5. Marooned
“Paki-apply-an naman ng cold compress ang mukha ko, o.”
Hindi pinansin ni Daphne ang ice bag na iniaabot sa kanya ni Kirk. Para iyon sa mga pasa na tinamo nito nang pagsusuntukin at pagkakalmutin niya. Hanggang nang mga sandaling iyon ay nanggigigil pa rin siya sa galit dito.
“Huwag ka nang magalit. Hindi naman kita pagsasamantalahan. Hindi rin kidnap ito. Malungkot kasing magbakasyon na mag-isa. Nang makita kita kanina sa labas ng bahay namin, naisip ko na mas masarap sigurong magbakasyon dito kung kasama kita.”
“Niloko mo pa rin ako!” singhal niya rito.
Bumuntong-hininga si Kirk. Ibinaba nito sa mesita ang hawak na ice bag. “Wala naman akong sinabi sa 'yo na nandito si Reina, ah. Ang sabi ko sa 'yo, kung talagang gusto mong malaman ang kinaroroonan niya, sumama ka sa akin. Kusa kang sumama. Hindi naman kita pinilit.”
“Nasaan nga siya kung wala siya rito?”
“Nasa kanila.”
Naningkit naman ang mga mata niya. “Talaga bang iniinis mo ako o ugali mo talagang manloko ng kapwa mo?”
“Hindi kita niloloko. Hindi ko rin intensiyong inisin ka. Totoo ang sinasabi ko. Nalaman ko na nagpahatid si Reina sa bahay nila kanina. Umuwi na ang kaibigan mo.”
Napamaang na naman siya rito. Wala na yatang katapusan ang mga sorpresa ng hudyong ito. “Gano’n naman pala, bakit hindi mo kaagad sinabi sa akin kanina? Bakit kailangan mo akong suhulan ng ibinibitin mong impormasyon na 'yan? Ano ba talaga ang gusto mong palabasin?”
“Nasabi ko na sa 'yo. Bigla na lang naisip ko ang idea na makasama kang magbakasyon dito.”
“Naiintindihan mo ba ang sinasabi mo, Kirk Sandejas? What you did was very much against my will. You lured me into coming here. Hindi mo nga direktang sinabi sa akin na narito si Reina pero binigyan mo ako ng impresyon na narito siya. At naisip mo man lang ba na baka mag-alala ang parents ko kapag hindi ako nakauwi sa amin mamaya? Naisip mo man lang ba na kahit isang pirasong damit, wala akong dala? You must be insane to pull off this kind of stunt. Inilaglag mo pa ang cellphone ko. What are you really up to? Ito ba ang paraan mo ng pagganti sa pangungulit ko sa yaya mo?”
Bumuntong-hininga uli si Kirk. “I’m sorry... Believe me, Daphne, wala naman akong intensiyong masama. I just acted on impulse. I admit hindi ako laging ganito. Pero kanina, nang pumasok sa isip ko ang idea, na-excite ako at ginawa ko nga. Huwag ka nang magalit. I promise you, pipilitin kong maging enjoyable ang pananatili natin dito.”
“Wala nga akong damit! I don’t even have my toothbrush with me!” napu-frustrate na bulyaw pa rin niya rito.
“Huwag kang mag-alala, magagawan naman ng paraan 'yon. At may dala naman akong extra na bagong toothbrush.”
Tinungo nito ang kusina at naglabas ng dalawang baso. Pagkatapos ay ang refrigerator naman ang binuksan nito. Isang glass pitcher ng malamig na buco juice ang inilabas nito roon. Sinalinan nito ang mga baso at ang isa ay ibinigay sa kanya. “Magpalamig ka muna.”
Hindi niya kinuha ang basong iniaabot nito. Naiinis pa rin siya kaya tinalikuran niya ito at bumaba siya ng bahay.
“Daphne, wait!”
Hindi niya pinansin ang pagtawag nito. Naglakad siya sa likuran ng beach house. May nakita siyang footpath doon. Tinalunton niya iyon.
Maganda ang paligid ng isla. Sagana sa puno at mga halaman ang likuran ng beach house. Napansin niya na may isang outhouse doon na marahil nagsisilbing toolshed.
Nakita rin niya kanina na may mga bulaklak sa tagiliran ng bahay. Hindi nga lamang niya napag-aksayahan ng pansin na alamin kung anu-ano ang mga iyon. Isang malaking puno ng acacia ang nakita niya sa dulo ng footpath. Maluwang na clearing ang nakapaligid doon. Ngunit bago marating iyon ay may isa pang puno ng acacia na madaraanan. Mas maliit nga lang. Kapwa hitik sa bulaklak ang dalawang puno.
Ang mabababang sanga ng maliit na acacia ay sumasayad na sa damuhan. Wala sa loob na pumitas siya ng bulaklak doon at isa-isang nilagas niya ang mga tila karayom na petals.
Sa muli niyang pagpitas ng bulaklak ay napansin niyang gumalaw ang sanga. Wala naman siyang nakikitang ibon doon. Itinaas niya nang bahagya ang sanga na pinitasan niya. Nahindik siya nang makitang nakapulupot doon ang isang ahas.
Isang malakas na tili ang kumawala sa lalamunan niya. Kumaripas siya ng takbo pabalik sa bahay.
“Ano’ng nangyari?” salubong sa kanya ni Kirk sa bukana ng footpath. Marahil tumakbo ito pababa ng bahay nang marinig ang tili niya.
“M-may ahas doon sa sanga. Ang lapit-lapit sa kamay ko,” nangangatal pa sa takot na sabi niya rito.
Naguluhan marahil ito sa pahayag niya kaya kinuha nito ang mga kamay niya at sinipat. “Nag-attempt ba 'yong ahas na tuklawin ka?”
“Hindi. Nailayo ko kaagad ang kamay ko.”
Luminga ito. Kinuha nito ang namataang kahoy sa isang tabi. “Ituro mo sa akin kung saan mo nakita 'yong ahas.”
“Bakit, papatayin mo?”
“Oo.”
“Huwag mo nang puntahan. Baka tuklawin ka lang n’on.”
“Kapag hindi ko pinatay 'yon, hindi ka na makakapamasyal dito. Tiyak na matatakot ka na at aakalain mo na lahat na lang ng pupuntahan mong puno ay naroon 'yong ahas.” Humakbang na ito at wala siyang nagawa kundi ang sumunod.
“'Yang sanga na 'yan.” Itinuro niya ang sanga ng maliit na acacia na ang dulo ay nakalaylay na sa damuhan. “Diyan ko nakita 'yong ahas.”
Ginamit nito ang dulo ng kahoy upang itaas ang sanga. Napatili na naman siya nang makita niyang naroon pa rin ang ahas.
“Hindi naman pala ahas ito,” sabi nito. “Sawa lang ito, Daphne.”
Sa pagkahindik niya, pinatulay ni Kirk sa kahoy na hawak nito ang ahas. Lalo siyang napatili.
“Huwag kang matakot. Hindi nanunuklaw ang sawa at wala namang kamandag ito. Pero para hindi ka na matakot, ikukulong ko muna ito habang narito tayo sa isla.”
Hindi makasunod dito si Daphne. Takot na takot siyang baka umalpas ang sawa sa kahoy na hawak nito at lapitan siya.
Pagsapit nito sa toolshed na nakadikit sa outhouse ay nakakuha ito ng baldeng lata. Doon nito inilagay ang sawa bago tinakpan ng malapad na tabla. “There, mamaya ko na lang ito gagawan ng kulungan. Halika na, bumalik na tayo sa bahay. Mainit pa ang sikat ng araw para mamasyal.” Kinuha nito ang braso niya at hinawakan ang kanyang pulsuhan na para bang umaakay ito sa isang bata.
Ipapagpag sana niya ang kamay nito ngunit sa huling sandali ay hindi niya ginawa. Walang imikan na pumanhik sila sa beach house.
“May nakita akong turon sa microwave,” masiglang sabi ni Kirk nang nasa kusina na sila. Binitiwan lang nito ang braso niya nang ipag-urong siya ng silya. “Siguro, kanina lang umalis dito 'yong inutusan ng kaibigan ko na mag-stock ng pagkain sa ref. Kainin na natin. Malamang, ang turon lang ang makakain natin dito nang hindi frozen.”
Inihain nito ang turon nang hindi siya umimik. Inilapit nito ang baso ng buco juice sa kanya na hindi niya ininom kanina.
Wala na naman silang imikan habang kumakain. Kung normal lang ang sirkumstansiya, matutuwa sana siya sa bakasyong iyon. Napakaganda ng lugar. Idyllic. Bukod sa huni ng mga ibon at kuliglig ay ang mahinang hampas ng mga alon sa dalampasigan ang maririnig. And she loved the place. She liked the feeling for a change.
Nang makakain sila ay iniabot ni Kirk sa kanya ang cellphone nito. “Puwede mong tawagan si Reina para i-confirm kung talagang nasa kanila na siya. Tumawag ka na rin sa inyo para ipaalam sa kanila kung nasaan ka.”
Bumalik na naman ang inis niya rito. “At ano sa palagay mo ang sasabihin kong dahilan kina Mommy sa pagkakapunta ko rito? Isipin mo na lang, hindi ka nila kilala. Maniniwala ba sila na magbabakasyon ako nang ora-orada, na wala man lang mga damit na dala, at kasama pa ang isang lalaking hindi nila kilala?”
Huminga ito nang malalim. May pinindot ito sa hawak na cellphone, pagkatapos ay iniabot iyon sa kanya. “Ilagay mo na lang pala diyan ang number sa inyo. Ako na ang kakausap sa kanila.”
Tinipa niya roon ang numero ng kanilang telepono. Pagkatapos ay ibinalik niya kay Kirk ang cellphone nito. Bahala itong magpaliwanag sa kanyang mga magulang ng kalokohang ginawa nito. Hindi siya tutulong na magpaliwanag sa parents niya. Ikaw ang gumawa ng gusot, puwes, lusutan mo!
“Hello,” anito na hindi na lumayo. Nanatiling nakaupo ito sa mesa kaharap niya habang nakikipag-usap sa cellphone. “Good afternoon, Ma’am. I’m Kirk Sandejas. Ito po ba si Mrs. Rubio...? Opo. Gusto ko lang pong ipaalam sa inyo na kasama ko ngayon si Daphne. Narito po kami sa Mindoro...”
Goodness! Ni hindi niya alam na sakop na pala ng Mindoro ang kinaroroonan nila. Ganoon na sila kalayo sa Maynila.
“May kasalanan po ako. I tricked her into coming with me. Kaya nga po tumawag ako sa inyo ngayon para ipagpaalam siya kahit huli na. Nag-aalala po siya dahil tiyak daw na magwo-worry kayo kapag hindi siya nakauwi mamaya. 'Kaso po, apat na araw pa bago kami balikan dito ng sinakyan naming eroplano pauwi sa Manila. Kaya hindi siya agad makakauwi diyan...”
Ang lakas din naman ng loob nito na ipagtapat iyon sa mommy niya. Palibhasa, hindi ito ang mapapagalitan kundi siya kapag nakabalik na sila.
“Sige po... Hello, Mr. Rubio, Sir. Kirk Sandejas po. Tulad nga po ng nasabi ko sa asawa ninyo, kasama ko ngayon si Daphne. Nandito kami sa Mindoro... Opo... Opo... Hindi po... Opo...”
Kinabahan siya. Ano kaya ang mga sinabi ng daddy niya at pulos “opo” at “hindi po” ang isinasagot ni Kirk?
“Nandito po siya.” Iniabot nito sa kanya ang cellphone. “Daddy mo, gusto ka raw makausap.”
Napilitan na siyang kunin iyon. “Yes, Dad?”
“Sigurado ka bang si Kirk Sandejas ang kasama mo ngayon?”
Napasulyap siya kay Kirk na noon ay nakatingin sa kanya. Kilala ba ng daddy niya ang bruhong ito? “Yes, Dad.”
“Talagang magkakilala kayong dalawa?”
“Y-yes, Dad.”
“May relasyon ba kayong dalawa?”
“Wala, Dad.” Magkakarelasyon ba naman siya sa intrimitidong ito? Well, siguro kung hindi siya naunahan ng pagkainis dito, baka nga matipuhan niya ito, at least, physically. Guwapo naman talaga ito. Sa katunayan, hindi nakabawas sa kaguwapuhan nito ang mga pasa sa mukha nito na siya ang may gawa. At parang bumagay pa rito ang nunal sa ibaba ng kanang patilya nito. Pero mukhang malabong magustuhan niya ito pagkatapos ng ilang engkuwentro nila na pulos nagdulot ng kunsomisyon sa kanya.
“Bueno, wala naman akong nakikitang masama kung magkakaroon man,” parang nanunudyong sabi ng daddy niya.
Hindi siya makapaniwala na ganoon lang ang reaksiyon ng kanyang ama sa pag-kidnap sa kanya ng herodes na si Kirk! “Dad,” angal niya.
“Now, sabihin mo sa kanya na ihatid ka niya rito kapag bumalik na kayo ng Maynila. Gusto ko siyang makausap nang harapan.”
“Dad—”
“All right, enjoy your vacation, anak.” Pagkasabi niyon ay nawala na ito sa linya.
Natitilihang napatingin na lang siya sa cellphone. Talaga bang ang daddy niya ang nakausap niya? Ang daddy niya na noong nag-aaral siya ay ayaw siyang paligawan man lang? Ano ang nangyari sa pagiging istrikto nito dati?
“I like your father.”
Nalipat ang tingin niya kay Kirk. Nakangiti ito.
“Hindi naman pala siya mahirap pagpaliwanagan. He readily supplies the words. Akala ko, ako lang ang sasagot ng ‘yes’ at ‘no.’ Ikaw rin pala,” natatawa pang sabi ng bruho. “Gusto ko siyang makausap kapag inihatid kita sa inyo. Sana, nasa bahay siya.”
Mabuti naman at ito na ang nagkusang sabihin iyon. At least hindi na siya makikiusap na ihatid siya nito sa kanila kapag nakabalik na sila sa Maynila. Pormal na pag-aabot ng cellphone nito ang tanging naisagot niya. Pagkatapos ay iniwan na niya ito. Naiinis kasi siya na hindi man lang ito sinermunan ng parents niya sa ginawang kapangahasan nito.
“Sandali, Daphne.”
Nilingon uli niya ito.
Iniabot uli nito ang cellphone sa kanya. “Hindi mo pa natatawagan si Reina.”
Inabot niya iyon. Upang makatiyak na hindi lang siya niloloko ni Kirk ay ang telepono sa bahay ng kaibigan ang kanyang tinawagan. “Hello, Tita Marilen? Totoo po bang nakabalik na riyan si Reina?”
“Naku, Daphne, mabuti’t tumawag ka,” masiglang sagot nito. “Bumalik na nga rito ang kaibigan mo. Natutulog siya ngayon. Salamat sa Diyos at wala namang nangyaring anuman sa kanya. Ang sabi sa akin, nakapag-isip-isip na siya kaya siya bumalik. Tinatawagan ka niya kanina pero hindi ka niya makontak. Nag-iba ka na raw ba ng numero?”
“H-hindi po, Tita. Nasira lang ang cellphone ko. Hayaan ninyo, tatawagan ko na lang siya mamaya.”
Habang nakikipag-usap siya ay hindi pa rin umaalis sa mesa si Kirk. Marahil iniisip nito na kapag nalingat ito ay malamang na humingi siya ng tulong sa mga pulis. Kaya lang hindi niya alam ang eksaktong lokasyon ng isla. Useless din kung tatawag siya ng saklolo.
“Siguro naman ngayon, mapapanatag na ang kalooban mo dahil nakabalik na ang kaibigan mo at nalaman na ng parents mo kung nasaan ka ngayon,” sabi ni Kirk nang ibalik niya rito ang cellphone.
“Bakit, guaranty ba iyon na may maisusuot akong maayos na damit sa loob ng apat na araw? At guaranty rin ba 'yon na ligtas nga ako sa islang ito nang ikaw lang ang kasama?” sikmat niya rito.
Napalis ang ngiti ni Kirk. “Don’t worry about your clothes, I’ll think of something. At tungkol naman sa safety mo rito, mamamatay muna ako bago kita pabayaan na mapahamak.”
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro