4. Alay
Nagising kaagad si Salvador sa unang kahol ni Jagger. Kasama niya itong natutulog sa kanyang silid. Sadyang may makapal na rug itong tinutulugan malapit sa pinto.
Nang masundan ang kahol nito ay napabangon na siya. Binuksan niya ang lampshade na malapit sa ulunan niya.
Muling kumahol ang aso, mas malakas kaysa dati.
“Jagger, ano 'yon?”
Tumahol na ito nang tumahol. Napilitan siyang buksan ang pinto ng silid. Tumakbo naman kaagad ang aso sa front door. Hinawakan niya ito sa isang tainga at inutusang manahimik.
Maingat niyang binuksan ang front door. Nang makalabas siya roon ay naaninag niya ang bulto ng isang taong naglalakad sa bakuran ni Robielle. May malaking balumbon na buhat-buhat ito. Kinabahan siya.
Yumuko siya upang makubli nang husto sa dilim. Humangos siya sa dulo ng terrace na mas malapit sa kabilang bahay. Nang masanay ang mga mata sa dilim, natiyak niya na bulto ng isang tao ang nakapasan sa balikat ng lalaki na parang sako ng bigas. Nasisiguro niya na si Robielle iyon. Walang malay ang dalaga at parang nakagapos ang mga kamay.
Mabilis niyang kinuha sa loob ang kanyang hunting knife at ang night vision goggles na binili niya noon sa iilang pagkakataon na hindi pinag-isipang mabuti ang pagbili.
Isinuot niya iyon at ang rubber sandals, saka maingat na pumanaog. Tama nga ang hinala niya, si Robielle ang dala ng lalaki. Nakabalumbon ang kumot sa katawan nito at ang bibig nito ay binusalan.
Ano’ng gagawin nila kay Robielle? Hindi niya maipaliwanag ang magkahalong galit at takot na sumapuso niya sa naisip na posibilidad.
Malalaki ang hakbang na kokomprontahin na sana niya ang lalaki ngunit nakita niyang may kasama pala ito sa gawing likuran ng beach house ng dalaga. Lalaki rin iyon. Nagtulong ang dalawa upang dalhin si Robielle.
Naging maingat siya sa pagsunod. Hindi niya magawang tumutok sa likuran ng mga ito. Natatakot siyang mapahamak si Robielle kapag nalaman ng dalawang lalaki na may sumusunod sa mga ito. Pihado na may dalang armas ang mga ito. Kung sana lang na baril ang dala niya.
Lumampas sa malawak na clearing ang mga ito. Kinailangan niyang lumigid at magkubli sa malalaking puno upang matiyak na hindi makakahalata ang dalawa na may sumusunod sa mga ito.
Hanggang nang pumasok ang mga ito sa kakahuyan ay nakasunod si Salvador. May dalawampung minuto na yata siyang naglalakad nang pumasok ang mga ito sa tila kuwebang lagusan.
Maliit lang ang lagusang iyon. Sa katunayan, inilapag muna ng mga ito si Robielle sa damuhan. Yumuko nang husto ang isang lalaki upang magkasya sa guwang. Iniabot dito ng isa pa ang walang malay na katawan ng dalaga bago ito makasuot doon. Sumunod siya pagkalipas ng dalawang minuto.
Lalo siyang naging maingat sa pagpasok sa guwang. Namangha siya sa nakita sa loob. Kuweba nga pala iyon na mataas ang ceiling ng loob. Makikita ang ilang formation ng stalactite sa itaas. Malinaw na makikita iyon sa liwanag ng ilang sulo na nakapalibot sa isang tila tronong bato sa isang panig. Sa harap ng trono ay may isang mahabang hewn stone table na kinahihigaan na ngayon ni Robielle.
Oh, God! This must be a cult ceremony. Dahil sa magkabilang panig ng trono ay makikita ang ilang kalalakihan na nakayukod. Napansin niyang gumaya sa mga ito ang dalawang lalaking nagdala kay Robielle. Ang isang lalaki naman na nakaupo sa tronong bato ay nakatingin sa walang malay na dalaga. Wala na ang nakabalumbon na kumot dito. Hantad na ang suot nitong manipis na pantulog.
Kumubli siya sa isang malaking bato na ang unahan ay kakikitaan naman ng mga stalagmites at munting pool ng tubig na parang sanaw lang.
He was torn between the urge to run to get help, and the compulsion to snatch Robielle from the stone table and run the hell out of there. Kung iiwan niya ito roon upang humingi ng tulong ay baka kung ano na ang mangyari dito sa loob ng ilang minutong mawawala siya. Kung itatakas naman niya ito ay baka hindi pa sila nakararating sa bukana ng yungib, tiyak na pinagtulung-tulungan na siya ng mga naroon.
Ano man ang piliin niya ay parehong manganganib nang husto si Robielle.
Tumayo ang lalaki sa trono at nagsimulang mag-chant ng mga salitang hindi niya maunawaan.
Nang matapos ito sa mga sinasabi ay sabay-sabay na nagtayuan ang mga lalaking nasa magkabilang panig ng trono. Kinuha ng mga ito ang mga sulo at nagtira lang ng isa. Pagkatapos ay isa-isa nang naglabasan mula sa yungib ang mga ito. Tanging ang lalaking nakaharap sa kinahihigaan ni Robielle ang natira.
Lalo siyang nagpakasiksik sa pinagkukublihan sa takot na makita siya ng mga iyon. Nang makalabas ang huling lalaki ay sumara ang guwang. Marahil tinakpan iyon ng malaking bato ng mga nagsilabas.
Tahimik na napamura si Salvador. Paano na sila makalalabas doon ni Robielle?
Napakislot siya sa pinagkukublihan nang makitang tila sabik na hinihiklas ng lalaki ang mga butones ng pantulog na suot ni Robielle. Nakalag na nito ang damit na nakabusal sa bibig ng dalaga. Sansaglit siyang namalikmata. Biglang sumingit sa isip niya ang isang pangyayari noon maraming taon na ang nakararaan.
Mukhang maganda na ang pakiramdam ni Rita. Iyon ang laman ng isip ni Salvador habang bumibili siya ng bulaklak sa flower shop na kadikit ng opisina nila.
Mahigit isang linggo na silang kasal ni Rita pero wala pa ring nangyayari sa kanila. Masama raw kasi ang pakiramdam nito. Palagi itong matamlay mula nang ikasal sila. Samantalang noong pinaplano pa lang nila ang kasal ay masiglang-masigla ito. Hands-on ito sa bawat detalye ng preparasyon kahit may kinuha siyang wedding planner.
Siya man ay excited sa kasal nila. First and last girlfriend niya si Rita. At nangyari lamang iyon dahil ito ang gusto ng mama niya na mapangasawa niya. Wala siyang naging karanasan sa babae dahil sa kahigpitan ng kanyang mama. Nag-aaral pa lang siya, isinabak na siya nito sa negosyo na namana nito sa yumaong lolo at lola niya. At sobrang istrikta ng mama niya. Hindi niya masalungat ang mga gusto nito dahil ugali na nitong ipahiya siya sa harap ng ibang tao.
Kaya nga nagulat siya nang ito mismo ang mag-udyok na pakasalan niya si Rita kahit anim na taon ang tanda sa kanya ng babae.
Ngunit habang nalalapit ang kasal nila ay parang unti-unting nawala ang sigla ni Rita. Ilang ulit na niyang sinabihan ito na sasamahan niya itong magpa-check up sa doktor. Pero nagpakatanggi-tanggi ito.
Katwiran ni Rita, katatapos lang ng executive checkup nito. Wala raw itong sakit. Pagod lang daw sa preparasyon ng kasal at bahagi lang ng wedding jitters ang nararanasan nito.
Ngunit kaninang umaga, bago siya umalis ay nakitaan na niya ito ng kasiglahan. Kaya nga naisip niya na sorpresahin ito nang tanghaling iyon. Umuwi siya sa bahay para sabayan itong magtanghalian.
Pagpasok niya sa silid nila, nakita niyang may isang binatilyo na nakahiga sa kama. Wala na ang ibabang saplot nito. Ang mga butones ng polong suot nito na marahil ay school uniform ay mabilis na hinubad ni Rita.
Mabilis niyang ipinilig ang ulo upang mawala ang nakasusuklam na imahe ng alaalang iyon. Kasabay ng pagbangon ng ibayong galit ay sinugod niya ang lalaking nagtatanggal sa mga butones ng damit ni Robielle.
Nabigla ang lalaki nang undayan ni Salvador ng suntok sa panga. Galit na galit siya at sinunud-sunod niya ang pag-atake sa mukha at katawan nito.
Ngunit sadya yatang malakas ang lalaki. Nang makabawi ay ibinagsak nito ang katawan sa kanya. Daig pa niya ang nadaganan ng maso sa buong katawan.
Pinilit niyang makaalis sa pagkakadagan nito. Muli namang bumuwelo ito para daganan uli siya. Parang hindi marunong sumuntok ang lalaki. Buong katawan nito ang ipinang-aatake sa kanya.
Ngunit matatag ang determinasyon niya na maigupo ito. Hindi niya ito tinantanan hangga’t hindi niya nakikitang nalalamog nang husto. Kung maaari nga lang na iunday na niya rito ang hunting knife na dala. Kahit anong laki ng nararamdaman niyang galit, hindi naman niya magagawa na pumatay. Wala nang malay ito nang lubayan niya.
Halos hilahin niya ang katawan makatayo lang. He felt sore everywhere. Daig pa niya ang nakipaglaban sa URCC.
Wala pa ring malay si Robielle. Binuhat niya ito at sinubukang alisin ang batong nakaharang sa guwang. Hindi man lang niya natinag iyon.
Minabuti niyang maghanap na lang ng iba pang lagusan ng yungib. Binitbit niya ang sulo habang pasan sa kabilang balikat si Robielle.
Nakakita naman siya ng ibang lagusan ngunit nakakalito ang lulusutang daan doon. Maraming tila silid doon. Sa isang nilikuan niya nakakita siya ng maraming cobra na nakakulong sa tila hawlang kahoy. Mabilis siyang lumipat sa ibang lagusan. Mahaba iyon at lubhang mababa ang taluktok. Ngawit na ngawit na siya sa pagkakayuko bago niya narating ang dulo ng yungib.
Halos hindi na niya maihakbang ang mga paa sa sakit ng katawan at kapaguran nang makalabas sila roon ni Robielle. Ngunit delikado pa rin na manatili sila roon. Iinut-inot na pinilit niyang makauwi sa beach house. Nang makarating sila sa bahay ay inilagak na lang niya si Robielle sa kama niya. Hindi na niya nakuhang magpalit ng marungis na damit. Hindi na niya nagawang bumangon pa nang ibagsak niya sa tabi nito ang patang katawan upang sandali sanang mag-pahinga. Tuluyan na siyang nakatulog sa ganoong ayos.
NAGISING si Robielle sa kung anong ingay. Hindi muna niya idinilat ang kanyang mga mata. Antok na antok pa siya. Nang muli niyang marinig ang ingit ay napadilat na siya. Madilim pa nga. Tanging ang mahinhin na liwanag na nagmumula sa overnight lamp ang tumatanglaw sa silid.
Mabilis na nanumbalik sa isip niya ang nangyari kagabi. May lalaking sumuntok sa sikmura niya at nawalan siya ng malay. Nanaginip lang ba siya at hindi iyon totoong nangyari?
Narinig niya muli ang ingit. Nakita niya malapit sa kanyang paanan ang isang aso. Paanong nagkaroon ng aso sa kuwarto ko?
Tumihaya siya ng higa mula sa pagkakatagilid. Nakapa niya na nakalas ang mga butones sa harapan ng pantulog niya. Saka lang niya natanto na hindi niya silid ang kinaroroonan niya. At ang malaking bulto ni Salvador ang bumulaga sa kanyang tabi. Napatili siya, sabay balikwas ng bangon.
“Hey! Hey, shut up!” may karugtong pang mura na bumalikwas din ng bangon ito. Napangiwi kaagad ito na tila nasaktan.
Nakamaang na lang si Robielle dito nang mahinto siya sa pagtili, yakap ang nakabuyangyang na dibdib niya. Hindi niya alam kung ano ang iisipin. Halu-halo sa nalilitong utak niya ang natatandaan niyang huling nangyari nang nagdaang gabi bago siya nawalan ng malay; ang dahilan kung paano siya napunta sa isang silid na hindi sa kanya; ang posibilidad na nasamantala siya ni Salvador.
“Tulog pa ang lahat pati mga anghel sa langit pero kung makatili ka, daig mo pa ang na-trap sa sunog,” nayayamot na wika ni Salvador sa kanya, maaligasgas pa ang boses. Binuhay nito ang lampshade sa ulunan.
“Paano ako napunta dito? Ano’ng ginawa mo sa akin?”
“Wala akong ginawang masama sa 'yo. Tinulungan lang kita.”
“Anong tinulungan? Ang natatandaan ko, may lalaking pumasok sa kuwarto ko at sinikmuraan ako. At pagkatapos ngayong magising ako, ikaw na ang katabi ko rito. Ano sa palagay mo ang unang iisipin ko?”
Nanlaki ang mga mata nito. Kung may natitira mang antok ito ay tiyak na napalis na iyon. “Ako pa ang pinagbibintangan mong sumikmura sa 'yo?” Muli, may karugtong na namang mura iyon.
“Okay, ipagpalagay na nga na hindi ikaw ang lalaking 'yon, eh, sino 'yon? At paano ako napunta dito sa bahay mo? Paano ako napunta dito sa kama mo na magkatabi tayong natulog at tanggal ang lahat ng butones ng pantulog ko?” Halos maiyak na siya sa mga posibilidad na nagsasalimbayan sa utak niya. Pakapang ibinutones niya ang harapan ng kanyang suot.
“Alam mo, kung ano man 'yang pagdududa sa isip mo, kalimutan mo na dahil maling-mali ka. Ako ang pinakahuling lalaki na manre-rape sa 'yo.”
Hindi niya alam kung mapapanatag o madidismaya sa sinabi nito.
Isinalaysay na nito ang lahat ng nangyari pagkatapos siyang mawalan ng malay kagabi.
“Ibig mong sabihin, ang mga iyon din ang naglagay ng mga ahas sa bahay ko?” hindi makapaniwalang tanong niya kay Salvador nang matapos itong magkuwento.
“There’s a big possibility, yes.”
Lalong nayakap niya ang kanyang sarili. “Diyos ko! Ang tagal-tagal ko na rito pero kahit minsan, wala akong nabalitaan na may ganoong klase ng kulto sa islang ito.”
“Hindi nga rin ako makapaniwala sa mga nakita ko doon sa cave na pinagdalhan sa 'yo.”
“S-sigurado ka na wala—I mean, hindi ka nahuli ng dating? Hindi ba talaga ako napagsamantalahan ng lalaking 'yon?” Kinikilabutan siya sa pagkasukal ng kalooban niya kung sakaling totoo ang takot niya.
“Hindi. Mabuti nga, hinayaan kayong magsolo roon n’ong ibang mga kasama niya. Kung hindi, pababayaan ko na lang na papakin ka ng lalaking iyon.”
Nasuntok niya ang braso nito sa pagkainis.
“Aray!” masungit na daing naman nito na tila totoong nasaktan kahit mahina lang naman ang suntok niya. “Ito pa ang igaganti mo sa akin pagkatapos kong pulbusin ng leader ng kultong 'yon? Daig ko pa ang nakipag-wrestling kay Batista sa tindi ng bugbog niya sa akin kagabi, ah. 'Tapos ang bigat-bigat mo pa. Dapat nga, ginagamot mo ako ngayon imbes na dagdagan mo ang mga pasa ko sa katawan.”
“Oo na, nagpapasalamat na ako sa ginawa mo.” Totoo naman iyon sa loob niya. Kung hindi sa kunsumidong lalaking ito, baka na-rape at napatay pa siya ng leader ng kultong iyon.
“Para namang labas sa ilong 'yang pagpapasalamat mo.”
“Eh, kasi naman...”
“O, bakit natigilan ka diyan?”
“Salvador, ano nga kaya ang dahilan at ako pa ang napiling kunin ng mga 'yon?”
“Malay ko. Iilang araw pa lang ako dito sa isla. Kanina ko nga lang nalaman na may gano’ng mga tao rito. Ikaw dapat ang nakakaalam niyan. May ginawa ka bang kahit ano para maisip ng mga iyon na iregalo ka sa pinuno nila?”
“Wala. Ano naman ang gagawin ko? Hindi nga ako napupunta sa banda roon. Hindi ko pa nae-explore ang lugar ng mga natives sa islang ito. Dito lang ako lagi sa beachfront. Kung napupunta man ako sa kabilang side ng isla, nakikipagngitian lang ako sa mga nakakasalubong kong natives kapag bumabati sila. At kung umaalis naman ako, sa ferry ni Mang Fil lang ako sumasakay. Besides, wala pang insidenteng nabalita rito ng tulad ng ginawa ng mga taong 'yon sa akin.”
“Well, I guess we have no choice but to report it to the authorities first thing in the morning.” Tumingin ito sa wristwatch na nasa side table. “Mag-aalas-tres pa lang ng madaling-araw.”
“Uuwi na pala ako sa bahay ko.”
“Suit yourself.” Kumumpas pa si Salvador na parang ipinamumukha sa kanya na kanina pa siya nakakaistorbo. “Ang kumot mo,” habol pa nito nang makaahon na siya sa kama.
Kinuha nga niya iyon. Nang nasa pinto na siya ay pumihit siya paharap dito. “Eh, Salvador, puwede mo ba akong samahan sa bahay? Parang hindi ko yata kayang bumalik na mag-isa doon ngayon. Paano kung nandon na naman 'yong kumuha sa akin?”
“Robielle, naman, wala pa akong naitutulog. Saka walang kriminal na uulit agad sa ginawang krimen pagkatapos na mabisto ito. Sige na, buksan mo na lang lahat ng ilaw sa bahay mo.”
Tingnan mo ang asal ng antipatikong ito. Nang magsabog yata ang langit ng pagka-gentleman, wala man lang nasalo ito kahit kapiranggot. “Natulungan mo na rin lang ako, lubus-lubusin mo na. Sige na naman o, samahan mo na ako. Kahit doon ka na matulog sa spare room sa bahay ko.”
Sa halip na kumilos ito upang sundin ang ipinakikiusap niya ay nahiga uli patalikod sa gawi niya. Kinuha nito ang inunan niya kanina at itinakip iyon sa tainga nito.
Inis na bumalik si Robielle sa kama at hinablot dito ang unan na iyon. Ibinalik niya iyon sa kabilang panig at pagkatapos ay padabog siyang nahiga uli.
Napabalikwas na naman ito ng bangon. “Ano’ng ginagawa mo?” madilim ang mukhang sita nito sa kanya.
“Sumusumpa ka ba na totoo ang sinabi mo kanina na ikaw ang pinakahuling lalaki na manre-rape sa akin?”
Lalong sumama ang mukha nito. “Anong kalokohan na naman ba ang naisip mo?”
“Kung ayaw mo akong samahan sa bahay ko, dito na lang ako matutulog hanggang mag-umaga.”
“You do that and I won’t be responsible for my actions. Oo nga at walang-wala sa isip kong rape-in ka. Pero effective lang ang sinabi kong iyon sa araw at sa gabi. Ibang usapan na kapag ganitong madaling-araw.”
...................
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro