Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

4. To Make Amends




Pakiramdam ni Jade ay nawalan ng kulay ang kanyang mga labi at kuko dahil sa sinabi ni Jaime. Para siyang isang ligaw na hayop na nasukol ng isang hunter sa sulok na walang aatrasan.

Maaari siyang magdahilan o humanap ng magandang alibi. Ngunit hindi siya likas na sinungaling. Nakakapagod din ang maglihim. Mas mabuti na sigurong magtapat siya rito.

“I suppose you didn’t recognize me,” aniya.

Lalong naging matiim ang pagkakatitig ni Jaime sa kanya. “Why should I recognize you?”

Sumagap siya ng hangin at nagbaling ng mukha. Daig pa niya ang papel na nakasalang sa baga. “More than two weeks ago, nagkita tayo sa terminal ng bus sa GenSan. Kasama mo si Jimmel at ang asawa mo. Puno na ang bus na inakyatan ninyo. Gusto mo nang bumaba noon. Ayaw lang niya.

“Nagkataon naman na tinawagan ako ni Gino. Sumasakit na raw ang tiyan ni Suzi. Napilitan akong ibenta sa iba ang ticket ko...”

Biglang nanlaki ang mga mata nito. “Ikaw ang—”

“Ako nga.”

Napatalikod ito sa kanya, kuyom ang mga kamay.

“Sa TV ko nalaman na naaksidente ang bus na iyon. I was so affected when I saw Jimmel on TV. Sobra ang pag-iyak niya. At parang hinihiwa nang pino ang puso ko dahil in a way ay ako ang dahilan ng pagkamatay ng mommy niya.

“Nang malaman ko mula kay Suzi na pinsan ni Gino ang ina ng batang iyon, nagpilit akong sumama sa kanila sa pakikipaglibing. At doon, habang pinagmamasdan ko si Jimmel, I decided na gusto ko pa siyang makita. Gusto ko siyang i-comfort. Gusto kong punuan ang pagkawala ng kanyang ina kahit hindi ko alam kung paano. Ang alam ko lang, gusto ko siyang subaybayan.

“Pinilit ko si Gino na makiusap sa iyo sa pagtira ko dito. Ginawa kong alibi ang pagpipinta ko. Pero ang talagang intensiyon ko masubaybayan si Jimmel. Pakiramdam ko kasi, sa mga nangyari, parang inutang ko ang buhay ko at ang asawa mo ang naging kabayaran. I feel as if I am forever indebted to your wife’s death.”   

Nang muling humarap ito sa kanya ay salat na sa emosyon ang mukha ni Jaime. “All right, magbihis ka. Ihahatid kita sa inyo ngayon din.”

“Pero—”

“Ayoko nang makarinig ng angal mula sa iyo.”

“Gusto ko lang sanang tuparin ang pangako ko kay Jimmel bukas.”

Tumalikod na ito nang hindi siya sinasagot.

Mahaba-haba rin ang biyahe mula sa bahay ni Jaime hanggang sa kanila. Ngunit sa tagal ng biyaheng iyon, hindi man lang siya kinibo nito. Naisip tuloy niya, mas gugustuhin pa niyang sinusungitan siya kaysa ganoong parang hindi siya nag-e-exist sa paningin nito.

“Salamat,” aniya rito nang tumapat ang kotse nito sa kanila. Hindi man lang ito sumagot. Nanatiling pormal ang mukha nito kahit na kumaway pa siya pagkababa niya at binilinan niyang mag-iingat ito.

Parang ang lungkut-lungkot niya nang makalayo na ang kotse ni Jaime. Hindi niya maunawaan ang sarili kung bakit pakiramdam niya nakulangan na siya nang mawala na ito sa paningin niya.

“HINDI ko mapapayagan ang sinasabi mong 'yan, Jade,” matigas na pahayag ng kanyang ama.

Nanlumo siya sa narinig. Ipinagtapat niya sa mga ito ang balak niyang pagtira sa bahay ng mga naulila ni Mariel Nueva. Sinabi na rin niya na doon siya namalagi sa loob ng tatlong araw at dalawang gabi. Alam na rin ng mga ito na ang sinasabi niyang pinsan ni Gino ay ang kamamatay lang na si Mariel.

At gaya nga ng inaasahan niya, hindi siya pinayagan ng mga ito.

“Hindi mo kasalanan kung namatay man ang ina ng batang 'yon, dahil lang nagkataon na siya ang napalit sa puwesto mo roon sa sinakyan niyang bus. Kaya wala kang obligasyon sa mag-amang 'yon,” segunda naman ng mommy niya. 

“Alam ko. Pero hindi ninyo ako naiintindihan. Kahit alam ko na technically, wala akong kasalanan sa pagkamatay ni Mariel, hindi naman ako matahimik. Naaawa ako sa bata. Lalo pa ngayon na naging malulungkutin siya. And he misses his mother very much.”

“Kung sa tingin mo may responsibilidad ka sa bata, okay, papayagan ka namin na dalawin siya. Pero ang tumira pa roon, hindi na kami makakapayag ng mommy mo.”  

Hindi na siya nakipagtalo pa sa kanyang mga magulang. Ang importante ay pinayagan siya ng mga ito na bumalik at dumalaw sa bahay ng mga Nueva.

Nang nasa silid na siya ay pinuntahan siya ng kanyang kapatid. Ito lang yata ang masaya sa kanila nang mga sandaling iyon.

“Look,” sabi ni Élan sabay pakita sa kanya ng palasingsingan nito. Isang solitaire diamond ring ang nakasuot doon.

Inirapan lang niya ito. “Kailangan pa ba ang engagement ring, eh, naging mag-asawa na kayo ni Ismael?”

“'To naman. Maging happy ka na lang para sa akin. 'Yong kasal namin noon, sapilitan lang. Pero ang pinaplano naming kasal ngayon, pareho na naming gusto. At siyempre, ikaw ang magiging maid of honor.”

Bumuntong-hininga siya. “Makakadalawang kasal ka na samantalang ako, kahit boyfriend wala.”

Natawa ito. “'Ayun, lumabas din ang totoo. Nagsesentimyento lang pala dahil abay na naman ang papel niya. Hayaan mo, sis, sasabihin ko kay Ismael na ihanap ka ng potential boyfriend sa mga bachelor friends niya.”

“Don’t do that. Hindi pa naman ako desperada.”

“Basta, sasabihin ko kay Ismael na ihanap ka.”

“Élan, I’m warning you. Huwag na huwag mong masasabi 'yan sa lalaking 'yon. Ang lakas pa namang mang-asar n’on.”

KINABUKASAN, bumubungad pa lang si Jade sa gate ng town house ay namataan na niyang nakaupo sa front steps si Jimmel. Nang makita siya ay lumapit kaagad ito at pinagbuksan siya ng pedestrian gate.

“Tuturuan mo na po akong mag-paint?” bungad agad nito sa kanya.

“Oo. Pero bago 'yon, ititiklop ko muna 'yong tent ko.”

“Ay, hindi ka na po babalik dito?”

“Babalik pa naman. Hindi na nga lang siguro ako matutulog dito.”

“Bakit po?”

“Ayaw kasi ng parents ko.”

“Bakit ayaw nila?”

Nakangiting humugot siya ng malalim na hininga. Kaya siguro ipinagpipilitan niya sa mga magulang na balikan ang bata dahil ang katabilan nito ang humahatak sa kanya. “Kasi nga, dapat talaga, sa amin ako matutulog dahil doon naman ang bahay ko. At saka hindi raw maganda na ang isang dalagang tulad ko ay nakikitulog sa ibang bahay.”

Parang hindi nito naunawaan ang huling sinabi niya. Tumingin lang ito sa kanya. Sinamantala niya iyon upang hanapin si Ming. Ipinaalam niya rito na doon muna sila ni Jimmel sa tapat ng bungalow.

Tatanggi sana ito ngunit ipinauna na niyang pumayag si Jaime na paturuan sa kanyang mag-paint ang bata sa labas.

Habang itinitiklop niya ang tent ay nakatanghod naman sa kanya si Jimmel. Tanong ito nang tanong sa kanya. Naaaliw naman siya sa mga inosenteng tanong nito.

“Gusto ko pong itanong kay Daddy kung kukuha siya ng magiging mommy ko pero sabi po ni Ate Ming, huwag daw.”

“Bakit daw?”

“Baka daw po pagalitan ako. Bakit niya po ako papagalitan? Masama po ba 'yon?”

“Hindi naman masama kaya lang, sa ngayon, masakit pa sa daddy mo ang pagkamatay ng mommy mo. Siguro, hindi pa niya iniisip ang pagkakaroon mo ng bagong mommy. Besides, 'di ba, sabi mo, ayaw mo ng ibang mommy?”

“Oo nga po. Kahit nasa heaven na si Mommy, ayoko ng ibang mommy.”

Pagkatapos maturuan sa pagpipinta ay naglaro sila ni Jimmel. Masaya siya na unti-unti na nitong nakakalimutan ang lungkot sa pagkawala ni Mariel.

Nang mapagod ang bata ay pinatulog niya ito nang tanghali. Sinamantala naman niya iyon upang maituloy ang dating ipinipinta. Nang magising ito dakong hapon ay nakontento lang ito na panoorin siya. Sa ganoon sila dinatnan ng ama nito.

“Narito ka na naman.”

Nasaktan siya sa ibinungad ni Jaime ngunit tiniis na lang niya. Ngayong nakakakita na siya ng pagbabago kay Jimmel ay hindi na siya makakayang ma-intimidate ng mga pagsusungit ni Jaime.

“Ayokong sumira sa pangako ko kay Jimmel.”

Umismid ito at pagkatapos ay pumasok na sa loob ng bahay. Naiwan siyang lukot ang ilong.

“Hindi mabait sa iyo si Daddy.”

Napatingin siya kay Jimmel. Kahit pala ito ay napapansin ang pagtrato sa kanya ng ama nito. “Lagi kasi kaming magkakontra. Kabaliktaran ng mga sinasabi niya ang ginagawa at gusto kong gawin.”

“Ako nga rin, laging gusto niya, dito lang ako sa bahay. 'Pag hinahanap ko si Mommy, pinapagalitan niya ako.”

“Pero kahit hindi mo gusto, kailangan mong sundin ang mga sinasabi ng daddy mo. Siya pa rin ang mas nakakaalam ng makabubuti sa iyo. Ako, okay lang na hindi ko ayunan ang gusto niya. Hindi naman niya ako kaano-ano.”

“Sana, Tita Jade, sa amin ka na lang tumira para may nakakalaro ako. Saka 'pag wala si Daddy, may makakasama ako.”

“Gusto ko nga sana. Enjoy din naman akong kasama ka. Saka marami pa akong ipipinta sa mga tanawin dito. 'Kaso lang, ayaw ng daddy mo na tumira ako sa inyo. At ayaw din ng parents ko.”

“Alam ko na. Sasabihin ko kay Daddy na huwag na siyang kumuha ng yaya ko. Ikaw na lang po ang makakasama ko palagi. Para pumayag na siya na sa 'min ka po titira.”

“Huwag na lang, Jimmel. Hindi rin naman siya papayag. Hayaan mo na. Madalas na lang kitang dadalawin dito.”

Magmula nga noon ay halos araw-araw siyang nasa bahay ng mga Nueva. At sa pagdaraan ng mga araw, lalong napapalapit ang loob niya sa bata. Kaya hanggang sa matapos na niya ang lahat ng ipinipinta ay pumupunta pa rin siya roon.

Naabutan niyang natataranta si Jaime isang araw na pumunta siya sa town house nito.

“Ano’ng nangyari?” usisa niya.

“Nagsusuka si Jimmel. Hindi ko alam kung anong gamot ang ipapainom ko. Malayo pa naman ang ospital dito.”

“Ano ba’ng kinain niya?”

“Wala pa nga siyang nakain ngayong umaga. Sinubukan kong pakainin ng cereals at gatas pero isinuka rin niya.”

“May lagnat ba?”

“Ewan ko.”

“Hindi mo man lang hinipo ang noo niya kung mainit.” Hindi niya intensiyong magtonong nagsesermon ngunit ganoon ang lumabas sa kanya.

Tumuloy na siya sa silid ni Jimmel. Nakita niyang nakahalukipkip ito at nakasandal na patagilid sa headboard ng kama. Nang hipuin niya ang leeg nito ay napakainit. “Kaya naman pala.”

Naghanap siya ng gamot sa lagnat ng bata sa medicine cabinet. Nakahanap naman siya ng paracetamol na nasa liquid form. Tatlong buwan na lang at mae-expire na iyon. Pagkatapos ay binalikan uli niya si Jimmel.

“Kapag hindi na masama ang sikmura mo, pakakainin kita para makainom ka ng gamot. Pinunasan niya ito ng labakarang binasa sa malamig na tubig. May limang minuto na niyang ginagawa iyon nang lapitan siya ni Jaime.

“Dadalhin na ba natin siya sa ospital?”

“Obserbahan muna natin kung bababa ang lagnat niya at hihinto na sa pagsusuka kapag nakainom na siya ng gamot. 'Tingin ko, trangkaso lang 'yan.”

Nagpatuloy siyang pagyamanin ang bata. Nang makakain at makainom ng gamot ay nakatulog ito. Hindi siya umalis sa tabi nito hangga’t hindi bumababa ang lagnat nito.

Nang sumapit ang hapon ay nagbilin na lang siya kay Jaime ng mga dapat gawin kay Jimmel. Pagkatapos ay nagpaalam na siya rito.

“Teka. Paano kung bigla na naman siyang lagnatin at magsuka mamayang hatinggabi? Jade, matataranta na naman ako.”

“Lakasan mo lang ang loob mo. Makakaya mo 'yan. Dapat, alam mo na ang mga dapat gawin sa mga ganoong emergency. Hindi ka lang ama ni Jimmel ngayon. Ina ka na rin niya.”

“Dito ka na kaya matulog?”

“Hindi alam sa amin.”

“Tawagan na lang natin ang parents mo. Ipagpapaalam kita sa kanila.”

“Hindi papayag ang mga 'yon.”

“Makikiusap ako. Sige na naman, o.”

Tumingin siya sa nahihimbing na bata. Kung hindi lang dito, kahit makiusap pa nang todo sa kanya ang lalaking ito ay hindi siya papayag. Tiyak na pagagalitan na naman siya ng daddy niya. “All right, tatawag na lang ako sa amin.”

Sinamahan niya sa pagtulog ang bata nang gabing iyon. Nagkasinat pa ito ngunit hindi na ito nagsuka. Nang sumunod na araw ay mabuti-buti na ang pakiramdam nito.

Naging simula ang pangyayaring iyon upang magkaroon na ng tiwala sa kanya si Jaime. Pinapayagan na nito na ipasyal niya si Jimmel. Nasanay na rin itong palagi siyang nasa townhouse.

Siya naman ay naging kompiyansa na rin sa pagtuturo kay Jimmel ng mga bagay na kadalasang ginagawa ng mga batang kasing-edad nito. Katulad na lamang ng pagbibisikleta.

Madaling natuto si Jimmel. Nasusunod nito ang lahat ng bilin niya. Iyon ang nakita niya. Ngunit kapag nakatalikod na pala siya ay nagiging pangahas ang bata. Nagulat siya nang isang araw ay tawagan siya ni Ming.

“Ma’am Jade, si Jimmel, nasa ospital. Nasagasaan siya ng kotse habang nagbibisikleta.”

ALUMPIHIT si Jade sa pagkakaupo sa sala ng mga Nueva. Kinakabahan siya. Hinihintay niya roon si Jaime. Kakausapin daw siya nito.

Sa loob ng dalawang linggong nakalipas ay halos hindi niya nakakausap ito. Umiiwas siya. Batid kasi niya na siya ang sinisisi nito sa pagkakaaksidente ni Jimmel.

Bukod sa mga gasgas at bugbog sa katawan ay nagkaroon ng fracture ang buto sa kaliwang braso ng bata. Iyon ang tumama sa gutter nang mabundol ang sinasakyan nitong bisikleta. Naka-sling at nakasemento ang kaliwang braso nito.

Mayamaya ay nakarinig na siya ng mga yabag. Napatuwid siya ng upo.

Pormal ang mukha ni Jaime napinipigilan sa sala. Ang pitik ng kalamnan nito sa panga ay nagbabadya ng galit na pinipigilan nito. Lalo siyang kinabahan.

“How will you make amends for what you did?” panimula nito na hindi man lang nag-abalang maupo. Nakapamulsa ang mga kamay nito na halos nasisiguro niya na nakakuyom.

“Jaime, I’m sorry. Hindi ko naman—”

“I’m sorry, too, Jade, but I don’t think your sorry would do this time.”

Disimuladong sumagap at nagbuga siya ng hangin. “Ano ang gusto mong gawin ko just to make amends?”

“Ikaw, hanggang saan ba ang kaya mo?”

“Aalagaan ko si Jimmel. Araw-araw pa rin akong pupunta dito.”

“Paano sa gabi? Paano kapag umalis ka na?”

Parang gusto na niyang mainis. Bakit nito ibubunton sa kanya ang responsibilidad sa bata? Hindi naman niya ginusto na maaksidente ito. “Puwede mo naman siyang ikuha ng yaya.”

Dumilim ang mukha nito. Tumalim ang tingin sa kanya. “I thought you were willing to make amends.”

“Oo nga, pero ano naman ang gagawin ko? Ayaw akong payagan ng parents ko na dito ako matutulog.”

“Baka nakakalimutan mo kung ano ang ginawa mo sa buhay naming mag-ama? Gusto mo bang ipaalala ko sa iyo, Jade? Alam mo ba ang paghihirap ng loob ko tuwing mananaginip si Jimmel sa hatinggabi at hinahanap niya ang kanyang ina?”

Napahumindig siya. All the while pala ay sinisisi pa rin siya nito sa pagkamatay ni Mariel. “Hindi ko kasalanan ang nangyari sa asawa mo.”

“Pero guilty ka. Kaya nga hinanap mo pa ang bahay naming mag-ama. Nagi-guilty ka 'kamo dahil somehow, you felt responsible that Jimmel lost his mother. Kung nagi-guilty ka, may kasalanan ka. At ngayong dinagdagan mo na naman ang kasalanan mo sa amin, sasabihin mong paano naman ang gagawin mo?”

Pumikit si Jade. Parang sasakit ang ulo niya. At parang tukso na nakita niya sa isip ang helpless na anyo ni Jimmel. Napadilat uli siya. “All right, tell me. Ano ang gusto mong gawin ko para makabayad sa ‘inutang’ ko sa inyong mag-ama?”

“Live with us. Gampanan mo ang tungkuling binakante ng asawa ko. Be a mother to Jimmel and a wife to me.”

...................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro