4. Tricked
Napapaisip si Kirk habang bumababa siya ng gusali ng private investigation agency na inupahan niya para kumalap ng impormasyon sa kasalukuyang kinaroroonan ng kaibigan ni Daphne. Bukod doon ay ipinahanap din niya sa mga ito ang kinaroroonan ng pamilya ng dating dancer na si Pancho Ilagan.
Tama nga kayang tulungan niya sina Daphne at Reina? Sapat nga kaya ang mga sinabi sa kanya ng una para pagdudahan ang katapatan ng Yaya Charing niya?
Kung tutuusin wala naman siyang pakialam sa mga ito. Ni hindi nga sila magkaibigan. Kung sakaling totoo ang mga ibinibintang sa yaya niya ay wala na siyang pakialam doon. Buhay nito iyon.
Ngunit naalala niya kung gaano kasigasig si Daphne na tulungan ang kaibigan nito. Sa mga salita at asta nito parang ito ang nagawan ng hindi maganda. May kung ano sa babaeng iyon na pumupukaw sa interes niya at kumokonsiyensiya sa kanya bilang tao.
“Ganyan ka ba kawalang-pakialam?” Napahugot siya ng hininga. Malinaw pa sa kanya ang nang-uusig na tonong ginamit ni Daphne nang sabihin iyon.
At kung sakaling totoo nga ang ibinibintang nito sa yaya niya, makokonsiyensiya nga siya na kumupkop ng isang offender.
Pagpasok niya ng kotse ay biglang tumunog ang kanyang cellphone. Si Katrina ang tumatawag, ang kapatid niyang bunso. Nangungulit na naman ito. Kung naisingit na raw ba niya sa kanyang schedule ang pagbisita sa lupang patatayuan nito at ng nobyo nito ng bahay. Sa kanya kasi nito ipinababahala ang pagpaplano ng magiging landscape niyon.
Matagal pa naman sana dahil wala pa ngang bahay na nakatayo roon. Ngunit talagang may kakulitan ang kapatid niya. Kapag naisipan nito ay dapat gawin na kaagad. He wondered kung paano nakakatagal sa ugali nito ang kaibigan niyang si Linus.
“All right, Kat. Pupunta ako roon, first thing in the morning.”
PAGPASOK pa lang ni Aling Charing sa bukana ng supermarket ay nakita na ito ni Daphne. Sa loob ng mahigit dalawang linggong lihim na pagtugaygay niya ay kabisado na niya ang araw ng pamimili nito roon. At mahigit dalawang linggo na rin na hindi maayos ang pasok niya sa opisina.
Mula nang maglayas si Reina, kadalasan ay half-day siya kung pumasok. Kung minsan nga ay uma-absent pa siya. Mabuti na lang at nasa unang quarter pa lang ng taon, marami pa siyang leave credits sa kanyang trabaho. At hindi naman mahigpit ang kanyang boss.
Unang nagtungo ito sa detergent section. Lihim pa rin siyang nakasubaybay rito hanggang magtungo ito sa section ng mga prutas. Iyon na ang pagkakataong hinihintay niya. Dahil walang tao roon maliban lang dito.
“Magandang umaga po, Aling Charing,” bati niya na ikinagitla nito. Halatang hindi inaasahan ng matanda na may lalapit dito. Obvious na totoong nagulat ito.
“Ikaw pala." Matabang ang tono nito ngunit pupusta siya na kinabahan ito sa paglapit niya. Parang nabawasan ang kulay ng mukha nito.
“Pangalan lang ang kailangan ko, Aling Charing,” mahinahong saad niya. “Ipinapangako ko sa inyo na hinding-hindi kayo sasabit. Sabihin n’yo lang ang pangalan ng tunay na mga magulang ng kaibigan ko at ang address nila. Pangako, wala akong babanggitin sa kanila tungkol sa inyo.”
“Nasabi ko na sa 'yong wala akong alam. Bakit ba nagpipilit kang mayroon?”
“Dahil alam kong hindi nagsisinungaling si Tita Marilen sa akin. Bukod sa buong pangalan ninyo, sinabi rin niya sa akin ang hitsura ninyo. Maaaring payat pa kayo sa kanyang deskripsiyon, pero ang hugis ng mukha ninyo, ang kulay ng balat at ang taas ninyo, kayo talaga ang taong tinutukoy niya. Ang sabi niya, natatandaan daw niya na nabanggit ninyo sa kanya noon na bunso ang sanggol sa limang magkakapatid. Na eleven months lang ang pagitan ng pang-apat dito. Kaya pumayag ang mga magulang ng bata na ipaampon ito dahil alagain pa rin ang sinundan. I’m sure hindi nag-iimbento lang ng impormasyon si Tita Marilen. Kaya nga po nakikiusap ako sa inyo. Please, Aling Charing. Maawa kayo sa kaibigan ko.”
“Kung totoo ngang ibinenta ang kaibigan mo sa Marilen na 'yon, naaawa ako sa kanya. Pero kahit ilang ulit mong sabihin sa akin ang tungkol sa bagay na 'yan, ilang beses ko ring sasabihin sa 'yo na wala talaga akong alam. Hindi ako ang nagbenta sa kanya. At lalong wala akong kilalang Marilen Martinez.”
Huminga siya nang malalim. “Aling Charing, please. Nangangako po ako na hindi malalaman ng kahit sino na kayo ang nagbigay ng impormasyon sa akin. Pangalan lang po ng mga magulang ng kaibigan ko ang ibibigay n’yo. Pagkatapos nito, hinding-hindi ko na kayo gagambalain. Importante po talaga na maibigay ninyo ang mga pangalan. Nakikiusap po ako.”
Kumunot na ang noo nito, halatang galit na. “Ang kulit mo talaga, ano? Baka naman gusto mo pang tumawag ako ng guwardiya o pulis para lang tantanan mo ako?”
Napipilan siya. Noon niya natanto na matigas talaga ang loob nito.
Wala na siyang nasabi. Iniwan na siya nito.
Napatingala siya. Diyos ko, lahat po ba ng paghihirap namin ay mauuwi lang sa wala?
“O, YAYA, bakit parang may umaway sa inyo? Ano ba’ng nangyari?” usisa ni Kirk kay Yaya Charing nang masalubong niya ito sa front steps ng bahay.
“Naku, Kirk, alam mo ba? Nakipagkita na naman sa akin 'yong makulit na babaeng pumunta rito noon. Aba, hanggang doon ba naman sa loob ng supermarket, pinipilit akong sabihin sa kanya kung ano ang mga pangalan ng mga magulang ng kaibigan niya. Eh, ano naman ang malay ko kung sino ang mga iyon? May sira yata ang tuktok ng babaeng 'yon. Hindi makaintindi. Isang beses pa niyang ulitin ang pangungulit sa akin, talagang isusumbong ko na siya sa mga pulis.”
“Pagpasensiyahan n’yo na lang, Yaya.”
“Mahirap naman yatang gawin 'yon kung pikang-pika na ako sa kakulitan niya.”
Napahakbang siya nang pumasok na ito sa loob. Kung napipika na ito sa pangungulit ni Daphne, siya naman ay humahanga na sa babaeng iyon. Determinado talaga ang babae na ma-trace ang tunay na mga magulang ng kaibigan nito. Sa mundong ang mga huling henerasyon ng tao ay lumalala na ang pagiging makasarili, bibihira na ang kagaya ni Daphne na may ganito kalaking malasakit sa kapakanan ng isang kaibigan.
Wala pang isang linggo pagkaraan ng insidenteng iyon ay may nadaanan siyang kotse na nakahimpil sa di-kalayuan sa kanila.
Tanghali na noon. Kagagaling lang niya sa opisina. At kung hindi siya nagkakamali ay Honda CR-V iyon ni Daphne. Hindi niya natandaan ang plate number ng kotse ngunit alam niyang chrome ang kulay niyon.
Napapailing na nilampasan niya ang sasakyan. Mahirap pala talagang pasukuin ang babaeng ito. Kung sana ay katulad din ito ni Steffie, ang ex-girlfriend niya na pabagu-bago ng isip.
Ipinilig niya ang ulo nang maalala ang dating nobya niya. Ex na niya ito mahigit dalawang linggo na ang lumipas. Nakipag-break ito sa kanya dahil hindi niya ito nasamahan sa pinlano nitong bakasyon sa Boracay noong nakaraang buwan.
Bumuntong-hininga uli siya. Dalawang ulit na silang nagbe-break at pagkatapos ay nagbabalikan. Nagsasawa na siya. Unti-unti nang nabawasan ang pagmamahal niya rito dahil sa kaimposiblehan ng ugali nito.
You’re better off without her, Kirk, man. Much, much better off.
Kaya lang ay umeeksena na naman ito. Katulad na lang kanina. Kaya siya natagalan sa pag-uwi dahil dumating ito sa opisina nila. Kung wala raw siyang kasama ay willing itong samahan siya sa kanyang pupuntahan.
Ang totoo ay ito nga dapat ang kasama niya sa kanyang bakasyon. Sampung araw nang nakaplano iyon bago pa man sila mag-break. At kanina nga ay nagpiprisinta itong samahan siya. Thank God he had the presence of mind to decline her offer. Bakasyon ang kailangan niya at hindi kunsomisyon. And if he read her right, gusto na naman nitong makipagbalikan sa kanya.
“Si Yaya?” tanong niya sa isang kawaksing nasalubong niya sa landing nang makapasok na siya sa loob ng bahay.
“Hindi pa po dumarating, Sir. Inutusan po ni Ma’am Sonia sa kumare niya. May ipinadala po yatang regalo sa magbe-birthday na apo.”
“Gano’n ba? Naayos na kaya niya ang mga dadalhin ko?”
“Naayos na po, Sir. Ipinagbilin nga niya dahil baka raw dumating kayo nang wala pa siya. Nasa suitcase na raw po, sa kuwarto ninyo.”
“Okay. Si Mama, nariyan ba?”
“Wala po, sinundo kanina ng papa ninyo. May dadaluhan yata silang luncheon meeting sa Quezon City.”
Nilampasan na niya ang katulong. Nagtuloy siya sa kanyang silid. Nasa ibaba, sa paanan ng kama ang suitcase na sinabi ng maid. Sinimulan niya ang paghuhubad ng damit. Magpapalit lang siya ng casual clothes at aalis uli siya.
Hindi pa siya tapos magbihis nang tumunog ang kanyang cellphone. Ang kaibigan niyang si Flynn Falcon ang tumatawag.
“Pare, nasaan ka na?” anito sa kabilang linya. Pilot instructor ito sa pag-aaring flying school ng pamilya nito, ang Falcon Aviation School. “Tumawag na ang pilot ng beach craft baron na gagamitin n’yo. Nasa airstrip na sila ng copilot.”
“Paalis na ako, pare. I’ll be there in fifteen minutes.”
“Bakit? 'Asan na 'yong chick na kasama mo?”
“She can’t make it.” Hindi alam ng kaibigan niya na break na sila ni Steffie. At wala siyang planong i-discuss ang dating nobya niya rito. May pagkaalaskador si Flynn. Wala siya sa mood na makatanggap ng pang-aasar nang mga sandaling iyon.
“Bakit, may ibang lakad ba si Steffie?”
“Oo,” sabi na lang niya para hindi na humaba pa ang usapan.
“Pare, sobra yata ang haba ng tali mo sa kanya. Baka kung saang ibang bakuran makarating ang girlfriend mo.”
“Bahala siya. She may do as she pleases.”
“Hmm, parang may mali. Don’t tell me na nag-away na naman kayo?”
“Next time mo na lang ako usisain tungkol diyan, pare. Baka mainip na ang piloto mo.”
Ang islang pag-aari ni Flynn ang pupuntahan niya. Nang una siyang makarating doon ay tent lang ang tinulugan nila ni Flynn kasama ang dalawa pa nilang kaibigang lalaki. Six months ago ay nagpagawa ito ng isang maliit na beach house sa isla na dati ay walang istrukturang nakatayo. Nakarating uli siya roon pagkatapos itayo ang beach house. Doon isinelebra ang first wedding anniversary ni Flynn at ng asawa nitong si Jam. At dahil buntis na naman ang asawa nito at hindi makapagbabakasyon ang mga ito sa isla, ini-offer nito iyon sa kanya.
He readily took the offer, thinking he might spend his much needed vacation with Steffie. Ngunit nagkasira nga sila ng dating nobya bago pa man dumating ang kanyang bakasyon.
Bitbit ang suitcase niya, patungo na siya sa garahe nang may ideyang sumindi sa utak niya. Bumuwelta siya at nagtungo sa gate nila. Sinilip niya ang lugar na kinakitaan niya kay Daphne kanina. Naroon pa rin ang sasakyan nito.
Napangiti siya. Alam niyang hindi tama ang naiisip niya but he couldn’t resist the urge to try. Lumabas siya ng gate na bitbit pa rin ang suitcase niya.
“Tulungan ko na kayo, Sir,” sabi sa kanya ng kanilang guwardiya. Ang malaking gate pa ang binuksan nito. Akala marahil nito ay ilalabas niya ang kanyang kotse.
“Huwag na. Pakisara na lang ng gate.” Lumapit siya sa sasakyan ni Daphne. “Can you give me a lift?” nakangiti at nakikiusap na tanong niya nang ibaba ng babae ang bintana ng pinto sa side nito.
Tumaas ang isang kilay nito. “Niloloko mo ba ako? May koleksiyon ka ng mga kotse at pagkatapos ngayon, gusto mong makiangkas sa akin?”
Itatama sana niya ito na hindi siya kundi ang lolo at ama niya ang may koleksiyon ng mga sasakyan ngunit pinalampas na lang niya. Ayaw niyang maligaw sila sa issue. “Mayroon kasi tayong importanteng pag-uusapan. At dahil kanina ka pa nagmamanman diyan—hindi ka naman pumupunta sa bahay para sana doon natin pag-usapan ang sadya mo—naisip kong makisakay na lang sa 'yo para hindi masayang ang ipinunta mo rito. That way, makapag-uusap tayo.”
May pagdududang tiningnan siya nito. “Hindi ako nagmamanman sa 'yo.”
“Siguro nga, hindi sa akin, pero kay Yaya Charing, oo.”
Iba ang isinagot nito kaya alam niya na imposibleng magkamali ang hinala niya. “Wala ako sa tapat ng bahay n’yo. Isa pa, paalis na ako,” tila para lang may maisagot na sabi nito.
“Ayaw mo bang marinig ang mga sasabihin ko tungkol kay Reina?”
Tumingin ito sa kanya. “Alam mo na kung nasaan si Reina?”
“Bago kita sagutin, papasukin mo muna ako.”
Binuksan nga nito ang lock ng passenger side ng sasakyan. Nang mabuksan iyon ay kaagad niyang binuksan ang pinto ng hulihan at doon inilagak ang suitcase niya. Saka siya naupo sa tabi ni Daphne.
“Ano na ang balita mo sa best friend ko? Nasaan na siya?”
“Paandarin mo na 'tong sasakyan mo at male-late na ako sa lakad ko.” Malapit lang naman ang airstrip ng flying school doon.
“Now, talk,” utos nito sa kanya nang umusad na sila.
“Nakita na ng private investigator ang kaibigan mo.”
“Umupa ka ng private eye?” anito na sumulyap pa sa kanya. Parang hindi ito makapaniwala.
“Oo. Nangako ako sa 'yo na tutulungan kitang makita siya, 'di ba?”
“Saan siya nakita?”
“Sa Malate.”
“Nakuha ba ng inupahan mong tao ang address ng tinutuluyan doon ni Reina?”
“Oo.”
“Ano’ng address?” excited na tanong nito. “Ibigay mo sa akin at hindi na kita gagambalain pa kahit kailan.”
“Useless din na ibigay ko sa 'yo ang address. Dahil nang puntahan uli siya roon ng taong inupahan ko kaninang umaga, wala na ang kaibigan mo. Umalis na raw doon si Reina.”
“Ibigay mo sa akin ang address, pupuntahan ko pa rin. Baka sakaling may iba pang information na maibigay sa akin ang tinirhan niya roon.”
“Pareho lang ng maibibigay kong impormasyon ang maibibigay nila sa 'yo.”
Tumingin na naman ito sa kanya. “Kapag nalaman kong niloloko mo lang ako, I swear, Kirk, hindi kita patatahimikin.”
“Takot ko na lang na lokohin ka. Alam ko namang mas astig ka pa sa pinagsama-samang bodyguards ng mga drug lords dito sa Pilipinas.”
Tiningnan niya ito nang masama.
“Anyway, may nasagap pang impormasyon ang private eye. Tagaroon din sa tinirhan ni Reina ang taxi driver ng nasakyan niyang taxi na naghatid sa kanya paalis sa Malate.”
“Huwag mo na akong ibitin pa, puwede?” anitong halatang inip na. “Sabihin mo na kung saan nagpahatid si Reina.”
“Sasabihin ko talaga sa 'yo. Pero kailangan munang ihatid mo ako sa airstrip ng Falcon Aviation School.”
Umawang ang mga labi nito. Pinigil naman niyang mapangiti. “Bakit?” mataray na tanong nito nang makabawi.
“Dahil paalis ako. Magbabakasyon ako. Nakikiusap ako sa 'yo na pakihatid mo ako roon.”
Dumilim na naman ang mukha nito na tila nakahalata sa discreet na panunuya niya nang sabihin niya ang salitang “nakikiusap.” Pinigil na naman niya na mapangiti. Ang sarap talagang asarin ng babaeng ito. Pawi na ang lahat ng inis niya kanina sa pagkikita nila ni Steffie. And he was having fun right now.
Pinaharurot nito ang sasakyan. Ramdam niyang inis na inis na ito sa kanya. Lalo tuloy naging desidido siya na gawin ang ideyang sumulpot sa utak niya kanina. Ilang saglit pa at narating na nila ang tarmac ng airstrip.
“Nandito na tayo, naihatid na kita. So now, tell me. Saan inihatid ng taxi driver ang kaibigan ko?”
Hindi siya umimik. Bumaba na siya ng kotse at kinuha sa backseat ang suitcase niya. “Thanks for the lift.” Tinalikuran na niya ito pagkatapos. Binilang niya ang kanyang mga hakbang. Isa... Dalawa... Tatlo... Apat... Pagdating sa panlima ay narinig niya ang malakas na pagsasara ng pinto ng kotse. Hinabol siya ni Daphne.
“Lokohan ba ito?” galit na tanong nito na humarang pa sa daraanan niya.
“Hindi. Pero kung talagang gusto mong malaman ang kinaroroonan ng kaibigan mo, sumama ka sa akin ngayon.”
Nanlaki ang mga mata nito. “My goodness! Kinidnap mo siya?”
Ikinibit niya ang kanyang mga balikat. Hindi naman iyon ang gusto niya na maisip nito. Pero mukhang umaayon sa kanya ang mga pangyayari. “Hindi ako kidnapper. Sabihin na lang natin na nagmamalasakit ako and at the same time, nirerespeto ko lang ang gusto ng kaibigan mo.”
“Kung totoo ang sinasabi mo, ituturo mo sa akin ang kinaroroonan niya.”
“Kaya nga niyayaya kita. Pero kung ayaw mo, bahala ka. Walang pumipilit sa 'yo. Pero sa ikapapanatag ng kalooban mo, ligtas si Reina sa mga sandaling ito. Now, if you’ll excuse me. Naiinip na ang pilotong maghahatid sa akin sa isla.” Nag-sidestep siya at iniwan na ito.
Ngunit sumunod pa rin ito sa kanya. “Isla? Saang isla? Doon mo ba dinala si Reina? Talagang kidnapper ka nga!”
“Isipin mo na ang gusto mong isipin. Pero wala akong mapapala kung gagawin ko ang ibinibintang mo.”
Tumahimik ito na tila kaagad na-realize ang lohika ng sinabi niya. Naramdaman na lang niya na umaagapay ito sa paglalakad niya.
“Susunduin ko si Reina sa sinasabi mong lugar. Hindi ako naniniwalang papayag si Reina na tumira sa isang lugar out of your hospitality. I’m sure there’s something wrong.”
“Suit yourself,” aniya, saka nagpauna nang lumapit sa hagdan ng eroplanong sinabi ni Flynn kanina.
Isang tauhan ang kumuha ng suitcase niya at iniakyat iyon sa eroplano. Hinintay niyang makaagapay si Daphne. Pinauna niyang makapanhik ito sa eroplano. Nasa ikatlong baitang na ito nang ilabas nito ang cellphone mula sa bag. Nakadama kaagad siya ng panic. Makakasira iyon sa naisip niyang ideya. Akmang tatawag na ito nang agawin niya ang cellphone nito.
Ngunit mabilis din pala ang reflexes nito at nabawi rin kaagad sa kanya iyon. Kaya lang ay nabitiwan nito iyon at lumagapak sa tarmac.
Nagkahiwa-hiwalay ang bahagi ng cellphone.
“What have you done?!” namumula sa galit na bulyaw nito sa kanya. Bumaba kaagad siya ng hagdan. Pinulot niya ang nagkapira-pirasong cellphone.
“Don’t worry, papalitan ko 'to pagbalik natin,” parang maamong korderong sabi niya. Kailangang magpakumbaba siya nang husto habang hindi pa lumilipad ang eroplano. Mahirap hulaan ang takbo ng isip nito. Baka biglang mag-walk out ito at masira ang binubuo pa lang niyang plano.
Tuwang-tuwa siya nang makaupo na silang dalawa, nalagyan na silang pareho ng seat belt at nagsimula nang mag-taxi ang eroplano sa runway.
“Saang isla mo ba dinala si Reina?” usisa na naman nito sa kanya nang nasa ere na sila.
“Lahat ng tanong mo, masasagot kapag nandoon na tayo. Kaya relax ka lang. Enjoy the ride.”
Tumahimik naman ito. Alam niya na nagtitimpi lang ito sa kanya ngunit sa palagay niya gusto na siyang kalmutin nito. Ni hindi ito tumitingin sa magandang view na nadaraanan nila nang bumaba na ang altitude ng eroplano.
Napakaganda ng isla. It was a paradise island of sorts. Ilang saglit pa at nag-landing na ang eroplano sa dalampasigan niyon.
Nang makababa na sila ay muling lumipad ang eroplano. Natitilihang napatingin si Daphne sa kanya. “Bakit iniwan tayo n’on dito?”
“Huwag kang mag-alala. Babalik din 'yon after four days.”
“Four days?!” halos lumuwa ang mga matang sabi nito.
“You heard it right. Tayo na. 'Ayun 'yong beach house na tutuluyan natin. Sa kaibigan ko 'yan pero ipinapagamit niya sa akin para sa bakasyong ito.”
Alam niyang maraming tanong na gustong kumawala sa bibig nito ngunit sumunod ito sa mabilis na paglalakad niya sa dalampasigan. Itinulak niya ang pinto ng beach house. Alam niya na hindi isinasara iyon dahil wala namang ibang taong nakakapunta roon maliban lang sa mga inuutusan ni Flynn.
“Walang tao rito,” may pagdududang sabi sa kanya ni Daphne nang makapasok sila at makita nito ang kabuuan ng beach house.
“Wala nga.”
“Ano? Eh, saan mo dinala si Reina?”
“Wala akong sinasabi sa 'yong dinala ko siya rito.”
Nanlaki na naman ang mga mata nito. “You mean, sa ibang lugar mo siya dinala?”
“I mean sa ibang lugar siya nagpahatid sa taxi driver na nasakyan niya.”
“Eh, bakit hindi mo kaagad sinabi sa akin kanina?” Halos lumuwa na ang mga mata nito sa magkahalong panggagalaiti at frustration.
“Kung sinabi ko ba kaagad sa 'yo, sasama ka sa akin sa islang ito?”
Hindik na napamata muna si Daphne bago siya inatake ng sunud-sunod na suntok at bayo.
..............
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro