9. Out In The Open
Naramdaman ni Winona na hinawi ni Kestrel ang buhok na tumabing sa kanyang mukha. Pagkatapos ay tinuyo nito ang mga luha niya sa pamamagitan ng halik.
“Nagsisisi ka ba?” marahang tanong nito, may pag-aalala.
Bahagyang iling lang ang nakuha niyang itugon. Paano niya pagsisisihan ang isang bagay na dapat ay matagal nang nangyari? Isang bagay na ginusto rin niya?
“Bakit pala umiiyak ka?”
“H-hindi mo naman ako mahal.”
Napahagod ito sa batok. “Kung uulitin ba natin, papayag ka pa?”
Hinampas niya ito sa dibdib at nagbaling ng tingin palayo. Ginawa lang naman niya iyon dahil nahihiya siya sa naging response dito.
Siya man ay nagulat sa sarili. Hindi lang basta pagtugon ang ginawa niya kanina. Pinantayan niya ang init ng pakikipagniig nito sa kanya. Hindi niya maaaring ikaila kay Kestrel na ginusto rin niya ang naganap sa kanila.
Hinawakan nito ang gilid ng mukha niya at marahang ibinalik sa dati hanggang sa magkaharap uli sila. “I don’t make love to someone I don’t love.”
Nakita naman ni Winona ang sinseridad sa mukha nito habang sinasabi iyon. Ngunit may natitira pa ring insecurity sa kanya. “I admit I’m not a romantic person. But I can honestly say that my heart knows how to love... I know I give good love.”
“Hindi lang sa... sa s-sex nasusubok ang pagmamahal.”
“And I’m glad you know that,” sagot naman nito na tila may halong paghahamon. Bumangon ito at naupo sa gilid ng kama. Bumangon na rin siya. Binalot niya ng kumot ang sarili.
“Napilitan ka lang pakasalan ako.”
“Dahil alam kong mahal mo pa si Tim.”
Hindi niya masalungat ito. Totoong mahal niya ang namayapang asawa hanggang ngayon. “You were too civil to me. Madalas ka pang magsungit noon.”
“Winona, isipin mo nga kung gaano kasakit sa akin ang lahat nang mga panahong iyon. Hindi madaling pakasal sa isang babaeng gusto mo pero iba naman ang mahal. At tuwing nakikita kong malungkot ka, tuwing itinatago mo sa akin na umiiyak ka, lalo lang akong nasasaktan.
“Dahil kinuha ka lang naman sa akin ng pagkakataon. Tayo ang unang nagkakilala. Ako ang unang nakakita sa 'yo bago ka nakita ni Tim. Pero bago pa natin makilala nang husto ang isa’t isa, nawala ka na. Napunta ka na sa pangangalaga niya.
“At ang masakit pa, naagaw ka niya nang buung-buo... mind, heart, and body. He married you. Minahal ka niya at wala akong kalaban-laban doon. Pero nawala siya at nakasal tayo. Tiniis ko ang sakit na makisama sa isang tao na ibang lalaki ang nasa puso at isip. Tiniis kong araw-araw na maipamukha sa akin na nakikisama ka lang sa akin dahil kailangan.”
“H-hindi ko naman siguro kasalanan kung minahal ko si Tim.”
“Hindi nga. I have nothing against that. Ang totoo, dapat pa nga kaming magpasalamat sa 'yo. Pinasaya mo ang mga huling araw niya sa mundo. Pero, Winona, ako na ang nandito. Wala na siya. Kahit kailan, hindi na siya babalik sa 'yo. Iyon lang naman ang ikinasasama ng loob ko, 'yong pinipilit mong mabuhay sa nakaraan kahit nandito naman ako. Give me a chance, please. Give yourself a chance. Para na rin kay Winter.”
“You’re saying that... You’re actually saying that you l-love me?”
Bumuntong-hininga ito. “I’ve been showing that to you for the past seven months that we've been married. Walang santong lalaki ang makakatagal na kasama ang isang babae sa iisang kuwarto sa loob ng panahong 'yon nang wala siyang gagawin. Pero tiniis ko. Why? Dahil gusto kong matutuhan mong mahalin ako. Kahit paunti-unti lang. I was hoping, kung masasanay ka na naroon lang ako, baka sakaling mahalin mo rin ako. Na maging parte na ako ng buhay ninyo ni Winter. Baka sakaling kapag nakita mong buo ang respeto ko sa 'yo, mapansin mo rin na puwede naman akong mahalin.
“Laging ang kapakanan mo ang unang iniisip ko, Winona. Kaya nga hindi ako pumayag na mag-stay ka sa Lokuake. Kaya dinala kita agad sa bahay na ito. Alam kong makakabuti sa 'yo ang ginawa kong 'yon. Kahit mahirapan na ako. Ako na lang, huwag nang ikaw. At kung hindi mo pa rin maintindihan ang ibig sabihin n’on sa ngayon, maghihintay pa rin ako. Maghihintay ako hanggang sa dumating ang araw na napalitan ko na si Tim sa puso mo.”
Sa puntong iyon ay yumakap na siya rito. “I’m sorry, Kestrel. Nahihirapan din naman ako. Nalilito. Nami-miss ko pa rin si Tim. Naaalala ko pa rin siya. Naaalala kong masaya kami noon. Pero gusto kong nasa tabi kita. Gusto kong nakikita kita. Masaya ako kapag ginagawa ko ang mga tungkulin ko sa 'yo. At natutuwa ako na mahal mo si Winter. Panatag ang loob ko kapag magkakasama tayong tatlo.
“Hindi ko alam kung pagmamahal na iyon. Dahil ayoko rin namang mapunta ka sa iba... Nasaktan ako nang makita kong masaya kayo ni Louie. Hindi ko alam kung selos ba 'yon o natakot lang akong mawala ka sa amin ni Winter. Kaya sana... sana huwag kang mawawala.”
Kumalas ito sa kanya ngunit para lang sapuhin ng mga kamay nito ang kanyang mukha. “Totoo ba ang mga sinasabi mong 'yan?”
“Bakit, naguluhan ka ba?”
Ngumiti ito, wala na ang lungkot sa mga mata. Dinampian nito ng masuyong halik ang mga labi niya. At pagkatapos ay niyakap siya nito nang mahigpit. “Hindi ako mawawala, Winona. Promise 'yan.”
“KAILAN ko lang nabalitaan na nagpakasal ka na naman, Winona.”
Iniiwas niya ang tingin sa mapanuring mga mata ni Tita Guada habang sinasabi iyon sa kanya. Malisyosa ang pagkakangiti nito.
Nagulat na lang siya nang sabihin ng maid na may naghahanap sa kanya at malaman na ang tiyahin pala niya iyon. Hindi niya alam kung paano nito natunton ang bahay nila. Matagal na niyang pinutol ang komunikasyon dito dahil na rin sa pakiusap noon ni Tim.
Kunsabagay ay kakilala ito ng ina ni Kestrel. Malamang na nalaman ng kanyang tiyahin sa biyenan niya ang muling pagpapakasal niya.
“At hindi mo man lang ako pinasabihan. Napakawalang utang-na-loob mo naman.”
Tumungo siya sa hayagang akusasyon nito. Kahit paano ay aminado siya sa kasalanan. Ngunit ayaw lang naman niyang makagulo pa ito sa sitwasyon. Dahil noong buhay pa si Tim ay nalaman niyang binigyan nito ng malaking halaga ang kanyang tiyahin.
Hindi man nasabi ni Tim noon, alam niyang para iyon sa ikatatahimik nilang lahat. Dahil alam nito kung ano ang trato sa kanya ng pamilya ng tiyahin niya.
“Patawad po, Tita. Naging magulo po kasi ang isip ko nang mga panahong iyon. Kailangan naming magpakasal ni Kestrel kahit kamamatay pa lang ni Tim. Ginawa namin iyon para lang magkaroon ng stability sa pamumuno ng mga negosyong iniwan nito.”
Lalong naging malisyoso ang hitsura nito. “At naniwala ka naman doon?”
“Tita Guada, buhay pa si Tim noon ay may threat na sa mga negosyo niya dahil sa kalagayan niya. Nawalan na ng tiwala sa kanya ang iba niyang mga kasosyo. Alam ninyo 'yon dahil ipinaliwanag naman niya sa inyo ang lahat bago ninyo ako dinala sa kanya sa Lokuake. At nang mawala siya, si Kestrel ang sumalo ng lahat.
“Pero wala pa ring tiwala sa kanya ang mga kanegosyo niya. Nag-withdraw na nga ng shares nila ang ilan. Dahil unang-una, sa akin naman naiwan ang lahat ng mga dating na kay Tim. At wala silang tiwala sa akin bilang major shareholder. May foresight na si Tim doon noon pa man. Kaya siya mismo ang nakiusap sa amin ni Kestrel na kapag namatay siya ay magpakasal kami nito. Kaya nga napilitan kaming magpakasal ni Kestrel.”
“Paano mo nalaman ang mga 'yan? Napatunayan mo ba? May pruweba ka ba?”
“Wala namang itinatago sa akin si Kestrel, Tita.”
“Hah! Isa kang malaking tanga kapag pinaniwalaan mo 'yan.”
“Tita Guada, please—”
“Mas naging stable ang lagay ng negosyong iniwan ni Tim nang si Kestrel na ang humawak nito. Alam mo ba kung bakit? Dahil nawala na ang pagdududa sa mga kanegosyo nila na baka gamitin lang ni Tim ang assets ng kompanya para sa mga projects nitong wala namang pakinabang sa kompanya niya.
“Isang pilantropo si Tim, Winona. Ang pagtulong sa community ang priyoridad niya kaysa sa pagpapalago ng negosyo. Nang maiwan iyon sa pamamahala ni Kestrel, mas lumakas pa ang mga negosyo ninyo. Dahil mas napapalakad ngayon nang maayos ang kompanya. Kaya hindi totoo na babagsak ito kung hindi ka nagpakasal sa kanya.
“Ang totoo, pinakasalan ka ni Kestrel para magkaroon siya ng legal na karapatan hindi lang sa kompanya kundi pati sa mga kayamanang naiwan ni Tim sa 'yo.”
Ayaw paniwalaan ni Winona ang mga sinabi sa kanya ng tiyahin. Ngunit nag-iwan iyon ng pagdududa sa isip niya. Ang dating conjugal property nila ni Tim ay nasolo niya nang mamatay ito. At ang mga iyon ay naging conjugal property na nila ni Kestrel nang pakasalan siya nito.
Upang matahimik ang kalooban niya ay tinawagan niya si Atty. Enriquez. Inulit niya rito ang mga sinabi sa kanya ng Tita Guada niya. “Totoo po ba na hindi naman naging unstable ang takbo ng negosyong iniwan ni Tim nang si Kestrel na ang namahala nito? Na kahit hindi ako nagpakasal sa kanya ay magiging maganda pa rin ang takbo ng mga negosyo?”
“Hindi ko alam kung ano ang dahilan ni Kestrel para sabihin sa 'yong nagkakaproblema sa mga negosyo ninyo noon, Winona. Dahil ang totoo, mula nang siya na ang humawak ng mga negosyo ninyo, mas gumanda at naging stable ang takbo ng mga ito. Sa isang banda, palagay ko tumutupad lang siya sa huling habilin ng isang namatay.”
Nalungkot siya sa ipinagtapat ng abogado. Lumalabas na niloko lang siya ni Kestrel nang sabihin nitong nagkakaproblema sa negosyo, kaya kailangan nilang tuparin ang habilin ni Tim na magpakasal sila. At ang pinakalohikal na dahilan ay ang sinabi sa kanya ni Tita Guada. “Ang totoo, pinakasalan ka ni Kestrel para magkaroon siya ng legal na karapatan hindi lang sa kompanya kundi pati sa mga kayamanang naiwan ni Tim sa 'yo.”
Kung totoo nga iyon ay alam niya na magiging napakasakit sa kanya. Napamahal na rin si Kestrel sa kanya. Sa kabila ng mga pagkukulang niya ay naging napakabuti nito sa kanila ng anak niya. Kaya paano niya ito kokomprontahin?
Sa pagdaan ng mga oras ay pabigat nang pabigat ang dibdib niya. Wala sa sariling inilabas niya ang photo frame na kinapapalooban ng larawan nila ni Tim noon. Pinagmasdan niya ang masasayang mga mukha nila.
Bakit ka ba kailangang mamatay, Tim? Maayos na ang buhay ko noon sa piling mo. Naging kontento ako sa pagmamahal mo. Nag-iinit ang sulok ng mga mata na niyapos niya ang larawan. Napukaw lang siya roon nang maramdaman niyang pumasok sa silid nila si Kestrel. Dumating na pala ito buhat sa opisina.
Tahimik lang ito kahit noong naghahapunan na sila. Mas matagal pa itong nanatili sa tabi ni Winter kahit na hanggang sa makatulog ang bata.
Ngunit nang matutulog na sila ay kinausap din siya nito. “Kung gusto mo pa rin na ipa-annul ang kasal natin, pumapayag na ako, Winona.”
Nayanig siya sa sinabi nito.
“I guess, kahit pilitin mo ang sarili mo, hindi madadaya ang totoo. Importante pa rin na gawin mo kung ano ang makapagpapasaya sa 'yo. I realized now na mas importante siguro iyon kaysa sa pagtupad sa habilin ng isang namatay.”
“B-bakit mo sinasabi sa akin ito?”
“Sarili mo ang tanungin mo, Winona. Masaya ka nga ba sa akin o si Tim pa rin ang hinahanap mo sa katauhan ko?”
“I don’t get it. Nililito mo lang ako. Alam ko kung ano ang nararamdaman ko. Binanggit mo lang uli ang issue ng annulment dahil unti-unti nang lumilinaw sa akin kung ano ang totoong dahilan mo kung bakit pinilit mong makasal tayo.”
Kumunot ang noo nito. “At ano naman ang palagay mong dahilan ko?”
“Hindi totoong nawawalan na ng tiwala ang mga kanegosyo natin sa kompanya mula nang malipat sa 'yo ang pamamahala n’on. Hindi totoong may nag-withdraw na ng shares nila.”
“Totoong may nag-withdraw na ng shares nila. Pero nabili rin 'yon sa loob ng korporasyon nang ikasal na tayo. Iyon ang totoo.”
“Ang totoo... ang totoo kaya gusto mong makasal tayo ay para makihati ka sa mga kayamanang iniwan ni Tim sa akin,” hindi naman padadaig na sabi niya.
Tumaas ang isang sulok ng bibig nito sa pang-uuyam. “Nagpapatawa ka ba, Winona?”
“Bakit, hindi ba totoo ang sinabi ko? Kahit si Tita Guada, alam 'yon.”
“So, nagkita na pala kayo ng tiyahin mong extortionist.”
“Huwag mong akusahan ng ganyan ang tiyahin ko!”
“Bakit hindi? Mismong sa opisina ko siya nagpunta para hingan ako ng pera. Sustentado raw siya noon ni Tim. At dahil siya naman daw ang pinakamalapit mong kamag-anak, may karapatan din daw siya sa kayamanang tinatamasa natin ngayon.”
Hindi niya alam na nakipagkita pala muna rito ang Tita Guada niya. At lalong hindi niya alam na sustentado ito ni Tim noon. Ang alam lang niya ay minsan nang binigyan ito ng namayapa niyang asawa ng malaking halaga. “B-binigyan mo siya ng pera?”
“Of course not. Wala akong karapatang ipamigay ang perang hindi naman sa akin. Nakalimutan mo na ba? Nagkaroon tayo ng prenuptial agreement bago tayo ikasal.”
Prenuptial agreement? “Kailan?”
“Bago tayo ikasal, remember? Pumirma ka sa mga papeles. Naroon pa nga si Attorney Enriquez.”
Natatandaan na niya. Magulung-magulo ang isip niya noon. Pero natatandaan niyang may mga ipinapirma nga itong papeles sa kanya. “Pero bakit mo ginawa 'yon? I mean...”
“Dahil ayokong mangyari ang mga ganitong pagkakataon. Na pagdududahan mo ako... at susumbatan.”
“I... I-I’m sorry.”
“Maraming itinago sa 'yo si Tim noon pero nakuha mong ibigay sa kanya ang isang daang porsiyento ng pagtitiwala mo. It only showed how much you love him. Pero ako, ginagawa ko ang lahat para sa 'yo... 'eto, naaakusahan mo pa.”
Sising-sisi siya. Bakit nga ba siya nagpadala sa mga sinabi ng tiyahin niya laban dito? “Kestrel, I’m sorry.”
“Wala ka namang pagkakamali na hindi ko mapapatawad. Pero sa ngayon, hindi na siguro ang kung sino ang wala o mayroong kasalanan ang issue. Siguro nga, malaking pagkakamali na pinilit kita na pakasal sa akin. Patawarin mo rin ako. Baka nga talagang hanggang dito na lang tayo.”
“K-Kestrel?”
“Pinalalaya na kita, Winona.”
....................
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro