2. Mr. Sungit
Sabik na sinuso ng sanggol ang tsupon ng feeding bottle na hawak ni Sarah. Napapangiti siya tuwing pagmamasdan ang inosenteng mga mata nito na nakatingin sa kanya. Para bang tanggap ni Chesie na siya na ang ina nito.
Tatlong araw na sa kanya ang bata. Sa mga nagtatanong na kapitbahay ay sinasabi na lang niyang inampon niya ito. Hindi siya nag-e-elaborate. Mabuti na ang ganoon upang makaiwas sa posibilidad na may makaalam ng tunay na pagkatao ni Chesie.
Tanging sa Tita Sophia niya ipinagtapat ang totoo. Sinang-ayunan naman ng tiyahin niya ang kanyang pasya na kupkupin si Chesie. Nangako pa ito ng suporta para sa bata. Biniro pa siya nito. Puwede na raw siyang tawaging “makabagong ina ng laging saklolo,” una sa lola niya, at ngayon naman ay kay Chesie.
Bago sila maghiwalay ng Ate Ruffie niya ay tinanong niya kung kailan sila magkikita nito. Wala na raw itong balak na bumalik pa sa Marbel. Hindi na raw nito babalikan ang sanggol. Ariin na raw niyang tunay na anak si Chesie. Sa katunayan, na labis niyang ipinagtataka hanggang ngayon, ay may iniwan itong rehistro ng sanggol sa kanya. Pangalan niya ang nakalagay na ina ng bata.
“Wow! Ubos mo na agad? Ang lakas namang dumede ng baby ko.”
Tumatawa ang bata habang kinakausap niya. Napakaganda talaga nito. Sayang at magulo ang buhay ng mga taong pinagmulan nito.
Ngunit sa piling niya, sisiguruhin niya na magiging isang mabuting tao ang bata. Ipamumulat niya rito ang takot sa Diyos at pagmamahal sa kapwa. Aariin talaga niyang anak ito.
Hinalik-halikan ni Sarah ang matambok na pisngi nito at pagkatapos ay bumaba na siya ng hagdan. Lumabas sila ng bahay at pinaarawan niya ito sa tapat ng kanyang silid.
Habang naroon sila ni Chesie ay napuna niyang may mga nagsisipagtrabaho na pala sa katabi nila. Nakapatas ang mga hollow blocks, kahoy, bakal, buhangin at semento sa isang lugar. Nakikita sa gawi niya ang loob ng giba nang bahay. Palibhasa ay may malaking puwang sa pagitan ng yero at sawaling nakabakod doon.
Hindi pa sila nagtatagal doon ni Chesie nang may humintong kotse sa tapat ng ginagawang bahay. Isang lalaki ang bumaba mula roon. At kahit na nagpatubo ito ng balbas at bigote, hindi niya makakalimutan ang mukhang iyon.
“Mon...” wala sa loob na nausal niya.
NAGTULOY sa loob ng site ang lalaking nakita ni Sarah. Kinausap nito ang isang lalaki na sa tingin niya ay siyang foreman doon. Pagkatapos ay nag-ikot ito roon.
Pormal ang ekspresyon ni Harmon. Mukhang istrikto ito. Samantalang ang Harmon na nakita niya noon ay isang masayahin at palangiting lalaki. And he had his smile for only one woman...
Napakaguwapo pa rin nito. Hindi kumupas iyon sa loob ng mahigit dalawa at kalahating taon mula nang huli niyang makita ito. Medyo makapal ngunit makurba ang mapupulang labi nito na katulad ng sa Hollywood actor na si Brendan Fraser.
Noon, ang mga mata nito ay makikislap na parang laging excited. Bukas ang mukha nito na parang laging nag-aanyaya ng pakikipagkaibigan. Sa kabuuan ay charismatic ang personalidad nito.
Noon iyon. ibang-iba na ito ngayon. Napalitan na ng kapanglawan at kapormalan ang dating bukas na mukha nito.
Nang uminit na ang sikat ng araw ay ipinasok na niya ang bata sa loob. Nagtuloy sila sa kanyang silid.
Hinagilap kaagad niya ang kanyang cellphone. Nag-text siya kay Ayanna. Ikinuwento niya rito ang tungkol kay Harmon.
Hindi makapaniwalang tinawagan pa siya nito. “Are you sure, si Mon nga ang nakita mo diyan?” hingi ng kompirmasyon nito.
“Kilala ko ang asawa mo, Ayanna. I mean, ang ex-husband mo. Hindi ako maaaring magkamali sa taong nakita ko.”
“May napansin ka bang ibang babaeng kasama niya?”
“Wala siyang kasama kaninang pagdating niya. I guess sa kanya 'yong bahay na itinatayo sa tapat.”
“Well, sana nakahanap na siya ng panibagong pag-ibig.”
Alam ni Sarah kung gaanong hirap ng kalooban ang dinanas ni Harmon. Naikuwento na sa kanya ni Ayanna ang lahat ng pangyayari kung bakit naghiwalay ang mga ito. Nakausad na nga ang kanyang kaibigan. Nag-asawa na uli ito at buntis na ngayon.
“Kapag nag-text ka uli, balitaan mo naman ako ng nangyayari sa kanya.”
“Eh, paano naman kita mababalitaan, hindi naman niya ako kilala? Hindi ko siya matatanong kung kumusta na siya. Magagawa ko lang iyon kung chummy na kami ng ex mo. Ang kaso, mukhang masungit na siya ngayon. At kung ako naman ang magpapakilala sa kanya, ano naman ang sasabihin ko? Na kaibigan ako ng ex-wife niya?”
“Nakuha ko na po ang punto mo. Pero kung may malalaman ka tungkol sa kanya, balitaan mo ako, please.”
“Hindi kaya magalit sa akin si Kiel?” tukoy niya sa asawa nito ngayon.
“Maunawain si Kiel. At alam niya ang posisyon niya sa puso ko. Kahit paano naman, may malasakit pa rin ako kay Mon, kami ni Kiel. Gusto naming malaman na napabuti siya. Alam mo naman siguro kung gaanong sakripisyo ang ginawa niya para sa akin.”
“Sige, hayaan mo, ipapaabot ko sa iyo ang lahat ng mababalitaan ko tungkol kay Harmon. Maiba ako, Ayanna, may ikukuwento nga pala ako sa iyo.”
“Ano 'yon? May boyfriend ka na? Sa wakas!”
“Wala po,” pambabara niya sa excitement ng kaibigan. “May anak na ako. Her name is Chesie...”
KARGA si Chesie ay nagtungo si Sarah sa KCC Mall. Excited na siyang ipa-develop ang kuha nila nina Chesie at Ging. Ipinasyal nila ang bata noong isang araw sa mall. Hindi naubos ang film sa camera kaya kahapon sa park naman nila ipinasyal ang bata.
Si Ging na lang sana ang uutusan niyang magpa-develop ng film. Ang kaso ay nilalagnat ito. Sinisipon pa ito at masakit daw ang ulo at mga kasukasuan.
Nang makapasok sila sa mall, napansin niya ang isang bagong photo shop sa unahan ng dati niyang pinagpapa-develop-an ng mga litrato. Best Print Photo Shop ang pangalan niyon. Kapag bago ang isang photo shop, malamang na bago at mas high-tech ang printer.
Nilampasan nila ang suking photo shop at nagtuloy sila sa bago. Nilapitan kaagad siya ng isang lalaking salesclerk. Habang sinasabi rito ang preference niyang photo print, mula sa loob ay biglang lumitaw si Harmon. Mulagat na napamata siya rito.
God, bakit ba ganito ang reaksiyon ko sa lalaking ito every time na makikita ko siya?
Napuna ni Harmon ang pagtitig niya rito. Pormal ang mukha, medyo kunot pa ang noo, ngunit magalang ang tinig na nagtanong ito. “Is there something wrong, Ma’am?”
Saka pa lang siya nagising Mabilis niyang pinagana ang utak bago pa siya magmukhang engot sa harap nito. “N-no, nothing. P-pamilyar lang kasi ang mukha mo sa akin. Kamukha mo 'yong lalaking nagpapagawa ng bahay sa kapitbahay namin.”
Bahagyang tumango ito. Pinaglapat nito ang mga labi sa isang galaw na sasabihin ng iba na ngiti. Ngunit sa isang tulad niya na bihasa sa pag-aaral at pagkuha ng kanyang subject sa sining ng photography, ang ginawa nito ay pagbanat lang sa mga kalamnan na katabi ng bibig nito. Kahit isang hibla ng katuwaan ay wala siyang nakita sa mga mata nito.
Ibinaling na niya ang pansin sa salesclerk. Mabuti pa ito, nang mapansing ngumingiti si Chesie ay kinau-kausap pa ang bata.
Pagkagaling sa photo shop ay nagtuloy sila sa ibang panig ng mall. Ibinili niya ng stroller si Chesie. Ngayong araw ang simula ng three-day sale sa nasabing mall. Napakalaki ng diskuwento ng nagustuhan niyang stroller para sa bata. Kaya nga sinamantala niya ang pagpunta roon.
May isang oras din silang nag-ikot ni Chesie. Hindi malaman ng bata kung saan titingin. Aliw na aliw ito sa mga kulay at bagay na nakikita.
Bumili sila ng gamot para kay Ging at nagpa-take out siya ng pagkain sa restaurant. Pagkatapos ay binalikan na nila ang ipina-develop niyang litrato.
Wala na sa photo shop si Harmon nang bumalik sila roon. Maaaring nasa loob ito ngunit hanggang sa nakuha na nila ang mga larawan ay hindi na niya nakita pa ito.
Napabuntong-hininga siya habang palabas ng mall. Mahihirapan yata siyang kaibiganin si Harmon. Ibang-iba na ito ngayon.
Nang makabalik sila ni Chesie sa bahay ay nilalagnat pa rin si Ging. Pinakain niya ito at pinainom ng gamot. Tinawagan pa niya ang kaibigan niyang pharmacist at humingi rito ng advice sa tamang pag-aalaga sa isang taong may trangkaso.
Hanggang sa gumabi ay patuloy siyang naka-monitor sa lagay ni Ging. Bumaba naman ang lagnat nito nang pagpawisan.
Halos wala siyang tulog nang gabing iyon. Inaasikaso niya si Ging, ang pagkain nito. Tinitingnan niya kung basa na ng pawis ang damit nito. Pinaiinom ito ng gamot. Kay Chesie naman ay ang pagpapadede rito at ang pagpapalit ng lampin.
Umaga na siya nakatulog. At wala pang dalawang oras iyon. Dahil nagulantang siya sa lakas ng iyak ni Chesie. Pupungas-pungas na nilapitan niya ito. Namumula na ang mukha nito sa bigay-todong iyak.
Nang hanguin niya ito sa crib, sinakmal agad ng takot ang dibdib niya. Inaapoy ito ng lagnat.
Mabilisang pagsesepilyo at paghihilamos lamang ang nagawa niya. Hindi na niya napansin kung anong damit ang nahugot niya sa closet. Basta ipinalit na lamang niya iyon sa kanyang pantulog. Hinablot niya ang kanyang bag na naglalaman ng pera, ATM card, at mga IDs niya. Naalala rin niyang magdala ng basang bimpo. Ilang saglit pa at pumapanaog na sila ni Chesie.
Pagdating sa ibaba ay wala kahit na tricycle na dumaraan. Lalong walang taxi. Malayo pa naman doon ang ospital. Patuloy pa rin sa pag-iyak si Chesie. Hindi niya malaman kung paano ito patatahanin.
Naiiyak at natataranta na siya nang husto nang may humintong puting kotse sa kapitbahay nila.
Nabuhayan siya ng loob. Sumugod siya sa driver niyon. “Mister! Mister! Pakihatid naman kami ng baby ko sa ospital! Please, pakiusap.”
Bumukas ang passenger door ng kotse at kaagad siyang sumakay roon. “Salamat po sa—” Nahinto siya sa pagsasalita nang makilala kung sino ang driver ng kotse—si Harmon.
Hindi nito pinansin ang pagkatulala niya. “Saan bang ospital mo siya gustong dalhin?”
Sinikap niyang makakawala sa pagkakamaang. “S-sa Pingoy Hospital.”
Hindi na ito umimik. Hindi rin siya umimik. Itinuon niya ang pansin sa pagpapatahan sa bata. “Hush now, Chesie. Pupunta na tayo sa doktor na titingin sa iyo. Tahan na, anak, please. Namamaos ka na.”
Ngunit hindi tumahan ang bata. Nagpatuloy ito sa pagliligalig. At gayon na lang ang takot niya nang itirik na nito ang mga mata. “Diyos ko! Ang anak ko!” Binalingan niya si Harmon. “Pakibilisan naman! Kinokombulsiyon na ang anak ko!”
“Kumalma ka, puwede?” masungit na utos nito. “Baka kapag nag-panic din ako, lalong madisgrasya ang anak mo.”
Napapaiyak na hinaplus-haplos na lang niya ng basang bimpo si Chesie. Napakainit ng singaw ng katawan nito.
Itinuloy ni Harmon ang kotse sa emergency entrance ng ospital.
“Maraming salamat,” nasabi na lang niya rito habang halos takbuhin na niya ang ER. Ilang sandali rin siyang nanatili roon habang nilalapatan ng first aid si Chesie. Kinuha sa kanya ng nurse ang ilang impormasyon tungkol dito. At pagkatapos ay pinalabas na siya ng emergency room.
Nagulat siya nang makita sa visitors’ lounge si Harmon. Ang akala niya ay umalis na ito nang maihatid sila roon.
Nag-alangang lumapit siya rito. Ngunit nang magtama ang mga mata nila ay napilitan na rin siyang lapitan ito. “I-I only got a few hundreds here. Baka mamaya pa ako makaalis para makapag-withdraw ng pera. Hindi ko rin alam kung ano pa ang bibilhin para sa bata. Puwede ba na sa ibang pagkakataon ko na lang bayaran ang perhuwisyo namin sa iyo?”
Kumunot ang noo nito. “Hindi naman ako mahilig magkuwenta. Naabala mo na rin lang ako, lubus-lubusin mo na.”
“Ah, eh...”
“Babalik na ako sa ipinagagawa kong bahay. Kung may ipagbibilin ka sa maid o sa asawa mo, ilista mo na at iaabot ko na lang sa kanya.”
Kamuntik na siyang masamid nang banggitin nito ang salitang “asawa.” “May trangkaso ang kasama ko sa bahay. At wala akong asawa.”
Kumunot na naman ang noo nito. “Nasaan ang ama ng anak mo?”
“Patay na.”
“I see,” anito, ngunit ang hilatsa ng mukha ay hindi naniniwalang patay na ang ama ni Chesie.
Marahil naghihinala ito na naanakan lang siya at tinakbuhan ng ama ng bata.
Hindi na niya alam kung ano ang sasabihin pa. Naupo na lang siya. Isang bakanteng silya ang nakapagitan sa kanila.
Mabagal na umusad ang oras. Hindi na naulit pa ang pag-uusap nila ni Harmon. Hindi rin naman umaalis ito roon.
Mayamaya ay tinawag siya ng nurse. Ililipat na raw sa recovery room si Chesie. Sumunod siya rito.
Tulog na ang bata. Hinawakan kaagad niya ang kamay nito nang makita ito habang itinutulak sa stretcher ng isang hospital orderly. Hindi na nga mataas ang lagnat nito ngunit may sinat pa rin. Ayon sa nurse ay oobserbahan pa raw ito kaya kailangang ma-confine doon.
“Puwede mo nang kunin sa bahay ninyo ang mga gamit ng bata.”
Napapihit siya sa nagsalita. Nakasunod din pala sa kanya si Harmon. “Eh, hindi ko siya puwedeng iwang mag-isa rito,” sagot niya.
“'Di ba nga sabi ko sa iyo, inabala mo na rin lang ako kaya lubus-lubusin mo na? Umuwi ka na habang nakakatiis pa ako sa pagkainip dito. Ako muna ang magbabantay sa anak mo. Bumalik ka agad para makaalis na ako rito.”
Kamuntik na siyang mapanganga. Pambihira din naman ang lalaking ito, tutulong nga, masama naman ang loob. Sa hula niya ay nakokonsiyensiya lang itong pabayaan siyang mag-isa roon kaya ito nanatili sa ospital.
Subalit naisip din kaagad niya, kahit na ano pa man ang ugali ng taong ito, siya ang nangangailangan ng tulong. Kaya dapat na maging mapagpakumbaba siya at matutong magpasalamat dito.
“Maraming salamat sa malasakit mo sa anak ko. Sasamantalahin ko na ang kabutihan mo. Iiwan ko muna sa iyo si Chesie.”
Sa halip na sumagot ay naupo na ito sa isang silya roon.
“Sandali lang ako,” pagbibigay niya ng assurance kahit hindi ito kumibo.
“Dapat lang,” masungit na ganti nito.
Naitirik niya ang kanyang mga mata nang lumabas na siya ng silid.
Ang sabi sa kanya noon ni Ayanna ay napakabait ni Harmon. Hindi kaya ginu-good time lang siya ng kaibigan? Dahil kabaligtaran ng sinasabi nito ang nakikita niyang ugali ngayon ng lalaki. After all, hindi naman sila nag-meet ni Harmon noon kahit minsan. Nakita lang niya ang lalaki sa photo developing center na pag-aari ng mga ito noon. Ngunit siya ay hindi nito nakita, lalong hindi nakausap. Wala siyang basehan ng kung anong klaseng pagkatao mayroon ito maliban sa sinabi ni Ayanna.
Pag-uwi niya, nadatnan niya si Ging na nagluluto na ng tanghalian. “Bakit nagpilit ka na agad na kumilos?” sita niya sa kawaksi. “Baka mabinat ka. Sana ininit mo na lang sa oven ang mga lutong pagkain sa ref.”
“Medyo okay na ang pakiramdam ko, Ate Sarah. Noodle soup lang naman ang niluluto ko. Madali lang ito. Kumusta na nga pala si Chesie? Bakit ikaw lang ang bumalik?”
Ikinuwento niya rito ang nangyari sa ospital habang inilalabas niya ang mga gamit na kailangan niyang dalhin pabalik doon. Siyempre ay kasama si Harmon sa kuwento niya.
Napangiti tuloy si Ging sa dakong huli.
“Bakit ka napapangiti?” tanong niya rito.
“Eh, kasi naman, Ate Sarah, parang tingin ko, may secret crush ka sa Prinsipe Masungit na 'yon.”
“Ging, crush ko talaga siya noon. Matagal na 'yon, nakalimutan ko na. Pero kung ganito siya kasungit ngayon, baka tuluyan ko nang kalimutan na crush ko nga siya dati.”
“Pero alam mo, Ate Sarah, may K naman siya para ma-crush-an.”
“Bakit, nakita mo na ba siya?”
“Oo naman. Noon pa ngang kasalukuyang nakaburol si Lola Maring. Siya ang nagpagiba sa lumang bahay nina Mrs. Villaflor.”
“Kalimutan na nga muna natin ang lalaking 'yon. Babalik na agad ako sa hospital. Kinuha ko lang ang mga gamit na kakailanganin naming mag-ina habang naroon. Pagaling ka, Ging. Twenty-four hours na pagbabantay ang kailangan ni Chesie. Baka bumigay rin ako kapag hindi ako nakapagpahinga nang maayos.”
Pagbalik niya sa ospital, sa silid ni Chesie ay napuna niyang nakatanghod si Harmon sa bata. Masusing pinagmamasdan nito ang mukha ng natutulog pa ring sanggol.
Bumaling kaagad ito sa kanya nang maramdaman ang pagdating niya. “Mabuti naman at nakabalik ka na.”
“How is she?” tukoy niya sa sanggol. “Hindi ba siya nagising?”
“Hindi naman.”
“Wala bang ibinilin ang doktor at nurse?”
“Wala. Aalis na ako.”
“Sige. Maraming salamat sa lahat ng tulong mo.”
Bahagyang kibit lang ng mga balikat ang itinugon nito. Bago ito makalabas ng pinto ay tinawag uli niya ito. “Wait. Funny pero nagawan mo na kami ng malaking tulong ay hindi pa nga pala tayo nagkakakilala. I’m Sarah Posadas. Chesie naman ang pangalan ng anak ko.”
“I’m Harmon,” walang interes na sagot nito at pagkatapos ay lumabas na.
“Hay, anak,” mahinang kausap niya sa natutulog na sanggol. “Ano kaya ang makapagpapabalik sa dati sa lalaking iyon?”
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro