9. Lokuake's Magic
9
Pakiramdam ni Ayanna halinhinan siyang binuhusan ng mainit at malamig na tubig sa narinig. Natulos siya sa kinatatayuan habang nakatitig sa bata.
Hindi maikakaila na anak nga ito ni Kiel. Iisa ang hugis at anyo ng mga mata ng mga ito. Bakit hindi iyon ipinagtapat sa kanya ng binata?
“Oh, for goodness’ sake, Samantha. Huwag mong guluhin ang isip ni Ayanna,” galit nang wika ni Kiel. “Hindi ko anak ang batang 'yan.”
Napatingin siya kay Kiel. Paanong nagagawa nito na ipagkaila ang sariling anak gayong kamukha naman nito ang bata?
“Ang mabuti pa, magpapahain na ako sa maid,” pamamagitan ng tiyahin nito. “Dito ka na rin kumain, Samantha.”
“Huwag na, Tita,” sagot naman ng babae habang inililipat ang sanggol sa bisig ng matanda. “Baka hindi pa matunawan si Kiel.” Nginitian siya nito. Hindi nga lang niya tiyak kung sinsero ang ngiting iyon. “Nice meeting you, Ayanna. Bye, everyone. Bye, son.” Humalik muna ito sa sanggol bago lumabas.
Nanghihinang napaupo siya sa sofa. Napagaya na rin si Kiel sa kanya.
“A-anak ninyo ni Samantha ang bata?” tanong niya rito nang makaalis na rin ang tiyahin nito.
“No, of course not. Gusto lang akong inisin ng babaeng 'yon.”
“Pero anak mo si Kyle?”
“Hindi rin.”
Natitilihang tiningnan niya ito. Nag-iwas naman ito ng tingin. “Kiel, kamukha mo ang bata.”
“Hindi ko siya anak, okay?” iritado nang sagot nito.
Hindi siya kumbinsido. “Kung hindi ikaw, sino ang ama ng bata?”
“Okay,” sumusukong saad nito. “Para mawala ang mga pagdududa mo, ipaliliwanag ko sa iyo ang tungkol kay Kyle.”
Habang isinasalaysay nito ang tungkol sa pagkatao ng sanggol, lalo lang siyang nagkaroon ng pagdududa. Lalo lang siyang nakumbinsi na anak nga nito ang bata. Nasa isip lang niya ang pagdududang iyon hanggang sa matapos silang magtanghalian.
Mukhang mabait naman ang Tita Citas ni Kiel. Nararamdaman nga lang niya na may kaunting disgusto ito sa kanya. Nagpipilit itong itago iyon ngunit habang nag-uusap sila sa hapag ay umaalpas naman. Pero discreet Gaya na lang ng komento nito bago sila magpaalam.
“Ayanna, pinaaalalahanan lang kita. Kung hindi matibay ang sikmura mo sa mga kahinaan nitong si Kiel, kalimutan mo na ang pagpapakasal sa kanya.” Magaan lang ang paraan ng pagkakasabi nito. Ngunit malinaw ang mensaheng ipinahahatid na baka hindi siya tumagal.
Habang patungo sila sa Lokuake ay naglalaro sa isip niya ang sinabing iyon ni Tita Citas. Pumikit siya at nagtulug-tulugan para hindi maabala sa pag-iisip.
Paano kung hindi pala magkatulad ang Kiel na katabi niya ngayon at ang pagkatao ng Kiel na sa loob ng walong taon ay inalagaan niya sa kanyang puso? Umalis ba siya sa komportableng piling ni Mon para isugba niya ang sarili sa apoy sa piling ni Kiel?
If that were the case, ano ang gagawin mo, Ayanna?
Ano ang gagawin niya kung totoo ang pagdududa niya na anak nito ang sanggol? Ano ang gagawin niya kung anak nito iyon kay Samantha? Ano ang gagawin niya kung hindi kasing-honest si Kiel na tulad ng inakala niya rito? Matatanggap ba niyang magpakasal sa isang lalaki kung sakali na sa simula pa lang ay marami nang inililihim na pangit sa pagkatao nito?
Napabuntong-hininga siya. Napilitan siyang dumilat nang marinig ang boses ni Kiel.
“Pagod na ba ang mahal ko?” Nakangiti ito, malambing ang boses.
Muntik na niyang nahigit ang hininga. Alam na niya ang sagot sa mga tanong niya. Kabawasan man o pakinabang para sa kanya, at sa kabila pa ng mga kahinaan nito, nagdudumilat ngayon ang katotohanan kung bakit nagtiis siyang ingatan ito sa puso niya. Kung bakit hindi ito nagawang ungusan ni Mon doon sa loob ng mahabang panahon—mahal talaga niya si Kiel.
Siguro aayawan niya ang mga mali rito. Marahil sasalungatin niya at pagsasabihan ito sa mga kahinaan, ngunit mas malamang sa hindi, na tanggapin pa rin niya ito.
Inilapat nito ang isang kamay sa kanyang punong-braso at hinapit siya. “Malapit na tayo sa mansiyon ng biyenan ni Jericho.”
Hindi nga nagtagal at dumako ang sasakyan sa isang tree-lined road. Napakatahimik ng paligid at ang kagandahan niyon ay parang pinilas sa isang country garden magazine. Sa dulo niyon ay ang ancestral mansion na bago pa ang pinta. Marahil ay katatapos lang na i-renovate iyon.
Hindi pa man sila nakakababa ay sinalubong na sila ng isang babae at lalaki na hindi nalalayo sa edad nila.
“Kiel, Ayanna,” bati ng lalaki sa kanila. Nagulat siya dahil alam nito ang kanyang pangalan. “Halikayo, doon tayo sa garden. Nasa Manila pa sina Daddy. Kaaalis lang ng mga kapatid ni Divina kaya tayo lang ngayon dito. Nag-set up kami ng picnic table sa garden nitong misis ko.”
Sa gilid ng mansiyon sila dumaan. Isang malawak at napakagandang hardin ang sumalubong sa kanila. Sa ilalim ng isang mayabong na puno ay may naka-set up na collapsible picnic table. Sa tabi niyon ay may isang crib.
Nalaman niyang Divina ang pangalan ng asawa ni Jericho. Isang pitong buwang batang lalaki ang anak ng mga ito, nasa kalikutan pa. Sa katunayan, panay ang likot ng bata habang karga ito ng isang kawaksi.
Ayon sa kanilang hosts, ang sinasabi ng mga ito na magandang lokasyon ng gagawing airstrip ay nasa likuran lang ng matayog na dalisdis na malapit sa dulo ng hardin.
“Puwede tayong magkotse papunta roon,” sabi ni Jericho. “Iikot tayo sa gawing iyon,” anito, sabay turo sa kanan. “Meron din namang shortcut dito sa likod kung okay sa inyo na maglakad lang. Dadaanan natin ang waterfalls papunta roon.”
Pagkarinig sa sinabi nito ay napatingin sa kanya si Kiel. Nangislap ang mga mata nito. “Waterfalls daw, sweetheart.”
Napangiti si Divina. “Magugustuhan n’yo ang lugar na iyon.”
Nagkasundo silang maglakad na lang.
PUMASA sa assessment ni Kiel ang lugar na posibleng gawing airstrip. Sinabi nito kay Jericho na makikipagkita ito sa biyenan ng lalaki sa darating na Linggo. Ipiprisinta raw muna nito sa board ng Falcon Air ang naturang prospective project.
Nang pauwi na huminto muna sila sa tabi ng napakagandang waterfalls. Hinubad pa ni Kiel ang sapatos at medyas nito, inililis ang laylayan ng pantalon at inilawit ang mga paa sa tubig.
Natawa si Jericho. “Isa rin ito sa pinakagusto kong lugar dito sa Lokuake. Why don’t you spend the night here? Bukas na lang kayo umuwi para mas makapag-enjoy kayo.”
“I like the idea,” sagot naman ni Kiel. “Pero hindi alam kina Ayanna. Next time na lang siguro.”
Nagpaalam sa kanila si Jericho. May ilang phone calls muna raw na gagawin ito. Babalikan na lang daw sila roon.
“Come here, sweetheart,” sabi sa kanya ni Kiel nang sila na lang doon. Tinapik nito ang katabing bato ng inuupuan nito.
“Ayokong magbasa ng mga paa,” natatawang tanggi niya dahil para itong bata habang pinaglalaro ang mga paa sa tubig. “Baka ma-tempt akong lumusong. Wala akong dalang damit.”
“Then we will buy some. Malapit lang ang mall dito.”
Sa halip na sundin ito ay naakit siyang i-explore ang paligid. Lahat ay maganda sa paningin niya. Totoo talaga na ang Diyos ang pinakamahusay na artist. Ang pagkakasalansan ng mga bato sa pampang, ang mga puno at palumpong na nagsisilbing frame ng pook na iyon, ang pagkakahugis ng maliit na pool na nilikha ng waterfalls, lahat ay maganda.
Gumawi ang tingin niya sa itaas ng talon. Tinutubuan iyon ng berdeng-berdeng uri ng pakô at makapal na kawayan. Parang itinanim ang mga iyon sa ayos ng pagkakahanay. Natagpuan na lang niya ang sarili na umaakyat doon.
“Careful, sweetheart,” dinig niyang paalala ni Kiel.
“I will,” sagot naman niyang hindi lumilingon dito. Madali lang puntahan iyon dahil malapad ang daan at may maayos na tuntungan ang paakyat. Unti-unting nagkahugis ang isang maliit na clearing sa paningin niya.
Nang hawiin niya ang ilang dahon ng pakô, nahigit niya ang hininga. Nalalatagan ang clearing ng isang uri marahil ng halamang-ligaw. Parang damo iyon ngunit ang mga dahon ay maliliit na bilog. Pantay-pantay ang pagkakalatag ng mga iyon sa clearing.
Parang masarap apakan iyon sa tingin niya. Hinubad niya ang sandals na suot. Tama ang palagay niya. Tila alpombra sa lambot ang halamang iyon nang iapak niya ang hubad na mga paa.
“Very beautiful.”
Biglang napalingon si Ayanna. Kasunod na pala niya si Kiel. Nakatuon sa kanya ang nasisiyahang tingin nito habang lumalapit sa kanya.
“Bigla kong naisip na siguro, kapag nagkaroon tayo ng anak na babae sigurado magiging kamukha mo. She will look exactly like you are now, carefully treading this grass.”
Hindi siya nakahuma sa sinabi nito. She instantly loved the idea.
Lumapat ang isang kamay nito sa kanyang likod, ang isa pa ay sa kanyang baba. Nablangko na ang isip niya sa ibang bagay nang maghinang ang kanilang mga mata.
Unti-unting lumapit ang mukha nito sa kanya, tiyak ang pakay. Walang pag-aatubiling dumampi ang mga labi nito sa kanyang bibig, sigurado ang bawat galaw. Nagkislutan sa mga himaymay ng kanyang laman ang kapangyarihang nilikha niyon.
Parang bigla silang napaloob sa isang panahon na hindi umuusad. And she knew at that moment that her fate was sealed. Habang-buhay na pagkabilanggo sa pag-ibig niya kay Kiel.
Kinumpirma iyon ng halik nito sa kanyang bibig. Halik na hindi niya makakalimutan hanggang sa huling bugso ng kanyang hininga.
MALIGAYANG-MALIGAYA si Ayanna habang pabalik sila ni Kiel ng Maynila. Kinalimutan muna niya ang pag-iisip sa mga problema. Itinaboy muna niya ang inaalala. Nilunod niya ang sarili sa mga pangarap na hinahabi ni Kiel para sa kanila.
“Kapag nagawa na ang airstrip sa Lokuake, ilang minuto lang at makakarating na tayo roon,” sabi nito habang nagmamaneho. Hawak nito ang isang kamay niya, hindi binibitiwan kahit na kumakambiyo ito. “We can always spend summer weekends there... Puwede tayong mag-camp doon sa clearing. I think summer nights there will be spectacular.”
“Lalo na siguro kung kabilugan ng buwan,” sang-ayon niya.
“Yeah...” Napahinga ito. “Sweetheart, habang nagkakasama tayo, parang mas nagkaka-appeal sa akin na tumira sa Miranda.”
“Bakit naman?”
“Napaka-idyllic kasi ng lugar na iyon. Katulad ng Lokuake. Sa palagay mo, magugustuhan mong tumira doon?”
“Sa mansiyon ninyo?” Biglang naalala niya ang Tita Citas nito.
“Hindi. Magpapagawa tayo ng ibang bahay, siyempre.”
Isang bahay na solo nila ni Kiel. May garden na puwede niyang pagtaniman ng lahat ng gusto niyang flowering plants. “I’d love that.”
Dinala ni Kiel sa bibig nito ang kanyang kamay at dinampian iyon ng halik. “Huwag mong masyadong pansinin si Tita Citas. Kapag nagtagal-tagal, mahuhuli mo rin ang loob n’on.”
Nang maihatid siya nito sa kanila may nadatnan silang isang puting kotse sa tapat ng kanilang gate. Hindi niya alam kung kanino iyon. Bago lang ang kotse.
“Dumaan ka muna,” aniya kay Kiel.
“Next time na lang. Mukhang may bisita si Nanay. Ipagpaalam mo na lang ako sa kanya.” Hinintay lang nito na makapasok siya ng gate at umalis na.
“May bisita ka,” sabi ng kanyang ina nang salubungin siya nito sa harapang pinto.
Nagmano muna siya rito. “Sino po?”
“Si Mon.”
Biglang nakadama siya ng guilt pagkabanggit sa pangalan ng dating asawa. Naburang bigla ang kaligayahan na maghapong namahay sa dibdib niya habang kasama si Kiel kanina.
“Ayanna,” pormal na bati ni Mon nang marating niya ang kanilang sala. Napuna niyang mas payat ito ngayon kaysa noong huli silang magkita. Isang taon na rin pala silang hiwalay.
“Mon... K-kumusta?”
Nagkibit-balikat ito. “Ikaw, kumusta?”
“M-mabuti.”
“May dala akong magandang balita sa iyo, Ayanna.”
Nagtatanong ang mga matang tiningnan lang niya ito. Pormal pa rin ang ayos nito. Hindi na niya mabakas ang masayahing Mon noon. Hinaplos na naman ng awa ang dibdib niya para dito.
“Bumaba na ang desisyon ng korte tungkol sa annulment natin.”
Nahigit niya ang hininga. “Ganoon kabilis?”
Ito naman ang nakitaan niya ng guilt sa mukha. “May... may ipagtatapat ako sa iyo, Ayanna. May inilihim ako sa iyo noon. Sana mapatawad mo ako.”
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro