Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

6. Way Out


6

"Puwede ba tayong mag-usap?"

Seryoso ang tono at ayos ni Mon kaya kinabahan si Ayanna. Kagagaling niya noon sa bahay ng kanyang ina. Inilagak niya sa drawer doon ang ikapitong taong anniversary present sa kanya ni Kiel. Diyos ko! May alam na po ba siya?

Kaagad na nanlamig ang mga kamay niya at talampakan. "A-ano'ng pag-uusapan natin?"

Hindi ito sumagot. Kinuha lang nito ang isang palad niya at inakay siya sa kanilang silid. Hawak pa rin nito ang palad niya hanggang sa maupo na sila sa gilid ng kama.

"Mon, may problema ka ba?" nasu-suspense na usisa niya nang hindi agad ito nagsalita.

Nagbuntong-hininga ito. Halatang hirap itong sabihin kung ano man iyon. Lalo siyang nabibitin. Lalo niyang naisip na baka may alam na nga ito tungkol sa kanila ni Kiel.

Tumayo ito at binitiwan na ang kamay niya. Dumako ito sa gawi ng bintana, hinawi ang blinds at tumanaw sa labas. Para bang doon ito makakakuha ng lakas ng loob upang magawang magsalita.

"Ayokong ma-offend ka sa sasabihin ko sa iyo," sa wakas ay simula nito.

Napatayo na rin siya at sinundan ito sa bintana. Tumitibay ang hinala niya. "B-bakit naman ako mao-offend?"

"Kasi... kasi matagal ko nang hinihintay na ikaw sana ang mangunang magbukas sa akin ng tungkol dito."

Oh, God! Help me, please. Nanginginig na ang mga kamay ni Ayanna. Ganito siguro ang pakiramdam ng asawang biglang nabuko ang ginagawang pagta-taksil. Kahit na hindi niya maikakategoryang kataksilan ang minsan sa isang taong pagkikita nila ni Kiel.

Minabuti niyang maupo uli sa gilid ng kama. Nanghihina na rin kasi pati ang mga tuhod niya.

"Gusto ko sanang kumunsulta tayo sa isang OB-GYNE."

Nag-angat siya ng tingin. Tama ba ang narinig niya? Parang may mali. "B-bakit?"

Saka pa lang ito tumingin sa kanya. "Love, almost seven years na tayong kasal. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin tayo n-nagkakaanak. Noon ko pa naisip na kumunsulta tayo sa isang fertility expert. Ayoko lang pangunahan ka. Kaya lang, naisip kong mabuti nang malaman natin kung... kung a-ano talaga ang problema."

Lihim na nakahinga nang maluwag si Ayanna. Safe pa rin ang sekreto niya. "Okay lang naman sa akin na magpatingin tayo. Bakit mo iisipin na mao-offend ako?" Inabot niya ang isang kamay nito at hinatak ito upang mapaupo rin sa tabi niya.

"Ayoko lang madagdagan ang pressure sa iyo. Alam ko naman na tuwing may magtatanong kung naglilihi ka na o kung malapit na ba tayong magkaanak, nape-pressure ka rin."

Napahanga na naman siya sa asawa. Paano nga ba niya magagawang saktan ang isang taong may ganitong karakter? "Okay, kung may kilala kang OB-GYNE o kung sinong expert sa ganitong problema, hihingi tayo ng appointment sa kanya."

Dinala siya ni Mon sa dibdib nito at muling bumuntong-hininga. "Thanks, love."

"MAG-AASAWA na ako, Kuya."

Kapwa napahinto sa pagsubo sina Kiel at Gemino sa inihayag ni Flynn. Magkakaharap sila sa hapag nang mga sandaling iyon. Mag-aalas-onse na ng umaga ngunit kasalukuyan pa lang silang nag-aalmusal.

Magkakasunod silang umuwi kaninang madaling-araw. Mabuti na lang at nasa bakasyon si Tita Citas. May ipinapa-renovate ito sa hot spring resort na pag-aari nito sa Los Baños. Walang nagsermon sa kanilang tatlo.

May magkaibang lakad ang kambal. Siya naman ay galing sa pension house na tinutuluyan ni Samantha. Doon sila tumuloy pagkatapos ng hindi sinasadyang pagkikita nila sa bar.

Ang akala niya ay totoo sa loob nito nang sabihin sa kanya na tama na ang nainom nito. Ngunit nang makarating sila sa pension house ay naglabas ito ng mamahaling alak. Dalawang shots lang naman ang nainom niya. Nalango na siya at nakatulog doon.

Sandaling nakalimutan niya ang kanyang hangover sa pahayag ni Flynn.

"Napikot ka?" Iyon ang inisyal na naisip niya sa sinabi ng kapatid. Kagabi pa sumusulpot ang salitang iyon sa utak niya.

"Kuya naman. Bakit naman ako papipikot? Mahal ko si Jam. Ako ang nagyayang pakasal kami."

Binalingan niya si Gemino. "Do we know her?"

"The lady in red?" nakangiting paalala sa kanya nito.

Ang unang pagkikita nina Flynn at Jam ang sinasabi ni Gemino. "'Yong nambato sa kanya ng payong?" napapangiti na rin na hingi niya ng kumpirmasyon.

"Mismo, Kuya."

Nagkatawanan sila ni Gemino. Na-offend naman si Flynn. "Don't laugh at me," anitong dumilim ang mukha.

"It's so ironic," napapailing na sabi niya. "Samantalang hindi lang iilang magagandang flight stewardess ang nagpapakamatay mapansin mo lang."

"Ano naman ang nakakatawa doon?" Mukhang totoong napipikon na ang kapatid niya.

"Naisip ko lang kasi, hindi ka nga pala mapipikot. Ikaw ang mamimikot."

"Jam loves me. Hindi ko siya pinilit."

Ano kaya ang ginawa ng kapatid niya para ang babaeng galit na galit dito noon ay mapaibig nito? "All right. Kailan tayo mamamanhikan sa kanila?"

"Pag-uusapan muna namin, Kuya. Pero baka bago matapos ang buwan na ito. Habang maluwag pa ang sched ko sa flying school."

Piloto si Flynn. Nagtuturo ito sa Falcon Aviation School. Beterinaryo naman ang fraternal twin nitong si Gemino. Mas kamukha siya ni Flynn kahit na hawig din naman sa kanila si Gemino.

Sa dalawa ay mas si Flynn ang outgoing. Extrovert ito, palabiro at masasabi niyang easy-go-lucky. Samantalang si Gemino ay mas seryoso, mahilig mag-isa at may malambot na puso. Maawain ang bunso nilang ito kaya marahil panggagamot sa mga hayop ang napiling propesyon.

"Pauuwiin ko na ba sina Papa?" Ilang taon nang nakaalalay ang kanilang mga magulang sa kapatid nilang si Rebecca. Pagkatapos ng kidney transplant nito ay itinalaga na ng kanilang mga magulang ang mga sarili na alagaan ito at samahan sa Oregon.

"Huwag muna," sagot ni Flynn. "Saka na lang kapag may schedule na ang kasal namin ni Jam."

"Ako siyempre ang best man," singit ni Gemino.

Napangiti na si Flynn. "Given na 'yon. Alangan namang si Kuya ang maging best man ko, eh, gurang na 'yan."

Binatukan niya ang kapatid ngunit nakailag ito, tawa nang tawa. Nang maglubay ito ay binalingan muli si Gemino.

"Hayaan mo," wika ni Flynn, "ire-request ko kay Jam na 'yong pinakamaganda sa magiging abay ang i-partner sa 'yo."

"Kahit sino na lang sa kanila. Anyway, nakita ko na rin ang babaeng gusto ko."

Napatingin siya kay Gemino. Mukha ngang seryoso ito sa sinabi. Lihim siyang napahimutok. Napag-iiwanan na talaga siya ng kanyang mga kapatid.

ISANG naka-gift wrapped na malaking frame ang iniabot ni Sarah kay Ayanna nang magpunta ito sa photo developing center. May pagtatakang tinanggap niya iyon.

"Thanks," aniya. "Pero matagal pa ang birthday ko."

"Loka, hindi birthday gift 'yan. Souvenir mo 'yan sa akin," sagot naman nito.

May pagtataka pa rin na pinagmasdan niya ito. Nakangiti nga ito ngunit malungkot ang ngiting iyon. "Aalis ka?"

"Oo. Nag-abroad kasi 'yong tita ko na kasama ng lola ko sa bahay. Inutusan ako ni Papa na samahan ko si Lola."

"'Yong lola mong nasa GenSan?"

"Sa Marbel," pagtatama nito.

"'Yon na nga. You mean, doon ka pupunta? Doon ka na titira?"

"Gano'n na nga."

"Ang layo na n'on."

Nagkibit ito ng mga balikat, malungkot pa rin.

"Paano ang trabaho mo?"

"Freelancer naman ako, eh. At wala akong commitment ngayon kaya puwede akong umalis kahit na anong oras."

"Pero baka wala ka nang..." Hindi niya itinuloy ang nais sabihin. Binago niya ang itatanong sana. "Ano ang magiging trabaho mo roon?"

"Alalay ni Lola."

Napamata siya rito. Batid niya kung gaano ito ka-workaholic. Ilang taon na itong nasa gitna ng isang trabahong gumugugol ng mas malaking oras nito. At kung saan-saan ito nakakarating dahil sa trabahong iyon. Ngayon ay bigla na lang itong matitigil sa bahay para mag-alaga ng isang matanda. "Okay lang sa iyo?"

"Wala naman akong magagawa kahit tumanggi ako. Ayaw ni Papa na ang mga pinsan ko roon ang mag-alaga kay Lola. Galit siya sa buong pamilya ng tiyuhin ko doon."

"Hanggang kailan ka do'n?"

"Habang buhay si Lola."

"Ano? Pero paano ka naman? Paano ang career mo?"

Nagkibit-balikat lang ito.

"Paano kung abutin ka doon nang limang taon? Ng sampung taon? Sarah, ano na ang mangyayari sa iyo at sa professional growth mo?"

Napabuntong-hininga ito. "Alam mo namang batas ang lahat ng sabihin ni Papa, 'di ba? Pagtitiisan ko na lang. Anyway, lola ko naman ang aalagaan ko at mahal ko siya. Ayokong umabot pa sa pagtatakwil sa akin ni Papa kung tatanggi ako sa gusto niyang mangyari."

Hinawakan niya ito sa mga kamay. "Mami-miss kita."

"Ako rin, Ayanna, mami-miss kita. Hindi ko alam kung kailan pa ako makababalik dito sa Luzon kapag umuwi na ako sa Mindanao."

Mahigpit silang nagyakap nito. Para na rin niyang kapatid si Sarah. Hindi niya ito malilimutan. Ito ang dahilan kaya sila nagkita at nagkakilala ni Kiel.

NAGISING si Ayanna na wala sa tabi niya ang asawa. Tiningnan niya ang oras sa alarm clock na nasa kanyang ulunan. Alas-dos pa lang ng madaling-araw. Bumangon siya at lumabas ng kanilang silid.

Nagtuloy siya sa kusina upang uminom ng tubig. Pagbalik niya ay dumaan siya sa study. Bukas ang ilaw roon. Nang pihitin niya ang doorknob ng pinto ay naka-lock iyon. Kumatok na lang siya.

Pormal ang mukha ni Mon nang pagbuksan siya.

"Bakit bumangon ka agad?" tanong niya. "Napakaaga pa. Ano ba ang ginagawa mo diyan?"

"May ilang papers lang akong tinitingnan. Umakyat ka na uli. Susunod na ako."

"Hindi ba puwedeng sa umaga mo na lang gawin 'yan? Kaunti pa lang ang naitutulog mo-"

"Sige na, susunod na ako." Iyon lang at isinara uli nito ang pinto. Napipilitang umakyat siyang muli sa kanilang silid.

Kanina, mula nang malaman nila ang resulta ng mga tests na ginawa sa kanila ng doktor na kinonsulta nilang mag-asawa ay napuna na niya ang pananahimik ni Mon.

Ayon sa pagsusuri ng doktor ay wala naman siyang diperensiya. May kakayahan siyang maglihi at magsilang ng sanggol. Ngunit si Mon ay natuklasang baog.

Ang sabi ng manggagamot marami pa namang paraan para magkaanak sila. Maaari silang mag-ampon. Maaari din siyang magbuntis sa pamamagitan ng in vitro fertilization. Kailangan nga lang ng surrogate father.

Isinuhestiyon sa kanya ni Mon kanina ang huling option. Ngunit tahasan niyang tinanggihan iyon. Papayag lang siyang maglihi kung dito magmumula ang punla since ito ang kanyang asawa. Kung magmumula pa iyon sa iba ay mas gugustuhin na lang niyang hindi magkaanak.

Bumalik siya sa higaan ngunit hindi na siya makatulog. Mahigit isang oras na siyang dilat nang pumasok doon si Mon. Nang mahiga ito sa tabi niya ay bumaling siya sa gawi nito.

"Mon-"

"Please, Ayanna, inaantok na ako. Bukas na lang tayo mag-usap." Pagkasabi niyon ay tinalikuran na siya nito.

Kinabukasan paggising niya ay hindi na niya ito nagisnan sa kama. Bumaba siya ngunit wala na roon ang kanyang asawa. Ayon sa maid nila ay maaga raw umalis ito.

Ilang araw na pirming abala si Mon. Hindi niya ito halos makausap. Maagang umaalis ito at gabing-gabi na kung umuwi.

Natuwa siya nang minsan ay umuwi ito nang tanghali. May sasabihin daw ito sa kanya.

"Nag-file na ako ng marriage annulment natin, Ayanna."

Naglaho ang tuwa niya sa narinig. Gaputok man ay walang lumabas na tinig sa lalamunan niya.

"G-GUSTO mong maghiwalay na tayo?" Halos ayaw maglagos ng tinig sa lalamunan ni Ayanna. Nanlalaki ang mga mata niya. Hindi siya makapaniwala sa sinabi ni Mon.

"Oo," seryosong sagot nito.

"Dahil lang hindi tayo magkakaanak?"

"Ano pa ang silbi ng pagsasama ng mag-asawa kung hindi naman sila magkakaanak?" Hindi ito tumitingin sa kanya habang nagsasalita. Taas ang noo nito habang nakatingin sa isang panig ng silid. Parang galit ito ngunit ang pagsasalita ay mahinahon.

Biglang nangilid ang luha sa mga mata niya. Halos pitong taon silang nagsamang mag-asawa. Sa loob ng mga taong iyon ay hindi naging issue sa pagitan nila ang pagkakaroon o hindi pagkakaroon ng anak. Bakit ngayon, biglang-bigla, natuklasan lang nila na baog ito ay parang napakalaking bagay rito ang tungkol sa anak? "H-hindi mo na ako mahal?"

Nagbuntong-hininga ito. "Matututuhan ko din na kalimutan ka."

Napigil ng sinabi nito ang pagpatak ng luha niya. Parang ipinakikita nito na simpleng bagay lang para dito ang kalimutan siya. Bakit parang biglang nag-iba ito ngayon? "Puwede naman tayong magsama pa rin kahit wala tayong anak. Hindi ang pagkakaroon lang ng anak ang bubuo sa isang pamilya."

"I'm sorry, Ayanna. Iba ang paniniwala ko. Para sa akin, anak ang unifying factor ng isang pamilya. Kung walang anak ang isang mag-asawa, mas mabuting maghiwalay na lang sila para mabago na ang direksiyon ng mga goals nila sa buhay."

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Kung hiwalay na tayo, magiging self-oriented na ang mga plano ko. Mas mapapalago ko na ang sarili ko. Magagawa ko ang iba ko pang gustong gawin na hindi ko magawa dahil nga isinasaalang-alang ko na may asawa ako."

Nalilito pa rin siya sa ibig tukuyin nito. "Tulad ng ano?"

"Tulad sa pagpapaunlad pa ng mga negosyo ko. Mas marami akong oras sa pagpapalago pa nito kung wala akong asawa. Malaya akong mag-travel sa kahit saang lugar ko gusto at hindi ko inaalala na may asawang naghihintay sa akin."

"N-nakikita mo ako bilang liability?"

"Of course not. Iyon ay dahil nakapaloob pa ako sa pagiging mag-asawa natin. May commitment ako at pampamilya pa ang mga goals ko. Pero magbabago iyon the moment we became free of each other."

Hindi na niya alam kung ano pa ang sasabihin. Parang nalulunod siya ng ideya na ipinauunawa nito. Ngayon lang niya natuklasan na may ganitong pagkatao ang kanyang asawa.

"At huwag kang mag-alala. Hindi ka naman madedehado kung sakaling bumaba ang desisyon ng korte sa annulment natin. Sisiguruhin ko na fair ang hatian natin sa pera at conjugal properties."

"Kahit hindi mo na gawin iyon. Kailangan ko lang ng mapapasukang trabaho."

"No. Bilang isang magiging ex-wife ko, I'll make sure na magiging maluwag ang kabuhayan mo. At kapag hiwalay na tayo, sa tamang panahon, ay tiyak na makakakita ka rin ng lalaking magbibigay sa iyo ng kompletong pamilya."

Siya naman ang napabuntong-hininga. Parang hindi na ito ang lalaking pinakasalan niya. Parang sa loob lang ng isang araw ay biglang nag-iba ito. "Darating din ang panahon na... na mangangailangan ka ng isang makakasama sa buhay."

"I know. Pero hindi ko kailangang magpatali sa isang tao. I'll make sure I can come and go whenever I please."

Nadismaya na naman siya sa isinagot nito. "Paano kapag tumanda ka na?"

Tumawa ito nang pagak. "Marami nang nursing homes dito sa Pilipinas para sa matatanda. May sapat naman akong pera para doon. Kung hindi ko na kayang mag-isa, kusa na akong magpapaalaga roon. At kung inaalala mo na malulungkot ako roon kung sakali, hindi. Hindi mangyayari sa akin iyon dahil tiyak na marami kami roon."

Nag-iba na nga talaga ito, may panlulumong sumasaisip ni Ayanna. "Paano kung ayaw kong pumayag na makipaghiwalay sa iyo?"

Humarap ito sa kanya at matamang tinitigan siya sa mga mata. "I'm sure papayag ka."

"Paano ka nakasiguro?" Ibig niyang ipakita rito ang paghihimagsik ng kalooban niya.

"Mahal mo ako, hindi ba? At hindi mo ipagkakait sa akin ang bagay na makapagpapaligaya sa akin."

Sa huli ay wala siyang nagawa kundi ang sumuko sa gustong mangyari nito.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro