Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

3. Truce



Nilampasan ni Daphne at ng lalaki ang sitting room na dating pinagdalhan sa kanila ni Aling Charing noong magpunta sila roon ni Reina. Dinaanan nila ang hindi kahabaang hall. Sa kanan ng hall ay may isang malaking double door na parang katulad ng entrance door na pinasukan nila kanina.

Diyos ko, sambit na naman niya sa isip. Baka kung saan ako ikulong ng lalaking ito.

Ngunit short-lived naman pala ang kaba niya. Namangha siya nang buksan nito ang pinto. Tumambad sa kanya ang isang malaking courtyard o atrium na marahil batay na rin sa lawak niyon. Ang bubong niyon ay mataas at malapad na glass dome na sumasaklaw sa maluwang na espasyo. Isang malawak na bulwagan ang lugar na iyon na parang isang maliit na parke, dahil na rin sa magandang landscape at kombinasyon ng mga ornamental plants, shrubs, flowering plants, sofa, benches at isang malaking fountain sa gitna. Sa paligid ng fountain ay may tatlong sculpture ng usa na gawa sa hindi pa niya matukoy na medium.

“Wow...” paanas na sambit ni Daphne.

Dinala siya ni Kirk sa isang sulok na puno ng hydrangea, garden nasturtium, iba’t ibang kulay ng mga bougainvillaea at mabababang puno ng sampaguita.    

Napalanghap siya sa mabangong samyo ng mga bulaklak sa hangin.

“Have a seat,” sabi sa kanya nito nang marating nila ang dalawang mahahabang marmol na benches na korteng L.

Sumunod siya sa iniutos nito. Malamig sa loob ng bulwagan kaya natiyak niya na naka-aircon pa iyon. Lulumain ng lugar na iyon ang parke sa loob ng Glorietta Mall sa Makati.

Extravagant. Iyon marahil ang angkop na adjective doon o kung sino man ang may ideya ng malaking bulwagan.

“Tama lang sigurong magkakilala muna tayo bago mo sabihin sa akin ang pakay mo sa pagbabalik dito,” anito, nakaupo na sa kabilang bench. “I’m Kirk Sandejas.”

Parang narinig na niya ang pangalan nito. O baka naman may nakapangalan lang itong isang dating artista. O asawa ng isang artista.

Inabot niya ang kamay nito na nakalahad sa kanya. “‘D-Daphne Rubio.’” Firm ang pagpisil nito sa kamay niya at bumitaw ito kaagad

“Well, Daphne, you aren’t dreaming. I know you’re fascinated. Pero talagang nag-e-exist ang lugar na ito. So... you can now talk.”

Napakurap siya. Ganoon na ba ka-obvious ang pagkamangha niya sa lugar na iyon?

“Tungkol na naman ba ito sa ibinibintang ninyo ng kasama mo noon kay Yaya Charing?”

Huminga siya nang malalim. “Makinig ka, Mr. Sandejas. Nag—”

“‘Kirk.’”

“All right, Kirk. Naglayas si Reina, that’s my friend’s name, noong isang araw. Nag-iwan siya ng sulat na babalik lang siya kapag nahanap na niya ang kanyang pinagmulan. Alalang-alala ang mommy niya. Parang magkaka-nervous breakdown dahil sa biglaang paglalayas ni Reina.”

“So...?”

“So, hindi na sana umabot sa ganito kung nakipag-cooperate lang ang yaya mo  nang tanungin namin siya.” Isang maid ang lumapit sa kanila dala ang isang tray na naglalaman ng fruit juice at canapés. Isinilbi nito sa kanila ang juice ngunit ibinaba lamang uli niya ang baso sa tray.

“Bakit naman magiging kasalanan ni Yaya ang paglalayas ng kaibigan mo? Malaki na siya. She’s responsible for herself and her actions. Hindi mo dapat ipasa 'yon sa ibang tao.”

Kumunot ang noo niya. “Ganyan ka ba kawalang-pakialam?”

Napangiti pa ang hudyo sa reaksiyon niya. “Ngayon naman, nagsasalita ka ng laban sa akin. I mean, direkta mo pala akong pinipintasan.”

“Alangan namang purihin pa kita? Hindi mo siguro maiintindihan ang kaibigan ko dahil hindi mo naman naranasang malagay sa lugar niya. I presume you still have your father and your mother with you. Hindi mo naranasang nakawan ng sarili mong identity. Hindi mo naranasan na ilayo sa tunay mong mga magulang nang hindi mo nalalaman.”

Umunat ito sa pagkakaupo. “At ikaw ba nakaranas din ng naranasan ng kaibigan mo?”

“Sobrang close kami ni Reina,” halos manggalaiting sabi niya. “It was enough reason for me to identify with what she felt. Isipin mo nga, twenty-two years na nabuhay ang kaibigan ko sa isang kasinungalingan. Buong buhay niya, akala niya, namatay nang maaga ang daddy niya. Na totoong mommy niya ang nagpalaki sa kanya. And suddenly malalaman niya na iba pala ang tunay na mga magulang niya at wala naman talagang asawa ang babaeng nagpalaki sa kanya. Ang masakit pa, ibinenta lang pala siya sa taong akala niya tunay niyang ina. At ang taong nagbenta sa kanya, nakinabang na nga at lahat sa perang pinagbentahan, hindi man lang nagkaroon ng puso para ipagtapat sa kanya ang tunay na pinagmulan  niya at kung sino ang kanyang mga magulang.”

Ngumiti na naman si Kirk na parang naaliw sa mahabang litanya niya. “Kaunti pa, malapit mo na akong makumbinsi ng speech mo.”

Napatayo na siya at sinimangutan ito. “Antipatiko!”

Napatayo na rin ito at hinawakan siya sa braso. Ipinagpag naman niya ang kamay nito. “Hey, cool ka lang. Sorry, medyo na-amuse lang ako nang kaunti sa impassioned speech mo. Now, ano ba ang gusto mong gawin ko?”

Inirapan niya ito. Kanina ay kinaaaliwan siya nito. Ngayon naman ay gusto yata siyang utuin ng bruho. Hinawakan na naman siya nito sa braso at iniupo uli siya bago ito naupo.

“I’m serious here. Gusto kitang tulungan kahit ipinamukha mo sa akin kanina na indifferent ako.”

“Kung talagang gusto mo akong tulungan, kunin mo sa yaya mo ang mga impormasyon na kailangan ng kaibigan ko para ma-trace namin ang tunay na mga magulang niya.”

“Mahirap yata 'yang ipinagagawa mo sa akin. Nakita mo naman, noong magpunta kayo rito, tiniyak sa inyo ni Yaya na hindi siya ang taong pinagbibintangan ng kaibigan mo.”

“Kirk, kinausap ko ang mismong taong pinagbentahan kay Reina ng yaya mo. Marami siyang ipinagtapat sa akin. Kaya imposibleng walang kinalaman ang yaya mo sa pagbebenta ng isang sanggol twenty-two years ago.”

Saglit na tumahimik ito. Sana lang nabuksan ang isip nito na ang kinakalingang tao nito ay posible na siyang may kinalaman sa pagpapaampon sa kaibigan niya noong sanggol pa lamang ito.

“Okay, tutulungan kita,” mayamaya ay sabi nito. “Tutulungan kita na makita ang kaibigan mong naglayas. Pero hindi kita matutulungan sa gusto mong mangyari. Dahil sa inyong dalawa ni Yaya, mas kilala ko siya. At naniniwala ako sa kanya na wala siyang kinalaman sa sinasabi mo.”

Napanganga siya rito. Ang akala pa naman niya unti-unti nang nabubuksan ang isip nito. Itinikom niya ang bibig, saka bumuntong-hininga. “I think I’ve wasted your time long enough. Salamat na lang.” Tumayo na siya. Sumunod ito sa kanya.

“Uulitin ko, Daphne, willing ako na tulungan kang makita ang kaibigan mo.”

“At para ano? Para kapag nakita na siya malaman lang na bigo pa ding ma-trace ang kinaroroonan ng tunay na mga magulang niya?”

“But at least hindi na mag-aalala sa kanya ang mommy niya.”

Natahimik si Daphne. Naalala niya ang halos walang patid na pagluha ni Tita Marilen mula nang lumayas si Reina. Kailangan nga sigurong ibaba muna ang pride niyang ginigitgit ng lalaking ito.

“Ibigay mo sa akin ang complete name niya, ang complete address, ang brief summary ng kanyang profile.”

“What do you do?”

“Ha?” gulat na sambit nito sa tanong niya.

“Ano’ng trabaho mo? Ano’ng ikinakabuhay mo? Paano ka nagkaroon ng ganito kalaking bahay?”

Curious na tinitigan siya nito. “Bakit ka naman interesadong malaman?”

“Dahil gusto ko munang matiyak na hindi ka drug lord, gambling lord o godfather ng mafia bago ko ipagkatiwala ang impormasyon na hinihingi mo.”

Tumawa ito nang bahagya. “Ako pa ba ang paghihinalaan mo na may illegitimate business?”

“At bakit hindi? Karamihan ng pinakatalamak na hoodlum magagarbo ang bihis, magaganda ang hitsura, magagara ang mga sasakyan, naglalakihan ang mga bahay. In short, most of them live extravagantly. Parang ikaw.”

Tumawa na naman si Kirk at umiling pa. “Well, wala naman akong magagawa. Sina Papa ang nagpagawa ng bahay na ito. At ang dina-drive kong sasakyan isa sa mga koleksiyon ng lolo ko. So you see, kahit hindi ako gumastos para sa sarili ko ay damay pa rin ako sa tinatamasa ng pamilya ko. At hindi ko iyon ihihingi ng paumanhin sa iyo.”

“No one is asking you to.”

Huminga ito, amused pa rin. “Landscape architect ako by profession. Ang lolo ko naman pati na ang papa ko, steel ang negosyo. Kaya siguro naman, mapapanatag na ang loob mo na hindi ako hoodlum at lalong hindi ako drug lord o gambling lord.

Habang nagsasalita ito ay naiisip niya na siguro ay mabuting tao nga ito para magboluntaryong magbigay ng tulong para hanapin si Reina. At dapat na rin siguro siyang magpasalamat na sa halip na pambabastos ay amusement ang naging reaksiyon nito sa pagtataray niya.

Naupo uli siya at isinulat sa isang papel ang mga impormasyong hinihingi nito. Nang iabot niya ang papel kay Kirk ay isinenyas nitong inumin na niya ang fruit juice na inihain sa kanila ng katulong. Napilitan siyang lumagok ngunit kaagad din niyang ibinaba ang baso.

Ewan ba niya, sa kabila ng mga sinabi nito, hindi pa rin nawawala ang pagiging cautious niya. 

“'MA, NATATANDAAN n’yo pa ba ang isang babae na nagpunta sa dating bahay natin noon two years ago?” tanong ni Kirk sa kanyang ina na si Sonia. Papasok na siya noon sa opisina. Sumabay ito sa kanya sa kotse. Nagpapadaan ito sa opisina ng papa niya bago raw siya tumuloy sa opisina niya.

“Babae? Ano’ng pangalan?” tanong din nito.

“Hindi ko alam ang pangalan niya, 'Ma. Basta natatandaan ko lang na dumating siya sa bahay isang araw at umiiyak. Si Yaya Charing ang hinahanap niya. Nakipag-usap siya rito noon.”

“Ah, oo, natatandaan ko na. Asawa siya ng dancer na lumalabas sa show ni Joe Quirino noong araw. Hindi ko na nga lang matandaan ang pangalan ng babaeng iyon pero ang pangalan ng asawa niya ay Pancho Ilagan. Sikat noon ang Pancho na iyon.”

“Oo nga pala. Nabanggit n’yo noon na dating dancer sa TV ang asawa niya.”

“Bakit mo naman naisipang itanong 'yan?”

“Naalala ko lang na no’ng dumating sa atin at makita niya si Yaya iyak siya nang iyak. May itinatanong siya kay Yaya at todo ang pakiusap niya. Pero nang matapos silang mag-usap, parang galit na siya. 'Ma, ano kaya ang ipinapakiusap niya kay Yaya noon?”

Tiningnan siya nito. Mababakas ang kuryosidad sa tingin nito. “Ang tagal-tagal nang nangyari n’on. Why the sudden interest?”

“'Ma, noong isang araw, may dalawang babaeng nagpunta rito. Inaakusahan nila si Yaya na nagbenta ng isang sanggol twenty-two years ago. Ibinenta raw iyon ni Yaya for ten thousand pesos. At hinahanap nila ngayon ang tunay na pinagmulan ng sanggol. They were trying to trace the real parents. Kapareho ba ang sadya ng dalawang iyon kay Yaya sa sadya noon ng babaeng asawa ng dancer?”

“Naku, hindi.” Ilang saglit munang tila nag-isip ito bago nagpatuloy. “Parang pinagbibintangan yata ng babaeng iyon si Charing na siya ang nagnakaw ng anak nito na matagal nang nawawala. Apparently, may nakapagsabi sa babaeng 'yon ng kinaroroonan ng yaya mo. At natunton nga niya si Charing sa atin. Dinig ko pa nga noon, twenty years nang naghahanap ng nawawalang anak ang babaeng 'yon. Nakikiusap siya noon na ituro ng yaya mo kung saan nito dinala ang bata.

“Pero siyempre, wala namang kinalaman doon si Charing. Kilala ko siya. Hindi niya magagawang magnakaw ng anak ng iba. Ang totoo nga niyan, si Charing ang nagligtas sa 'yo noong sanggol ka pa lang at may nagtangkang kidnap-in ka. At matagal mo na sana siyang naging yaya kung hindi lang umuwi siya sa probinsiya at nanirahan doon nang matagal.”

“'Ma, nakapunta na ba kayo sa bayan nina Yaya sa Bulacan?”

“Oo, noong sunduin namin siya roon ng papa mo. Noon kasing mag-first grade ka sa elementary, nagpakita sa akin 'yang si Charing. Ang sabi niya, kung nangangailangan tayo ng katulong, mag-a-apply siya. Kaya lang, hindi namin siya kinuha dahil may mga katulong na tayo. Eh, noong kailangan kang maiwan dito dahil pupunta kami noon ng papa mo sa Australia, naisip kong si Charing na lang ang kunin para maging yaya mo.”

“Ano na nga ba’ng town ni Yaya sa Bulacan?”

“Pandi. At doon din nakatira ang angkan ng namatay niyang asawa.” 

Napatango siya. Wala naman ngang dapat ipagduda sa yaya niya. Alam ng mga magulang niya ang background nito. Ngunit hindi makatkat sa utak niya ang dahilan ng umiiyak na babaeng iyon noon sa pakikipagkita sa yaya niya.

At bakit ganoon? Sabi ng mama niya ay muntik na siyang ma-kidnap. Ang umiiyak na babae two years ago ay ninakawan ng anak. Ang kaibigan naman ni Daphne ay ibinenta raw sa halagang sampung libong piso at ang yaya niya ang pinagbibintangang nagbenta rito.

Ano nga kaya ang totoo?


..............

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro