Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

8. Found

8

One year later.

“Kuya! I found her!” bulalas ni Flynn sa nakasalubong na kapatid. “After a year, nakita ko uli siya!”

“Sino?” usisa nito.

“Si Jam, sino pa?”

“Saan mo siya nakita? Bakit daw bigla na lang siyang nawala?”

Napakamot siya sa batok. “Hindi ko pa siya nakakausap. Pero nakita ko siya kanina sa labas ng Seven-Eleven malapit sa flying school. Hindi ko nga lang siya naabutan dahil nakasakay na siya agad ng taxi. Kaya hindi niya narinig no’ng tawagin ko siya.”

“There you go. Malabo mo na namang makita uli ang babaeng iyon.”

“Hindi, ah. Pumasok ako sa loob ng Seven-Eleven. Nagtanung-tanong ako doon. Madalas daw bumili doon si Jam sabi n’ong isang salesclerk nila. Ibig sabihin n’on, malapit lang doon ang tinitirhan niya ngayon. At ibig ding sabihin n’on, babalik pa siya doon, Kuya. Puwede ko siyang abangan.”

Tinapik siya nito sa balikat. “Kung malapit lang ang tinitirhan niya doon, dapat naglakad lang siya. Hindi sana siya nag-taxi.”

Natigilan si Flynn sa sinabi ng kapatid, unti-unting nawala ang excitement sa mukha niya.

“Anyway, sana nga, isa sa mga araw na ito magkita na uli kayo at magkausap. Aalis muna ako.” Iniwan na siya nito.

Nagtuloy siya sa itaas ng mansiyon. May kukunin lang siya at aalis din uli.

Bago marating ang kanyang silid ay nakasalubong niya si Tita Citas. May dala itong isang cute na sanggol. “Sino ang batang 'yan, Tita?”

“May nag-iwan nito sa harap ng bahay kaninang maaga pa. Nakalagay lang siya sa cradle. May kasamang sulat. Isa raw Falcon ang batang ito. So, isa sa inyong tatlong magkakapatid ang ama ng sanggol na ito.”

Natigilan siya. Kung pagbabasehan ang mukha ng bata ay hindi nga imposibleng anak iyon ng isa sa kanila. Kamukha nila ito, malago pa ang buhok. “Babae, Tita?”

“Lalaki.”

Hindi na niya nagawang umalis uli, maging ang Kuya Kiel niya. Noon din ay pinulong sila ng kanilang tiyahin.

“Tita Citas, paano kayo nakasiguro na isa nga sa aming tatlo ang ama ng sanggol na iyan?” Halatang may pagdududa sa tono ng panganay nila.

“Sigurado ako sa kutob ko,” sagot ni Tita Citas. “Pagkakita ko pa lang sa sanggol, iba na ang kutob ko sa kanya. Pagmasdan mong mabuti ang mga mata niya at ilong. Hindi ba’t kahulma rin ng mga mata at ilong ninyong tatlo?”

Iyon nga ang unang napansin niya kanina sa bata.

“Paano kung nagkataon lang 'yon, Tita?” hindi pa rin patatalong saad ni Kuya Kiel.

Tila nawawalan na ng pasensiyang ipinasa nito sa kapatid niya ang isang nakatuping sulat. “'Ayan, basahin mo.”

Sulat daw iyon ng ina ng bata. Kasama iyon sa cradle na pinaglagyan ng bata nang makita ito sa gate nila. Nakibasa rin siya sa kapatid.

Ayon sa sumulat, isang Falcon ang ama ng sanggol kaya nagawa nito na iwan doon ang bata. Hindi raw ito humihingi ng kahit na ano kaya hindi na ito nagpakilala. Ang gusto lang daw nito ay mabigyan ng magandang buhay ang sanggol. Wala raw itong kakayahan upang gawin iyon.

Hindi rin daw ito maghahabol sa bata kapag lumaki na ito. Sapat na raw dito na masilip ang anak sa mga pagkakataon na lingid sa kanila. Pakamahalin daw sana nila ang sanggol.

Nakalagay rin sa sulat ang petsa ng kapanganakan ng bata.

“Ang weird naman ng babaeng ito,” nasabi ng kuya niya pagkabasa sa sulat.

“Bakit naman?” parang iritadong sabi ni Gemino.

“Look, hindi na uso ang martir ngayon. Pero sa sinasabi niya dito sa sulat, parang pinalalabas niya na isinakripisyo niya ang bata dahil mahal niya ito.”

“Gano’n naman talaga, 'di ba?” salo naman niya, sa utak ay nagtutumining na may posibilidad na anak nga ng isa sa kanila ang bata, partikular siya. Dahil sa nangyari sa kanila ni Jam noon may isang taon na ang  nakararaan. 

Napahimutok siya nang tahimik. Isang taon na niyang hinahanap si Jam. Nagalugad na niya ang buong San Fernando, Pampanga at ang lahat ng beach resort sa San Fernando, La Union. Nagbabaka-sakali siya na sa isa sa mga beach resorts doon lumipat ng trabaho si Jam bilang lifeguard. Ngunit bigo siyang makita ito. Kahit ang PI na kinuha niya ay bigo rin sa paghahanap dito.

At kung si Jam nga ang ina ng bata, posibleng nagtatago talaga ito sa kanya kaya hindi niya makita. Ang hindi lang niya maunawaan ay kung bakit nagtatago ito sa kanya. Alam naman ni Jam na mahal na mahal niya ito.

“Huwag nga kayong naïve diyan,” nabubugnot na sagot ng kuya niya. “Siyempre, sasabihin ng babaeng iyon sa sulat ang lahat ng salitang makapangungumbinsi sa atin na isang Falcon nga ang bata. Pero sino’ng lolokohin niya? Malinaw pa sa spring water ang totoo. Naghanap lang siya ng pagpapasahan ng responsibilidad. At ang napili niya, tayo.”

Kumunot ang noo ni Gemino. “Nasaan ang puso mo, Kuya? Hindi ko man lang naisip ang sinabi mo na'yan.”

“Hindi ko alam na ganyan ka na ngayon,” segunda naman niya rito. Dahil kung si Jam nga ang ina ng sanggol at totoong marami itong pagkakautang, posible ngang iwan nito sa kanila ang bata sa kawalan ng kakayahang balikatin nito ang pagbuhay sa anak. “Kaya siguro hanggang ngayon, walang babaeng makatagal sa iyo,” sumbat pa niya sa kapatid na lampas-treinta na ay wala pa ring maipakilalang girlfriend sa kanila.

“Sandali nga!” pamamagitan ni Tita Citas. “Kung pagbabasehan ang kapanganakan ng sanggol na nakalagay sa sulat, tatlong buwan na ito ngayon. Ibig lang sabihin n’on na eksaktong isang taon na mula nang gawin ng isa sa inyo ang pagsiping sa ina nito. Ngayon, sagutin ninyo ako. Sino sa inyo ang sumiping sa isang babae noon?”

Isa man sa kanila ay walang nakaimik.

His aunt was incredulous. “My goodness! Don’t tell me na guilty kayong tatlo?”
Pare-parehong nagbaba lang sila ng tingin bilang tugon.

Halatang disappointed si Tita Citas. “Tapos na ang diskusyong ito. Hanapin ninyo ang kanya-kanyang babae na sinipingan ninyo noon. Iyon lang ang paraan para makilala ninyo kung sino ang ina ng batang ito at kung sino sa inyong tatlo ang tunay na ama nito.”

“DADDY, may pasalubong ako sa 'yo!” masiglang bati ni Jam sa amang si Daniel. Alam niyang paborito nito ang fresh lychees. Kaya naman paglabas niya kanina sa airfield ng pinapasukang airline at makita niyang may tinda niyon ang suki niyang fruit vendor ay bumili siya.

“Jam... a-anak...” Nakangiting lumapit ito sa kanya sa tulong ng tungkod. Himalang naligtasan nito ang major stroke na naging dahilan upang ma-coma ito.
Iyon nga lang, nang magkamalay ito ay hindi na makapagsalita. Paisa-isang syllables lang ang nabibigkas nito noon. Bahagya lang ang kilos ng kaliwang bahagi ng katawan nito. Ang kanan ay paralisado.

Pinagtulungan nilang mag-ina na alagaan ito. Kumuha rin sila ng physical therapist na sasanay sa bahagi ng katawan nito na nawalan ng lakas. Silang mag-ina ang nagtiyagang magsanay sa pagsasalita nito.

Nang lumakas ito ay sumaglit siya sa Kapakuan. Inayos niya ang kanyang mga gamit doon at pinaupahan na lang ang bahay niya. Hindi na siya makasama sa kanyang mga kaibigan sa mga lakaran. Itinalaga na niya ang kanyang sarili sa pag-aalaga sa daddy niya.

Kinalaunan ay nag-apply siyang muli sa isang airline bilang aircracft maintenance technician, ang dati niyang trabaho noong bago magkaproblema sa kanilang pamilya.

Totohanang muli niyang ibinalik ang sarili sa kanyang nakaraan.

Hindi na rin niya sinubukan pang makipagkita o makausap man lamang si Flynn. Nasaktan siya nang husto sa ginawa nito. Kung kailan pa naman down na down siya noon dahil sa nangyari sa daddy niya, ay saka pa niya malalamang ipinagpalit na siya nito sa iba.

“Dito tayo sa garden set, Daddy,” aniya habang iniuurong ang silyang uupuan nito. Sa patio na kadikit ng side entrance ng bahay naroon ang garden set. “Huhugasan ko lang saglit ang mga 'to,” tukoy niya sa prutas.

Nang makabalik siya sa patio ay prente nang nakaupo roon ang daddy niya. Nakangiti ito. “Ma-hal kita, a-nak.”

Lumawak ang ngiti niya. Madalas nitong sabihin sa kanya ang ganoon mula nang nakapagsasalita nang muli ito. Tila iyon assurance sa kanya na sa kabila ng mga katotohanang natuklasan nito ay sariling anak pa rin ang turing nito sa kanya.

Pagkatapos ibaba ang prutas sa mesa ay lumigid siya sa likuran nito. Pinagsalikop niya ang mga kamay sa gawi ng leeg nito at hinalikan ito sa noo. “Labs ko rin ang daddy kong guwapo.”

“Sana ba-lik ka sa da-ti... Go out with your friends. Ma-la-kas na 'ko. It’s a-bout time for you to look for a... hus-band.”

Bumungisngis siya habang ipinagbabalat ito ng lychee. “Si Daddy, ipinagtatabuyan na akong mag-asawa. Ayaw na ba ninyong pagsilbihan ko kayo? Nagsasawa na ba kayo sa akin?”

Umiling ito. Ikinumpas pa ang isang kamay. “No. 'Awa na 'ko sa 'yo. Ta-li ka na sa pag-a-a-la-ga sa 'kin. At gus-to ko a-po.”

Sandali siyang huminto sa ginagawa at nakangiting pinagmasdan ito. “I love what I’m doing, Daddy. At hindi kayo dapat maawa sa akin. I’m happy now. Alam ko nang mahal ninyo ako ni Mommy. At tungkol sa request ninyong apo, dadating din tayo diyan. Huwag lang kayong maiinip. Pasasaan ba at makikita din ako ng lalaking para sa akin talaga.”

“Ta-ma, da-pat siya mag-ha-nap sa 'yo,” sang-ayon nito.

Isang lalaki lang ang gusto ko sanang maghanap sa akin, Daddy, aniya sa isip. Pero hindi yata siya karapat-dapat na magbigay sa inyo ng apo.

Mayamaya ay tumunog ang Message alert tone ng cellphone niya. Numero lang ang nakarehistro sa munting screen. Hindi niya alam kung kaninong numero iyon. Hapi bday to me, sabi ng mensaheng hindi niya alam kung kanino nanggaling.

Pagkaalala kung sino sa mga kakilala niya ang may birthday sa araw na iyon ay natuwa siya. Agad niyang tinawagan ang numero. “Ivy?” bungad niya nang sagutin ng caller ang tawag. Halos sampung buwan na yata silang walang komunikasyon ng kanyang kaibigan.

Mula nang magkaroon ng malaking problema ang pamilya ni Ivy ay lumayo na ito sa kanila na mga kaibigan nito.

“Jam...” basag ang tinig ni Ivy. Halatang umiiyak ito.

“Ivs, what’s wrong? Nasaan ka? Magkita tayo. Pupuntahan kita.”

“Ipagdasal mo na lang ako.”

Nataranta na siya sa sinabi nito. “Ivy, kung ano man ang problema mo, please, don’t do anything foolish.”

“I won’t.”

Hindi siya gaanong kumbinsido sa sinabi nito. “Happy birthday, Ivy. Sino’ng kasama mo? Saan na ba kayo lumipat ng parents mo?”

“Salamat, Jam. H-hindi ko pa masasagot ang mga tanong mo.”

“Why not? Kaibigan mo ako. Come on, ibigay mo sa akin ang address mo. Gusto kitang makita.”

“I-I don’t deserve a good friend like you.”

“Tell me, nasaan ka? Pupuntahan kita.”

Ngunit hindi na ito sumagot pa. Pinutol na nito ang pag-uusap nila. Sinubukan niyang tawagang muli ngunit naka-off na ang cellphone nito. Todo ang dasal niya na sana naman hindi ito gumawa ng isang bagay na pagsisisihan nito. Na tulungan ito ng Diyos sa kung ano mang problema na kinakaharap.

Ilang ulit pa niyang tinangka na tawagan si Ivy sa numerong iyon. Ngunit hindi na siya makakontak. Ang common friends nila ang pinagtatawagan niya. Ngunit isa man sa mga ito ay walang nakakaalam kung nasaan na ngayon ang dalaga.

Isang araw na lumabas siya sa airfield ay dumaan siya sa 7-Eleven upang bumili ng ilang personal na gamit. Subalit papasok pa lamang siya sa pinto ay natanawan na niya ang pamilyar na bulto ni Flynn. Nakapila ito sa counter, nakauniporme pa nga. Kausap nito ang isang babaeng nakauniporme naman na gaya ng flight stewardess ng isang airline. At hindi lang basta kausap, nakakapit pa ang babae sa braso ni Flynn.

Naudlot siya sa pagpasok. Na-shock yata siya pagkakita kay Flynn pagkaraan ng halos isang taon. Daig pa niya ang naundayan ng saksak sa dibdib sa sakit na pumalit sa pagkabigla niya.

She willed every ounce of her willpower to turn and run. Nagawa nga niyang pumihit. Ngunit tila bakal ang kanyang mga binti nang ihakbang niya ang mga iyon. Oh, God, please, send a taxi.

“Jam?”

Kulang na lang ay hilingin niyang bumuka ang lupa at itago siya noon mula sa pamilyar na tinig ng dati niyang nobyo.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro