Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

5. Shocking Proposal



Magmula nang makita ni Sarah ang magandang babae na isinama ni Harmon sa bagong bahay nito ay hindi na siya lumipat doon. Umiwas na rin siyang makita ang binata sa tuwing naroroon ito. Pati ang pagpapaaraw kay Chesie ay nalipat na sa ibang lugar. Dinadala na lang niya ang bata sa malawak na damuhan sa children’s playground ng barangay nila.

Ngunit sa kabila ng nakita niya, hindi niya nagawang itawag iyon kay Ayanna. Hindi pa siya handa na sabihin sa kaibigan ang tungkol doon. Baka mahalata nito na masakit sa kanyang makita na natagpuan na ni Harmon ang kapalit nito. At hindi pa siya handang ibunyag ang lihim niya kay Ayanna.

Minabuti niyang gawing abala ang sarili. May isang kakilala si Lindy na connected sa isang advertising agency na nakabase sa Davao. Ito ang kumuha sa kanya para gawin ang isang pictorial na ang setting ay sa General Santos.

Ngunit sa mga pagkakataong nasa bahay lang siya, mas madalas na mahulog siya sa pag-iisip at panghihinayang. Ang akala niya, dahil muling pinagtagpo ng tadhana ang mga landas nila ni Harmon ay may tsansa na siya sa puso nito.

Ganoon talaga. You lose some, then you lose some more, pagbibiro na lang niya sa sarili kahit nasasaktan.

“Ate, may naghahanap sa 'yo!” narinig niyang sigaw ni Ging mula sa labas ng bahay. Kasalukuyang binibihisan niya si Chesie pagkatapos itong paliguan.

“Sino raw?”

“Kapitbahay!” sigaw na naman nito.

“Papasukin mo na lang.”

Pagkatapos bihisan ang sanggol ay pinaghahalikan niya ito. Tawa ito nang tawa. Naisip tuloy niya, blessing ito na ibinigay ng Diyos sa kanya sa panahong alam Nito na malulungkot siya dahil sa pagyao ng kanyang lola.

Lumabas na sila ni Chesie mula sa silid. Napahinto siya sa pagbaba nang makita kung sino ang kapitbahay na tinutukoy ni Ging. Si Harmon pala iyon.

“Hi,” bati nito sa kanya na tila may pag-aalangan.

Bumati rin siya at nagpatuloy na sa pagbaba.

“Iimbitahan sana kita,” anito nang magkaharap na sila.

“Saan?”

“Blessing ng bahay sa Sabado ng hapon.”

Bahagyang tumango siya. “Salamat, pero baka sina Ging na lang ang makadalo. May natitira pa akong trabaho na gagawin sa GenSan sa Sabado ng hapon.”

“Gano’n ba?”

“Oo, eh. Pero salamat na rin sa pag-iimbita.”

      Nanatili lang na nakatingin sa kanya si Harmon pero mas lumapit sa kanila ni Chesie.

“May sasabihin ka pa?” untag niya nang manatili lang itong nakatayo sa harap niya.

“Well, lately kasi hindi ko na kayo nakikita ni Chesie. Kapag tinatanong ko naman si Ging, narito lang daw kayo.”

“Nakahanap kasi ako ng isa pang part-time job kaya medyo busy na ako.”

Ito naman ang tumangu-tango. Inihaplos nito sa pisngi ni Chesie ang likod ng hintuturo nito at pagkatapos ay bahagyang pinisil ang baba ng bata. “Bye, Chesie.”

Kawag ng mga kamay at paa ang itinugon doon ni Chesie.

Matagal nang nakaalis si Harmon ay natitilihan pa rin siya.

MUKHANG kompleto na ang furnishings ng bahay ni Harmon. Ilang araw ding may truck na nagdadala roon ng mga kasangkapan. May gumagawa na rin ng landscape ng bakuran. At mukhang hindi makakaligtas sa kamay ng contractor ang tatlong puno ng rambutan sa harap.

Puno ng panghihinayang na napalipat si Sarah sa kabila. “Lahat ba ng mga punong ito, kailangang putulin?” tanong niya sa mga nagsisipaggawa.

“Iyon ang utos sa amin, Ma’am,” sagot sa kanya ng isa.

Alam niyang wala siyang karapatan. Ngunit hindi siya mapakali sa tabi ng mga puno ng rambutan. Hitik sa bunga ang mga iyon. Iilan pa lang ang hinog. “Puwede bang ihuli n’yo na ang pagputol dito?” apela niya sa mga naroon.

Pumayag naman ang mga ito. Ngunit hindi pa rin niya magawang umalis sa tabi ng mga puno.

Mayamaya ay dumating si Harmon. Nagulat ito nang makita siya roon. Lumapit ito sa kanya. “May kailangan ka?” tanong nito.

Mukhang maganda naman ang mood nito kaya nakapagsalita kaagad siya. “Isasama pala ang mga puno ng rambutan sa mga puputulin?”

“Oo. Bakit, may problema ba?”

“W-wala naman. Kaya lang kasi, ano...”

“Ano?”

Sumagap muna siya ng hangin bago sumagot. “Alam mo dati, tuwing mahihinog ang mga bunga ng rambutan, madalas kaming yayain ng lola ko ni Mrs. Villaflor sa dating front yard nila. Nagkukuwentuhan kami roon tuwing hapon habang kumakain ng rambutan. At alam mo ba, makatas at matamis ang mga bunga ng tatlong punong iyan.”

Nangunot ang noo nito. “Ang ibig mong sabihin, ayaw mong ipaputol ko ang mga puno, gano’n ba?”

“Kung puwede lang sana.”

“Hah! Bakit naman kita susundin? Ano ba’ng akala mo sa sarili mo?”

Inaasahan niya ang pagtanggi nito ngunit hindi ang panunuya na kasama niyon. “Wala naman. Kapitbahay mo lang naman ako. Of course, hindi importante ang opinyon ko. Sorry, naabala ka pa. Sige.” Binirahan na nga niya ng alis. Masamang-masama ang loob niya.

Nang sumunod na araw ay nagulat siya nang makita pa rin doon ang mga puno ng rambutan. Pero kinabukasan, pagkagaling niya sa paaralang pinagtuturuan, wala na sa harap ng bahay ang tatlong puno. Nanlulumong napailing na lang siya.

Biyernes ng umaga, nagulat siya dahil pagdulog niya sa almusal ay puno ng mga hinog na rambutan ang kanilang fruit holder sa mesa.

“Ging, saan galing ang mga rambutan?” usisa niya.

“Kay Kuya Harmon. Dinala niya 'yan pagkaalis mo kahapon.”

“Hmp! Siguro 'yan ang mga napili nila sa pinagputulan mula doon sa mga nasayang na bungang hindi pa naman nahihinog.” Parang wala siyang ganang tikman man lang ang prutas ngayong naalala na naman niya na ipinaputol na ni Harmon ang tatlong puno.

“Naku, hindi, Ate. Ipinalipat lang ni Kuya Harmon ang mga puno ng rambutan sa likod ng bahay niya. Sabi nga n’ong isang gumagawa sa kanila, malaki raw ang nagastos ni Kuya Harmon dahil hindi pala madaling ilipat ang isang punong matanda na. Nagpasundo pa nga raw ito ng mga expert mula sa Davao para lang ma-preserve ang tatlong puno ng rambutan.”

“Ano?”

“Kung hindi ka naniniwala, eh, di tingnan mo. Lumipat ka sa kabila.”

Ganoon nga ang ginawa niya. Ngunit hindi siya nakatuloy sa kabilang bakuran. Ikinabit na pala ang gate sa harap ng bahay at sarado iyon. Hindi tulad ng dati na malaya siyang nakakalabas-masok sa bakuran ni Harmon.

SABADO ng umaga. Nagising si Sarah sa mga kilos at pagsasalita ng mga tao na nagmumula sa kanilang kapitbahay. Nang sumilip siya sa bintana nakita niyang inilalagay na ang mga monobloc chairs at tables sa harap. May mga nagtatali na rin ng mga lobo at makukulay na dekorasyon na animo may gaganaping birthday celebration doon.

Napakaaga naman yata niyon. Sa pagkakaalam niya, batay na rin sa imbitasyon ni Harmon ay hapon pa gaganapin ang house blessing.

Tuluyan na siyang bumangon sa kama at inihanda ang sarili. Ilang saglit pa at inilalabas na niya sa bakuran si Chesie para paarawan ito.

Dakong tanghali, nililinis niya ang kanyang camera nang mapagbuksan ni Ging si Harmon. “Hi!” masiglang bati nito nang makapasok na ikinagulat ni Sarah.

Himala! Ano kaya’ng nakain ng lalaking ito at mukhang masaya ang mood? “Hi, may kailangan ka?”

“Susunduin ko sana kayo. Ngayon na kasi ang house blessing.”

“Akala ko ba, mamayang hapon pa 'yon?”

“Pinakiusapan ko 'yong pari na agahan ang seremonya. Gusto ko kasing makadalo ka.”

Hindi niya napigil sa pagtaas ang kilay niya.

“I’m sorry, Sarah.”

“Bakit ka nagso-sorry?”

“Alam ko na napasama ko ang loob mo dahil doon sa mga puno ng rambutan. Pero para mapanatag ka, na-preserve naman 'yong mga puno. Ipinalipat ko lang sa likod-bahay.”

Bakit gagawin nito ang mga bagay na gusto niyang mangyari?

“Nasaan na si Chesie?”

“'Eto, naglalaro sa playpen niya,” turo niya sa gawa sa kahoy na playpen katabi ng mesang pinagpatungan niya ng camera.

“Sa akin muna siya para makapagbihis ka na.”

Pasimple tuloy siyang napatingin sa kanyang sarili. Naka-denim shorts lang siya nang hanggang tuhod na nisnis ang laylayan. Isang maluwang na T-shirt ang katerno niyon. “Sandali, bibihisan ko muna si Chesie.”

Nang mabihisan ang bata ay dinala nga niya ito kay Harmon. Tila sabik na kinarga nito si Chesie.

Talagang nagtataka na siya rito. Samantalang dati parang konde itong ipinaglihi sa kasungitan kung umasta. Madalas siyang tuyain nito tuwing lalapitan niya. Anong nangyari at biglang nagbago ang ihip ng hangin? Nilalapitan na siya nito at mukhang bumabait na. At parang nakakatuwaan nito si Chesie.     
 
Black denim pants at light yellow sports-collared long-sleeved shirt ang isinuot niya. Simpleng-simple lang iyon dahil hanggang maaari ayaw niyang makatawag ng pansin ang kanyang sarili. Marami na siyang hindi magagandang experience sa overtures ng mga lalaki noon. Kaya nga bandang huli pinili na lang niya na hindi maging kapansin-pansin sa iba ang kanyang suot at ayos.

Hanggang nang sabay-sabay na silang lumipat sa kabilang bahay ay si Harmon pa rin ang kumarga kay Chesie. Mukha namang nag-e-enjoy sa bisig nito ang bata. Hindi man lang ito umingit kahit nang makita siya.

Napakaganda ng kinalabasan ng bahay ni Harmon. Hindi magarbo ang interior niyon ngunit pawang mamahalin ang minimalistic na kasangkapan. Kung siya ang magkakaroon ng sariling bahay, siguro ganoon din ang ayos na gugustuhin niya.

Sa pinakasala ay nakita niya ang isang matandang babae na may malaking pagkakahawig kay Harmon. Katabi nito sa upuan ang magandang babaeng nakita niya noon.

Parang tinusok ng maliliit na tinik ang dibdib niya. Ano pa ba ang aasahan niya? Natural na kasama sa house blessing ang magiging mistress of the house.

“Halika,” yaya sa kanya ni Harmon. “Ipapakilala kita sa mother ko.”

     Walang nagawa si Sarah kundi ang sumunod dito.

   “'Ma, si Sarah, kapitbahay ko,” aniito nang makalapit sila sa dalawang babae. “Sarah, this is Harriet Abreira, mother ko.”

Nakipagbatian siya sa matanda. Nagulat pa siya nang iumang nito sa kanya ang mga kamay at ilapit ang mukha hanggang sa magkadikit ang mga pisngi nila. Napilitan na rin siyang gumanti ng yakap dito.

“Tama ang anak ko, napakaganda mo nga pala, Sarah,” nakangiting sabi nito.

Ikinukuwento siya ni Harmon sa ina nito? Bakit? Napatingin siya kay Harmon. Hindi naman ito nakatingin sa kanya na para bang sadyang iniiwas ang mukha sa paningin niya.

Nag-aalala tuloy siya na baka hindi maganda ang isipin ng babaeng katabi ng ina ni Harmon. Hindi niya alam kung sinsero ang pagkakangiti nito habang sinasabi iyon ng matanda.

“Ahm, Sarah,” biglang kambiyo ni Harmon. “This is Helen, younger sister ko.”

Kamuntik na siyang napanganga sa narinig. Kapatid lang pala ni Harmon ang magandang babae. At ngayon lang din niya napuna na may pagkakahawig nga ang shape ng mukha at baba ng babae sa kuya nito.

Mabuti na lang may presence of mind si Helen. Ginaya nito ang yakap at beso ng ina sa kanya.

“I’m so pleased to meet you, my future sis—”

“Helen,” putol kaagad ni Harmon sa sinasabi nito. “Asikasuhin mo na muna sina Father doon sa sitting room. Baka naiinip na. Sabihin mong magsisimula na tayo.”

Habang sinisimulang bendisyunan ng pari ang bawat silid ng bahay ay umuukilkil sa isip ni Sarah ang mga salitang hindi natapos na bigkasin kanina ni Helen.

“I’m so pleased to meet you, my future sis—” Ano pa bang salita ang  maaaring idugtong doon kundi “sister-in-law?”

May gusto na ba sa kanya si Harmon? Napapansin na ba siya nito bilang babae? 

Imposible! sigaw ng utak niya. Sana, bulong naman ng puso niya.

ABALA si Sarah sa maliit na darkroom sa tagiliran ng bahay nang katukin siya roon ni Ging. May tawag daw siya sa telepono. Napilitan siyang lumabas. Patakbo pa siyang nagtungo sa sala sa pag-aakalang long-distance call iyon mula sa kanyang Tita Sofia.

“Hello?” medyo humihingal pang sagot niya.

“Sarah, busy ka ba? Puwede bang lumipat kayo ni Chesie dito?”

Napangiwi siya nang marinig ang pamilyar na tinig ni Harmon. Napatakbo pa siya samantalang ito lang pala ang nasa kabilang linya. At bakit kailangan pa nitong tumawag sa telepono samantalang naroon lang ito sa kabila? Nag-alala tuloy siyang bigla. “Bakit, may nangyari ba? Are you okay?”

“I’m okay... I guess.”

May problema nga ito. “O sige, lilipat kami diyan ni Chesie,” aniya kahit abala siya sa ginagawa. Kailan ba siya nakatanggi sa lalaking ito?

Paglabas nila ni Chesie ay nakaabang na si Harmon sa gate nila. Kinuha kaagad nito sa kanya ang bata.

“What’s wrong, Harmon?” usisa kaagad niya. “May problema ka ba?”

“Kung problema ngang matatawag ang lungkot, then, oo, may problema nga ako.”

Hindi na siya nakasagot dahil pumasok na sila sa kabahayan. Itinuloy nito ang paghakbang hanggang sa hagdan patungo sa ikalawang palapag ng bahay. Napasunod na lang siya.

Medyo nag-alangan nga lang siya nang pumasok ito sa bedroom. Ngunit nang buksan nito ang isa pang pinto na nag-uugnay pala sa silid at sa veranda ay umagapay na rin siya dito.

Hindi niya mapagsawa ang mga mata sa ganda ng paligid at ng kinaroroonan nila dahil umuukilkil sa isip niya ang huling sinabi ni Harmon.

“Bakit ka naman nalulungkot?” usisa kaagad niya nang makaupo na sila sa faux rattan sofa.

Bago ito makasagot ay lumitaw roon ang isang kawaksi na may bitbit na tray na naglalaman ng mga baso at pitsel ng malamig na orange juice at cookies.

Sumagot lang si Harmon nang makaalis na ang kawaksi. “Sino ba naman ang hindi malulungkot kung bukod sa mga katulong ako lang ang titira sa bahay na ito?”

“Busy ka naman sa mga negosyo mo, ah.”

“Kung nasa office ako, oo. Pero kapag ganitong weekend at nandito lang ako sa bahay...” Napailing ito.

“Bakit ba kasi hindi ka mag-golf o mag-tennis o maglaro ng kahit na anong sports na hilig mo?”

“Nagsasawa na ako sa mga iyon.”

“Eh, ano ba talaga ang gusto mo?”

Bumuntong-hininga ito. “'Yong ganito, may nakakausap ako. May nalalarong bata na gaya ni Chesie.”

Na-mental block yata siyang bigla. Wala siyang makapang isasagot doon.

“Talaga na bang patay ang ama ni Chesie?”

Napabaling ang tingin niya sa mukha nito sa biglang pagbabago ng topic nila. “Oo. Bakit mo naman naitanong?”

“Wala lang. Mukha kasing seryoso sa iyo 'yong lalaking madalas na dumalaw sa iyo sa bahay.”

Madalas na dumalaw? Iisang lalaki lang naman ang natatandaan niyang pumupunta sa kanila bukod dito. At dadalawang beses lang iyon sa pagkakatanda niya. “Si Pal ba ang sinasabi mo?”

“Pal ba ang pangalan ng matangkad na lalaking maporma kung magbihis?”

Napangiti siya. Medyo nga maporma si Pal. “Oo. Pero wala kaming relasyon. Magkaibigan lang kami.”

“Hindi pakikipagkaibigan lang ang gusto ng lalaking iyon sa iyo.”

Bakit ba mukhang sumusungit na naman ito? Medyo nag-iisang-linya na naman ang mga kilay nito. “Pero iyon lang ang gusto ko sa kanya. Hindi ako nagpapaligaw sa estudyante ko.”

“Estudyante pa lang pala iyon, eh, mukhang mas matanda pa sa iyo.”

“Talagang mas matanda pa sa akin si Pal. Graduate na siya, matagal na. Gusto lang niyang kumuha ng photography kaya ko siya naging estudyante.”

Tumangu-tango ito, medyo napawi ang kunot sa noo. “Sarah... papayag ka ba kung...” Sumagap muna ito ng hangin na tila nagsikip bigla ang dibdib nito. “... kung magiging pangalawang ama ako ni Chesie?”

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro