Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

7. The Answer



Mula sa bintana ng silid ay tumanaw si Harmon sa manipis pang liwanag sa silangan. Mag-uumaga na. Dalawang oras na lamang at ikakasal na siya. Muli.

Hindi niya maiwasang maalala ang unang pagpapakasal niya. Masayang-masaya siya noon. Dahil sa wakas, magiging asawa na niya ang babaeng pinakamamahal.

Ngunit may takot din siya noon sa tagong sulok ng puso niya. Dahil sa isang lihim. Lihim na hanggang sa makasal siya at magsama ni Ayanna nang halos pitong taon ay hindi niya nagawang sabihin dito.

Hindi sana siya natakot noon kung hindi lang natuklasan niya na may inililihim din pala ito sa kanya.

Aksidente lamang ang pagkakatuklas niya. Pinatulog siya minsan ng biyenan niyang babae sa dating silid ng kanyang asawa noong dalaga pa ito. At doon niya nakita ang mga anniversary token na iniingatan ni Ayanna, hindi nilang dalawa kundi nito at ng isang lalaking nagngangalang Ezekiel Falcon.

May ibang lalaking higit na minamahal si Ayanna sa kabila ng kanilang pagiging mag-asawa. Ngunit alam niya na sa kabila niyon, technically, ay hindi nito nagawang magtaksil sa kanya. Nagsakripisyo ito na patuloy siyang pakisamahan kahit iba ang tunay na mahal.

Kaya siya nagpasyang makipaghiwalay. Hindi kayang dalhin ng konsiyensiya niya na tatlo silang nagdurusa. At hindi na rin makaya ng konsiyensiya niya ang paglilihim kay Ayanna na isa siyang baog.

It was the hardest decision he had done in his entire life. At ngayon ay nagdesisyon na naman siyang muling mag-asawa. Isang marriage of convenience na natitiyak niyang kokompleto sa kanyang pagkatao at sa kanyang buhay.

Anak at asawa sa katauhan nina Chesie at Sarah—at sa pagkakataong ito ay wala nang mga lihim.

KUSANG lumitaw ang matamis na ngiti sa mga labi ni Sarah nang makita si Harmon na naghihintay sa itaas na landing ng bahay nito. Napakaguwapo talaga nito. Lalo na’t inahit nito ang balbas at bigote. Katabi nito ang pastor na magkakasal sa kanila sa harap ng isang ginayakang mesa na magsisilbing altar.

Ngumiti rin si Harmon sa kanya. Kontento na siya sa nasisiyahang ekspresyon sa mukha nito.

Sa loob ng bahay nito gagawin ang kasal. Iyon ang iginiit niya kahit na ang gusto sana nito ay makasal sila sa simbahan o sa isang magandang garden resort.

She had her reasons. Dahil hindi lang naman pagiging asawa sa kanya at ama kay Chesie ang motibo niya sa pagpapakasal kay Harmon. Isa rin iyong misyon. And so she wanted the ceremony to be sacred and solemn.

Suot niya ang gown na idinisenyo ng sikat na designer na si Rajo Laurel. Lumuwas pa sila ni Harmon sa Manila para lang ipagawa iyon.

Sulit naman dahil napakaganda ng kinalabasan. Pure white satin ang halter-style na pang-itaas ng gown at milk-white naman ang chiffon skirt niyon. Kinompleto ito ng shimmering tulle veil na ang haba ay maikli lang nang kaunti sa dulo ng kanyang skirt.

Ginayakan na parang palasyo ang bahay. Isang mahusay na wedding specialist ang kinuha ni Harmon upang maging maayos at maganda ang pinakamaliit mang detalye ng kasal. Puno ng iba’t ibang kulay ng rosas ang paligid.

Doon na rin gagawin ang reception. Gaya noong gawin ang house blessing ng bagong bahay ay napuno na naman ng mesa at mga silya ang front yard.

Walang nagawa ang kanyang ama kundi ang pumayag nang magpaalam siyang mag-aasawa na. Pati ang gustong mangyari nito tungkol kay Chesie ay hindi na nagawang igiit.

Bukod sa kanyang ama at tatlong kapatid ay ilang malalapit na kaibigan lang ang sumaksi sa kasal niya. Wala pang labinlima ang mga iyon. Mas marami pa nga ang mga dumalo sa partidos ni Harmon. Kay luluwang ng ngiti ng mama nito at ni Helen.

Maid of honor niya si Lindy at ang best man ni Harmon ay isa sa mga pinsan nitong lalaki.

Nakita niya ang discreet na senyas ng coordinator ng wedding march. Kumapit siya sa bisig ng kanyang ama at nagsimula na silang lumakad mula sa ibabang landing paakyat sa grand staircase.

Nang kunin ni Harmon ang kamay niya mula sa kanyang ama, alam niyang nagsisimula pa lang ang buhay niya.

EDEN Nature Park. Iyon ang lugar ng honeymoon nina Harmon at Sarah. Inihatid sila ng driver ng mama nito hanggang sa General Santos International Airport. Mula roon ay nag-chartered plane sila hanggang Davao. Kaya maaga silang nakarating sa mountain resort na iyon. Nakapag-sightseeing na nga sila.

Pagod na siya. Kaya naman nang mapuna marahil iyon ni Harmon ay nagyaya na ito sa inokupa nilang hidden cottage.

Malayo sa karamihan ang cottage. The trees, the exotic plants, the blooming, colorful flowers, were all breathtaking in their wild beauty. And the cool mountain air was simply beckoning. Tila may mahika iyon na yumayakap sa kanya at nagpapadama ng kaiga-igayang pakiramdam.

Maligaya siya. Walang kaba sa dibdib niya. Ang lahat ng naganap sa kasal nila ay naibigan niya at inasahan. Kung may bahagyang lungkot man siyang nararamdaman, iyon ay ang sandaling pagkawalay niya kay Chesie. Naiwan ito sa bahay ni Harmon. Nagprisinta ang mama nito at kapatid na tutulungan si Ging na alagaan ang bata habang nasa honeymoon silang mag-asawa.

“Sarah...”

Nilingon niya si Harmon. Nakangiting lumapit ito at tumayo rin sa tabi ng bintanang dinurungawan niya.

Katatapos lang nilang halinhinang magbabad sa tub. Tinutukso pa siya nito na dapat daw ay nagsabay na lang silang mag-shower. Ang tagal daw niyang maligo.

Dumantay ang palad nito sa kanyang balikat. Ang init niyon ay masarap sa pandama niya. Parang may mumunting paruparo na dumadampi-dampi sa kanyang balat at gumagapang sa buong katawan niya.

Awtomatikong inihilig niya ang ulo sa dibdib nito. “Napakaganda ng lugar na ito,” aniyang kontentong sumagap at nagbuga ng hangin. “Thank you for picking this place for our honeymoon.” Tiningala niya ito kasabay ng isang purong ngiti. Gusto sana nito na sa ibang bansa gawin ang kanilang honeymoon. Pero hindi siya pumayag. Ayaw niyang malalayo nang matagal kay Chesie. Nang sabihin niya na mas gusto niya sa isang lugar na tahimik at maraming bulaklak, pinili ni Harmon ang Eden Mountain Resort para sa kanilang honeymoon.

Sinalubong nito ang mga mata niya. And she was rewarded with a sweet, gentle smile. “Natutuwa ako na nagustuhan mo.”

Hindi niya ibinaba ang mukha. Nakipagtitigan siya rito. At nang ibaba pa nitong lalo ang mukha sa kanya ay sinalubong niya ang mga labi nito.

Matamis nga pala ang halik. napagtanto niya iyon nang magsimulang tuklasin ni Harmon ang bukal sa kanyang bibig. Para siyang unti-unting naangat sa luwalhati na biglang yumakap sa kabuuan niya.

Maingat at masuyo ang bawat galaw ng mga labi nito. Naging mapusok lang ito at mapag-angkin nang tugunin niya ng alab ang panunuyo nito.

Ngunit nang magsimula nang maglakbay ang mga kamay nito sa kanyang katawan, nang padaanan nito ng mapanuksong halik ang baba niya, punong-tainga at leeg ay kumalas na siya.

“W-why?” medyo nangangatal at puno ng pagtatakang tanong ni Harmon sa ikinilos niya.

“I don’t go all the way on my first date.” Mapanudyo siyang nakangiti ngunit bahagya siyang lumayo rito.

Kumunot ang noo nito. “First date? First wedding night natin ito.”

“First date na rin dahil hindi naman tayo nag-date dati.”

Napakamot ito sa ulo. “You mean, hindi tayo... Sarah naman, don’t tell me na hindi ako makaka-score ngayong gabi?”

“Gano’n na nga. C’mon, matulog na tayo. Alam kong pagod ka na rin.” Pagkasabi niyon ay hinila na niya ang comforter sa kama at dinala iyon sa couch na nasa labas ng silid.

“Hey, saan ka matutulog?” habol nito sa kanya.

“Dito. At diyan ka naman sa kuwarto. Mahaba ka kaysa sa 'kin kaya hindi ka magkakasya rito.” Nahiga na nga siya sa couch at ibinalot sa katawan ang comforter.

“Sarah, naman,” apela pa rin nito, tumanghod sa kanya.

“Go to sleep, Harmon. Bukas na natin pag-usapan ang tungkol sa pag-score mo.” Nginitian pa niya ito nang pagkatamis-tamis ngunit pilyang-pilya naman bago pumikit.   

NAPAIGTAD si Sarah nang makiliti siya ng kung anong bagay na dumampi sa likod ng kanyang tainga. Lumitaw sa kanya ang pilyong mukha ni Harmon. Hawak nito sa kamay ang isang sariwang bulaklak ng sampagita. Iyon marahil ang ipinangiliti nito sa tainga niya.

Nakaupo siya noon sa ibabaw ng isang hewned stone sa organic garden ng resort. Nangalay siya sa mahabang paglalakad nila kaya siya nagpahinga. Tinanggihan kasi niya ang alok ni Harmon na sumakay na lang sila sa multicab habang nagtu-tour sa paligid ng napakalawak na resort. Ang katwiran niya, gusto niyang ma-enjoy ang mga sights at matagal na pagmasdan ang mga iyon.

Sandaling nagpaalam ito kanina para balikan daw ang nakita nitong plot ng yellow ginger.

“Flower for my beautiful bride.” Iniabot nito sa kanya ang bulaklak.

Napangiti siya. Sinamyo niya ang mabangong petals ng bulaklak. “Thank you.”

“Ano, kaya mo pa ba? Gusto mo bang pangkuin na lang kita hanggang sa cottage natin?”

“Para naman akong imbalido niyan,” natatawang tanggi niya. “Pero dito muna tayo. 'Upo ka rito sa tabi ko.”

Masikip sa dalawa ang batong kinauupuan niya ngunit pinagkasya nila ang kanilang mga sarili roon.

“Harmon...?”

“Hmm?”

“Are you happy?”

“Yeah... I’m ninety percent happy,” anitong pilyo na naman ang mga mata. Ngayon lang niya nakikita ang ganoong ekspresyon nito. Malayung-malayo iyon sa dati ay masungit na mukha nito.

“Bakit ninety percent lang?”

“Hanggang first base pa lang kasi ako.”

“First base?” aniya kasabay ng pagtataas ng isang kilay.

“'Yong kiss natin kagabi.”

“Nag-kiss naman tayo kaninang umaga, ah.”

“Smack lang 'yon, eh,” tila batang maktol nito.

“All right, pagdating natin sa cottage mamaya, makaka-second base ka na,” napapahagikgik na sabi niya.

“Eh, kung ngayon na lang kaya?”

“Loko mo, may ilang tourist na nasa paligid lang natin, 'no!”

“Maiintindihan naman tayo ng mga iyon. Alam nila na maraming nagha-honeymoon dito.”

Ibinaling lang niya ang mukha nitong halos dumikit na sa kanyang leeg. Pagkatapos ay napabuntong-hininga siya.

“What’s that sigh for?”

Nilingon niya para magtagpo ang kanilang mga mata. “Harmon, willing ka ba na... na bigyan ako ng puwang diyan sa puso mo?”

“Hey, bakit ba ganyan ang tanong mo? Pinakasalan kita. Asawa na kita ngayon.”

“Pero naging mag-asawa tayo para lang hindi mawala sa akin si Chesie.” Ang bagay iyon ang nagbunsod sa kanya kaya hindi niya nagawang ipagkaloob ang sarili rito kagabi. Hindi matanggap ng pride niya na aangkinin siya nito nang walang kasamang pagmamahal.

“Isa lang iyon sa mga dahilan. Nakalimutan mo na ba? Kayong dalawa ang sagot sa kakulangan ko. Kayo ang kokompleto ng buhay ko. At definitely, may malaking puwang kayong mag-ina sa puso ko.”

“Totoo?”

“Magpipilit ba akong makasal tayo kung wala?”

Napayakap na siya rito. Kahit na hanggang ngayon ay alam niya na si Ayanna pa rin ang may pinakamalaking bahagi sa puso ni Harmon, masaya na rin siya sa sinabi nito.

“Balik na tayo sa cottage,” bulong nito nang patakan siya ng isang matimping halik sa mga labi.

Pagbalik nila sa inookupa nilang cottage ay ipinaghanda kaagad siya ni Harmon ng pampaligo. “Mauna ka na,” sabi nito.

Nang buksan niya ang pinto ng banyo, sinalubong siya ng mabangong samyo ng napakaraming bulaklak ng sampagita. May earthen pots din sa ilang sulok ng banyo na puno ng nasabing bulaklak. At higit sa lahat, ang tub na paliliguan niya ay puno ng mga nakalutang na sampagita!

Binalikan niya si Harmon sa sala. “That’s so sweet of you,” aniya, ayaw paawat ng ngiti niya.

“Ang alin?” kunwa ay painosenteng tanong nito pero nakatawa naman.
“'Yong paglalagay mo ng mababangong sampagita sa tub, ano pa ba? Daddy, parang gusto ko yatang sabay na lang tayong maligo,” malambing na sabi niya sa asawa, sabay kuha ng isang kamay nito.

Napamaang ito sa kanya. Ilang saglit na nakatitig lang ito habang unti-unting lumilitaw sa mukha ang wonderment na para bang nabingit ito sa kamatayan at pagkatapos ay biglang nabiyayaan ng panibagong buhay.

May mainit na haplos sa dibdib niya ang ekspresyong iyon sa mukha ni Harmon. Biglang nagkabikig siya sa lalamunan nang makitang pinangingiliran ito ng luha.
“‘Daddy’...” ulit nito sa endearment na sinambit niya. “You could not have paid me a nicer compliment, Sarah...” Dinala nito sa bibig ang kamay niya at dinampian ng halik. “Mommy...”

Napayakap na siya rito.

Matagal sila sa ganoong posisyon habang marahang iniuugoy nito ang kanilang mga sarili. Kapagkuwan ay binulungan niya ito. “Lalamig na ang pampaligo natin, Daddy.”

“Are you serious about it?” mapanudyo namang ganti nito.

“Dead serious.” At para bigyan ng diin ang sinabi niya ay kumalas siya at hinila ito patungo sa banyo.

ANG PALILIGO nang sabay sa gitna ng mahalimuyak na tub na puno ng mga nakalutang na sampagita ay naging prelude sa isang pagsasanib ng mga kaluluwang ginatungan ng labis na pananabik. Parang wala nang katapusan ang matatamis na halik. Parang hindi na mapapawi ang luwalhating dulot ng mga haplos nila sa isa’t isa.

Handa na si Sarah sa kaganapan ng kanilang pag-iisa ni Harmon nang tumigil ito. “W-why?” halos padaing na wika niya.

“Y-you’re still a... a v-virgin?” namamangha at kandabulol na hingi nito ng kumpirmasyon.

“Does it matter?”

“Oh, dear!” Naisubsob nito ang mukha sa leeg niya.

........

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro