Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

5. Sexual Tension



Kahit naka-aircon ang silid ni Jimmel ay pinagpapawisan si Jade pagkatapos niyang bihisan ito ng damit-pantulog. Iyon ang pinakamahirap na gawin sa bata mula nang maaksidente ito. At kung siyang tumutulong lang ay nahihirapan na, lalo pa ito na siyang may pansamantalang disability sa katawan.

Limang araw na siyang nakatira sa bahay na iyon. Sa kabila ng pagtutol ng mga magulang niya ay nagpilit siyang tumira doon. Nagalit ang mga ito ngunit abut-abot ang ginawa niyang paghingi ng unawa. Sa huli, wala ring nagawa ang kanyang mga magulang sa naging pasya niya.

Maaari sanang kumuha na lang siya ng nurse o caregiver na maaaring mag-alaga sa bata. Nang sa gayon hindi na niya kailangang sundin ang gustong mangyari ni Jaime. Ngunit napamahal na sa kanya si Jimmel. At gusto niyang personal na pagbayaran ang naging bunga ng kanyang kapabayaan.

“Tita Jade, ilang tulog pa po ba bago alisin ang semento sa braso ko?” tanong ni Jimmel nang mahiga na ito sa kama.

“Maraming tulog pa. But don’t worry, hindi mo namamalayan at aalisin na pala ang cast sa braso mo.”

“Magpe-paint ka po ba uli?”

Natapos na niya ang paintings ng mga sketches ng lugar na iyon na ginawa niya. Naghihintay na lang iyon ng tamang panahon para i-exhibit. Subalit hindi pa niya magawa ang mga obrang dapat sana ay gagawin pa niya. Natutuliro ang utak niya sa biglaang role na ginagampanan ngayon. Hindi siya makapag-concentrate sa pagpipinta. “Oo, kapag nakahanap uli ako ng magandang subject,” sagot na lang niya.

“Gusto ko pong mag-paint.”

“Saka na, kapag magaling na uli ang braso mo.”

“Pero puwede naman po. 'Tong isang kamay naman po ang ginagamit kong pan-drawing.”

Napangiti siya. Sa kabila ng nangyari dito hindi na niya nakita pa ang defeatish attitude ni Jimmel. Samantalang noong unang makita niya ito ay napakalungkot, parang natangay na ng pagkawala ni Mariel ang sigla nito. “Sige, subukan mong magpinta bukas. Pero dito na lang siguro tayo sa loob ng bahay.”

“Ay, bakit po? Gusto ko pa naman sana, doon sa ilalim ng puno.”

“Wala kasi tayong mapagpapatungan doon. Hindi mo pa naman magagamit ang kaliwang kamay mo para humawak sa palette.”

“At saka baka magalit po sa iyo si Daddy?”

Kumunot ang noo niya sa sinabi nito. Pamilyar na marahil dito na mas madalas kaysa hindi na nagagalit sa kanya si Jaime.

Paglabas niya sa silid ni Jimmel ay siya namang pagdating ng ama nito. Alas-otso na ng gabi. Dati-rati maaga itong umuuwi.

Mukhang pagod ang hitsura nito. Minabuti niyang lapitan ito at tanungin. “Kumain ka na ba?” Parang gusto niyang imasahe ang ulo at likod nito. Parang nakakaramdam siya ng awa sa kapaguran na nakikita rito.

“Hindi pa. Gusto ko sana ipaghain mo ako.”

“Sige, sandali lang.” Nagtungo siya sa kusina at sumunod naman ito. Mabuti na lang at naisipan ni Ming na iwan sa food warmer ang ulam. Medyo mainit pa iyon.

Naupo si Jaime sa harap ng kitchen table, kaya doon na lang niya hinainan ito. Isang parte ng utak niya ay nagsasabing masyado nang sinusuwerte ang bruhong ito. May mga maids naman doon ngunit siya pa ang ginawa nitong utusan. Ang kabilang bahagi naman ng isip niya ay nagsasabing masarap palang hainan at pagsilbihan ang isang taong malapit sa puso.

Natigilan siya sa naisip. Malapit nga ba sa puso niya si Jaime?

“What’s wrong?”

Napabaling siya rito. “Ha?”

“Hawak mo 'yang pitsel ng tubig at bigla kang natigilan. Bakit?”

“W-wala. May naalala lang ako.”

“Boyfriend mo?”

“Hindi.”

“Ah, magiging boyfriend pa lang.”

Hindi na lang siya sumagot pa. Naninibago siya rito. Nasanay na siya sa pagsusungit nito. Ngayon lang niya ito nakitaan ng pagiging relaxed. At parang binibiro siya nito.

“Kumain ka na ba?”

“Oo. Sabay kami ni Jimmel.”

“Samahan mo na lang pala ako.”

“Bakit?” kunot-noong tanong niya. Ano ba ang nangyayari sa lalaking ito? Hindi naman ito amoy-alak o mukhang lasing. Bakit parang natunaw yatang bigla ang kapormalan at kasungitan nito?

“Para naman may kakuwentuhan ako. Noong nabubuhay pa si Mariel, kapag hindi ko siya nakakasabay sa hapunan, sinasamahan niya ako sa pagkain. Nagkakaroon ako ng gana kahit binabantayan lang niya ako.”

Oo nga naman pala. Naroon siya para gampanan ang papel na naiwan ni Mariel. Hindi niya dapat makalimutan iyon.

Naupo nga siya sa silyang nasa kanan nito. “Sobrang busy ka ba sa office kanina?”

“Oo. Nasa planta ang representatives ng certifying body na h-in-ire ng company. Kailangan na kasing ma-certify ng ISO nine thousand two ang kompanya. May mga kliyente na nagde-demand ng conformance namin sa international standard.”

“Hanggang bukas, busy ka?”

“Hanggang sa makalawa pa. Kumusta naman si Jimmel? Hindi ba nagkulit kanina?”

“Kaunti. Hindi naman mawawala 'yon sa bata. Sabi niya, gusto na niyang magpinta uli. Puwede naman daw niyang gamitin ang kanang kamay niya.”

“Tell me honestly, may ibubuga ba siya sa pagpipinta?”

“Well, may raw talent akong nakikita. Kailangan lang siguro niyang mag-practice.”

“Ang laki na ng impluwensiya mo sa kanya. Dati, wala siyang kasigla-sigla. Ngayon, kahit nagkaganyan na siya, parang hindi niya iniinda.”

“Atensiyon mo lang naman ang kulang kaya dati parang wala siyang kabuhay-buhay.”

Pinagalaw nito ang mga balikat. “Alam ko, marami akong pagkukulang sa kanya. Mahirap kasing mag-cope up sa pagkawala ni Mariel. Nahirapan akong isabay iyon sa pag-aalaga kay Jimmel. Mabuti na lang, kinukulit-kulit mo ako.

“Aaminin ko, mostly ay tama ka naman sa mga iginigiit mo tungkol sa anak ko. Naninibago lang ako na sinasalungat ang mga gusto kong mangyari kaya pinagsusungitan kita. Pero, salamat.”

“Salamat na makulit ako?” napapangiting sabi niya.

Natawa na ito. “Salamat dahil sincere ka sa concern mo kay Jimmel.”

“Kaya nga hindi mo dapat ako binu-bully kapag may hinihiling ako sa iyo para sa kanya.”

“Binu-bully?”

“O, hindi ba? Hindi naman dapat mabubuko ng parents ko na biyudo ang may-ari ng tinitirhan ko kung hindi mo ako pinilit na umuwi at magtapat sa kanila ng tunay na sitwasyon dito.”

“Nagpa-bully ka naman.”

“Antipatikong 'to,” biro niya rito, sabay irap.

Natawa na naman ito. “Sanay lang ako na ako ang nasusunod. Ikaw naman, sanay yata na laging nakakalusot.”

Mayamaya ay kapwa na sila natahimik. Parang biglang nawalan sila kapwa ng makakapang sabihin sa isa’t isa. Nagpatuloy ito sa tahimik na pagkain at siya naman ay sa tahimik na pagmamasid sa kabuuan nito. Napansin tuloy niya na kapag pala hindi nakapormal ito ay nawawala rito ang istriktong hitsura.

Makakapal ang pilik-mata ia na madalas magkanlong sa malalaki at itim na itim na mga mata. Ang nose bridge nito ay may bahagyang umbok sa itaas. Iyon marahil ang nagpapadagdag ng istriktong anyo rito.

Mapula ang mga labi nito bagaman medyo maninipis. At may cleft chin ito na hindi naman kalaliman.

“Baka matunaw ako niyan.”

Napatuwid ng upo si Jade, sabay bawi ng tingin. Dagling nag-init ang mga pisngi niya.

“Well, hindi kita masisisi. Hindi naman ngayon lang may na-starstruck sa akin.”

Napabaling uli siya rito. “Starstruck ka diyan. 'Kapal nito.”

Aliw na aliw na napahalakhak pa ito. “Ayaw pa raw aminin, eh, 'ayan at namumula ka pa hanggang ngayon.”

“Hinahanap ko lang po sa mukha ninyo ang features ng mukha ni Jimmel.” Alam niyang hindi sapat na saving-face alibi iyon ngunit kailangan niyang may masabi para hindi siya magmukhang katawa-tawa sa harap nito.

Tumigil naman kaagad ito. Hindi niya alam kung ano ang mali sa sinabi niya para maging pormal na naman ito. Hanggang sa matapos ito sa pagkain ay hindi na nagsalita pa bukod sa mahinang “thank you” bago ito lumabas ng kusina.

PAG-UWI ni Jaime kinabukasan, mas mukhang lalong pagod ang hitsura nito. Tulog na si Jimmel nang dumating ito.

Katulad nang nagdaang gabi ay ipinaghain niya ito ng hapunan. Kaunti lang ang nakain nito. Akmang ililigpit na niya ang pinagkainan nito nang pigilan siya.

“Iwan mo na sa maid ang mga 'yan. I need some back rub.”

Parang hindi maganda sa pandinig niya ang huling sinabi nito. Hindi nga siya nito direktang inuutusan ngunit parang tonong nagde-demand.

Pero pinalampas na lang iyon ni Jade. Nakalalamang ang pagkaawa na nararamdaman niya para dito. Sa sobrang kapaguran ay hindi ito nakakain.

Sumunod siya rito hanggang sa silid. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakapasok siya roon.

Walang imik na nag-alis ito ng suot na long-sleeved shirt. Pagkatapos basta na lang ito dumapa sa kama.

Nag-aalangan man, napilitan na rin siyang maupo sa gilid ng kama para imasahe ang likod nito.

Goodness! He was so broad.

Matitigas ang mga kalamnan nito na parang alaga iyon sa gym. Hindi nga gaanong mauumbok ang muscles nito ngunit wala itong flab sa katawan. Naisip tuloy niya na maaari itong makipagkompetensiya sa mga male models na kadalasang endorser ng mga produktong panlalaki. 

Dati naman niyang minamasahe ang kanyang ina, maging ang daddy niya. Ngunit hindi niya maunawaan kung bakit parang alumpihit siya habang minamasahe si Jaime. Pakiramdam niya hinahawakan niya ang isang teritoryong hindi niya dapat lapitan man lang. Lalo pa nga na nakaharap pa sa kanya ang pinalaking wedding picture nito at ni Mariel na nakasabit sa dingding ng silid.

Nang marinig niya ang patag na paghinga ni Jaime ay huminto na siya at mabilis na lumabas ng silid.

Laman ito ng isip niya nang matutulog na. Parang nararamdaman pa ng mga kamay niya ang matitigas na kalamnan ni Jaime. Parang dama pa niya ang init ng balat nito sa bawat hagod at pagdiin na ginawa niya kanina sa likod nito. Ayaw maalis sa isip niya ang tanong na ano kaya ang pakiramdam ng mapaloob sa malapad na katawan nito.

Todo ang pagsaway niya sa itinatakbo ng kanyang isip. Pinilit na lang niyang makatulog.

Kinaumagahan, paglabas niya ng kuwarto ay nakasalubong niya si Ming. “Ipinapatawag po kayo ni Sir Jaime,” anito. “Nandon po siya sa kuwarto.”

“Bakit daw?”

“Hindi po sinabi, eh.”

Nilampasan na niya ito at nagtuloy nga siya sa silid ni Jaime. Kumatok siya sa pinto ngunit sa unang paglapat pa lamang ng knuckles niya sa dahon ay napansin na niyang nakaawang iyon. Itinuloy niya ang pagkatok pero walang sumagot. May pag-aalangan na pumasok na siya sa loob.

“Jaime?” tawag niya nang makapasok na. Napansin niyang hindi pa naaayos ang kamang hinigaan nito.

“Jade, pakihanap ako ng isusuot!” malakas na wika nito na ang boses ay nagmumula sa loob ng banyo.

“Okay,” sabi na lang niya.

Sa pangkaraniwan ay magtatanong pa siya. Malamang din na lumabas siya ng silid na hindi nasusunod ang iniuutos nito. Para kasing napaka-intimate na ng ipinagagawa nito. Hindi naman siya nito asawa. Kung kay Ming nga hindi nito naiutos ang gusto nitong ipagawa.

Ngunit sumunod siya nang walang tutol. Hinanap niya sa closet ang isang long-sleeved shirt na gusto niya ang kulay. Kumuha rin siya ng undershirt at magkaternong pantalon at amerikana nito. Naglabas din siya ng panyo.

Inilalatag niya ang mga iyon sa ibabaw ng kama nang biglang bumukas ang pinto ng banyo. Iniluwa niyon ang nakatapi lang ng tuwalyang si Jaime. Medyo tumutulo pa ang basang buhok nito.

Tumagilid kaagad siya. Malamig sa solid pero parang biglang naging maalinsangan. Ayaw mawala sa imahinasyon niya ang bare torso nitong may water droplets pa ang maninipis na balahibo. Parang masarap padaanin doon ang mga daliri niya. Ano ba, Jade? Erase! Erase! Think of other things. “N-naihanda ko na ang mga damit mo. Lalabas na ako.”

“Bakit wala kang inilabas na briefs ko?”

Nanlalaki ang mga matang napaharap siya rito. “Pumasok ka sa banyo nang hindi man lang nagbitbit ng briefs mo?” At bukod sa hubad na torso ni Jaime, ayaw na ring makatkat sa isip niya na tuwalya lang ang tumatabing sa kaselanan nito. Pasimpleng sumagap siya ng hangin. Parang naging manipis bigla ang oxygen sa kuwartong iyon.

“Oo. Ano ba’ng problema? Dati namang hinahanda ni Mariel noon pati briefs ko.”

Bakit parang bumalik na naman ang kasungitan nito?

“Jaime, si Mariel iyon, asawa mo. Hindi mo naman ako asawa. Ito ngang pagpasok ko pa lang dito sa kuwarto mo, naaalangan na ako.”

“Why?”

Nakuha pang magtanong ng bruhong ito. “Why? Eh, dalaga ako baka nakakalimutan mo?”

“Hindi ko nakakalimutan,” pormal at tila galit na sagot nito. “Ikaw yata ang nakakalimot. Narito ka para gampanan ang tungkulin na iniwan ni Mariel sa amin. Hindi naman kita hinanap. Ikaw ang kusang lumapit sa aming mag-ama dahil sabi mo nga nakokonsiyensiya ka. Kaya hindi lang kay Jimmel ka may obligasyon, Jade. Sa akin din.”  

...............

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro