Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

10. Maging Sino Ka Pa


Sa puntong iyon ay naging malinaw kay Rovinia ang lahat. Noong una pa man ay niloloko na siya ni Viper. Obviously ay may hidden agenda ito kung bakit itinago sa kanya ang katotohanan. At kung bakit ganoon na lang ang pagpupumilit nitong maglalapit sa kanya.

“I-ito ba ang paraan mo ng pagganti sa akin dahil... d-dahil muntik ka nang mamatay noon?”

“No, Ruby. No, of course not. Let me explain. Pumasok ka muna sa loob, please.”

“May problema ba, hijo?” tanong ng nagtatakang ina nito.

“Wala, Mama,” sagot naman ni Viper na sa kanya pa rin nakatingin. “Please, Ruby, mag-usap muna tayo. Please.”

“Palagay ko, hindi na kailangan. Matagal mo na akong ginagawang tanga, Viper, or Eldric or whoever you are...!” Galit na galit siya. Nakapagtatakang nagagawa pa rin niyang magsalita kahit sobra ang galit na nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. “Siguro naman, nasiyahan ka na rin kahit papaano. Kaya tama na ito. Tama nang pagpapakatanga ito. I have had enough. I don’t want anything to do with you anymore!” Pumihit na siya at mabilis na sumakay uli sa kanyang kotse.

Nag-unahang pumatak ang mga luha  sa mga mata niya habang pinahaharurot niya ang kotse palayo sa pook na iyon. Napakalaking kasalanan ba ang nagawa niya para makatanggap siya ng ganoon katinding kaparusahan?

Para siyang nagkapira-piraso. Na kahit ano ang gawin ay hindi na mabubuong muli.

Pagkatapos ng insidenteng iyon, minsan lang sumubok si Viper na kausapin siya. Hindi naman niya ito pinagbigyan. Hanggang sa mabalitaan niyang nag-resign na ito sa kompanya nila.

Sana lang ay magkatotoo ang sinabi ni Winona noon sa kanya. Na kapag nakita na niyang mapaglaro nga lang ng mga babae si Viper ay unti-unti na siyang tatabangan dito. At kung tulad noon na malabo na silang magkita pang muli, siguro naman mas mapapadali pa ang paglimot niya rito. At least, sasandali pa lang naman na minahal niya ito.

Kaya lang, dumaan na ang mga buwan ay hindi pa rin nawawaglit sa isip niya si Viper. Unti-unti nang nawawala ang sakit sa dibdib niya dahil sa ginawa nito. Ngunit araw-araw pa rin siyang nakadarama ng pangungulila rito.

“KUMUSTA na ang pakiramdam mo?” tanong ni Rovinia kay Pingkit. Kasalukuyan itong nasa ospital sa Palayhat. Dinalaw niya ito matapos itong makapagsilang ng isang sanggol na lalaki. Nakangiti ito. Para bang kahit na katatapos lang nitong maghirap ay napakaganda ng aura nito.

“Okay na. Hindi naman ako nahirapan sa panganganak ngayon. Magaling 'yong OB na nagpaanak sa akin. Salamat naman at dinalaw mo ako.”

“Tingnan mo 'to. Kailan ka ba naman nanganak na hindi kita dinalaw?”

“Doon po sa pangalawa ko. Isang linggo na akong nakauwi sa bahay bago ka dumating.”

“At least, nakadalaw pa rin ako sa 'yo. Sana naman, tumino na ang asawa mo. Apat na ngayon ang anak n’yo.”

“Matino na siya. 'Yon palang mga ino-overtime niya noon, pampa-extend ng bahay namin.”

“Mabuti naman pala. Sana totohanin na niya ang pagpapakatino.”

“Maiba ako, may bago akong news tungkol kay Eldric.”

Inilihis niya ang tingin sa excitement na biglang lumarawan sa mga mata nito. “Hindi na ako interesado.”

“Sasabihin ko pa rin kahit hindi ka na interesado. Alam mo bang hindi pala totoong anak nina Congresswoman Castillo si Eldric? Kasi pala, baog 'yong lalaking Castillo kaya hindi sila puwedeng magkaanak. May nagbigay lang pala sa kanila ng sanggol noon. At binayaran nila ng malaking pera ang taong iyon.”

“Saan mo naman nabalitaan 'yan?” aniyang naging interesado na. “Baka naman tsismis lang 'yan.”

“Hindi. Mismong 'yong kapatid ni Congresswoman ang nagkuwento kay Mama. At alam mo ba, kinidnap lang pala si Eldric noong sanggol siya. Simple lang daw ang buhay ng tunay na mga magulang ni Eldric noon. Ngayon na lang yata yumaman. Sabi pa raw ng kapatid ni Congresswoman, di-hamak na mas mayaman ang mga Castillo kaysa sa tunay na pinagmulan ni Eldric. Alam mo na, ipinagmamalaki kay Mama ng kapatid ni Congresswoman na mayaman ang kapatid niya.

“Pero hindi raw tumigil ang tunay na parents ni Eldric hangga’t hindi siya nakikita. 'Yon na nga, natagpuan daw ng mga ito si Eldric after a year pagkatapos itong maaksidente. Kaya si Eldric, suwerte talaga. Dalawang sets na ang parents niya ngayon. 'Yon nga lang, dalawa na rin ang pangalan niya, Eldric Castillo at Viper Iñigo.”

At wala ring ipinagkaiba ang dalawa. As far as I’m concerned, they’re both villains.

SOBRANG init ng panahon nang araw na iyon. Rovinia was restless. Hindi niya maunawaan ang sarili kung bakit hindi siya mapakali. Ayaw niyang lumabas at mamasyal. Ayaw rin naman niyang manatili sa bahay. She decided to drive around.

Nagsisimula nang mabuhay ang mga ilaw sa lansangan at commercial establishements nang maisipan niyang magtungo sa coffee shop na dating pinupuntahan nila noon ni Viper.

Tulad nang una siyang makarating doon, sinalubong siya ng isang magaang rendition ng bossa nova sa piped-in music.

Tall and tan and young and lovely
The girl from Ipanema goes walking
And when she passes each one she passes says...‘ahh’!

Pinili niya ang pinakasulok na mesa. Nang lapitan siya ng waitress ay um-order kaagad siya ng latte espresso rito.

“Anything else, Ma’am?” tanong nito.

“Wala na, 'yon lang. Thank you.”

Inilipat niya sa labas ng glass wall ang tingin. Ang maluwag na daloy ng trapiko kanina ay may kabigatan na ngayon. Mabuti na lang pala at nakapasok siya roon. Doon na niya palilipasin ang rush hour.

“Here’s your order, Ma’am.”

Napansin niyang dalawang order ng latte espresso ang inilapag ng waitress. “Teka, isa lang ang—” Namatay ang iba pang sasabihin niya nang mapansin niyang hindi ang waitress kanina ang nagdala ng order niya. Viper!

“MAS MAGANDANG ka-partner ng kape ang blueberry cheesecake,” sabi ni Viper na inihain sa harap niya ang laman ng tray na hawak nito. Nang maiabot nito ang food tray sa waitress ay naupo na ito sa katapat niya.

Hinagilap niya ang wallet niya at pagkatapos maglabas ng pera at ipatong iyon sa ibabaw ng mesa ay tatayo na sana siya.

Ngunit pinigilan siya ni Viper. “Please, Ruby. Kahit ngayon lang, payagan mo naman akong magsalita. Please?”

Hindi siya umimik pero hindi na rin siya nagtangkang tumayo mula sa kinauupuan niya. Gusto niyang maiyak. Bakit ganoon? Sa kabila ng mga ginawa nito sa kanya ay nakadarama pa rin siya ng pananabik dito. She hated herself for that.

“Ipagtatapat ko naman talaga sa 'yo ang tungkol sa tunay na pagkatao ko. Naduwag lang ako dahil nakikita kong tanggap mo na ako. Hirap na hirap akong suyuin ka. I guess... I guess, na-trauma ka sa ginawa ko sa 'yo noon eight years ago pa. At dahil doon... you became wary of men.

“Hindi mo lang alam kung gaano kalaki ang pagtatalo sa loob ko every time na babalakin ko na ipagtapat sa 'yo ang lahat. Kaya nga kung puwede lang na tadyakan ko ang sarili ko nang madiskubre mo ang sekreto ko, ginawa ko na sana. Dahil alam kong ganito ang magiging reaksiyon mo. Isusumpa mo ako... kamumuhian.

“Pero Ruby, sumusumpa ako sa 'yo, noon, ngayon, at kahit siguro hanggang sa kamatayan ko, ikaw lang ang nag-iisang babae na totohanang minahal ko.”

The earnestness in his pleading eyes almost melted her resolve not to forgive him. Kailangan pa nilang magkahiwalay bago niya marinig ditong mahal siya nito. Parang gusto niyang magrebelde. “Kung sa ibang pagkakataon mo sana sinabi sa akin 'yan, baka matuwa nga ako, Viper. Pero dalâ na ako. Dinalâ mo ako. Hindi na yata kita kayang paniwalaan pa.”

Napahinga ito, nangislap ang mga mata na parang anumang sandali  mapapaluha ito. “Alam ko naman. Kaya nga ilang buwan din akong hindi nagpakita sa 'yo. Kaya nga sinubukan kong magmahal na lang ng iba. Dahil baka nga... baka may iba pang lalaking mas deserving na mahalin mo kaysa sa akin.

“Pero hindi ko pala kayang burahin ka sa sistema ko, Ruby. Hindi ko pala kayang magmahal ng ibang babae. Mabuti pa noon. Noong hindi ko alam kung nasaan ka na. Pero nagkita uli tayo. After eight long years, niloob ng Diyos na magkita tayo. At ganoon pa rin ang nararamdaman ko sa iyo...

“Sabi ko sa sarili ko, puwede rin namang ako ang maging ideal man mo. Kaya ko rin namang maging faithful sa magiging girlfriend at asawa ko. In fact, I was about to propose to you when you discover my real identity.”

Pinigilan niyang maawa rito. Kailangang patigasin niya ang loob niya. “At sa palagay mo, papayag akong pakasal sa 'yo? Minsan na akong naging tanga. Sobrang pagpapakatanga na siguro kung tatanggapin pa kita.”

Laglag ang mga balikat na napatungo ito. Pagkatapos ay ikinulong nito sa mga kamay ang cup ng kape. Hindi ito tumitingin sa kanya nang magsalita ito. “I was hooked on drugs when I... when I took advantage of you years ago. Pero hindi na ako dinala sa rehab center. Nagising ako sa mga nangyari at pinilit kong magbago. Sa tulong ng doktor na kakilala ng pamilya namin, napagaling din ako. Mula noon, isa lang ang idinadasal-dasal ko. Na magkita uli tayo at makahingi ako ng tawad sa 'yo. Na sana, mapatawad mo pa ako. Na... na magawa mo uli na mahalin ako. But now... I guess I've  already blew up my chance.”

Akala ba ng lalaking ito ay ito lang ang nahihirapan? Mahirap din namang tikisin ang sarili. Mahal din niya ito. Sa kabila ng mga ginawa nito, mahal pa rin niya ito. Ngunit iba ang lumabas sa bibig niya. “Get on with your life, Viper. I’ll go on with mine. Kalimutan mo na ako.” Iniwan na niya ito.

“HINDI ka na ba nagsawa sa kakasunod sa akin?” tanong ni Rovinia kay Viper. Nasa supermarket siya noon. Kakukuha pa lang niya ng pushcart nang biglang lumitaw ito. Nagprisinta itong magtulak ng pushcart niya.

Ngumiti lang ito sa kanya. “Magkape muna tayo bago ka umuwi pagkatapos mong mag-grocery.”

Sa loob ng isang taon mula nang madiskubre niya ang tunay na identity nito ay wala nang ginawa ito kundi ang buntutan siya. Madalas din itong mangulit na samahan niyang magkape o mamasyal. Pati nga ang kapatid nito at tunay na mga magulang ay kinuha na nitong padrino mapatawad lang niya ito.

Napatawad naman na niya ito. Kaya lang, sa palagay kasi niya kailangan talaga ng panahon para mapawi muna ang lahat ng galit sa dibdib niya. At kailangan ding mapatunayan niyang hindi ito magbabago ng damdamin sa kanya.

“Ayoko. Uuwi na lang ako.”

“Pagkapehin mo na lang pala ako sa pad mo. Bibili ako ng cake sa bakeshop diyan sa labas.”

Napailing siya. “Kailan kaya matatanggal ang kakulitan mo?”

May dinukot ito sa bulsa. “Kapag tinanggap mo na ito.” Iniabot nito sa kanya ang isang velvet case na sa kalumaan ay nalagas na ang mga balahibo.

Napahinto siya sa paglalakad.

Humugot ito ng hininga nang manatili sa tagiliran niya ang kanyang mga kamay. “Mahigit nang isang taon sa bulsa ko ang engagement ring na ito, Ruby. I’ve loved you ages ago. Nalagas na sa kalendaryo ang edad ko pero ikaw pa rin ang babaeng gusto kong pakasalan.”

Sa kanyang pagkahindik, bigla na lang itong lumuhod sa harap niya. “Will you, Rovinia Arenas, accept this ring as a sign of my intention to marry you, to love you, be loyal and be faithful to you 'til death do us part?”

Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Napansin niyang ang ibang namimili roon ay huminto na at nanonood na lang sa kanila.

“Huwag ka nang magpakipot,” dinig niyang sabi ng isa sa mga iyon.

“Miss, mahirap nang makakita ng ganyan kaguwapo na nangangakong magiging faithful sa 'yo,” sabi naman ng isang bata pang ginang.

Kung anu-ano pang kantiyaw ang narinig niya. Nang mga sandaling iyon naman, ang pinakamatining sa isip niya ay ang pagmamahal niya rito at ang mga kahihiyang tiniis nito sa pagsunud-sunod sa kanya sa loob ng isang taon.

Mahal nga siguro siyang talaga ng lalaking ito. Huminga siya nang malalim bago iniabot dito ang kaliwang kamay niya.

Si Viper naman ang nagulat. “R-Ruby?”

“Isuot mo na sa akin ang singsing bago pa magbago ang isip ko,” utos niya rito.

Sa katuwaan nito, sa halip na isuot ang singsing sa kanya ay humiyaw ito, sabay talon. “Yes!”

Nang makabawi si Viper, hindi ito magkandatuto sa pagsusuot ng singsing sa kanya. At pagkatapos ay niyapos siya nito nang mahigpit. “I love you, Ruby... I love you so much.”

“Mahal din kita, Viper... maging sino ka pa.”

Ang mga sumunod na buwan at taon ay naging saksi kung paanong pinatunayan sa kanya ni Viper na isa nga itong mabuting tao at mabuting asawa. Nagkamali man ito noon, nagawa naman nitong magbago. At gusto niyang isipin na ang pag-iibigan nila ang talagang nagpabago rito.

¤

......................

Kakaiba ang kuwento ng susunod na Braveheart. Dalawang espesyal na lalaki ang mami-meet niya sa crossroads ng buhay niya na parehong magdadala ng impact sa kanyang love life. Yup! Babae ang next Braveheart natin. Abangan! :) ;)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro