahabang buhok ni Elle. “I should have met you years ago… Nakilala na sana kita noong bago ka makilala ng ex mo na nagpaiyak sa iyo. You don’t deserve a jerk like him.”
“Kailangan ko din siyang makilala para ma-realize ko na ikaw ang God’s best ko.”
“But you really loved him, don’t you?”
“Yes. Loved. Past tense.” Dinampian niya ng halik ang collar bone nito. “Kung hindi ka ba iniwan ng ex-girlfriend mo, magpo-propose ka ba dapat ng kasal sa kanya?” Ayon dito, kagaya lang ng cliché love story sad ending ang kuwento ng relationship nito kay Chastity. Hindi raw nito nabigyan ng sapat na panahon at pansin si Chastity. Kaya nakipag-break daw rito ang babae at naghanap ng ibang lalaki.
“Maybe. Maybe after Papa’s operation. Maybe not. No’ng mga panahong ‘yon hindi ko pa naiisip ang tungkol sa kasal. We’re just hanging around. Masarap din namang magkaroon ng girlfriend na nakakasabay ko sa dinner, travel buddy at kakulitan.”
“You missed her?”
“Noong bago pa lang ang breakup namin, oo. Pero ngayon, wala na siya sa sistema ko. Honest. Ikaw na lang ang nami-miss ko palagi. And now, this…” He leaned closer and brushed her lips with his.
Naniniwala siya rito. Marami na itong nagawa at naiparamdam para paniwalaan niya. As far as James is concerned, hindi niya kailangan na laging marinig na mahal siya nito. She believed he loves her.
“NASABI na ba sa iyo ni James ang tungkol kay Mel?”
Napatingin si Elle sa biyenan. Hindi niya inaasahan na iyon ang bubuksan nitong topic. Umaga, araw ng Linggo noon. Nasa garden gazebo sila para magpaaraw. Dalawang linggo na silang nakakabalik ng asawa niya mula sa honeymoon. So far ay wala siyang gaanong adjustment na ginawa liban lang sa hindi na siya nag-iisa sa kuwarto gaya noong nasa apartment pa siya ni Xy.
May naikuwento nga sa kanya si James noong nasa Dakkak pa sila. Kaya raw nilayasan ang mga ito ng biyenan niyang babae ay hindi na masikmurang makisama sa biyenan niyang lalaki na sa napakatagal na panahon ay ibang babae ang mahal—ang Mel nga na iyon. “Opo. Napakasuwerte niya para mahalin ninyo sa napakadaming mga taon.”
“Hindi ko alam kung hanggang kailan na lang ang natitirang panahon sa buhay ko, Elle. Pero sana, makita ko pa siya kahit sa huling pagkakataon.”
“Alam n’yo po ba kung nasaan na siya ngayon?”
“Hindi. Mahigit isang taon na mula nang huli kaming magkita. Aksidente lang. Iniwasan niya ako pero nahabol ko siya. Alam kong may pamilya siya kaya siya umiiwas sa akin. Wala naman akong masamang balak. Gusto ko lang talaga siyang makita at makausap.”
Hanga siya rito sa lalim kung magmahal. Naisip niya tuloy, kung hindi kaya pinakialaman ng mga magulang ng biyenan niya noon ang lovelife nito, nagkatuluyan kaya ito at ang Mel na iyon?
“And then I saw your father at the wedding… Kilala niya si Mel. Alam niya kung saan makikita. Bigla akong nagkapag-asa na makita pa ulit si Mel.”
Naalala na niya. Nabanggit na nga pala ng biyenan niya na kilala nito ang kanyang ama. “Paano n’yo po nakilala ang dad ko?”
“Mel chose him over me.”
Nawindang si Elle. Ka-love triangle ng ama niya si Rosano Yulo?
Parang napakaimposible. Ang dad at ang mom niya ang nagligawan. Kaya nga nagpakasal ang mga ito at siya ang naging bunga.
Laman pa rin ng isip niya ang tungkol sa pinag-usapan nila ng biyenan pagdating ng gabi.
“What is it?” usisa tuloy ni James sa kanya habang tinuturuan siya nitong mag-piano. Magkatabi sila nito sa piano stool gaya ng mga nakaraang gabi kapag tinuturuan siya nito. Wala naman siyang gaanong matutuhan. Lagi lang silang nagkukulitan. Pero gustong-gusto niya kapag hawak ni James ang mga kamay niya at siyang ipinandudutdot sa piano keys.
Hindi niya pinansin ang pag-uusisa ng asawa. Hanggang sa oras ng hapunan ay napapansin niya na panay ang tingin nito sa kanya. Iyon ang isa sa katangiang gusto niya rito. Sensitive ito sa mga nararamdaman niya.
Pagkahapunan, gaya ng nakagawian ay nagkape sila sa breakfast table na nakaharap sa garden. Kaunting ilaw lang ang nakasindi sa garden kaya kitang-kita ang halos bilog nang buwan at ang makapal na bituin. Tinanong na naman siya ni James. “Tell me, heart. What is it?”
“What?” Napaka-romantic ng setting nila. Isa iyon sa mga pagkakataong gustung-gusto niya. Ayaw sana niyang masira iyon ng iniisip niya.
Inakbayan siya nito at hinapit. “Kanina ko pa napapansin na parang ang lalim ng iniisip mo. May problema ba dito sa bahay? Hindi mo ba makasundo si Papa? Come on, tell me.”
Itinapik niya ang kamay sa hita nito. “Mabait si Papa sa akin. At kasundo ko lahat ng mga tao dito.”
“Pero may pinoproblema ka pa din. Heart, puwede mong sabihin sa akin lahat. Mag-asawa tayo. You don’t need to hide things from me. Alam mong nandito ako para intindihin ka at suportahan. I want you to be happy.” Ginagap nito ang kamay niyang nakapatong sa hita nito at pinisil.
“Natatandaan mo ba ‘yong kinuwento mo sa akin tungkol doon sa first love ng papa mo na si Mel?”
“What about her?”
“Sabi ni Papa, kilala daw ito ni Dad. At…”
“At…?”
Tumingala siya sa asawa. “Sabi niya magkaribal daw sila ni Dad sa Mel na ‘yon. Pinili daw ni Mel si Dad over him.”
“Really? Kaya pala napansin ko din si Papa no’ng kasal natin na tingin nang tingin kay Dad. Small world, di ba?”
“Okay lang sa iyo na magkaagaw ang papa mo at ang dad ko sa Mel na ‘yon?”
Itinaas nito ang palad niyang hawak nito, hinalikan ang likod niyon. Naramdaman niya agad ang mala-kuryenteng init na tumulay sa braso niya at mabilis na kumalat sa buo niyang katawan. Hindi na yata magbabago ang effect ng bawat hawak o halik nito sa kanya. Kahit malagkit na titig lang nito ay turn on na sa kanya. “Heart, affairs iyon ng matatanda. Besides, obviously wala na si Mel at si Dad. Dahil kayo na ni Mom ang nasa picture at hindi ang Mel na iyon. Kaya huwag mo nang isipin ang tungkol doon. Ako na lang ang isipin mo at ang…” Bumulong ito sa tainga niya na para bang may makakarinig sa kanila kahit sila lang ang tao roon.
Natawa na siya sa green joke nito. Kinurot niya ito sa tagiliran.
NANG sumunod na weekend ay gumayak sina Elle at James para dalawin ang kanyang mga magulang sa Solano. Natuwa ang mga magulang niya na makita sila. At ang asawa niya ay at home na at home doon na para bang dati na itong tagaroon.
“Bakit hindi ngayon magpakita sa iyo ang Lloyd na ‘yan?” pagalit na pagbibiro nito kunwari. “Ibabalandra ko sa pagmumukha niya ang wedding ring natin.”
“So, hindi ka naman nagseselos niyan ng very, very light?”
Binusalan nito ng halik ang pang-aasar niya.
“James…?” sabi ni Elle nang magkalas sila at nanatili siya sa maluwang na yakap nito.
“Hmm?”
“Baka puwede nating i-postpone muna ang church wedding hanggang sa isang taon. O gawin na lang sa first wedding anniversary natin. By that time siguro mas malakas na si Papa.”
“Bakit ba lagi mong gusto na ma-pospone ang church wedding natin? Ayaw mo lang bang malaman ni Lloyd na ikinasal ka na? Are you regretting marrying me in the first place?”
“Of course not!” Napakalas siya rito. “Kasal na tayo. Hindi mo naman ako tinutukan nang pirmahan ko ang marriage contract natin. Wala kang dahilan para ma-insecure kay Lloyd. Ni hindi nga naging kami.”
Hindi ito umimik pero hindi rin ngumingiti.
Siya na ang kusang yumapos sa braso nito. “Galit ka ba? Nagtatampo ka?”
“Kasi naman alam ko na minahal mo talaga ang Lloyd na ‘yon. Eh ako? Pinakasalan mo lang ako, di ba? You don’t even love me.”
Hindi siya makapaniwala na sa hitsura nito—guwapo, matalino, accomplished, most sought-after bachelor, mai-insecure pa sa kagaya ni Lloyd. “James, matagal ko nang nakalimutan ang feelings ko kay Lloyd, okay? Kami pa lang ni Radley noon, nakalimutan ko na siya. Kasi kung hindi, hindi mo din ako mapapapayag na magpakasal sa iyo.”
“But you don’t love me.”
“Bakit, ano ba ang sukatan mo ng pagmamahal? Ikaw, mahal mo nga ba talaga ako o gusto mo lang ako?” Masama ang loob na tatalikuran na niya ito pero nahawakan nito ang kamay niya. Niyapos siya nito mula sa likuran.
“Mahal na nga ba kita? Ang alam ko lang dati nagagandahan ako sa iyo. Gusto kong makita na gumingiti ka. Gusto kong makita kung paano ka magulat kapag may sinasabi ako tungkol sa pagkagusto ko sa iyo. Gusto kong tulungan ka, gawan ka ng kahit na anong pabor na puwede kong gawin para sa iyo kahit na mahirapan pa ako. Masaya ako na bigyan ka ng kahit na anong bagay na alam kong magugustuhan mo at magpapasaya sa iyo.
“Kailangan din kita… Kailangan kita kasi hindi na kumpleto ang araw ko kapag hindi kita naririnig o nakikita. Ramdam ko na may kulang na kapag wala ka. At kahit anong ginagawa ko, kahit nasaan ako, naiisip kita lagi. Gusto ko ‘yong pakiramdam na katabi kita. Kuntento ang pakiramdam ko kapag gumigising ako sa umaga na katabi pa rin kita. At hindi ko alam kung paano ko makakaya kapag dumating ang oras na nawala ka sa akin. Tell me, heart, aren’t those things enough to define love? Hindi ba sapat ang mga ‘yon para masabi na mahal nga kita?”
Pumihit siya hanggang sa magkaharap sila. Tinitigan lang niya ito sa mga mata. At para sa kanya, sapat na ang sinseridad na nakita niya sa kailaliman niyon. Siya na ang kusang naglapat ng mga labi niya sa bibig nito.
He kissed her tenderly, passionately. He kissed her until she was convinced that they truly love each other. Oo at napakabilis niyang natutuhan na mahalin ito. Pero sino ba ang puwedeng magsabi na hindi pagmamahal ang nararamdaman nila sa isa’t isa?
Magtatagal pa sana ang sweet moments nila ni James kung hindi lang napasukan sila ng mom niya. Napilitan tuloy siyang yayain na lang sa loob ng kuwarto si James.
Kulitan lang sila nang kulitan doon ng kanyang asawa. Pero nang makahanap siya ng tiyempo ay kinausap niya nang sarilinan ang dad niya. Sinabi niya rito ang mga ipinagtapat ng kanyang biyenan.
“Matagal nang nangyari ‘yon. Bago ko pa nakilala ang mommy mo.”
“Bakit po kayo naghiwalay ni Mel?”
“Nagkaroon lang kami ng misunderstanding. Bata pa kami noon. Immature mag-isip. Kaya hindi din kami nagtagal.”
“Sabi ni Papa Rosano, alam n’yo kung saan makikita si Mel.”
“Nananahimik na ‘yong tao. Tantanan na niya.”
“Dad, hanggang ngayon mahal pa rin siya ni Papa Rosano.”
“Mel didn’t love him. At settled na ‘yong tao. Kaya dapat manahimik na lang siya.”
“Ang sabi sa akin ni Papa Rosano gusto lang niyang makita at makausap si Mel bago siya mamatay. Dad, may colon cancer si Papa. Kaya gano’n siya kahina. Naaawa ako sa kanya. ‘Yon lang ang death wish niya. Hindi n’yo po ba tutulungan?”
“Gulo lang ang dadalhin ng Rosano na iyan sa buhay ni Mel.”
“Dad, please? Tulungan natin si Papa. Kahit para sa ‘kin na lang po. Parang ama ko na din siya. Kaya po gusto ko siyang tulungan. Wala naman po sigurong masama kung dadalaw si Mel sa isang tao na dating kakilala at maysakit pa. Hindi n’yo kailangan na magpakita kay Mel. Baka po puwedeng ibigay na lang n’yo sa amin ni James ang address. Kami na ang kakausap sa kanya.”
Kahit anong pamimilit ang gawin ni Elle sa ama, hanggang sa bago sila bumalik sa Manila, ay hindi nito ibinigay ang direksiyon kung saan matatagpuan si Mel.
Ilang araw pagkatapos, nagulat na lang silang mag-asawa nang pag-uwi nila sa bahay mula sa opisina ay wala na ang biyenan niya roon. Ayon sa mayordoma ay nagpilit daw ito sa driver na magpahatid sa bahay ng mga magulang niya sa Solano.
Alalang-alala sila ni James. Tumawag agad si Elle sa bahay ng mga magulang. Wala pa raw doon ang biyenan niya ayon sa mom niya. Kaya nagpasya silang mag-asawa na sundan si Papa Rosano sa Nueva Viscaya.
Nasa NLEX pa lang sila nang tumawag ang driver. Itinuloy daw nito ang biyenan niya sa ospital sa San Jose. Inatake ang matanda.
....................
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro