8. Chance
Humalukipkip si Daphne at sumandal sa pasamano ng balkonahe. Nang bumalik sila ni Kirk doon ay pinagpalit niya ang puwesto nila. Ito na ang nakaupo sa duyan. “Listen, Kirk Sandejas,” seryosong utos niya. “May mga itatanong ako sa 'yo na sana sagutin mo nang totoo.”
“I promise.” Itinaas pa nito ang kanang kamay.
“Ilan na ang naging girlfriends mo?”
Halatang hindi nito inaasahan na iyon ang itatanong niya ngunit sumagot pa rin ito. “'Yong seryoso, mga... pito.”
Grabe! Gusto niyang pandilatan ang herodes. Kunsabagay ay guwapo naman nga ang lalaki. Hindi imposible na ganoon karami ang maging nobya nito. At iyong seryoso pa! Kung isasama pala pati iyong mga hindi nito sineryoso baka kasindami iyon ng numero sa kalendaryo. “Gaano katagal ang pinakamatagal mong naging relasyon sa kanila?”
“Four... five months?”
“Paano ka manligaw ng babae?”
Hinagod nito ang batok. “Eh... hindi... ano kasi. Usually, kapag nakita kong tinitingnan ako nang may interes ng isang chick na type ko, 'yon, kinakausap ko siya. Kung okay siyang kausap at wala akong nakikitang hindi maganda sa kanya, bago kami maghiwalay, girlfriend ko na siya.”
“Ano?” dismayado at hindi makapaniwalang bulalas niya.
“Minsan, kapag sandali lang kaming nakapag-usap, sa second meeting na nangyayari 'yong understanding na ‘kami’ na.”
Humirit pa! “No wonder na magpapalit ka nga ng girlfriend. Hindi pala uso sa 'yo ang panliligaw, eh.”
“Willing naman akong manligaw kung papayag ka lang.”
“So you’re telling me na interesado kang ligawan ako?”
“Kaya nga bigla kong naisip na gawan ng paraan na maisama ka dito kasi nga type kita.”
“'Kadismaya ka naman, oo.”
“Hindi mo ako type?”
Napasabunot siya sa kanyang buhok.
“Bakit?” angal nito na mukhang offended. Tumayo pa ito.
“Paano naman, wala ka man lang yatang romantic bone diyan sa katawan mo. May mai-in love bang babae sa 'yo kung bigla mo na lang sasabihin sa kanya na type mo siya?”
Hinagod na naman nito ang batok, natatawa na. “Actually, meron.”
“Kaya nga nakita mo naman, para silang damit kung palitan mo.”
“Pero talagang liligawan kita, ha? 'Ayan, nagpapaalam na ako.”
“Makakatanggi ba ako, eh, hindi naman kita mapagtataguan. Magkasama tayo rito sa loob ng apat na araw at kahit ano’ng gawin ko hindi iyon mababago. I’m stuck with you.”
Ngumiti na ito. “Thanks, love.”
“O 'kita mo, nakahirit ka agad.”
Tumawa ito. “Kapag naman naging tayo na, ganoon din ang itatawag ko sa 'yo. I might as well start practicing now.” Hahawakan sana nito ang kamay niya ngunit naiiwas niya kaagad. “Okay, love, after you,” anitong ikinumpas pa ang kamay na parang isang kabalyero. “Mag-breakfast na tayo.”
NAGMULAT ng mga mata si Daphne nang maramdaman niya na parang may nakatingin sa kanya. Hapon na noon. Nakahiga siya sa buhanginan. Katatapos lang niyang manood ng makulay na sunset at ng pagbabalik ng mga ibon sa kanya-kanyang pugad.
Hindi nga siya nagkamali. Nakatanghod sa kanya si Kirk. Hawak nito ang isang buko na tapyas na ang dulo at may drinking straw pa.
Napabangon siya. “Kanina ka pa ba riyan?”
Umiling ito. “Naisip ko na baka uhaw ka na kaya 'eto, ikinuha kita ng buko.”
“Thank you. May dati na bang pitas na buko?” Wala naman kasi siyang nakitang buko sa beach house kaya niya naitanong.
“Wala. Sige, inumin mo na.”
“Inakyat mo 'to?”
“Sinubukan ko lang.”
Inakyat nga nito ang niyog na nakita niyang nakatanim malayo sa beach house. “Ang taas ng mga punong 'yon, ah.”
“Kumapit naman ako.”
“Sa susunod, huwag ka nang pipitas. Baka mahulog ka pa. Malayo pa naman tayo sa hospital dito.”
Ngumiti ito at tuluyan nang naupo sa buhangin. “Nagke-care ka na ba sa akin, love?”
Nilukutan lang niya ito ng ilong. Talaga naman na kung hindi lang palagi silang nagkakabangga tiyak na naging crush kaagad niya ito. Aminado siya sa sarili na pinipigilan lang niyang kiligin kapag nagpapahaging ito. Kaya lang ay ayaw naman niyang samantalahin nito ang atraksiyon niya. Dahil malamang na mapabilang lang siya sa mga dating naging nobya nito na hindi pa nagtatagal ay pinalitan na kaagad.
“Gusto ko 'yan. Gusto ko 'yong nalulukot ang mukha mo habang nakangiti ka. Maganda ka pa ding tingnan.”
“Talaga lang, ha. Ginagamitan mo na ako ng mga pamatay mong linya sa babae.”
“Ikaw naman, sinasabi ko lang ang nakikita ko. Huwag mong isipin na ginagawa ko 'to para lang ma-in love ka sa akin.”
“Paano ka nga pala nakauwi noong ma-hold up ka?”
Sumulyap muna ito bago sumagot. Mukhang nakahalata ang bruho na deliberate ang pag-iiba niya ng paksa. “Tinulungan ako n’ong traffic police na makatawag sa amin. Ipinasundo ako ni Mama sa driver ni Papa.”
“Paano na 'yong kotse mo? Na-recover ba?”
“Oo. Kaya lang, na-cannibalize na nang makita.”
“Sorry, ha. Alam mo naman sa panahon ngayon, sa sampung tao, labing-isa ang hindi puwedeng pagkatiwalaan. Kaya nga sa guard at sa traffic police kita itinurong humingi ng tulong.”
“Okay lang. Nakita lang kasi kita at parang may nagbulong sa akin na sa 'yo ako humingi ng tulong. Kung nakatawag lang sana kaagad ako noon, may kakilala ako na makakagawa ng paraan kung paano masasabat ang holdupper at carnapper. Pero 'yon nga, walang nabalik sa mga nakuha sa akin kundi 'yong kotse na walang makina. Anyway, gano’n talaga. Ang importante, walang masamang nangyari sa akin.”
Nagkaroon ng patlang sa pagitan nila. Nang tingnan niya ito saka lang niya napuna na nakatitig pa rin ito sa kanya. Pabirong iniharang niya ang palad sa mga mata nito. “Huwag ka namang ganyan, naiilang ako.”
He let out a sigh. “Dalawang araw na lang at aalis na tayo rito. Hindi na yata mangyayari ang wini-wish ko.”
“Bakit, ano ba ang wini-wish mo?”
“That we can be like lovers. Nagho-holding hands, nagsusubuan, nakakarga kita. Iyong puwede akong maglambing na umunan sa kandungan mo, say sweet nothings to you na hindi mo babarahin kundi all-smile na tatanggapin mo. 'Yong sabay tayong manonood ng sunset habang nakayakap ako sa likuran mo, and we can dance barefoot on the sand on an evening like this.”
Napaurong siya nang bahagya. “Grabe, nagpapaalam ka pa lang na manliligaw sa akin pero ang nasa isip mo, parang nasa stage two na tayo ng relasyon.”
“'Yan, 'yan ang kinakatakutan kong mangyari. 'Yong lumayo ka at maglagay ng distansiya sa pagitan natin.” Tumingin ito sa laot at nagkaroon uli ng patlang sa pagitan nila. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Ano nga ba ang angkop na sabihin sa sinabi nito?
Aaminin niya na parang kiniliti ang puso niya sa sinabi ni Kirk. Malay ba niya na may nadampot din palang piraso ng pagiging romantiko ito nang maghulog niyon ang Diyos? But they were alone in a place conducive enough to fall in love. Isang pagmamahal na tulad ng madalas bagsakan nito. Kung hindi niya ihaharang sa pagitan nila ang kanyang guardrail ay malamang na kapwa sila matukso at madarang.
Nasa ganoong pagmumuni siya nang tumingin uli ito sa kanya. His eyes were earnest, his expression intense. “Daphne, kung ipapangako ko ba na walang magiging sexual suggestion gawin ko man sa 'yo ang mga sinabi ko, papayagan mo ako?”
TODO ang paypay ni Kirk sa maliliit na kahoy na isinalansan ni Daphne sa buhanginan. Nagdingas naman iyon. Saglit pa at tinabunan na niya ang apoy upang mamatay. Pagkatapos ay hinukay nila ang mga itlog na bahagya lamang ang pagkakabaon sa ilalim ng buhangin.
“Wow! Luto na nga,” nasisiyahang wika ni Kirk nang balatan nito ang itlog. “Ang galing, ah.”
May almusal naman sila at marunong palang magluto ng itlog si Kirk sa microwave oven. Ngunit napagka-sunduan nilang gawin ang eksperimentong iyon. Sabay pa nilang kinain ang itlog.
Pagkatapos ay tumayo na ito. “Ang mahuli, may balat sa puwet!” Tumakbo na ito sa gawi ng dagat.
Napasunod naman siya. “Ang daya! Dapat sabay tayo!” Itinodo niya ang pagtakbo ngunit hindi niya naunahan ito. Ito ang unang lumusong sa dagat. Nagkarerahan sila sa paglangoy. Pagkatapos ay nagsabuyan ng tubig. Nagkuwentuhan habang nakalubog ang kanilang mga katawan sa malinis na tubig ng dagat.
She had so much fun doing that. Masasabi niyang ganoon din ito. Hindi man siya pumayag sa gustong mangyari nito ay masaya pa rin sila. Tumanggi siya sa suhestiyon nito dahil hindi siya naniniwalang walang magiging sekswal na pagpapahiwatig ang paglapit nito sa kanya. Lalo pa nga at pareho na silang attracted sa isa’t isa.
Huling araw na nila roon. Darating na sa susunod na araw ang eroplanong susundo sa kanila.
Nang umahon sila at makapagbanlaw ay nagpasya sila na maglaro ng Scrabble. Nagsisimula pa lamang ilatag ang board ay tumunog ang cellphone nito. Iniabot nito ang gadget sa kanya. “Reina,” anito nang mabasa ang munting screen. Nai-save na niya sa cellphone nito ang numero ng kaibigan at ng mga magulang niya.
Nagtungo siya sa balkonahe pagkaabot sa cellphone. “Hello?”
“Daphne, okay ka pa rin ba riyan?” usisa ni Reina nang marinig ang boses niya.
“Oo naman. Bakit?”
“Hindi kasi maalis sa isip ko na dahil lang sa akin kaya ka napasubo na mag-stay sa island na 'yan. Siyempre, dalawa lang kayo ng Kirk na 'yan diyan. Worried lang ako na baka kung ano’ng gawin niya sa 'yo.”
Napangiti siya. “Ano ka ba? Ganyan din ang sinabi mo sa akin kahapon, ah. Huwag kang mag-alala, nagpapaka-gentleman talaga siya. Nae-enjoy ko na rin ang pag-stay namin dito. Pauwi na kami bukas. Siguro, nasa bahay na ako tomorrow after lunch.”
“Talagang hindi nagte-take advantage sa 'yo si Kirk?”
Natawa na siya. Kung nag-aalala siya rito, minsan ay higit pa ang pag-aalala nito sa kanya. “Hindi. He wants to but he can’t.”
“Bakit?”
“Nakatikim na siya ng bugbog ko,” aniya, saka natawa. “Hayaan mo, bukas, marami akong kuwento sa 'yo. Pasasalubungan din kita ng mga white pebbles dito.”
“O sige na nga, itinataboy mo na ako. Curious na akong malaman ang mga kuwento mo pero sige, hihintayin ko na lang bukas. Mukhang ine-enjoy mo nang husto ang company ni Kirk, ah. Delikado 'yan, sister. Baka paluhain ka lang ng lalaking 'yan.”
Tinawanan lang niya ang sinabi nito at tinapos na niya ang kanilang pag-uusap. Nang tumawag ito sa kanya nang nakaraang araw ay nabanggit nito na huwag na raw niyang ipursige ang pangungulit kay Aling Charing na alamin dito ang tunay na mga magulang nito. May mga bagong lead daw ito kung saan matatagpuan ang tunay na mga magulang nito.
Nang balikan niya si Kirk sa sala ay nakita niyang may mga nakalatag nang lettered tiles sa gitna ng board. At ang nakalagay: “I love you, Daphne.”
Napapailing na sumalampak siya sa throw pillow na nakalatag sa sahig.
“Bakit, hindi ka ba naniniwala?” nakangiting tanong nito.
“Alam mo, Kirk, honestly, hindi pa ako nagkakaroon ng serious love relationship. At wala akong balak na ma-involve sa isang mababaw na pakikipagrelasyon.”
Masarap sanang isipin kung totoo ngang mahal siya nito. She was flattered. Nakakakilig. Hindi naman araw-araw na may isang guwapong lalaki na ipinagpipilitan sa kanya na mahal siya nito. Kaya lang ay disappointed din siya. Dahil iniisip niyang matutulad lang siya sa mga naging girlfriends nito.
Sumeryoso ito. “Ayaw ko rin naman ng mababaw na pakikipagrelasyon sa 'yo. Kung magiging tayo, I think I want ours to lead into something permanent.”
May masuyong hagod sa puso niya ang sinabi nito ngunit kahit na romantic at heart siya ay praktikal din siyang tao. “Ganoon lang ba kadaling ma-in love, Kirk? Because honestly, I don’t believe love can grow overnight.”
“Naniniwala din ako diyan, Daphne. But when you came, I realized love can grow overnight and a day.”
Napatingala siya sa kisame. “Walang patutunguhan ang usapang ito.”
“Of course not. Love, pakinggan mo muna ako. Nang una kitang makita, there was a certain force that drew me to you. Kaya nga ikaw ang hinabol ko noon at hindi sa police station ako tumakbo. Pero nagkita uli tayo. Pumunta ka sa bahay. At sa ikalawang beses, nagkausap na tayo nang maayos. I thought nagandahan lang ako sa 'yo.
“Aaminin kong hindi ko gusto ang pangungulit mo kay Yaya. But I was secretly admiring your guts. Nakahanda kang gawin ang lahat para lang tulungan ang kaibigan mo. Handa ka na makipaglaban para sa kapakanan niya. Those are things you won’t see in a woman on a daily basis. Ang admiration din na iyon ang nagtulak sa akin para subukin na dalhin ka sa islang ito kahit mali ang paraan ko.
“Ngayong halos tatlong araw na tayong magkasama rito, sa loob ng panahong 'yon, lalo kong na-realize na hindi lang simpleng admiration ang nararamdaman ko sa 'yo. I feel something for you... here,” anitong itinuro pa ang dibdib. “At kung hindi ka pa naniniwala sa ngayon, handa kong patunayan sa 'yo sa mga darating na araw.”
“That’s what exactly what I’m telling you. Kailangan natin ng panahon. Maaaring kulang ako sa experience pero sa mga nakita ko sa iba, ang panahon ang pinakamabisang test para malaman kung love na nga ba o attraction lang ang nararamdaman sa isa’t isa ng dalawang tao.”
“Pero gusto ko pa ring mangyari sa atin ngayon ang mga sinabi ko sa 'yo tungkol sa barefoot dancing, holding hands, cuddling, exchanging sweet nothings. I still want us to become like lovers.”
“And you promise there will be no sexual intimacy with the touch?” natatawang sabi niya. Kahit siguro isang batang nasa grade one hindi mapapaniwala nito.
“Oo.”
“Oh, please, Kirk, spare me. Hindi mo ako mauuto.”
“Why don’t you try me?”
“Huwag na. Baka kung saan pa tayo mapunta.”
“Ganito na lang, love. I-try natin. Kapag nakaramdam ka sa akin na may malisya ang hawak ko, sabihin mo lang sa akin. Hihinto ako.”
“Hay naku, ang mabuti pa, ihanda na lang natin ang lunch natin. Naka-thaw na 'yong steak at asparagus soup, iiinit na lang.”
Hindi ito kumilos sa pagkakaupo. Malungkot na nakatingin lang ito sa ibabaw ng center table. Nakatitig ito sa tiles ng Scrabble na inihanay sa gitna ng board.
Para namang nabaghan siya sa hitsura nito. Advocate pa naman siya ng kasabihang, everybody deserves a chance.
Hindi niya alam kung anong kabaliwan ang pumasok sa kukote niya. Natagpuan niya ang sarili na pumapayag sa gustong mangyari nito. “Okay, pagbibigyan kita. Pero sa araw lang na ito. Pagbalik natin sa Manila, expired na ang katuparan ng wish mo.”
................
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro