9. The Act Of Love
Nanatili lang sa loob ng kotse ni Salvador si Robielle habang ikinukuwento ng binata ang mga nangyari sa loob ng mahigit dalawang buwan. Na- realize niya na wala naman palang basehan ang mga pagdududa niya.
“Bakit ka umalis sa isla habang wala ako?” tanong nito pagkatapos magkuwento.
It was useless to deny what she really felt. Nagpakatotoo na lang siya. “Malungkot na sa isla pag-alis mo. Hindi ako makapagtrabaho. Hindi ako makapag-create ng kahit ano. Walang mailabas ang mga kamay ko. Naisip ko na umuwi muna para mawala ang lungkot ko. Kaya lang, hanggang ngayon, malungkot pa rin ako. I still long for you, Salvador. I missed you.”
Dinig niya ang pagsagap nito ng hininga. Ilang sandali muna ang pinaraan nito bago nakapagsalita. And there was a hollow quality in his voice when at last he was able to speak. “Hindi ako marunong magmahal, Robielle. I am an insensitive, easily angered, heartless bastard. I am also a ruthless businessman and an arrogant boss. A lot of people don’t like me. Kung hindi nga lang mataas ang ipinasusuweldo ko sa mga tauhan ko, baka nilayasan na rin ako ng mga 'yon. Mahirap akong pakisamahan. Wala akong tiwala sa kapwa ko. Rapist ang ama ko. Kinamumuhian ako ng ina ko. Ngayon, narinig mo na ang mga dahilan kung bakit pinalalayo kita sa akin. For your own good, Robielle, get away as far as you can from me."
May pumatak sa kandungan ni Robielle. Tumulo na pala ang luha niya. Alam niya na ang pinakamabigat na dahilan ay hindi nito masasabi sa kanya, ang pagiging impotent nito. Paano niya ipaaalam dito na kaya niyang tanggapin kahit ang bagay na iyon?
Sumagap siya ng hangin upang kahit paano paluwagin ang kanyang paghinga. “P-paano ko ididikdik 'yan sa utak ko, Salvador? Paano ako lalayo kung ayaw sumunod ng puso ko? At bakit naman kita lalayuan kung ikaw naman ang matagal ko nang hinahanap?”
“Hindi mo makukuha sa akin ang hinahanap mong pagmamahal.”
“Nagkakamali ka. Hindi ang pagmamahal mo ang pinakaimportante sa akin. Kahit 'yon din sana ang gusto ko. Ang pinakamahalaga naranasan ko na totohanang magmahal. It’s not important if you can’t love me back. Gusto ko lang na hayaan mong mahalin kita.”
“You’re just setting yourself up for a heartbreak.”
“Kahit naman lumayo ako sa 'yo, mawawasak pa rin ang puso ko.”
Tumingin ito sa kanya. Bakas ang magkakahalong pagkamangha, takot at lungkot sa mga mata nito.
“So, from this minute on, I am at your disposal. Take me, Salvador, on whatever terms you want to.”
“Hindi mo alam ang sinasabi mo.”
“Alam ko. At alam ko rin na hindi ako matatahimik kung susundin ko ang sinasabi mo. I’m not a quitter, Salvador.”
“Problema lang at sakit ng loob ang papasukin mo.”
“At sa akala mo, hindi ko alam 'yon? But I’ll take the risk, nevertheless.” Bakit ba ganoon na lang siya kung tanggihan nito? Samantalang ayon sa ex-wife nito ay halos si Salvador pa ang nagboluntaryong pakasalan ito para makatulong daw sa kalagayan ng babae. Hindi kaya mahal naman talaga nito si Andrea?
“Ihahatid na kita sa inyo.”
“Gusto ko munang ibigay mo sa akin ang contact numbers mo sa office, sa bahay at pati na ang cellphone number mo. Otherwise, hindi ako bababa ng kotseng ito hangga’t hindi ko nalalaman kung saan ka nakatira at kung nasaan ang office mo. Aaraw-arawin kong puntahan ka hanggang mapagod kang ipagtabuyan ako.”
Umiling ito.
“You won’t get rid of me that easily.”
“All right.” binuhay na nito ang makina ng kotse. “brace yourself. You stick with me until you can. Tingnan ko lang kung hindi ka rin sumuko sa bandang huli.” Pinaharurot na nito ang sasakyan.
Pinindot naman niya ang speed dial ng kanyang cellphone. “Mommy, hindi ako uuwi ngayon diyan...”
PAGKASARA pa lang ng silid ni Salvador ay yumapos na rito si Robielle. Ala-una na ng madaling-araw. Naroon na sila sa malaking bahay ni Salvador. Wala pa itong sinasabi. Hindi naman siya humihiwalay sa tabi nito buhat nang dumating sila roon. Ang pupungas-pungas na mayordomo ang sumalubong sa kanila. Hindi man lang siya ipinakilala rito ni Salvador.
Ngunit determinado siyang tuparin ang misyon niya sa masungit na lalaki. Kaya ngayon ay narito siya sa silid nito. Siya na ang naglapat ng kanyang mga labi sa bibig nito. Saglit lang niyang tinuksu-tukso ang mga labi nito. Madaling nanumbalik sa kanya kung paano mapatutugon ito sa halik niya.
Hindi naman siya nabigo. Pagkaraan lang ng ilang saglit ay ito na ang kumubkob sa mga labi niya. Sabik na nagpasasa ito sa paghalik sa kanya.
Nang maibsan ang pananabik nila sa isa’t isa ay niyakap niya ito nang mahigpit. “Just let me love you, Salvador. Huwag mo na akong itataboy. I promise I won’t hurt you.”
Isang maalab na halik ang naging ganti nito sa sinabi niya.
Hanggang sa pagtulog ay nakasiksik siya sa katawan nito. Hindi niya inaasahan na may mangyayari sa kanilang dalawa. Hindi naman siya nagmamadali. Wala siyang pressure na ibibigay rito. Alam niya mula sa mga sinabi sa kanya ni Andrea noon na wala itong kakayahang mag-perform ng sexual act. Sapat na sa kanyang malaman na psychological lang ang pagiging impotent nito. Hindi iyon makakabawas sa kanyang pagmamahal kay Salvador. Ang importante ay hindi na ito mag-iisa.
Tanghali na sila nagising kinabukasan. Napamura ito nang makita ang oras sa wristwatch. “Kasalanan mo ito,” masungit na sabi nito sa kanya. “Ang dami ko pa namang dapat asikasuhin sa opisina.”
“Pareho nating kasalanan. Madaling-araw na tayong umuwi. And admit it, masarap ang tulog mo habang katabi ako.” Binigyan niya ito ng isang malambing na ngiti na may kasama pang kindat.
Dumilim ang mukha nito. Pagkatapos ay nagmamadali nang nagtungo sa banyo.
Napakagat-labi siya nang makatalikod ito. Hopeless na nga ba ang ugali nito o palabas na lang ang pagiging masungit nito?
“Brace yourself... Tingnan ko lang kung hindi ka rin sumuko sa bandang huli.”
Napangiti na siya. Sino kaya ang mauunang sumuko sa ating dalawa, Salvador? Umahon na siya sa kama. Ipinaghanda niya ito ng bihisan.
Nang lumabas ito ng banyo ay nakatapi lang ng tuwalya. Napasinghap siya. Palagi niyang nakakalimutan kung gaano ka-sexy ang hubad na katawan nito.
Tinapunan siya nito ng masungit na tingin. Napansin nitong hindi mapuknat ang humahangang tingin niya rito. Pati ang mga inilatag niyang bihisan nito sa kama ay sinulyapan lang nito. Nagtuloy ito sa closet at doon kumuha ng maisusuot.
Gustong maghimagsik ng kalooban ni Robielle. Nasaktan siya. Ngunit kung ginagawa lang nito ang ganoon para siya pasukuin ay hindi siya susuko. Ibinalik niya sa closet ang mga bihisang hindi nito isinuot.
Nang makapagbihis ay lumabas na ng silid si Salvador. Nakasunod siya rito. Sa halip na sa komedor magtungo ay tuluy-tuloy itong lumabas ng bahay.
Humahangos na sumunod pa rin siya rito. “Hindi ka ba muna mag-aalmusal?”
“Hindi na. Ikaw na lang mag-isa ang mag-almusal.”
Nagpa-panic na sumunod pa rin siya. “Pero baka gutumin ka at—” naputol na ang iba pang sasabihin niya nang buksan na nito ang pinto ng kotse.
Napahangos siya. “Salvador, wait!”
“Bakit?” masungit pa rin na baling nito sa kanya.
Nang makalapit siya rito ay tumingkayad siya at pinagsalikop ang kanyang mga kamay sa leeg nito. “Drive safely,” anas niya bago ito halikan sa mga labi. She tasted his lips deliberately slow. Pagkatapos ay binitiwan na niya ito.
Tulala ito pagkatapos niyang halikan. Ganoon na lang ang pagpipigil niyang mapangiti.
Kinawayan pa ito ni Robielle bago lumabas ng bakuran ang kotse. Na hindi naman nito ginantihan.
Pagkaalis nito ay nagpaalam siya sa mayordomo ni Salvador. “Uuwi muna po ako sa amin, Manong Cidro.” Ito na ang nagpakilala kanina nang makaalis si Salvador. Hindi ito masalita ngunit mukha namang mabait ito.
“Mag-almusal po muna kayo, Ma’am. Wala na pong kakain ng ipinaluto ko.”
“‘Robielle’ na lang po ang itawag ninyo sa 'kin.” Pinagbigyan naman niya ang matanda. Mabuti na rin iyon upang mahingan niya ito ng ilang impormasyon. Ngunit mukhang loyal ito kay Salvador. Sinasagot lang nito ang mga tanong niya na inaakala marahil nito na hindi ikagagalit ni Salvador.
Nang makauwi siya sa kanila ay nagpaalam siya sa mommy niya na hindi muna siya uuwi roon. Inusisa naman siya nito. Sinabi na lang niyang kailangan niyang samahan ang isa niyang kaibigan na problemado at nangangailangan ng karamay. Hindi niya sinabi rito kung saan at kung sino iyon. May tiwala ito sa kanya. Palibhasa ay wala naman siyang kabulastugang ginawa noon. Kaya na-guilty siya nang payagan siya nito. Hindi kasi niya alam kung hanggang kailan siya makapagsisinungaling dito.
Hiniram din niya ang lumang kotse ng Kuya Uri niya. Doon niya inilagak ang ilang pirasong damit at mahahalagang gamit niya kasama ang sketch pad at ilang gamit niya sa pagguhit. Hindi niya kailangan ang kotse habang nasa isla siya kaya hindi niya naiisip na bumili niyon. Ngunit ngayon ay mahalaga na may magamit siyang sariling sasakyan.
Pagkagaling sa kanila ay nagtungo siya sa opisina ni Salvador. Dinalhan niya ito ng brunch. Ngunit ayon sa sekretarya na si Melaine ay may kausap pa sa private office si Salvador.
Friendly ang approach niya sa sekretarya at mukha namang nakuha niya ang loob nito. Nagawa niyang alamin mula rito ang schedule ni Salvador nang araw na iyon at sa mga susunod pa. Nalaman din niya na kape lang ang hiningi ni Salvador dito kaninang pagdating doon.
Nang bumukas ang private office ni Salvador ay nakita niyang kasama nitong lumabas doon ang isang guwapong lalaki. Tulad nito ay mukhang executive-looking din ang lalaki batay sa suot na business suit.
Sumalubong kaagad siya kay Salvador. Halatang hindi nito inaasahan na makikita siya roon. Hinagkan niya ito sa pisngi bago pa man ito makaiwas o makapagsalita.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” kunot ang noong sita sa kanya ni Salvador na hindi naman niya sinagot.
“Well, well, well, mukhang tumataas na ang taste mo sa babae, pare,” nakangiting sabi rito ng lalaki.
Halatang napipilitan lang si Salvador nang ipakilala siya sa kasama nito. “TJ, si Robielle, friend ko. Robielle, si TJ Aguila, kaibigan at business associate ko.”
Medyo pabirong nandilat ang mga mata ng lalaki sa pakilala rito sa kanya ni Salvador.
Hindi naman niya pinalampas iyon. “'Nice meeting you, TJ. And he’s right. I’m his friend, a kissing friend.”
Malakas ang naging tawa ni TJ. Sumungit naman ang mukha ni Salvador.
At dahil nag-e-enjoy pa siya sa eksenang iyon ay dinagdagan pa niya ang ipagmamaktol ni Salvador. “Nagdala ako ng brunch, honey.” Binalingan niya si TJ. “Tanghali na kaming nagising kanina kaya hindi na nakapag-almusal ang isang ito. I hope tapos na ang meeting n’yo. I have to feed this beast. Sumusungit ito kapag gutom.” Habang sinasabi iyon ay ikinakawit naman ang braso niya sa baywang ni Salvador.
“Of course. By all means. I mean, wala na kaming meeting. He’s all yours,” hindi magkandatutong sabi ni TJ. “Ahm, it’s a pleasure meeting you, Robielle.” Iuumang sana nito ang pisngi sa kanya ngunit iniabot na niya ang kanyang palad dito.
“Seloso,” aniya kay TJ, sabay turo kay Salvador. Natawa na naman si TJ.
Nang makaalis na si TJ ay nagpauna na si Salvador sa private office nito. Kinuha naman niya ang paper bag na pinaglalagyan ng dalang pagkain at sumunod siya rito.
“What was that all about?” masungit na sita ni Salvador pagkasara niya ng pinto.
“Huwag mo na ngang pag-aksayahan ng pagsusungit 'yon,” pambabale-wala lang ni Robielle. “Dinalhan kita ng pagkain. Malapit nang mag-alas-dose pero hindi ka pa rin nag-aalmusal.”
“Robielle, ayokong basta ka na lang sumusulpot dito sa opisina ko—”
“Kung nag-almusal ka kaninang umaga bago ka umalis ng bahay, hindi ako basta na lang susulpot dito,” agaw niya sa sinasabi nito. Sinimulan na niyang ihain sa mesa nito ang laman ng supot. “Come on, mas gusto kong saluhan kang kumain kaysa makipagtalo sa 'yo.”
Hindi na ito nakaimik. Napailing na lang ito at pagkatapos ay naupo na sa swivel chair. Siya naman ay inilipat ang silyang nasa harap ng desk sa tabi nito.
“Bakit ba dito ka pa sisiksik?”
“Ayoko do’n, sumasagi ang paa ko sa desk.”
Tahimik sila habang kumakain. Kahit naman panaka-naka na kumikiskis ang siko niya sa braso nito ay hindi ito lumalayo. Mukhang gutom talaga ito. Naubos nito ang mga pagkaing inihain niya.
“Satisfied?” sarkastikong sabi sa kanya nito nang tapos nang kumain.
“Hindi pa,” sagot naman niya at lumapit nang husto rito. “I forgot to bring dessert. I hope this will do.” Walang seremonyang kinuyumos niya ito ng halik.
Nang tumugon ito ay unti-unti naman niyang inilayo ang kanyang sarili. Hanggang sa bitiwan siya nito. Nakakunot-noo na naman ito nang magkaroon sila ng sapat na distansiya.
“Don’t forget,” malanding sabi niya rito, “if you want more dessert, you know where to find it.” Iniligpit na niya ang kanilang mga pinagkainan.
“Look, Robielle, kung—”
“Ah, ah, I don’t want to argue with you. Lalo na rito sa opisina mo. Alam kong marami ka pang trabaho kaya iiwan na kita.” Bago siya lumabas ng silid ay nilapitan niya ito. Tinamnan niya ng wet kiss ang ibaba ng tainga nito. “Be good...” anas niya. “I love you.” Pagkatapos ay mabilis niyang tinungo ang pinto.
Maluwang ang ngiti niya habang sakay ng elevator na maghahatid sa kanya sa lobby ng office building.
Nagtuloy siya sa isang malaking bookstore. Parang gusto niyang mahiya nang magtungo siya sa section ng mga libro tungkol sa sex. Ngunit habang naiisip niya na hangga’t hindi nagagamot ang impotence ni Salvador ay patuloy siyang itataboy nito, natutunaw naman ang kanyang hiya.
Marami na siyang artikulong na-research sa internet mula nang malaman niya ang erectile dysfunction nito.
Pagkagaling sa bookstore ay bumalik na siya sa bahay ni Salvador. Binasa niya ang libro na dati, ni sa hinagap ay hindi niya pag-aaksayahan ng panahon na bilhin man lang. Nang marinig niya ang mahinang ingay ng sasakyan nito ay dali-dali niyang itinago ang libro.
Tiningnan niya ang oras sa kanyang relo. Mag-aalas-sais pa lang. Samantalang ayon kay Manong Cidro ay alas-nuwebe na ng gabi ang kadalasang uwi nito ng bahay.
Sinalubong niya ito. Nadismaya siya nang makitang may kasama ito. Personal assistant daw ito ni Salvador. Courteous ang lalaki bagaman mukhang hindi palaimik. Sa mga tauhan ni Salvador, ang sekretaryang si Melaine lang ang medyo palasalita. Napansin niya kanina na tumitikom lang ang bibig ng babae kapag kaharap na ang amo nito.
Siguro nga hindi nag-e-exaggerate lang si Salvador nang sabihing arogante ito at magagalitin. Kahit siya ay maraming beses nang napagsungitan nito.
Nagtuloy ang dalawa sa study. May kalahating oras ding nagkulong ang mga ito roon bago lumabas ang personal assistant. May bitbit nang briefcase ito.
Saka naman siya pumasok sa study. Nakasubsob pa rin si Salvador sa paperworks. Hindi man lang ito tumingin kahit nagparamdam na siyang pumasok doon.
“Matagal pa ba 'yan?” Sadyang pinalambing niya ang boses.
“Look, Robielle, ayokong maistorbo,” hindi pa rin tumitingin sa kanya na sabi nito. “May business trip akong pinaghahandaan.”
“Sungit,” bulong niya rito at pagkatapos ay marahang kinagat-kagat ang tainga nito.
Napasagap ito ng hangin. “Robielle—”
“All right, hihintayin kita sa kuwarto.” Iniwan na niya ito.
Treinta minutos muna yata ang dumaan bago niya naramdamang umakyat ito sa hagdan. Patakbong pumasok siya sa banyo. Nagtago siya sa likod ng pinto.
Nang pumasok ito roon at isasara na nito ang pinto ng banyo, nagulat ito nang makita siya. “What the—”
Hinila kaagad niya ang kamay nito patungo sa ilalim ng dutsa. Binuksan niya iyon nang hindi pa natatanggal ang mga damit nila. Kapwa sila nabasa.
“Robielle, ano bang—”
Tinakpan niya ang bibig nito. “Sshh... just undress me, honey...”
Natutulalang sinunod siya nito.
Ang pagsasabay nilang iyon sa paliligo sa banyo ay nagtapos sa kama. She reveled in his touch, burned in his kisses. Pinantayan niya ang alab ng mga haplos nito.
Nakalimutan na niya ang mga nabasa at na-research tungkol sa pinaka-intimate na aktong iyon sa pagitan ng babae at lalaki. She was awed by the intensity of her feelings for this man. Ginawa niya rito kung ano ang idinidikta ng puso niya.
“I love you...” iyon ang paulit-ulit niyang sinasabi rito sa buong panahon ng kanilang pagniniig. At kahit nakadama siya ng kirot nang sa wakas ay mag-isa sila ni Salvador, gusto niyang sumigaw sa labis na saya. Nagawa niya rito ang hindi nagawa ng mga nauna sa kanya.
She was exhausted after their lovemaking. Nakatulog siyang yakap ni Salvador habang dinadampian nito ng halik ang kanyang balikat.
Tanghali na siya nagising kinabukasan. Wala na roon si Salvador. Ayon kay Manong Cidro ay kaaalis lang daw nito papasok sa opisina.
Napangiti siya pagkaalala sa naganap sa kanila nang nagdaang gabi. Dahil yata roon kaya naging inspirado siyang gumuhit. Ngunit pagkaraan ng isang oras ay napilitan na siyang huminto sa ginagawa. Tumawag siya sa paborito niyang fine-dining restaurant at nagpareserba ng mesa roon. Pagkatapos ay naghanda siya para sorpresahin si Salvador.
She donned her sexiest dress na si Kitty pa ang nag-design. Pinatungan lang niya iyon ng bolero upang magmukhang disente. Pagkatapos ay nagtungo na siya sa opisina ni Salvador.
Hindi na yata maalis ang ngiti sa mga labi niya. Kahit sinong makasalubong niya ay nginingitian niya. She was so happy. At may kakaibang excitement sa dibdib niya pagkatapos ng naganap sa kanila ni Salvador.
Pati ang nakatabi niyang babae sa elevator ay nginitian niya. Nasabayan tuloy nito ang kanta sa piped in music. “The look of love is in your eyes...”
Pagbukas ng elevator sa palapag ng opisina ni Salvador ay biglang nabura ang ngiti niya. Parang tinarakan ng pagkarami-raming patalim ang dibdib niya sa nakita. Dahil kayakap ng nakangiting si Salvador ang ex-wife nitong si Andrea.
Hindi na niya nagawang umahon doon. Bago sumara ang pinto ng elevator ay nalingunan pa siya ni Salvador na nakamaang sa mga ito.
...................
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro