7. Exclusively For You
“You have to wait for nightfall to get me. 'Hope it won’t get warm. Then your puzzle is solved.” Iyon ang sabi sa maliit na CD player na binuhay ni Xavier.
Panlimang araw na nila sa Buenavista. Mula kahapon ay dumidistansiya na rito si Alexis. Obvious na sa kanya na hindi talaga siya gusto nito. Hindi lamang bilang babae kundi bilang tao.
Maaaring sa iilang pagkakataon ay na-attract niya ito. But she couldn’t help but think that he loathed her as a person.
Baka nga kulang pa ang isang buong notebook para isulat ang lahat ng pintas, puna at pamumula nito sa kanya sa iilang araw na pananatili nila roon.
Aminado siya na sa kabila ng kaantipatikuhan nito ay attracted siya rito. Ngunit hindi naman niya ipagpipilitan ang sarili niya sa isang taong ugali nang mamintas at mang-inis sa kanya.
“Matagal pa pala tayong maghihintay. Halika, mag-swimming muna tayo sa lake,” yakag nito sa kanya.
Tempting ang pagyayaya nito. Gusto rin niyang maligo sa dagat. Noong isang araw na hanapin nila ang clue roon ay parang nag-aanyaya sa kanya ang malinis at asul na tubig doon. Ngunit iba ang isinagot niya rito. “Ikaw na lang. Tatapusin ko pa ang paperback na binabasa ko.”
“Ang corny naman nito. Bakit ba kahapon ka pa parang wala sa mood?”
Pinandilatan niya ito. “Tanungin mo kaya ang sarili mo kung bakit.” Tinalikuran na niya ito. Sayang at walang kuwarto ang bahay na iyon. Ang sarap sanang pagsarhan ng pinto ang kumag na ito. Sumampa siya sa kama. Sumandal siya sa headboard niyon at nagsimulang magbasa.
Mayamaya lang ay may pulang gumamelang humarang sa pagitan ng mga mata niya at ng librong binabasa.
“Peace na tayo,” sabi ni Xavier sa kanya, nakangiti at nagpapa-cute.
“You should see yourself in the mirror,” maangas namang ganti niya. “Mukha kang timang.” Iniiwas niya ang sarili sa bulaklak na iniaabot nito.
“Huu, kaya ka lang naman nagkakaganyan, kasi hindi ko pinapansin ang pagpapa-charming mo sa akin. Sige na, bati na tayo. Promise, papansinin na kita.”
Lalo siyang nabuwisit dito. Ibinaba niya ang binabasa, kinuha niya ang gumamela at pagkatapos ay isinalaksak iyon sa bibig nito. “'Yan, peace na tayo. Iwan mo na ako.”
Hindi kaagad ito nakahuma sa ginawa niya. Nakita niyang namula ang mukha nito.
Kinabahan din siya. Napagalit yata niya ito.
Iniluwa nito ang gumamela. Titig na titig pa rin ito sa kanya. “Nagbago na ang isip ko. Ayoko nang makipag-peace sa 'yo. Giyera pala ang gusto mo, eh, di war na kung war.” Sukat doon ay bigla na lang siyang dinaluhong nito at pinagkikiliti.
Nagpapasag siya at inihit ng tawa. Naiiyak na siya sa kakatawa ay ayaw pa rin siyang lubayan nito. Kaya napilitan siyang gantihan ang pangingiliti nito sa kanya.
Halos magkandahulog na sila sa kama. Kung saan-saang direksiyon na napunta ang mga unan. Nahinto lang sila nang magawa nitong pigilin ang mga kamay niya. Kapwa sila humihingal. Nakatingin ito sa kanya at nakatingin lang siya rito.
“I’d kill Ymago for this,” naiiling na anas nito.
Napalunok siya nang marahang ilapit nito ang mukha sa kanya. Binitiwan nito ang isang kamay niya at pagkatapos ay marahang tumahak ang mga daliri nito sa gilid ng mukha niya. Hanggang humantong iyon sa ilalim ng kanyang baba. He tilted it a little. Naramdaman na lang niyang dumampi nang napakarahan ang mga labi nito sa sulok ng kanyang bibig. His lips brushed her upper lip.
Pakiramdam niya ay nag-alsahan lahat ng balahibo sa kanyang katawan lalo na nang ulitin nito iyon sa ibabang labi niya.
Kusang umawang ang bibig niya. Na sinamantala naman nito, to gain entry. Napapikit na lang siya at hinayaang sakupin iyon ng makapugto-hiningang halik.
NAINIP na si Alexis dahil hindi pa rin bumabalik si Xavier. Bibili lang daw ito ng soft drink nila ngunit mahigit kalahating oras nang nakalalabas ito ay hindi pa rin bumabalik.
Naihanda na niya ang mga sangkap ng adobo ayon sa bilin nito. May natira pa silang karne ng baboy at iaadobo raw nito iyon. Kaya lang ay wala palang toyo roon. Lumabas na lang siya para bumili at upang malaman na rin kung bakit matagal itong bumalik.
Gustong sumulak ng dugo niya nang makitang nakaupo lang ito sa harap ng tindahan at nakikipag-tawanan sa tindera. Kung hindi siya nagkakamali ay ito ang dalagang ayon dito ay “Nelly” ang pangalan.
“Isang boteng toyo nga, saka isang Coke in can,” aniyang hindi tumitingin kay Xavier. Lihim siyang nagngingitngit. Nakikipagngisihan lang pala ito kaya hindi makauwi.
“Wait,” sabi naman nitong natigil sa pagtawa. “Nakabili na ako para sa atin.” Nakita nga niya ang dalawang Coke in can sa harap nito.
“Ikaw na lang ang uminom. I’m sure mainit na 'yan.” Pagkaabot ng bayad sa babae ay binitbit na niya ang mga pinamili niya at binirahan ng uwi.
Sasandali pa lang siyang nakakaalis ng tindahan ay nakasunod na sa kanya si Xavier. “Hey, wait,” anitong pinigil pa ang braso niya.
Ipinagpag niya iyon at mabibilis ang mga hakbang na nagpatuloy lang siya sa paglakad.
Nakadistansiya siya rito ngunit bumagal ang paglalakad niya nang makita ang taong grasang si Poying na makakasalubong niya.
Kumaway at ngumiti ito sa kanya. Pilit na pilit naman ang ngiti niya rito ngunit kumaway rin siya. Huwag lang siyang lalapitan nito at kakaripas talaga siya ng takbo.
Mabuti na lang at nilampasan lang siya nito.
“Natakot ka, ano?” kantiyaw sa kanya ni Xavier na nakaagapay na pala sa kanya. “Hindi naman kita pababayaan kung nagkataong may gagawing kalokohan sa 'yo si Poying.”
Hindi siya umimik. Ni hindi niya ito tiningnan. Binirahan na naman niya ng mabilis na lakad.
“Ano ba’ng problema mo?” tila yamot nang tanong nito, nakaagapay rin kaagad sa kanya.
Nilingon niya ito. “Ako, may problema? Wala. Ikaw, may problema ka ba?” she said through gritted teeth.
“Eh, bakit ganyan ka? Para kang galit?”
Binigyan niya ito ng pekeng ngiti. “May galit bang ganito?”
Umiling ito. “Hindi kita ipagpapalit kay Nelly. Masyadong mabait 'yon, eh. Mas bagay sa akin ang isang katulad mong maangas.”
Napanguso siya. “Feeling naman, magkakagusto ako sa kanya.” Nakapasok na sila sa bakuran ay nakaagapay pa rin ito sa kanya. Kamuntik na tuloy silang magkagitgitan sa pinto. Inunahan nga lang niya ito.
“Ayaw pang aminin na pinagseselosan niya si Nelly.”
Ni hindi niya ito nilingon. Binagtas lang niya ang kabahayan.
“'Yang nguso mo, nanghahaba na. Puwede na namang sabitan ng arinola.”
Inilagay lang niya ang bote ng toyo sa kusina, pagkatapos ay lumabas na naman siya. Mas mabuti pang magpalipas na lang siya ng inis sa hammock kaysa makasama ito sa loob.
Ang bruho, hahalik-halik sa akin kanina, 'tapos ngayon mang-iinis na naman. 'Sarap umbagin ang mukha.
Naubos na niya ang Coke ay naiinis pa rin siya. Siguro ay dahil inakala niya kanina na nagkakagusto na nga sa kanya si Xavier. She felt something from his kiss. It wasn’t a kiss made out of lust. Puno ng respeto at pagsuyo ang halik nito sa kanya. May pahaplus-haplos pa ito sa ulo niya na animo babasaging kristal siya kung ituring nito. Ngunit wala pang limang oras ang lumilipas ay nakikipagbolahan na ito sa ibang babae.
Pinunasan niya ng daliri ang sulok ng mga mata niya. Naiiyak na pala siya sa inis. Frustrated lang siguro siya dahil nag-e-expect na siya mula kay Xavier.
Ganoon naman talaga ang mga babae. Kapag nahalikan na ito ng lalaki ay inaasahan na ang exclusivity nila sa isa’t isa.
“I wasn’t being unfaithful to you...”
Napabaling siya sa kabila. Nakatayo na pala si Xavier sa tabi ng duyan.
“Mahirap lang kami noon pero maraming values ang naituro sa akin ng mga magulang ko. Hindi ko tatalikuran ang mga iyon. Lalo na ngayon.”
Hindi siya umimik. Tumingin lang siya sa langit.
“Masayahin lang ako at palakaibigan, Alexis. Palabiro ako—”
“Palaasar, palatukso,” agaw niya sa sasabihin nito, saka ngumuso.
“Palaasar nga ako pero sa 'yo lang. Hindi ka cute pero gustung-gusto kong nakikita na naiinis ka kapag inaasar kita.”
Napatingin uli siya rito. Nakangiti na naman ito nang pilyo. Gusto na naman tuloy umusok ng bumbunan niya sa inis.
“At siguro, hindi mo na natatandaan pero nagkita na tayo minsan.”
Pairap pa rin na tumingin siya rito. Tsini-chika lang ba siya nito? Dahil sigurado siya na ngayon lang niya nakita ang mukhang iyon. Malituhin lang siya minsan, pero hindi pa naman siya malilimutin.
Nang tila mangawit ay tumabi na ito sa kanya sa duyan. Nagkumahog naman siyang bumangon ngunit pinigilan din agad siya nito. “Relax. Hindi kita hahalikan ngayon. Sigurado kasing mananapak ka na.”
Intrimitido talaga!
“I was ten when I first saw you. At ikaw, siguro mga six years old lang noon. Naglalaro ako ng trumpo sa plaza noon nang lumapit ka. Ang ganda pa nga ng ayos mo. Para kang ipanreregalo. May malaking ribbon sa harapan ng red dress mo...”
Nanlalaki ang mga matang napatingin siya rito. Para ngang natatandaan niya ang insidenteng sinasabi nito. Pero malabo na sa isip niya ang pangyayaring iyon.
“Noon pa lang, maangas ka na. Tinapak-tapakan mo ang mga trumpo ko nang sabihin ko na ayaw kitang turuan. Kasi nga, bata ka pa at babae pa. Ang nipis-nipis pa ng balat mo, ang kinis-kinis.
“Natatandaan ko na tinawag kang ‘Alexis’ ng isang babae. Nang mag-dinner tayo sa bahay ni Ymago, nakita ko uli ang babaeng iyon. Siya ang mommy mo. Hindi gaanong nagbago ang mukha niya. Kaya nakatiyak ako na ikaw rin ang batang iyon noon.”
“Ang tagal na n’on pero natandaan mo pa?”
“Kasi yata, may pagkamangkukulam ka. Hindi mawala sa isip ko ang ayos mo. Nagwi-wish nga ako noon na sana makita uli kita.”
“You mean, nagandahan ka na sa akin noon kaya gusto mo akong makita uli?”
Pasulimpat na tiningnan siya nito. “Hindi, ah. Gusto lang kitang makita uli para makaganti sa 'yo. Ikaw ang dahilan kung bakit madalas na akong tuksuhin ng mga kalaro ko mula noon. Ipinagsigawan mo sa plaza na bingot ako.”
Ngek! Akala pa naman niya ay nagandahan ito sa kanya dahil maraming nagsasabi na mas maganda siya noong bata pa siya. “Pero wala ka namang bingot ngayon.”
“May cleft lip talaga ako noong bata pa ako. Naipaopera lang nang magkaroon ng libreng operasyon ng mga may bingot sa lugar namin. Nang lumaki na ako at manalo sa lotto ang tatay ko, ipina-cosmetic surgery ito ng nanay ko.”
“Nanalo kayo sa lotto?”
“Oo. Jackpot price ang nakuha ng tatay ko noong kinse anyos pa lang ako. Kaya lang, nakainggitan siya sa lugar namin. Hinoldap siya at napatay. Kaunting pera lang naman ang nakuha sa kanya pero tinuluyan pa rin siya ng mga nangholdap.
“Dinamdam iyon nang husto ng nanay ko. Nag-decide siya na mangibang-bayan na lang kami. Pero hindi pa man kami nakakaalis sa lugar na iyon, naaksidente ang kotseng sinasakyan niya. 'Yon, tulad ng tatay ko, nawala rin siya sa akin. May mga nagsabing may sumalbahe sa kotse niya kaya iyon naaksidente. Mahirap nga lang patunayan dahil walang makuhang testigo. Kaya itinuloy ko na lang ang pag-alis sa lugar na iyon. Since then, I lived on my own.”
“Ang saklap naman pala ng sinapit ng pamilya mo.”
“Oo. At kapag naaalala ko, binibigyan ko na lang ng konsuwelo ang sarili ko. Na kaya nawala noon ang parents ko, dahil oras na talaga nila. Hindi nga lang laging effective ang pagkokonsola ko sa sarili ko. Dahil hanggang ngayon, nami-miss ko pa rin sila. May mga pagkakataon pa rin, lalo na kapag nalulungkot ako, na naiisip kong sana ay nanatili na lang kaming mahirap tulad noon. Baka hanggang ngayon, magkakasama pa rin kami ng parents ko.”
“Wala kang kapatid?”
“Wala.”
“Bakit mo ikinukuwento sa akin ang mga 'yan?”
Nakakunot-noong tiningnan siya nito. “Don’t tell me hindi mo nakuha kung bakit?”
Clueless na tumingin siya rito. Ano ba ang dapat niyang ma-gets sa sinabi nito?
“Pambihira. Todo na ang confession ko sa iyo ng mga bagay na hindi ko nasasabi sa iba, 'tapos wala ka pa ring idea kung bakit.”
“Bakit ba kasi kailangan ko pang hulaan? Sabihin mo na lang sa akin kung bakit.”
Bumangon na ito. “Ewan ko sa 'yo. Hindi lang pala sa Math at Science ka mahina. Pati rin pala sa logic.” Iniwan na siya nito roon.
Tingnan mo nga ang asal ng bruhong ito. Siya pa ang may ganang maasar!
COOL na cool lang si Xavier gayong hindi pa nila naiisip kung ano ang kahulugan ng panlimang puzzle piece. Gabi na noon. Ayon sa clue ay gabi lamang nila malalaman ang sagot sa natitirang piraso upang mabuo na ang puzzle. Gusto sana ni Alexis na tanungin ito ngunit pinangangatawanan nito ang hindi pagpansin sa kanya. Kaya inatupag na lang niya ang pakikipag-text sa lahat na yata ng pangalan sa phone book ng kanyang cell phone.
Bago naman mangalay ang daliri niya sa kakatipa sa keypad ay nilapitan din siya nito sa wakas. “Magsuot ka ng jacket,” utos nito. “Lalabas tayo.”
“Saan tayo pupunta?”
“Diyan lang sa labas.”
Tiningnan niya ang ayos niya. Simpleng baby tee at cargo shorts lang ang suot niya. Puwede na iyon kung sa labas lang naman sila. “Hindi na. Okay na 'to. Diyan lang naman pala, eh.”
Napailing ito ngunit hindi na umimik.
Paglabas nila ng bahay, saka niya naramdaman ang lamig ng gabi. Pasimpleng humalukipkip siya. Si Xavier naman ay nagtungo sa dulo ng pole na pinagtalian nito ng isang dulo ng hammock.
“Pakiilawan nitong thermometer,” sabi nito nang lumapit.
Itinuon nga niya ang lente ng kanyang cell phone sa hawak nito. “Temperature ang measurement ng huling puzzle piece?”
“Oo. Twenty-two degrees Celcius.” Ipinagpag nito ang thermometer at muling ibinalik sa pole. Nang muling bumalik ito sa tabi niya ay hinubad nito ang jacket na suot at ibinalabal sa kanya.
Isang mahinang “thank you” lamang ang nasabi niya. He had proven his point but he did not taunt her. Naninibago yata siya sa kumag na ito.
Naiwan sa jacket nito ang init ng katawan nito. At gusto niya ang masculine scent niyon. Hinapit niya ang jacket. Naibigan niya ang pakiramdam na iyon. Para na rin siyang yakap nito.
She chided herself. Kanina lang ay inis na inis siya rito.
Pagkaraan ng mahigit dalawang minuto ay muli na namang kinuha ni Xavier ang thermometer. Twenty-two degrees pa rin ang reading niyon. Bumalik na sila sa loob.
Pagdating doon, hinarap kaagad nito ang pagsusuma ng mga puzzle pieces na nakuha nila sa loob ng apat na araw. “One hundred nineteen point forty-nine.”
“Hindi sakto sa hundreds,” aniya.
“Oo nga. Kaya may mali sa puzzle pieces na nakuha natin.”
“Alin naman doon?”
“Malamang 'yong una, 'yong nine point forty-nine. Pero talagang iyon ang sukat n’on. Inulit ko pa nga. At sumakto naman lahat ng Hardiflex na nailagay natin.”
Binasa uli nila ang clue sa puzzle piece na iyon. “Nine point forty-nine is your clue to a perfect home.”
“I get it. Nine point forty-nine is just a clue to the clue. Hindi iyon ang sagot. For sure, hindi ilalagay ni Ymago ang sagot sa kanyang clue.”
“So, ano ngayon ang nire-represent ng nine point forty-nine?”
“I guess para din itong sukat ng board foot ng mga kahoy. Nawala sa isip ko na hindi lang ang isang side ng bahay ang sinukat ko kundi ang kabuuan nito. So dapat, hinanap pala natin ang sukat ng area. That is length multiplied by width.” Hiniram nito ang cell phone niya at nagpipindot doon. “Ninety point zero six ang sagot. At kapag ni-round off natin, magiging ninety square meters. So ninety plus five plus eighty plus three plus twenty-two equals... two hundred!”
“Sakto na,” nasisiyahang sabi niya. “Two ang sagot sa blangko ng puzzle ni Ymago. We did it!”
“Yup! We did it!” At sa kanyang pagkabigla ay bigla na lang siyang binuhat nito at isinayaw-sayaw.
...................
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro