Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

7. Who Sired The Child?


7

Nagsimula nang lumitaw ang mga bituin sa langit pero naroon pa rin sa clubhouse si Ayanna.

Limang oras na siyang naghihintay kay Kiel. Kapag nangawit siya sa pagkakaupo ay tumatayo siya at naglalakad-lakad. Kapag naman nangalay na ang mga binti niya sa matagal na pagkakatayo ay nauupo uli siya. Iba’t ibang posisyon sa pag-upo ang nasubukan niya.

Batid niyang malabo nang dumating pa si Kiel ngunit hindi niya magawang umalis.

Diyos ko, nagsawa na po ba siya sa paghihintay?

Parang napakahirap sa kanya na tanggapin iyon. After all, nakapaghintay na ito nang pitong taon. At ngayong sumapit na sa ikawalong taon ang kanilang paghihintay, ngayong nakatatanaw na siya ng pag-asa na sa wakas ay magkakapuwang na ang pagmamahalan nila ni Kiel, saka naman yata napagod na itong maghintay.

Tiningnan niya ang kanyang palasingsingan. Wala na roon ang mga singsing na ibinigay sa kanya ni Mon. Iniwan niya ang engagement ring sa naging bahay nila pati na rin ang wedding ring niya. Nang i-file nito ang kanilang annulment ay umalis na siya roon. Muling tumira siya sa kanyang ina.

Malaya na ako ngayon, Kiel. Pero nasaan ka...?

Tinumbasan ni Mon ang halaga ng mga ari-ariang tinanggihan niya. Ang photo developing center lang ang ibinigay nitong property sa kanya na tinanggap niya. Wala pa mang desisyon ang korte ay iniwan na nito sa kanya ang malaking halaga na inilagay nito sa account niya. At pagkatapos ay nagpaalam na itong pupunta sa Singapore para sa bubuksan daw nitong negosyo.

Napakabilis ng panahon. Mag-iisang taon na ngayon mula nang lisanin niya ang tahanan nila ni Mon. Mag-iisang taon na rin niyang hindi nakikita ito. Wala na siyang balita rito dahil ipinagbili na nito ang dati nilang bahay. Marahil ay pumisan uli si Mon sa ina nang makabalik ito mula sa Singapore.

Masakit sa kanya ang paghihiwalay nila. Hanggang ngayon ay hindi siya makapaniwala na ito ang nag-propose na ipa-annul ang kanilang kasal. Alam niya kung gaano siya kamahal nito.

May mga pagkakataon tuloy na naiisip niya—sa kabila ng mga ikinatwiran nito sa kanya nang unang sabihin ang proposal tungkol sa paghihiwalay nila—na nagpasya lang itong maghiwalay sila upang hindi siya habang-buhay na magdusa sa kaalaman na hindi siya mabibigyan nito ng anak.

Kung totoo ang kanyang hinala, kinukumpirma lang niyon kung gaano siya kamahal ni Mon. Lalo lang siyang nakadama ng awa para dito.

Oh, Mon... sana, makatagpo ka rin ng isang babae na magmamahal sa iyo nang lubos. Isang babae na karapat-dapat sa kadakilaan ng pagmamahal mo.

Isang oras pa siyang nanatili sa Triboa bago siya nagpasyang lisanin ang pook na iyon.

Mabigat na mabigat ang kanyang dibdib. Saan niya hahanapin si Kiel? Hindi niya alam kung saan ito nakatira. Ni hindi niya alam kung tagasaan ito.

Hindi pa siya nakakatayo sa inuupuan ay nag-unahan nang pumatak ang mga luha niya dahil sa nadaramang frustration. “God, please...” mahinang usal niya, pigil na mapabulalas ng iyak. Ano nga kaya ang dahilan at hindi nakasipot doon si Kiel?

Hinintay muna niyang tumigil sa pagpatak ang mga luha niya bago tuluyang lumabas ng clubhouse. Naghintay siya ng taxi. Hindi siya nagdala ng kotse dahil umaasa siya na sa pagkakataong iyon ay sabay na silang lalabas ni Kiel ng Triboa. Ngunit nagkamali siya.

HAPUNG-HAPO ang pakiramdam ni Ayanna nang makauwi siya sa kanila mula sa anim na oras na paghihintay kay Kiel sa Triboa. Pagdating sa kanyang silid ay pabagsak niyang inilagak ang pagod na katawan sa malambot na kama.

Ibig niyang ipikit ang mga mata ngunit hindi niya ginawa. Ayaw niyang magsalimbayan na naman sa isip niya ang mga alalahanin. Gusto niyang gawing blangko ang isip niya tungkol kay Kiel, kay Mon at sa kanyang sarili.

Napako ang tingin niya sa malaking picture frame na nasa dingding na kaharap ng kanyang kama. Iyon ang iniwang souvenir sa kanya ni Sarah ilang buwan na ang nakararaan.

Kuha ang larawang iyon sa magandang tanawin ng Triboa Bay. May tatlong sailboat pa sa laot na malinaw na na-capture ng camera. Puti, aquamarine at orange ang kulay ng layag ng mga iyon.

Sa hula niya kinunan ni Sarah ang tanawing iyon noong ihatid niya sa Triboa ang naiwang films nito sa kanilang tindahan. Noong araw na aksidenteng mabunggo siya ni Kiel doon.

Napabuntong-hininga siya. Pumikit man siya o dumilat ay wala pa rin siyang ligtas sa alaala ni Kiel. Sa bandang huli, hinayaan na lang niya ang sarili na bahain ng alaala nito.

Tumagilid siya ng higa at inabot ang drawer na pinaglalagyan niya ng lahat ng mga naibigay na anniversary token ni Kiel sa kanya. Kinuha niya roon ang unang ibinigay nito—ang window box na naglalaman ng isang swan na gawa sa linen paper. Ikalawa ay ang miniature lamb na gawa sa bulak. Ikatlo ay ang leather coin purse. Bulaklak naman ang ikaapat. Matagal nang tuyo at naging brownish na ang kulay niyon ngunit hindi niya inalis sa kahon.

Ang ibinigay naman sa kanya ni Kiel sa ikalimang anibersaryo nila ay ang kambal na puso na gawa sa kahoy. Nakaukit doon ang mga pangalan nila. Ang ikaanim ay replica ng wrought-iron bench sa clubhouse ng Triboa. Wala pang isang dangkal ang laki niyon at gawa sa stainless na bakal. Isang munting anghel naman ang ibinigay sa kanya ni Kiel noong nakaraang taon. Gawa iyon sa tanso.

Nasisiyahang ibinalik niya ang pitong anniversary token sa loob ng drawer. Kahit paano ay binuhay ng mga iyon ang kanyang pag-asa. Naghintay si Kiel sa kanya nang mahabang panahon. Hindi na ito umaasa pang magkakaroon ng puwang sa mundo ang pag-iibigan nila. Siya man ay hindi na rin umaasa—dati. Ngunit may sorpresa pa palang nakalaan sa kanila ang tadhana.

Pinuno niya ng hangin ang dibdib. Maaaring may nangyari lang para hindi makasipot sa clubhouse si Kiel. Ngunit alam  niya sa kanyang puso, magkikita pa rin sila nito. Sa isiping iyon siya nakatulog.

Agaw-tulog na siya nang may kung anong pumukaw sa kamalayan niya. Dumilat siya. Alas-nuwebe na sa suot niyang relo. Noon niya narinig ang mga katok sa pinto ng kanyang silid. Kasunod niyon ang mahinang tawag ng kanyang ina.

“Bukas 'yan, 'Nay,” sagot niyang hindi na nag-abala pang bumangon.

Pumasok nga ito sa kanyang silid. “Anak, may naghahanap sa 'yo sa ibaba.”

      Mabagal na bumangon siya. “Sino daw po?”

Nanlaki ang kanyang mga mata sa pangalan na sinabi ng kanyang ina.

“TAMA ang narinig mo, Kiel. Isa sa inyong tatlo ang ama ng sanggol na ito,” ulit ni Tita Citas sa sinabi ng kapatid niyang si Flynn.

Kung pagbabasehan ni Kiel ang ikinikilos ng kanyang tiyahin—ang tila pigil na pagkagiliw sa sanggol habang pirmi nitong kalong iyon—ay sasabihin niya na gusto nito ang ideya ng biglaang pagkakaroon ng sanggol na maaalagaan.

Paalis na sana siya para magtungo sa Triboa ngunit hinadlangan siya ng kanyang tiyahin. Nais malaman nito kung sino sa kanilang magkakapatid ang ama ng sanggol na natagpuan sa kanilang gate. Kaagad na nagtakda ito ng komperensiya para sa kanilang tatlo.

“Tita Citas, paano kayo nakasiguro na isa nga sa aming tatlo ang ama ng sanggol na iyan?” Kahit na may pagkakahawig nga ang bata sa kanila ng kambal niyang mga kapatid ay hindi pa rin siya kumbinsido na may kaugnayan sila rito.

Unang-una, hindi naman promiscuous ang isa man sa kanila. Ikalawa, hindi na bago sa kanila ang kung anu-anong gimmick ng mga babae magkaroon lang ng kaugnayan sa kanila at sa kayamanang nirerepresenta ng kanilang pangalan. Posibleng isa lang ang pag-iiwan ng sanggol sa kanilang gate sa mga pakana na iyon.

“Sigurado ako sa kutob ko,” sagot ng tiyahin niya, medyo offended na dahil sa kanyang pagdududa. “Pagkakita ko pa lang sa sanggol, iba na ang kutob ko sa kanya. Pagmasdan mong mabuti ang mga mata niya at ilong. Hindi ba’t kahulma rin ng mga mata at ilong ninyong tatlo?”

“Paano kung nagkataon lang 'yon, Tita?” hindi pa rin patatalong sabi niya.

Tila nawawalan na ng pasensiyang ipinasa nito sa kanya ang isang nakatuping sulat. “'Ayan, basahin mo.”

Sulat daw iyon ng ina ng bata. Kasama iyon sa cradle na pinaglagyan ng bata nang makita ito sa gate nila.

Napipilitang sinunod niya ang tiyahin.

Ayon sa sumulat, isang Falcon ang ama ng sanggol kaya nagawa nito na iwan doon ang bata. Hindi raw ito humihingi ng kahit na ano kaya hindi na ito nagpakilala. Ang gusto lang daw nito ay mabigyan ng magandang buhay ang sanggol. Wala raw itong kakayahan para gawin iyon.

Hindi rin daw ito maghahabol sa bata kapag lumaki na ito. Sapat na raw dito na masilip ang anak sa mga pagkakataong lingid sa kanila. Pakamahalin daw sana nila ang sanggol. Nakalagay rin sa sulat ang petsa ng kapanganakan ng bata.

“Ang weird naman ng babaeng ito,” nasabi niya pagkatapos basahin ang sulat.

“Bakit naman?” ani Gemino na parang iritado. Parang gusto pa yata nitong kampihan ang babaeng nag-iwan ng sarili nitong anak.

“Look, hindi na uso ang martir ngayon. Pero sa sinasabi niya dito sa sulat, para pinalalabas niya na isinakripisyo niya ang bata dahil mahal niya ito.”

“Gano’n naman talaga, 'di ba?” salo naman ni Flynn.

Gusto niyang kalugin ang utak ng dalawa. Kambal nga talaga ang mga ito, iisa ang takbo ng mga utak. “Huwag nga kayong naïve diyan. Siyempre, sasabihin ng babaeng iyon sa sulat ang lahat ng salitang makapangungumbinsi sa atin na isang Falcon nga ang bata. Pero sino’ng lolokohin niya? Malinaw pa sa spring water ang totoo. Naghanap lang siya ng pagpapasahan ng responsibilidad. At ang napili niya, tayo.”

Kumunot ang noo ni Gemino. Isang bagay iyon na bihira niyang makita rito. Alam niya ang ibig sabihin niyon, galit ito. “Nasaan ang puso mo, Kuya? Hindi ko man lang  naisip ang sinabi mo na 'yan.”

“Hindi ko alam na ganyan ka na ngayon,” segunda naman dito ni Flynn. “Kaya siguro hanggang ngayon, walang babaeng makatagal sa 'yo.”

Nag-init kaagad ang ulo niya sa pagtutulungan ng kambal. Ngunit bago pa siya makagawa ng hindi maganda ay namagitan na si Tita Citas.

“Sandali nga! Kung pagbabasehan ang kapanganakan ng sanggol na nakalagay sa sulat, tatlong buwan na ito ngayon. Ibig lang sabihin n’on na eksaktong isang taon na mula nang gawin ng isa sa inyo ang pagsiping sa ina nito. Ngayon, sagutin ninyo ako. Sino sa inyo ang sumiping sa isang babae no’n?”

Isa man sa kanila ay walang nakaimik.

His aunt was incredulous. “My goodness! Don’t tell me na guilty kayong tatlo?”

Pare-parehong nagbaba lang sila ng tingin.

Halatang disappointed si Tita Citas. “Tapos na ang diskusyong ito. Hanapin ninyo ang kanya-kanyang babae na sinipingan ninyo noon. Iyon lang ang paraan para makilala ninyo kung sino ang ina ng batang ito at kung sino sa inyong tatlo ang tunay na ama nito.” 

Nagpapalitan silang tatlo ng buntong-hininga nang lumapit ang isang maid. May babae raw na naghahanap kay Kiel.

“Sino?” tanong niya sa kawaksi.

“Samantha daw po.”

Parang sabay na binuhusan siya ng mainit at malamig na tubig. Eksaktong isang taon na mula nang huli niyang makita ito. Nagkita sila sa bar hanggang yayain siya ng babae sa pension house na tinutuluyan nito. At doon...

Nasapo niya ang ulo sa isang posibilidad na umaalpas sa utak niya. Napilitan siyang tumayo para harapin ito.

Hindi niya gaanong naunawaan ang naging takbo ng pag-uusap nila ni Samantha kanina. Niyayaya siya nito para sa isang party na gaganapin sa bahay nito. Kung para saan ang party na iyon ay hindi na niya naintindihan. Abala ang isip niya kung paano ito mapapaalis nang maaga upang makapunta na siya sa Triboa.

Ngunit hindi niya ito napaalis. Isinabay pa ito ni Tita Citas sa merienda. Nang makatakas naman siya kay Samantha, sa pagmamadali, nakadisgrasya siya ng sasakyan. Nayupi nang husto ang fender ng sasakyang nasa unahan niya.

Maraming kuskos-balungos ang driver niyon pati na ang traffic police na lumapit sa kanila. Inabot siya nang dalawang oras sa paghihintay at pagkikipag-areglo.

Naisip tuloy niya, parang gumagawa ng paraan ang tadhana upang hindi sila pagtagpuin ni Ayanna.

PALAPIT pa lang si Kiel sa gate ng Triboa ay siya namang pag-alis doon ng isang taxi. Hindi niya nakita ang sakay niyon ngunit parang may kumislot sa dibdib niya. Imposible naman yatang si Ayanna ang sakay niyon. May sariling kotse ito. Minabuti niya na magtuloy na sa loob.

Bukod sa isang security guard ay wala na siyang nakitang tao sa bisinidad ng clubhouse. Bakante rin ang love seat sa silong ng wooden arbor. Kahit inaasahan niyang wala na roon si Ayanna ay nanlumo pa rin siya. Pumasok siya sa loob sa pagbabaka-sakali. Ngunit wala isa man sa mga tao roon ang kahawig man lamang ni Ayanna.

Lulugu-lugong bumalik siya sa silong ng wooden arbor. Isang lalaki na marahil ay hindi nalalayo sa edad niya ang ay nakaupo na roon.

“Ezekiel?” hingi nito ng kumpirmasyon sa kanya habang tumatayo ito.

“Bakit mo ako kilala? Sino ka?” Matandain siya sa mukha ng mga taong nakakasalamuha niya, kahit iyong minsan lang niya nakausap. Hindi niya kilala ang kaharap. Tiyak niya sa sarili na ngayon lang niya ito nakita.

“I’m Harmon Abreira... ex-husband ni Ayanna.”

Parang biglang nanlaki ang ulo niya sa narinig. Seryoso ang mukha nito. Parang inaasahan na niyang ano mang sandali ay makakatikim siya ng suntok o sipa mula rito.

Ngunit lumipas na ang ilang sandali ay hindi iyon nangyari. Nagtaka pa siya sa sumunod na sinabi nito. “Kaaalis lang niya. Matagal ka niyang hinintay dito.”

“K-kasama ka niya kanina?” nagawa niyang itanong kahit naguguluhan siya.

“Hindi,” malungkot na sagot nito. “Hindi niya alam na narito din ako. Mag-iisang taon na din na hindi niya ako nakikita.”

Lalo siyang na-curious. “Pero bakit?”

“Hiwalay na kami. Nasa process na ang annulment ng kasal namin. Isa sa mga araw na ito lalabas na ang desisyon ng korte.”

“Bakit kayo... naghiwalay?” maingat na tanong niya. May bumabangong pag-asa sa dibdib niya.

“Hindi ko siya mabibigyan ng anak.”

Nakadama siya ng awa para dito. Kung tama ang pagkabasa niya sa kilos at mukha nito, mahal pa rin nito si Ayanna. Ngayon siya nagpapasalamat na nagawa nilang manatili na hindi nadudungisan ang pangalan nito.

Muling nagsalita ang lalaki, may pagmamadali na. “Mahalin mo sana siya nang higit sa pagmamahal na ibinigay ko sa kanya.” Pagkatapos ay iniabot nito sa kanya ang isang calling card. “Diyan mo siya makikita.”

Naguguluhan pa rin na kinuha niya ang iniabot nito.

“Sige, I wish the best to both of you,” anito at tumalikod na. 

“Salamat,” nagawa pa rin niyang ipahabol kahit mabilis ang pag-agwat nito.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro