sixteen - carnation
Imbes na mga knightguards ko ang sumalubong sa'kin sa pinto eh nakita ko si Jules na aligaga at halos maihi sa pantalon niya nang buksan ko ang pinto ng kwarto ko. May dala siyang bouquet ng pink carnation. Natulala nga ako sa ganda ng mga bulaklak. Tingin ko nga mas tinignan ko 'yung bouquet kesa sa kaibigan ko.
Kung hindi ko kilala si Jules at nakita ko siyang may dalang ganyan sa labas ng kwarto ko ng umagang-umaga? Jusque, bye Ark. Chareng. Anyway, alam ko ang dahilan kung bakit naggagaganto si Jules. Poise ang lesson ko ngayon at 'yung teacher ko eh ang Miss Universe lang naman ng buhay niya.
"Gara mo rin 'no? Gagawin mo pa akong taga-deliver," saad ko sabay irap sa kanya.
"Carita naman. Wala man lang bang good morning dyan?" Panunukso niya atyaka ngumiti. Pero 'yung ngiti niya ngiting nerbyoso pa rin. Pati mga kamay niyang nagdadala ng bouquet nanginginig-nginig pa.
"Good morning ka dyan. Ihampas ko sa'yo 'yang dala mo eh."
Ganon pa man, natutuwa pa rin ako sa ginagawa ni Jules. Natutuwa akong dinadaan niya sa mga pabula-bulaklak si Laurice. Natutuwa akong hindi siya ganon ka-hambog kay Troy na sugod na lang ng sugod. Mga tipong gentleman ganon?
Ah, naalala ko tuloy si Troy—or Sir Troy pala. Kahapon kasi dumaan siya sa palasyo at masungit na sinabi sa'king magqu-quit na siya. Naka-bandaid 'yung sugat na ibinigay ko sa kanya na halos natatakpan ng blond niyang buhok. Nag-sorry ako sa kanya pero hindi niya tinanggap. Syempre, bigyan ko ba naman siya ng panghabang buhay na souvenir sa pinakaiingat-ingatan niyang mukha?
"Hayaan mo kapag naging kami araw-araw kitang papadalhan ng paborito mong bulaklak. Pangako 'yan," masiglang sabi ng magsasaka. Napangiti naman ako pabalik.
Nung naalis na kasi ang atensyon ko run sa bouquet, napansin kong naka-farmer get up pa siya. Longsleeves na gray at longpants na navy blue na naalala kong uniform pala namin dati sa academy. Lahat 'yun may mantsa ng putik at kung anu-anong dahon at damong nakadikit.
"Ano na nga ba ulit 'yung paborito mong bulaklak?" Tanong niya.
"Daisies," sagot ko habang inaalala ang mga bulaklak na iyon na nakatanim sa likod bahay namin sa Ashwood.
"Okay, noted!"
Ipinasa sa'kin ni Jules ang bulaklak. Malapitan kong nahangaan ang ganda 'nun at pasimpleng inamoy. Nai-imagine ko na ang magiging reaksyon ni Laurice kapag natanggap niya 'tong mga 'to. Siguradong matutuwa siya't kukulitin ako kung sino ang nagpadala.
"Bakit nga pala carnation?" Tanong ko.
"Sumisibolo kasi 'yan sa pride and beauty. Bagay na bagay kay Laurice," sagot niya.
Habang nagsasalita siya, ramdam na ramdam ko 'yungpagmamahal. Kitang-kita rin sa bawat pagkurap ng mga mata niya. May pagka-poetic din pala sa katawan 'tong Haeglic na 'to. Ang weird kasi sanay akong malokong Jules ang nakikita ko. I don't know if love changes you or it just simply brings out the real you.
"Salamat, Carita. Utang ko sa'yo ang susunod na henerasyon namin," wika niya. Bumalik na ulit 'yung nakasanayan kong ugali niya. 'Yung nakakainis na nakakatawa.
"Sige na. Ang daming arte. Sasabihin kong sa'yo 'to galing ah? Bye!" Sabay sara ko ng pinto bago pa siya maka-apila.
Kung natatakot si Jules magpakilala pwes ako hindi. Tutulungan ko siya sa abot ng makakaya ko. Atyaka kilala ko naman si Jules. Deserve niyang maging masaya at makahanap ng mamahalin.
Kakaupo ko pa lang ng muli ulit may kumatok sa pinto ko. Ramdam kong si Jules lang ulit 'yun dahil na-timing-an niya talagang nakaupo na ako. Nang-aasar lang siguro. Hindi ko na sana siya papansinin at itutuloy na lang ang pagtingin sa mga bulaklak pero naging paulit-ulit ang pagkatok niya sanhi para mainis ako at mapilitang pagbuksan siya ng pinto.
Subalit nang buksan ko ang pinto hindi ang kulot na magbubukid ang naabutan ko kundi si Ark. Gaya ng dati suot niya pa rin 'yung puti niyang armor habang hawak 'yung helmet niya. Nung una nagtataka ako kung bakit mukha siyang gulat pero na-realize kong dahil sa pag-aakala kong si Jules ang makikita ko, nakatingin ako sa kanya na mukhang galit. Hawak ko pa pati 'yung bouquet na pinapabigay sa'kin. Sunod 'yung tinignan ni Ark. Ngayon, siya na 'yung mukhang galit tapos ako na 'yung mukhang gulat.
"You look annoyed," komento niya.
"Baka ikaw," mabilis kong sagot bago ko pa mapigilan ang sarili ko.
Umayos siya ng tindig at sinabing oras na para sa lesson ko. Hindi na ako nag-abala pang bumalik sa loob ng kwarto dahil wala naman na akong kukunin dun kaya sumama na agad ako sa kanya.
Gaya ng bilin sa kanilang mga trainee knight, dapat nasa likuran sila lagi ng binabantayan nila. Kahit ganon, kahit hindi ko siya nakikita, nararamdaman ko 'yung tingin niya sa'kin—sa bouquet. Iniisip niya sigurong ang kapal ko para iparada pa rito 'yung binigay sa'kin. Siguro iniisip niya nang-iinis ako ng iba ganon. Baka sabihin niya ipinagyayabang ko sa kanya.
Sasabihin ko bang pinapadala lang sa'kin ni Jules para sa Poise teacher ko? Baka kasi mali ako 'di ba? Baka kasi hindi naman talaga siya nakatingin at wala talaga siyang pakialam. Pero kasi... paano kung meron? Paano kung iniisip niya nagpapaligaw na ako or whatever? Nakakainis. Sana tanungin niya na lang.
Mas lalong tumindi ang frustration ko nung malapit na kami sa academy at hindi pa rin siya nagtatanong tungkol sa mga bulaklak. Ilang beses kong pinigil ang sarili kong huminto, humarap sa kanya, at mag-explain. Nagcha-chant din ako sa utak ko na sana magtanong siya.
"Cari—"
"Pinapabigay ni Jules kay Laurice," sagot ko agad pagkaharap ko pa lang sa kanya.
Nakita ko ang pagkunot ng noo niya at ang unti-unting pagsilay ng ngiti sa mga labi niya. Atyaka siya natawa. Syempre na-confuse ako kung bakit siya tumatawa. Ano, pinagtatawanan niya ba ang sarili niya kasi iba 'yung iniisip niya? Kasi na-judge niya kaagad ako?
"Tatanungin ko lang sana kung may pupuntahan ka pa. Lumagpas ka na kasi sa academy."
Napatingin ako sa harapan ko. Papunta na pala akong open ground ng hindi ko namamalayan dahil sa sobra kong pag-iisip. Lumingon ulit ako kay Ark at nakita siyang nagpipigil ng ngiti. Napatigil ako sa moment na 'yun kasi ngayon ko lang ulit siya nakitang ganon. Ngayon ko lang ulit siya nakitang ngumiti simula nung nangyari sa'min 'nung isang gabi at dahil pa sa kagagahan ko. Nice one, Cari. Good job.
Inayos ko ang sarili ko at tuloy-tuloy ng pumunta sa academy. Hanggang sa makarating na kami sa tapat ng pinto ng classroom ko at hinayaan na niya akong pumasok dun. Naging seryoso na rin ulit siya. Hindi ko na nakita 'yung ngiti niya. Sayang. Pampa-buenas lang sana sa nakakainis na klaseng hindi ko alam kung goal akong maging reyna o maging manika.
Naabutan kong nagdo-drawing si Laurice. Nasilip ko kung ano 'yung ginagawa niya at nakita kong isa 'yung gown. Malapit na siyang matapos at konting details na lang ang ginagawa niya. Mukha siyang frustrated. Bago pa niya 'yun tuluyang matapos, pinunit niya 'yung papel mula sa notebook niya at ginusot.
"Ano 'yun? Sayang naman," tanong ko.
"Sketch para sa susuotin mong gown sa coronation," tugon niya. Ngumiti siya sa'kin pero halata pa rin sa mga mata niya ang inis.
Thank god hindi niya 'yun itinuloy. Ayokong mag-suot ng gown na mukhang mahahati na sa gitnang harapan. Medyo flatscreen pa naman ako. If you know what I mean.
Naiintindihan ko kung bakit aligaga siya at maaga ng sinisimulan ang pagdi-design sa gown kahit limang buwan pa bago ako kokoronahan. Malaking responsibilidad din kasi ang iniatas sa kanya. Kapag pangit o hindi bumagay sa'kin 'yung isusuot ko sa coronation pangalan niya rin ang masisira. Hanggang sa mamatay ako (kasi nga 'yun din ang isusuot ko kapag nasa casket na ako) kukutsain pa rin nila ang gawa niya. Ganon kasi talaga. Kapag tinanggap mong maging teacher ng future queen ng Haegl sa Poise, kailangan ikaw rin ang gumawa ng isusuot niya sa coronation day. Naaawa tuloy ako sa kanya. Twenty years old pa lang stressed na.
Bago ko pa makalimutan, iniabot ko na sa kanya 'yung bouquet ng carnation na ipinapabigay ni Jules. As expected, nawala 'yung pagka-inis at pagka-stress niya nung makita niya ang mga 'yun. Napangiti siya habang nakatingin dun. Napansin ko tuloy na pareho silang may high cheekbones ni Clyde lalo na kapag nangiti. Ako tuloy ang nasasayangan para kay Jules kasi hindi niya man lang nakita 'tong tamis ng ngiti ng Miss Universe niya.
"Kanino galing?" Tanong niya. Akala ko hindi niya na ako kakausapin kasi panay lang ang tingin at ngiti niya run sa mga bulaklak.
"Uhmm, hindi ko alam kung kilala mo siya pero nakikita mo ba 'yung lalaking may kulot na buhok na medyo payat sa Market Place? 'Yung sa may bandang huling stall? Sila lang nagbibenta ng mga bulaklak kaya siguro nakita mo na. Sa kanya galing 'yang mga 'yan. Jules. Jules ang pangalan niya," buong pagmamalaki kong sagot.
"Talaga? Pakisabi salamat," sabi niya atyaka ulit ngumiti ng pagkaganda-ganda. Wow talaga. Sobrang ganda niya. Hindi ko alam kung paanong hindi lahat ng lalake sa Haegl nagkakagusto sa kanya.
Bago pa niya ako bihis-bihisan at kung anu-ano pang queenly things, sumubok ulit ako ng isang topic. Gusto ko lang talagang magsayang ng oras.
"May dini-date ka ba ngayon?" Tanong ko. Nakasunod ako sa kanya habang naglalakad siya papunta sa rack kung saan may mga naka-hanger na iba't ibang klase ng damit.
"Actually, meron. Si Troy," sagot niya habang idinidikit sa'kin 'yung pulang spaghetti dress na naka-hanger pa. Tinitignan niya kung bagay sa'kin o hindi.
Napanganga ako sa sagot niya. Muling bumalik sa alaala ko 'yung nangyari kahapon sa Defense lesson ko. Pati na rin 'yung pagri-resign ni Sir Troy. Hindi ko tuloy alam kung matatawa ako o maaawa kay Laurice. Napunta siya sa hambog. Sayang naman ang ganda-ganda niya pero hindi marunong pumili ng lalake.
"'Di ba knight 'yun? Hindi kayo pwedeng magpakasal," wika ko.
Natawa siya at napailing. "I know and it doesn't matter. I just wanna fool around anyway."
Hindi pwedeng magkapamilya ang mga knight kasi dapat ang Haegl at 'yung king or queen ng Haegl ang priority nila. Hindi sila pwedeng magkaroon ng distraction dahil sa kanila nakasalalay ang kaligtasan ng lahat. Kahit ganon, pwede pa rin silang magka-girlfriend. Basta siguraduhin lang nilang hindi 'yun mauuwi sa kasalan o hindi sila magkakaroon ng anak.
"Ayaw mo ba nung siseryosohin ka rin ganon? Parang si Jules..."
"Who?" Tanong niya habang patuloy pa rin sa paghahanap ng damit na ipapasuot niya sa'kin para sa training. Bakit ko ba kailangang matutong magsuot ng mga gown?
"'Yung nagbigay ng bulaklak."
Tumigil siya sa ginagawa niya at napatingin sa'kin. Parang hindi niya alam kung paano sasabihin sa'kin 'yung gusto niyang sabihin. Parang nag-aalangan ba?
"Cari, he's... poor, you know? I'm a Noe. I don't date poor people."
Sobrang polite nung pagkakasabi niya. Sobrang hinhin. Nagawa pa niyang ngumiti pagkatapos. Kung nagkataong hindi ko naintindihan ang sinabi niya at na-hypnotize ako sa ganda niya baka nagpasalamat pa ako. Pero hindi eh. Kahit anong bait nung tono ng pagkakasabi niya alam ko pa rin ang tinutumbok ng mga salita niya. Doon ko na-realize na oo bagay nga talaga sila ni Sir Troy. Pareho silang mayabang.
Napatingin ako sa bouquet ng bulaklak na nakapatong sa notebook niya sa mesa. Gusto ko 'yung kunin at ihampas sa maganda niyang mukha para maramdaman niya kung gaano kasakit 'yung mga sinabi niya. Kung kanina nanghihinayang akong wala si Jules dito, ngayon laking pasasalamat ko't hindi siya mismo ang nagbigay nung mga bulaklak. Binabawi ko na ang sinabi ko kanina. Hindi deserve ni Jules ang babaeng 'to.
Tumango na lang ako at hindi na umimik pa. Baka kasi may masabi pa akong masakit sa kanya. No offense kay Clyde pero ang gago ng ate niya.
Sinukatan ako ni Laurice para sa gagawin niyang gown. Ni minsan hindi ko inimikan ang mga jokes niya o kahit ano sa mga sinabi niya. Hinayaan ko siyang magdaldal. Hindi ko hinayaan ang sarili kong madala ng mahinhin niyang boses o ng sweet na sweet niyang mukha. Tinuruan niya rin ako kung paano maglakad gaya ng isang tunay na reyna.
"Huwag kang kukuba-kuba. I-straight mo ang shoulders mo. Taas noo. Huwag kang titingin kahit kanino kapag walang kumakausap sa'yo. Dapat matakot sila sa'yo," ilan sa mga turo niya. Hindi ko alam kung 'yan 'yung exact words niya o talagang ayoko lang talaga siyang pakinggan kaya 'yan lang ang mga narinig ko.
Ikwinento niya rin kung paano ko magagamit ang ganda ko bilang isang reyna. Dapat daw palagi akong magmukhang charming sa mga tao lalo na kapag may gusto ako mula sa kanila. Sabi niya kapag minsan mas sinusunod ng tao ang kagustuhan ng mga puso nila kesa ang takot nila. Mas madali rin daw magpa-charming kesa sa manakot. Siguro ginagawa niya 'yun palagi.
Habang tumatagal ang session namin mas lalo ko namang naa-uncover kung ano talaga ang ugali niya. Selfish, manipulative, dangerous. The thorn rather than the rose. Kailangang malaman ni Jules na hindi carnation ang bagay sa Laurice niya kundi poison ivy.
Bago matapos ang session namin, habang nakaupo kaming dalawa sa tapat ng mesa, hindi ko naiwasang maging interesado sa binuksan niyang topic.
"Alam kong tatakas ulit ang kapatid ko. Hindi na namin alam kung paano siya pipigilan," malungkot niyang sabi. Tumingin siya sa'kin at nakita kong maluha-luha na ang mga mata niya. "Ikaw lang ang pwedeng makapigil sa kanya."
"Ginawa ko na. Buo na talaga ang desisyon niya," sagot ko.
Inalala ko 'yung araw na nasigawan niya ako dahil ipinagpipilitan kong dumito na siya at huwag umalis. 'Yung galit niya habang minumura ako. Alam kong gustong-gusto—mali, kailangang-kailangan niyang makalayo ng Haegl... sa mga magulang niya.
"You can still do something," tinignan ko siya. Hinihintay ang susunod na sasabihin niya. "My brother likes you. He sacrificed his own life when he took that arrow for you. Kilala ko si Clyde. Alam kong kapag sinabi mong gusto mo rin siya—"
"Ano? Gusto mong lokohin ko siya para hindi siya umalis?" Naiinis kong tanong. Hindi ko inaasahang may isasama pa pala ang Miss Haegl na 'to.
"We want you to marry him. He's the right one for you. He's kind, he's rich, and he's a pureblooded Haeglic. Mahal ka niya. Gagawin niya ang lahat para sa'yo. Maibibigay niya lahat ng gusto mo," saad niya habang nakahawak sa magkabilang braso ko. Lahat na ata ng emosyon nasa mata na niya. Hindi ko alam kung paano ihihiwalay ang mga 'yun para mas lalo kong maintindihan.
Hindi ko pinilit si Clyde na isakripisyo ang sarili niya para sa'kin nung gabing muntik na akong mapana. Hindi ko sinabi sa kanyang gawin niya 'yun dahil sa huli may matatanggap siyang kapalit mula sa'kin. Hindi ko alam kung anong ginagawa ni Laurice pero sa tingin ko ipinapamukha niya sa'king may utang na loob ako sa kapatid niya. Hindi ko 'yun kinakalimutan pero hindi naman ata tamang gamitin niya 'yun para mapa-oo ako sa isang bagay na hindi ko kayang gawin.
Kaibigan ko si Clyde. Noon naisip kong pwede akong magkagusto sa kanya pero isa lang 'yun sa milyon-milyong what ifs na nagsu-swimming sa utak ko noon. Lalo pa ngayon na mas umigting pa ang nararamdaman ko kay Ark? Hindi ko lubos maisip na kaya kong magpakasal kay Clyde.
Mukhang nabasa ata ni Laurice ang naisip ko. Just when I thought na wala na akong ikaiinis sa kanya, sinabi niya ang isang bagay na ayaw na ayaw kong marinig.
"Hindi mo naman mapapakasalan si Ark 'di ba? Pampalipas oras niyo lang ang isa't isa. Parang kami ni Troy."
Anong karapatan niyang ikumpara 'yung kung anong meron kami ni Ark sa kanila ni Sir Troy? Kung ano man 'yung nararamdaman namin ni Ark para sa isa't isa ibang-iba 'yun sa kahit anong relasyong napasukan niya. Sigurado hindi niya 'yun maiintindihan kasi palagay ko pampalipas oras lang ang lahat para sa kanya.
"Sorry hindi ko magagawa 'yung gusto niyong ipagawa sa'kin," sabi ko pagkatapos tumayo. Kinuha ko ang bouquet ng carnation sa mesa at muling tumingin sa kanya. "At sorry ulit. Nagkamali ako. Hindi pala para sa'yo 'tong mga bulaklak," atyaka na ako umalis ng classroom.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro