3. Puzzle
Namimitig na ang mga ugat sa mga paa ni Alexis ay hindi pa rin dumarating si Xavier. Nang nagdaang gabi bago sila maghiwa-hiwalay, binilinan siya nito na kailangang eksaktong alas-singko ng umaga ay naroon na siya sa harap ng gate nila. Iiwan daw siya nito kapag nahuli siya kahit isang minuto.
“Pero ngayon, siya naman ang late,” nagmamaktol na bulong niya.
Sa pagitan nina Xavier at Ymago mas gusto pa niya ang ugali ng huli. Dahil nang gabi ring iyon niya natuklasan na dalawa lang ang reaksiyong makukuha niya kay Xavier, ang manahimik at magsungit.
Mayamaya ay bumukas ang pedestrian gate nila at sumungaw roon ang kanyang ina. “Ano’ng ginagawa mo diyan, Alexis? Napakaaga pa, ah. Mag-almusal ka muna.”
“Five fifteen na, Mommy. Late na nga si Xavier. Alas-singko ang usapan namin.”
“Anong five fifteen? Alas-kuwatro kinse pa lang. Tingnan mo nga, napakadilim pa.”
Napadilat siya at tiningnan uli ang suot na relo sa liwanag ng lamppost. Alas-kuwatro kinse nga ang oras doon. Nagkamali lang marahil siya ng tingin kanina sa pag-aalalang ma-late sa usapan nila ni Xavier.
Kulang na lang sikaran niya ang sarili. Sayang tuloy ang isang oras na itutulog pa sana niya. Nagdadabog na bumalik na lang siya sa loob. Naiinis pa rin siya habang nag-aalmusal. Hindi pa sumisikat ang araw, naiimbiyerna na siya.
“Pasensiya ka na, anak,” malungkot na sabi nito habang nakadulog siya sa mesa. “Wala akong maisip na ibang paraan para malutas ang problema natin sa bangko. Tinawagan ko kahapon si Winona pero maid pa rin ang sumagot. Umuwi nga raw doon ang pinsan mo pero isang araw lang. Pagdating daw ni Kestrel nagpunta naman silang mag-anak sa Singapore. Kaya hindi ako nakahiram ng pera sa kanya.
“Kung maso-solve ninyo ni Xavier Escuadro ang puzzle, para na ring inihain na lang sa atin ang bahay at lupang ito. Kaya sana, pagtiisan mo na lang ang mga hirap na haharapin n’yo sa paglutas nito. Hindi ako humihinto sa pagdarasal para maresolba ang mga problema natin.”
Nabaghan naman siya sa sinabi ng ina. Hindi ito ganito dati. Noon, kapag pinagdadabugan niya ito ay dinadakdakan siya. At siya palagi ang talo sa mga away nila.
Dapat nga yatang pati siya magbago na rin, dahil inaabot na sila ng kamalasan. Parusa yata ito ng Diyos sa kanila sa pang-aapi nila noon kay Winona. At sa kapangitan ng mga ugali nila.
Paglabas uli niya sa gate nila ay siya namang pagdating ni Xavier. Sakay ito ng isang itim na Ford F150. Isang impersonal na “good morning” lang ang ipinambati nito sa kanya. Hindi na iyon nasundan ng kahit na anong salita habang bumibiyahe sila. Pati ang bagahe niya ay mag-isa niyang isinakay sa backseat. Hindi man lang ito nag-alok kahit pabalat-bunga na tulungan siya.
Wala pang traffic sa daan. Palibhasa ay maaga pa. Kung nakadarama man siya ng pagkainip, iyon ay dahil lang sa hindi nagsasalita ang katabi niya. Wala naman siyang maisip na topic para pag-usapan nila. At palibhasa kulang pa ang tulog niya, hindi pa sila pumapasok sa NLEX ay nakatulog na siya.
Nasa kasarapan ang tulog niya nang yugyugin siya nito sa balikat. “Gumising ka na,” sabi nito. “Ikaw naman ang mag-drive. Pag-aaralan ko ang clue sa puzzle.”
Nag-iinat na napatingin siya sa labas ng sasakyan. Nasa Pampanga na pala sila.
Inihinto nito ang sasakyan sa asphalt shoulder ng daan. Nagpalit sila ng puwesto nito. “Paandarin mo na,” utos nito nang nanatili siyang nakaharap lang sa manibela.
“Naiihi ako.”
“Wala kang iihian dito,” halatang naiinip na sabi nito. “Lumampas na tayo sa mga lugar na may restroom. Tulog ka kasi nang tulog.”
Tumingin uli siya sa paligid. Naghahanap siya ng commercial establishment na sa palagay niya ay may restroom. Nang wala siyang makita ay pinausad na niya ang pickup truck.
Hanggang sa makarating na sila sa intersection na may bantayog ng World War II heroes ay wala pa rin siyang makitang puwedeng ihian. Dumalang na ang mga bahay sa dinaraanan nila. Hanggang sa maging pulos puno na lang ang nakikita niya.
Hirap na hirap na siya sa pagpipigil na mapaihi. Si Xavier naman ay walang pakialam na nakatingin pa rin sa papel na ibinigay rito ni Ymago nang nagdaang gabi.
Naiinis na naman tuloy siya. Hindi siya sanay na masalang sa ganitong predikamente.
Natuwa siya nang mapadaan sila sa isang nature park. May mahabang linya sa harap niyon ng mga karinderya na marahil ay madalas na hintuan ng mga motorista at biyahero. Tiyak na may restroom doon. Itinabi niya ang sasakyan.
“Bakit tayo huminto?” tanong ni Xavier na noon lang nag-angat ng tingin mula sa pag-aaral na ginagawa nito sa hawak na papel.
“Naiihi na talaga ako.” Bumaba na si Alexis at nagtanong sa unang babaeng nakita niya roon. “Saan po dito ang CR?”
Itinuro sa kanya ng babae ang isang maliit na portalet. Out of order daw ang CR doon kaya iyon muna ang ginagamit para sa tawag ng kalikasan.
Nang buksan naman niya ang portalet ay kamuntik na siyang mahimatay sa baho. Kandaduwal na bumalik kaagad siya sa pickup truck.
“Ang bilis mong umihi, ah.”
“Hindi ako nakaihi. Sobrang baho at dumi ng portalet,” nakasimangot na sagot niya kay Xavier. Nang muli niyang paandarin ang sasakyan ay halos lumipad iyon sa bilis. Panay pa rin ang hanap niya ng restroom sa daan.
Hindi nagtagal at pinaliko siya ni Xavier sa isang maluwang na highway. Lalo nang wala siyang makitang restroom doon dahil pulos puno na ang dinaraanan nila. Butil-butil ang pawis niya kahit malamig ang aircon ng sasakyan.
Wala pang dalawang minuto pagkatapos nilang lumiko ay muli niyang inihinto ang sasakyan sa daan.
“Walang restroom dito.”
Hindi na niya inintindi ang sinasabi ni Xavier. Iihi siya kahit sa gilid na lang ng puno.
Nang makakubli siya ay ibinaba kaagad niya ang suot niyang jeans. Nakasambit siya ng pasasalamat nang magsimula na siyang ma-relieve.
“You forgot to bring this.”
Hindi niya alam kung paanong kubli ang gagawin niya nang makita niya si Xavier na nakalapit na at iniaabot sa kanya ang tissue na nasa box. “Bumalik ka na ro’n,” asik niya rito pagkakuha sa kahon.
“Ikaw na nga ang ginawan ng pabor, ikaw pa ang galit.”
“Where are your manners?” bulyaw naman niya rito. “Alam mo na ngang—”
Tinalikuran na siya ni Xavier ngunit bago iyon ay nakita muna niya ang nang-iinis na ngisi nito.
“Bastos!”
“Mabuti na lang at walang tao sa lugar na ito,” nang-iinis na sabi pa sa kanya nito nang makabalik siya sa pickup truck. “Walang magsusumbong sa DENR kapag namatay ang punong inihian mo.”
Masungit na inirapan niya ito. “Antipatiko!” Akala niya ay tatahi-tahimik lang ito at palaging seryoso. May pagkabuskador din pala ito. To think na na-crush-an pa naman kaagad niya ito. Yuck!
Walang babalang inagaw niya rito ang papel ng clue. Pagkatapos ay bumaba siya ng sasakyan.
“Hoy! Ano’ng gagawin mo diyan? Baka ilipad lang ng hangin 'yan, mawala pa. Ibalik mo sa akin 'yan.”
Umikot lang naman siya at pumuwesto sa gilid ng passenger seat. “Ikaw na ang mag-drive. Ako naman ang titingin dito sa clue.”
Napilitan nga itong muling magmaneho.
Mabagal na binasa niya ang clue na nakasulat sa papel. “Blank zero-zero is equal to the five puzzle pieces you have to find out before you come up with this number.” Tumingin siya kay Xavier. Seryoso na naman ang hitsura nito. “Ang gulo naman ng clue na ito. Ano sa palagay mo?”
“Hindi naman magulo, ah. Iyan na nga ang pinakamalinaw na clue sa mga puzzles na naibigay sa akin ni Ymago. Nakapag-solve ka na ba dati ng puzzle o pulos pagpapaganda lang ang alam mo?”
Hindi kaagad siya nakaimik. Wala siyang hilig sa mga puzzle. Nakakahiya mang aminin ay below average lang ang IQ niya noong nag-aaral pa siya. Iyon din siguro ang dahilan kung bakit hirap siyang matanggap sa trabaho maliban sa pagmomodelo. “Basahin mo nga uli. 'Di ba nga nakalagay na kailangan munang mahanap 'yong anim na puzzle pieces bago mo makuha kung ano 'yong blank zero-zero diyan? Nasaan naman ang clue diyan, eh, wala naman.”
“'To talaga, ang hina mo,” napapailing pa na sabi nito. “Sinabi mo na nga 'yong clue. Ang blank zero-zero ay sagot kapag pinagsama-sama mo ang limang puzzle pieces. It could be one hundred, two hundred, three hundred, et cetera. Kaya ito ang magiging main guide natin sa pag-solve ng puzzle.”
“Oo na. Matalino ka na,” pasikmat naman na sabi niya. Kung ganito ito nang ganito, malamang na matuyuan siya ng dugo sa loob ng anim na araw.
Noon pa lang siya nakatagpo ng ganitong klaseng lalaki. Sanay siya na palaging nakatatanggap ng pabor sa mga kabaro nito. Mas marami sa mga iyon ang courteous kung hindi man nagpi-flirt o nagpapa-cute sa kanya. Pero sa hudyong ito, walang epekto ang beauty niya.
Hindi kaya bading ito? Itinaboy kaagad niya ang ideyang iyon. Walang malambot sa pagkatao nito.
DISMAYADO si Alexis nang makita ang hitsura ng tutuluyan nila ni Xavier sa loob ng anim na araw nang marating nila ang pakay na lugar, ang Sitio Buenavista. Nasasakop daw iyon ng bayan ng Miranda ayon sa sinabi ni Ymago sa kanila.
Eksaktong seven twenty-five ng umaga ay tumapat ang sinasakyan nila sa isang nababakurang solar. Masasabi lang na bahay ang nakatayo roon dahil sa tiled floor at bubong. May mga bintana rin at pinto. Furnished ang bahay ngunit walang dingding. Ang tanging may dingding doon ay ang toilet and bathroom. Sa isang panig ay may hagdan pa patungo sa bubong ngunit wala namang sahig ang gawa sa bakal na staircases niyon. May nakasalansan na malalapad na kahoy malapit sa hagdan. May mga puting plywood na nakasandal sa isang poste ng bahay.
“Air-conditioned pa pala ang tutuluyan natin,” natatawa at napapailing na komento ni Xavier.
Iningusan niya ito. “Nagagawa mo pang tumawa riyan. May bahay bang ganyan, bukas na bukas? May pinto nga at mga bintana pero wala namang dingding. Paano kung may makapasok ditong bad element habang natutulog tayo? Baka mapahamak pa ako.”
“Ikaw talaga, sarili mo lang ang iniisip mo. Siyempre kapag napahamak ka, mapapahamak din ako. Pero ang sabi sa akin ni Ymago, safe ang lugar na ito. Mababait daw ang mga tao rito.”
“Eh, paano kung ligtas nga tayo sa mga tao pero hindi naman sa mga wild animals?”
“Wala naman tayo sa gubat para magkaroon ng wild animals dito. Halika na. Iayos na natin ang mga gamit natin.” Nagpauna na itong pumasok sa bahay na walang mga dingding.
Hindi man lang siya tinulungan ng bruho na dalhin ang mga gamit niya. Naaasar na hinila niya ang kanyang suitcase bago sumunod dito. Inunahan pa siya nitong pumasok sa banyo.
Kung mayroon mang nakapagpalubag ng loob niya sa bahay na iyon ay ang malambot na kama. Queen-sized nga lang iyon ngunit may canopy at drapes naman. Kahit paano ay may privacy siya kapag natulog.
Pagkatapos ibaba ang suitcase niya malapit sa gilid ng kama ay nagtungo naman siya sa kusina. Naalala niya ang nararamdamang gutom nang makita niyang may natatakpang pinggan ng sapin-sapin sa dining table. Mabilis siyang nagkuskos ng hand sanitizer sa mga kamay niya at nilantakan na niya ang kakanin.
Kalulunok lang niya ng ikalawang subo nang lumapit sa kanya si Xavier. “Kumakain ka na lang basta nang hindi nag-aaya sa kasama mo,” anito, saka kumuha ng sapin-sapin.
“Nasa banyo ka kaya. Inunahan mo nga ako.”
“Bakit? Nakapagbanyo ka naman na doon sa puno, ah.”
Inirapan niya ito. 'Lakas talagang mang-inis ng alaskador na 'to.
Paubos na ang sapin-sapin nang mapansin niya ang nakalitaw na papel sa ilalim ng dahon ng saging na pinagsapinan ng kakanin. Kinuha niya iyon. Na-curious siya nang makitang may nakasulat doon. Hindi pa niya nababasa ang nakalagay sa papel ay inagaw na iyon ni Xavier.
“Nine point forty-nine is your clue for a perfect home,” malakas na bigkas nito sa nakasulat sa papel. “Obviously, ito ang unang clue sa unang puzzle piece.”
“Eh, ano 'yong nine point forty-nine?”
“Ewan ko. Pero kung inilagay ito sa plato ng merienda natin, obviously, gusto agad ni Ymago na masagot ang unang puzzle piece dahil sa time constraint.”
Bigla siyang nakadama ng excitement. “Ibig mong sabihin, may time limit ang pag-solve sa unang puzzle piece?”
“Possibly, yes. Perfect home... perfect home...” tila wala sa sariling sambit ni Xavier. Obviously ay pinipiga na nito ang utak upang maisip kung ano ang kahulugan ng clue.
“Perfect home? Paano magiging perfect home ito, eh, wala ngang dingding?”
His head snapped. Napatitig ito sa kanya na parang sa mukha niya makikita ang sagot. “Tama. Para ito matawag na bahay ay dapat may dingding muna. Ang nine point forty-nine ay malamang na sukat para sa dingding.” Kinuha nito ang cell phone sa bulsa at nagpipindot doon.
“Ite-text mo si Ymago para tanungin?”
“Kapag ginawa ko 'yon, magpaalam ka na sa chance mong mabura ang utang n’yo sa kanya. Narinig mo naman ang sabi niya kagabi. Provided tayo ng mga clues kaya wala tayong dahilan para tanungin siya. Nagkukuwenta lang ako kaya huwag kang tanong nang tanong diyan. Kailangang mag-concentrate ako sa pagso-solve nito. Dahil wala naman akong aasahan sa 'yo.”
“Supladong 'to.” Bubulung-bulong na iniwan niya ito sa komedor.
Bumalik siya sa kama at humilata roon. Inaantok pa siya. Bahala ito na i-solve ang unang puzzle piece. Tutal naman ay ipinamumukha nitong ito ang mas magaling sa kanilang dalawa.
Naiidlip na siya nang gulantangin siya ng maingay na tinig ni Xavier pati na ng malakas na yugyog nito sa balikat niya.
“'Oy, babae, gumising ka diyan at tulungan mo akong lagyan ng dingding ang bahay.”
“Hay, naman,” reklamo niya habang pumipihit sa kabilang panig. “Hindi pa nga ako nakakatulog, nang-iistorbo na.”
“Ang tamad-tamad mo, eh, ikaw naman itong mas nangangailangan na ma-solve ang puzzle na ito.”
“Oo na! Babangon na nga!” pasinghal na sabi niya rito. Busangot ang mukhang sumunod siya rito. “Bakit ba kasi kailangan pang ikaw ang magdingding nito? Puwede ka namang umupa ng tao. Ang laki-laki nito. Paano mo madidingdingan lahat ito?”
“Kapag sinunod ko ang sinasabi mo, madi-disqualify tayo para tapusin ang challenge na ito ni Ymago.”
“Hindi naman niya malalaman kung hindi natin sasabihin.”
“Bakit, sa palagay mo ba, walang hidden camera na nakatutok sa atin dito?”
Napanguso siya. “Grabe naman siya.”
“Besides, hindi magandang ma-solve ang puzzle dahil sa pandaraya. Hindi ba itinuro sa 'yo 'yon ng mga magulang mo?”
Napahiya naman siya. Kahit hindi naituro iyon sa kanya ng kanyang ina ay alam naman niyang hindi nga maganda. Peeo hindi niya dati binibigyan ng halaga ang mga ganoong bagay.
“Hawakan mong mabuti ang kabilang dulo,” utos nito sa kanya. “Baka hindi masentro ang pagpapako ko.” Mabuti na lang at makabagong martilyo ang gamit nito. Parang baril iyon na itatapat lang sa pako at kapag pinindot ay babaon kaagad.
“Ang bigat naman kasi ng plywood na 'to.”
“Hardiflex 'yan, hindi plywood.”
“Whatever.” Nakapagpako na ito ng dalawang piraso ng Hardiflex nang tanungin niya si Xavier. “Sa palagay mo, matatapos natin ito sa maghapon? Eh, ang laki-laki nitong bahay.”
“Hindi nga natin matatapos ito kung puro reklamo lang ang gagawin mo.”
“Saka paano ka naman nakasiguro na ang pagdidingding nito ang sagot sa puzzle?”
“Sinukat ko na ang length nito. Nine point forty-nine meters ang sukat na nakuha ko. Ganoon din ang sukat ng width. Kaya siguradong ito na ang sagot sa clue. Saka nang tingnan ko ang mga Hardiflex, nakahulma na pala pati sa mga bintana at pinto. Kaya hindi na tatabasan, ipapako na lang.”
Hindi na siya umimik. Kahit pala parang imposibleng magawa ang challenge sa puzzle ay attainable naman pala iyon. Iyon nga lang, lubog na ang araw ay nagpapako pa rin si Xavier. Ngunit bago sumapit ang hapunan ay nagawa naman nitong tapusin ang ginagawa. Nabuo ang dingding ng bahay nang araw ding iyon.
Kahit papaano naaawa din naman siya kay Xavier. Tulad ng palagay nito, may time limit nga ang unang puzzle. Isang buong araw ang kailangan para tapusin iyon. Kaya nga hindi na siya nagreklamo nang utusan siya nitong iinit ang mga pagkain na nasa refrigerator para sa kanilang hapunan.
Nagtalo lang uli sila nang sumapit na ang oras ng pagtulog. Inunahan siya nitong mahiga sa kama. Sa sofa siya nito pinatutulog.
“Napaka-ungentleman mo naman,” pintas niya rito. “Ako ang babae, ako dapat ang nasa kama at ikaw na lang sa sofa.”
“Sino ba ang mas pagod sa ating dalawa? Hindi ba ako? Besides, hindi ako kakasya sa sofa. Pero ikaw, kasya roon.”
“Ayoko ngang matulog do’n,” giit pa rin niya.
“Eh, di tumabi ka sa akin kung gusto mo.” Tinapik nito ang katabing espasyo at pumikit na.
“Aba’t tingnan mo nga ang asal ng aswang na ito.” Wala siyang nagawa kundi magtiis sa makitid na sofa. Sumumpa siya na bukas hindi siya mauunahan nito sa pagtulog sa kama.
....................
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro