Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

5. Suddenly

Nang malingat si Tata Landoy ay kinalabit ni Myrtle si Urison. “Nakalog ba 'yang utak mo sa aksidente natin at akala mo, mag-asawa tayo?” pabulong na sita niya rito, para lang hindi marinig ng kanilang hosts.

“Hinding-hindi po mangyayari na aakalain kong mag-asawa tayo kahit pa nagka-amnesia ako,” asar na sagot naman nito sa kanya.

“Eh, bakit mo nga sinabi sa matanda na mag-asawa tayo kahit hindi naman?”

“Napansin mo ba ang tingin sa 'yo ng anak niya?”

“Nginitian niya ako. Ano ba ang kakaiba roon? Friendly lang siguro 'yong tao.”

“Friendly? Hah! Friendly ba 'yong kung tingnan ka, parang gusto ka nang lamunin?”

Kinurot niya ito dahil napapalakas na ang boses nito. “Eh, ano naman? Hindi naman ako nagpi-flirt sa kanya, ah.”

“'Yon na nga, eh. Hindi ka na nga nagpi-flirt, pero gano’n pa siyang makatingin sa 'yo. How much more kung nagpi-flirt ka pa? At kapag sinabi ko ang totoo, na magkaibigan lang tayo, malamang na manganib ang puri mo. Hindi naman natin kilala ang mag-amang 'yan. Kaduda-duda na nagtitiis silang tumira nang solo sa liblib na pook na ito. Paano kung hindi sila gano’n kabuti? Sa kalagayan ko ngayon, maipagtatanggol ba kita sa mga 'yan kapag nagtangka sila sa 'yo ng hindi maganda?”

Medyo kinabahan si Myrtle sa sinabi nito ngunit nangatwiran pa rin siya. “Bakit, kung talagang may masamang balak si Abel sa akin, sa palagay mo, mapipigilan 'yon ng pagsisinungaling mo?”

“Hindi nga pero at least, kung aakalain nila na mag-asawa tayo, medyo mangingilag siya sa akin. Magdadalawang-isip siya na gawan ka ng masama.”

“May gusto ba kayong sabihin sa akin?”

Nahinto ang pagbubulungan nila sa paglapit ni Tata Landoy. Kasunod nito si Abel na may dalang dalawang sartin ng umuusok na kape.

“Eh, wala kaming gaanong maitutulong sa inyo dahil nakita n’yo naman, hirap kami sa buhay. Pero kung ano man ang kakainin namin, kakainin din ninyo,” dagdag pa ng matanda.

“Magpainit muna kayo ng sikmura,” sabi sa kanila ni Abel. Ibinaba nito sa harap nila ang mga sartin.

“Salamat.” Idinikit kaagad ni Myrtle ang mga kamay sa katawan ng sartin.

“Wala naman pong problema sa amin nitong asawa ko, Tata Landoy...”

Muntik na siyang masamid sa sinabi ni Urison.

“Kung ano pong makakayanan ninyong ihain sa amin, pasasalamatan po namin nang marami. Ang totoo po, sobrang grateful kami na natagpuan namin itong kubo ninyo. Talaga pong ginaw na ginaw na kami kanina.” 

“Talagang malamig sa lugar na ito lalo na kapag madaling-araw. Siyanga pala, maaari ninyong gamitin ang silid ko. Medyo maluwang ang papag n’on. Doon na lang muna ako sa kuwarto ni Abel.”

“Salamat po.”

Nang maubos nila ang kape ay iginiya sila ng matanda sa isang silid. Isang papag lang ang naroon. Manipis lang ang kutson ngunit kahit paano  mas mabuti na rin kaysa kung sa damuhan sila matutulog.

Naunang nahiga sa kanya si Urison. Nauna rin itong nakatulog.

Sa tulong ng liwanag mula sa lampara pinagmasdan niya ang mukha ng natutulog na si Urison. Pumutok din pala ang labi nito. Medyo namamaga na iyon.

Naisip niyang grabe nga talaga ang naging damage ng kotse para magtamo ito ng maraming sugat. Mabuti na lang at walang grabeng pinsala ito. Ang ipinagtataka lang niya ay kung bakit bukod sa bukol sa ulo ay wala na siyang naging pinsala.

Thank You, God, for protecting us. Mabuti na lang at hindi tutulug-tulog ang ini-assign Ninyong guardian angels namin. She smiled at the thought. Pinatay na niya ang lampara at nahiga siya sa tabi ni Urison. Ilang saglit pa ay nakatulog na siya.

Tirik na ang araw nang magising si Myrtle kinabukasan. Lumalagos ang liwanag niyon sa maliit na siwang ng bintana.

Nang tingnan niya ang katabi ay tulog na tulog pa rin ito. Napansin din niyang nakadantay pala sa katawan nito ang isang kamay niya at isang hita.

Napapahiyang bumaling siya sa kabilang panig ng papag. Kawawa naman si Urison. Tiyak na kapag nagising ito ay masakit ang katawan. At baka nadagdagan pa dahil sa bigat niya.

“Huwag ka nang mahiya.”

Napabalikwas ng bangon si Myrtle. Sa lagay palang iyon ay gising na ang bruho. Nakangisi ito nang balingan niya at dilat na dilat na ang mga mata.

“Hindi lang dantay ang ginawa mo sa akin kagabi. Siniksik mo pa ako at pinagyayakap.”

Inirapan niya ito. “'Kapal nito.”

“Aba, bakit? Alam mo ba ang nangyayari habang tulog ka? Hindi na nga ako makakilos sa puwesto ko. Muntik na akong mahulog sa papag sa kakasiksik mo sa akin.”

Iningusan niya ito. Umahon na siya sa papag at tiniklop ang kumot na ginamit.

“Okay lang naman sa akin na pinagyayakap mo ako. Ang lambot pala ng katawan mo. Parang may nakayakap na kutson sa akin,” tatawa-tawa pang dagdag nito.

Inihagis ni Myrtle dito ang kumot na ginamit niya. Pagkatapos ay nagtungo na siya sa pinto.

“Pikon!”

Hindi na niya pinatulan ang maagang pang-aasar ni Urison. Lumabas na siya ng silid.

Wala na sa kabahayan ang mag-ama. Marahil ay nasa bukid na. Nagtuloy siya sa kusina. May mga pinggan na natatakpan sa ibabaw ng mesa. Nang magtungo si Myrtle sa batalan, saka lang niya naalala na wala siyang toothbrush. Wala siyang nagawa kundi ang magmumog na lang. Naalala rin niya na wala rin silang bihisan ni Urison.

“Hay, ang hirap pala ng ganito.”

Paglabas niya sa batalan ay nag-aabang na sa may pinto si Urison. May hawak itong dalawang maliliit na sanga ng kung anong halaman. Iniabot nito sa kanya ang isa.

“Ano 'to?”

“Toothbrush.”

“Nagpapatawa ka? Sanga ito, eh. Paano magiging toothbrush ang sanga?”

“Watch me.” Iika-ikang nagtungo ito sa banggerahan at kinuha ang sa tingin niya ay bato ng almires. Pinukpok nito ang sanga hanggang sa maging pino ang mga hibla niyon.

“Masakit pa ba ang pilay mo?” tanong niya habang pinupukpok nito ang sanga. Hindi na kasi nito ginamit ang saklay na kahoy.

“Hindi na. Sumasakit lang kapag nailalagay ko sa kanan lahat ng bigat ko. Mahusay pala talagang manghilot si Tata Landoy.” Saglit pa at natapos na ito sa pagpupukpok. “O, 'ayan, misis, puwede mo nang magamit na toothbrush.”

“Puwede ba, huwag mo akong matawag-tawag na ‘misis.’ Kinikilabutan ako.” Kinuha niya ang iniaabot nito at ipinalit niya ang sanga na ibinigay nito kanina.

“Eh, bakit kagabi, you were living up to the role? Para kang pugita kung makayakap sa akin. Kung salbahe lang ako, baka paggising mo ngayong tanghali, wala na ang iniingatan mong puri.”

Inirapan na lang niya ito sa magkahalong hiya at inis. Bumalik siya sa batalan at gamit ang pinukpok nitong sanga ay nag-toothbrush nga siya.

Lasang bayabas ang sanga. Para ngang narinig na niya noong maliit siya na maaaring gamiting panlinis ng ngipin ang bayabas. Hmm, may pakinabang din naman pala ang buskador na Uris na 'yon.

“PAANO natin maipapaalam kina Mama ang kinaroroonan natin, Uris? Hindi mo ba talaga maaayos ang cell phone ko?” baling ni Myrtle kay Urison. Bukod sa wallet nitong hindi nalaglag sa bulsa ng pantalon ay ang cell phone lang niya ang nagawa nitong iligtas. At iyon ay dahil lang hawak niya ang cell phone nang ilabas siya nito mula sa kotse.

Kaya nga lang, sira din ang cell phone. Natanggal ang cover niyon at ang bahaging kadikit ng screen ay pingas. Hindi niya alam kung paanong nagkaganoon iyon gayong hindi naman siya nasugatan maliban lang sa maliliit na galos sa kamay niyang may hawak sa gadget.

“Kahit kaya kong ayusin ang cell phone mo, hindi rin tayo makakahanap dito ng spare parts na kailangang ipalit sa nasira.”

“Bakit kasi inalis mo pa sa bulsa  'yong cell phone mo? Sana, kahit text lang makakapag-communicate tayo sa pamilya mo at sa pamilya ko.”

“Sa palagay mo, buo pa rin 'yon kung nagkataon na nasa bulsa ko lang? Mabuti nga ikaw, konting galos lang at bukol ang inabot mo.”

“O sige na. Huwag na tayong mag-compare ng kung sino ang mas maraming damage sa katawan. Itanong na lang natin kay Tata Landoy kung paano tayo makakabalik sa kabihasnan.”

Bandang alas-onse, bumalik sa kubo ang matanda upang magluto. Natawa ito sa hitsura nila nang maabutan nitong pinipilit nilang apuyan ang kalan para maisalang ang sinaing. Paano, puro abo na ang kanilang mukha at ulo sa pag-ihip pero hindi pa rin nila mapaningas ang kalan. Inayos nito ang salansan ng kahoy at may iniipit ito roong maliit na piraso ng kahoy na nang sindihan ay mabilis na nagliyab.

“Wow! Magic!” fascinated na sambit ni Myrtle.

Kinuwit ni Urison ang tuktok ng ilong niya. “Para kang bata. Hindi po 'yan magic. Nagkataon lang na 'yong klase ng kahoy na iyon ay flammable na parang kerosene. Tama po ba ako, Tata Landoy?”

“Oo, amang. ‘Tapulaw’ ang tawag dito. Sa halip na gaas na kailangan pang bilhin, humahanap na lang kami sa gubat ng kahoy na nagiging tapulaw para gawing pamparikit ng apoy.”

Nang makakain sila ay itinuro sa kanila ng matanda ang ilang piraso ng damit na nakatiklop sa ibabaw ng mesitang nasa sala ng kubo. “Tulog pa kayo kanina nang ilabas ko 'yan. Hindi ko nasabi sa inyo na maaari ninyong isuot ang mga 'yan. Damit ko 'yan at damit ng namayapa kong asawa. Sana magkasya sa inyo. May sapa sa duluhan nitong kubo. Maaari kayong maligo roon. Pero ikaw, amang,” baling nito kay Urison, “ingatan mong huwag mabasa ang sugat diyan sa balikat mo.”

“Opo, Tata. Maalala ko nga po pala, paano kami makakabalik sa Maynila?”

“Alam mo, kung maglalakad na naman kayo sa pinaggalingan ninyo, baka lumala ang pilay ng binti mo. Ang mabuti pa, hintayin n’yo na lang 'yong kumpare ko. Dadaan 'yon dito bukas, may dalang karomata. Sa kanya na lang kayo makisakay.”

“Naku, sobrang nakakahiya na po sa inyo,” sabi naman niya. “Makikitulog na naman kami at makikikain pa.”

“Wala namang kaso 'yon, ineng. Maluwag sa loob namin ang tumulong sa mga katulad ninyong nangangailangan.”

Nagpasalamat sila sa matanda. Nang bumalik ang mga ito sa bukid ay saka pa lamang sila nagtungo ni Urison sa sapa.

Natuwa sila sa nakita. Dahil hindi pala iyon ordinaryong batis. May maliit na waterfalls ang itaas niyon at ang ibaba ay mababaw lang nang kaunti sa isang ilog. Higit sa lahat, napakalinaw ng tubig.

“Wow! This is fabulous!” bulalas niya sa katuwaan. Ngunit nahinto siya sa paglusong sa batis nang may maalala. “Sandali, wala kayang linta dito?”

“Ako, hindi takot sa linta,” sabi ni Urison. Nagpauna na ito sa kanya sa paglusong.

“Teka, teka muna. Paano naman ako?”

Nilingon siya nito, pilyung-pilyo ang hitsura. “Kapag dumaan ang thirty minutes at hindi ako nadidikitan ng linta, ibig sabihin n’on, walang linta dito. Puwede ka nang maligo.”

At habang naliligo ito ay tatanghod na lang siya roon? Parang unfair naman yata iyon.

Sa pagdaan ng mga minuto ay lalo niyang napagtanto na unfair nga talaga ang buhay. Gustung-gusto na niyang lumusong at maligo sa malamig at malinis na tubig ng batis ngunit hindi naman siya kasintapang ni Urison.

“Kung ako sa 'yo, bumalik ka na lang sa kubo. Kumuha ka ng tabo roon bago ka bumalik dito. Para kahit paano, makakapaligo ka pa rin,” kantiyaw pa nito habang itinatampi-tampisaw ang isang kamay sa tubig. Hayagan na nang-iinggit ito sa kanya.

Sinimangutan niya ito. “Dikitan ka sana ng maraming linta. 'Nga pala, bakit ba may sugat ka sa may kilay at pati labi mo, pumutok? Daig mo pa ang nakipag-boxing. Hindi naman ganyan ang sugat ng taong nadisgrasya lang sa sasakyan, ah.”

“Palibhasa, bangenge ka kaya hindi mo nakitang nagkasuntukan kami ni TJ kagabi.”

Nagulat siya roon. “Nasa bar din si TJ? Bakit hindi ko siya nakita?”

“Wala siya sa loob ng bar. Sa labas kami nagkita. Siguro, sinundan niya si Kitty. Pinipilit niyang sa kanya dapat sumama si Kitty at hindi sa atin.”

“So, sa kanya nga sumama si Kitty?”

“That’s the sad part.”

“At siguro, dahil doon nagalit ka?”

“Para kasing nakakalalaki ang isang 'yon, eh.”

“Naku, kailangan mo na talaga sigurong sumuko, Uris.” Ilang minuto pa ang dumaan nang tanungin uli niya ito. “Ano, wala pa bang dumidikit sa 'yo?”

“Wala pa. Halika na. Baka takot sa tao ang linta rito, ayaw magpakita.”

Kahit takot pa rin ay napilitan na rin siyang lumusong. Malamig ang tubig at masarap sa pakiramdam. Siya naman ang nang-inggit kay Urison. Inilubog niya ang katawan sa tubig at nag-float pa siya. Samantalang ito ay hanggang dibdib lang ang maaari nitong basain dahil sa sugat nito sa itaas ng braso.

Sarap na sarap siya sa pagpo-float nang bigla siyang makaramdam ng malamig na bagay malapit sa kanyang alakalakan. Napabalikwas siya sa takot. Sa pagkagulat ay nakainom siya ng tubig at nagkandasamid-samid siya. Tawa naman nang tawa si Urison. Bato lang pala iyon na idinikit nito sa binti niya.

Sa asar niya ay sinabuyan niya ito ng tubig. Huli na nang maisip niya na hindi nga pala dapat basain ang sugat nito.

Napilitan na tuloy silang umahon.

“Ikaw talaga, gusto mong ma-infect itong sugat ko, ano?” sumbat nito habang umaahon patungo sa pampang ng batis.

“Bakit, sino bang nanggulat sa ating dalawa? Kung hindi lang mababaw itong batis, baka nalunod na ako sa ginawa—” Hindi na niya natapos ang sinasabi nang makita niyang nakatanga ito sa kanya. “Bakit?” masungit pa ring sita niya.

“Myrtle, ngayon ko lang napansin na puwede ka palang calendar girl,” sagot naman nito, nakangisi na.

Napatingin si Myrtle sa sarili. Ang blouse niya ay gawa sa light material tulad din ng slacks niya. At light lang din ang kulay ng mga iyon. Kaya naman bakat na bakat ang kanyang katawan nang mabasa ang mga iyon.

Niyakap niya ang kanyang katawan. “Magkakuliti ka sana at tubuan ng kulugo ang gitna ng mata mo, manyakis!” Nagtungo siya sa kulumpon ng mga bato malapit sa munting waterfalls at doon siya nagbihis.

Medyo maluwang at amoy-naptalina ang bestidang ibinigay sa kanya ni Tata Landoy ngunit mabuti na iyon kaysa wala. At isang pantylet lang ang underwear na kasama niyon. Problema niya ngayon ang bra. Mabuti na lamang at medyo makapal ang bestida at dark ang kulay niyon.

Habang nilalabhan niya sa gilid ng batis ang kanyang mga pinaghubaran ay bumabalik naman sa isip niya ang hitsura ni Urison nang umahon sila. Ewan niya ngunit hindi lang simpleng paghanga ang nakita niya roon. Parang may ningas ang mga mata nitong nakatitig sa katawan niya kanina.

Aminado siyang na-conscious siya dahil doon. Pirming one of the boys ang tingin sa kanya nito dati. At lagi siyang pinagti-trip-ang asarin at tudyuhin nito. Noon lang siya tiningnan nito nang ganoon. At hindi rin niya maunawaan kung bakit para siyang biglang sinilaban nang makita ang tingin nito sa kanya.

“Baka mamuti naman nang sobra ang mga damit mo.”

Napakislot siya. Nasa likuran na pala niya ito. “At least malinis talaga ang mga ito kapag isinuot ko uli. Eh, 'yong sa 'yo, pinigaan mo man lang ba?”

“Ako pa, eh, Boy Scout ako dati.”

Inirapan niya ito, saka nagpauna na siya pabalik sa kubo. Ngunit nang malapit na sila roon ay umagapay sa kanya si Urison. Inakbayan siya nito. Ipiniksi naman niya ang braso nito. “Ano ba?” masungit na saway niya. Nang matanggal naman ang braso ni Urison ay parang hinahanap-hanap niya ang init ng palad nito sa balikat niya. Hindi na siya pumalag nang akbayan uli siya nito.

“Huwag ka ngang suplada diyan. Kailangan nating ipakita sa kanila na talagang mag-asawa tayo. Masama talaga ang kutob ko sa anak ni Tata Landoy. Nakita mo ba ang tingin niya sa 'yo kaninang mag-lunch tayo? Kung makatingin siya, parang preso na hindi nakakita ng babae sa loob ng dalawampung taon.”

“Ikaw lang naman ang nagsasabi niyan. Wala naman akong napapansin sa tingin niya sa akin, ah.” Ikaw, baka pa.

“Wala lang lalaking nagnanasa sa 'yo dati kaya—” Nahinto ito nang makita nilang papalapit sa kanila si Tata Landoy. May hawak itong mga dahon.

“Kumuha ako ng dahon ng mirasol at mayana. Makakatulong ang mga ito sa pilay at sugat mo,” sabi nito kay Urison.

Hanga talaga siya sa mga ito. Estranghero sila na napadpad lang sa kubo ng mga ito ngunit napakabuti ng pagtrato nito sa kanila. Bibihira na ang Good Samaritan sa panahong ito. At sa mga taong nakilala niya sa buong buhay niya, pinaka na siguro si Tata Landoy.

Kaya naman nang gumabi at magkakuwentuhan silang apat, hindi nila natanggihang paunlakan ang punch na ginawa nito.

Nang sabihin ni Urison na hindi ito umiinom ng lambanog ay ipinaggawa pa sila ng punch ng matanda. Mula iyon sa katas ng mga hinog na dalandan na nakatanim sa harap ng kubo. Tuba lang ang inihalo nito roon para daw hindi sila malasing. Ang mag-ama naman ay nagharap sa isang galong lambanog na regalo pa raw kay Tata Landoy noong nakaraang Pasko.

Masarap ang pagkakagawa ng punch. Parang walang halong tuba iyon. Kahit si Urison ay nagustuhan iyon. Nagpatuloy ang kuwentuhan nila. Ngunit nang mapansin nilang lasing na ang mag-ama ay nagpaalam na sila sa mga ito.

“Mauuna na po kaming matulog sa inyo,” paalam dito ni Urison.

“Sige lang, amang. Alam ko naman na ang mga kabataang mag-asawa na tulad n’yo, eh, sabik pa sa isa’t isa,” tatawa-tawang tudyo nito sa kanila.

Muntik na siyang masamid sa sinabi nito.

Hindi na siya pumalag nang akbayan siya ni Urison. Hindi nga lang niya maunawaan kung bakit parang napakainit ng kamay nito gayong malamig na ang paligid.

Nang makapasok na sila sa loob ng silid ay walang anuman na inalis niya ang pagkakasampay ng braso nito sa balikat niya.

Medyo nasasanay na siya sa ganoon. Sa harap nina Tata Landoy at Abel ay hinahayaan niya ang mga pag-akbay-akbay at paglapit-lapit sa kanya ni Urison. Ngunit kapag wala sila sa paningin ng mga ito ay balik kaagad sila sa dati.

Kaya nga hindi niya inaasahan na bigla na lang siyang hinatak nito sa kamay hanggang sa mapasadlak siya sa katawan nito. “Ano bang—”

Walang salitang dumako kaagad ang isang braso nito sa likod niya at hinapit siya. Pagkatapos ay dinala nito ang isang kamay niya sa dibdib nito. Mabilis ang tibok ng puso nito nang lumapat sa dibdib nito ang palad niya.

Hindi niya alam kung paano magre-react doon. Basta nakatingin lamang siya rito, hinihintay kung ano ang sasabihin o gagawin pa nito. Ginagapangan naman ng mumunting kilabot ang katawan niya ngayong napakalapit nila sa isa’t isa. Pumapaypay sa mukha niya ang mainit na hininga nito. Langhap niya ang amoy ng dalandan sa punch na ininom nila.

“'Feel that?” anito sa kanya. Parang mas maitim ngayon ang mga mata nitong nakatitig sa kanya. Titig na tumatagos at nangungusap. “It says I ache for you...”

Lumapit nang husto ang mukha nito hanggang sa maramdaman niyang hinalikan nito ang ituktok ng ilong niya. Nangaligkig siya nang maramdaman niyang gumalaw ang dila nito roon. “W-what are y-you doing?”

“Tell me to stop and I’ll stop... even if it would kill me,” paanas na sabi nito at pinadausdos na ang halik mula sa kanyang ilong, sa balingos, hanggang sa sumakop na iyon sa mga labi niya.

....................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro