5. Anticipating
“TELL ME more about him,” out of the blue ay tanong ni James kay Elle. Galing sila noon sa city hall para ibigay sa registrar ang mga requirements ng kanilang Marriage Licence application.
“Who?”
“’Yong ex mo. You seemed so in love with him.”
“Paano mo naman nasabi?” Alam ni Elle sa kanyang sarili na nakausad na siya kay Radley. Malaking factor ang pagtataksil ng ex niya para mabilis na matanggal sa kanyang sistema ang ano mang dating amor para dito.
“I saw you before I met you.”
Natandaan din pala siya nito. Akala niya siya lang ang nakatanda. Ang araw na masaya siyang pumasok sa fine dining restaurant at muntik na silang matuloy ni Radley sa isang sitwasyon na posible sana niyang pinagsisihan. Naging extra sweet si Radley habang magkasama sila nang araw na iyon. May seductive undertone ang mga haplos nito at paghawak-hawak sa kanya, pati na ang paghalik at pagbulong ng sweet nothings. Kung hindi lang siya nagising sa busina ng kotse at pagsasalubong ng mga mata nila ng lalaking ito, baka napasunod siya ni Radley at posiblenng may nangyari na sa kanila. “Tapos na kami ng lalaking iyon. Wala nang dahilan para pag-usapan pa siya.”
“But you still love him?” Nakatuon ang mga mata nito sa kanya na parang pilit binabasa kung ano ang totoong nararamdaman niya.
“Sa sobrang sakit ng ginawa niya sa akin, kung ano man ang pagmamahal ko sa kanya dati, natabunan na ng panloloko niya.”
“Sobrang sweet n’yo no’ng makita ko kayo.”
“He’s a sweet guy, alright. I’ll give him that. It’s so unfortunate that he can’t be faithful. At sa relasyon, sobrang mahalaga ang pagiging faithful para sa akin. Ikaw, kapag ba kasal na tayo, magiging faithful ka sa akin?”
“If you truly know me, hindi mo na itatanong pa ‘yan sa akin.”
“Ang dami pa nating hindi alam tungkol sa isa’t isa.”
“Elle, we have our whole life ahead of us. I’d love to know you every day. See how you do things… Hear your views about life, about anything… See how love grows in you.”
Iniiwas niya ang tingin sa malagkit na titig nito. Parang kinikiliti ang puso niya kapag nagiging malambing ito gaya ngayon.
“About your ex, I think hindi siya ang first heartbreak mo.”
“Paano mo naman nasabi?”
“I don’t know. Gut feel? Pero tama ako, di ba?”
“Oo. Meron nga. Pero hindi ko naging boyfriend.” First love ko lang siya pero hindi ko naging boyfriend. Hanggang ngayon, iniisip ni Elle na napaka-pathetic niya na sa mahabang panahon, secretly ay minahal niya ang kababatang si Lloyd noon. At secretly ay umasa siya na mamahalin din siya nito. Napakalinaw pa sa isip niya ang mga nangyari noon kung bakit sa loob ng maraming taon hindi siya bumitiw sa pag-asa na mamahalin din siya ng kababata…
“P-para sa akin talaga ang gift na ‘to? Sure ka?” tanong ni Elle kay Lloyd nang iabot nito ang isang makulay na gift bag.
“Oo nga,” paniniyak naman ni Lloyd. “Sa iyo talaga ‘yan. Graduation gift ko sa iyo.”
Panay ang headbang ng puso ni Elle sa kanyang dibdib. Naisip niya agad na ngayong ga-graduate na sila sa high school, magkakalakas na ba ng loob na manligaw sa kanya si Lloyd? “Thank you. Pero nagulat talaga ako.”
“Bakit naman?”
“Eh ngayon mo lang naman ako binigyan ng gift, ah. Aside sa pagbibigay mo sa akin ng adobong mani at chicken pao. At oo nga pala, one time nabigyan mo din ako ng ball pen noong grade six tayo dahil naiwan ko sa bahay ang pencil case ko. Saka last month na inabot ng past one ang exam natin, binigyan mo ako ng tira mong cheeseburger.”
“Ano ba naman kasi ang puwede kong ibigay sa isang taong meron na ng lahat. Ang yaman n’yo kaya. Kapag nagbigay ako sa iyo, sigurado kaya mo ding bilhin ‘yon. ‘Yong mas maganda at mas mamahalin pa.”
“Mahirap nga kayo, eh, ‘no? Apat ang gasolinahan n’yo.”
Napahagod ito sa batok. “Buksan mo na ang gift.”
Namangha si Elle sa laman ng gift bag. Isang magandang photo album iyon. Puno ng mga larawan nila ni Lloyd mula noong elementary days hanggang sa present time. Lalong lumakas ang kabog ng dibdib niya. Paanong naipon nito ang lahat ng pictures na magkasama sila? Surely may ‘something’ din ito sa kanya para gawin iyon. Habang iniisip iyon ni Elle, binabaha ng saya ang dibdib niya. Medyo naluluha pa siya. “A-ang ganda. Ang ganda-ganda naman nito, Lloyd. Ito na siguro ang isa sa pinakamagagandang gift na natanggap ko sa buong buhay ko.”
Napahaplos na naman ito sa batok. Nahihiya ang ngiti na tumingin sa kanya. “Para hindi mo ‘ko makalimutan kahit nasa college na tayo.”
“For as long as hindi ko nakakalimutan ang dad at mom ko, hindi din kita makakalimutan, Lloyd.”
“Mami-miss kita, Elle.” Bumakas ang lungkot sa mga mata nito.
Hindi na siya nakapagtimpi. Niyakap niya nang mahigpit si Lloyd. “Mami-miss din kita.” Hindi siya kaagad bumitiw dito. Gusto niyang kahit sa ganoong paraan ay maipaabot kay Lloyd na mahal din niya ito. Umaasa siya na isa sa mga araw na darating magtatapat na ng pagmamahal sa kanya ang kababata. She was haply wishing it will happen today—at that exact moment where she felt a strong stirring of emotions. Dahil naniniwala siya na nararamdaman din ni Lloyd ang mga nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.
Pero wala itong sinabi. Walang binanggit kahit isang salita.
Sa kabila noon, kahit nang magkalas na sila ni Lloyd, umaapaw pa rin ang pag-asa sa puso ni Elle na balang araw ay magiging sila rin nito.
“Kay Arlene, anong graduation gift mo?” Kaklase niya si Arlene at hindi lihim na may gusto ito kay Lloyd.
“Wala.”
“Bakit wala?”
“Hindi ko naman siya best friend.”
“Pero liligawan mo siya, di ba?”
“’Kulit neto. Sabi nang ayoko sa babaeng maarte.”
Pero parang sinubok si Lloyd ng kapalaran. Sa huli, niligawan pa rin nito si Arlene at naging mag-boyfriend ang dalawa.
Tama ang palagay ni James. Nasaktan nga siya nang todo noon. Sobrang sakit ng kanyang first heartbreak. At siya, mula noon ay nagsara na ng pinto para sa tunay na pag-ibig. Itinigil niya na umasa pang mamahalin din siya ni Lloyd. “Ikaw, sobrang lungkot mo no’ng makita kita doon sa resto,” pag-iiba niya. She had enough of her cheat ex and her unrequited love for Lloyd. “’Yong lungkot na iyon sa mga mata mo ang pinakanatandaan ko sa iyo. Dahil din ba sa ex mo?” Nang makita niya noon si James, naramdaman niya ang pagnanais na aluin ito.
“No. Dahil kay Papa. Hindi ako ready na malaman na life-threatening ang sakit niya. Ayoko siyang mawala. Kahit nasira ang pagsasama nila ni Mama, pinilit niya na palakihin kami ni Kuya nang maayos. Sobrang laki ng hirap sa amin ni Papa. Hindi pa ako nakakapagbalik sa kanya ng kahit konting consolation sa mga hirap niya sa amin ng kuya ko.”
Humanga siya sa laki ng pagmamahal nito sa ama. “Siguro ganyan din si Sir Jaron sa father n’yo.”
“Ah, si Kuya? Lagi silang may issue ni Papa. Hindi ko din alam kung bakit. I guess dahil na din siguro kay Mama. Siya ang mas may isip sa amin no’ng maghiwalay ang parents namin. Sa aming dalawa siya ang mas affected.”
“Friend mo ba ang may-ari ng La Tavola? Kasi nakakatugtog ka do’n. Regular ka nila?”
“Hindi. ‘Yong manager doon ang friend ko. Kapag grabe na ang stress I go there just to be with people and to play the piano. Nakakalma ako pag nakikita ko ang activities ng ibang tao sa paligid. Naiisip ko na kahit may problema, tuloy pa rin ang buhay. Kahit paano nababawasan ang lungkot ko.”
“Wala kayong piano sa bahay?”
“I have one in the family room. Lately kasi sensitive na masyado si Papa sa ingay. Kaya sa labas na lang ako pumupunta kapag gusto kong tumugtog. Nag-a-appreciate ka din ba ng music?”
“Oo. Lahat ng string instruments. Pero piano talaga ang pinakagusto ko.” I wish na turuan mo akong tumugtog.
“Marunong kang tumugtog?”
“Gustung-gusto kong matuto.”
Ngumiti ito. Hindi niya maialis ang mga mata sa ganda ng pagkakangiti nito. “I’ll teach you how to play one of these days.”
Gusto niyang pumalakpak sa labis na katuwaan. Wish granted na agad siya. “Promise?”
Hindi alam ni Elle kung ano ang nakita nito sa mukha niya. Mas lumapad pa ang ngiti nito at pinisil ang baba niya. “Promise.”
Dahil sa naging kilos nito mas naging bold siyang magtanong. “Sir James?”
“Hmm? Say that again?” Nanunukso ang ngiti nito.
Natawa siya. Sinunod niya ito at nilambingan pa ang pagtawag sa pangalan nito. “Sir James?”
“Is that how you ask to be kissed?”
Nilukutan niya ito ng ilong. “Wish mo lang.”
Bigla siyang dinukwang nito at pinatakan ng halik sa tuktok ng ilong. “Next time I’ll make you beg for my kiss.”
“’Won’t happen,” nang-aasar na ganti niya kahit kinikilabutan at kinikilig siya sa ginawa nito. Naroon na sila. Nagsisimula na sa tug of war ng romance. Medyo nabigla man siya sa pagpayag na magpakasal kay James, nang mahimasmasan siya ay itinaya na niya ang sarili sa disisyong pinasok niya. Dalawang lalaki na ang bumigo sa kanya. Dalawang lalaki na pareho niyang pinagbuhusan ng pagmamahal. Susubukin naman niya na magmahal ng isang lalaki na nauna nang mag-propose ng kasal bago siya ligawan.
“Ow? Wanna bet?”
“Hindi na kailangan. Sigurado ako sa sarili ko.”
Hindi alam ni Elle kung anong maneuver ang ginawa nito. Basta natagpuan na lang niya ang sarili na nakapaloob sa yakap nito, nakadikit ang katawan sa kanyang katawan, hita sa hita, at ang dibdib niya ay nakadikit sa ibaba ng dibdib nito.
Bigla siyang parang inapuyan. Naghabol siya ng hininga. Ang init-init ng pakiramdam ng kanyang mukha. Nasisiguro niya na mapula iyon lalo na ang pisngi niya.
“If I kiss you now, will you let me?”
Napalunok siya. Hindi siya makasagot. Hindi na naman siya makahinga. Ang bilis-bilis ng tibok ng puso niya na parang sumabak siya sa mountain climbing.
Nang iangat ni James ang baba niya at magpantay ang kanilang mga labi, inasahan na niyang lilikumin nito ang bibig niya sa isang halik. Ilang segundo siyang naghintay pero hindi ito kumilos para siya halikan. Gustung-gusto na niyang gantihan ito ng mahigpit na yakap. Gusto na niyang mag-initiate ng halik. Nainip na siya pero hindi siya nito hinalikan. “I’ll wait for it. I’ll wait for you to beg me for a kiss,” sabi nitong nanunukso.
Magkahalong panghihinayang at relief ang naramdaman niya nang pakawalan siya ni James.
“SA LAHAT naman ng ikakasal, ikaw ang parang sa World War III haharap at hindi sa groom mo,” puna ng kaibigan ni Elle na si Meril. Namaywang pa ito sa harap niya kaya lalong naging prominente ang maliit na span ng waistline nito. Bihirang mag-make up si Meril, pero kahit walang makeup ay mukha pa rin itong olive-skinned Barbie doll.
Hindi nabago ang pagkakabusangot ng mukha ni Elle. Sumalampak siya sa pinakamalaking bean bag sa sala ng bahay nito.
“At saka bakit ka nandito? Di ba makikipag-usap kamo kayo ni James sa kukuning ninong sa kasal n’yo?”
“Naiinis lang ako. Sa lahat na lang ng disisyon siya ang nasusunod. Sinabi ko nang maghintay na lang kami ng three months para isang pagod at gastos na lang, gusto pa din niyang i-push ang kasal namin sa huwes.”
“Aba, normal ka pa ba niyan sa palagay mo?” Lalong lumaki ang dati nang malalaking mata ni Meril.
Inirapan niya ang kaibigan. “Grabe ka naman.”
“Pakipot ka pa kasi. Isang kita ko pa lang sa inyo ng James na ‘yon, alam ko nang may something ka sa kanya. Kung ako ‘yan na gusto agad akong pakasalan, aba, gow!” May paliyad-liyad pang sabi ni Meril. “And look at your ring, beshie. Lahat ng babae nangangarap na magsuot ng engagement ring. Ibinigay na nga sa ‘yo ni Lord ang pangarap mo naka-ungrateful look ka pa din.”
“Kasi naman!” sabi niyang napabayo pa sa bean bag sabay baba ng tingin sa suot niyang solitaire diamond ring. Hirap na rin siyang ispelengin ang sarili. Nainis lang naman siya nang ipakita sa kanya ni James ang picture ng ex nitong si Chastity. Dahil nakilala niya ang babae. Ito ang babaeng naging dahilan ng breakup nila ni Radley noon. Hindi na lang niya sinabi kay James. Dahil para saan pa ba? Pero kahit sinira na ni James sa harap niya ang picture, nainis pa rin siya. Na kung tutuusin ay hindi na dapat. Dahil tapos na nga ito at si James. At wala siyang pakialam kahit nakay Radley pa rin ito ngayon o wala na. Matagal na rin naman silang tapos ng ex niya.
“Alam ko na kung bakit nagkakaganyan ka. Iniisip mo pa rin kasi na kaya lang nagmamadali si James na pakasalan ka, kasi para magkaanak na kayo bago pa manghina at tuluyang ma-tegi ang papa niya.”
Natumbok ni Meril ang isa pang ikinaiinis niya.
“Okay, kunwari ‘yon nga ang dahilan ni James. Eh, ano naman? Gusto ka naman no’ng tao.”
“Gusto nga ba niya ako? Hindi ba ginusto na lang niya ako kasi ako ang available? Ako ‘tong gullible enough para mapapayag sa gusto niya?” Isa pang inaalala niya ay ang sasabihin ng kanyang mga magulang kapag sinabi niyang magpapakasal siya nang biglaan. Siguradong uusisain siya ng mga ito. Malaki rin ang posibilidad na hindi siya payagan. Alam niyang nangangarap pagdating ng araw ng isang grand wedding para sa kanya ang ina. Madi-disappoint ito kapag nalamang sa huwes lang muna siya ikakasal at biglaan pa.
“Grabe ka naman, beshie. Sobrang baba ba ng tingin mo sa sarili mo para isipin ‘yan? Helow! Hindi ka naging Miss Solano noon para sa wala. Nagkakasabay-sabay pa nga kung umakyat ng ligaw sa inyo ang mga nahumaling sa byuti mo.”
Hindi niya naiisip iyon. Mas matining pa rin sa utak niya na mas napansin at mas minahal ni Lloyd noon ang maarteng si Arlene kaysa sa kanya. Hindi niya napaibig si Lloyd kahit, sabi nga ni Meril, maganda siya. “Okay, granted na nagagandahan sa akin si James kaya niya ako ginusto, pero Meril, iba pa rin ‘yon sa pagmamahal. Ang laki ng difference ng ‘like’ sa ‘love.’” At malaki ang difference nila ng Chastity na iyon. Niligawan, sinuyo at minahal ito ni James noon. Samantalang siya ay dinaan sa paspasang panliligaw, para mapapayag na magpakasal dahil gustong paluguran nito ang maysakit na ama.
“Problema ba ‘yon? Eh di paibigin mo si Fafa James. Kung like ka na niya ngayon pa lang, I’m sure hindi ka mahihirapan na i-hook ang heart, body and soul niya. Sayang na lang ang alindog mo kung di mo magagawa.”
Biglang tumunog ng cell phone ni Elle. Si James ang tumatawag. Napilitan na siyang sagutin ang tawag. “I’m really not myself today,” pagdadahilan na lang niya nang tanungin nito kung bakit hindi pa siya umuuwi.
“Nasaan ka? Susunduin kita. Sa ibang araw na lang natin puntahan ang ninong ko. Mag-rest ka na lang muna tonight.”
Medyo na-guilty siya sa pag-aalalang lumabas sa tono ni James. Pero baka makatulong nga sa kanya kung ipapahinga muna niya ang isip kahit ngayon lang. “Nandito ako sa bahay ni Meril.”
Wala pang sampung minuto ay tumapat na sa bahay ni Meril ang kotse ni James. Gusto niyang batukan ang kaibigan sa mga knowing glances na ibinabato sa kanya.
Humabol ito ng pang-aasar nang pasakay na sila sa kotse ni James. “O, baka naman sa honeymoon na ang tuloy n’yo, ha? Ipapaalala ko lang, may shot gun si Tito Ricky. Licenced ‘yon.”
“Thanks for reminding me,” pakikisakay ni James. “Don’t worry, gagalingan ko ang pag-iwas sa bala.”
Nasa loob na sila ng kotse ay dinig pa rin ni Elle ang mataginting na tawa ni Meril. Ito ang kilig na kilig sa kanila ang amo niya. Kung sana kasing optimistic din siya ng kaibigan.
Sinalat ni James ang leeg niya. “Wala kang lagnat pero sana hindi sign ng pagkakasakit ang nararamdaman mo ngayon. Ididiretso na kita sa clinic. Mas mabuti na matingnan ka ng doktor.”
“No. Itutulog ko na lang ito pagdating sa apartment.” Hindi naman talaga masama ang katawan niya. Ang emosyon niya ang may problema. Nararamdaman niyang mali ang disisyon niya na pumayag magpakasal kay James. Kahit sa kalaliman ng puso niya ay iyon ang gusto niyang gawin.
“Oh, man! Don’t tell me na nagbunga na ‘yong nangyari sa ‘tin sa apartment mo,” gulat na bulalas nito.
Saglit na natulala si Elle. “Wala namang nangyari—” Muntik na niyang sikuhin si James nang bigla itong ngumisi na parang bata. Stir lang pala ‘yon ng mestisong bangus na ‘to. “Tse! Wish mo lang!”
Tawa nang tawa si James habang nagmamaneho. “I won’t deny that it had always crossed my mind these last few days.”
Nag-init ang mukha ni Elle pero hindi siya umimik. Nagtulug-tulugan na lang siya. Para lang magising nang maramdamang may kumuwit sa tuktok ng ilong niya. Ang nakangiting mukha ni James ang namulatan niya. Nakahinto na pala sila.
“You’re my girl now…” Parang mahihirinan na sabi nito. “I can’t believe my luck. You’re very beautiful…” Marahang pinadaan nito ang hintuturo sa ibabang labi niya habang walang kurap na nakatingin sa mga mata niya.
Napalunok si Elle sa antisipasyon. Hahalikan ba siya nito?
Lumapit nga ito pero hindi siya sa labi hinalikan kundi sa noo. Napuno siya ng kilabot. Ibang-iba ang dampi ng halik nito. Napakaingat. Buong suyo. Na nagbigay ng sobrang saya sa puso niya. Lalo na nang maramdaman niya na humaplos nang marahan ang palad nito sa kanyang ulo. “Rest for now, my heart. We’ll go places tomorrow. Maaga tayong aalis.”
......................
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro