[11] Please Don't
[11] Please Don’t
//Cifer Capulet’s Point of View//
Lahat ng bagay na makita ko sinisira ko. Lahat ng bagay na makita’t mahawakan ko tinatapon ko. Sinusunog ko. Putanginang sakit ‘to! Hindi ko na alam kung anong dapat kong gawin para hindi na ulit sumakit ‘yung puso ko. Para hindi ko na ulit maramdamang nalulungkot ako. Hindi ko na alam kung anong dapat kong gawin para makalimutan kong iniwan ako ng babaeng pinakamamahal ko.
Lintek na sakit ‘to! Lintek na pag-ibig! Lintek na Dale!
Si Dale lang naman ang dapat sisihin kung bakit nangyari sa akin ‘to hindi ba? Kung bakit humantong sa ganito ang relasyon namin ni Astarotte. Kung bakit ako nasasaktan. Kung bakit ako umiiyak. Kung bakit duguan ang puso ko. Si Dale lang. Ang putanginang si Dale.
Pumunta ako sa underworld. Hindi pa rin tumitigil ang mga mata ko sa pag-iyak. Nagtataka nga ako e. Bakit kaya nagagawa ko pang lumuha samantalang isa na akong ganap na demonyo. Grabe. Iba talaga ang nagagawa ng lintek na pag-ibig na ‘yan.
Naupo ako sa sofa at pinahid ang mga luha ko. Hindi bagay sa isang demonyo ang umiyak. Hindi bagay sa akin ang magmukmok at masaktan.
Dahil demonyo ako, at ako dapat ang nananakit at hindi dapat nasasaktan.
Pero simula nang magbalik ang mga alaala ng pagmamahal ko kay Astarotte, nakalimutan ko ang lahat ng iyon. Nakalimutan kong demonyo ako. Nakalimutan kong ako dapat ang nanakit. Nakalimutan kong hindi dapat ako nagpapaapekto sa nararamdaman ng iba.
Bakit nga ba bumalik ang mga alaalang ‘yun?! Hindi naman sa pinagsisisihan ko pero… naisip ko rin, ano kayang naging kinalabasan kung hindi ko naalalang mahal ko si Astarotte? Siguro, kasama ko na rin siya sa underworld ngayon. Siguro sabay na kaming nanunundo ng kung sino-sino at ipinupunta sila rito.
Pero hindi. Iba ang nangyari –nandito ako ngayon, nasasaktan.
“Sabi ko naman sa’yo. Simula pa lang binalaan na kita.” Biglang sabi ni Bossing sabay baba sa hagdan.
Tignan ko lang siya ng matalim. Punong-puno pa rin ng galit ang puso ko. Punong-puno pa rin ng sakit. Wala akong ibang magawa kundi manahimik na lang sa isang tabi at isiping hindi ko dapat nararamdaman ‘to. Hindi dapat dahil demonyo ako.
“Ano? Magmumukmok ka na lang dyan? Wala kang gagawin?” Tanong ni Bossing sa akin.
“Anong gusto mong gawin ko?” Naiinis kong tanong.
“Alam mo na. Pinaparusahan ang mga dapat parusahan. Pinapahirapan ang mga dapat pahirapan.” Cool niyang sabi.
Parusahan ang dapat parusahan? Pahirapan ang dapat pahirapan?
Unang tumatak sa isip ko ang pangalan ni Dale.
Tama! Siya nga! Siya lang naman ang dahilan ng paghihirap ko ‘di ba? Siya lang naman ang walang kwentang lalakeng umaagaw sa babaeng mahal ko.
Siya lang naman dapat ang parusahan at pahirapan.
Tumayo ako mula sa sofa.
“Humanda sa akin ‘yang Dale na ‘yan. Ipapatikim ko sa kanya kung gaano kasarap ang impyerno.” Wika ko habang nakakuyom ang dalawa kong kamao.
Narinig ko ang malakas na paghalakhak ni Satanas. Pero hindi ko ‘yun inalintana. Mas higit kong pinagtuunan ng pansin ang puot at galit na nasa puso ko nang dahil sa Dale na ‘yun. Nang dahil sa pagiging mahina niya.
//Astarotte Serafica’s Point of View//
Hindi ko na nasundo si Dale sa airport. Masyadong masakit ‘yung puso ko para humarap sa kanya. Hindi ko pa kaya. Hindi pa rin kasi tumitigil ‘yung mata ko sa kakaiyak. Andito lang ako sa kama. Nakahiga’t balot na balot ng kumot habang patuloy pa rin sa paghikbi. Hindi pa rin ako kumakain. Wala akong gana. Sino ba namang magkakaron pa ng gana sa mga iba’t ibang bagay matapos mahiwalay sa taong pinakamamahal nito?
Hindi ko alam pero ang sakit-sakit pa rin. Ang hirap-hirap pa ring tanggapin. Hinihiling ko pa rin na sana… sana namatay na lang ako. Sana nawala na lang ako kesa sa ‘yung relasyon namin ni Cifer ‘yung nawala.
Ine-expect ko nga na hahabulin ako ni Cifer eh. Ine-expect ko na magmamakaawa siya. Muntik ko nang makalimutan –ako ang nakipaghiwalay. Ako ang bumitaw. Ako ang nang-iwan. Hindi ako karapat-dapat habulin.
Pero ang sakit-sakit eh. Mahal na mahal ko talaga si Cifer! Sobra ko siyang mahal! At hindi ko na alam kung ano pang dapat kong gawin para bumalik ako sa normal. Para mawala ‘tong sakit na nararamdaman ko.
Bakit kasi… bakit kasi ngayon lang siya dumating kung kailan may Dale na?
“Star…”
Oh my gosh. Tama ba ‘tong narinig ko? Tama ba ‘tong biglaang paglukso ng puso ko nang narinig ko ang boses na ‘yun? Tama bang… si Cifer ‘yun?
Bakit siya nandito?
Humarap ako kung nasaan siya. At tama, si Cifer nga. Si Cifer nga ang nasa harapan ko.
Panandaliang sumaya ang puso ko nang makita ko siya pero bigla kong naalalang wala na pala kami –hindi na pala pwedeng maging kami. Gustuhin ko man siyang yapusin at halikan –hindi ko magawa. Hindi ko pwedeng gawin.
Pinunasan ko ang luha ko gamit ang kamay ko, “A-Anong ginawa mo rito?” Tanong ko sa kanya.
“Hindi na ba talaga magbabago ang desisyon mo?” Tanong nito sa akin.
Sa unang tingin, parang walang nagbago kay Cifer. Parang wala lang sa kanya ang lahat ng nangyari sa pagitan namin. Pero kung titignan mo siya ng malapitan, kung susuriin mo ang mga mata niya –makikita mo ang sakit, makikita mo ang galit. Makikita mo lahat-lahat.
Kaya eto na naman ako, nagagalit na naman ako sa sarili ko dahil ako na naman ang dahilan ng paghihirap ni Cifer. Hindi siya dapat naghihirap nang dahil sa akin. Hindi siya dapat nasasaktan nang dahil sa akin. Hindi niya ako deserve.
Gusto ko mang bawiin ang nauna kong desisyon tungkol sa pakikipaghiwalay sa kanya –hindi na pwede. Nasabi ko na ang dapat kong sabihin, nagawa ko na ang dapat kong gawin. Lahat ng ‘yun, para sa ikabubuti naming lahat. Para mas kaunti ang masaktan. Para mas kaunti ang maghirap.
“Wala nang makakapagpabago ng desisyon ko Cifer.” Sagot ko sa kanya.
Matagal-tagal na rin simula nang matigil ako sa pagiging ‘bitch’ pero inaamin ko, nakakamiss. Lalo na kapag naiisip ko’t naaalala ‘yung mga panahon na kasama ko si Cifer habang nakikipagbasag-ulo ako gamit ang katarayan ko.
“Kahit ba… ito?”
Bigla niya akong hinatak at hinalikan. Ibinigay niya sa akin ang isang halik na animo’y kinokumbinse akong bumalik sa kanya. Kinokumbinse akong magbago ng isip at ng desisyon. Isang halik na lumunod sa lahat ng nararamdaman ko. Isang halik na nagpaalala sa akin ng lahat ng kasiyahan. Isang halik na puro matatamis at masasayang alaala lang ang ibinalik sa akin.
No doubt. I really love this man in front of me.
Nalunod ako sa halik niya. Nakalimutan kong –hindi na pala pwede.
Agad ko siyang naitulak.
“Ayoko na.” Sabi ko habang humihikbi.
“Mahal kita. Mahal na mahal… huwag namang ganito Star. Huwag naman…” Pakiusap niya sa akin habang hawak ang dalawang kamay ko.
Iniiwasan ko ang magtama ang mga mata naming dalawa. Hindi ko kasi kayang makita ang sakit at galit na nakasalamin sa mga matang iyon. Mas lalo lang bibigat ang loob ko. Mas lalo lang akong masasaktan.
“Umalis ka na. Ayoko na. Nagdesisyon na ako. Hindi na magbabago ‘yun. Kaya parang awa mo na Cifer. Umalis ka na.” Pakiusap ko sa kanya.
“Tumingin ka muna sa’kin at sabihin mong hindi mo na ‘ko mahal.”
Tumingin ako sa kanya, “Mahal kita Cifer. Mahal na mahal pa rin kita. Habang buhay na ‘yun. Pero huwag mo naman akong pahirapan ng ganito. Dahil kung sa tingin mo ikaw lang ang nasasaktan dito, pwes nagkakamali ka. Kung meron mang mas higit na nasasaktan sa atin dito, ako ‘yun. Akala mo ba madali para sa akin ‘yung naging desisyon ko? Akala mo ba madali sa aking palayain ‘yung taong mahal ko? Yung taong nagbibigay sa akin ng saya’t lakas? Cifer hindi eh! Pero kailangan ko! Kasi may mas higit na nangangailangan ng pagmamahal ko!”
Hindi ko na ulit napigilan ang mga luha ko. I’m sorry Cifer pero hindi ko na kayang magtapang-tapangan dahil ang totoo –sirang-sira na ako sa loob. Sirang-sira na ‘yung puso ko. Sirang-sira na.
“At anong gusto mo? Ako maging malungkot? Maging miserable habang ‘yang Dale na ‘yan nagpapakasaya sa’yo?! Ganun ba ha Astarotte?!” Sigaw niya.
“Wala akong sinabing ganon Cifer. Pero may sakit si Dale! Ilang beses ko bang dapat sabihin sa’yong kailangan niya ako?!”
“Kailangan ka niya pero mas kailangan kita!” Pagpupumilit niya.
“Mali ka Cifer. Hindi mo ako kailangan. Patay ka na –habang si Dale? Sa akin nakasalalay ‘yung buhay niya! Mamatay siya ng wala ako!!”
Napangisi siya ng mapait, “Eh ‘di paagahin na lang natin ‘yung kamatayan niya para hindi ka na makipaghiwalay sa akin.”
Bigla na lang siyang tumalikod. Agad kong hinila ang kamay niya. Masama ang kutob ko sa sinabi ni Cifer. Lalong-lalo na sa nakikita ko sa mga mata niya.
Purong galit at puot. Tinutupok siya ng galit at puot.
“Bakit? Nagbago na ang isip mo?”
“Parang awa mo na Cifer,” Pakiusap ko sa kanya, “huwag naman si Dale. Huwag mo na siyang idamay dito. Layuan mo na lang ako. Kalimutan mo na lang ako. Huwag mo na lang pakialaman si Dale. Please… don’t…”
“Mahal kita Astarotte –sa tingin mo makakalimutan ko kaagad ‘yun lahat? Sa tingin mo basta-basta na lang ako uupo sa sulok? Hindi! Kasi devil ako Astarotte! Devil na nagmahal sa’yo ng sobra! Devil na kayang gumawa ng masama para lang makasama ka! Akala ko… naiintindihan mo na. Mali pala ako.”
Bigla na lang siyang nawala ng parang bula sa harapan ko, sa kwarto ko… sa buhay ko.
Ganito na lang ba matatapos ang lahat Cifer?
Sa bagay, hindi ko naman aasahang magiging maayos eh.
Gaya nga ng sinabi mo, mahal mo ‘ko at hindi madaling kalimutan ang lahat –ganun ‘din ako Cifer. Ganun din ako…
//Cifer Capulet’s Point of View//
Hindi naman mahirap pumatay ng tao ‘di ba? Ilang beses ko naman nang nagawa ‘yun. Hindi na bago sa akin. Hindi na mahirap.
Ayokong mawala si Star sa buhay ko kaya ko ‘to gagawin. Lahat ng ‘to para kay Star –para sa amin ni Star.
Oo makasarili ako, devil nga eh. Pero huwag niyo naman sanang kalimutang nagmamahal din ako kaya ko ‘to gagawin.
Naglakad ako papalayo sa bahay nila Star. Papunta sa kung nasaan man si Dale nang biglang may sumalubong sa aking babae.
May pulang buhok siya –seksi. Teka… mukhang pamilyar ah! Huwag niyong sabihing…
“Huwag mo nang ituloy ang balak mo Cifer, hindi kita hahayaan.”
Si Ava!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro