Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

4. Torpe No More

4

Nagulat si Jam nang paglabas niya ng bahay ay nasa tapat ang kotse ni Flynn. Bago ito umalis nang nagdaang gabi, wala namang sinabi ito na maagang pupunta sa bahay niya. Bumaba ito ng  kotse nang makita siya.

“Paalis ka?” usisa nito pagkatapos nilang magbatian ng “good morning.” Nakita nito ang bitbit niyang overnight bag.

“Oo. Paluwas ako sa Makati. Pupuntahan ko 'yong friend ko na tumawag sa akin kahapon.”

Lumitaw ang panghihinayang sa mukha nito. “Ang akala ko, papasok ka ngayon sa resort. Ihahatid sana kita doon.”

“Hindi ko nga pala nasabi sa iyo kahapon. Bukas sana ako on leave dahil kasal nga n’ong friend ko. Tumawag na lang ako kagabi na aagahan ko ang pagli-leave.”

“Ahm, kung ihatid na lang kaya kita sa Makati?”

“Naku, huwag na. Maaabala ka lang nang husto.”

“Okay lang. Gusto ko namang magpaabala sa iyo.”

“Pero—”

“Please, Jam. Hayaan mo nang ihatid kita sa pagluwas mo.” At para hindi na siya makatanggi pa, kinuha nito sa kamay niya ang bitbit na overnight bag.

“Nahihiya na ako sa 'yo,” sabi ni Jam nang tumatakbo na ang sinasakyan nila ni Flynn. “Malaking abala na itong ihahatid mo pa ako sa pagluwas.”

“Kulang pa nga ito sa nagawa mong pagliligtas sa akin.”

“Trabaho ko naman 'yon, hindi mo dapat tanawin na utang-na-loob.”

“Hindi lang naman sa utang-na-loob kaya ginagawa ko ito. Gusto ko itong ginagawa ko, Jam,” nakangiting sumulyap ito sa kanya. “Gusto kong pagsilbihan ka, makita ka, makatabi at makausap ka nang  ganito. Believe me, sa pagpayag mo, ako pa ang ginawan mo ng pabor.”

Grabe! Ang bilis namang nawala ng pagkatorpe ng isang 'to. Kung nasa isang lugar siguro siya na walang makakakita, malamang ,nag-swoon na siya.

Bago sila makapasok sa highway ay may tinawagan ito sa cellphone. “Magpapahanda lang ako... For two... Yeah, light pero 'yong best of the house... In an hour, I think. Okay.”

Pagkatapos nitong makipag-usap sa cellphone ay siya naman ang binalingan nito. “Mag-aabay ka ba sa friend mo?”

“Oo nga sana. Kaya lang, hindi na matutuloy ang kasal niya.”

“Bakit naman? Akala ko ba, bukas na ang kasal?”

“Bukas nga dapat 'yon pero umurong siya.”

Naging seryoso ang mukha nito. “Parang ang hirap naman yata n’on.”

“Sinabi mo. Nakahanda na nga lahat. Ang venue, ang magkakasal, ang reception, lahat. Siguro nga, halos wala nang mababawi kundi 'yong ilang menu na ipina-cancel sa hotel na magiging reception sana. Pero may damages pa rin silang babayaran doon, siyempre.”

“Ano naman ang reason ng friend mo para siya umurong?”

“May doubts siya sa pagpapakasal niya sa groom.”

“Kunsabagay, mas mabuti nang umurong siya ngayon kaysa habang-buhay niyang pagsisihan ang pagpapakasal kung sakali.”

“Tama ka. Mabuti nga kahit dalawang araw na lang, nagawa pa niyang umatras.”

“Pero mahirap sigurong tanggapin iyon sa parte ng lalaki. 'Laking kahihiyan n’on,” napapailing na sabi nito.

“At least, kahihiyan at pera lang ang mawawala sa kanila, hindi ang future happiness nila.”

Luminga ito sa kanya. “Kunsabagay. Ikaw ba, sa tingin mo, puwede din na  mangyari sa iyo ang gano’n?”

“Ang umurong sa kasal?”

“Oo.”

“Napakabigat na lang siguro ng dahilan para umurong ako sa isang kasal. Dahil in the first place, hindi naman ako papayag na magpakasal kung hindi ako siguradong mahal ko ang groom at gusto ko siyang maging asawa.”

“Well, hindi naman kita bibigyan ng mabigat na dahilan kung sakali,” pilyong wika nito.

Natawa siya. Pero sa loob niya ay todo ang kanyang kilig. “Feeling mo lang, hah!”

Nagulat siya nang iliko nito ang sasakyan sa isang fine-dining restaurant nang nasa San Fernando na sila. Nagtatanong ang mga matang tiningnan niya ito.

“Pareho tayong hindi pa nag-aalmusal, so...” Iginiya na siya nito sa loob ng malaking restaurant.

Daig pa nila ang hari at reynang pinagsilbihan sa loob ng kainan. Sila lang ni Flynn ang tao roon at nasa isang secluded section pa sila ng restaurant.

“I hope na makabawi naman ako this time,” sabi ni Flynn sa kanya nang isilbi na sa kanila ang mga pagkain. “Masarap silang magluto dito.”

Walang dudang nagsasabi nga ng totoo ito. Noon lang yata siya nakakain nang marami sa isang almusal. At sa buong panahon ng agahan nila ay naging masaya ang kanilang kuwentuhan.

It was like a date of sorts. Lalo pa nga na binubusog siya ni Flynn ng matatamis na ngiti at mga komentong tulad ng: “I like the way your eyes dance when you laugh.” O kaya naman ay: “Do you know you have the finest neck I’ve seen in a woman?”

Hindi na tuloy niya mai-reconcile ang lalaking torpe nang una silang magkita nito sa resort at ang Flynn na kasalo niya nang mga sandaling iyon sa masarap na agahan. This was probably her best romantic breakfast so far.

Sa bahay na sana siya magpapahatid kay Flynn pagkaalmusal nila ngunit nang tumawag siya roon ay wala raw ang kaibigan niya. Maaga raw umalis ito ng bahay. Hindi alam ng mga naroon kung saan ito nagpunta. Wala naman daw dalang overnight bag kaya tiyak na uuwi rin ito.   

“Ipasyal na lang kaya kita,” suhestiyon sa kanya ni Flynn.

“Naku, kilala ko ang kaibigan kong 'yon. Hindi 'yon magtatagal kung saan man nagpunta. Tiyak, baka mamayang gabi lang, uuwi na iyon. Pakidaan mo na lang ako sa bangko.”

Napapangiting napahaplos ito sa ulo. “Baka lang naman makalusot.”

Natawa na lang siya. Talagang nakaka-flatter na ang interes na ipinakikita nito sa kanya. At siya man, sa pagdaraan ng mga oras ay nararamdaman niyang nadaragdagan ang interes niya rito.

“UMUWI rin ang magaling na babae.”

Tinawanan lang ni Ivy ang paninita ni Jam. Hapon na ito umuwi. Nauna pa siya rito nang mahigit isang oras sa bahay ng mga ito. Naka-off ang cellphone nito kaya hindi niya makontak, pati mga magulang nito.

“Aba at ang bruha, nagagawa pang tumawa pagkatapos ng gulong pinaggagawa niya,” kunwari ay saway pa rin niya rito.

Sa halip na ma-offend ay hinawakan pa siya nito sa mga kamay at isinayaw-sayaw. “Hindi mo lang alam kung gaano kalaking relief ang naramdaman ko nang masabi ko kay Sonny na umuurong na ako sa kasal.”

“My goodness, Ivy! Malungkot ka naman at ma-guilty kahit kunwari lang.”

Binitiwan na nito ang mga kamay niya at nanunudyong tiningnan siya. “Hus, kung hindi ko pa alam, natuwa ka rin nang malaman mo na inurungan ko ang pagpapakasal kay Sonny. Alam ko naman, kahit wala kang sinasabi, hindi mo siya gusto para sa akin.”

Napahalakhak siya. “Well, well, well, malakas na din palang makiramdam ang isang ito.”

Sinupil nito ang ngiti at sumalampak na sa couch na nasa likod nito. “Pero tama ka. Dapat malungkot ako kahit paano sa nangyari. Galit na galit sa akin si Sonny. Mabuti na lang no’ng sabihin ko sa kanya ang masamang balita, narito siya sa amin. Hindi siya nagtangka na saktan ako.”

“Eh, nasaan na siya ngayon? Akala namin nina Tita,” tukoy niya sa mga magulang nito, “nagkita kayo at may ginawa na siyang masama sa iyo. Bakit ba kasi umalis ka nang walang paalam at in-off mo pa ang cellphone mo kanina?”

“Whoa! Isa-isa lang ang tanong. Actually, pumunta lang ako sa isang health spa na malayo rito. Gusto ko kasing mag-isip nang husto kaya nag-off ako ng cellphone. Hindi rin naman madali sa akin ang paghihiwalay namin ni Sonny. Kahit papaano, may pinagsamahan din kami.”

“But you don’t love him enough kaya ka nag-quit.”

“Right. Kaya huwag mo na akong konsiyensiyahin. Alam kong naiintindihan mo ako. Now, may nabanggit kang isang gorgeous hunk na nagkaroon ng temporary insanity dahil sa iyo. Tell me, tell me, tell me!” excited na pangungulit nito.

“'Oy, hindi ganyan ang term na binanggit ko sa 'yo, ha. But I like him, you know.”

Isang impit na tili ang pinakawalan nito.

SINUSUNDAN ni Jam ng tingin ang isang batang lalaki na marahil ay siyam na taon pa lang. Mahusay itong lumangoy at mabilis pa. Sa katunayan, sa ilang sandali niyang pagmamasid ay marami nang istilo ng paglangoy ang nagawa nito.

Natutuwa siya sa nakikita sa bata. May malayong alaalang pinukaw ito sa kanya. Mayamaya, nalipat naman ang tingin niya sa taong nakangiti at kumakaway mula sa tapat ng sky room—si Flynn.

Napailing siya. Dalawang araw lang na nawala ito at muli na namang naroon sa resort. Gumanti siya ng ngiti at kaway rito.

Nang ibaling niyang muli ang tingin sa batang lumalangoy kanina ay wala na iyon sa lugar na dating kinakitaan niya. Noon tumunog ang two-way radio na nakasabit sa dingding ng sky room. Tinig iyon ni Kit. May nalulunod na naman daw, sa tapat ng sky room ang huling nakitang posisyon.

Nakagat niya ang ibabang labi habang mabilis na bumababa ng hagdan. Kung hindi siya na-distract ni Flynn, hindi makakawala sa paningin niya ang swimmer.
“Hi, Jam,” salubong ni Flynn nang nasa ibaba na siya.

Hindi niya ito pinansin at nagpatuloy siya sa pagtakbo patungo sa dagat. Ginagalugad na ni Kit ang spot na huling kinakitaan sa bata nang makarating siya roon. Ngunit hindi ito makita.

Naisip niyang galugarin ang ilalim ng lambat na siyang harang patungo sa dangerous area ng dagat. Halos mahigop siya ng tubig dahil sa tila ipuipong current ng tubig sa kabilang panig. Lumalaki na ang tubig.

Kinakabahang nilaliman pa niya ang pagsisid. Hindi nga siya nagkamali, nasa kailaliman ang bata. Nakasabit sa lambat ang katawan nito.

Mabilis niyang sinenyasan ang kanyang mga kasama. Saglit pa at pinagtutulungan na nilang iahon ang bata.

Pinagyaman nila ang bata pagdating nila sa katihan. Nailabas naman nito ang nainom na tubig. Subalit kinailangan pa rin na madala ito sa ospital.

Galit na galit sa kanila ang ama ng bata. “Anong klaseng mga lifeguards kayo?” Dinuro pa sila nito habang isinasakay sa ambulansiya ang bata. “Trabaho ninyong bantayan ang mga nagsisipaligo rito. Ilang minuto nang nalulunod ang anak ko, pero hindi ninyo agad nakita!”

“Sir,” sagot naman ng hindi nakatiis na si Kit. “Kung hindi namin agad nakita ang anak ninyo, patay na sana siya ngayon. Ang totoo, naging pangahas ang anak ninyo na subukang kumabila sa danger side kaya naipit siya sa ilalim ng protective net.”

“Ah! Hindi ko hinihingi ang opinyon mo! Makaka-rating sa manager ng resort ang kapabayaan ninyong ito!”

Sasagot pa sina si Kit ngunit hinawakan na niya ang braso nito at hinatak palayo sa ama ng bata.

“Bakit kasi tayo na lang lagi ang nasisisi kapag may nangyayaring ganito?” himutok ni Kit sa kanya.

“Gano’n talaga. Wala naman silang ibang pagbubuntunan ng sisi. Alangan namang iyong mga sarili nila. Gano’n naman talaga ang tao, hanggang maaari, ilalayo sa sarili ang sisi kahit obvious na may kasalanan din sila.”

“'Yon na nga, eh,” inis pa ring sabi ni Kit. “Kung sinamahan ba niya 'yong anak niya sa paliligo sa dagat, di may sumaway sana sa bata. Nakita mo naman. Kahit 'yong beach sandals niya, hindi nabasa.”

“At amoy-alak siya,” panggagatong naman niya. “Kaya nga huwag mo na lang pansinin ang isang 'yon. Alam naman ng manager natin na hindi tayo nagpapabaya. Nakalampas man sa mga mata ko 'yong nangyari noong una, nakita n’yo rin naman kaagad.

Bumalik na sila sa kanya-kanya nilang puwesto. Ngunit naging matamlay na siya dahil doon. Katamlayang napansin ni Flynn nang sumapit ang uwian at makita niyang nag-aabang na ito sa ibaba ng outpost.

“Malungkot ka,” anito nang umagapay sa paglalakad niya. “Dahil ba sa nangyari kanina?”

Tumango lang siya.

“I’m sorry, Jam. Na-distract yata kita kaya nahuli ka sa pag-rescue roon sa bata.”

“Yeah. Kaya sana huwag mo nang gagawin 'yon.”

Narinig niya ang paghugot nito ng hininga. “All right, hindi na mauulit. Again, I’m sorry.”

Napalingon siya rito. Nahawahan na rin yata niya ito ng lungkot niya. “Actually, wala pa namang isang minuto akong nahuli sa paglapit doon sa kinalunuran ng bata,” dagling bawi naman niya. “Nagkataon lang na sumabay 'yong pagkawala niya nang kawayan mo ako.”

“Bakit pala matamlay ka at malungkot?”

“May naalala lang akong hindi maganda dahil doon.”

“I’m interested to listen. Pero kung gusto mo lang namang sabihin.”

Narating na nila ang sasakyan nito. Walang anumang nagpatuloy sila sa pag-uusap habang sumasakay roon. Para bang maraming beses na nilang ginagawa ang ganoon at routine na lang sa kanila. Parang natural na igiya siya sa kotse ni Flynn. At awtomatiko namang sumakay na lang siya.

“Nalunod din kasi ang brother ko kaya siya namatay.”

Napaharap ito sa kanya. “Lifeguard ka na noon?”

“Hindi,” sagot niya. Natagpuan na lang niya ang sarili na isinasalaysay rito ang isang masakit na pangyayaring kahit sa pinakamalapit niyang kaibigan ay hindi niya nagawang ikuwento. “Nasa beach resort din kami noon, buong pamilya. Pinilit ko siyang pumunta sa mas malalim na parte ng dagat dahil gusto ko siyang turuang lumangoy.

“Natuto naman siya sa katagalan. Pero natuwa yata siya nang husto na marunong na siya. Nang umahon na kami, akala ko kasabay ko na siyang nagbabanlaw at naroon siya sa shower room ng mga lalaki. Pero bumalik pala siya sa dagat. Nang hanapin siya ng mother ko, saka pa lang nalaman na nawawala siya. Mahigit isang oras bago siya nakita ng mga rescuers, patay na.”

Umabot ang kamay nito sa itaas ng kanyang siko. Pinisil-pisil siya nito roon na parang nang-aalo. Saka lang niya napansin na lumuluha na pala siya.

“I-I’m sorry. I didn’t mean to bore you with my sob story,” aniya sa walang sigla ngunit may apologetic na tawa. Pinalis niya ng palad ang luhang naglandas sa magkabilang pisngi niya.

“No, I told you, interesado akong makinig. At least, alam ko na ngayon kung bakit minsan, kahit tumatawa ka, parang malungkot pa rin ang mga mata mo."

Ikinibit na lang niya ang  mga balikat.

“Sana naman, hindi mo sinisisi ang sarili mo hanggang ngayon.”

“Paano ko gagawin iyon? Kung hindi ko siya tinuruang lumangoy, hindi maglalakas-loob ang kapatid ko na bumalik sa dagat nang mag-isa.”

“Hindi mo sinadya iyon, Jam. Hindi mo ginusto. Nangyari iyon dahil oras na talaga niya para kunin ng Diyos.”

“Sa edad na sampung taon?” napapailing na tanong niya. “Napakabata pa niya, Flynn. Marami pa sanang magagandang bagay na mangyayari sa buhay niya kung hindi siya agad nawala. Marami pang pangarap para sa kanya sina Mommy.”

“Pero isipin mo rin na baka kung hindi siya agad namatay, baka mapasama pala siya sa ibang panahon ng buhay niya. Baka hindi rin niya matupad ang mga pangarap ninyo sa kanya. Baka mas masakit pa sa pagkalunod ang kinasapitan niya. Hindi naman natin alam kung ano ang mangyayari sa buhay natin.  Ang sigurado lang, may dahilan ang Diyos kung bakit maaga siyang kinuha sa inyo.”
                   
Noon lang niya naisip ang posibilidad ng mga sinabi nito. Wala siyang ideya na ganito ang pananaw nito. Mukhang easy-go-lucky ito. Parang hindi seryoso sa buhay kung titingnan. Ngunit may laman naman pala ang utak nito, may sense mangatwiran.

“Ang kapatid mo rin ba ang dahilan kaya hiwalay ka ngayon sa inyo at nagsosolo kang mamuhay dito?”

Tumango na lang siya. Hindi pa siya handang sabihin dito ang maraming konsekwensiya ng pagkakamali niya sa kanyang kapatid.

Mukha namang nakuha nito ang gusto niyang mangyari. Iniba na nito ang kanilang paksa. “You know what? naisip ko lang, nasubukan mo na bang mag-float sa tub noong—”

“Noong bata pa ako,” salo niya rito na ikinapamilog nang husto ng magandang mga mata nito. Hindi niya alam, basta habang nagsasalita ito ay iyon agad ang naisip niyang sasabihin nito. At napangiti na siya pagkaalala roon. “Oo, madalas kong gawin iyon noon. Kaya nga sa bathroom nina Mommy ako lagi naliligo dahil malaki iyon.” 

“I can’t believe this,” sabi ni Flynn na sabay umiiling at natatawa. “Siguro may time noon na sabay pa tayong nagpo-float sa tub at ine-enjoy nating pareho 'yon.”

“Ginagawa ko 'yon kapag walang pasok at puwede akong magtagal sa paliligo.”

“Ako man. At kahit kakambal ko si Gemino and we shared so many things together—interests, mannerisms, habits, even dislikes—'yong pagpo-float sa tub, ako lang ang may hilig.”

“Nadiskubre kong gawin iyon mula nang turuan ako ni Lolo na mag-float sa swimming pool noong five years old pa lang ako.”

“Ako naman, noong paturuan kaming dalawa ni Gemino ni Papa sa isang swimming instructor. Naisip ko tuloy, kung magpapagawa man ako ng sarili kong bahay, magpapagawa ako ng malaking tub sa bathroom na kasya ang dalawang tao kahit sabay na mag-float doon.” Nagpapahiwatig ang tinging ipinukol nito na siya ang isa pang tao na gustong tukuyin nito.  

May masarap na haplos sa puso niya ang isiping iyon.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro