Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

EPILOGUE

{ E P I L O G U E }

//Cifer’s Point of View//

“Nagustuhan mo ba rito?” 

Hindi ko alam kung paano ko sasagutin. Hindi ko kasi alam kung ano ‘yung eksaktong salita na sasabihin ko para maiparamdam at maipakita ko talagang sobrang saya ko. Para maiparating ko na talagang napakaganda ng paraiso Niya rito. Para maipaalam ang labis-labis na galak na nadarama ko. Hindi ko alam kung paano magiging perpekto sa harapan Niya. 

Hanggang ngayon nga ay hindi pa rin ako makapaniwala na makakatunton ako rito. Sa kabila ng lahat ng pinagdaanan at ginawa kong hindi kanais-nais sa paningin Niya, hindi ko pa rin talaga inaasahang tatanggapin Niya ako sa kaharian Niya. Sa napakaganda at napaka-perpektong tahanan Niya—katulad Niya. 

Bigla tuloy akong nakaramdam ng hiya. Dahil alam ko naman kung saan ako galing. Alam ko namang punong-puno ng kasalanan ang buong pagkatao ko pero tignan niyo naman! Nakaharap ko pa rin Siya! 

Teka, sino nga bang tinutukoy ko? 

Walang iba—ang kalaban ni Satan. Ang hindi kapani-paniwalang tumanggap sa akin dito sa kalangitan. Ang Diyos. 

Sobrang nakakagulat at nakakapagtaka kung bakit nandito ako ngayon at kaharap Siya—ako na isang demonyo at nagtratrabaho para kay Satan, haharap sa Diyos? Sino namang maniniwala roon? Pati nga ako e hindi pa rin makapaniwala sa kinalalagyan ko ngayon. Pilit kong kinukumbinse ang sarili kong panaginip lang ‘to kaso, hindi e! Ito nga o! Kakagising ko lang, pagkagising ko nandito na ‘ko sa paraiso Niya tapos kaharap ko na siya! Sobrang… hindi talaga ako makapaniwala e! Hindi ko alam kung bakit ako nandito, kung paano ako napunta rito! Nung huli akong magising e tandang-tanda ko pa nung dinukot ako ni Satan papalayo kay Star…

Hala! Si Star! 

Bigla akong nakaramdam ng taranta at pag-aalala dahil naaalala ko si Astarotte. Naiwan siya run ng hindi maayos! Nasaktan siya! Sigurado akong hindi pa rin maayos ang pakiramdam niya! Kamusta na kaya siya?! Sana naman maayos na siya! Sana… sana… hindi na niya maalala lahat ng nangyari kanina. Lahat ng nasaksihan niya kanina sana mabura sa isipan niya. Sigurado akong made-depress lang siya kung patuloy niya ‘yung iisipin. Sigurado ako, umiiyak siya. 

At wala man lang akong magawa… 

Iniwan ko siya! Wala man lang ako sa tabi niya! Ano ba naman Cifer! Dapat kasi nilabanan mo si Satan nun e! Dapat nilabanan mo para hindi naiwan si Star!! 

“Anak?” 

Agad akong napatingin sa Kanya nang marinig ko ang tinig Niya. 

Anak.

Tinawag niya akong anak? 

Hindi ko alam pero bigla na lang akong naiyak nang dahil sa pagtawag sa akin ng Diyos na “anak”. Napuno ng galak ang puso ko. Hindi ako makapaniwala… hindi ko lubos mawari na ako, si Cifer, isang demonyo—tatawagin Niyang anak?! 

Hindi ko talaga mapigil ang mga luha ko. Patuloy sila sa pagtulo, habang nakatingin ako sa Kanya. Hindi rin ako makapagsalita. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Natatakot akong magkamali.

“Anak, alam ko ang iniisip mo.” Wika Niya sa akin atyaka Siya ngumiti. 

Mas lalo akong naiyak. 

Kinakausap Niya ako. Nginitian Niya ako. Sobrang… sobrang nakakataba ng puso. Ang sarap sa pakiramdam. Pakiramdam ko ang gaan-gaan ng puso ko. Punong-puno ng galak. 

Sa buong buhay ko… ngayon ko lang ‘to naramdaman. Dito lang. 

“Anak.” Muli Siyang ngumiti sa akin. 

Nakatingala ako sa perpektong straktura ng mukha Niya. Hindi ko mapigilan ang sarili kong humanga at mamangha dahil sa kaharap ko Siya. Ang saya… sobrang saya. 

“A-Ama.” Bigkas ko. 

Mas lalong nagalak ang puso ko. Bagamat hindi ko alam kung tama ‘yung ginawa kong pagtawag sa Kanya ng “Ama”. Nakaramdam ako ng ibayong kapanatagan. Kumalma ‘yung pakiramdam ko. Kung kanina, nag-aalala ako kay Astarotte, ngayon parang wala akong nararamdamang pag-aalala at agam-agam. Sa tuwing ngumingiti Siya, para Niyang sinasabi na huwag akong mag-alala, na magiging maayos din ang lahat. At hindi ko alam pero sa ngiti Niyang iyon—sa isang ngiti Niya lang na iyon, kumakalma ako, naniniwala ako. 

“Matagal ko nang inasam na makasama ka rito. Sa wakas ay narito ka na’t kasama ko, anak. Kasama ko at ng mga kapatid mo.” Inilahad Niya ang kanyang palad na para bagang ipinapakita sa akin ang mga anghel na nakangiti at tahimik na nagmamasid sa amin. 

Kapatid? Sila? Anghel sila habang ako… demonyo. Paano ko sila magiging kapatid? 

“Alam kong, nagtataka ka pa rin hanggang ngayon.” Malumanay niyang sabi, “Pero maniwala ka anak ko, ikaw ay tunay na taga-rito. Ikaw ay anak ko at hindi kung sino man na ngayon ay iniisip at pinapaniwalaan mo. Anak, matagal ka na naming hinihintay rito. Alam kong iniisip mong hindi ka karapatdapat dito sa paraiso ko subalit, tignan mo, narito ka ngayon. Narito ka na.” 

“Pero paano—” 

“Hindi na importante iyon, anak. Ang mahalaga ay kapiling ka na namin ngayon. Bakit? Hindi ka ba masaya? Hindi ka ba natutuwa?” Tanong Niya sa akin. 

Masaya? 

Wala ngang mapag-sidlan ang saya ko ngayong nandito ako at kaharap Siya. Wala sigurong eksaktong salita ang makakapagsabi kung gaano ako kasaya ngayon. 

“Masaya po. Sobra-sobrang saya.” Sagot ko atyaka ako ngumiti. 

Nagulat na lamang ako nang nagkusa ang dalawang paa ko papalapit sa Kanya at ikinulong ang sarili ko sa mga bisig niya. 

Totoo nga—Ama ko nga siya. 

Dahil sa mga oras na ito, damang-dama ko ang pagmamahal ng isang tunay na Ama. Yung pakiramdam na para kang umuwi galing sa eskwelahan tapos pagkadating mo sa bahay niyo may sasalubong sa iyong isang Ama na papawi sa mga pagod at masasamang naranasan mo? Yun ‘yung pakiramdam ko ngayon. Sobrang saya, walang mapagsidlang kaligayahan. 

“Anak, maligaya ako’t nagustuhan mo itong paraiso ko—ang paraisong nilikha ko para mismo sa inyo.” Sabi Niya, “Si Astarotte—”

Agad akong napabitaw sa pagkakayakap sa kanya at itinuon ang buo kong atensyon sa susunod na sasabihin niya subalit imbes na ituloy niya ‘yung sasabihin niya, marahan lamang itong tumawa. Nagtaka ako, pero habang nakikita ko siyang tumatawa, mas lalo akong sumasaya. 

“Ano pong… tungkol kay Astarotte?” Itinanong ko. 

“Mahal na mahal mo siya.” Sambit Niya. 

Napangiti na lang ako.  Sobra kong mahal si Astarotte. Hanggang ngayon nga naiisip ko pa rin siya. Kung ayos lang siya. Kung anong nararamdaman niya. Kung nahihirapan ba siya, nasasaktan o kung anuman. Gustong-gusto ko siyang puntahan—balikan. Gustong-gusto ko siyang makita at mahagkan. Gusto bumaba papunta sa kanya, yakapin siya ng sobrang higpit at halikan ang noo niya. Gusto kong ibulong sa kanya na nasa tabi niya na ako at magkasama kaming magsisimula ulit. Gustong-gusto ko siyang makasama. Mahal na mahal ko siya. 

Pero, gustong-gusto ko rin dito sa paraiso Niya. Gustong-gusto ko rin Siyang makasama. Itong kaligayahang nararamdaman ko ngayon sa lugar na ‘to, hinihiling ko na sana hindi na matapos. Hinihiling ko na sana palagi na lang ganito. 

“Anak,” Tawag Niya sa akin, “kung bibigyan ulit kita ng pagkakataong makabalik, tatanggapin mo ba?” Tanong Niya sa akin. 

Bibigyan Niya ako ng pagkakataong makabalik? Seryoso? 

Natulala ako dahil sa sinabi Niya sa akin. Ilang minuto akong hindi nakapagsalita. Nakatingin lamang ako sa Kanya. Seryosong-seryoso nga Siya sa sinabi niya. Nakangiti Siya sa akin at talagang hinihintay Niya ang sagot ko. 

Pero ano nga bang dapat kong isagot? 

Kung babalik ako—makakasama ko ulit si Astarotte. Makakapgsimula ulit kami. Wala ng Satan, wala ng Dale, wala ng kahit ano pang hadlang. Ang tanging gagawin na lang namin ni Star ay mahalin ang isa’t isa at maging masaya. Ang sarap isipin. Mababalikan ko si Astarotte—ah! Hindi lang siya, pati ang Nanay ko, ang Tatay ko at ang bunso kong kapatid na babae, pati na rin ang mga kaibigan kong naiwan ko. Mababalikan ko silang lahat kapag um-oo ako sa tinatanong Niya sa akin. Magiging masaya ako sa lupa kasama ang mga mahal ko sa buhay. Ang kailangan ko lang gawin ay um-oo. 

Pero kung tatanggapin ko ‘yung isa pang pagkakataon na ‘yun para makabalik—iiwanan ko ‘tong paraiso na ‘to. Iiwanan ko Siya na ngayon ko lamang nakaharap at nakausap. 

Napatingin ako sa paligid, at bumalik ang tingin ko sa Kanya. 

Kung o-oo ako, iiwanan kong lahat ‘to. Iiwan ko ang Diyos. 

Biglang kumirot ang isang parte ng puso ko—para atang mahihirapan akong magdesisyon. 

“Alam ko ang iniisip mo, anak.” Paalala Nito sa akin, “Hindi mo naman Ako iiwanan ah. Hangga’t nasa puso mo ang kalangitan, at nasa puso mo ako—hinding-hindi ka mawawalay sa akin.” Ngumiti ulit Siya sa akin. 

Muling sumagi sa isip ko ang ngiti ni Astarotte—‘pag bumalik ako, masisilayan ko ulit ‘yung ngiting ‘yun. Pag bumalik ako, makakasama ko ulit siya. Mapapasaya ko ulit siya. Mamahalin ko ulit siya. Lahat-lahat, pwede naming gawin. Magpapakasal kami at bubuo ng isang masayang pamilya. Wala ng hahadlang sa amin, hindi ko na siya kailangan pang iwan dahil… hindi na ako demonyo. Magiging masaya na kami. 

Kung babalik ako. 

“Ama, gusto ko pong bumalik. Gusto ko pong balikan lahat ng naiwan ko sa lupa. Gusto ko ulit silang mapasaya. Gusto ko ulit makita ‘yung mga ngiti nila. Gusto ko po ulit mabuhay.” Wika ko. 

“Sigurado ka na ba?” Muli Niyang tanong. 

“Opo.” 

“Kahit pa… may isang pusong maiwang nasasaktan?” Napatingin ito sa likuran ko. 

Agad naman akong lumingon at nakita ko si Gelle—tahimik na nakatingin sa amin. Inaasahan ko ang ngiti niya pero mukhang Malabo dahil bakas na bakas sa pagmumukha nito ang sobrang lungkot. 

Tinulungan ako ni Gelle kanina, tinulungan niya rin si Astarotte—mahal niya pa rin si Astarotte. 

“Si Gelle ang magiting na anghel na nagligtas sa’yo sa kamay ni Satan.” Sabi Niya, “Alam mo naman kung anong nararamdaman niya para kay Astarotte hindi ba?” 

Mahal niya ‘yung babaeng mahal ko. Mahal niya pa rin. 

“Alam mo anak, kapag bumalik ka, makikita ka ulit ng mga kapatid mo mula rito. Mababantayan ka nila. Gagabayan ka nila, tutulungan ka nila. Masasaksihan nilang lahat ang mga pangyayari sa buhay mo kapag bumalik ka—makikita iyon ni Gelle.” Napayuko ako, “Ngayon anak, desidido ka na ba talagang bumalik ulit?” 

Muli akong napalingon kay Gelle. Ilang minuto kaming nagkatitigan. Binigyan niya ako ng isang ngiti pero alam kong sa likod ng ngiting iyon ay nasasaktan pa rin siya. 

At masasaktan ko ulit siya kapag bumalik ako sa lupa. Kapag nakita niya kami ni Astarotte na masaya… masasaktan lang ulit siya. 

Ang dami-daming itinulong sa akin ni Gelle noon pa lang. Kahit nung una ay karibal ang turing ko sa kanya, alam ko sa sarili ko na nakatulong siya sa akin ng malaki lalo na pagdating sa pangangalaga kay Astarotte. Nung nawala ako at nakulong sa underworld nung sinabi ko kay Astarotte na mahal ko siya—alam ko, kahit hindi sabihin ni Astarotte o ni Gelle, alam kong binantayan pa rin niya ang babaeng mahal ko. Nung dumating si Dale, binantayan pa rin niya si Star… hanggang sa ako na ‘yung tulungan niya at iligtas niya mula sa underworld. 

Paano ko nga ba mapapasalamatan si Gelle? Sa pamamagitan ng pagbalik sa lupa? Pagbalik para lang ipakita ulit sa kanya na masaya kami ni Astarotte? 

Hindi. 

Masasaktan ko lang siya. Masasaktan ko lang ang anghel na tumulong sa akin sa kabila ng pagturing ko sa kanya bilang isang “karibal”.

Tumingala ulit ako sa Kanya, “Kung… kung may isang… puso akong masasaktan—” Huminga ako ng malalim, “di bale na lang po. Hindi na po ako tutuloy. Hindi na po ako babalik.” 

Napangiti Siya at muli akong ikinulong sa Kanyang bisig. At muli, nagsilabasan ang aking mga luha. 

Paalam na talaga… Star…

//Astarotte Serafica’s Point of View//

Basang-basa na ng luha ang panyo ko pero patuloy ko pa rin ‘yung ginagamit para punasan ‘yung mga luhang ayaw papigil sa pagtulo. Sana pala nagdala pa ako ng isa pang panyo… o mas madami pa. 

Paalis na ang haring araw pero nandito pa rin ako’t nakaupo sa harap ng puntod ni Cifer. Kaninang umaga pa ako nandito. Pero pakiramdam ko, ayoko nang umalis dito. Gusto ko dito na lang ako. Kasi at least dito, kasama ko si Cifer. At least dito, hindi niya ako iiwan. 

Nagising ako suot ‘tong angel ring ni Gelle, pagkagising na pagkagising ko, dumiretso ako kaagad dito sa puntod ni Cifer. Gusto kong umasa na babalik pa siya ulit—pero mukhang malabo na. Kahapon, nakita ko kung paano dagitin ni Satan ang walang malay na si Cifer, nakita ko kung paano niya isinama ulit ang mahal ko sa underworld. At nag-aalala ako na baka ‘yun na ang kahuli-hulihang beses na masisilayan ko si Cifer. Pakiramdam ko—hindi na ulit siya babalik. 

Sigurado ako—pinapahirapan ulit siya run. 

Sht. Naiisip ko pa lang na pinapahirapan siya, umaagos na ulit ang mga luha ko. Nasasaktan ako para sa kanya—para sa amin. Dahil alam kong ‘yung “happy ending” na inaasam ko para sa aming dalawa, imposible nang mangyari pa. Noon, nakaya ko nang mabuhay ng wala siya, apat na taon ‘yung tiniis ko pero ngayon… hindi ko alam kung kaya ko ulit tiising mabuhay ng wala siya, ngayong sigurado na akong hindi na siya babalik, paano na ako? Paano ulit ako magiging masaya? Paano ko ulit itutuloy ‘tong buhay na ‘to? 

Habang nandito nga ako, naisip ko na sana hindi na lang bumalik si Cifer e—okay na kasi ako sa apat na taong ‘yun na pagkawala niya, tapos bigla siyang bumalik—umasa ulit ako na kami talaga… na may happy ending talaga kami. 

Pero ngayon… 

Ngayon wala na. Ngayon hindi na. Wala na akong aasahan pa at hindi na ako pwedeng umasa pa. Kasi alam kong hindi na siya babalik. Kasi alam kong imposible na. 

Pero kahit anong gawin ko, naiisip ko pa rin siya. Mahal na mahal ko pa rin siya. 

Ang sakit-sakit. Mas triple ngayon kesa nung iniwan niya ako noon. 

Nakatulala lang ako sa puntod niya, pinagmamasdan ang bawat letrang nakaukit sa lapida niya—nang biglang may isang puting rosas na malaglag doon. Agad kong kinuha ‘yung puting rosas na iyon at pinagmasdan. 

Sino naman kayang maghuhlog nito? Imposible namang hinangin lang? 

Lumingon ako sa likuran ko at laking gulat ko nang makita ko si Cifer—nakatayo at nakangiti. Dali-dali akong napatayo at niyakap siya. Mas lalo akong naiyak. Masaya ako pero nag-aalala pa rin ako, kasi paano kung nandito lang siya para magpaalam sa akin? Paano kung nandito lang siya para sabihing ito na ‘yung huli naming pagkikita? Paano kung nandito lang siya para sabihing kalimutan ko na siya at magsimula ulit ng panibagong buhay na wala siya? Hindi ko alam, natatakot ako. 

Mas hinigpitan ko pa ang yakap ko sa kanya. 

“Cifer, nandito ka na ulit! Hindi ka na aalis ‘di ba? Hindi mo na ako iiwan ‘di ba? Malaya na tayo ‘di ba? Cifer, please sagutin mo ‘ko ng oo!” Pakiusap ko sa kanya habang nakayakap pa rin sa kanya. 

“Star…” Malumanay niyang bigkas ng pangalan ko. 

“Hindi ka naman nandito para magpaalam sa akin ‘di ba?” 

Ilang minuto siyang hindi sumagot—alam ko na ang ibig sabihin nun. 

Niyakap ko pa siya ng mas mahigpit, umaasa na sana nang dahil sa yakap na ‘yun, makumbinse ko siyang huwag nang umalis at huwag na akong iwanan. Umiiyak pa rin ako, at sa tingin ko basang-basa na rin ‘yung tela ng damit ni Cifer dahil sa mga luha ko. 

“C-Cifer!” Sambit ko. 

Naramdaman ko ang paghinga nito ng malalim, “Mahal na mahal kita.” 

“Kung mahal mo ‘ko, hindi mo ‘ko iiwanan.” Wika ko. 

“Sino bang nagsabing iiwanan kita?” 

Dali-dali akong napabitaw sa pagkakayakap sa kanya, nanlaki ang mga mata ko habang nakatitig sa kanya na ngayon ay tahimik lang at nakangiti sa akin. 

“Hindi… hindi mo ako iiwan? Hindi ka na aalis?” 

Ngumiti lang ulit ito sa akin, hinila ako at niyakap. 

“Hindi Star, hindi na.” 

Napaiyak muli ako at napangiti dahil sa sinabi niya. 

Hindi na siya aalis! Hindi na niya ako iiwan! Magkakasama na kami! Magkakasama na kami ng matagal!

“Panaginip lang  ba ‘to, Cifer? Hindi ka na aalis?” 

“Bakit? Gusto mong maging panaginip?” Tanong nito sa akin. 

“Kung panaginip nga lang ‘to, pakisabi naman sa mga yaya ko, kay Daddy at kay Farrah na huwag na akong gisingin. Huwag na kahit kailan pa.” Sabi ko habang umiiyak pa rin. 

Napatawa si Cifer ng mahina at sumunod na rin ako. 

“Mahal kita Star, mahal na mahal.” 

“Mahal kita Cifer, mahal na mahal.” 

Dahan-dahang kumalas si Cifer sa pagkakayakap sa akin at may hinugot sa bulsa nito. Ilang sandali pa ay kinuha niya ‘yung kanang kamay ko at sinuotan ‘yun ng singsing na may isang maliit na star na may magkabilang pakpak.

“Star na may pakpak?” Tanong ko sa kanya habang nakatingin dun sa singsing. 

“Ikaw ‘yung star, ako naman… ito.” Sabay turo niya sa pakpak nung star. 

Teka, pakpak? Bakit naman siya naging pakpak? Paano ‘yun? E devil siya? 

Napakunot noo ako pero ngumiti lang ito sa akin tyaka ako hinalikan sa noo. Napapikit na lang ako at hindi na siya tinanong pa tungkol dun sa singsing na binigay niya sa akin. 

Hindi naman ‘yung ibig sabihin nun ang mahalaga ‘di ba? As long as si Cifer ang nagbigay. As long as binigay niya ‘yun dahil mahal niya ako—masaya na ako. Wala na akong isasaya pa :)

//Cifer’s Point of View//

Dahan-dahan kong isinandal ‘yung ulo ni Star sa balikat ko. Kanina pa hindi mawala-wala ‘yung ngiti na nasa labi ko simula nang pumasok ako rito sa simbahan. Sobrang saya ko, hindi maipaliwang ‘yung sayang nararamdaman ko—parang ‘yung saya ko lang nung nasa langit ako kani-kanina lang. 

Nakangiti pa rin akong nakatingin sa imahen Jesus na nakapako dun sa altar nitong simbahan. Habang buhay kong tatanawing utang na loob ‘tong pagkakataong ito sa Kanya. 

Well, siguro nagtataka pa kayo kung bakit tuwang-tuwa ako. Simple lang naman…

Nakabalik na kasi ako. Tao na ulit :)

Kanina nung nasa langit ako, tinanong ng Panginoon kung gusto ko pa rin bumalik kahit masasaktan si Gelle, umayaw na lang ako—pero hindi ko alam na pagsubok lang pala ‘yun. Natawa nga ako e, kasi ang buong akala ko tuluyan na akong mawawalay kay Star nang hindi man lang nagpapaalam tapos bigla akong niyakap ng Panginoon at ibinulong na…

“Anak, karapat-dapat ka nga rito. Inuuna mo ‘yung mararamdaman ng iba kaysa sa pansarili mong kaligayahan. Nararapat ka ngang mabigyan ng isa pang pagkakataon.”

Nung una, naguluhan pa ako. Pero bigla na lang akong nahulog mula run at bumagsak dito sa harap ng simbahan. Atyaka ko nakita si Star na mahimbing na natutulog. 

Buti na lang kakatapos lang nung misa nung nakatulog siya, kundi lagot siya at tinulugan niya ‘yung pari. Tsk tsk. 

“Di ka na aalis… salamat…” Agad akong napatingin kay Star, akala ko kasi gising na siya, ‘yun pala mukhang nananaginip lang. 

Nangiti ulit ako. 

Sigurado akong ako ang napapanaginipan ni Star ngayon. Siguro, napanaginipan niya na ‘yung surprise ko sa kanya. Haaay… ibang klase ka talaga Star, sobra kang espesyal. Espesyal ka kasi mahal kita. 

Dahan-dahan kong ini-angat ang kanang kamay ni Star at isinuot sa kanya ang supresa ko. Isang singsing na star na may dalawang pakpak. 

“Star, gising na. Sigurado ako, kung ano man ‘yang napapanaginipan mo ngayon, mas masaya kapag dumilat ka ngayon. Star, gising na. Nandito na ako. Hindi na kita iiwanan.” Wika ko sa kanya. 

Haaay… Star! Tulog mantika! Tsk tsk, mukhang ang saya-saya ata ng panaginip niya ah? Hmmm, kailangan matalbugan ko ‘yung panaginip niya! Dapat mas maging masaya siya kapag dumilat siya maya-maya. 

Hmmmm… ano bang pwede kong gawin? 

Habang nag-iisip ako, naaagaw ng isang naglalakad na pari ‘yung atensyon ko. Galing ata siya run sa likod e. Teka, nakatingin siya sa amin ni Star! 

Bigla iyong ngumiti sa akin—sinuklian ko naman siya ng ngiti tyaka pinanood niya ulit kami. 

Hmmm, alam ko na! Alam ko na kung anong tatalo sa panaginip ni Star!

Muli kong hinugot ‘yung singsing na isinuot ko sa kanya. Mamaya ko na lang isusuot sa kanya kapag sumagot na siya ng “Yes”. 

“Star, uyy, matagal ka pa ba dyan sa panaginip mo? Gising na uy! Nagseselos na ‘ko dyan sa Cifer na nasa panaginip mo ha! Uyy!” Hindi pa rin siya nagising. May luhang tumulo sa pisngi niya, agad ko ‘yung pinunasan gamit ang daliri ko, “Haay Star, heaven, hell or earth—lahat ‘yan napuntahan ko na, pero ikaw pa rin ‘yung mahal ko. Angel, devil, human—lahat ‘yan naranasan ko nang maging, pero ikaw pa rin ‘yung mahal ko. Ano nga kayang meron sa’yo ‘no? Binasted mo na nga ako noon, sinungitan, pinagpalit pero still, ikaw pa rin e. Swerte mo naman masyado, ang gwapo ng nagmamahal sa’yo e. Kaya sana, magising ka na. Excited na akong makita ‘yung ngiti mo e…” 

Patuloy pa rin ako sa pagkausap kay Star kahit mahimbing pa rin ‘yung tulog niya. Daldal lang ako ng daldal, kung anu-ano ang kinu-kwento ko. 

Kahit hindi naririnig ni Star—ayus lang, hihintayin ko na lang siyang magising. 

“Cifer…” Nagsasalita pa rin si Star habang tulog. Ang tindi!

“Star…” Sambit ko habang nakangiti. 

Hinalikan ko ang noo  niya atyaka ako pumikit. Ayaw magising ni Star e, e ‘di sasamahan ko na lang siya sa panaginip niya. 

END.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro

Tags: