Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

10. Another Chance

   

SA KABUTIHANG-PALAD, nagising si Papa Rosano pagkaraan ng siyam na araw na comatose. Kay Kuya Jaron at kay Tita Menchu siya nakikibalita sa kalagayan ng biyenan. Nang mailipat na ito sa private room ay dumalaw siya. Itinaon niya na wala roon si James.

Hindi niya masabi sa biyenan na umalis na siya sa mansiyon nito. Ayaw niyang makaapekto sa pagpapagaling nito ang mga issue sa pagitan nila ni James.

Pinipigilan siya ni Kuya Jaron. Pinababalik siya nito sa mansiyon. Pero wala na talaga siyang balak na bumalik. Sa mansiyon, sa buhay ni James o sa Yulo Advertising. Malinaw na ngayon sa kanya. Maaaring totoo ang mga sinabi nitong dahilan kaya mahal siya. Pero sa pagdating ng pagsubok, ng malaking pagsubok na humusga sa tunay na estado ng mga puso nila, madali lang pala rito ang bumitiw. Madaling tatalikod sa mga sinumpaan. Para kay James ay hindi siya ganoon kahalaga. Hindi naging mahalaga ang pag-ibig nito sa kanya. Winalang-halaga rin nito ang marriage vows nila.

Masakit para sa kanya na sa wala rin pala mauuwi ang inakala niyang ideal marriage relationship nila ni James.

Masakit isipin na tulad noon, may pinto na naman siyang isasara sa buhay niya—ang pinto ng kanyang puso para sa pag-ibig.

Pinababalik siya ni Xy sa apartment pero nang magpakasal siya ay naibigay na niya ang slot sa pinsan niyang si Kraven. Ayaw niyang makipagsiksikan sa mga ito. Isa pa, baka maisipan ni James na bawiin siya ngayon na medyo malakas na ang ama nito. Ayaw na niya. Hindi na siya dapat pang magpakita sa asawa.

Hindi niya gaanong napahalagahan ang sarili noon. Dapat sigurong harapin naman niya ngayon ang para sa sarili.

Isinosyo siya ni Meril sa itinayo nitong travel agency sa Valenzuela. Sa Valenzuela na rin siya kumuha ng apartment. Malayo iyon sa Makati. Malabong magkasalubong ang mga landas nila ni James. Binago na niyang lahat ng contact numbers at naka-block si James sa mga accounts niya sa social networking sites. Sa loob ng dalawang buwan na dumaan ay unti-unti nang napalagay ang kalooban ni Elle. Maayos na tumatakbo ang travel agency. Nagawa nang magbakasyon ni Meril sa Boracay.

Pero kanina lang ay tinawagan siya ni Xy. Galing daw doon si James at hinahanap siya. At base sa mga sinabi ng kaibigan ay galing na rin sa kanila sa Solano si James. Nagtataka lang siya kung bakit walang itinatawag sa kanya ang kanyang ina.

Ang itinawag nito ay tungkol kay Kuya Izack. Dumalaw raw ang kuya niya sa Solano. Ipinasyal daw ito ng dad niya sa mga kamag-anak nila roon. Nagtungo rin daw ang mga ito sa World War II cannon relic at sa Solano museum. Sa palagay niya ay kontento na ang ama na kahit sa ganoong paraan ay maiparamdam nitong naroon lang ito para sa nawalay na anak.

“MERIL, DON’T ever tell James na connected ka pa sa akin o nagkikita pa tayo hanggang ngayon, ha?” panicky ang boses ni Elle na naglalakad sa hotel lobby habang kausap sa phone ang business partner at kaibigan. Ilang minuto na lang at male-late na siya sa appointment sa isang client. Malalaki ang mga hakbang niya at kulang na lang ay takbuhin niya ang elevator.

“Muntik na nga ako madulas, beshie. Sinabi ko na lang na two months na since our last meeting in Boracay.”

“Boracay? Isang taon na akong hindi nagpupunta do’n!”

“Para nga mailigaw ko. Nalito na kasi ako. Kung sinabi kong sa Makati tayo nagkita sigurado mas lalo niya ako na-interrogate.”

“And don’t ever tell him na business partner mo na ako ngayon.”

“Ano ka ba naman, Rosabella? Of course I won’t. Ipapahamak ko ba ang kaibigan ko?”

Hindi pa rin siya mapalagay kahit siguradong hindi siya ibibisto ni Meril. “Do you think hindi ka niya nasundan sa office?” Diniinan niya ang buton sa labas ng elevator. Napapatapik na siya sa hita sa pagmamadali, half praying bumukas na sana agad iyon. “Hindi kaya nai-wire tap ang phone?”

“Hay, huwag ka ngang paranoid d’yan. Wala sa military intelligence division si James para gawin ‘yon. Kahit sundan niya ako, wala siyang malalaman. Hindi pa tayo nagkikita since last month.” Nasa bakasyon si Meril at pabalik pa lang ito sa araw na iyon.

“Just the same kailangan pa din natin na magdoble ingat.”

“Bakit kasi hindi mo na lang siya harapin? Mag-usap kayo once and for all. Mahirap ‘yang ganyan na lagi ka na lang nagpa-fly-lalu pag nararamdaman mong nasa malapit na si James.”

Bumukas ang elevator at natulala si Elle nang makita kung sino ang sakay niyon. Hindi niya magawang ihakbang paatras ang mga paa. Lalong hindi siya puwedeng humakbang para sumakay.

“Elle? Are you still there?” untag ni Meril sa kabilang linya.

Ilang saglit na nakatulala lang siya sa mga mata ni James na nakatutok sa kanya. They were penetrating. Demanding acknowlegment. At sa ilang huling segundo bago sumarang muli ang elevator ay may pinindot ito roon sabay hila sa braso niya papasok.

Hindi magawang pumalag ni Elle sa masikip na elevator habang mahigpit na hawak ni James ang galang-galangan niya. Ang inisyal na pagkabigla kanina ay napalitan na ngayon ng galit. Hinila niya ang kamay nang mawala na ang mga tao at sila na lang ang matira doon. “Pabayaan mo na ako, James. Tapos na tayo. Nakikipaghiwalay na ako.” Masakit para sa kanya na sabihin iyon. Mahal niya ito. Nasaktan siya, oo. Pero hindi nagbago ang pagmamahal niya. Kahit isinara na niya ang pinto ng puso niya para sa pag-ibig.

“Bakit, pumayag na ba ako?” matiim pa rin ang pagkakatingin nito sa kanya. “Hindi ka puwedeng humiwalay sa akin. Kailangan kita.”

Naalala niya si Chastity at kung paanong nagka-affair ito kay Radley. Affair na sumira sa relasyon nila noon ng ex-boyfriend. At kung paanong nakita niyang nakayakap ito kay James. That woman is shameless. “Kung isang babae lang na magbibigay ng anak ang kailangan mo, ‘yong ex mo na lang ang anakan mo. Sigurado ako willing ‘yon na magpaanak sa ‘yo.”

“Hindi ko siya asawa. At lalong hindi ko siya gustong anakan. Ikaw ang kailangan ko, magkaanak man tayo o hindi. Ikaw ang asawa ko.” Huminto ang elevator at nang bumukas ay tinangay na naman siya ni James. Kahit anong piglas ang gawin niya ay hindi siya makawala. Sa pagliko nila sa corridor ay napunta sila sa veranda na ginagapangan ng namumulaklak na climbing plants.

Gusto niyang matawa sa irony. Gosh, bakit naman ganito ka-romantic ang setting eh confrontation ang eksena? “Madaming mali sa atin, James. Mali na ako ang pinili mong pakasalan. Mali na nagmadali tayo kahit hindi pa natin gano’n kakilala ang isa’t isa.”

“Walang mali sa atin. Nagkamali lang siguro ako nang pilitin kita na magpakasal tayo agad. I should have given you more time, if that’s what you needed. Pero kahit kailan, hindi ko inisip na isang pagkakamali na mahalin kita at pakasalan. Minadali ko ang kasal natin hindi para magkaanak na tayo agad for Papa’s sake. It was just an excuse para mapapayag ka. Kasi ayoko talagang mawala ka sa akin at mapunta ka sa iba.”

“Talaga ba? Kaya pala no’ng habang nasa ICU si Papa, hindi mo ‘ko iniimikan. Kung hindi pa kita c-in-onfront, hindi ko pa malalaman na sasabog ka na sa galit sa akin at sa dad ko. Alam mo ba kung gaano kasakit ‘yong kakakasal pa lang natin pero nagsisigawan na tayo?”

“Hindi ako galit sa iyo. I never blamed you. Honest. Galit ako sa sarili ko. Sarili ko lang ang sinisisi ko. Masakit lang na muntik nang mamatay si Papa dahil sa akin. And the thought kept buzzing in my mind. Kaya hindi ako umiimik no’n. Kaya galit ako sa mundo. Kaya nasigawan din kita. I’m sorry na dinamay kita sa galit ko.” Hinawakan nito ang isang kamay niya at ikinulong iyon sa mga palad nito. “I’m sorry for hurting your feelings…I felt really bad after that.”

“Alam mo din ba kung gaano kasakit na after mo ‘kong talikuran, pagdating ng umaga bigla ko na lang kayong makikita ng ex mo na magkayakap? Tapos hinatid mo pa siya?” Ayaw na niyang kimkimin sa dibdib ang mga nangyaring iyon. Siguro wala nang halaga na banggitin pa. Ang alam lang niya, saka lang siya matatahimik kapag nasabi at nailabas nang lahat.

“It was my fault, I admit. And I’m sorry… Gusto ko lang linawin na hindi ako ang yumakap kay Chastity. Siya ang yumakap sa akin. She was crying. At hinatid ko lang siya para once and for all masabi kong tapos na kami. Na may asawa na ako at ‘yon na ang closure na kailangan naming pareho. Sana naman maniwala ka sa sinasabi ko.”

She sighed. Ayaw niya itong paniwalaan pero sinasabi ng puso niya na kalimutan na lang ang pagkakamali nito. Na bigyan pa ito ng pagkakataon. Kaya lang parang hindi niya kaya. “Kapag ba sinabi kong pinatawad na kita pero nasasaktan pa rin ako, does that mean hindi pa din kita napapatawad?”

Tumitig ito sa mga mata niya. Kitang-kita niya kung paanong nabalutan ng lungkot ang mga mata nito. “Hindi ko alam…. Nagkamali lang ako, Elle. Tao din lang ako. Hindi perpekto. Pero huwag naman sanang maging dahilan ‘yon para itapon mo ang marriage natin. Napakahalaga no’n sa akin.”

“Hindi ko alam kung hanggang kailan mawawala ang sakit…” Pinipigilan niyang huwag mapaiyak pero tumulo pa rin ang luha niya. “Hindi ko kaya na magpatuloy tayo kung nasasaktan ang kalooban ko.”

“Sabihin mo sa akin kung paano ko matatanggal ang sakit na nararamdaman mo.”

“Ewan ko, James. Baka may alam kang paraan. Kasi hindi ko din gustong maramdaman ‘to.”

Sumagap ito ng hangin. Hubad sa pag-asa ang mga mata nito. “Ang alam ko lang, galit man ako no’ng nag-usap tayo, alam ko sa sarili ko na kahit anong mangyari, pagbali-baliktarin man ang mundo, mahal kita… I hope my love is enough to heal the hurts and the pain I’ve caused you… Ayokong mawala ka sa akin. Sobrang hirap na no’ng nangyari kay Papa. But in the midst of those trying times, there’s only one beautiful thing that’s left in my heart, one thing that’s worth keeping—you. But then, pag-uwi ko, kung kailan bumuti na ang lagay ni Papa, saka ko nalaman na iniwan mo na ako.”

Puwede naman nga niyang bigyan ito ng chance. Pero ayaw talagang mawala ng sakit. Ayaw mawala ng maliliit na tusok sa puso niya. Ramdam pa rin niya ngayon. Ngayon na sinusubukan niya na muling buksan ang pinto ng pagmamahal para dito.

“Elle… pagkakataon lang ang kailangan ko. Huwag mo sana akong palayuin sa iyo.  Come back to me, please?”

Hinila niya ang kamay na nakakulong pa rin sa mga palad nito. Bakit kailangang mabalutan ng mga dungis ng pagdududa, kawalan ng pag-asa at pagkasira ng tiwala ang isang pagmamahalan? Bakit kahit mahal niya nasasaktan siya na magbigay pa ng pagkakataon para sa pagmamahalan nila?

Bakit hindi na lang mawala ang sakit?

Bakit hindi na lang siya mamanhid?

Gustung-gusto niyang bumalik sa pagmamahal. Sa piling nito. Sa yakap nito. Pero parang napapaso na siya. “I’m sorry, James. Hindi ko pa kaya. Hindi ko pa kaya ngayon.” Pumapatak ang luha na tumalikod na siya at mabibilis ang hakbang na lumayo.

“No! Please, Elle, give me another chance!” habol nito. “Don’t go, please?”

Hindi niya pinansin ang sigaw ni James. Lalo niyang binilisan ang mga hakbang. Mali siguro ang ginawa niya. Pero iyon ang nararamdaman niyang tama nang mga oras na iyon.

TWO months later…

“So, single and available ka na naman?” sabi ni Meril kay Elle. Biyernes ng hapon, nakababa na sila noon mula sa travel agency at pasakay na sa kanya-kanyang kotse. Maaga itong nagyayang umuwi at may date daw ito mamayang gabi.

“Kasal pa din ako, di ba?” sagot ni Elle.

“Hindi ka magpa-file ng annulment?”

“Hindi ko pa alam.”

“Naku, beshie, gets ko na. Hoping ka na magkabalikan pa kayo ni James-my-love mo.”

Ngumiti lang siya sa kaibigan at sumakay na sa kanyang kotse. Parang may pakpak ang gulong ng mga iyon habang pauwi siya. Kung puwede lang hawiin niya ang lahat ng mga sagabal sa pag-usad ng traffic. Nawala ang pagod niya sa buong maghapon sa prospect ng pag-uwi sa kanyang apartment.

Binuksan niya ang pinto at sumalubong sa kanya ang halimuyak ng beefsteak. Lumitaw ang naka-apron pang si James na may hawak na sandok. Nakangisi ito at tagaktak ang pawis.

“Hi, heart! How was your day?”

“Never been better,” nakangisi rin na sagot niya.

-end-

Author's note:

Para sa kumpletong detalye at mga eksena sa nobelang ito, pakihintay na lang po na napublish in print soon... God bless you! ;)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro