Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

1. Horrendous

“Pingkit, nakikita mo ba 'yong nakikita ko?” ani Rovinia sa kaibigan at kaklase niya. Bumibili siya sa refreshment stall na katapat ng eskuwelahan nila.

Luminga ito sa direksiyong tinitingnan niya. Nanlaki ang singkit na mga mata nito. “Shocks, Ruby, artista ba 'yan?”

Wala naman siyang kilalang artista na kamukha ng lalaking nakikipag-usap sa tindero ng buko tatlong stalls mula sa kinatatayuan nila. “Ang guwapo niya, 'no?”

“Hindi lang ‘guwapo’ ang puwedeng itawag diyan, diyos na 'yan ng kaguwapuhan.”

“Tingnan mo, Pingkit, tingnan mo!” pigil ang kilig na sabi niya. “Papunta siya rito at nakatingin sa 'kin.”

Tinaasan siya nito ng isang kilay. “Excuse me, anong sa 'yo lang? Sa 'tin po siya nakatingin.”

“Oo na, kasama ka na. Pero 'eto na siya. Ano’ng gagawin natin?” aniyang pigil pa rin ang kilig. Sa likuran ng lalaki nakasunod ang dalawa pang lalaking sa palagay niya ay kasama rin nito.

“Ano pa, eh, di harangin at d-um-isplay. Ay, ang macho pa niya! Nakita mo ba ang muscles niya sa dibdib? Ang lalaki!”

“Grabe naman 'to. Mag-behave ka nga riyan.”

“Ang hirap namang mag-behave kapag ganyan kaguwapo ang makakasalubong mo at nakatingin pa sa 'yo.”

Hindi nag-e-exaggerate si Pingkit. Lahat ng bahagi ng katawan at mukha ng lalaki ay maganda sa paningin niya. Matangos ang ilong nito, full lips na mapupula at mapipintog. Malalaki at magaganda ang mga mata nito. Mamula-mula ang kutis nito, ang kilay ay hindi gaanong makapal ngunit maayos ang pagkakaipon. At ang hubog ng mukha nito ay parang nililok ng batikang eskultor. Idagdag pang matangkad ito.

Nang makalapit ang guwapong lalaki ay inunahan kaagad ito ni Pingkit. “Hi, handsome!” bati nito na ubod-tamis ang pagkakangiti sa lalaki. “Angel ba ang name mo? 'Cause you look like one.”

Kinilabutan siya sa ka-corny-hang pambungad ni Pingkit kaya nabitin ang kilig niya. Hiyang-hiya siya sa lalaki. Mabuti na lang at ngumiti pa rin ito.

“No. I’m Eldric. Hinahanap ko 'yong stall ng pinakamasarap magluto ng pansit hab-hab dito sa Palayhat. Can you tell me where it is?”

Pumihit si Pingkit paharap sa kanya at bumulong ito. “Wow,  friend, Inglesero.”

“P-pasensiya ka na rito sa kaibigan ko, ha,” agaw na niya sa eksena bago pa sila lalong mapahiya sa lalaki.
“Dito nga ang stall ng pinakamasarap magluto ng pansit hab-hab. Dito kay Aling Edna,” aniyang itinuro ang kinaroroonan nilang stall.

“Thank you. If you don’t mind, may I know your name?” nakangiti pa ring wika nito sa kanya.

“I’m Pinky,” agaw na naman ng kaibigan niya.

“Ruby,” hindi naman palalamang na pakli niya.

“Thank you. 'Hope to see you around, Pinky, Ruby,” sabi nito bago sila tinalikuran. Pumasok na ito sa stall ng refreshment. Nakasunod pa rin dito ang dalawang lalaki.

“Gosh! I’m so kilig!” hirit na naman ni Pingkit nang maglakad na sila patungo sa school campus.

“Grabe ka nga, hindi ka na nahiya ro’n sa tao. Obvious na obvious ka.”

“Bakit naman ako mahihiya? I’m sure sanay ang Eldric na 'yon na pinagkakaguluhan siya ng mga babae. Saka tame pa nga ako nang lagay na 'yon, eh.”

“Tame?” nanlalaki ang mga matang sabi niya. “Baka flirty ang sabihin mo.”

“Killjoy ka talaga kahit kailan, Rovinia. Bakit ka ba nagre-react nang todo riyan? Napasalta lang naman dito ang Eldric na 'yon. Narinig mo naman kung paano magsalita, puntong Manila boy. Baka nga hindi na natin makita rito sa Palayhat 'yon.”

Ngunit nagkita uli sila ni Eldric. Kinabukasan, pagka-galing niya sa school ay inabangan siya nito sa kanto isang bloke pagkatapos silang maghiwalay ni Pingkit.

Sakay si Eldric ng isang Trekker at may kasama itong dalawang lalaki. Medyo kinabahan siya. Na nawala rin kaagad nang lapitan siya nito habang ngiting-ngiti. “Hi, Ruby. 'Still remember me?”

Flattered siya na natandaan nito ang pangalan niya. Medyo nahihiyang tumango siya.

“Pauwi ka na ba?”

“Oo.”

“Ihahatid na kita.”

“Huwag na. Malapit lang naman ang bahay namin.”

“Eh, di sasabayan na lang kita sa pag-uwi.”

Ngumiti lang siya rito.

Mukha namang nakuha kaagad nito na pumapayag siya kaya umagapay na ito sa kanya. Naiwan sa Trekker ang dalawang lalaking kasama nito.

“Sino ba 'yong dalawang lalaki na nakasunod parati sa 'yo?”

“Bodyguards ko.”

Napatingin siya rito. Hindi naman ito mukhang nagbibiro. “Tatlo lang ang alam kong anak ng presidente. At nakita ko na silang lahat sa diyaryo at TV.”

Natawa ito sa reaksiyon niya. “At hindi niya ako anak sa labas. Hindi rin presidential guards ang mga 'yan. Congresswoman ang mother ko at kaysa parati siyang kinakabahan kapag umaalis ako sa amin, hinayaan ko na lang na ikuha niya ako ng bodyguards.”

“Eh, mukha namang kayang-kaya mong ipagtanggol ang sarili mo. Ang laki-laki mo nga.”

Tumawa uli ito. “Thank you, if that’s a compliment. Ikaw naman, I find you interesting, you know,” anito. “You’re so pretty. I like your eyes. They’re smiling at me.”

Nag-init ang mukha niya sa magkahalong kilig at pagkahiya dahil sa pamumuri nito.

“I’ll be at the beach tomorrow morning. I want you to come. Saturday naman bukas at walang pasok. Hihintayin kita ro’n, Ruby,” wika nito bago humiwalay sa kanya.

Tonong nagde-demand ito ngunit hindi niya inisip na ganoon. Kilig at excitement ang hatid niyon sa kanya. She felt proud of it. Imagine, ang isang anak-mayaman at guwapong tulad ni Eldric ay nagpapakita ng interes sa kanya. Siya na isa lang kolehiyalang probinsiyana na nakakapagkolehiyo lang dahil sa scholarship.

Kinabukasan, hindi naman siya nakapunta sa beach. Inutusan siya ng kanyang ama na ihatid sa mga lola niya sa bayan ang pinipig na binayo nito. Hindi siya makaangal dahil wala namang ibang uutusan ang tatay niya. Kaya kahit na nagmadali siya sa pag-uwi, nang dumaan siya sa tabing-dagat ay wala na roon si Eldric. Hinayang na hinayang siya.

Pagsapit ng hapon ay naisip niyang magtungo sa plaza. Nagbabaka-sakali siya na makikita roon si Eldric. Dinala niya ang alaga nilang aso para lang may alibi siya sa mga magulang niya na dahilan ng kanyang pamamasyal.

Hindi naman siya nabigo. Nakita kaagad niya ang Trekker ni Eldric na nakaparada sa labas ng billiard hall sa kanan ng plaza.

Hindi pa siya tumatapat doon ay lumabas na si Eldric. Nakatitig ito nang mataman sa mga mata niya, titig na nakakailang. Nakaramdam tuloy siya ng guilt at kaba. “Hinintay kita sa beach kanina,” bungad nito.

“Sorry, ha. Nautusan kasi ako sa 'min. Nang dumaan naman ako ro’n, wala ka na.”

Nabaling ang pansin nito sa asong dala niya. “I hate dogs.”

Ikinalungkot niya iyon. Dahil sila ay pinalaking may pagmamahal sa mga pets lalo na sa aso. “M-mabait naman itong aso namin. Malinis din ito. Araw-araw 'tong pinaliliguan ng kuya ko.”

Hindi na ito nagkomento pa. Tinawag ni Eldric ang isa sa mga bodyguards nito at pinahawakan doon ang leash ng aso. Pagkatapos ay iginiya siya nito sa loob ng Trekker. Lumayo naman ang dalawang bodyguards nito. Doon sila nagkuwentuhan. Hanggang sa yayain siya nitong mag-merienda sa isang snack house malapit sa plaza.

Iyon ang naging simula ng madalas na pagkikita nila ni Eldric. Nang malaman iyon ni Pingkit ay ilang araw din siyang hindi kinibo nito. Sinumbatan siya nito na una itong nagka-crush kay Eldric at ito raw ang may karapatan sa binata. Ngunit bandang huli ay tinanggap na rin nitong sa kanya talaga interesado si Eldric.

“HI, ELDRIC! Ang aga mo, ah. Ready na ako.” Alam ni Ruby na kitang-kita nito ang excitement niya ngunit kahit kaunti ay hindi niya naisip na itago iyon sa paningin nito.

Patungo sila sa Vista Verde Resort, isang resort na matagal na niyang pangarap na marating. May membership kasi sa resort na iyon. Iyon lamang mga lehitimong miyembro ang maaaring pumasok. At dahil hindi naman siya mayaman at hindi kayang maka-afford ng membership fee kaya hanggang sa pangarap na lang siya noon.

Ngunit nakilala nga niya si Eldric, ang mayamang taga-Maynila na nagbabakasyon sa Palayhat. Nagkainteres kaagad ito sa kanya. At fascinated naman siya rito.

Pakiramdam niya ay napakasuwerte niya na mapansin ng isang kagaya ni Eldric. Hindi iilang kadalagahan sa lugar nila ang hayagang nagpakita ng pagkainggit sa kanya.

Bakit nga ba hindi? Bukod sa mayaman ay guwapo pa ito. Isang kongresista ang ina nito. Ang ama naman nito ay CEO ng isang multinational company.   

“Good,” nakangiting tugon ni Eldric. Napansin niyang parang naaliw ito sa excitement niya. Bigla tuloy siyang nakaramdam ng hiya. “Let’s go then.” Iminosyon nito ang ginamit nitong Trekker. Nakita naman niyang binuksan ng isa sa dalawang bodyguards nito ang pinto sa passenger seat ng sasakyan. Pagkatapos ay sumakay ang mga ito sa isang itim na Crosswind sa likuran ng Trekker.

Walang pag-aalinlangan na sumakay na siya.

Patingin-tingin siya kay Eldric habang naglalakbay sila. Napakakinis talaga ng balat nito. Mamula-mula iyon na para bang matagal itong sumailalim sa araw-araw na pagpapahid ng dagta ng papaya.

Iyon ang ginagamit ni Pingkit sa balat nito. May limang buwan na yata mula nang matuklasan nito na nakapagpapakinis at nakakapagpapula ng kutis ang dagta ng papaya. Kaya nga kapansin-pansin na ang dating ulikbang si Pingkit ay makinis at mapula na ang kutis ngayon.

Sinubukan din niya ang ginagawa ni Pingkit. Ngunit unang pahid pa lang niya sa dagta ng papaya ay nangati at natuklap na ang balat niya. Nang malaman iyon ng nanay niya ay napagalitan pa siya. Kaya hindi na siya sumubok uli na magkuskos sa balat niya ng dagta ng papaya.

“I’m beginning to feel flattered,” napapangiting sabi ni Eldric nang minsang magsalubong ang tingin nila.

Medyo naguluhan siya sa statement nito. Wala pa naman silang paksang nabubuksan. “B-bakit?”

“Kanina ko pa kasi napapansin na panay ang tingin mo sa mukha ko. Wala naman siguro akong muta, right?”

Napahiya siya. Nag-init ang pisngi niya at binawi na kaagad ang tingin dito.

“But I like that, you know. Gusto ko sa babae 'yong ipinapakita ang totoong nararamdaman niya at hindi nagpapakipot.”

Saka lang uli siya tumingin dito. Nakangiti ito kaya napangiti na lang din siya. Nang gagapin nito at pisilin ang kamay niya ay hindi siya tumanggi. Kahit nag-iinit ang mukha niya, kinikilabutan siya at nanlalamig ang kamay niya. Para din siyang hihimatayin sa kilig.

Hinayaan niyang hawak nito ang kamay niya hanggang sa makarating sila sa Vista Verde.

Muli, ang bodyguard ni Eldric ang nagbukas ng pinto para sa kanya. Ngunit ito ang nag-abot ng kamay upang alalayan siya sa pagbaba. Hindi nito binibitiwan ang kamay niya hanggang nang salubungin sila roon ng multicab ng resort na sasakyan nila sa pamamasyal sa Vista Verde. Naiwan sa entrance ng resort ang dalawang bodyguards ni Eldric.

“Ang ganda pala talaga rito!” bulalas niya hindi pa man nakalalayo ang multicab. Alam niyang sikat ang mountain resort na iyon dahil napi-feature pa iyon sa mga babasahin, diyaryo at TV magazines. Noong minsan nga ay nakita pa niya ang ilang crew ng isang telenobela na nag-shoot doon.

“Wait 'til we get to the waterfalls.”

Napatingin siya rito. “W-waterfalls? May waterfalls din dito?”

“Oo. Bakit bigla ka yatang natakot? Dapat nga ma-excite ka. 'Yon ang pinakamagandang makikita rito sa Vista Verde.”

Paano ba niya sasabihin dito na may phobia siya sa mga dagat, pools at waterfalls? “Eh, k-kasi hindi ako marunong lumangoy.”

“Hindi naman tayo maliligo. Titingnan lang natin ang view. At baka doon din tayo mag-picnic kung abutan tayo ng lunchtime.”

“Totoo?”

“Oo naman. Teka, palagay ko may phobia ka sa tubig, tama ba?”

“H-hindi lang kasi talaga ako marunong lumangoy,” pagtatakip niya sa sarili.

“Pero masarap lumangoy. Kung gusto mo, tuturuan kita.”

“Wala akong dalang pampaligo,” palusot pa niya.

Tiningnan lang siya nito, saka ngumiti. Napanatag na siya. Natutuwa siya na hindi na ito nagpilit pa.

Napadaan sila sa isang malawak na bird sanctuary. Pinahinto nito ang driver ng multicab doon.

Malahiganteng net ang nakapalibot sa santuwaryo. Sa kabila niyon ay malinaw pa ring nakikita ang iba’t ibang uri ng ibon na nakadapo sa mga punong nasa loob ng net. 

Nakita niyang lumipad ang isang ibon na may kulay-asul, itim at puting balahibo. Humahangang sinundan niya iyon ng tingin hanggang sa dumapo iyon sa katabi ng punong inalisan nito. “Wow!”

“Para kang bata.”

Nalipat kay Eldric ang tingin niya. Nginitian niya ito. “Mababaw lang talaga ang kaligayahan ko. Ikaw ba, hindi nagagandahan sa mga 'yan?”

“Nagagandahan.” Hinatak nito nang bahagya ang kamay niyang hawak nito. “Look, Ruby, marami pa tayong papasyalan. Bumalik na tayo sa multicab.”

May panghihinayang na sumunod siya sa sinabi nito. Umuusad na ang sasakyan ay nakatingin pa rin siya sa bird sanctuary.

Magaganda pa rin naman ang mga makikita sa sumunod nilang pinuntahan. May fernarium kung saan makikita ang pinakamaliit hanggang sa pinakamalaking fern. May mga nakadikit sa naglalakihang puno at may nakatanim naman sa paligid ng isang man-made lagoon.

“Halika,” yakag sa kanya ni Eldric, “tingnan natin 'yong mga isda sa lagoon.”

Lumapit siya. Noon lang niya nakita na fishpond din pala ang lagoon. Nagsisipaglangoy roon ang maraming isda na may iba’t ibang uri at laki.

“Lumapit pa tayo,” anito.

“Dito na lang tayo.”

“Takot ka bang matalunan ng isda?”

Idinaan niya sa tawa ang sagot. Umalis na lang sila roon pagkaraan ng ilang sandali.

Sa sumunod nilang pinuntahan ay talaga namang nag-enjoy siya. Isang malaking flower garden iyon na katatagpuan ng maraming flower beds ng iba’t ibang uri ng mga bulaklak. Binubusog pa niya ang kanyang mga mata sa panonood ng makukulay na gerbera at cattleya ay niyaya na siya ni Eldric.

“Let’s go to the waterfalls.”

Ang akala niya ay pumayag na ito kanina na hindi na sila magtutungo pa roon. Iyon pala ay hindi pa rin nito binabago ang naunang plano. Kaya pala palagi itong nag-aapura sa bawat bahagi ng resort na hinihintuan nila.

Ayaw sana niyang pumunta sa talon ngunit wala siyang maisip na alibi nang mga sandaling iyon. Tahimik na nagpaakay siya rito pabalik sa multicab. Nakadarama siya ng apprehension.

Napakaganda ng waterfalls na hinintuan nila. Mataas ang tubig na pinagmumulan ng falls. Maluwang ang tila lawa na nilikha niyon. Sandali niyang nakalimutan ang pangamba. Ngunit nang makababa sila ng multicab ay sinagilahan na naman siya ng takot. Tila lumakas nang husto sa pandinig niya ang lagaslas ng tubig.

Nadagdagan ang takot niya nang iwan sila roon ng multicab. Napatingin siya kay Eldric. “Bakit umalis na 'yon?”

“Babalikan din tayo n’on mayamaya. Relax. There’s nothing to worry about. Dala ko ang lunch natin,” nakangiting sabi nito, sabay taas ng malaking picnic basket na hawak nito.

“Eh, kasi—”

“C’mon,” agaw nito sa sasabihin niya at nagpauna na sa isang clearing na malapit sa pampang ng talon.

Napanatag uli ang kalooban niya nang kumakain na sila. Naglatag ito ng picnic linen sa damuhan at siya na ang naglabas ng mga nakalagay sa picnic basket.

“Alam mo, apat na beses na tayong lumalabas pero hindi mo pa nasasabi sa akin kung nagtatrabaho ka. Ang alam ko lang, nagbabakasyon ka rito sa Palayhat,” aniya rito.

“Hindi pa ba?” tumatawang sabi naman nito. “Kasi naman, hindi ako nagtatrabaho kaya siguro wala akong sinasabi sa 'yo.”

Parang na-disappoint siya nang kaunti sa sinabi nito. Ang buong akala niya kaya ito nasa kanilang lugar  dahil nakabakasyon ito sa trabaho. “Eh, 'di ba, sabi mo two years ka nang nakaka-graduate sa college?”

“Oo nga. Kaya lang, hindi ko pa nararamdaman na gusto ko nang magtrabaho kaya 'eto, I’m still enjoying my long vacation.”

Lalo siyang na-disappoint dito. Samantalang lahat ng kakilala niyang nakapagtapos sa kolehiyo ay trabaho kaagad ang hinahanap kahit na nga iyong iba na nabibilang din sa de buena familia. Ang iba nga sa mga kaibigan niya ay napagsasabay pa ang pag-aaral at pagtatrabaho.

Siya nga, mula noong tumuntong ng high school at magpahanggang ngayon ay walang palya sa pagtitinda ng halo-halo tuwing summer vacation. Kung minsan ay nagsa-substitute pa siya tuwing Holy Week sa medical secretary ni Dr. Leyva. Taga-Bicol kasi ito at tuwing Semana Santa lang nagkakaroon ng panahong umuwi sa probinsiya.    

Kunsabagay, hindi na nga kailangan pang magtrabaho ni Eldric. Kahit siguro buong buhay nito na hindi ito magtrabaho ay mabubuhay pa rin ito. Natatandaan niyang ganoon ang kuwento ng bida sa pelikulang About A Boy na kailan lang ay napanood niya sa DVD nina Pingkit. Kaya lang, para sa kanya ay nakabababa ng dignidad kapag ang isang taong malakas at may kakayahan namang magtrabaho ay hindi naghahanap man làang niyon.

Nang matapos silang kumain ay tinabihan siya ni Eldric sa bahagi ng picnic linen na inuupuan niya. “You’re so beautiful, you know,” sabi nito sa mas marahan, tila naglalambing na boses.

Nakadama siya ng kakaibang kilabot nang, parang sinadya, kumiskis ang braso nito sa braso niya. Disimulado siyang umiwas nang patuloy na mapadikit dito, hindi dahil ayaw niya kundi dahil bago sa kanya ang ganoong pakiramdam. At parang mayroon siyang kaunting takot na naramdaman.

“I won’t deny I feel something for you. Alam kong nahahalata mo 'yon.”

Para siyang iniheleng bigla ng mga anghel dahil sa sinabi nito. Mutual pala talaga ang feelings nila!

Tinitigan siya nito, saka hinawakan ang isang kamay niya. Naramdaman niya ang marahang pagpisil nito sa palad niya. Nag-alsahan yatang lahat ng mga balahibo niya sa katawan.

Nang dumako ang isang palad nito sa kanyang pisngi ay napasinghap siya. Patuloy ang pagkalat ng masarap na pakiramdam sa buong katawan niya. Lalo na nang unti-unting lumapit ang mukha nito sa kanyang bibig.

Nagdiwang ang puso niya sa sobrang kaligayahan nang sa wakas ay halikan siya nito sa mga labi. It was her first.

NAKALILITO at nakapagpapawala sa sarili ang halik ni Eldric. Dahil kahit alam ni Rovinia na gusto niya ang halik ng binata ay malinaw rin ang pakiramdam na parang may nawala sa kanya. Pakiramdam na tulad sa isang taong nadaya nang hindi nito nalalaman.

Kaya nga nang muli na naman siyang sisiilin sana ng halik nito ay umiwas na siya.

“What’s wrong, Ruby? Hindi ka naman ganyan kanina. What’s bothering you? C’mon, tell me.”

“W-wala.” Siya man ay hindi maunawaan kung bakit ganoon ang pakiramdam niya. Inisip na lang niya na ganoon marahil ang pakiramdam kapag ganoon kaagad kasidhi ang unang halik.

Pinagmasdan nito ang mukha niya. Mukha namang wala itong napansin. Binale-wala nito ang pag-iwas niyang masundan uli ang halik nito. Dumako ang isang kamay nito sa mukha niya at binakas ng hintuturo nito ang paligid ng kanyang mga mata. Pagkatapos ay bumaba iyon at marahang-marahan, dumako naman sa gilid ng kanyang bibig. “Darling, you’re so beautiful... Let me kiss you some more...”

Nanrarahuyo ang malambing na bulong nito. Natangay siya. Unti-unting lumapit ang bibig nito sa kanyang mukha. Nang hindi siya tumutol ay pinaulanan na nito ng magagaan at nakakikiliting halik ang gilid ng kanyang mukha, ang sulok ng bibig niya, hanggang sa sakupin uli nito ang mga labi niya.

Tinatalo ng ginagawa nito ang munting takot sa dibdib niya. Nakulong siya sa mga bisig nito. Nagpatuloy siya sa pagpapaubaya. Subalit nang dumako na ang mga kamay nito sa kanyang katawan at gumalugad doon ay napaigtad siya. “Eldric, huwag...!

Humigpit naman ang pagkakayakap nito sa kanya. “Relax, darling. I won’t hurt you...”

Ngunit hindi na niya magawang mag-relax. Lumaki ang takot na naramdaman niya. Parang nakikita niya ang kanyang ina na nagbababala.

Nang sakupin na naman ni Eldric ang bibig niya ay napaigtad uli siya. Itinulak niya ito. Hindi nito napaghandaan ang naging kilos niya kaya nakawala siya sa pagkakayakap nito.

Mabilis siyang tumayo. Ngunit hindi siya makatakbo dahil mabilis din nitong naharangan ang daraanan niya. Kung pipihit naman siya sa kabila ay tubig na ng talon.

Nakangisi ito sa kanya na para bang isa itong predator na handang sumila sa isang munting sisiw na nagkataong siya. Noon lang din niya napansin na mapula ang mga mata nito. Parang sa isang iglap ay naging ibang tao ito.

Nagtalo ang loob niya kung alin ang pipiliin, ang panganib sa mga kamay nito o ang malaking pagkatakot niya sa tubig.

Sa huli, pinili na lamang niya ang panganib ng kamatayan. 

........................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro