Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

10. Too Much Spring


“May tawag ka sa telepono, Winona,” sabi sa kanya ni Ate Nora. Kadarating lang nila noon ni Winter mula sa pamamasyal sa lakeshore ng Lokuake.

Mula nang umalis silang mag-ina sa bahay ni Kestrel ay madalas na niyang ipasyal doon ang bata. Madalas kasi itong magligalig lalo na noong mga unang araw nila roon. Hinahanap-hanap marahil ng bata si Kestrel.

Hindi naman niya masisisi ang anak. Kahit siya ay nangungulila kay Kestrel.

Nakakatawang isipin na akala niya ay si Tim pa rin ang mahal niya. Ngunit sa paglipas ng mga araw, wala siyang kamalay-malay, unti-unti na palang napapalitan ni Kestrel ang posisyon ng namayapa niyang asawa sa kanyang puso.    

Ang masakit lang, na-realize niya iyon kung kailan hindi na nila kapiling ito.

Ngayon, walang naiwan sa kanya kundi ang mag-alala. Kumusta na ba ito pagkatapos nilang iwan ni Winter? Kumakain ba ito nang maayos? Naaasikaso kaya nito ang mga pangangailangan nito? Nakakatulog ba ito sa gabi?

Dahil nagkaroon na yata siya ng insomnia mula nang maghiwalay sila.

  Sobra siyang naging self-centered. At masyadong natuon ang isip niya sa nakaraan nila ni Tim. Hindi niya naisip na dahil sa ginagawa niya ay sinasaktan niya si Kestrel.

Sayang na pagkakataon. Sayang ang mga paghihirap nito. Nakapanghihinayang ang pagmamahal na iniukol nito sa kanila ng anak niya. Napagod na yata ito kaya isinuko na siya.

“Winona?” untag ni Ate Nora sa kanya.

“H-ha? Ahm, sige na, Ate Nora. Sasagutin ko na ang telepono.”

Si Atty. Enriquez pala ang nasa kabilang linya. “May good news ako sa 'yo, Winona,” masayang balita nito.

“Tungkol po ba kay Kestrel?” Iyon lang naman ang magiging magandang balita sa kanya. Ang tungkol kay Kestrel. Ngunit bigla siyang kinabahan. Nag-file na ba ito ng annulment?

“Hindi tungkol sa kanya bagama’t involved din siya rito. Winona, nahanap na ang iyong ama.”

SI KESTREL ang umupa ng isang private investigation agency upang ipahanap ang tunay na ama ni Winona. Nakatulong ang ibinigay niyang larawan dito noon at ang impormasyon na taga-Mindoro ito.

Ayon kay Atty. Enriquez, pagkatapos mahanap ng imbestigador ang kanyang ama ay ipinasa na ni Kestrel sa abogado ang responsibilidad tungkol doon.

Nasasaktan siya sa isipin na ayaw na ni Kestrel na makipag-ugnayan sa kanya kaya marahil ipinasa nito ang nasimulan sa abogado.

Sa kabila niyon ay masaya na rin siya na isang malaking tanong sa kanyang pagkatao ang nasagot na. Ngayon nga ang nakatakdang dating ng biological father niya sa Lokuake. Sasamahan ito roon ni Atty. Enriquez.

Pumapasok pa lang sa gate ang sasakyan ng abogado ay halos takbuhin niya ang hagdan. Nakipag-unahan siya kay Ate Nora sa pagbubukas ng pinto.

Ngunit nang magkaharap na sila ng kanyang ama ay napahinto siya. Nakatitig lang siya rito. Ito man ay namamanghang nakatingin lang din sa kanya. 

“Winona,” basag ng abogado sa katahimikan. “Siya si Emil, ang ama mo.”

Saka pa lang siya tuluyang lumapit dito. Ibinuka nito ang mga kamay at pumaloob siya roon. Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay niya, ngayon lang niya naramdamang totoong nabuo ang kanyang pagkatao. “D-Dad... Daddy.”

Kapwa may luha sa mga mata nila ng kanyang ama nang maghiwalay sila.

“You have the same face as your mother...” anito nang muling pagmasdan siya. “But your eyes are mine.”

“Marami po akong gustong itanong sa inyo, Daddy.”

“Aba, eh, pumasok muna tayo sa loob,” putol sa kanila ng abogado.

Sa loob nga nila itinuloy ang reunion nilang mag-ama. Ikinuwento nito sa kanya na nagbakasyon lang pala ang kanyang ina sa lugar nito sa Mindoro. Theirs was a brief affair. Hinanap daw nito ang kanyang ina nang umalis ito sa Mindoro. Ngunit hindi raw nito natagpuan ang mommy niya sa address na ibinigay nito. Hindi rin daw nito alam na nagkaanak ang mga ito.

Pagkaraan ng ilang panahon ay nag-asawa na rin daw ang kanyang ama. Dalawa raw ang anak nito sa naging asawa. Kapwa lalaki ang mga iyon. Nasa Mindoro din ang mga kapatid niya sa ama. Nasa high school pa lang ang mga ito.

Laking gulat daw ng kanyang ama nang isang araw ay may maghanap dito at sabihing nagkaanak ito sa ibang babae.

“Hanggang ngayon, anak, hindi ko alam kung bakit basta na lang umalis ang mommy mo sa Mindoro nang hindi nagpapaalam sa akin. I guess, hindi ko na malalaman pa ang dahilan. Patay na pala siya.”

“Matagal ko na pong gusto na makita kayo, Daddy. Pero hindi po naging madali sa akin ang buhay mula nang mamatay ang lolo ko. Mabuti na lang po, kahit patay na si Mommy, nakilala ko pa rin kayo.”

“At hindi mo alam kung gaano rin ako kasaya na nakilala kita, anak.”

Tatlong araw na namalagi sa Lokuake ang kanyang ama. Lokong-loko ito kay Winter. Madalas na ito ang may karga sa bata. Maraming oras din ang ginugol nila sa pagkukuwentuhan upang mapunan ang maraming taon ng hindi nila pagkikita.

Sa mga pagtatanong nito ay hindi na siya nakaiwas na ipagtapat ang tungkol sa kanila ni Kestrel. Malaya niyang nasabi rito ang kanyang kasalukuyang kalagayan.

“Be true to yourself, anak,” payo nito sa kanya. “Hindi naman mahalaga kung sino ang may mali o kung sino ang tama. Kung sino ang mas nakakahiya o kung sino ang nanatiling intact ang pride. Because in the first place, those things won’t give you happiness. Follow your heart. I believe it won’t fail you.”

Niyakap niya ito nang mahigpit. Nangako naman ito na sa darating na tag-araw ay susunduin silang mag-ina upang ibakasyon sa bayan nito sa Mindoro.

Nang umalis na ito ay lalo siyang nalungkot. Paulit-ulit sa kanyang isip ang mga sinabi nito. Kaya lang, sadya nga yatang mahirap makipaghilahan sa pride. Naisip niya, bakit nga ba hindi niya unti-untiin ang pagbababa niyon?

Noon din ay tinawagan niya si Kestrel.

“Winona, napatawag ka,” flat ang tono nito nang sagutin ang tawag niya. Dahil doon ay biglang nagdalawang-isip siyang ituloy ang pakikipag-usap dito sa telepono.

“Ahm, g-gusto ko lang magpasalamat sa ginawa mong pagpapahanap sa daddy ko. Kaaalis lang niya... Ahm, we had a great time...”

“'Yon lang ba ang itinawag mo?” anito nang hindi na niya masundan ang sinasabi.

“Yeah... Winter likes him. Humahabol siya kay Daddy. Siguro... siguro akala niya ikaw si Daddy.”

Narinig niyang bumuntong-hininga ito sa kabilang linya. “May sasabihin ka pa ba?”

Napakagat-labi siya. Parang sa tono nito ay nakakaabala lang siya. “S-salamat uli. 'Bye.” Mabilis niyang ibinaba ang telepono sa cradle. Hindi niya napigil ang sarili na mapaiyak. Nabura na ba kaagad ang sinasabi nitong pagmamahal sa kanya?

HINDI na epektibo kay Winona ang self-denial kung tungkol din lang kay Kestrel. Dahil hindi na nawala ang lungkot at pangungulila niya para dito. Sa loob ng tatlong linggong hindi sila nagkikita ay para na siyang mababaliw.

Nahihiya na siya kay Ate Nora. Kung anu-ano nang masasarap na putahe ang niluluto nito para sa kanya. Ngunit nananatiling absent ang appetite niya sa pagkain.

Upang may magawa lang siya sa mga oras na tulog si Winter ay sinimulan niyang iligpit ang mga bagay na may kinalaman kay Tim. Panahon na para pagpahingahin na niya ang alaala nito. Itatago na lang niya iyon upang sa paglaki ni Winter ay may maipapakita siyang mga bagay na magpapakilala rito sa tunay nitong ama.

Isasara na sana niya ang kahon na pinaglagyan niya ng mga gamit ng namayapang asawa nang mapansin niya sa side table ang libro ng mga tula na ibinigay nito sa kanya bago ito bawian ng buhay.

Binuklat niya iyon at binasa sa mahinang tinig. “Maybe our love had too much spring. That’s why we did not notice the falling of the leaves; we got used in seeing the bright sun every morning. So when winter came, we did not believe. The singing of birds became too familiar—”

“We thought the trees will always be green...”

Napasinghap siya sa biglang pag-agaw sa kanya ng isang pamilyar na boses. Paglingon niya ay nasa may pintuan lang pala si Kestrel.

“We were always flying up there in the sky,” patuloy nito, memoryado ang tula. “Getting used to soft clouds and bed of roses. That’s why when we fell, we just cried and started searching for other hiding places... We lived by the day, always sure of tomorrow. We thought we knew what our love will bring—Eternal happiness; but we forgot sometimes it brings sorrow... I guess we got used to too much spring.”

Namamanghang nakatitig lang siya rito. Sumisikdo ang dibdib niya hindi lang sa pagkagulat sa biglang pagdating nito. Aaminin niya na kasama na ang pananabik doon. Pananabik na muling makita ito. “B-bakit mo alam ang tula na ibinigay ni Tim sa akin noon?”

“Because I composed it,” simpleng sabi nito, may lungkot sa mga mata.

“Pero nang ibigay ito sa akin ni Tim...” Binuklat niya ang iba pang nilalaman ng librong kinasusulatan ng tula. Noon lang niya napansin na hindi iyon sulat-kamay ng namayapa niyang asawa. “I thought he composed it.” Noon lang din niya na-realize na wala naman ngang sinabi si Tim noon na ito ang gumawa ng tula. Iyon lamang ang inakala niya dahil sulat-kamay ang mga iyon.

“Naiwan ko ang librong 'yan noong hindi pa kayo ikinakasal. Alam kong ikaw ang babaeng mahal niya. Nakita ko ang picture ninyong dalawa sa study. Nagtalo kami noon. Ayokong hawakan ang mga negosyo niya. I’m an artist by heart, Winona. I know I’ll always be. At ayoko rin na makasal ka sa kanya for selfish reasons. Ayokong umibig ka sa kanya.” Nagbaling ito ng tingin sa labas. At nang muling magsalita ito ay halos pabulong na lang. “But it was too late...”

“B-bakit ka narito?” Natatakot siyang tungkol sa annulment nila ang ipinunta nito roon. Ngunit kailangan niyang harapin iyon.

“Dahil hindi ko pala kayang wala kayo ni Winter sa buhay ko....”

Napasinghap si Winona. Parang hihimatayin yata siya sa nakabibiglang pahayag nito. Napigil niya ang hininga.

“I love you, Winona. And I’ll continue loving you on your terms. Kahit na mahal mo pa rin si Tim hanggang ngayon. I guess, kailangan ko na lang tanggapin na hindi na siya maaalis pa sa puso mo. Kaunting pansin mo lang ang aamutin ko, Winona. Kaunting espasyo lang sa puso mo ang hihingin ko. Sapat na iyon para mabuhay ako nang normal. Huwag lang kayong tuluyang mawala sa akin.”

Napasugod na siya ng yakap dito. Mahigpit na nangunyapit ang kanyang mga kamay sa katawan nito. Hindi siya makapagsalita sa labis na pagdagsa ng kaligayahan sa dibdib niya. Nag-iinit ang sulok ng kanyang mga mata.

“Salamat sa pagtanggap mo sa akin. Kung gusto mo pa rin na dito tumira, hindi na ako tututol. Kung papayag ka, uuwi na lang ako rito kapag weekend para makasama ko kayo ni Winter.”

Kumalas siya rito para ikulong lang sa mga palad niya ang magkabilang gilid ng mukha nito. “N-ng anak natin, Kestrel,” aniyang lumuluha na. “Simula ngayon, ikaw na ang daddy niya. Ikaw ang kikilalanin niyang ama dahil ikaw ang magpapalaki sa kanya. I mean, tayong dalawa.”

Hindi ito makapaniwala. “Hindi ka nagbibiro?”

Tumango siya. “At hindi totoong mas mahal ko si Tim kaysa sa iyo. Hindi na 'yon totoo ngayon dahil nagawa mo na siyang palitan sa puso ko. Mahal na kita, Kestrel. Mahal na mahal kita.” Ginawaran niya ito ng halik sa mga labi.

“Oh, Winona...” Sabik na ginantihan nito ang halik niya. Pagkatapos ay nagyakap silang muli.

“Noon ko pa naramdamang mahal kita. Ayoko lang bumitiw sa alaala ni Tim kaya ang akala ko, mas mahal ko pa rin siya. Well, hindi na siguro mabubura ang pagmamahal dito sa dibdib ko para sa kanya. Pero ibang antas na ng pagmamahal. Dahil ikaw na ang nag-o-occupy ng mas malaking space ng puso ko ngayon. Handa na nga akong ibaba ang pride ko at puntahan ka sa Manila. Makikiusap sana ako na tanggapin mo kaming muli ni Winter sa buhay mo.”

“Really?” amused nang sabi nito.

“Bakit, hindi ka ba naniniwala?”

“I believe in the power of love, Winona. Naniniwala ako na magagawa mo nga.” Sa pagkakataong iyon ay ito na ang humalik sa kanya, masuyong halik na puno ng pananabik. “I love you... I missed you so much. I’m willing to give up everything just to be with you and Winter.”

“I love you, too, Kestrel.” Tiyak na siya sa kanyang damdamin nang sabihin niya iyon sa kanyang asawa. Sa kabila ng mga pinagdaanan niya ay may kaligayahan pa rin palang nakalaan sa kanya ang Diyos.

¤


   Isang malaking challenge para sa susunod nating Braveheart ang atribidang pinsan ni Winona na si Alexis. Paano kaya niya patitinuin ang pasaway na dalaga?

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro