Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

9. Chesie


Mabilis na kumubli si Sarah nang makita sa nursery si Harmon. Karga nito si Chesie. At ang bata ay mukhang nagpapa-cute sa ginagawang pakikipaglaro dito ni Harmon.

Natutuwa siya sa pagmamahal na iniuukol ni Harmon kay Chesie. Nang makabalik sila mula sa kanilang honeymoon ay ipinaasikaso kaagad nito ang adoption sa bata. Na mabilis na naigawad dito dahil nga siya ang nakalagay na ina ng bata sa birth certificate. At dahil din kasal na sila ni Harmon.

Ipinagawa nitong nursery ang isa sa mga silid sa itaas. Doon na ang naging silid nina Chesie at Ging.

Maingat siyang umatras at bumalik sa pinagtataguan niya ng kanyang camera. Ikinasa niya ang flash niyon at maingat pa ring bumalik sa nursery.

Pigil ang hininga niya habang nakasilip sa viewfinder at naka-focus sa mag-ama. At bago pa siya mapuna ng mga ito ay pinindot na niya ang buton ng camera.

Gulat na napaangat ng tingin sa kanya si Harmon. “Hey, what was that for? Bakit mo kami kinunan ng picture?”

“Wala lang,” nakangiting sagot niya at lumapit na sa mga ito. Kumapit siya sa balikat ni Harmon at hinalik-halikan niya ang bata.

“Wala lang? May film ba 'yan o wala?” Halatang nagdududa ito na baka binibiro na naman niya.

“May film po ito.”

“Bakit mo nga kami kinunan?”

“Ang ganda-ganda kasi ng ayos n’yong mag-ama. My heart told me it was a perfect sight so I took a shot.”

Tinitigan siya nito. Lately ilang beses na niyang napapansin na tinitingnan siya nang ganoon ni Harmon. Iyong tingin na tila may kung anong nababasa ito sa mukha niya.

Inihilamos niya ang isang palad sa mukha nito. “Parang gusto ko nang matunaw niyan, ah,” aniyang idinaan sa tawa ang pagkailang.

“Come closer,” utos nito na medyo sumeryoso.

“Bakit?”

“Wala lang,” panggagaya nito sa sagot niya kanina.

Sumunod naman siya. Nagpapakuwelang iniyakap pa niya ang isang bisig sa likod nito at mapanuksong tumingala sa mukha nito.

Hindi siya nabigo. Ginawaran siya nito ng isang matamis at masuyong halik na halos ikapugto ng kanyang hininga.

Kung hindi pa umingit si Chesie ay hindi pa sila hihinto.

Naging napakaligaya ng mga sumunod na araw para kay Sarah. At alam niya, kung indikasyon ang madalas na paglalambing sa kanya ni Harmon, ay masaya rin ito sa piling nila ni Chesie.

Salamat po, Diyos ko. Mukhang natututuhan na akong mahalin ng asawa ko.

“NAKITA ko uli siya, Sarah. Dumaan sa pharmacy kanina,” ani Lindy. Tinawagan siya nito bago pa man siya makapasok sa eskuwelahan.

“Sino?”

“Si élan Buenviaje. May kasama siyang isang lalaking mestisuhin. Jaguar pa nga ang kotseng sinakyan nila. Alam mo, talagang magkamukha kayo.”

“Nagkataon lang 'yon, Lindy. Talaga naman na may mga taong magkakamukha kahit hindi magkaanu-ano.”

“Pero hindi katulad ng pagkakamukha ninyong dalawa ni élan. At noong kasal mo, tinitingnan ko ang mga kapatid mo, pati na rin ang mukha ng papa mo. Talagang wala akong makitang similarity mo sa kanila.”
“Lindy—”

“Hindi naman ako sa nang-iintriga, Sarah. Pero mabuti na rin ang nakasisiguro, 'di ba? Bakit hindi mo tanungin ang papa mo? Pati nga ang mga ate at kuya mo, parang ang lalayo ng loob sa iyo. Hindi ka ba nagtataka doon?” 

Nagtataka nga siya. Pero lihim lang ang pagtataka niya. Itinatago lang niya sa kanyang sarili. Noon pa. Dahil mula nang mamatay ang kanyang ina parang nawalan na rin ng taong tunay na nagmamahal sa kanya.

Sumaya lang siya mula nang maalagaan niya ang kanyang Lola Maring. Dahil kahit sakitin ito ay malaya namang nagpapadama ng pagmamahal sa kanya. Ito lang noon ang tanging kamag-anak na nagbibigay ng pag-asa sa kanya na isa siyang tunay na Posadas.

Nang mamatay na ito ay lumulutang na naman ang dating nakatago lang na pagdududa sa likod ng kanyang utak. Talaga nga bang tunay siyang Posadas?

Pagdating niya sa bahay ay may nadatnan siyang isang bungkos ng red tulips. Ayon kay Ging ay dinala raw iyon ng delivery boy noong hapong iyon.

Nangunot ang noo niya. Kalat na sa school nila na nag-asawa na siya. Ano’t pinadadalhan pa siya ni Pal ng mga bulaklak?

Binasa niya ang nakalagay sa card. I may not be perfect, but my heart values you the best way it knows how.

Pakiramdam niya, hindi tamang manatili ang ganoong bagay sa bahay nila ni Harmon gaano pa man kaganda iyon. Ganoon niya pinahahalagahan ang karangalan ng asawa. Kibit-balikat na inilagay na lang niya ang mga bulaklak sa trashcan.

“Parang malungkot ka,” puna ni Harmon nang matutulog na sila nang gabing iyon. “May problema ka ba?”

“Wala.”

“May nangyari ba sa school?”

Nginitian niya ito, kinuha ang isang palad nito at dinala sa dibdib niya. “Wala. I’m okay.”

Natuon ang tingin niya sa malaking mounted picture nito at ni Chesie. Iyong larawan na kinunan niya nang minsang naglalaro ang kanyang mag-ama. Naisip tuloy niyang bigla, sa paglaki ni Chesie, sakali man na ipaalam nila sa bata ang tunay na identity nito, hinding-hindi nila ipararamdam dito na ampon lang ito.

Bumalik ang tingin niya sa asawa nang magsalita ito.

“Kung ang inaalala mo ay iyong maiiwan natin si Chesie kapag itinuloy natin ang trip sa Paris, don’t worry about it. Isasama na lang natin siya.” Nangako ito ng extended honeymoon trip nila sa Paris sa summer break. Iiwan muna raw nila si Chesie sa mama nito.

“Hindi, wala namang problema roon, eh. Okay lang sa akin na maiwan siya kay Mama.”

Hindi na ito umimik ngunit alam niyang patuloy itong nakikiramdam sa kanya. Minabuti niyang sabihin na lang dito ang gumugulo sa isip niya.

“Daddy?”

Tumagilid ito ng pagkakahiga at humarap sa kanya. “Yes, Mommy?”

“May sasabihin ako sa iyo.”

Saglit na dumaan ang tila takot sa mukha nito bago iyon pumatag. Ipinagtaka niya iyon ngunit nagtanong na ito kaya nawala na sa loob niya. “Tungkol saan?”

Ikinuwento niya rito ang babaeng nakita nila ni Lindy sa bangko. Pati ang mga pagdududa tungkol sa kanyang pinagmulang pamilya na dati ay kinikimkim lamg niya ay isiniwalat niya rito.

“Isa lang ang puwede nating gawin para mapanatag ka,” anito pagkatapos niyang magkuwento.

“Ano?”

“Mag-imbestiga tayo. Kung kinakailangang mag-hire tayo ng private eye para mapadali ang lahat, gawin natin.”

“Paano kung mapatunayan natin na ampon nga lang ako nina Papa?”

“Well, wala ka namang magagawa roon kundi ang tanggapin ang totoo.”

“Hindi mo ako ikakahiya? You won’t look less of me?”

Natawa ito sa pangamba niya. “You belong to me, Mommy. Kung walang pamilyang aangkin sa iyo, ako, inaangkin kong akin ka. You have a home in me. And it will stay that way until you choose otherwise.”

Isinubsob niya ang mukha sa dibdib nito. Nangunyapit siya sa seguridad ng mga sinabi nito. At ang mahigpit na yakap nito ay sapat na upang mapuno siya ng assurance.

NAGTITIMPLA si Sarah ng gatas ni Chesie nang lapitan siya ni Harmon isang umaga.

“Mommy, may naghahanap sa iyo sa labas.”

“Sino raw?”

“Hindi ko kilala. Bata.”

“Sinabi ba kung bakit?”

“Hindi. Basta gusto ka raw makausap. Importante raw.”

Ibinigay niya kay Ging ang feeding bottle ni Chesie at magkasunod na silang lumabas ni Harmon.

Isang bata na marahil ay sampung taong gulang ang nalabasan nila. Hindi niya ito kilala at noon lang niya nakita.

“Kayo po ba si Ate Sarah?” tanong nito.

“Ako nga. Bakit mo ako hinahanap? Sino ka ba?”

“Pinapunta po ako rito ni Ate Ruffie.”

Napatingin siya kay Harmon. Mikhang naramdaman nito na bigla siyang kinabahan kaya inakbayan agad siya.

Binalingan uli niya ang bata. “Ano’ng nangyari kay Ate Ruffie? Nasaan siya?”

“Gusto raw po niya kayong makausap. Kung puwede daw po, isama ninyo si Chesie.” 

“Nasaan ba siya?” ulit niya.

“Sasamahan ko po kayo sa kanya.”

May pangamba na napatingin siya kay Harmon.

“I’ll go with you,” sabi nito.

Gamit ang kotse ni Harmon ay isinama nga nila si Chesie pati na rin ang batang lalaki. Ito ang nagdala sa kanila sa kinaroroonan ng kanyang pinsan na malupit lang pala roon.

Nagtaka sila dahil sa halip na bahay ay isang tila klinika ang lugar na itinuro ng bata. Shiloh Shelter ang nakalagay sa signage ng two-storey building. 

“Bakit dito?” aniya. “May sakit ba siya?”

Tiningnan lang siya ng bata at nagpauna na ito papasok sa klinika.

Isang silid ang binuksan nito at tumambad sa paningin nila ang isang maluwang na silid. Apat ang kama roon at bawat isa ay may nakahiga. Base sa ayos ng mga iyon ay pare-parehong may mga sakit.

Ang nasa dulong kama malapit sa bintana ang tinungo ng bata. Halos hindi na niya makilala ang anyo ng nakahigang pinsan. Lalo itong namayat at naging maputla. Lalong dumami ang pasa sa balat nito.

Sakmal ng habag, mabilis siyang napalapit sa tabi nito.

“Chesie,” nakangiti at tila sabik na tawag nito sa batang karga ni Harmon.

Ibinigay ni Harmon ang bata sa kanya. Inilapit naman niya ito sa nakahigang pinsan.

“Chesie...” nangingilid ang mga luhang sambit nito. Umabot ang isang yayat na kamay nito sa mukha ng bata. Dumama at humamplos iyon doon. “Salamat, Sarah,” anito kapagkuwan.

Ipinakilala niya ito kay Harmon. Sinabi niya kay Ate Ruffie na ang kanyang asawa na ang kumukupkop sa kanila ni Chesie.

“Ate Ruffie, ano ba talaga ang problema? Bakit nandito ka? Bakit may mga pasa ka pa rin at mas dumami pa?”

“Hindi totoong binugbog ako ng asawa ko tulad ng sinabi ko noon sa iyo, Sarah. Ayoko kasing mamroblema ka pa kapag sinabi ko sa iyo ang tungkol sa sakit ko. Leukemia ang sakit ko. Natuklasan kniS iyon pagkapanganak ko kay Chesie.”

Nagulat siya sa sinabi nito. Hindi man lang siya nagkahinala noon na may malalang sakit ito.

“Hindi iyon alam ng asawa ko. Pero totoong anak ko si Chesie sa ibang lalaki.” Sandaling huminto ito na tila hirap nang magpatuloy sa pagsasalita. Nagkatinginan silang mag-asawa. Pinisil ni Harmon ang balikat niya.

“Ate Ruffie, dadalhin ka namin sa ospital.”

Iniharang nito ang isang palad sa sinasabi niya. “Huwag na. Malala na ang sakit ko. Mahihirapan lang lalo ang katawan ko. Tanggap ko naman na ang mangyayari sa akin.”

“Bakit hindi ka na lang bumalik sa inyo? Patatawarin ka naman siguro ni Tito Arman—”

Sunud-sunod ang iling na ginawa ng pinsan niya pagkarinig sa pangalan ng ama nito. “Ipinasundo lang kita dahil gusto kong makita si Chesie kahit sa huling pagkakataon.” Tumingin ito kay Harmon. “Mahalin sana ninyo si Chesie na parang tunay ninyong anak.”

“Makakaasa ka,” sagot ng asawa niya. “Mahal na mahal namin si Chesie kaya wala kang dapat ipag-alala.”

“Salamat. Gusto ko ding makatiyak na hindi ko naisalin sa bata ang sakit ko. Ipasuri ninyo siya, Sarah. Kailangang makatiyak tayo na hindi niya dadanasin ang nangyayari sa akin ngayon.”

May takot na namahay kaagad sa dibdib ni Sarah pagkarinig sa sinabi ng kanyang pinsan. Alam niyang nasa bone marrow transplant lang ang kagalingan ng isang may leukemia. At walang kapatid si Chesie para maging donor kung sakali.

Mawawala rin ba ang bata sa kanila?

Nalaman nilang isang nongovernment organization ang nangangasiwa ng shelter na kinaroroonan ng kanyang pinsan. Ang shelter na iyon ang pinupuntahan ng mga taong may terminal illness at walang pamilyang kukupkop. Mas minabuti pang magpakupkop doon ng kanyang pinsan kaysa ang bumalik sa mga magulang nito.

Kinabukasan ay dinalaw uli nila si Ate Ruffie. Ngunit balita na lamang ang natanggap nila. Wala na ito sa silid na dating kinaroroonan. Patay na ito ayon sa mga staff na sumalubong sa kanila. Namatay raw ito bandang madaling-araw.

Wala na siyang nagawa kundi ang umiyak na lang.

“KAILANGAN nating ipaalam sa mga magulang niya ang nangyari.”

May takot na napatingin si Sarah kay Harmon. “Huwag na. Ayaw naman ni Ate Ruffie na malaman sa kanila ang tungkol sa kanya.”

“Kahit na. Buhay pa naman ang mga magulang niya. May karapatan silang malaman. At para din mabigyan ng pagkakataon ang mga tao na nagmamahal sa kanya na magdalamhati. Siyempre, gusto rin ng mga iyon na makita siya bago siya ilibing.”

“Harmon, hindi mo ba nakikita ang posibleng maging problema?”

“Anong problema?”

“Look, kapag ipinaalam natin sa mga magulang ni Ate Ruffie ang tungkol sa kanya, posibleng malaman din nila ang tungkol kay Chesie.”

“Ano’ng ikatatakot mo roon? Wala naman silang magagawa. Wala silang ebidensiya. Ikaw ang may hawak ng pinakalamaking proof na mag-angkin ng bata dahil ikaw ang nakalagay na ina sa certificate of live birth niya.”

“Hindi maniniwala si Tito Arman. Kung si Papa nga, nalaman niyang kadugo ni Tito Arman ang bata, sila pa kaya?”

“Kahit malaman pa nila, hindi nila makukuha sa atin ang bata. Thanks to your cousin. Siniguro niya through that certificate na ikaw ang ina ni Chesie. At dahil adopted ko na ang bata, mahihirapan ang kahit na sino na kunin si Chesie sa atin.

“Naisip ko tuloy, base na rin sa kuwento mo at sa mga sinabi niya, intensiyon na talaga siguro ng Ate Ruffie mo na ibigay sa iyo ang bata kahit hindi pa niya alam noon na may sakit siya. And I wonder why.”

Napamata siya kay Harmon. Noon lang niya naisip ang tungkol doon. Bakit nga kaya?

Ngunit kung ano man ang dahilan ng pinsan niya, hindi na rin nila malalaman. Patay na ito ngayon.

PUMORMAL kaagad ang mukha ng Tito Arman ni Sarah nang makita siya sa malaking sala ng bahay nito. Napilit siya ni Harmon na puntahan ito at sabihin ang nangyari sa Ate Ruffie niya. Sinamahan pa siya nito sa bahay ng kanyang tiyuhin.

Ipinakilala niya si Harmon dito. Kunot lang ng noo ang naging reaksiyon nito. Tila ipinahihiwatig ng tiyuhin niya na wala itong pakialam kahit na sino pang Pontio Pilato ang kasama niya. Ang dalawang pinsan naman niya na nadatnan nila roon ay hindi man lang bumati sa kanya.

“Tito Arman,” simula niya kahit medyo naiinis na sa nakikitang indifference nito. “Nagpunta po kami dito para ipaalam lang sa inyo kung nasaan si Ate Ruffie.” Mabilis na sinabi niya kung nasaan ngayon ang kanyang pinsan.

“Hindi na kayo dapat na nag-aksaya pa ng panahon para lang ipaalam iyan sa akin,” matigas ang anyo na sagot nito. “Matagal na kaming walang pakialam sa babaeng iyon.”

“Tito Arman... patay na po si Ate Ruffie.”

Nagitla ito sa sinabi niya. Pagkatapos ay mabilis na silang nagpaalam ni Harmon. Bahala na ang tiyuhin niya kung ano ang gagawin nito sa ipinagtapat nilang mag-asawa. Ang mahalaga ay nasabi na nila  ang kanilang obligasyon.

“Ano’ng iniisip mo?” tanong niya kay Harmon nang mawalan ito ng kibo habang pauwi na sila.

“Alam ko na ngayon kung bakit sa iyo ibinigay ni Ruffie si Chesie.” 

“Bakit?”

“Dahil ikaw lang siguro ang pinakamalapit niyang kamag-anak na pinagtitiwalaan niya na magmamahal sa bata. Nakita mo naman ang reaksiyon ng mga kadugo niya nang banggitin mo kanina ang tungkol sa kanya. Para silang hindi kapamilya ng pinsan mo.”

“Pero kahit ganoon sila, hindi pa rin tayo nakasisiguro na hindi sila maghahabol kay Chesie.”

Inakbayan siya ni Harmon. “Trust me, Mommy. Habang nabubuhay tayong dalawa, hindi nila magagawang kunin anak natin.”

Ating anak. Tama nga ito. Sa lahat ng puntong legal ay anak nila si Chesie. Kahit paano ay napanatag siya roon.

Nakibalita siya sa Shiloh Shelter nang sumunod na araw. Ayon sa staff na nakausap niya ay kinuha na ni Tito Arman ang bangkay ng kanyang pinsan. Natuwa na rin siya kahit paano. Itinuturing pa ring miyembro ng pamilya ng mga tiyuhin niya ang naglayas na anak nito.

“WHO’S that?” usisa ni Sarah kay Harmon. Katatapos lang nitong ibaba ang telepono pagkatapos ang seryosong pakikipag-usap sa kung sinong taong iyon.

“Isa sa mga kaibigang doktor ni Mama sa Saint Luke’s.”

“Why? May sakit ba siya?”

“Wala. Humingi lang ako ng referral kay Doc. Ibinigay niya sa akin ang pangalan ng isang magaling na pediatric oncologist ng ospital.” Hinuli nito ang isang kamay niya, pinisil-pisil. “Mommy, gusto kong ipa-test na natin si Chesie. Habang maaga, mabuti nang malaman natin kung totoo o hindi ang ikinakatakot ni Ruffie.”

Napisil na rin ni Sarah ang kamay nito. Naiiyak na siya. “Harmon, natatakot ako.”

“Alam ko. Ako man gano’n din. Pero kailangan nating maging matatag kung ano man ang magiging outcome ng tests ng baby natin. Isa pa, if ever na totoo ang ikinatatakot ng pinsan mo, mas malaki ang chance for survival ni Chesie dahil malakas siya. Maaagapan natin ang sakit niya kung sakali. But let us hope and pray na hindi naisalin sa anak natin ang leukemia ni Ruffie.”

Hindi nabawasan ang takot sa dibdib ni Sarah. Umiiyak na yumakap siya sa asawa.

Tatlong araw lang ang lumipas at lumuwas na silang tatlo sa Maynila. Nagtuloy sila sa bahay ng mga magulang ni Harmon.

Nagtaka ang mga ito sa biglaang pagluwas nila. Ipinagtapat nila sa mga ito ang kinatatakutan nila para sa bata. Naging supportive sa kanila ang kanyang mga biyenan. Pati si Helen ay nagboluntaryong sumama sa kanila sa pakikipagkita sa doktor na titingin kay Chesie.

Accommodating ang pediatric oncologist na tumingin kay Chesie. Mabilis nitong naisaayos ang pagkuha ng tests sa bata. Kinunan din ito ng bone marrow sample na siyang iba-biopsy. Bago matapos ang linggong iyon ay pinababalik sila nito para makuha ang mga resulta.

Nang sumapit ang takdang-araw ng pagbabalik nila sa ospital, wala pa ang doktor ay naroon na sila. Hindi siya mapakali. Napansin marahil ni Helen ang pagkatensiyon niya kaya niyaya siya nito sa cafeteria ng ospital.

Niyaya niya si Harmon. Tumanggi naman ito, mukhang natetensiyon din.

Pagbalik nila ni Helen sa visitors’ lounge na pinag-iwanan nila kay Harmon ay wala na ito roon.

“Titingnan ko lang sa lobby. Baka nainip lang at naglakad-lakad,” aniya sa hipag.

Pababa pa lang sa lobby ng ospital ay nakita agad niya si Harmon. At daig pa niya ang dinagukan sa nakita. Dahil kay lawak ng ngiti ng kanyang asawa. Pisil-pisil nito ang kamay ng isang babaeng nakaupo sa wheelchair at may kalong na bagong panganak na sanggol—si Ayanna.

Sinikap niyang kalmahin ang sarili at mabilis siyang bumalik sa kinaroroonan ni Helen.

“O, nasaan na si Kuya?”

“Nasa lobby nga, may kausap.” Todo ang pagpipilit niyang maging normal lang ang kanyang boses

“Sino?”

Ikinibit lang niya ang balikat. “Wala pa raw ba ang doktor?”

“Wala pa. Maaga pa naman kasi.”

On time naman ang oncologist. Eksaktong alas-diyes ay dumating ito. At kinumpirma nito sa kanila ang kinatatakutan ng namatay niyang pinsan. Positibong may lymphocytic leukemia si Chesie.

WALANG hinto sa pagpatak ang mga luha ni Sarah hanggang sa makauwi na sila sa bahay ng kanyang mga biyenan. Si Helen ang matiyagang umaalalay sa kanya. Sinikap nitong paglubagin ang loob niya ngunit ayaw maampat ang mga luha niya.

Pati ang biyenan niyang babae ay tumulong na rin upang bigyan siya ng comfort. “Tibayan mo ang loob mo, hija. Sa mga susunod na araw ay kailangan ng bata ng mas malaking pag-aasikaso mula sa inyong mag-asawa. Maaaring hindi pa nakakaintindi si Chesie pero kung makikita niyang nagkakaganyan ka, tiyak na maaapektuhan din siya.”

Sa lahat ng iyon ay nanatili lang na tahimik si Harmon. Inaakbayan o niyayakap siya nito kapag nakikita nitong umiiyak siya. Ngunit ganoon lang. Wala itong sinasabing anuman. Tuloy, lalong nagdaragdag iyon ng takot sa dibdib ni Sarah.

Ayon sa oncologist na tumitingin kay Chesie, dahil walang kapatid ang bata na maaaring maging donor, inilagay na nito sa listahan ang pangalan ng anak nila sa mga nangangailangan ng ka-match na bone marrow donor.

Optimistic ang doktor. Ngunit hindi niya maiparis ang kanyang sarili rito. Dahil alam niya ang pinakamahirap na parte sa ganoong klase ng setup—ang paghihintay ng ka-match na donor.  

NANG makabalik sila sa Marbel ay sinikap ni Sarah na maging normal pa rin ang lahat. Masigla pa rin si Chesie at malusog. Walang kahit na anong indikasyon na makikita rito na apektado ito ng isang nakamamatay na sakit.

Ngunit si Harmon ay lalong naging tahimik. Madalas niyang makitang nag-iisip ito. Kapag naman inuusisa niya laging paiwas ang sagot. At nasasaktan siya sa ikinikilos ng asawa. Hanggang sa lapitan siya nito isang umagang inihahanda niya ang bihisan nito sa ibabaw ng kama.

“Can we talk?” pormal na sabi nito sa kanya.

Binundol kaagad ng kaba ang dibdib ni Sarah ngunit pinilit niyang magpakakaswal. “Sure. Tungkol saan?”

Bumuntong-hininga ito at naglisya ng tingin sa mga mata niya. “If worse comes to worst, gusto kong humanap ka ng bagong... ng i-ibang buhay, Sarah.”

Kumunot ang noo niya at lalong lumakas ang kabog ng dibdib. “Hindi kita maintindihan.”

“Huwag sanang loobin ng Diyos. Pero kung sakali na... na kunin sa atin si Chesie... palalayain kita, Sarah.”

Daig pa niya ang pinagsakluban ng langit at lupa nang maunawaan ang gustong tukuyin ni Harmon.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro