8. First Of Many Kisses
Parang walang anuman kay Kestrel na makita si Winona. Gayunman ay lumapit ito sa kanya, kaagapay pa rin ang babae. “Ano’ng ginagawa mo rito?” anitong hindi na nakangiti.
“Hinihintay ka. Puwede bang mag-usap tayo sandali?” Sinulyapan niya ang babaeng kasama nito. Curious na nakatingin ito sa kanya.
Bumaling si Kestrel sa babae. “Louie, this is Winona. Winona, si Louie...”
Parang gusto niyang maghimagsik. Hindi man lang siya ipinakilala nito bilang asawa. Ngunit nagawa pa rin niyang ngitian ang babae.
“See you tomorrow, Louie,” sabi rito ni Kestrel bago siya binalingan. “Ano’ng pag-uusapan natin?”
“H-hindi mo ba nabasa 'yong t-in-ext ko sa 'yo kanina?”
Kumunot ang noo nito. “Nag-text ka sa akin?”
“Oo. Kanina pang umaga. Bakit, wala ka bang natanggap na text?”
Kinapa nito ang cell phone sa bulsa nito at tiningnan iyon. “Wala namang text message dito galing sa 'yo.”
Kaya naman pala ganito ang reaksiyon nito sa kanya.
“Ano ba ang nakalagay sa text mo?”
“Nagso-sorry ako sa nagawa ko sa 'yo.”
“Forget it. Kanino mo iniwan si Winter?”
Marami pa sana siyang sasabihin dito ngunit parang ayaw na nitong pag-usapan ang tungkol sa pag-aaway nila. “Sa yaya niya.”
“Hindi ko gusto na iniiwan mo nang matagal ang bata sa ibang tao,” masungit na sabi nito.
Nainis siya. Ngunit naisip kaagad niya na siya naman ang may kasalanan sa kanilang dalawa kaya nagsawalang-kibo na lang siya.
Kasabay na niya itong umuwi sa bahay nila. Gusto pa rin sana niyang kausapin ito tungkol sa naging away nila. Alam niya na kulang pa ang paghingi niya ng apology. Ang kaso, parang iniiwasan nitong pag-usapan nila ang tungkol doon.
Nang makauwi sila sa bahay ay si Winter kaagad ang inasikaso nito. Pati sa pagkain ay hindi ito sumabay sa kanya.
Masamang-masama ang loob niya. Hindi niya alam kung bakit big deal sa kanya na hindi siya sabayan ni Kestrel sa pagkain. Siguro dahil noon lang nangyari iyon.
Sumagap ng hangin si Winona. Parang puputok ang dibdib niya sa pagdaramdam. Hindi maaaring ganoon na lang sila. Kailangan niyang kausapin si Kestrel.
Nang kaharap na niya ito, hindi naman niya masabi ang laman ng dibdib niya. Nag-init ang sulok ng mga mata niya. Kaysa mapaiyak sa harap nito ay pinili na lang niyang tumalikod.
“Hey, what’s wrong?”
Nagpatuloy lang siya sa paglakad. Na kaagad din namang nahinto dahil pinigilan nito ang braso niya at pilit siyang iniharap nito.
“Bakit ka umiiyak?”
Iling lang ang nakuha niyang itugon dahil ayaw nang papigil sa pagpatak ang mga luha niya. Naramdaman na lang niyang ikinukulong siya ni Kestrel sa mga bisig nito. Pinalaya niya ang mga luha sa dibdib nito. Panay naman ang hagod nito sa kanyang ulo at likod. Matagal sila sa ganoong ayos. Sumisigok na siya nang maampat ang mga luha niya.
“What’s wrong, Winona?” marahang tanong nito.
Umiling lang siya. Inakay siya nito hanggang sa kama. Pagkatapos ay pinahiga siya nito. Hindi niya inaasahan ang sumunod na ginawa nito. Humiga rin ito sa tabi niya at iniunan ang kanyang ulo sa dibdib nito.
“Relax,” sabi nito nang magtangka siyang lumayo. “You need to rest. 'Tingin ko, stressed-out ka na. At siguro puyat din. Si Yaya na muna ang bahala kay Winter ngayong gabi. Come on, close your eyes. Sleep tight.”
Sinunod na lang niya ito. Sa palagay niya ay iyon ang pinakamabuting gawin nang mga sandaling iyon. She closed her eyes and fell into a dreamless sleep.
MADILIM pa nang magising si Winona. Malambot na unan na ang sumasapo sa ulo niya gayong nang matulog siya nang nagdaang gabi ay sa dibdib ni Kestrel siya nakaunan. Naroon pa rin ito sa tabi niya. Nakapaling ang ulo nito sa gawi niya. Ang patag na paghinga nito ay sumusumpit sa kanyang mukha.
Guwapo pa rin ito. Malinaw na nakikita niya ang mukha nito sa tulong ng mahinhing liwanag ng overnight lamp. Sa kabila ng pagiging abala nito sa negosyo at pag-aasikaso sa kanila ng anak niya ay wala pa ring ipinag-iba ang mukha nito sa Kestrel na dating nakilala niya. Ang ayaw nga lang niya ay kapag pumipitik na ang kalamnan nito sa panga at nagtitimpi ng galit. Halos mag-isang-linya ang makakapal na kilay nito kapag nangyayari iyon.
Naakit siyang bakasin ng hintuturo ang mga kilay na iyon. Kaya lang, hindi pa niya nailalapat ang daliri niya ay bigla na lang nagmulat ito ng mga mata. Napapahiyang mabilis na binawi niya ang kanyang kamay.
“Bakit hindi mo itinuloy?” anitong halos pabulong. “Come on, do it. You have every right to do it.”
Nang hindi pa rin siya tumitinag ay kinuha na nito ang kamay niya at inilagay iyon sa pisngi nito, sapo pa rin ang palad niyang iyon.
“I want you to know me...” anas pa nito. Pagkatapos ay ipinaling nito nang bahagya ang mukha upang mahalikan ang palad niyang sumasapo pa rin sa pisngi nito. “I want you to touch my hair... know the texture of my skin, feel my heartbeat with your fingertips. I want you to hold my hand while I’m asleep.”
“K-Kestrel—”
“Maraming beses ko nang napapanaginipan na hinahalikan kita, Winona. But a thousand dreams can never fill my longing for a real one.” Binitiwan nito ang palad niyang nasa pisngi pa rin nito. Umabot ang dalawang daliri nito sa labi niya at marahang binakas iyon.
Biglang nangatal ang mga labi niya, sabay sa mabilis na kabog ng dibdib niya. She involuntarily licked the lips his fingers touched.
“Will you take pity on me, Winona...?”
Hindi naman siya makasagot. Nakatitig pa rin siya rito, namamangha.
Inilapit nito nang husto ang mukha sa kanya. His lips brushed her upper lip. He tasted her lips like a wine virtuoso, as if it was a reverent act.
Hindi na siya nakatiis. Kusa niyang ibinuka ang kanyang mga labi. He tasted deeper. At hinayaan din siya nito sa sarili niyang eksplorasyon.
Noon lang niya naranasan ang ganoong experience. It was as if he wanted her to enjoy the kiss as much as he was enjoying it. Pinuno niyon ng hindi maipaliwanag na kaligayahan ang dibdib niya. Unti-unting natunaw ang kanyang mga inhibisyon.
Matagal nilang pinagsawa ang kanilang mga sarili sa halik. Alam niyang tulad niya ay darang na rin ito. Ngunit sa huli ay pinili nitong yakapin lang siya at iburo ang mukha nito sa leeg niya. Sa ganoong ayos nila hinintay ang pagliliwanag.
NAPAISIP si Winona nang tanungin siya ni Kestrel kung ano ang pangarap niyang hindi pa natutupad. Weekend noon at sa halip na mamasyal ay nanatili lang sila sa bahay. Magkatulong silang gumawa ng cake ngunit si Kestrel lang ang nag-decorate niyon.
Napaka-artistic ng pagkaka-decorate nito sa cake. Samantalang noon pa lang daw nito ginawa ang ganoon.
Pagkatapos niyon ay naglaro sila nito ng Scrabble. Sa halip na isuma ang mga scores nila, naging by turn ang scoring. Kung sino ang mababa ang score ay may parusang pitik-bulag.
Ang gulu-gulo nila. Para silang mga batang naglalaro. Pati tuloy si Winter ay nakikisali rin sa usapan na parang nakakaintindi. Nag-iingay rin ito sa crib.
“Dream na hindi pa natutupad? Well... siyempre, gusto kong makita ang biological father ko.”
“'Yon lang?”
“'Yon pa nga lang, mahirap nang matupad. Bukod sa pangalan, isang lumang picture lang niya ang naiwang clue sa akin ng mommy ko. Basta nabanggit lang ni Mommy noon na taga-Mindoro ang ama ko.”
“Malay mo, kung pagtitiyagaan nating hanapin, makita nga natin ang father mo.”
“Hindi na ako umaasa. Sabi ni Mommy noon, hindi man lang ako nakita ng ama ko. Buntis pa lang siya sa akin nang maghiwalay sila.”
“Hayaan mo, titingnan ko kung paano mahahanap ang father mo. Marami nang paraan ngayon, Winona. Huwag ka munang mawalan ng pag-asa. Lalo na at buhay ka pa at malakas. Now, ano pa ang ibang dreams mo? Tell me.”
“Ano ba’ng nangyayari sa 'yo at biglang-bigla, naging interesado ka sa mga pangarap ko?”
“Wala, gusto ko lang malubos ang kaligayahan mo. Kaya nga sabihin mo na lang sa akin. Gagawin ko ang makakaya ko para tulungan kang matupad ang mga pangarap mo.”
“Totoo 'yan, ha? Ngayon pa lang, magpapasalamat na ako sa 'yo.”
“Totoo. And you don’t have to thank me.”
“No’ng bata ako, gusto kong maging teacher ng preschool. Pero habang lumalaki ako, gusto ko nang magkaroon ng sariling preschool. Kaya lang, noong mamatay si Lolo, naisip ko na sana, may mga shelter para sa mga ulila. Iyong magkakaroon ng mga houseparents na totoong may pagmamahal at malasakit sa mga inaalagaan nila.”
Umabot ang kamay nito at pinisil ang baba niya, saka ngumiti. “Now you have the means to fulfill your dreams. Puwede mo nang planuhin 'yon ngayon. Tutulungan kita.”
“Totoo?”
“Oo naman. Bakit parang hindi ka pa makapaniwala riyan?”
Nilukutan niya ito ng ilong para hindi kumawala ang kilig niya. “Bakit ba ang bait-bait mo yata sa akin ngayon?”
“Hindi lang ngayon, noon pa. Hindi mo lang napapansin kasi sa iba ka nakatingin.”
“Sa iba? Sinong iba?”
“Sa alaala ni Tim.”
Hindi siya nakaimik. Kahit papaano, may bahid ng katotohanan ang sinabi nito. Minahal niya nang sobra ang namatay na asawa.
“Babang-luksa mo na next week. Ano ang plano mo?”
“Pupunta kami ni Winter sa Lokuake para bisitahin ang puntod ni Tim. Siguro naman, papayagan mo na kami.”
“Basta kasama rin ako, oo.”
“Kestrel, gusto kong kami lang muna ni Winter ang nandoon sa araw na 'yon.”
Lumungkot ang mukha nito. “Okay. Ipapahatid ko na lang kayo.”
Naging tahimik na naman ito pagkatapos niyon. Kaya bago matapos ang araw na iyon ay kinausap na naman niya ito. “Kestrel, nagtatampo ka ba sa akin?”
Hindi ito umimik.
“Bakit ba lagi ka na lang ganyan kapag tungkol kay Tim ang sinasabi ko sa 'yo? Ayokong isipin na nagseselos ka sa kanya dahil—”
“Nagseselos nga ako,” anitong dumilim na naman ang anyo.
“Pero bakit? Hindi naman tayo... I mean, patay na siya.”
“'Yon na nga. Patay na siya, halos isang taon na pero hanggang ngayon, hindi mo pa rin magawang ibaling sa akin ang pansin mo."
Hindi siya makapaniwala na sinasabi nito iyon. Para magselos ito kay Tim, kailangan munang mahal siya nito. “Our relationship was p-purely platonic...” Hindi niya masundan pa ang sinasabi dahil biglang sumingit sa isip niya ang nangyari sa kanila nito noong isang gabi. They kissed. Paulit-ulit ang halik na iyon.
Tiningnan siya nito. Tinitigan. Lumapit ito nang husto sa kanya hanggang sa mahapit siya nito. hindi tuloy niya magawang kumilos sa kinatatayuan niya.
Mapusok ang halik na ginawa nito sa kanya. Nanlambot kaagad ang mga tuhod niya. His hands and lips were wreaking havoc on her senses.
Ang dikta ng isip niya ay labanan ang nililikha nitong apoy sa kanyang katawan. Ayaw namang pakinggan iyon ng kanyang nararamdaman. Tinugon niya ang mga halik nito nang katapat na sidhi.
Namalayan na lang niyang sinasalo sila ng malambot na kama.
Buong pusong nagpaubaya siya. Hanggang sa mag-isa ang kanilang mga katawan.
........................
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro