Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

fifteen - golden boy

          Halos humiga na ako sa permafrost nung pagpahingain ako ni Troy. Hinahabol ko ang paghinga ko na parang ngayon lang ulit ako nakatikim ng sariwang hangin. Agad kong nilagok ang isang boteng tubig pagkaabot pa lang sa'kin 'nun ni Halvar. Dama ko rin na unti-unting nagiging yelo ang pawis na tumatagaktak mula sa buong katawan ko. Hindi ito ang una kong lesson sa Defense. Bago pa ako tumakas noon papuntang Ashwood nagkaroon na si Troy ng pagkakataong pahiyain ako't pagurin.

          Masamang-masama ang tingin ko sa Defense instructor ko habang naglalakad siya papalayo sa open ground na pinagpra-practice-an namin. Kitang-kita ko ang yabang sa bawat hakbang niya. Kung nakakapatay lang ang titig siguro kanina pa hinahangin ang mga abo niya.

          "Cari, you weakling. Cari, you stupid. Cari, you lameass, Cari, you—fucking bastard!" Pagmumura ko pagkatapos kong i-imitate ang ilan sa mga komento sa'kin ng knight kanina. Hindi ko ugaling magmura pero kung si Troy lang din naman, handa akong ubusin ang lahat ng profanities para sa kanya.

          Natawa na lang si Halvar sa pinaggagagawa ko. Hindi ko alam kung anong klaseng hangin ang dumapo sa kanya at naisipan niyang lumabas ng lungga niya at nataon pang sa training ko sa Defense. Nagtanong siya kay Troy kung pwede siyang manood at syempre gusto niyang may makakita kung gaano siya kagaling kaya agad siyang pumayag. Hindi pa sapat sa masiba niyang ego 'yung ilang knights at trainee knights na nanunood sa'min. Nasa open ground kasi kami ng Knights' Base.

          Speaking of knights, hindi pa rin nagpapakita sa'kin si Ark. Dahil nga siya ang naka-assign na magbantay sa'kin, kapag hindi niya feel o kapag ayaw niya akong makita, nakikipagpalit siya ng shift sa iba. Hindi ko rin siya maaninag sa kung saan mang sulok nitong base nila. Masakit at mahirap lalo na't mas tumindi 'yung pagka-miss ko sa kanya magmula nung pag-uusap namin pero nagpapasalamat na rin akong wala siya rito ngayon para hindi niya makita kung paano ako i-trapo ni Troy sa snow.

          "You're thinking of something else," wika ni Halvar. Napatingin ako sa kanya. Nakatingin siya sa'kin habang nakangisi. Nakaupo siya sa isang upuang gawa sa iron. Malamang siya rin ang gumawa 'nun.

          "Paano mo nasabi?" Pagkukunwari ko sabay alis ng atensyon ko sa kanya. Nagpunas ako ng pawis habang sinusubukan pa ring silaban gamit ng mga titig ko si Troy na ngayon ay nakikipagusap sa isang trainee knight.

          "Hindi ka tumitingin sa nagtuturo sa'yo. Hindi mo hinahawakang mabuti ang espada mo. Hindi ka nagfo-focus. Napanood na kita noong mag-practice. Hindi ka ganon kahina sa pinapakita mo ngayon."

          Bahagya akong napahiya sa mga sinabi ng matandang blacksmith. Alam ko kasing totoo lahat ng iyon. Alam ko ring hindi lang ang teacher ko ang may kasalanan kung bakit palagi na lang akong nadi-disarmahan. 'Yun ang mas nakakainis dun.

          "Anong iniisip mo?" Tanong niya.

          More like sinu-sino.

          Iniisip ko si Ark. Iniisip ko kung may pag-asa pa ba kaming bumalik sa dati. I mean, 'yung knightguard and queen-to-be relationship. 'Yung kahit alam namin sa sarili naming mahal pa namin ang isa't isa maayos pa rin naming naitatago 'yun. 'Yung kumbaga sa isang chemical element, stable lang 'yung feelings namin. Hindi gaya ngayon na hindi na namin kayang magsama kasi baka bigla na lang kaming sumabog at baliwalain 'yung mga bawal sa'min.

          Iniisip ko rin si Clyde, actually. Nag-aalala ako para sa kanya. Para run sa gagawin niya. Alam kong magkaiba kami ni Clyde. Pwedeng matiis niya 'yung pamilya niya pero sa huli siya rin naman 'yung lugi eh. Siya rin 'yung masasaktan at manghihinayang. Ayokong sapitin niya 'yung sinapit ko. Wala kahit sino man ang deserve maramdaman 'yung naramdaman ko.

           "Naaalala mo pa ba si Clyde?" Tanong ko.

           "Oh, the Noe boy. Anong meron sa kanya?"

            Pagkatapos kasi ng mga klase ko, kung hindi ako pagod o walang susunod na gagawin, bumibisita ako kay Halvar at nagkwekwento. Hindi lang naman si Ark ang pinupunta ko sa Knights' Base 'no.

          "Tatakas ulit siya. Aalis ulit siya ng Haegl."

          "At ayaw mo siyang umalis?"

          "Kaibigan ko siya, Halvar. Kilala ko ang mga magulang niya. Iniisip ko lang na paano kapag nangyari sa kanya 'yung nangyari sa'kin at sa... sa reyna. Ayokong sisihin niya ang sarili niya sa huli," paliwanag ko. Hindi ko binanggit 'yung iba pang dahilan kung bakit kong paalisin si Clyde. 'Yung selfish reason.

          "Kung gusto mo talaga siyang manatili, kailangan bigyan mo siya ng rason para gawin 'yun. Isang rason na hihigit pa sa kung ano mang mahahanap niya sa kung saan siya pupunta," sabi ni Halvar habang nakatingin sa mga taong nakapila sa bangko sa kabilang dako ng Haegl.

          Kung ano man 'yung rason na 'yun na mas worth it pa sa pag-explore sa buong mundo at makaalis sa Haegl, hindi ko alam kung nagi-exist 'yun. Kasi sa totoo lang, wala ng mas hihigit pa sa balak gawin ni Clyde. Lahat siguro kaya kung gawin para lang magawa 'yun.

           Gaya ng ginagawa ko kanina pa, hinanap ko ulit si Ark sa kung saan-saang parte ng base. Hindi ko alam kung paano pero automatic na lang na ganun 'yung ginagawa ko. Kunwari titingin-tingin lang ako pero hindi ko napapansing hinahanap ko na pala siya.

          "Sinasabi ko na nga ba eh. Kaya hindi ka tumitingin kay Golden Boy dahil iba ang hinahanap mo," saad ni Halvar.

          Napataas ako ng kilay sa 'Golden Boy'. 'Yun kasi ang tawag nila kay Troy rito dahil sa buhok niya. Atyaka okay sige dahil na rin sa kapogian niya. Kung hindi lang talaga siya mahangin baka nasabi ko ng isa siyang deity na bumaba sa lupa para kainggitan ng mga mortal (at Haeglics).

          "Akala ko ba titigilan niyo na?"

          "Akala ko rin eh. Kaso paano ko ba naman makakalimutan 'yun eh halos buong buhay ko kasama ko siya," natatawa kong sabi.

          Alam ni Halvar. Gaya ng lahat, nakita niya kung paano kami lumaking magkasama ni Ark. What we had was deeper than anything else. Hindi ko rin inaasahang ganun-ganun na lang namin makakalimutan 'yun. Ang sama ko nga eh. Kahit alam kong nasasaktan ko na siya't lahat-lahat gusto ko pa ring nasa tabi ko siya palagi. Gusto ko ako pa rin 'yung maging priority niya. Gusto ko ako pa rin 'yung palagi niyang pipiliin. I guess I will always be selfish when it comes to him. Afterall, he's everything to me.

          "Alam mo, wala ka namang ibang dapat sisihin sa problema niyo kundi 'yung unang-unang Vilarphe na umupo sa frozen throne. Your great, great, great grandfather."

          Natahimik ako at inisip ang pangalan ng unang Vilarphe na naging hari. Hindi ako magaling sa mga pangalan kaya lalo akong nahirapan. Alam ko dapat hindi ko 'yun kinakalimutan kasi siya ang dahilan kung bakit uupo ako sa trono five months from now pero hindi ko talaga maalala ang pangalan niya.

          Nahalata ata ni Halvar na nahihirapan ako sa pag-alala kaya laking pasasalamat ko nung siya na rin ang nagsabi.

          "King Titus Vilarphe. May gusto siyang mapangasawa noong isang Iced," pagsisimula ni Halvar. Surprisingly, mas sanay akong tinatawag na Semi. 'Yung Iced kasi parang pinagandang term lang. Pareho lang naman ang meaning. "The woman never liked your grandfather as she was in love with another man, another Iced just like her. Desperate to have the woman of his dreams, your grandfather made the rule."

          "A child brought into the world by both half-Haeglics will be banished as he or she is already considered mortal," sambit ko. Nakakatawang isipin na kabisado ko 'yung rule pero 'yung gumawa ng rule na ninuno ko eh kinalimutan ko.

          Unti-unti ko ng naaalala 'yung istorya sa likod ng rule na 'yun. One hundred or more years ago, sabay-sabay rin ang naging problema ni King Titus. Hindi siya gusto ng babaeng mahal niya. Wala siyang heir. Nagiging overpopulated na ang Haegl. 'Yung rule na ginawa niya ang parang naging bato na pumukol sa dalawang ibon ng sabay. Nakuha niya 'yung babae kasi natakot siyang mapaalis ng Haegl kasama ng magiging anak niya, at lumuwang ang Haegl. King Titus Vilarphe, born leader.

           Kung iisiping mabuti makikita mong ginawa niya lang 'yun para sa sarili niya. Nagkataon lang na nakita ng mga Haeglics noon na may sense 'yung rule. Atyaka nung mga panahon ding 'yun, hindi na kinakaya ng mga mortals na ipinanganak sa Haegl ang sobrang lamig. Lahat win-win sa walanghiyang rule na 'yun.

         "Pwede mong baguhin 'yung rule na 'yun," sabi ni Halvar. Agad akong napatingin sa kanya. Pinapakiusapan ko siya gamit ang mga tingin kong magpatuloy siya sa kung ano mang sasabihin niya. "Pwede mong baguhin lahat. Ang kaso lang, kailangan mo ring isipin kung anong magiging epekto ng mga iyon sa nasasakupan mo at hindi lang para sa'yo."

          Sinubukan kong isipin kung anong mangyayari kapag sa unang pag-upo ko pa lang sa trono eh 'yun na 'yung unang batas na binago ko—o inalis ko. Magiging malaya na ang mga Semi or Iced na katulad kong magmahal. Hindi na sila mangangambang ma-in love sa kapwa nila Semi kasi hindi na sila mapapaalis ng Haegl kasama ng magiging anak nila.

           On the other hand, Haegl will be overpopulated. Siguradong gugustuhin ding bumalik nung mga napaalis na dati. Oo, sa unang tingin baka 'yun na ang maging solusyon para hindi na ituloy ng mga naunang na-banished 'yung pag-aaklas nila pero hindi. Mas lalo lang silang magagalit kasi bakit ngayon lang? Atyaka sa tingin ko hindi rin magugustuhan ng mga Haeglics 'yun. Hindi nila gugustuhing makihati sa lugar na kanila naman talaga.

          "Cari, tama na 'yang pagi-imagine. Huwag kang lalampa-lampa't tumayo ka na dyan," rinig kong sabi ni Troy. Hindi ko namalayang nasa harapan ko na pala siya.

          Wala akong nagawa kundi sumunod sa teacher ko. Pinulot ko 'yung espada na kanina pa nasa permafrost magmula nung ma-disarmahan ako kanina. Hindi ko na napulot dahil sa sobrang inis at pagod.

          Pumwesto na si Troy sa harapan ko. Hawak ang golden sword niya, suot ng golden armor niya. Lahat sa kanya kulay ginto. Pasalamat na lang ako't hindi kami ganon nasisikatan ng araw sa Haegl dahil kung hindi matagal ng nabulag lahat ng titingin sa kanya.

          Naunang umatake si Golden Boy gamit ang espada niya. Agad ko namang hinarang 'yung atakeng 'yun gamit nung akin. Natuwa naman ako dahil ilang minuto ring tumagal 'yung page-eskrima namin bago ulit niya ako na-disarmahan. At least hindi gaya kanina na unang hawak ko pa lang dun sa hilt nung espada nasa snow na kaagad.

          Pupulutin ko na sana 'yung espada nung umatake ulit si Troy. Mabuti at agad akong nakaiwas at imbes na tumama sa likuran ko 'yung sandata ay nabaon 'yun sa nyebe. Tinignan ko siya ng masama. Dapat hahayaan niya muna akong kunin 'yung espada ko bago siya mag-charge. Ano bang iniisip niya?

        "Sa totoong laban hindi pwedeng babagal-bagal ka sa pagpulot ng sandata mo. Kung totoong laban 'to, hindi na kita bibigyan ng pagkakataong makuha pa 'yan," saad niya sabay tingin sa espada ko.

          Agad kong napatawad si Troy dahil lesson naman pala 'yung dahilan kung bakit ginago niya ako kanina. Inaamin kong hindi ko ganon ka-gusto si Troy bilang tao pero maayos naman siyang guro. Ang sabi niya hindi niya sasayangin ang mga lesson namin sa kung anu-anong advice. Twenty years old pa lang siya kaya hindi ko rin inaasahang makakapag-deliver siya ng isang makabuluhang lecture. Hands on lahat ang mga activities namin at ang kailangan ko lang gawin ay obserbahan ang mga galaw niya't matuto. Pero syempre tinuruan niya rin ako ng mga basics noon katulad ng tamang paghawak sa espada.

          Tinandaan ko 'yung sinabi niya atyaka na ulit pumwesto at hinigpitan ang hawak sa espada. Ako naman ngayon ang unang sumugod pero mabilis siyang nakaiwas. Napunta siya sa gilid ko at hindi ko pa naiaangat ang ulo ko para tignan siya, lumipad na papalayo sa kamay ko 'yung espada ko. Na-disarmahan na naman niya ako. Pina-process ko pa lang ang mga pangyayari eh nahila na niya ako sa isang headlock.

          "If you can't be strong, you've got to be smart," bulong niya sa'kin sabay higpit pa ng pag-ipit niya sa leeg ko.

          'Yung kanang kamay niya ang pumipigil sa leeg ko samantalang hawak niya pa rin sa isang kamay ang espada niya. Pinipilit kong kumalas. Inaapak-apakan ko ang mga paa niya pero parang wala lang 'yung epekto sa kanya o sa tindi ng pagkakahawak niya sa'kin. Sinuntok, kinurot, at kinalmot ko na rin 'yung forearm niyang nang-iipit sa'kin pero wala pa rin.

          "T-Tama na," pakiusap ko sa kanya habang pinipilit makasagap ng hangin. Dininig naman niya ang pakiusap ko't bumitiw.

          Pagkabitiw niya sa'kin, agad kong hinugot 'yung dagger na ibinigay sa akin noon ni Halvar mula sa strap ng boots ko. Hinawakan ko sa pulso 'yung kamay niyang nakahawak sa espada at ibinigay lahat ng makakaya ko para pigilan iyong makagalaw. Humarap ako sa kanya at ginuhitan ang kanang pingi niya gamit ang dagger ko. Naging madali ang lahat pati 'yung pagpigil ko sa kamay niya kasi hindi niya inaasahang gagawin ko ang mga iyon.

          "Shit!" Sigaw niya nang maramdaman ang nangyari sa mukha niya. Kinapa niya 'yun at tinignan ang dugo sa palad niya.

          "Someone told me I have to be smart," sabi ko sabay ngisi.

          Kung may isang bagay man akong masasabi kay Troy iyon ay mas mahal niya ang mukha niya kesa sa espada niya. Kaya hindi na ako nagulat nung makita ko ang sobra-sobrang galit sa mga mata niya nung tignan niya ako. Atyaka siya mabilis na naglakad papunta sa base. Walang kahit sinong humarang sa dadaanan niya. Lahat sila tumabi. Lahat ayaw subukan ang galit na galit na si Golden Boy.

          Panay ang tingin ko sa mga patak ng dugo sa nyebe. Hindi ko noon na-realize kung gaano kaputi at kaputla ang Haegl hanggang sa makita ko ang mga pulang tilamsik na iyon.

          Akala ko galing lang kay Troy ang mga dugo pero nung iangat ko 'yung dagger, nakita kong nagdudugo rin pala ang palad ko. Dahil sa pagmamadali kanina hindi ko namalayang hindi ako nakahawak sa hilt kundi sa blade na mismo nito.

          "Nice trick," komento ni Halvar nung makarating siya sa harapan ko. Ipinunas ko naman sa gilid ng pants ko 'yung nagdudugo kong kamay.

          "Siya naman ang may kasalanan. Siya ang nagsimula. The student is only as good as the teacher," saad ko. Hindi pa rin maalis 'yung ngisi sa labi ko.

          "Kailan mo pa naisipang isiksik 'yan sa boots mo?" Tanong ng blacksmith habang nakatingin sa dagger na siya mismo ang gumawa.

          "Simula nung mapana si Clyde. Naisip kong ang helpless ko pala kapag wala ang mga knightguards ko."

          "Well, you made me proud. You're not a soldier, Cari. You're a tactician. Good to know. Haegl will have exactly what it needs," tumango ako sa mga sinabi ni Halvar atyaka na siya bumalik sa lungga niya.

          Sa kauna-unahang pagkakataon, ngayon lang ako naging proud na magiging reyna ako. Nakakagaan ng pakiramdam isipin na unti-unti ko ng natatanggap ang kapalaran ko.

          Nagsilabasan na 'yung dalawang knightguards ko na hindi ko alam kung saan nagtago. Tinanong nila sa'kin kung may pupuntahan pa ako pero sinabi kong gusto ko ng magpahinga. Sinamahan nila ako pabalik ng Arctic Castle. Nung malapit na kami sa main entrance, napatigil 'yung mga knights sa likod ko at napatingin sa likuran nila. Syempre automatic eh napatingin din ako.

          Humahangos na dumating si Ark sa harapan namin. Nung medyo okay na ang paghinga niya, sinenyasan niya 'yung dalawang guards at sinabing okay na raw at siya na ang bahala. Umalis 'yung dalawa at naiwan kami ni Ark. Nagkatinginan kami. Parehong sinusukat ang isa't isa. Parehong iniisip kung anong pwedeng sabihin pagkatapos nung nangyari nung isang gabi.

          Nagitla ako nung lumapit si Ark sa'kin. Binuhat niya 'yung sugatan kong kamay at sinuri. Nagulat na lang ako nung pumilas siya ng tela mula sa longsleeves ko ng napaka-effortless. Maayos niya 'yung itinali sa nagdudugo kong palad. Ingat na ingat siyang hindi ma-pressure 'yung sugat at panay ang tingin niya sa'kin habang naghahanap ng sign kung nasasaktan ako o ano.

          "Hindi ko alam kung anong gagawin ko kapag wala ka," nasabi ko ng malakas. Nalaman ko lang na napalakas 'yung sabi ko 'nun nung mapatingin siya sa'kin. Akala ko kasi sa isip-isip ko lang nasabi. "I'm sorry."

          Hindi na siya sumagot. Wala na rin 'yung mga emosyong nakita ko nung nakaraang gabi sa mga mata niya. Itinuloy niya na lang 'yung paghatid sa'kin sa kwarto ko at agad ding umalis. Hindi ko alam kung magpapasalamat ba akong ganun 'yung nangyari. Kasi 'di ba nasabi kong gusto kong bumalik 'yung knightguard and queen-to-be relationship namin? Nung bumalik naman 'yun ngayon pakiramdam ko hindi pa rin ako masaya. Hindi pa rin okay.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro