1. Wrong Identity
Dismayado si Winona nang pagbaba niya mula sa sinakyang jeepney ay makitang nag-aaklas ang mga tricycle driver malapit sa gate ng kanilang subdivision. Isa lang ang ibig sabihin niyon, lalakarin niya ang limang blokeng layo ng kanilang bahay mula roon.
Napakagat-labi siya habang tinitingnan ang mataas na takong ng closed shoes na suot niya, at ang grocery bags sa paanan niya. Tiyak na magpapaltos ang mga paa niya kapag inilakad niya iyon hanggang sa kanila. Limang kilong dressed chicken pa naman ang binili niya. Limang kilo rin ang baboy. At may mga gulay pa.
Bago siya umalis kaninang umaga patungo sa opisina ay nagbilin ang Tita Guada niya. Dumaan daw siya sa grocery upang bumili ng mga iyon. May bisita raw sila mamayang gabi at doon maghahapunan. Malay ba naman niyang mag-aaklas ang mga tricycle drivers sa kanila. Kung nalaman lang niya, ana nag-taxi na lang siya pauwi mula sa supermarket.
Nag-isip si Winona ng options niya. Hindi puwedeng walang paraan para makauwi siya nang hindi magdurusa ang kanyang mga paa. May tindahan ng mga dry goods isang kilometro mula sa gate ng subdivision. Tiyak na may tindang tsinelas doon. At puwede niyang ipakiiwan muna sa entrance guards ang mga pinamili niya. Babalikan na lang niya ang mga iyon kapag nakabili na siya ng tsinelas.
Ang problema lang ay uubos na naman siya ng mahabang oras. Malamang na masabunutan siya ni Tita Guada kapag dinnertime na pero hindi pa rin siya nakakauwi sa kanila.
Puwede rin naman siyang mag-hitchhike. Hindi nga lang niya ugali ang ganoon. Takot kasi siya. Kailan lang ay may nabiktima ng rape sa mismong subdivision nila. Pinatay pa ang babae at inihagis na lang sa likurang bahagi ng subdivision na kasalukuyang dine-develop pa lang.
Magpapaa na lang sana siya ngunit mas gugustuhin pa niyang magkapaltos kaysa matetano kung sakaling makatapak siya ng pako o bubog sa kalsada.
Hay, Lord, help me naman po na kayanin ng powers ko ang Golgotha hike na ito. Kung sana lang, may isang tulad ni Kenneth Changco ang makapansin sa kanya. Siguradong tutulungan siya.
May sampung dipa na yata ang nalalakad niya—magpapahinga muna sana siya dahil sa sobrang bigat ng dala niya—nang biglang gumiwang ang kanang takong ng sapatos niya. Blast!'Pag mamalasin ka nga naman.
Napilitan siyang huminto sa isang tabi. Ibinaba niya ang mga supot na bitbit upang tanggalin na lang ang nasirang takong.
Nasa ganoon siyang ayos nang may humintong Wrangler jeep sa tapat niya. Nakatingin sa kanya ang driver na parang pinag-aaralan nito kung tao siya o alien.
“Winona, sumakay ka na!”
Nalipat ang tingin niya sa taong nagsalita sa passenger seat. Nakaupo roon ang pinsan niyang si Alexis.
“Huwag ka nang tumunganga riyan, sakay na!” bulyaw pa nito sa pagkakamaang niya.
Iniipon pa lang niya sa mga kamay ang mga supot nang lapitan siya ng driver. “Ako na,” anito, medyo nakangiti.
Gosh! Ang guwapo naman ng mamang ito.
Pagkakuha nito sa mga supot na hawak niya ay sumama pati kamay niya. “Oops, sorry.”
Aksidente lang ba iyon o pasimpleng tsansing?
Medyo breathless pa siya nang lumapit sa jeep. Hindi dahil sa pagod sa pagbibitbit ng mga grocery bags kundi dahil iyon sa mabilis na kabog ng dibdib niya nang saglit na magkatitigan sila ng guwapong driver.
Palibhasa ay may kataasan ang Wrangler jeep dahil sa malalaking gulong niyon, tinulungan pa siya ng driver na makasakay.
“Ken, pinsan ko siya, si Winona,” pakilala sa kanya ni Ate Alexis na parang napipilitan lang.
Nang hindi na nito ipinakilala ang driver ay ang lalaki na mismo ang nagpakilala sa kanya. “I’m pleased to meet you, Winona. I’m Ken Changco.”
Kamuntik nang lumuwa ang mga mata niya. Ang sikat na civic leader ng lugar nilang si Kenneth Changco pala ito!
Nagbunyi ang kalooban niya nang sa wakas ay nakilala na rin niya ito. Naririnig pa lang niya noon ang mga accomplishments nito ay nagkaroon na siya ng kakaibang paghanga rito. Pakiramdam niya, crush na niya ito noon pa mang nasa high school siya. Palagi niyang inaasam na makilala ito ngunit naging mailap ang pagkakataon sa kanya.
Hindi naman ito SK chairman sa lugar nila. Wala itong katungkulan sa local government doon. Ngunit inilaan na yata nito ang sarili sa pagtulong sa kanilang komunidad.
Kapag may mga baha at iba pang kalamidad ay nauuna pa itong maghandog ng tulong kaysa sa mayor nila. Hindi iilang beses na napabalitang nabingit sa kapahamakan ang buhay nito dahil sa pagliligtas sa buhay ng iba. At balita rin sa lugar nila kung gaano ito kasipag sa pagnenegosyo kaya bata pa raw ito ay yumaman na. Ayon pa sa mga usap-usapang naririnig niya, malaking bahagi raw ng kayamanan nito ay inilalaan sa pagtulong sa mga kapus-palad.
At ngayon, sakay pa ako ng sasakyan niya para ihatid sa amin!
Kahit pala mayaman ito ay hindi maluho sa sasakyan. Imagine, Wrangler jeep lang pala ang ginagamit nito samantalang kung gugustuhin nito, kahit Porsche o Hummer ay makakaya nitong bilhin.
Kung hindi lang nila kasabay ang pinsan niya, kakausapin niya ang lalaki. Ang kaso, naiitsa-puwera siya sa usapan ng mga ito. As usual, dino-dominate na naman ni Ate Alexis ang topic. At sinasadya nitong hindi siya isali sa usapan.
“Ang akala ko, umalis ang papa mo last week papuntang Seoul,” kausap dito ni Ate Alexis. “Nakita raw kasi siya ni Daddy sa airport.”
“Hindi. May inihatid lang siyang Korean friend sa airport.”
“Alam mo, hanga talaga ako sa papa mo, sobrang busy siya sa family business n’yo pero nagagawa pa niya ang mga gano’ng bagay. At name-maintain niya na physically fit siya. Nakasabay ko pa nga siya sa gym the other day.”
At nakakasalamuha pa pala ng pinsan niya ang pamilya nito.
“Bakit nga pala hindi ko yata nakikitang nagpupunta ka sa gym? Saan ka nagwo-work out?”
“Sa amin lang. Sit-ups at push-ups lang ang ginagawa ko. Pero regular akong nagdya-jogging sa umaga. Ikaw, Winona, nagdyi-gym ka rin ba?”
“Naku, walang hilig sa physical fitness ang isang 'yan,” sabi kaagad ng pinsan niya bago pa siya makasagot. “Mas gusto pa niyang magbasa ng mga kung anu-anong libro kaysa mag-exercise. Maalala ko nga pala, Ken, sasali ka ba sa blood-letting drive na gagawin ng homeowners association?”
Paano pa ba siya makakalapit sa lalaking ito? Pakiramdam niya binabakuran na ito ng pinsan niya. Iisa lang ang ibig sabihin niyon, wala na siya ni ga-muta mang chance kay Kenneth Changco. Sigurado siyang aaswangin na ito ng pinsan niya.
Sinipat na lang niya ang sapatos niyang nasiraan ng takong. Isinusumpa niya na mula nang mga sandaling iyon ay hindi na siya bibili ng sapatos na maganda lang tingnan. Mag-i-invest na siya roon sa matitibay na uri kahit pa mahal.
Nang tumapat ang Wrangler sa kanila ay tinulungan siya ni Kenneth na makababa. Ibinaba rin nito ang mga grocery bags at ipinasok pa hanggang sa loob ng gate nila.
“Dumaan ka muna sa amin, Ken,” yaya ng pinsan niya rito.
“May pupuntahan pa kasi kami ng cousin ko. Next time na lang, Alexis.” Bumaling ito sa kanya. “See you around, Winona.”
Grabe! Ang sweet ngumiti! “Y-yeah, see you.”
“RUBY, Ruby! Kinikilig ako! Grabe, kilig na kilig ako!”
Natawa ang kaibigan at kaopisina ni Winona. “I’m sure, may nadagdag na naman sa mga ghost suitors mo.”
Inirapan ito ni Winona. “Ghost suitors ka diyan. May mga manliligaw naman talaga ako, ah. Hindi nga lang sila makapunta sa amin.”
Mahigpit ang Tita Guada niya. Kaya kahit tapos na siya ng pag-aaral at nagtatrabaho na ay ayaw pa rin nitong paligawan siya. Ayon dito, bata pa raw ang edad na beinte-dos para makipag-boyfriend. Samantalang ang mga anak nito, nasa high school pa lang noon ay nakikipag-boyfriend na.
“Eh, sino nga ba ang latest crush na kinakikiligan mo?”
“Actually, matagal ko na siyang crush, noong nag-aaral pa ako. Pero kahapon ko lang siya na-meet.” Ikinuwento niya rito ang pagkikita nila ni Kenneth Changco.
“May boyfriend ba si Alexis ngayon?” tanong ni Ruby nang matapos siyang magkuwento.
“Ang alam ko, meron. Pilot pa nga ng commercial plane ang boyfriend niya, eh. Pero sanay naman 'yon nang sabay-sabay kung mag-boyfriend.”
“Well, in that case, kalimutan mo na lang ang Kenneth Changco na 'yon. Ito na lang ang pakinggan mo, isasama ako ni Viper sa weekend para mag-sailing sa Corregidor. Sumama ka na lang sa amin.”
“Alam mo namang hindi ako pinapayagan sa 'min sa mga ganyang lakad.”
“Kasi naman, umalis ka na nga sa inyo. Magsarili ka na lang. Tutal, patay na ang mommy at lolo mo. Para wala nang nagdidikta at umaapi sa 'yo.”
“Ruby, hindi ko magagawa ang sinasabi mo. Mahal ko sina Tita Guada. Bukod sa akin, sila na lang ang pinakamalapit na kamag-anak ni Mommy. At sa kanila ako ibinilin ni Lolo bago siya mamatay. Nangako ako sa mommy ko at hindi ko susuwayin iyon. Kaya habang tinatanggap nila ako roon, doon ako.”
“Hindi naman masamang sumalungat sa habilin ng isang namatay kung karapatan mo na ang tinatapakan.”
“Kaya ko namang pagtiisan 'yon, Ruby. Kaya ko pa.”
Napailing na lang ito. Alam niya na nagmamalasakit lang ito.
Anak siya sa pagkadalaga ng mommy niya. Nanatili sila sa poder ng lolo at lola niya dahil hindi na nag-asawa pa ang kanyang ina. Ngunit namatay ito sa atake sa puso noong second year high school pa lang siya.
Dinamdam iyon ng lola niya na noon ay sakitin na kaya hindi nagtagal ay ito naman ang binawian ng buhay.
Nang sila na lang ng lolo niya ang naiwan sa malaking bahay ay nakisuno sa kanila ang pamilya ng Tita Guada niya. Ito ang nakababatang kapatid ng mommy niya.
Palibhasa ay palaging nasa abroad ang asawa ng kanyang tiyahin ay hinayaan ng lolo niya na magsama-sama na lang sila sa iisang bubong. Pinatirhan na lang ang bahay ng mga Tita Guada niya sa anak nitong panganay na nag-asawa na.
Noong una ay maayos naman ang trato sa kanya ng tiyahin. Ngunit nang mamatay ang lolo niya, unti-unti nang lumitaw ang tunay na kulay nito.
Naging mahigpit na ito sa kanya. Ang mga bagay na dati niyang tinatamasa ay inalis nito sa kanya. Lahat ng kilos niya na hindi nito gusto ay pinupuna nito. Hindi siya maaaring mamasyal o makipagbarkada kapag tapos na ang klase. Obligado siyang tumulong sa gawaing-bahay kapag walang klase. Bawal mag-entertain ng manliligaw at lalong bawal makipag-boyfriend. Hindi maaaring makipag-usap sa telepono nang hihigit sa limang minuto. Kahit lumalabas ang mga pinsan niya para gumimik ay hindi siya maaaring sumama o gumaya sa mga ito.
Pakiramdam niya ay ibang tao siya kung tratuhin ng kanyang tiyahin. Pati ang mga pinsan niya ay ganoon na rin, lalo na nang magsilaki na sila.
Sa kabila ng mga hinanakit niya sa mga ito ay nagpasalamat na rin siya sa Diyos at nakatapos siya ng pag-aaral. At pinalad siyang makapasok kaagad ng trabaho sa isang opisina sa Maynila.
Kapag nasasaktan o nalulungkot siya, palagi na lang niyang iniisip na mapalad pa rin siya dahil may inuuwian pa siya. Na mayroon pa rin siyang matatawag na pamilya.
Ngunit may mga pagkakataon din na umaasam siya na sana, isang araw ay may isang hero, isang knight in shining armor na darating sa buhay niya at magbibigay sa kanya ng tunay na pagmamahal. Isang taong magkakaloob ng pagkalinga na maagang inagaw sa kanya.
MEDYO ngalay na ang mga braso ni Winona dahil sa batang karga niya. Anim na buwan na ito at may kalakihan pa. Imbitado ang buong pamilya ng Tita Guada niya sa tea party ng best friend nito na kadarating lang mula sa Norway.
Isinama siya ng tiyahin hindi para mag-enjoy sa party kundi para gawing tagapag-alaga ng apo nito. May sakit ang yaya ng bata kaya siya ang ginawang pansamantalang tagapag-alaga.
Marami rin ang dumalo sa pagtitipon. Welcome party pala iyon para sa mga balikbayan. Ang maluwang na lawn ay nilatagan ng mga canopied tables. May isang mahabang mesa sa gitna na kinalalagyan ng mga pagkain.
Mabait naman ang sanggol. Nang mga sandaling iyon ay binabasa nito ng laway ang balikat niya. Maingay ang bata habang pinagsasamantalahan ang tela ng suot niyang blusa.
Busog ito. Nasa van pa lang kanina ay pinadede na niya ito. At hindi ito naglikot habang kumakain siya sa tea party. Ngunit mayamaya ay nakaamoy siya ng hindi maganda. Nang tingnan niya ito ay medyo namumula na ang mukha sa pag-iri.
“Salbahe kang bata ka, dito ka pa gumawa ng cake.”
Binitbit niya ang bag na naglalaman ng mga gamit nito at pumasok sila sa loob ng bahay.
Malaki iyon at maraming silid. Hindi niya alam kung nasaan ang restroom kaya naghanap siya ng mapagtatanungan.
Pagliko niya sa isang pasilyo ay kamuntik na niyang makabangga ang isang lalaki. Mabuti na lang at maagap na nakaiwas ito.
“Hi, Winona.”
Kamuntik nang tumalon ang puso niya nang makitang si Kenneth Changco pala iyon. “Hi. Um-attend ka rin pala ng party.”
“Oo. Isinama ako rito ng friend ko. Anak mo?”
“Hindi, 'no. Dalaga pa ako. Anak ito ng pinsan ko. Isinama rin lang ako nina Tita Guada rito. Hinahanap ko ang restroom. Alam mo ba kung nasaan?”
Ngumiti ito nang maluwang na kamuntik na naman niyang ikakilig. Bakit nga ba may mga taong artistahin na tulad ng lalaking ito?
“Oo. Halika, sasamahan ko na kayo.”
Bumalik sila sa pasilyong pinaggalingan niya kanina at lumiko sila sa kanan.
“'Ayan ang restroom.”
“Salamat, ha.” Parang ayaw pa niyang iwan ito. Baka mamayang paglabas niya ng restroom ay hindi na niya makita ito hanggang sa umuwi sila. Ngunit alangan namang magpahintay pa siya rito.
Sayang. Pagkakataon na sana para magkausap kami.
Sa loob ng restroom ay nilinis niya ang sanggol at pinalitan ng bagong diaper. Sana naman po, Lord, makita ko pa si Kenneth.
Napasulyap siya sa sariling repleksiyon sa salamin. Magulo na ang buhok niya at nakalaylay ang basang balikat ng blusa niyang nilawayan ng bata. Gosh, Winona! Mukha ka na palang pindangga! Grabe, nakakahiya ang hitsura mo kay Kenneth.
Inayos muna niya ang sarili bago sila lumabas ng restroom. At nasorpresa siya na paglabas nila ng bata ay naroon pa rin si Kenneth.
“Hinintay ko na kayo para magkakuwentuhan pa tayo,” sabi nitong nakangiti na naman.
Kulang na lang ay magtatalon siya sa tuwa. Si Kenneth Changco, gusto siyang makakuwentuhan? Yevah! “Salamat, ha.”
Magkaagapay na nga sila nitong bumalik sa lawn. Panay ang tingin nito sa kanya na parang gusto talaga nito ang nakikita. Samantalang noong una silang magkita ay para siyang alien kung tingnan nito. “Lahi pala kayo ng magaganda. Magaganda sina Alexis. At ikaw, para kang endorser ng facial cream. Ang ganda-ganda ng kutis mo.”
Nag-init ang mga pisngi niya sa papuri nito. Hindi niya alam kung ano ang isasagot doon kaya nagbukas na lang siya ng ibang topic. “Ano ba’ng latest project mo ngayon para sa community natin?”
Halatang nagulat ito at medyo natawa pa. “Latest project? Wala pa akong nagagawang project para sa community.”
Siya naman ang nagulat. “Ano? Eh, hindi ba’t ikaw 'yong kailan lang nag-launch ng campaign drive para linisin ang creek sa labas nitong subdivision natin?”
“Sinasabi na nga ba, ipagkakamali mo ako kay Kenneth Changco. Pinsan ko 'yon. Hindi ako siya. ‘Kestrel Nash Changco’ ang buong pangalan ko. Most of my friends call me ‘Kestrel.’ Pero meron ding tumatawag sa akin ng ‘Ken.’”
.......................
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro