8. Soaring High
Isang gadget na ipinadala ni Ymago kina Alexis at Xavier ang inilabas ng huli. Parang maliit na calculator lang iyon na may keypad din. Doon inirehistro ni Xavier ang lahat ng mga nakuha nilang puzzle pieces. At nang masumang lahat ay may recorded voice na lumabas sa gadget. "Congratulations! You have solved the puzzle."
Hindi pa naitatabi ni Xavier ang gadget nang pumailanlang ang ringing tone ng cell phone nito. Si Ymago ang tumatawag. Binuhay ni Xavier ang speakerphone.
"Congratulations sa inyong dalawa..." sabi nito.
Humanga siya sa gadget. Naitimbre kaagad niyon kay Ymago ang pagkabuo nila ng puzzle.
"Kung gusto n'yo pang mag-stay sa lugar na iyan, go ahead," sabi pa nito. "Stay as long as you want. Pero kung ayaw n'yo na, ipinaaalala ko lang na dapat pa rin kayong manatili riyan until tomorrow. Or else, mababale-wala ang puzzle na na-solve ninyo. I still have one remaining surprise for you. Malalaman ninyo ito bukas ng six PM."
"I can't believe you've talked me into this..." Bitin ang pagkakasabi ni Xavier. Naiiling pa ito ngunit nakangiti naman. At hindi niya maunawaan kung ano ang ibig sabihin nito kay Ymago.
Malutong na halakhak ang isinagot doon ni Ymago, at pagkatapos ay nagpaalam na ito.
"Hindi pa pala tayo puwedeng umalis," sabi niya.
"Talaga bang gusto mo nang umalis?"
"Well, I think staying here for a day won't hurt."
Ngumiti ito. "Good."
Hinubad naman niya ang jacket at iniabot dito. "Salamat. Matulog na tayo."
"Maaga pa naman. How about a little celebration first?"
"Lalabas tayo?"
"Sa labas lang ng bahay kung gusto mo."
"Ngek! Eh, anong gimik ang magagawa natin sa labas ng bahay?"
"Hindi pa kasi tayo puwedeng lumabas dito sa Buenavista, 'di ba? Nasa rules na ibinigay ni Ymago 'yon. Nilabag na nga natin 'yon nang dalhin ka sa ospital. Pero okay lang iyon kasi emergency."
"Ano nga ang magiging gimik natin?"
"Wala namang alak dito o videoke. Tara, doon tayo sa pickup truck."
"Aalis tayo?" excited na tanong niya.
"Puwede naman tayo kahit sa harap ng lake."
Sumama nga siya rito. Binuhay nito ang car stereo at siya ang pinapili nito ng CD na gusto niyang patugtugin.
Wala pang dalawang minuto ay nasa harap na sila ng lawa. Ipinarada nito ang sasakyan sa ibaba ng punduhan. Nang makababa sila ay ibinukas nito ang mga bintana ng pickup truck.
Kung maginaw sa labas ng bahay na tinutuluyan nila ay mas maginaw pala sa tabing-dagat. Napahalukipkip siya. Nawala na naman sa isip niya na magdala ng jacket. At si Xavier din ay naiwan sa bahay ang jacket na isinauli niya kanina.
Walang buwan ngunit maliwanag ang gabi. Naaaninag ang kabuuan ng lawa at ang mahabang bundok na nagsisilbing hangganan sa dakong unahan.
Pumapailanlang sa hangin ang kantang napili niya. Dinala naman siya ni Xavier sa ibabaw ng punduhang kahoy. Iminuwestra nito ang mga kamay na parang sasayaw.
Natawa siya. Ginaya na lang niya ito. Parang waltz ang sasayawin nila sa kanilang asta.
Nang lumapat ang palad nito sa likod niya at ang isa ay sa palad niya, nahinto siya sa pagtawa. Dahil maaaring malamig ang gabi ngunit ang init na nagmumula sa katawan nito ay sapat na para maglaho ang ginaw niya.
Sa background, dinig nila ang maemosyong rendition ng kantang "I Need You."
I need you... like water, like breath, like rain,
I need you... like mercy from heaven's gate...
Naglapat ang mga katawan nila habang marahang nagsasayaw. Nakalimutan na niya ang lahat maliban sa mga sensasyong pinalalala ng paglalapit nila. Kinalimutan niya ang mga ikinaaayaw niya sa lalaking ito. Itinaboy niya sa isip ang marami nilang pagtatalo noong mga nakaraang araw. Kinalimutan niya na pagkatapos ng kanilang misyon sa Buenavista ay maghihiwalay na ang kanilang mga landas.
She just gave in to the exhilarating feeling of the moment... here in his arms.
Nakatatlong tugtog yata sila bago niya niyaya si Xavier na bumalik na sila sa pickup truck. Nangangawit na ang mga paa niya. Higit sa lahat, nanganganib na ipahiya niya ang sarili. Napakalapit lang ng mga labi ni Xavier. Baka siya mawala saglit sa katinuan at mahalikan niya ito. Oo nga at walang tao nang mga sandaling iyon ngunit ang kanilang kinaroroonan ay pampublikong lugar pa rin.
"Let's stay here for a while," sabi nito sa halip na buhayin ang makina ng sasakyan. "Magkuwentuhan muna tayo." Isinara nito ang mga bintana at nag-iwan lang ng maliit na awang sa gawi nito. "Are you still cold?"
Umiling siya.
"Ano'ng gagawin mo ngayong maibabalik na sa inyo ang bahay at lupa?"
"Find a job more permanent than my occasional modelling stints. Sana lang may magtiwala na sa akin."
"Kung kukunin ba kita bilang empleyada ko, papayag ka?"
"Bakit naman hindi? Basta ba kaya ko ang trabaho."
"How about becoming my personal assistant?"
"Akala ko ba, hindi ka nag-oopisina?"
"Hindi nga."
"Bakit kailangan mo pa ng PA? Anu-ano ba ang mga ginagawa mo?"
"Madalas lang ako sa workroom ko sa umaga. Sa hapon, kung hindi sa gym ay sa nasa garahe lang ako, tending to my toys."
"Toys?"
"Cars."
"Gano'n naman pala. Para ano pa't kukuha ka ng PA?"
"Actually, gusto ko lang na makita ka palagi."
"G-gusto mo na lagi akong makita?" Ginu-good time lang ba siya nito?
"Oo."
"Bakit?"
"Anong bakit? Pagkatapos ng ilang araw natin dito sa Sitio Buenavista, hindi mo ba gusto na makita ako palagi?"
Hindi niya magawang sumagot. Pero sa estado ng puso niya nang mga sandaling iyon, alam niyang hahanap-hanapin niya ang presensiya nito kapag bumalik na sila sa kanya-kanya nilang buhay. Ngunit pinili niyang magpakaipokrita. "Bakit naman gugustuhin kong makita ka palagi, eh, nuknukan ka ng pintasero? Buskador ka pa. Hindi puwedeng dead-mahin lang ang mga pang-iinis mo. Lagi mong sinasaktan ang kalooban ko."
"Ginagawa ko lang naman 'yon para mapansin mo ako."
"So, aminado ka nang KSP ka, gano'n?"
"Nahihirapan lang akong aminin sa sarili ko na magkakagusto ako sa 'yo."
HINDI kaagad nakaimik si Alexis sa sinabi ni Xavier. Parang nagkukuwento lang ito ng isang ordinaryong pangyayari. Kaya hindi niya sigurado kung tama nga ang pagkakaintindi niya.
"A-ano'ng sinabi mo?"
Sumeryoso ito. "I'm sure malinaw na narinig mo ang sinabi ko. Hindi ka naman bingi," anito na medyo nakakunot ang noo.
Hindi niya alam kung kikiligin, matatawa o magagalit. "I can't believe it."
"Believe it. Gusto kita. Hindi lang basta gusto. Talagang gusto kita. At nakakaturete ang pakiramdam. Dahil kahit hindi tayo magkaharap, madalas kitang makita sa isip ko. At hindi madali sa akin ito, Alexis. I'm not used to this kind of feeling," he said with a certain inflection in his voice like it was a resentment of sort.
Kaya naman lalo siyang naguluhan sa labu-labong pakiramdam. "Umuwi na tayo."
Hindi ito nakakibo. Hindi rin nito binuhay ang makina. Tanging ang tugtog sa background ang maririnig. Parang nang-uuyam pa ang lyrics ng kanta.
Could this be love deep down inside?
Tearing me apart, I feel it in my heart...
Ibinaling niya ang tingin sa labas ng bintana. Kadiliman lang ang sumalubong sa paningin niya. Bakit ganoon? Kanina ay naaaninaw pa niya ang hugis ng mga nasa paligid nila. Ngayon ay wala na siyang makita. Was it some kind of an omen?
"Why fight it...?" narinig niyang sabi nito.
Ibinalik niya ang tingin dito.
Malungkot ang hitsura nito. Bakas iyon sa malamlam na liwanag ng sasakyan. There was a kind of uncertainty in his eyes. Parang hindi ito tiyak sa sinabi. "Huwag mo namang gawin ito, Alexis."
Sa wakas ay binuhay na nito ang makina. Tila hirap makaalis ang pickup truck sa buhanginan. At habang umuusad sila ay pabigat naman nang pabigat ang dibdib niya.
Bakit nga ba nagkakaganito siya? Bakit hindi niya maibalik ang dating siya? The Alexis she knew would fearlessly plunge into love without any trace of hesitation. Bakit naduduwag siya?
They reached the house in no time at all. Nang bumaba si Xavier ay umikot ito upang pagbuksan siya. Nang makababa naman siya, hindi ito umalis sa kinatatayuan. Malapit na malapit ito sa kanya. Dama niya ang mainit na singaw ng katawan nito.
Iniabot nito ang kamay sa kanya.
Sa puntong iyon ay itinigil na niya ang pag-iisip at pag-aalala. Kumilos siya ayon sa idinidikta ng puso niya. Hinawakan niya ang kamay nito. Tumingala siya at nagtama ang kanilang mga paningin.
Hindi na niya alam kung sino ang unang yumakap. Posibleng sabay sila. Dahil sa isang kisap-mata lang ay napaloob siya sa mga bisig ni Xavier. At ang mga kamay niya ay nakakunyapit na sa leeg nito.
Nang kubkubin nito ang kanyang bibig, saka lang nawala ang lahat ng bigat sa dibdib niya. She was like a bird soaring freely in the sky with a happy song in her heart.
.....................
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro