Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

6. 'Bye, Unrequited Love


ISANG masuyong yakap ang ibinungad ni James kay Elle nang sunduin siya nito sa apartment kinabukasan ng umaga. Mag-aalas sais pa lang noon. Kaya imbes na magrereklamo sa napakaaga nilang lakad ay nahawa na lang siya sa ngiti nito. Isa pa, masarap itong yumakap, mahigpit pero maingat—ang unang yakap nito na conscious siya. At napaka- fresh ng amoy ng shower gel o cologne o kung ano man na ginamit nito sa katawan. Napakasarap langhapin pati ng minty fresh breath nito.

“I brought some breakfast,” sabi nito, “’cause we have to have an early start. Medyo malayo ang pupuntahan natin ngayon.”

Hindi na siya nakapagpaalam kay Xy. Tulog pa ito nang umalis sila ni James sa apartment. “Saan ba talaga tayo pupunta?” Nasa isip ni Elle na ilang araw na siyang hindi nito pinapapasok sa office. At ito man ay laging wala sa opisina. Sa kanilang dalawa, ito ang mas maraming preparasyong ginagawa para sa kanilang civil wedding.

“I want to surprise you. So, mamaya ko na lang sasabihin pag malapit na tayo.” Ikinabit nito ang seatbelt niya. Bago ito lumayo ay hinalikan pa ang sentido niya.

Muntik na siyang napasinghap. Kung noon dinadaan lang siya nito sa malalagkit na tingin at mga makalaglag panty na ngiti, ngayon, mula nang pumayag siya sa marriage proposal ni James ay may ‘touches’ nang ginagawa ito. Haplos sa ulo niya, marahang yakap, hawak sa siko, hawak sa kamay, at ang pinaka-intimate—halik sa noo. Alam kaya ng lalaking ito ang epekto sa kanya ng discreet na paglalambing nito? May idea kaya ito na parang laging may crater sa sikmura niya kapag lumalapit ito? Na parang laging lalabas sa dibdib ang puso niya? At pirming may tensiyon sa katawan niya kapag nagkakalapit sila o tinititigan siya nito? 

Ilang hiblang pagtitimpi na lang ang nakadikit sa katatagan niya at bibigay na siya sa mga paglalambing ni James.

Kung magiging ganito pa rin ito kapag kasal na sila, hindi siya mahihirapan o mahihiyang tumugon.  It gave her something to look forward to. Tama nga siguro si Meril, magagawa niyang paibigin si James. Napangiti siya sa naisip. Medyo kinilig. Parang ngayon pa lang nagsi-sink in sa kanya na isang most-sought after bachelor ang pakakasalan niya—romantic, may sense of humor, guwapo, matangkad, matalino, mayaman at higit sa lahat—mabango.

Kaya lang, sa buong idea ng pagpapakasal nila ni James, may isang bagay na hindi matanggal sa isip niya. Parang kutob. Like a premonition that there is a catch somewhere.

NLEX ang dinaanan nila ni James. May dalawang oras na silang tumatakbo nang ihinto nito ang sasakyan sa isang gasoline station na may convenience store at comfort room. Pinag-rest room muna siya nito bago sila nag-almusal. Clubhouse sandwiches ang dala nitong almusal at isang thermo jar na puno ng kape. May dala pa itong mga hinog na lacatan at dark chocolates.

“Tell me honestly,” seryosong sabi ni James pagkatapos nilang mag-almusal. “Na-pressure ba kita sa proposal ko? Last time kasi ramdam ko galit ka.”

“Feeling ko lang na nag-aaksaya tayo ng panahon at pagod para magdalawa pa ng kasal. Puwede naman tayong maghintay ng three months para isang kasalan na lang.”

“Pero kasi nasabi ko na kay Papa. Na-excite nga siya, sobra. Kung iuurong pa natin ang kasal, sigurado madi-disappoint siya. Gusto ko lang sana na maintindihan mo, heart. As much as possible kasi ayoko siyang biguin sa kahit anong bagay. Most part of his life naging malungkot si Papa. Kaya itong pag-aasawa ko, gusto ko matuwa siya. Gusto ko maging masaya siya hanggang… hanggang sa huli.”

Hindi maunawaan ni Elle kung bakit naiiyak siya sa sinabi ni James. Siguro dahil damang-dama niya ang labis na pagmamahal nito sa amang may sakit. Siguro din dahil ngayon lang niya nalaman kung gaano kalaki ang paggalang at pagpapahalaga ni James sa magulang na nagpalaki rito.

“So, now, I have to tell you… we’ll be living with my father as soon as we got married. Siguro gusto mong bumukod tayo ng titirhan pag nakasal tayo. Sana maintindihan mo, hindi pa natin magagawa ‘yon. Hindi ko pa puwedeng iwan si Papa sa ngayon.”

“Naiintindihan ko. Huwag kang mag-alala, dalawa tayong mag-aalaga sa kanya.”

Nagliwanag ang muha ni James at hinawakan ang mga kamay niya. “Thank you, heart. Salamat naiintindihan mo ang sitwasyon ko. Promise, gagawin ko ang lahat para mapasaya ka… at para maging maganda ang pagsasama natin.”

Kahit kaunti, hindi siya nagduda na hindi tutuparin ni James ang pangako.

Nang halikan nito ang mga kamay niya, ramdam ni Elle, na tuluyan na siyang nahulog kay James. Nabingwit na nito ang puso niya, hook line and sinker.

Sandaling naidlip siya nang muli silang bumalik ni James sa kalsada. Nang magising siya ay nasa isang pamilyar na daan na sila. “Sa Nueve Viscaya ba tayo pupunta?” tanong niya kay James.

“Yep, that’s my surprise for you.” Ngumiti pa ito.

“As in sa Solano? Sa amin sa Solano?”

“Yep. As in to your house. As in to your parents.”

Napangiwi si Elle.

“Why?”

“Hindi pa kasi ako nagkakalakas ng loob na sabihin sa kanilang ikakasal na tayo.”

Umabot ang isang kamay nito at pinisil ang palad niya. “Don’t worry, heart. All you have to do is back me up when I tell them.”

Sana lang mahawa siya sa confidence nito.

Pagtapat nina Elle sa kanilang bahay ay may nakita silang kotse sa unahan. Bumukas ang pinto niyon at lumitaw ang kapatid ni James na si Jaron.

Nasorpresa na naman si Elle. Hindi niya inaasahan na papupuntahin ito roon ni James.

“Ang tagal n’yo,” hindi ngumingiting bungad nito.

Ngumisi lang dito si James. “Meet my fiancée, Kuya.”
Ngumiti na si Jaron nang tingnan siya. “Hindi ko alam kung anong nakita mo sa isang ‘to, Elle. But I must admit I’m envious. Call me kuya. But if you happen to change your mind, I’m willing to trade places with him at the altar.”

Natawa siya nang sikuhin ito ni James. Kahit noon ay magaan ang loob niya kay Jaron. Nakipagkamay siya rito. “Thank you, Kuya.”

LAKING gulat ni Elle nang madatnan sa kanila na kausap ng dad niya ang kababata niyang si Lloyd. Malaki ang ipinagbago ng pisikal na anyo nito. Gumanda ang muscle tone at nagbigay ng karakter sa mukha nito ang manipis na balbas. Guwapo na noon si Lloyd. Pero ngayon ay umaapaw ang sex appeal nito.

Gaya niya ay nasorpresa rin ito nang makita siya. Bigla itong lumapit at niyakap siya nang mahigpit. “Elle! Kumusta ka na? Na-miss kita. Sobra.”

“L-Loyd,” natutulalang sabi niya sabay kalas sa yakap nito. Biglang nanumbalik lahat sa kanya ang nakaraan—ang friendship nila, ang unrequited love niya rito, ang tagal ng paghihintay niya na mahalin nito, ang araw na ipinakilala nito sa kanya si Arlene bilang girlfriend nito. Higit sa lahat, naalala niya na dahil dito ay isinara niya ang pinto ng pag-asa na makakita pa ng isang matapat na magmamahal.

“I’m James,” maagap na salo ng katabi niya sabay abot ng kamay kay Lloyd, “Elle’s fiancée.”

Nabigla si Lloyd pero nakipagkamay kay James. “Pinag-uusapan ka lang namin ni Tito Ricky. Sabi niya single ka pa din ngayon.”

Ngumiti lang siya. “Ahm, Lloyd, puwede bang saka ka na lang bumalik dito? May pag-uusapan lang kami nina Dad.”

Nag-aatubili man ay nagpaalam na nga ang kababata niya. Pero bago ito tuluyang lumayo ay kinausap pa siya, malungkot na ang mga mata. “Wala na kami ni Arlene, Elle. Matagal na. Bumalik ako dito sa Solano para sa iyo. Dahil akala ko dito ka pa nags-stay. Akala ko puwede kitang balikan.”

“Balikan?” Kung noon pa sana siya binalikan ni Lloyd baka nagtatalon na siya sa tuwa. Pero matagal na niyang nakalimutan ang feelings niya sa kababata. “Naging tayo ba?”

“Hindi ako naniniwala na hindi mo naramdaman noon na gusto din kita. Parang MU na nga ang relationship natin dati. Natakot lang ako na ligawan ka. Natakot ako na baka magalit ka sa akin at masira ang friendship natin.” 

Isa bang ‘Jhonny Come Lately’ case ang peg ni Lloyd o pinapaandaran lang siya dahil wala na ito at si Arlene? Gusto sana niyang ipamukha kay Lloyd na kung totoo ang sinasabi nito, hindi sana nito niligawan si Arlene. Ipinaglaban sana nito ang feelings sa kanya. Pero ano pa bang saysay ngayon kung malaman niya ang naging feeling nito sa kanya noon? Matagal na siyang naka-move on dito. “Makakahanap ka din ng magiging kapalit ni Arlene. I wish you all the best, Lloyd,” sabi na lang niya.

Naisip ni Elle, habang pabalik siya sa tabi ng nobyo, magaling din talagang magbiro ang pagkakataon. Kung kailan ikakasal na siya at mamamanhikan sina James sa kanila ay saka magpapakita ang first love niya magpaparamdam. Well, I’m done with guys na paasa. Kumapit siya sa braso ni James at nginitian ito nang matamis.   

Gaya ng inaasahan ni Elle, nagulat at nagtanong ang mga magulang niya nang bigla na lang silang sumulpot doon nina James at Sir Jaron at sabihin sa mga ito na ikakasal na sila. Na namamanhikan na ang mga ito. Maraming tanong ang dad niya kay James. Pirming confident naman ito sa pagsagot.

Nang diretsahang tanungin ng mom niya kung buntis na siya ay si James ang sumagot. “Hindi pa po pero gusto ko na pong mabuntis siya.” Na naging dahilan para sa interogasyon dito ng dad niya.

“May nangyari na ba sa inyo ng anak ko? Bakit bigla-bigla na lang kayong magpapakasal. Hindi kita kilala. Paano ako makakasiguro na mabuting tao ka? Hindi ka man lang nagdala ng mga magulang para sila ang mamanhikan. Ngayon lang kita nakita rito at pagkatapos basta mo na lang sasabihing magpapakasal kayo ng anak ko.”

Magalang pero firm ang mga isinagot dito ni James na nakaani ng paghanga mula sa kanya. “Galing po kaming magkapatid sa angkan ng mga Yulo sa Laguna pero sa Manila po kami nakatira. Wala naman pong problema sa akin kahit ipa-background check ninyo ako o ang pamilya namin. Mapapatunayan po noon na nanggaling kami sa mabuting angkan. Hindi na po namin kasama sa bahay ang mother ko. May sakit po ang papa ko at hindi siya puwedeng bumiyahe nang malayo. Kaya po ang kuya ko ang isinama ko dito para mamanhikan. Mabuti po ang intensiyon ko sa anak ninyo. Iginagalang ko po siya. Wala pa pong nangyayari sa amin ni Elle. Mahal na mahal ko po siya at hindi na po ako makapaghintay na makasal kami.”

Parang may narinig si Elle na matataginting na tugtog ng bells sa huling sinabi ni James. Nakiliti ang puso niya. Totoo kaya iyon o kailangan lang sabihin nito para mapaglubag ang kalooban ng dad niya?

Malaking parte ng pagkatao niya ay umaasa at naniniwala na totoo ang sinabi nito.

Mahal na siya ni James.

Nagse-celebrate sa tuwa ang puso niya. Gosh! Thank you po, Lord. After two heartbreaks, pinabawi N’yo na po ako ngayon.

Inilahad na rin ni James sa mga magulang ni Elle ang kanilang mga plano. Masayang-masaya siya. Ngayon, buong-buo na niyang niyakap ang idea na magiging mag-asawa na sila nito at magtatayo ng sariling pamilya.

“Goodnight,” sabi niya kaya James. Sa Solano sila magpapalipas ng gabi at kinabukasan na lang bibiyahe pauwi sa Manila. Si Jarod naman ay nagpunta sa isang kaibigan na taga-Villaverde at bukas na rin daw uuwi.

“Mas maa-appreciate ko ang goodnight mo kung may kasamang kiss,” nakangising sabi ni James. Sa guest room ito matutulog sa gabing iyon.

She blew him a kiss. Pero hindi na niya nagawang tumalikod nang hagipin nito ang kanyang kamay. “Ex-boyfriend mo ba ang Lloyd na ‘yon?”

“Hindi. Kababata ko lang siya.”

“Pero nanligaw sa iyo?”

“Sadly, hindi.”

Medyo nanlaki ang mga mata nito. “So, secret love mo pala siya?”

“Crush lang.” kaila niya. “Matulog ka na. Maaga pa tayo bukas.”

“Sigurado kang crush lang? Hindi first love?”

Magaling manghula ang isang ito. “Mr. Yulo, your jealousy, though sweet is misplaced.”

Tumawa ito “I’m not jealous. Mas cute naman ako kesa sa Lloyd na ‘yon.”

“Eh di hindi kung hindi.”

“Wala na ang worry lines sa mukha mo,” sabi nito habang nakatitig sa kanya. “Does that mean na tanggap mo na talaga ako?”

Nagulat si Elle sa sinabi nito. “Naparamdam ko ba sa iyo dati na hindi?”

“Hanggang ngayon kasi, hindi mo pa ako tinatawag sa pangalan ko. Last time you called me, ‘Sir James pa din ang tawag mo sa akin.”

Napapangiti na ikinulong niya sa mga palad ang mukha nito. Na-insecure yata talaga ang isang ‘to kay Lloyd nang very, very light. Pinadaan niya ang hintuturo sa hugis ng bibig nito. “Nabigay ko na ang flying kiss ko sa iyo kaya matulog ka na, James.” Tumalikod na siya rito patungo sa kuwarto niya. Nang lingunin niya ito ay nakatayo pa rin doon at nakamaang.

“Heart, ang kiss ko!”

“Shh… huwag kang maingay. Magigising sina Dad.” Bago pa kung ano ang maisipang gawin ni James ay binuksan at isinara na niya agad ang pinto. Napasandal siya roon. Ang bilis ng tibok ng puso niya. The temptation to kiss him was so strong. Muntik na siyang tumingkayad para dampian ng halik sa lips si James. Pinigilan lang niya ang sarili.

Ayaw niyang igaya o ihanay lang ang relasyon niya kay James sa naging relasyon nila ni Radley noon. Naging mabilis man at biglaan ang pagkakaroon nila ng relasyon ni James, mataas naman ang pagpapahalaga niya rito.

.....................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro